Alam n'yo bang mahirap sumulat ng tulang may sukat, tugma, at sesura? Lalo na 'yung pipilitin mong magkaroon ng sense ang sinulat mo? Hirap kaya nun.
Kung kailan kailangan
I
Ang bumalik at tumugis sa liko-liko’t makiwal
Na kinagisnang landasin ay singhirap ng pagbuhay
Sa kinahantungang abo. Mula antigong senisal,
Susubok ang sambalikat bumuhat sa mutyang bayan
Palayo sa kaba, hapis, poot, at labis na lumbay.
Ito ang kanyang naiwan: dati ring lansa at galas.
Bulaan si Herakletus. Kaytagal nang siniyasat
Ang biyas ng lilong ilog, ngunit sa huli’y nabunyag
Na sadyang walang nag-adyang mahabaging San Nicolas,
At iyong buwayang bato’t Jeronima’y magkabiyak,
Ang sumalubong sa kanya’y ang kinalakhang pilapil.
Suwail na puting tubig, hanging higit na suwail.
Sa ilog, naisip niya, dadaloy muli ang lihim—
Takot na reberendong nagkukubli sa dilim—
Makababa lamang siya sa bapor Tabong ulyanin.
II
Sino ang mag-aakalang pakikitiring singkitid
Ng basal na guni-guni ang mundong nabibilibid
Ngayon ng mga dyaristang may kaliwa’t kanang sukbit
Na ID, at nangangako ng mabulas na press release?
Ramdam ni Ben Zayb ang bukas: ramdam niya ang kilatis
Ng saserdoteng kasangkot, saklot ng libog sa hugis
Ng mga birheng inindyo, inimpyerno at binuntis
Kung di ma’y nagpatiwakal matakasan lang ang lintik;
Ramdam ni Ben Zayb ang bukas ng depotadong humidhid
Sa barya’t kapangyarihan, sa walang hanggang pagpisik
Ng papuring dulot niya, ng kanyang pahina’t titig.
Oo, nasilip ni Ben Zayb ang kinabukasang sibsib
Sa porma’t hitsurang dala ng mataginting na tinig.
Siyang walang atubili at bihirang mangaligkig
Sa mga tinipang sindak na estranghero sa dibdib.
Ngunit mortal pa rin siya dahil minsa’y naliliglig
Ng pagkalito, gaya no’ng may Ehipsiyong sinilip
Sa Quiapo, isang gabing nanlalambot kapapawis
Ang delegasyong nanood sa alaga ni Mr. Leeds.
Mortal siyang nagdaramdam nang hatulang mapapiit
Ang artikulong binunso: anak na himbing sa bisig.
Malayong-malayo siya sa ngangayuning kapatid,
Malayong-malayo ngayon ang Gritong tagapaghatid
Ng katotohanang may bayad at siguradong kapalit
Kung kailan kailangang pumikit at manahimik,
Kung kailan kailangang manghampas at manilamsik.
III
Ang lahat ay hahayaang buhay sa loob ng pader.
Sa mga lumuting guwang maaari kang sumuling;
Sumiksik sa singit-singit lalo’t walang handang piging
Ang lahat ng namumuno, kaya walang magmamatyag
Sa ‘yo, kaibigang Quiroga. Ito ang tamang paglantad.
Ito dapat ang panahong mangumpisal ka nang hayag
Sa mga kinamuhiang kalakaran ng estado.
Ano ang malay mo, bukas, si Quirogang konsulado
Na ang ibansag sa iyo ng padreng kinompromiso
Para lang mahuling buhay ang kaibigan mong Simoun.
At kung masakote na nga’t mahatulang abang pulmo’y
Pupulbusin sa garote, di ba’t ito ang panahong
Pinapangarap mo t’wina, Quiroga? Ikaw na mahal
Kung tumuring sa pautang, gaya ng sa kaibigang
Mahal kung makapadrino sa ‘yong inaasam-asam?
Ang lahat ay hahayaang buhay sa loob ng pader.
At maimbita ka lamang sa maliitan mang piging,
Payo ko, lahat ng utang—kwarta o buhay—burahin.
At manumpa ka sa padre, na lubha kang nagsisisi
Sa pagkampi’t pagkakanlong sa pusakal na ereheng
Nagpahamak sa plano mo. Huwag ka nang jele-jele.
Kailangan mo ng bilis para hindi umagahin,
At baka nga may mangyaring wala sa iyong hiniling.
Gaya kung mapatunayang ang susulingan mong pader
Ay malaong kondenadong haligi’t moog na asin.
IV
Sumampalataya akong maililigtas ko lahat,
Sukdulan mang oras-oras na lumuhod at umiyak.
Nang lubos akong nagmahal, ipinambayad sa utang,
Ipiniit si Basilio, naging tulisan si Amang.
Naninibugho ang Diyos sa inutil na deboto
Kung kaya hatol sa aki’y walang hanggang purgatoryo.
Ngunit hindi magmamaliw ang panata ko sa patron,
Magsalikop man ang langit, maubos man ang panahon.
Mayroong sakit na kayang gamutin ng reberendo
Na may resetang halik daw, malihis lamang sa tukso.
Kung kailan kailangang ipaubaya ang dangal,
Tatalikuran ang buhay, maninirahan sa altar.
Di magmamaliw sa dasal hangga’t ako ay si Juli
Na pumuga sa kumbento’t malilibing sa Tiani.
V
Buhat nang maging turuan ng mga pantas na Tsino
Ang pulbura—at mabuo ang bombang sopistikado,
Pang-umagang kape ko na ang nagbombahan sa mundo.
Mula noo’y kayrami nang kumatawan sa pulbura:
H-bomb, pill box, atomika, mortar, molotov, granada.
Isda ma’y hindi sinanto ng laksang pamalakaya.
Bomba’y nagmetamorposis, di na lang sumasambulat
Na apoy. Ang mga bomba’y pangyayaring nakagulat,
Nakasindak kahit walang nilikhang mortal na sugat.
Lahat ng ito’y hindi lingid sa El Filibusterismo:
Bomba si Ibarrang sawi, nagbalik na alahero
Upang bombahin ang kasal ni Paulita at Juanito;
Bomba rin ang kamatayan ni Juli sa may kumbento;
Bomba kay Intsik Quiroga ang udlot na konsulado;
Bomba kay Ben Zayb ang bunsong sinensurang artikulo;
Bomba kay Simoun si Mariang pumanaw sa beaterio,
VI
Pinabibilis ng bomba ang pagbalik sa alabok.
At kung sakali mang wasto ang alaherong bumantog—
Kung paanong pupurgahin n’ya ng bomba ang balakyot
Na mundo—ay umiikling kasaysayan ang sasagot:
Kung kailan kailangan o hindi dapat pumiyok
Ang isang sutil at bulag, humaling na Isagani.
Disin sana’y ibang-iba ang pagwawakas ng El Fili. #
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
8 comments:
dapat nilagyan mo man lang to ng note na, "won ____ place on ____ 2010 in blah blah competion, ganun, hehe
Oks lang yan.
dapat gawa ka isang article, yung tipong collection ng mga winning poems mo. Tapos ganun nga, nakalagay kung anong competition, date tsaka kung anong place like 1st place, 2nd 3rd etc. Bongga diba hehe. Blogs mo naman to eh, it's okay to take pride on your works hehe. Tsaka parang memoir na din diba? suggestion lang naman hehe.
Yoko, nahihiya ako... hindi bagay. basta. siguro sa mga darating na panahon. basta parang ganu'n. linaw ba? hehehe.
kasing linaw ng tubig na may hydrite hehe. Kung nahihiya ka edi liitan mo lang yung caption sa ilalim ng each poem o diba para halatang nahihiya hehe. Kaw bahala, suggestion lang naman yung sakin. Kaya ko lang naman naisip yun kasi nahihirapan ako mag search nung mga tula mo, kahit naman kasi hindi ko yun mga naiintindihan gusto ko pa din siya basahin nyahahaha. Ang selfish pala nung motive ko nu, hehe. peace :o)
Oke oke. I'll try to consider (wink wink). pag nakatsamba uli sa mga darating na araw... magdadagdag ako ng poste sa blog na ito...
maiba ko, di nga, di mo maintindihan???
good. abangan ko yun hehe. 'To naman, biro lang, naiintindihan ko naman mga tula mo. Yung pan rush hour, nakakarelate ako dun kasi matagal akong suki ng MRT dati. Yung El Fili, mga 3 times kong binasa bago ko na-gets, kasi kinailangan ko pa mag recall ng characters. Natutulog kasi ko dati sa klase ko pag El Fili na yung topic haha. In general, hindi talaga ako magaling umintindi ng tula, para silang puzzle na kelangan ko basahin ng paulit ulit bago mag sink in sa kukote ko. Lalo pa ngayon na puno na ng kalawang utak ko hehe.
Post a Comment