Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Showing posts with label Hawig sa panitikan. Show all posts
Showing posts with label Hawig sa panitikan. Show all posts

Tuesday, March 20, 2012

BUGTONG NA ESTASYON

The detractors of the Philippines attacked him for his sympathy with the Filipinos
and his open defense of their cause, but they were unable to stop him.
He remained a staunch friend of the Philippines.
Because of his loyalty and sincerity the Filipinos cherish a fond memory
of him and to honor him they gave his name to one of the streets of Manila.
His name is now inseparably linked with that of the national hero.
-Encarnacion Alzona

Paumanhin, Ginoong paham, kung pataksil nilang ibinautismo
Sa isang makipot na layak ng usok at ingay ang iyong ngalan.

Hangad lamang nila, nang pagmunihang mainam
Kung saan ibibinyag ang iyong karangalan,

Na maging kahilera’t kahangga mo ang taginting
Ng kalakal at walang kapagurang paglilimayon

Ng nililiyag mong lipi: matitipuno’t kriskrusang riles.

Hangad lamang nilang maging tukayo mo, masinop
Na etnograpo, ang bukana ng tropiko at payapang Retiro.

Hangad lamang nilang may kumandiling linggwista
Sa mga nalibing na Orienteng walang nakaiintindi.

Hangad lamang nilang magkapangalan nang dayuhan
Ang tampok na sulok pa-la muerte sa del Norte.

Hangad lamang nilang ulitin mo, punong des Philippinistes,
Sa huli’t walang hanggang pagkakataon ang malaon mong gawaing
Sumalang sa aming bugtong na Dimasalang.

Batid naming hindi mo ito hinangad.
Alam naming wala sa malamig at malagim mong hinagap
Ng aming tag-init na ipangalan ka sa isang huklubang
Naknak ng lungsod, lalo sa isang pinatag, hindi panatag
Na gulod, sa isang ibayong hanggang makamatayan mo
Ay dayuhang hindi man lamang nasino

Ni ang anino ng aming tag-araw. Bueno, hayaan mong itanghal namin
Sa iyo kung ano ka rito.
Magiting na kalye kang nababakuran
Ng tukayo ng magigiting na Katagalugan: Antipolo, Laguna,
Tayabas, Bulacan. Pangahas na landas kang tumatawid sa España.
Bakuran kang may hardin ng piniyesang tao, kinahoy
Na piyesa’t gulong ng awto. Hardin kang may samyo ng niligis
Na aspalto, krudo, grasa. Kung madaraan ka sa hardin mo,
Mauulinig mo ang matinis na konsiyerto ng busina at ehe, hinihiklat
Na tsasis at muwelyeng itinatawid sa tirintas ng baradong estero.
Estero kang kalyeng palengkeng kutang burulan. Dalawang paaralang

Lumbay ang iyong tarangkahan: Mababang M. Ponce at M.L.Q. High.
Tuwing madaling araw, videoke at saklaan ka ng maton,
Guardian, pulis, at ng matong pulis na Guardian.
Kada Linggo, simbahan ka ni San Roqueng hindi matapos-
Tapos ang buhos, hindi mapatabi-tabi ang walang kapagod-
Pagod na eskayolang asong hihimod-himod sa eskayolang
Sugat ng poong patron ng apat at santalaksang pulubi sa paligid-

Ligid mo. Milyong tolda ka ng mga piniritong anak ng tokwa’t ukay-ukay
Na tinda. Maramot na lugawan at mapangmatang panaderya
Ang mismong kanto mo at ng karantsong kalye—
Hinalinhang Misericordia, Tomas Mapua—na gaya mo,
Taglay ang biyayang maging kalyeng malayong markahang
Marangya’t makinis, pinaglimihan ang sopistikadong

Estetika ng isang bihasa at kulubot na arkitekto. Hindi magkandatuto
Kapapaswit ng pasaherong litong-lito ang istarter mo: sumasaiyo
Ang karitong pa-Frisco, Pa-Nova, pa-Balut, pa-Divisoria, pa-Baclaran,
Pa-Monumento. Walang Leitmeritz at Prague sa bahaging ito
Ng suson-susong muhon ng karton, lawanit, yero. Pero ikaw
Ang putikang pantalan ng lagalag na kuliglig at toda
Patungo sa kung saang nagkanlong na Paris, Geneva,

O Bohemia ng Tondo at La Loma. Sa umaga, hapon at nakashabung
Magdamag na pagripeke sa iyong Sky Spring ng mga awiting pusakal
Nina Sinatra at Gloc 9 (na ang mga salita’y hindi mo matatagpuan
Sa pinagsikapan mong Breve Diccionario Etnográfico ng bayang ito),
Umuuwi ang mga obrero mong busog kaiiskor sa eskobadong
Serbidor. Paikot-ikot ang mukha mong parang nirarambol
Na iskor ng bulalas na may tono’t hindi basag. Bangag, paikot-
Ikot ang elisi at roskas ng rosas na iskrambol, amoy lecheria
At Champion ang umagang simponiya ang kaskas ng yelo,
Hiluran ng banil, lagas na labada, sansaglit na banlaw

Sa pampublikong balong artesyano. Dahil matamis kang
Iskrambol, bibilhin ka ng mapangaraping juventud Filipina—
Pag-asang inusal ng compadre mo bago madestiyero—
Kabataang magkukubli sa alinsangan ng sandaling ginugol
Kapapalimos at kasisikwat sa walang malay na bag,
Mga pitakang pagod at simot, cellphone na lugmok
Kadudukot, kasusuksok, kahihimutok, kapipindot.
Bahay-bahayan ka ng mga hinapong Sama dilaut,
Itinaboy mula sa nawaglit na karagatang hindi mo
Nailapat sa iyong mutyang Mapa ng Mindanao.
Wala silang oras sa paglalakbay at pagsitsit ng limot
Na kalansing ng huwad na perlas at ligaw na asin.

Sumisingasing ang mga dyipni mong nagpupugay
Sa burol ng inundayang gangsta, nang-ulila ng batalyong
Nangangapilya sa kalsada mong entablado ng amok,
Rambol, seguradong resbak. Hindi ka makatungayaw ni makahikbi
Sa sindak kapag umiilag sa sumpak at haginit ng tren kahit pa
Maingay na estasyon ka. Maingay na estasyon ka na dito.

Dahil maingay na estasyon ka na, minsang nasaksihan mo
Sa sangkurap ang lagim nang sumambulat ang iyong bagon
Isang araw ng pagninilay sa kamatayan ng iyong bugtong
Na katoto noong katatalilis ang milenyo. Itinaon ang taon,
Itinaon marahil ang estasyon upang ipaalala sa aming
Matalik ang inyong banal na pagkakaibigang higit
Sa barometro ng panahon, kisap ng dahas, mortal na pagyao.
Kaya kayrami ring humandusay sa iyo, bugtong na estasyong

Tumalastas sa bugtong ng aming lahi. Pero hindi ka pantas dito.
Sa loob ng hihigit-kukulang sa tatlong minuto sa isang oras
Ng isang walang hiyang semestre ng pamamantasan
At pagpaparaos, lilinawin ka ng gurong makakalimutin:
Malaong nakalaang kaibigan ka ng Laonlaan, ito na lamang
Ang papel at pahina at masasabi tungkol sa iyo. Sapat na.
Labis na kung babanggitin pang, totoo, minsa’y
Nagkita kayo nang higit pa sa katawang-tao at larawan,
Titik at lagda ng pananabik at pangangamba.

Dito, araw-araw kang nakikita at nadarama bagamat hindi ikaw
Mismo ito. Mananatili kang dayo sa aming dila at sentido
Maliban sa araw-araw na pananabik naming lagpasan ang iyong
Brutal na pag-iral—kongkreto, bakal, panaflex, tarpolin, burak, tao, karnal.
Ganito kami tumanaw ng utang-na-loob na hindi mo
Mauunawaan. Ganito kami magtangi. Paumanhin,
Ginoo, kung ibininyag nila sa isang makipot na landas
Ang aba mong ngalan. Landas na hindi mo talos, hindi kailanman

Narating. Mararating. Estasyon ka pa rin hanggang makatihan
Ng aming Konseho, makatihan nilang bautismuhan ng bagong kataga
Ang huklubang lungsod, ang mga retirado at patang kalye,
Ang mga ilahas na landas, ang mga nanlilimahid na estasyon,
Ang mga ngalang mananatiling bugtong, estranghero, hindi eternal.

Friday, February 11, 2011

Call for Submissions: LIRA Filipino Poetry Clinic 2011

Binubuksang muli ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang kilala at pinakamatandang aktibong kapisanan ng mga makata sa wikang Filipino ang Taunang Klinikang Pampanulaan para sa mga nais lumahok. Ang lingguhang klase tuwing Sabado at Linggo mula 9:00 n.u. hanggang 5:00 n.h ay tatagal mula Hunyo hanggang Agosto, subalit magkakaroon pa rin ng iilang klase hanggang Nobyembre.



Upang makapagpatala, magpadala ng isang Word Document file na naglalaman ng mga sumusunod: isang pahinang bio-data, ID picture, numero ng telepono, at limang tula sa Filipino sa palihan@liraonline.org. (Hindi tatanggapin ang mga tulang nakasulat sa Ingles at ibang wika.) Maaari rin mag-iwan ng isang sobreng naglalaman ng mga kailangan sa pigeon hole ng LIRA sa UP Institute of Creative Writing, 2/F Faculty Center, College of Arts and Letters, UP Diliman, 1101 Quezon City.



Ang huling araw ng pagpapatalâ ay ang ika-30 ng Abril, 2011.



Sa ibang balita, pormal na manunumpa sa ika-5 ng Marso ang bagong halal na pamunuan ng LIRA. Si Phillip Kimpo Jr. ay nahalal sa kaniyang ikalawang termino bilang Pangulo, at sasamahan siya nina Mariane A.R.T. Abuan (Pangalawang Pangulo), Giancarlo Lauro C. Abrahan V (Kalihim), Deborah Rosalind D. Nieto (Ingat-Yaman), at Louie Jon A. Sanchez (Ugnayang Pangmadla).



Kasabay na manunumpa ang labing-isang bagong kasapi at “poet-volunteer” ng LIRA. Batay sa kanilang husay sa sining ng pagtula at sa kanilang kahandaang maglingkod para sa kalinangan ng bayan, sina Mark Arisgado, RR Cagalingan, Joseph Franco, Elmer Grampon, Vins Miranda, Conrad Nuyles, Imee Rabang, Rae Rival, Crecee Roldan, James Tana, at Shiela Virtusio ang napiling maging mga kasapi mula sa mga nagsipagtapos sa Klinikang Pampanulaan 2010.



Ipinagdiwang ng LIRA ang ika-25 taon nito sa nakaraang taon. Bilang bahagi ng anibersaryo nito, idinaos ng organisasyon ang ilang pangunahing proyekto, kabilang ang isang pambansang kumperensiya, dalawang pambansang timpalak sa tula, isang aklat, apat na chapbook, at ang Sining ng Tugma at Sukat 2010, ang libreng pagtuturo ng panitikan ng LIRA at NCCA sa siyam na bayan sa Luzon.



Itinatag ang LIRA ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario (mas kilala bilang Rio Alma) noong 1985. Sa mga palihan ng LIRA nagmula ang mga premyadong makata tulad nina Roberto at Rebecca Añonuevo, Romulo Baquiran Jr., Michael Coroza, Jerry Gracio, Vim Nadera, at Edgar Samar. Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa LIRA, magtungo lamang sa www.liraonline.org.



* * *



Call for Submissions: LIRA Filipino Poetry Clinic 2011



LIRA, the celebrated and oldest active organization of poets in Filipino is now accepting sign-ups for its yearly poetry clinic. The regular clinic period is from June to August and will be held every Saturday and Sunday from 9:00 AM until 5:00 PM, although several more sessions will be held until November.



All those interested must submit one Word Document file containing the following: one-page bio data, ID picture, contact numbers, and five poems in Filipino, to palihan@liraonline.org. (Poems in English and other languages will not be accepted.) An envelope containing the requirements may also be dropped off at the LIRA pigeon hole at the UP Institute of Creative Writing, 2/F Faculty Center, UP Diliman, 1101 Quezon City.



All submissions should be in on or before April 30, 2011.



In related news, the new officers of LIRA will be formally sworn in on March 5.

Phillip Kimpo Jr. was elected to his second term as President, and he will be joined by Mariane A.R.T. Abuan (Vice President), Giancarlo Lauro C. Abrahan V (Secretary), Deborah Rosalind D. Nieto (Treasurer), and Louie Jon A. Sanchez (Public Relations Officer).



Also to be sworn in are eleven new members and “poet-volunteers” of LIRA. Based on their skill in the art of poetry and on their willingness to serve for the nation’s culture, Mark Arisgado, RR Cagalingan, Joseph Franco, Elmer Grampon, Vins Miranda, Conrad Nuyles, Imee Rabang, Rae Rival, Crecee Roldan, James Tana, and Shiela Virtusio were chosen to become members from the graduates of the Poetry Clinic 2010.



LIRA celebrated its 25th anniversary last year. As part of its silver jubilee, the group held several key projects: a national conference, two national poetry contests, a book, four chapbooks, and the “Sining ng Tugma at Sukat 2010,” a literary education outreach program of LIRA and the NCCA in nine towns across Luzon.



LIRA was founded by National Artist for Literature Virgilio S. Almario (a.k.a. Rio Alma) in 1985. Its workshops have produced award-winning poets such as Roberto and Rebecca Añonuevo, Romulo Baquiran Jr., Michael Coroza, Jerry Gracio, Vim Nadera, and Edgar Samar. For more information on LIRA, please visit www.liraonline.org.

Monday, November 1, 2010

"Sa aking pagpanaw sana ay tag-ulan"


Pasintabi sa Asin


Hindi makaihip ang hilam na musiko.
Puno ng tubig ang bukilya ng mga torotot,
Garalgal ang pompyang at hungkag ang pisngi
Ng tambol ng Banda 85 ng Balumbato.
Inutil ang mga nagkabaklas-baklas na payong.
Sa gilid ng daan, nagpapagpag ang mga kantor,
Nagpaalam umuwi’t hindi na raw sisingilin ang balanse.
Nangangaligkig ang mga nakikipaglibing,
Mga basang-basa’t naglulunoy na sisiw,
Abot-langit ang sisi sa lagi nang sulimpat na Pag-asa.
Naghalo ang luha’t tubig-ulan sa mukha
Ng aking anak, asawa, mga kapatid,
Mga pamangking iniihit na ng hika.
Tumirik ang karosa ng punerarya sa karagatan
Ng nagkukumahog na dayaper at lata,
Humahagok ang baradong tambutso,
Hindi makabuga ng usok alinsabay
Ng angil ng makinang panlupa’t makalupa.
Wala nang nakaririnig sa paos na ripeke
Ng rumilyebo sa musikong “Oh My Papa”
“Hindi Kita Malilimutan” at “Lupa” ng Asin.
Walang gustong pumitik ng larawan,
Walang bidyo, walang makaalalang luksa
Ng masayahing tao ang pinilahan.
Lahat, maliban sa aking sinisintang asawa,
Ay nangangamba sa iniwang bahay,
Maglulutangang tokador, malulunod na aso,
Mababasang gamit, aanuring kabuhayan.
Lahat, maliban sa aking sinisintang asawa,
Ay nag-aalala kung paano uuwi.
Nagpaalam na ang ate at ditse, mga pamangkin.
Naging isang dambuhalang balaho ang kalsada
Kaya inabot ako ng gabi sa daan.
Pero, awa ng Diyos, nakarating din sa simbahan
Sa tulong ng nagtulak: pitong kaibigan,
Dalawang bayaw at maskuladong pinsang
Nagsipagmadali ring umuwi nang maiprente
Ang kabaong ko sa harap ng altar ng Salambaw.
Pinagmisahan ako pero wala nang maglilibing,
Sigurado kasing akwaryum na ang nitso ko.
Nagkislapan ang kidlat sa labas,
Nagkonsiyerto ang kulog at daluyong,
Hindi na makikita ang landas papantsong
Garantisadong kinumutan na ng karagatan.
Kaya pinaglamayan akong muli sa simbahan.

Abala ang de-lenteng sakristan-mayor
Kasasalba ng antigong kandelabra at poon.
Nalunod ang Santo Sepulkro sa pagkakahiga,
Binasag ng mga nagpupusagang upuan
At naglalanguyang kumpisalan ang pedestal
Ng mga panahon-pa-ni-mahomang rebulto.
Umindak sa pagkakalutang ang imitasyong Nazareno.
Masyadong masikip at giray na raw ang pulpito,
Kaya dinesisyunan akong itanghal sa koro.
Pero hukluban, buto’t balat na si monsinyor,
Nag-iisa ang sakristan-mayor na gusto nang umuwi,
Naghugis putangina tuloy ang pihikang labi
Nang ihain ang mas mainam na mungkahi.
Pinanawan na ng luha ang aking asawang
Pangko ang aking bunsong nilalagnat,
Nakabilot sa hiniram na sutanang kaaalmirol.
Walang koryente, malurido ang mga kandila,
Walang kape, ubos na ang Mompo’t ostiya,
Natambog ang nag-iisang rechargeable na lente.
Sa dilim, hinunta nang masinsinan ni misis si padre:
Kapag hindi pa raw nagmaliw ang ulan sa hatinggabi,
Ipatatangay ako hanggang sapitin ang aking Ararat,
Dadaong ako kung saan may lusak at burak
Na puwede kong gawing huling hantungan.
Ipinasak ni misis sa aking nagyeyelong ilong
Ang nakaliitan na naming 14k na wedding ring,
Bayad daw sa abala nang nasalanta ring maglilibing.
Ikinumpisal niyang hindi na daw siya
Masisindak kung pagmultuhan ng kaniyang yumao,
Patawarin daw siya ng Panginoon sa gagawing
Pagpapatangay sa kaniyang esposong mahal na mahal,
May kirot man daw sa damdamin, pero kailangan.
Kunsabagay, hindi ko na ito dapat malaman.
Payapang-payapa na ako sa ugoy ng aking higaan,
Kapara ng bakol sa ilog ni Jacob nga ba o Abraham?

Friday, October 29, 2010

Hatid




Sa pagitan ng mga nanlalabong

Salamin ng pasimano, itataboy mo ako


Ng tingin. Ayaw mong pabantay.

Kasalanang mortal ang mapagtawanan


Dahil hindi mo pa kayang mag-isa.

Sa tarangkahan, nangungulila ako


Kahihintay sa oras na kailangan mo na ng sundo,

naiinip ako buhat pa kaninang nag-“Lupang

Hinirang” tayo.#

Wednesday, October 27, 2010

Vigil


Sawa ka na sa ganitong pambubuska.

Wala kang dahilang maisip sa pag-iwas

sa lambing kaya sasabihin mo, maraming gagawin.

Kayraming naghihintay sa iyong kalinga:

papel na dapat basahin, iligpit, tsekan, sulatan,

ibenta. Isa kang ahente. Tawiran ng kuryenteng

hindi mapatid-patid. Aaminin mong isa itong gawaing

napakalumbay, ang tumunghay sa nagsapot-sapot,

nagsala-salabit na pagkakataong maging kahit sino ka.

Nang minsan kang alukin ng tulong,

Sagot mong pabanas, kailan mo pa kinailangan?

At kapag lumayo akong nagkikibit

ng alanganing balikat o ulo, magagalit ka.

Magagalitin ka.


Minsan gusto kong matawa.

Hihiga tayong tuklap sa isa’t isa.

Ilang taon nang hindi magkakilala,

ilang taon nang kinikilala,

kung hindi lamang dahil sa nakapagitang bunsong

mahimbing, nananaginip, nagmamahal, walang maliw.#

Friend-request


Sinaklot ka ng binatilyong nasa nang mag-request sa iyong makipagkaibigan ang isang limot na lisik, dating kapitbakod at kapitasan sa malaong nalunod na punong bayabas, na matapos ang dalawampung taon ay hindi nagbihis ng apelyido. Ano ba kung tatlong walang saysay na taon ang tanda niya sa iyo. Sa pagitan ng “musta na u?”, muli mong naalaala ang ladlaran ng kaniyang asul na unipormeng pinangarap mong mahipan ng simpilyo mong hangin (sisipol ka nang matinis at palihim), at madungawan ang dumudungaw sa nipis ng telang umaastang kamison: garter ng bra. Tsambahang itim. Nagigimbal ka sa tuwing malilimot niyang may muwang ka na sa kaniyang biglaang pagyuko, mabining pamimisikleta, daskol na pag-upo sa hagikgikan nila ng iyong ditse, paglalakad sa bahang suot nang walang alinlangan ang masikip, impit na salawal. Lalayo ka ng tingin ngunit tinatandaan mo ang hulma ng lahat ng nakita, lalo na ang hindi naapuhap ng mata.


Sa pagitan ng pangungumusta, itatanong mo ang kaniyang numero, kung marunong pa siyang sumakay ng traysikel na malisyoso mong inaabangan noon kahit mahuli, sinasabayan noon pagpasok sa unang taon ng tinatawag nila noong mataas, lubhang kaytaas na paaralan, muli, kahit mahuli o mahuli. Tatlong gabi kang alipin ng sampung minutong lubak ng biyaheng pinangarap mong magtagal, na sana’y walang kasintagal.


Sa pagitan ng pagtipa, itatanong mo kung maluwag pa rin ang kaniyang Sabadong nagpasikip sa iyong pundilyo, kung alam niya ang sulok na iyon sa Malate, kung mahilig na siyang magkape. Sinabi mo: kaya na kitang ilibre. At gusto mong patunayang hindi iindahin ng suweldo mo ang mamon sa pagitan ng dalawang tasa ng umaasong cappuccino. Matapos ang dalawampung taon, gusto mo siyang linlangin na hindi ka na uhugin. At dahil may muwang ka na sa rima ng panunudyo, papayag siya. Muli kang sasasalin ng primitibong kaba. Maiinip kahihintay sa Sabado ng kape, at batay sa usapan, Sabado na rin ng serbesa ang gabi. Maiinip ka kahihintay. At hindi ito sasapit dahil sa panahon: nagkatotoong pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa dakong hapon at gabi. Hindi mo matatanggap ang kaniyang bantulot na pagsosori. Hindi ito sasapit dahil babalik na siya sa Dubai. Muli, magkakasya ka na lamang sa pinaglumaang halay matapos ang dalawampung taong, ang totoo, hindi mo naman talaga ipinaghintay.#