Hindi ko alam kung kaninong powerpoint ko nabasa na ang mga titser daw ay parang kandila. Ginoogle ko siyempre kung ano ang eksaktong paglalarawan kung bakit naging kandila ang mga titser. Heto ang na-google ko: "A good teacher is like a candle - it consumes itself to light the way for others." galing dito: http://www.quotegarden.com/teacher-apprec.html. Hindi daw alam kung sino ang may-akda ng kasabihang iyan.
Ayoko ng pang-"Maalaala Mo Kaya" na kuwento. Malungkutin ako. Pero siyempre, hindi maiiwasang kapag usaping titser na, tumatagos sa dibdib ko ang kuwento kahit ayokong pakinggan.
Hindi natupad ng nanay ko ang pangarap niyang maging titser. Natupad ito sa Mamang Binong, ang kapatid na bunso ni Nanay. Maestrong Binong o Maestrong Danal ang tawag kay Mamang Binong sa Obando. Tawag na hindi ko ma-reconcile sa hitsura niya kapag nalalasing. Laging lasing ang Mamang Binong. Ngayon retirado na siyang guro pero aktibo pa rin sa pagtoma. Ang Mamang Binong ang kaisa-isang nakatapos sa magkakapatid.
Titser ang ate at ditse ko. Ang ate, dating titser sa public school sa Obando. Ngayon, titser sa isang iskuwelahan sa UAE. Ayaw ng ate kong maging titser. Gusto niyang maging journalist dati. Ang ditse, titser hanggang ngayon ng mga mag-eelementaraya sa isang paaralang pamparokya sa Valenzuela. Titser ang mga kamag-anak ko sa ama. Siya ang nagmana ng pangarap ni Nanay. Ang ditse, titser na kahit noong titser-titseran ang laro namin.
Titser ang aking asawa. Pangarap na niya ito mula nang maging titser sa hayskul ang paborito niyang titser of all time. Kaiskwela ko siya dati sa Normal. Sa Normal din nagtapos ang Mamang Binong, ang ate at ditse ko, at mga pinsan ko sa ama. Dapat bigyan na kami ng medalya ng Normal.
Natural na marami akong kaibigang titser. Ito marahil ang dahilan kaya emo ako kapag usaping titser na. Kaya ayokong manood ng mga tearjerker na tungkol sa titser.
Hindi ako masyadong nahirapang magdesisyon nang alukin akong magturo sa mga magiging titser dito sa Quezon. Kahit pa ang katumbas nito ay pagliit ng suweldo at pagdami ng preparasyon ng lesson. Iba ang pasok sa akin ng ideyang titser ako ng magiging titser. Ang saya siguro ng nanay ko kung nabubuhay pa.
***
Upos na kandila ang maraming titser pag-uwi sa bahay. Gulpi sa mahabang talakan. Malabo ang mata sa pagre-record at pagtsetsek ng papel. Mabigat ang ulo sa pamomroblema ng hindi naman talaga niya problema kundi problema ng kaniyang mga estudyante. Nauupos na kandila ang titser.
Nang maging titser ako dalawang taon na ang nakararaan, ipinangako ko sa sariling ayokong dalhin sa bahay ang problemang pantitser. Hanggang ngayon, parang estudyanteng dapat turuan ang asawa kong titser kung paano niya hindi dapat madala hanggang sa bahay ang kaniyang problema sa iskuwelahan.
***
Mag-iisang semestre pa lang ako dito sa College of Teacher Education ng Southern Luzon State University. Ni hindi ko masabing nalungkot ako nang mamatay ang isang kasamahan. May ilang kaswal na kuwentuhan lang ang namagitan sa aming mesa. Kinuwentuhan niya ako ng buhay niya bilang titser. Kinuwentuhan niya ako ng mga nangyayarai sa accreditation ng mga unibersidad. Pinahiram niya ako ng format kung paano gumawa ng table of specification sa kolehiyo. Kinuwentuhan niya ako tungkol sa inani nilang lettuce noong Enero. Maliban dun, wala na akong malinaw na naaalala kay Prof. Veloso. Nang mabalitaan kong pumanaw siya, saka ko naman naalala ang kandila. Ang nauupos na kandila.
Kinuhanan ko ng retrato ang nabakante niyang puwesto sa faculty room. Kinuhanan ko rin ang tinipon niyang gamit sa iskuwelahan. Hindi ko naman talaga siya mami-miss kasi hindi ko naman talaga siya nakasama nang matagal. Pero ang totoo, baka mekanismo ko lamang ito para hindi malungkot nang husto.
Wednesday, March 10, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment