Thursday, July 30, 2009
Si Untog
Ibon si Untog. Pero hindi ko alam kung anong uri ng ibon. Maliit pero hindi ko alam kung inakay. Kulay berde. Medyo mahaba ang tuka. Sayang, wala akong kakilalang ornithologist, nalaman ko sana kung anong specie si Untog.
Kung paano siyang bininyagang Untog, ganito kasi ang nangyari:
Lunes, mga bandang alas sais ng hapon nangyari ang insidente ni Untog, kung insidente ngang matatawag ito. Tinatalakay ko ang paksang diskurso sa aking mga mag-aaral, B.A. Communications 1-B ng Southern Luzon State University, kaya dada ako nang dada. Diskurso ang paksa e. Nasa class room kami na Hamlet kung tawagin. Kung bakit tinawag na Hamlet ang kuwarto cum audio-visual room ay dahil ayon sa mapagkakatiwalaan kong source sa SLSU, nagpalabas ng teatro ang College of Arts and Sciences na ang malilikom na pondo ay ipampapagawa ng isang malaki-laking kuwarto na puwedeng maging venue ng seminar, AV room, at puwede rin siyempreng maging class room sa tuktok ng Rizal building na mas kilala sa tawag na AS building. At tama, Hamlet ni Shakespeare ang ipinalabas. Kaya bininyagang Hamlet ang silid sa tuktok ng gusali.
Bueno, naroon ako sa isang malaking kuwartong Hamlet nga ang pangalan. Kasalo namin sa kuwarto, dahil nga medyo malaki, ang isa pa ring klase na tinuturuan naman ni Mr. Ungriano. Panoramic ang kuwarto. Naliligid ng sliding na salaming bintana ang Hamlet. Matatanaw mo ang Banahaw na noong oras na dumaan si Untog ay nababalot ng hamog. Tama, imagine Baguio. Ganoon ang Lucban noong alas sais ng hapon ng Lunes na iyon. Makapal ang hamog, sabi nga ng mga estudyante ko: na-misplace ang Banahaw dahil hindi na ito matanaw. Malamig sa loob ng kuwarto dahil bukas ang ilang slide ng salaming bintana. Tapos, dumaan na nga ang isang nagmamadaling ibon. Inuntog ang salaming bintana. Knock-out ang ibon.
Hindi ko alam ang kasarian ng ibon. Hindi ko alam kung paano ito kilalanin. Kaya kahit medyo tunog panlalaki ang pangalang Untog, by virtue of the incident, tinawag siya ng estudyante kong si John Aguila na Untog.
Walang malay si Untog nang damputin ng isa sa mga estudyante ko. Dahil ako ang titser, iniabot sa akin. Buhay si Untog. Inilagay ko sa palad ko. Tandang tanda ko pa ang tinatalakay ko sa ilalim ng paksang diskurso: kung paano simulan ang isang buong linggo sa pamamagitan ng pagpapaganda sa isang Lunes. Sabi ko sa mga estudyante ko, maganda ang Lunes ko dapat kung hindi lang dahil sa pagsesermon at panghihiya ko sa isang estudyante ng Public Administration na nahuli kong nangongopya noong prelim exam noong nagdaang linggo, SK Chairman pa man ang walang hiya. Sabi ko, nabawasan ang ringal at ganda ng aking Lunes. Nang bigla na ngang pumasok sa eksena si Untog.
Nagkamalay si Untog habang nasa palad ko. Bumuka ang tuka, parang humihigop ng hangin. Humahakok-hagok. Parang si Hatton noong masapak ni Pacman. Hindi ko alam kung may penchant ako sa retrato, pero dahil sa insidente, nagpakuha ako ng retrato sa isang estudyante, sa presidente ng klase na si Vanessa RaƱola, na nagkataong may dalang point-and-shoot na camera. Pitik ng picture. Pose. Inilapit ko sa mukha ko. Pitik. Kinuha ko ang camera phone ko na kahit mahina ang resolution, kinuhanan ko pa rin. Pitik nang pitik. Maingay na ang klase. Pero okey lang. Bihirang dumating—o mauntog!—ang isang ibong gaya ni Untog. Palakas na nang palakas si Untog. Bumubuka na ang pakpak.
Dahil kaarawan ng anak kong si Bani noong nagdaang Sabado, at dahil wala akong regalong globe (hindi yung telepono, yung globo talaga na replica ng mundo) gaya ng kahilingan ng apat na taon kong anak, naisip kong ipanregalo kay Bani si Untog. Isang araw na regalo na pakakawalan din namin kinabukasan. Maganda sanang ipampamulat kay Bani ang kahalagahan ng mga hayop sa kapaligiran. Pero hindi ko alam kung ano ang ipapakain kay Untog. Baka lalo siyang manghina, o worse, matepok. At dahil nga aapat na taong gulang pa ang anak ko, baka hindi sinasadyang ma-mutilate si Untog, at siyempre, matetepok. Dinala ko sa labas ng Hamlet si Untog.
Itinaas-baba ko ang palad ko para kumampay si Untog. Lumipad ang regalo ko sa anak ko. Lumipad na si Untog sa malamig at nag-aagaw-dilim na paligid.
Pagbalik ko sa loob ng Hamlet, nanghinayang ang mga estudyante ko. Sayang daw ang regalo. Sayang daw at hindi nakuhanan ng larawan ang pagpapakawala ko kay Untog. Bigla akong nakaramdam ng panghihinayang. Oo nga ano, sayang, walang retratong pam-blog, pam-facebook o friendster habang pinalilipad ko si Untog background ang makapal na hamog ng Lucban at ang na-misplace na bundok ng Banahaw. Sayang at hindi nahawakan man lamang ni Bani ang regalo niya. Pero inisip ko, kay Bani pa rin naman si Untog. Nakakagala nga lang nang malaya sa kabundukan ng Sierra Madre at Banahaw at sa bayan ng Lucban na natutuhan ko nang mahalin. Para kay Bani at para sa lahat si Untog.
Kaya ngayon, sa tuwing magka-klase ako sa Hamlet, mag-aabang ako ng panibagong ibon na lilipad at mauuntog hindi man kauri ni Untog. At may pangalan na ako para sa mga susunod na ibong kahit hindi ko malaman ang kasarian ay tatawagin kong “Untog Junior”, “Untog the Third”, “Untog the Fourth”, ad infinitum.
Kongklusyon namin ng klaseng B.A. Communications 1-B: truly it was a great Monday.
Labels:
Kaeselesyuhan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Yanong igi po ng istorya mo. Pakiramdam ko ay nandoon ako habang binabasa ko.
salamat sa iyo Gerry!
Post a Comment