Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Wednesday, March 17, 2010

Nagbabasa na si Bani




Poseur din siya minsan. Pero totoong nakakabasa na ang anak ko. We maintain a culture of reading sa bahay. Usapan na naming mag-asawa 'yun. Gusto ko naman talagang magbasa, kaya kung nasa bahay lang ako, ipinapakita ko kay Bani na masarap magbasa, na enjoy na enjoy ako, na mahalaga sa akin, sa amin ang libro.




Gusto ko 'yung pang-aasar niya sa akin, 'yung iistorbohin niya ako sa pagbabasa, aagawin ang binabasa ko at kunwa'y babasahin din niya, 'yung itatago ang binabasa ko tuwing maiiwan ko sa isang tabi, at pag hinahanap ko na, ngingiti siya ng ngiting may inililihim.





Mabilis siyang magbasa nang malakas. At sa edad niyang maglilima, mayroon na siyang mga paboritong libro, Pinoy man o foreign. Alam na niya kung alin ang mga libro ko, mga libro ng nanay niya, at libro niya. Minsan, sa pang-aasar niya sa akin, sinabi niyang kanya daw ang lahat ng libro ko. Napangiti ako. Huwag lang aangkinin ng anay o paliguan ng baha o kainin ng kung anong trahedya (katok sa kahoy), kanya nga lahat ang mga pinakaiingatan kong libro. Kanyang-kanya.

No comments: