Monday, March 1, 2010
Ang mga writers’ workshop
Ano ba ang dapat asahan sa mga writers’ workshop? Noong 36th U.P. National Writers’ Workshop, parang sinagot ni Jing Panganiban si Jing Hidalgo—na noo’y CWC Director—sa parehong tanong: magbakasyon, mag-relax sa Baguio. Hindi ko na matandaan ang eksaktong reaksiyon ni Jing Hidalgo, basta parang hindi maganda ang naging reaksiyon. Kung ako ang naunang tanungin noon, baka ganun din ang isagot ko. Baka ako ang naawardan.
Hindi pa masyadong putok noon ang industriya ng ukay-ukay. Sa halagang dalawandaan, sansakong ukay na ang maiuuwi mo. Kaya tuwing hapon, laman kami ng Bayanihan Hotel malapit sa Burnham Park. Tapos sa gabi, mag-iinuman. Kinabukasan, kakain, magkakape, uupo, magsasalita nang kaunti, tatayo para lumipat nang pagkakaupo, kakain, magkakape, uupo para mag-workshop, tatayo para umupo para kumain, gagala/mag-uukay, iinom. Bumigat yata ako nang sampung kilo sa loob ng dalawang linggong workshop. Sagot ng U.P. ang pamasahe tapos may allowance pang dalawandaan. Malaki ‘yun noon.
Nilagnat ako noong ikatlong araw ng workshop. Maraming fellow ang mas matanda sa akin noon.
Hindi ko na kabisado lahat ang pangalan ng mga ka-batch ko. Kung paanong maaaring hindi na rin alam ng iba ang pangalan ko. Alien pa ang digicam noon kaya uso pa ang biruang kuha nang kuha ng retrato pero wala namang film, puro flash lang, hwe hwe hwe (bakit parang ako lang ang natatawa). Tres singkuwenta ang pa-develop sa retrato maganda man o sablay ang kuha. Tapos iipunin ang negative para pwedeng ipa-develop uli kung sobrang ganda ng picture. Buhay talaga oo.
Ito na ang pinakamalupita kashiwaharang irony ng workshop na ‘yun. Bar none. Baka wala nang tumalo sa record ng 36th U.P. National Writers’ Workshop kung paastigan lang ng irony ang labanan. Masdang mabuti ang retrato namin ng makatang si Ayer Arguelles sa ibaba. Clue: hindi kami ni Ayer ang dapat titigan dahil hindi kami ang irony.
***
Tres mil ang sagot ng Iyas Writers’ Workshop. Iyong kulang, fellow na ang magpupuno. Pinakamalapit na tantiya ko na ang pitong libong pisong nagastos ko. Ikaltas ang tres mil, ibig sabihin, lagas ang kuwatro mil sa sanlinggong workshop. Sulit naman. Halos mag-amoy chicken inasal na ‘ko sa unang gabi pa lang ng pananatili sa Bacolod. Nakapag-uwi pa ako ng tatlong kamiseta at dalawang kahong tart at ilang balot na piaya (talagang hindi ko magustuhan ang pinikpik na hopiang ito kahit pa ube flavor). Sinalubong ang workshop ng masigabong brown-out. Nyetah, andilim, takot pa naman ako sa mumu. Mas kakaunti ang panelist dito kumpara sa U.P. At ewan ko ba, parang hindi ako masyadong nag-enjoy. Naibulalas ko tuloy sa ilang kasama ko na hindi pang-may asawa ang mga writers’ workshop. Nagkasakit kasi ako noong pangatlong araw. Nilagnat ako tapos nagka-allergy sa braso at mukha (siyempre alam ni Lord kung alin ang asset ko kaya du’n n’ya ko pupuntiryahin). Bad trip. Tapos nagkasakit din noon ang asawa ko at anak ko sa Lucban. When it rains... nyetah. Tapos may naputukan pa ng noo na fellow (itago natin siya sa pangalang Petra, Harry Petra) dahil hindi kinaya ang sipa ng pulang kabayo at empoy. Kaya hayun, nakipagbasagan ng mukha sa pader ng Balay Kalinaw. Nagamit tuloy ang ambulansiya ng La Salle Bacolod. Hindi ko na-enjoy masyado ang talaba sa may tapat ng SM Bacolod kasi baka sipunin ang wetpaks ko sa eroplano. Tapos heto pa, hindi ko inabot ang laban ni Pac versus Hatton (may kaugnay na blog entry noong Enero ang tungkol dito). Ako yata ang pinakamatanda sa workshop na ito. Hindi pala yata. Ako na nga.
***
Fiction ang isinali ko sa Ateneo National Writers’ Workshop. Pero kahit na fiction, hindi pa rin ito force field sa mga kantyaw na narinig ko, na kesyo bakit pa daw ako nag-workshop, dapat daw ipinaubaya na lang sa mas batang fellow ang slot ko, beterano na raw ako, blah blah. Fiction naman di ba, fiction nga e, hindi naman tulaaaah! Pero kahit na, totoong may amats pa rin sa manipis kong damdamin ang kantyaw nila. Hindi bale na, hindi naman ako ang pinakamatanda sa mga fellows. Si Marco Rodas ang nagkamit ng medalyang ito by virtue of being months older than me, hwe hwe hwe. Kahit ito ang pinakamaikli—tatlong araw—ito naman ang may record sa pinakamaraming panelist. Kinse yata o disisais ang mukhang nakita ko na bumalasa at lumapa sa mga akda namin. Basta marami, bawat araw may lima o anim na rilyebo. May modest stipend para sa mga fellow na hindi ko na babanggitin kung magkano. Tinagpas yata ng NCCA ang pondo sa proyektong ito ng Ateneo Institute of Literary Arts kaya naging modest and dati yatang immodest stipend. Malayo din ang pinagdausan, sa Novaliches. At gaya ng sa Balay Kalinungan sa University of St. La Salle sa Bacolod, medyo eerie din ang Sacred Heart Novitiate. Malapit na parang malayo sa lungsod kasi may alitaptap, mga alitaptap ng Heswita. May mga punong balete din, iyong simbilog at sinlapad ng baobab tree ni Little Prince. Pero hindi pa rin tumalab ang kasagraduhan at ka-eerie-han ng lugar dahil bumaha ng toma. Naisip ko, buti wala pang nagpapa-writers’ workshop na bawal ang yosi at toma at tsongk... dahil kung meron, dahil kung meron, hindi ito writers’ workshop.
***
Ipinapaabot ko ang aking pakikidalamhati sa ginawa muling pagtagpas ng NCCA sa pondo ng Iligan National Writers’ Workshop. Tsk. Tsk.
Photo credits: Iyong sa U.P. si Lara Saguisag ang pumitik ng mga larawan. Iyong sa Iyas, ako at si Philip Kimpo, Jr. ang dumale. Iyong sa Ateneo, halo-halo na. Si Mitch Cerda, si Yol Jamendang, meron pa yatang kuha si Kael Co, iyong jowa ni Petra, si Alvin Yapan yata meron din, si Egay Samar, iyong isang ka-fellow ko, basta parang ganun. Thanks.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment