Thursday, July 30, 2009
Dinuguan
AKO ANG PUMILI NG sasakyang bus. Ako dapat ang mamili dahil ako ang nakakalaam sa likaw ng bituka ng kamaynilaan. Hindi si Makoy na taga-Lucban. Teritoryo ko ang Valenzuela dahil doon ako tinubuan-pinungusan-tinubuan ng tahid. Kaya matapos kong palampasin ang limang bulok na bus, pinili ko ang bagong-bagong berdeng bus na may tarpaulin ni Claire De La Fuente sa tagiliran, ang Corinthian Liner na mas siga pa sa MMDA. Hindi baleng mabagal at tumatanod sa lahat ng kanto sa MacArthur Highway, malamig, mabango at bago naman ang bus ni Claire De La Fuente.
Sumakay kami sa Malanday matapos kong makompirma sa konduktor na dadaan sa ilalim ng Ortigas fly-over ang Corinthian. Humanap kami ng pinakaprenteng upuan sa napakaluwag pang bus. Pinili namin ang gawing kanan na pandalawahang pasahero para iwas kami sa sikat ng araw. Pinili namin ‘yung medyo malapit sa LCD TV sa harap. Iyong sakto lang para makapanood nang hindi nakatingala pero hindi naman malayo sa telebisyon. Sa gawing bintana ako. Napako agad ang atensiyon ni Makoy sa palabas na kara-karate, kungfu-kungfu na may barilan. May subtitle na mali-mali. Kaya pala mali-mali, hindi kasya sa iskrin ng TV ang mga letra ng subtitle kaya hindi namin mabasa ang nakasulat sa ilalim. Hindi ko mawari kung Intsik ang salita ng pelikula. Hindi na lang ako nanood. Si Makoy ang nagtiyagang manood. Palagay ko hindi rin siya makaintindi ng Intsik pero pinanood niya malamang ang palabas dahil sa lumilipad na sipaan at sa dami ng bratatatatatat at dialogue na puro “Hiyaaaah!” at “Hatsuwaaaaaiaaah!” lang ang sinasabi habang nakikipagbasagan ng mukha ang mga bidang babae sa pelikula.
Itinutok ko ang aircon sa bumbunan ko. Suwabe. Tuyo agad ang pang-alas-otso ng umagang pawis sa batok at likod ko. Tig-forty-eight ang pamasahe namin ni Makoy. Mahal na pala. Ngayon lang ako sumakay ng bus sa Malanday patungong Ortigas mula nang mapalipat ako sa Lucban noong isang taon. Hinugot ko sa Sagada bag ko ang Introduction to Political Communications Second Edition para sa assignment ko sa M.A. Sinubukan kong basahin. Maganit ang libro na pinalala pa ng maliliit na font, kaya hindi pa man lumalabas ng Monumento ang bus ni Claire De La Fuente, nahilo na agad ako. Buti na lang may baon akong Maxx na asul. Sipsip, kagat, ngata, nguya. Pinalitan ko ang libro, hinugot ko sa bag ang nobela ni Butch Dalisay tungkol sa bangkay ng babae na Soledad ang pangalan na naligaw pag-uwi galing sa Saudi. Si Makoy tutok pa rin sa kungfu-kungfu at bratatatatat, inalok ko ng Maxx na asul, hindi kumibo. Binging-bingi na siguro sa mga “Hiyaaaah!”, “Hatsuwaaaaaiaaah!” at at bratatatatat ng mga bidang babae at mga kontrabidang lalaki. O sadyang sawang-sawa lang na kausapin ako dahil apat na araw na kaming magkasama. May katuwiran.
HINDI MUNA KAMI BUMALIK ni Makoy sa Lucban pagkatapos ng seminar sa UP Diliman. Naghintay pa kami ng isang araw. Magdo-donate kami ng dugo para kay Sir Q., ang dati naming department head na koboy pa rin noong huli naming makausap kahit wawakwakin na ang dibdib. Iba-bypass kasi sa Cardinal Santos si Sir Q. kinalunesan. At kailangan ng dugo. Siyempre kailangan ng dugo. Sabi ko kay John, co-teacher ko rin, ito ang hula ko kung bakit kailangan ng dugo: kasi lilinisin at huhugasan ang puso ni Sir Q. ng dugong akma sa blood type niya. Tapos, pag nagawa na ang bypass, kailangan sampolan ng dugong paaagusin kung ubra na ang bagong ugat ng puso niya. Hindi awtomatikong dugo namin ang gagamitin sa road test ng bagong ugat na karaniwang tinatalbos sa hita. Kailangan ni Sir Q. ng ka-blood type na hihiramin sa blood bank, na papalitan naman ng dugong ido-donate namin. Kailangan ng maraming magdo-donate kasi charity lang daw ang operasyon ni Sir Q. Charity worth 250k. Ulk.
Ang Sabadong iyon ang araw na ia-admit si Sir Q. sa Cardinal Santos. Hatid siya ng labindalawa sa mga matatapang na magdo-donate ng dugo mula sa Bundok Banahaw. Karamihan ay co-teacher namin ni Makoy sa Southern Luzon State University. Biyernes natapos ang seminar namin sa UP. Naghintay pa kami ng kinabukasan para makauwi ng Lucban para malibre sa van pabalik. Hindi pala talagang libre ang pamasahe namin pabalik. Kailangan kasi kaming kuhanan ng halos kalahating litro—kalahating tabo!—ng dugo. First time kong kuhanan ng dugo. At takot na ako sa injection mula pa noong makita ko ang karayom bago ako tuliin noong grade 5.
Pero wala nang atrasan. Dugo lang iyan. Iniksiyon lang iyan. Kalalaban ko lang nang nakapikit sa heringgilya sa Lucena nang magpa-medical exam ako para ma-renew sa SLSU noong nagdaang buwan. Suwabe. Natapos ang iniksiyon na parang hindi nangyari. Kung gagamitin ang pinakadakila at pinakamaaasahang sukatan ng Pinoy sa kirot, parang kagat lang ng isang langgam ang nangyari. Mas nahirapan pa akong punuin ng ihi ang maliit—parang malaki lang nang kaunti sa bote ng Yakult—na boteng plastik para sa drug testing.
Ang kaibhan lang ng nagdo-donate ng dugo, ayon sa imbestigasyon ko, mas mataba ang iniksiyon. Kung mas masakit ang tusok ng pagkuha ng halos kalahating litro ng dugo ay hindi na binanggit ng ininterbyu ko. Depende daw sa nagtuturok ang sakit.
MULA SA PERMANENTENG TAMBAYAN ng mga bus sa Edsa-Cubao, at dahil matatapos na ang pelikula, wala nang tigil ang text at tawag ni Makoy sa mga biyaherong magdo-donate ng dugo mula sa Lucban. Spokespersons ng grupo sina John at Apple, ang girlfriend ni Makoy, dahil pare-parehong silang suki ng Sun, ang aandap-andap na call-and-text-all-you-can network ng bansa. Aalis daw dapat sila ng alas-sais ng umaga. Pero dahil late dumating sa tipanan si Jaylo, co-teacher din naming psychology ang itinuturo, mag-aalas siyete na tumulak pa-Greenhills ang van mula Lucban. Ayos, sabi ko kay Makoy, dalawang oras ang biyahe namin, tantyadong tantyado, magtatagpo kami ng alas diyes sa Cardinal Santos.
Alas diyes nakarating sa ilalim ng Ortigas fly-over ang bus ni Claire De La Fuente. Halos mamanhid sa lamig ng aircon ang buong katawan ko. Nang bumaba kami sa bus, nagngangalit naman sa init ang araw. Haluan pa ng init ng singaw ng mga makina at ang biglang pagyakap sa akin ng long lost friend kong carbon monoxide pagbaba ng Corinthian.
Nagtaksi na kami ni Makoy pagbaba ng bus ni Claire De La Fuente. Kulang-kulang sampung minuto ang biyahe at forty two fifty ang nasa metro pero buong-buong nagpaampon ang singkuwenta pesos namin sa tsuper ng corollang sira yata ang aircon. Mula noon hanggang ngayon, wala pa ring baryang panukli ang mga taksi sa Metro Manila. Nakasulat kaya sa Lonely Planet Philippines na malaon nang tradisyon ito sa Metro Manila?
Tinanong ko ang information desk, wala pang ina-admit na Sir Q. sa Cardinal Santos. Tinanong ko kung saan ang bigayan at pigaan ng dugo, itinuro ako sa laboratoryo, ikatlong pinto sa kanan-kanan-kanang pasilyo. Naroon na ang tropa, isa-isa nang sinasampolan kung tatanggapin ang dugo. Kaunting tusok, kaunting dugo, kaunting pahid ng bulak. Pagkatapos ng ilang minutong tawanan at kumustahan, kami naman ni Makoy ang sinampolan. Ayos, kung gagamitin ko ang tradisyonal na kagat-ng-langgam pain-meter, parang kagat lang ng isang langgam. Magaling ang lalaking nurse na ayon kay Sir Rene, senior faculty ng SLSU, ay taga-Alabat ang lahi. Okey, kaya pala hindi kami masyadong dinuro, taga-Quezon Province din.
MAHIGIT ISANG ORAS DAW bago malaman kung katanggap-tanggap ang dinuguan naming ido-donate kay Sir Q. Pasado alas-onse na. Puwede nang tsumibog, aya sa amin ni Sir Q. May baon silang dalawang putaheng tanghalian. Pila kami sa likod ng van, nakabukas na ang dalawang kaldero ng adobong manok at kinulob na pata galing sa Lucban. Mukhang balak palitan ni Sir Q. ng mantika ang dugong mawawala sa amin. Nakabukas na rin ang kaldero ng kanin. May saging din. Nakadalawang biyahe ako ng tanghalian. May malamig na juice na naka-tetra pack. Lumabas kami ni Jaylo sa bakuran ng Cardinal Santos. Hanap kami ng nagyeyelo sa lamig na Coke. Wala. Wala kahit Pop. Wala kahit ano dahil walang tindahan sa kalsada sa harap ng Cardinal Santos, puro pangmayamang bahay lang ang nakatirik sa gilid ng hayupak na kalsada. Hindi na namin nilakad ang patungong Greenhills dahil para na kaming nasa gate ng impiyerno sa init. Hanap kami ni Jaylo ng lilim na mayoyosihan. Makati na ang lalamunan ko. Nalintikan, advance party ng trangkaso ang makating lalamunan. Napangalahati ko lang ang Winston. Inaya ko na lang si Jaylo na bumalik sa ospital. Tumambay muna kami sa van. Nabitin si Jaylo sa pagyoyosi. Naghanap kami ng lilim na mayoyosihan sa loob ng compound ng Cardinal Santos. Kasisimula pa lang namin nang masita kami ng guwardya. Oo nga naman, nasa ospital kami. Itinapon ko agad ang Winston ko, senyal ni Lord na talagang pinapapasok na kami sa ospital.
Nasa laboratoryo na ang tropa. Kasama pa rin namin si Sir Q. na hindi pa rin nagpapa-admit. Nakabantay yata sa mga mababahag ang buntot. Tawanan at kuwentuhan. Takutan sa kirot na mararamdaman. Maingay kami. Pero nasapawan kami ng ingay ng isang lalaking puti. Parang nakaispiker kung mag-Ingles sa kausap. May hakot ding magdo-donate ng dugo ang puti. Mga payat na batang parang kaaawat lang sa rugby at pinulot lang sa kung saang bangketang tinayuan ng basketball court. Tinawag kong mga gangsta dahil sa dami ng mga tama ng taga sa mukha at braso ang kasalo namin sa kulang dalawampung upuan sa lobby ng laboratoryo. Meron pang pisak ang mata, dahil siguro sa tama ng pana. Hindi sila nag-uusap-usap. Gaya namin kanina, sinampolan din sila kung uubra ang kanilang dinuguan. Nag-“Let’s go boys!” ang puti. Kakain na daw sila ng tanghalian. Hindi naman ako pintasero, pero kumpara sa amin ng mga kasama ko, pam-field trip at pang-anak sa binyag ang attire namin. Lahat mukhang maayos. Hindi halatang sasali kami sa blood letting.
Pasado ala-una nang simulan ang pigaan. Dalawang dugo ang hindi pumasa sa lupon ng inampalan. Ang kay Elaine, bagong graduate sa kolehiyong co-teacher na rin namin na hindi na sinubukang sampolan dahil kare-red sea lang niya, at ang kay Apple, na girlfiend nga ni Makoy dahil mababa raw ang hemoglobin count. Tatlo ang magdo-donate sa isang pasada. Kinse hanggang bente minutos ang itinatagal ng isang pigaan. Nilapitan ako ni G. Salipande, kasama sa unang batch ng nag-donate at nagtuturo ng Humanities sa SLSU, ako na raw ang susunod. Kumati lalo ang lalamunan ko.
Parang tinakasan ng dugo ang mukha ko. Pinabaunan ako ng kantiyaw ni John dahil sa pagkukulay-sukang paombong ko. Pumasok na ko sa loob. Humiga ako sa isang parang couch na itim. Kipkip ko pa rin ang nobela ni Butch Dalisay.
May TV sa harapan ng couch. Masama ang palabas. Pero mas masama ang host ng palabas, si Willie Revillame. Nagpasalamat ako sa mga diyos ng libro. Hindi ko alam kung nahalata ng lalaking nurse na niyakap ko ang libro ni Butch Dalisay sabay sabing “Thank you Lord” dahil hindi ko kailangang parusahan ang sariling makipaggaguhan kay Willie Revillame sa loob ng kinse minutos na kinakatasan ako ng dugo.
Maliwanag ang ilaw sa loob ng pigaan ng dugo. Nagpaalam ako sa nurse kung puwede pa akong lumabas para kunin sa Sagada bag ko ang Rudy Project shades na mas matanda pa sa anak kong apat na taon. Puwede raw hangga’t hindi pa ako tinutusukan ng tubo. Labas naman ako. Tawanan uli ang tropa nang makita akong lumabas. Umaatras na daw yata ako. Nginitian ko lang sila. Putlang ngiti palagay ko ang ipinakita ng labi ko. Kinuha ko sa bag ang shades at ang water canteen na permanenteng boarder na ng Sagada bag ko. Balik sa loob ng pigaan. Higa uli. Cool na cool dahil naka-shades. May iniinterbyu/ginagagong contestant si Willie Revillame. Binuklat ko si Butch Dalisay.
Kasabay ko si Jaylo at si Donn, anak ng vice mayor ng Lucban na nagtuturo din ng Humanities sa SLSU. Kaklase ko sa inuman si Jaylo. Biruan kami ni Jaylo habang nakahiga. Si Donn, kung baga sa TV, laging naka-mute. Palaisipan sa akin kung paano siyang nakapagtuturo nang hindi bumubuka ang bibig. Parang hindi bumubuka ang bibig. Ventriloquist yata si Donn. Pero wala naman akong nakikitang puppet na kasa-kasama niya sa klase.
TINALIAN NG GOMA ANG kaliwang braso ko. Kinapa ng nurse ang ugat. Para kumalma ako, kinausap ko ang nurse. Kinumpirma ko kung taga-Alabat nga. Lahi lang daw, tatay lang niya ang tagaroon. Tuwing kuwaresma sila namamasyal sa Alabat. Sa Maynila na siya nag-aral. Sa CEU. Caparros ang apelyido ng nurse. Sabi ko nagkaroon ako ng estudyante sa civil engineering na Caparros ang apelyido. Hindi niya kakilala. Pinakuyom ang kamay ko. Hindi gaya noong tinuli ako, hindi ko tiningnan ang karayom. Tinusok. Kagat-ng-langgam-meter: isang kagat lang uli. Epektibo yata ang pagtsika ko sa nurse kaya tender loving care ang pagtarak ng karayom na may tubo. Naka-jacket na itim ang nurse, may maliit na logo ng Nikon sa likod. Tinanong ko kung mahilig siya sa photography, ngumiti. Oo daw. May camera daw siyang de-lente. Mayaman sa isip-isip ko. Bago ako tusukin, nakita ko ang sapatos ni nurse Caparros. Two tone na leather Camper na mukhang bago pa. Otso hanggang diyes mil ang isang pares ng Camper. Paano ko nalaman? Meron din ako. Kaso eight hundred lang ang bili ko sa ukay-ukay sa Valenzuela three years ago.
Pinahawakan ako ng maganit na bolang parang foam. Pinapiga-piga ni nurse Caparros. Nakakangawit. Sinilip ko ang tubo patungo sa supot ng dugo ko. Mabilis mapuno ng dugo. Sinilip ko ang tubo ni Jaylo na nakapuwesto sa kanan ko. Mabagal ang tagas ng nawasa niya ng dugo. Nilapitan siya ng babaeng nurse na tumarak sa kaniya. Sinipat-sipat ang pagkakatusok. Mali daw ang ugat kaya mabagal ang tagas ng dugo niya. Hinugot at itinarak uli sa ugat ni Jaylo. Nakatutok lang ako sa nobela ni Butch Dalisay. Sa isip-isip ko, iyon ang napapala ng hindi muna tsumitsika, walang personalized service. Sinilip kami ni G. Salipande. Sinitsitan ko. Sabi ko kuhanan kami ng retrato gamit ang cellular phone ni Jaylo. Souvenir. Pang-friendster, pang-facebook. Pitik naman si G. Salipande. Tinawag ko si nurse Caparros. Game naman. Pose din. Todo ngiti kami.
Una akong natapos. Hindi muna ako pinatayo. Binaluktot at pinadiinan ni nurse Caparros ang braso ko para daw sumara ang butas. Mga isang oras daw itong ibabaluktot at didiinan. Binigyan ako ni nurse Caparros ng hindi malamig na Zest-o. Lalong kumati ang lalamunan ko nang sipsipin ko ang juice na parang galing sa termos. Binalaan ako ni nurse Caparros, puwede raw akong mahilo pagtayo pero normal lang daw iyon. Normal sa nawalan ng kalahating tabo ng dugo.
Dahan-dahan akong tumayo. Tiningnan ko ang paligid ng pigaan. Hindi umiikot ang mga pader. Bumalik ako sa lobby ng laboratoryo, naupo, binuksan ang Butch Dalisay, itinuloy ang pagbasa. Pagkatapos ng ilang pahina, tiningnan ko uli ang mga dingding, hindi pa rin umiikot. Ayos. Malakas ang katawan ko. Biruan kami ng tropa. In-exaggerate ko ang nangyaring tarakan ng tubo ng dugo, sabi ko, sa leeg ako tinarakan ng tubo, ginamitan ng water pump ang pagsipsip kaya mabilis akong natapos. Si John naman ang napansin kong namutla kahit pa pangatlong donasyon na raw niya ng dugo. Pangatlong donasyon pala ha.
Lumabas na si Jaylo sa pigaan. Natawa ako dahil nakasimangot siya. Ginawang pin cushion ng nurse na suplada ang braso ni Jaylo. Hindi ipinabaluktot ang braso niya. Pinadiinan lang ng bulak. Iniksperimento ni Jaylo, inangat ang bulak. Nagsimula uling tumulo ang dugo. Ibinaluktot na lang niya ang braso. Lalong sumimangot si Jaylo.
MAY PASILYONG MALIIT SA likod ng pigaan ng dugo. Hindi ko alam kung bakit nakati-katihan kong silipin nang malapitan kung paano tinatarakan ng karayom ang braso, kung paanong pinaaagos nang legal ang dugo. May salamin sa ulunan ng parang couch na itim. Puwede mong makita kung ano ang ginagawa ng nurse, kung ano ang reaksiyon ng tinatarakan ng karayom. Saktong si Bryan, bagong graduate na magna cum laude at bagong titser ng SLSU, ang nakasalang. Gaya ko, tinalian din ng goma ang braso ni Bryan. Si nurse Caparros din ang magpapaagos sa dugo niya.
Siyet, antaba ng karayom! Pagkatarak na pagkatarak, agos agad ang dugo ni Bryan. Bigla akong nanghina. Biglang nanakit ang mga buto ko sa tuhod. Parang umuuga ang buong paligid. Nang tingnan ko ang paligid, nagme-merry-go-round na. Balik ako sa lobby ng laboratoryo. Kumapit ako sa upuan. Pakiramdam ko nasa ferris wheel ako. Umiikot ang mga dingding. Nakipagbiruan sa akin ang tropa. Tawa lang ako nang pilit. Parang dini-drill na ang mga joint ko sa tuhod. Bumigat ang ulo ko. Nakalimutan kong lahat ang sineminar namin ni Makoy. Parang sebo sa platong tinanggal lahat ng isang pahid ng Joy Antibac.
Si John at si Makoy ang huling isasalang sa paduguan. Pero bago iyon, nasingitan sila ng mga gangsta na hakot ng puti. Nagmura si G. Salipande. Nagparinig sa personnel na dapat unahin kami dahil kami ang naunang sinampolan ng dugo. Wa-epek. Pagkatapos ng bente minutos saka pa lang nasalang si Makoy at si John. Mag-aalas-kuwatro natapos ang pigaan.
Nagpaalam muna ang iba kay Sir Q. na noo’y admitted na sa charity ward na San Lorenzo room ang tawag. Talagang pangmahirap, sa Pinoy na santo pa ipinangalan ang ward. Hindi na ako pumasok dahil kinukulata na ako ng init habang pinapaikot-ikot sa tambyolong ospital. Sumisingaw na sa mata ko ang lagnat. Dumaan pa sa chapel ng Cardinal Santos ang tropa, nagpaiwan uli ako sa labas ng chapel. Umihi ako. Mainit na kulay Zest-o ang dyininggel ko.
GUSTO SANA NAMIN NI Sir Rene na dumaan sa Greenhills Shopping Center. May limandaan pang natitira sa budget ko. Pandalawang japeyk na polo shirt din pamasok sa SLSU. Nagpatalo kami ni Sir Rene sa debate versus tsuper ng van. Mahirap daw kasi ang parking kapag Sabado ng hapon. Okey, payag na kami ni Sir Rene dahil baka nga ihatid kami sa Greenhills Shopping Center at saka kumaripas pabalik sa Lucban ang van na hindi kami kasama. Megamall is it.
Pero ang totoo, sa kaibuturan ng puso ko, gusto ko nang bumalik sa Lucban gaya ng mungkahi ng pakialamerong driver na panay ang putok ng butse dahil sa wala sa budget na parking fee ng pangmahirap na ospital sa Greenhills. Binawasan kami ng dugo, baka daw manghina kami kalalakad, sabi niya. Malinaw ang lohika. Pero hindi makukumpleto ang biyahe sa Maynila kung hindi muna tatambay sa mall. Mas malinaw na lohika! Dahil bukod sa pangninong at ninang sa binyag, pang-mall din ang bihis namin. Doon na rin kami maghahapunan. Makakabili na rin ako ng Biogesic na nakalimutan kong bilhin habang hilong-hilo akong nakatanga kahihintay sa mga kasama kong ginu-good luck sa loob ng San Lorenzo room si Sir Q. na papalakulin na ang dibdib kinalunesan.
Dahil Sabado at umaapaw sa sasakyan ang parking space, nagpaikot-ikot muna kami sa bakuran ng Megamall. Isang oras yatang tumanod ang van. Buti na lang napagmuni ng rocket scientist na driver ng van na ibaba na lang kami sa pinto ng mall habang humahanap siya ng paparadahan. Text-text na lang daw kung saang lupalop ng Megamall siya matatagpuan. Mag-aalas-sais nang pumasok kami sa mall. Humiwalay na ako sa tropa para humanap ng pinakamalapit na botika. Papalalim nang papalalim ang drill ng lagnat sa tuhod at sentido ko. Papel de liha na ang lalamunan ko.
Limang Biogesic agad ang binili ko. Dalawa agad sa unang laklakan. Kailangan munang maghapunan. Dahil nag-iisa lang akong gumagala sa Megamall, sa umiikot na Megamall, nagpasiya akong kumain sa paborito kong fastfood: Yoshinoya, na nasa kabilang dulo ng Megamall. Lakad. Escalator pataas. Lakad uli. Escalator naman pababa. Pasok sa Yoshinoya. Pila. Order. Dalawang mangkok agad ng paborito kong pagkain ang inorder ko. Wala nang Coke-Coke. Lalo lang kakati ang lalamunan ko. Binasa ko pa rin si Dalisay habang sinisimsim ang sarap ng beef bowl na naliligo sa Kikkoman kahit pa binabayo na ako ng lagnat at binabalasa ng hilo. Hindi baleng mabagal sa tsibog, baka isang taon uli ang palilipasin ko bago makakain sa Yoshinoya, sa isip-isip ko. Inom ng dalawang pangontrang Biogesic.
Nakasalubong ko sila Sir Rene nang pabalik na ako sa drop-off point ng van malapit sa supermarket. Hindi na raw doon magkikita, sa parking lot na malayong katapat ng Jollibee (na malapit na sa Shangri-la!), sabi ni Sir Rene. Lakad agad ako kahit umiikot ang buong mall. Kahit patay pa ang makina, pumwesto na agad ako ng pinakakumportableng upo na magagawa sa isang van na walang head rest. Sumandal ako sa salamin ng bintana sa bandang likuran ng van. Hinintay ko ang mga kasamang akala mo nag-field trip. Mag-aalas-otso na kami lumarga pa-Lucban.
Masakit ang dunggol ng salaming bintana sa ulo ko. Hiniram ko ang cap ni Bryan. Nakatulog ako. Nagising ako sa ingay nila Jaylo at John. Inuupakan ng kantiyaw ang kasama naming hindi nakarating ng first base, ang pagsampol ng dugo, dahil nga kare-red sea lang. Sumama lang daw para mag-field trip si Elaine. Hindi ako makasali sa kantiyawan dahil minamaso ang ulo ko, gina-grinder ang lalamunan ko, at jina-jackhammer ang mga joint ko. Hindi ko na alam kung nasaan kami. Kaliwa’t kanang dilim lang ang nasa labas ng van. O nagdidilim na lang ang paningin ko.
Pagbaba ko sa van nang makarating sa Lucban, halos gapangin ko ang patungo sa bahay. Hindi ako nakapagturo hanggang Martes. Piyesta ang mga estudyante ko. Bawas ng mahigit sanlibo ang suweldo ko. Pero okey lang, maayos naman ang naging operasyon ni Sir Q. Naibalik nang maayos ng mga sosyal na mekaniko ng puso sa Greehills ang mga piyesa ng dibdib niya. Dapat lang, Cardinal Santos yata ang talyer ni Sir Q. na may charity ward worth 250k at tabo-tabong dugo ng mga titser ng Southern Luzon State University.
Heto ang pagbating text ni Sir Q. kay John at sa tropa pagkatapos ng sanlinggo:
“Hi guys! I’ll b home by Fri. Pwede na uli sa gimikan. Pls xtend my regards 2 everybody. Mbuhy.”
Take note, galing ang text na iyan sa isang English teacher na sisenta anyos na kaba-bypass lang. Bumata ang text ni Sir Q. Bumata rin sana talaga si Sir Q.
“Baka dahil sa dugo natin,” angas ni John sa tropa.
Kung magdo-donate uli ako ng dugo, tsitsikahin ko uli ang nurse, at magdadala uli ako ng isang magandang libro huwag lang mapanood si Willie Revillame, at oo, kahit pa lagnatin uli ako. At pramis, aalalahanin ko na ang sineminar kong walang-walang kinalaman sa kagila-gilalas na dinuguan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment