Friday, March 19, 2010
El Niño ba sa inyo?
Sanlinggo din sigurong nagka-El Niño dito sa Lucban. Mga unang linggo ng Marso. Tapos nag-uulan na uli.
Noong isang linggo, habang bumibili ng kape sa labas ng kampus, inabutan ako ng una’y ambon tapos naging full-fledged ulan. Wala akong bitbit na payong kaya sinagasa ko ang ambon-ulan. Naisipan kong tawagan si Ariel Chua sa Valenzuela habang dinidiligan ng malamig na tubig ang bumbunan ko. Tinanong ko kung mainit ang panahon sa Maynila. Gaya ng lagi nang laman ng primetime balita, mainit daw, bad trip daw, umuusok na sa hirap ang aircon unit ng opisina nila. “Ah, okey,” sabi ko kay Ariel sa kabilang linya ng Sun. “Naliligo kase ‘ko sa ulan ngayon,” dugtong ko. Nabuwisit siyempre. Malinaw naman kasi ang intensyon ko, ang inggitin ang mga kakilalang nagpapraktis na sa alinsangan ng Abril at El Niño, at ang iba ay sa impiyerno.
Habang kumukulo ang aspalto ng Maynila at iba pang bahagi ng bansa, inuulan naman ang Lucban. Sintanda na marahil ng Bundok Banahaw ang ganitong pag-ulan-ulan, noong mga panahong pterodactyl pa imbes na tagak at uwak ang residente ng bundok.
Maraming account sa bundok at sa mismong Lucban na halos buong taon kung ulanin. Ang nababasa (ambiguity intended) ko pa lang ay ang kay Guerra, tungkol sa kanyang biyahe noong 1800s mula Maynila patungong Tayabas na lalawigan pa noon imbes na bayan (o lungsod na yata, hindi mapakali ang bayang ito kasi, bayan-lungsod-bayan-lungsod, basta depende sa whim ng Supreme Court) ngayon. Nabasa ko rin ang isang librong inakda ng isang Heswita tungkol sa mistikal na bundok, rain mountain ang paglalarawan niya sa Banahaw. Kung hindi ako nagkakamali, maulan din kung ilarawan ni Edilberto N. Alegre ang Lucban. Pati yata Wikipedia Lucban is synonymous to ulan.
Pwede kayong bumisita para mapatunayan. Maliban sa ulan, masarap din ang pansit at longganisa dito. Kahit hindi panahon ng El Niño.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment