Tuesday, July 7, 2009
TAGBAHA
KAKAMBAL NA NG TAG-ULAN ang tagbaha sa Coloong. Kung paanong walang malinaw na etimolohiya at kasaysayan ang Coloong, wala ring malinaw na paliwanag kung paanong nagsimula ang baha sa amin. Ngayon na lamang lumabas ang isyu ng global warming sa mga dahilan kung bakit kami may tagbaha. Noon, ayon sa aking amang dating pulis-Valenzuela, walang baha sa Coloong. Malawak na sakahan ng kamatis, pakwan, melon, at singkamas ang pitak sa gitna ng hugis parihabang barangay. Mga halamang namumulaklak ang bakod sa mga bakuran. Nakikilala ang mga kanto at landmark sa barangay dahil sa mga malalaking punong nag-aabot-abot ang mga sanga at dahon sa gitna ng kalsada. Palaruan daw ng softball ang malalim na gitnang pitak, ang lukong, kapag tapos na ang anihan. Dahilan kung bakit maraming matandang magaling mag-softball sa Coloong. Ang tatlong ilog sa paligid ng Coloong ay umaapaw sa talangka at biya. May manakanakang baha, oo, pero bihira daw ito—tuwing mapupuntirya lang daw ng mata ng bagyo—at sa loob ng wala pang isang maghapon o magdamag, hupa na ang baha.
Nagkaroon lamang ng malimit at pangmatagalang baha noong manapos-napos ang dekada 70, nang umahon mula sa Manila Bay ang Dagat-dagatan. Ipinahukay daw ni Imelda ang Manila Bay upang matambakan ang ngayo’y Dagat-dagatang nakapaloob sa tatlong lungsod: Caloocan, Malabon, Navotas. Nagsimula daw kaming bahain matapos ang dakilang proyekto ng dating Unang Ginang. Walang tinakbuhan ang nadispatsang tubig sa Dagat-dagatan na dating bahagi ng Manila Bay. At dahil kami ang pinakamababa sa lupalop ng Kamaynilaan, sa amin sumuling ang tubig.
Puwedeng ibintang sa nagbarang ilog ang tagbaha. Burak ang nakasalalak sa tatlong bakod na ilog ng barangay. Umuho ang lupa buhat sa mas mataas na lugar nang tangayin ng tubig. Erosion sa Ingles. Naging mangkok na tagasahod ang mga ilog ng Coloong sa burak na ito na lumala pang lalo buhat nang mapanot ang bundok. Hindi maanod palabas ng Manila Bay dahil, paano ba, dahil nga bumabaw ang ilog. At dahil nga bumabaw, kailangang hukayin. Kailangang itambak sa gilid ng ilog ang nahukay na burak. Sa pigi at pisngi ng ilog. Kaya naman lumapad ang pilapil. Kaya kumitid ang ilog. Kaya may tagbaha ang Coloong.
Nang magtrabaho ako sa city hall, ipinaliwanag ni Prof. Kevin Rodolfo ng U.P. sa isang seminar ng mga opisyal ng barangay sa Valenzuela na binabaha kami dahil bumababa ang lupang nasa ladlaran ng Manila Bay sanhi ng pagkaubos ng deposito ng fresh water sa ilalim ng lupa. Buong Central Luzon at Metro Manila daw ang nakararanas nito.
Kapag tinatanong ako ng kahit sinong hindi taga-Valenzuela kung bakit namamahay ang tubig sa amin, pinakamadaling ipaliwanag na epekto ito ng global warming kasabay ng high tide sa Manila Bay. Mahirap ipaliwanag bagamat napakalohikal na bumabaw ang ilog namin dahil sa erosion at migration ng basura. Pang-encyclopedia naman ang paliwanag ni Prof. Rodolfo na nauubos ang fresh water kaiinom ng tubig. Malakas pa rin akong uminom: tubig, beer, at alak. Baka pilosopohin ako ng nagtatanong sa akin na bawasan ko ang pag-inom para hindi bumaha. Maganda rin sana ang paliwanag na bago pa mauso ang mga proyektong reclamation ng kung sinong big time na politiko, ni-reclaim na ni Imelda ang dagat buhat sa kandili ng Manila Bay kaya mayroon ngayong Dagat-dagatan. O ni-reclaim ni Imelda ang Dagat-dagatan kaya may totoong dagat na naghahanap ng ire-reclaim o paghihigantihan. Kaya nire-reclaim kami ng dagat. Kaya sa amin gumaganti ang dagat. Kahit hindi naman kami ang may kasalanan kung bakit nawala ang malaki-laking bahagi niyang nasa ladlaran ng Manila Bay. Ngunit paborito ko ang katwirang kami, ang barangay namin, ang bagong Venice. Ito ang aming destiny.
Humuhupa nang bahagya ang baha sa Coloong kung huhukayin ang burak sa bumababaw na ilog ng Meycauayan. Iyon ay kung may pondo ang city hall ng Valenzuela, ang munisipyo ng Meycauayan, DPWH, at MMDA na pambili ng krudo, pansuweldo sa operator, at pangkumpuni sa siraing draga, ang makinang panghukay sa bumababaw at kumikitid na ilog.
Malaking problema ang pagpapalalim sa ilog. Bagamat sakop ng Metro Manila ang Coloong, nasa Bulacan naman ang pinakamalaking ilog na dahilan kung bakit buwanan kung mangasera sa amin ang baha. Nagtuturuan ang mga ahensiya kung sino ang may jurisdiction sa Coloong at mga kanugnog na barangay pagdating sa pagpapahupa ng baha. Nagbabangayan ang mga ahensiya lalo na kung natututukan ng camera ng balita.
Kapag inaabot at nababaldado ang MacArthur Highway sa sobrang taas ng baha, at nambubulyaw na ang pangulo sa mga press conference sa mga pagkakataong binabayo ng delubyo ang Metro Manila, saka lamang huhukayin ng kung anong ahensiya ang ilog sa Meycauayan. Kung hindi ito nangyayari, dagat-dagatan ang buong barangay mula Mayo o Hunyo hanggang Oktubre o Nobyembre. At sanay na kami rito. Ang maging mangkok ng tubig na dumausdos mula sa Bulacan at silangang Metro Manila.
Walang politikong maglalakas-loob na ipangahas sa kampanya ang pagpapaalis ng baha sa Coloong. Kayang-kayang pataasan o ipagawa ng politiko ang kalsada, mga iskuwelahan, at iba pang pampublikong estruktura pero ang limasin ang baha, walang makapagsabi kung kailan at paano ito gagawin. Ang pagpapataas at pagpapaayos ng mga politiko sa kalsada at iskuwelahan ay pagsuko sa baha, at pagtatanghal na may kayang gawing pagbabago at progreso ang mga politiko. Huwag lang ipalilimas sa kanila ang baha.
Kung gustong itanghal ng media ang sidhi ng bagyo o baha sa Metro Manila, papasyalan kami ng mga politiko at mediang nakasakay sa mga pump boat. Mabilis na papasadahan ng camera ang bahang hanggang dibdib, at mananawagan ng tulong—sa pamamagitan ng “Hoy! Gising” noon—sa kung sinumang ahensiyang may puso at kaluluwa. Na siyempre, wala naman talagang ahensiyang may puso at kaluluwa hangga’t walang baha sa MacArthur Highway. Hangga’t hindi baldado at barado ang MacArthur Highway, ang ugat na nagdurugtong sa Valenzuela at kanlurang bahagi ng Bulacan, walang makakaalalang laliman ang mga ilog na bumabakod sa Coloong.
Ordinaryo na ang baha sa amin. Mahirap paniwalaan na ang bahang simula pa noong panahon ni Noah at ng epikong Gilgamesh ay simbolo na ng trahedya, panlilipol, paghuhukom, pagpupurga, ay ordinaryo na sa amin. Kung minsan nga ay masaya pa ang tagbaha. Dekada 80, at kaaawat pa lamang sa aking dumede nang maranasan ko ang baha. Kung may batang laki sa gatas, ako at lahat ng mga kasabayan ko at sumunod sa aming ipanganak sa parihabang barangay ng Coloong, laki sa baha. Umaapaw ang tubig sa palaisdaan, dahilan upang makawala ang tone-toneladang isdang laman nito. Walang maingat na negosyante sa bahang nagpupumilit maging residente ng aming barangay.
Tuwing baha lang nabubuhay at nakikita ang kabuuan ng halos walong libong residente ng Coloong. Nabubuhay dahil nakikita namin ang lahat ng papalabas at papasok ng Coloong na hindi matutunghayan kung tag-araw dahil sunong sila ng mga tricycle at kani-kanilang sasakyan. Kapag tagbaha, naglalakad papasok sa trabaho at iskuwela ang mga taga-Coloong. Minsa’y nakasakay sa pedicab na napakamahal ang pamasahe. Minsa’y nakasakay o kaya’y gumagaod at tumitikin sa balsang gawa sa pinagtali-taling container o drum, retaso ng styropor, katawan ng sirang refrigerator, biyas ng saging, at siyempre, balsang kawayan. Naiiwan sa bahay o sa elevated na garahe ang mga sasakyan ng mga may kayang taga-Coloong. Ang ibang sasakyan naman ay sadyang inilabas sa barangay bago ang tagbaha upang maligtas at upang magamit sa mga kalsadang tuyo.
Nakakawala rin siyempre ang mga bangka tuwing baha. Ang kalsadang sa kalahatian ng taon ay totoong kalsadang dinadaanan ng mga sasakyang de makina’t de-gulong ay ilog na binabagtas naman ng mga bangka at pedicab sa kalahati ng nalalabing taon. Kaya kahit ate at ditse ko ay marunong manimbang at sumagwan at mag-pedicab sa kabila ng aming pagiging lehitimong “tagalungsod” at hindi mamamalakaya.
May panlimahang bangka ang pinsan namin. Ito ang gamit nila sa kanilang halos dalawang ektaryang palaisdaan sa likod mismo ng aming looban tuwing mag-aani ng bangus at tilapia. Tuwing tagbaha, inilalabas ang bangkang ito upang ipanghatid sa mga pinsan naming nag-aaral sa labas ng Valenzuela. Nakiangkas din ang mga kapatid ko sa bangkang ito nang magsimula silang mag-aral sa Normal. Ako ang nagsasagwan sa aking mga kapatid na papasok sa iskuwela. Tuwing madaling-araw, inihahatid ko sila sa M.H. Del Pilar, o sa kung saan sasayad ang daong ng bangka. Noong manapos-napos na ang dekada 90, natatagos na ng bangka ang buong M.H. Del Pilar, nakalalabas hanggang sa MacArthur Highway papasok sa Meycauayan, Bulacan. Nanggigilid sa highway upang hindi masagi ng mga bus na bibiyahe sa EDSA.
Sa tuwing mamamangka ako noon, iniingatan kong matilamsikan ng tubig ang puting uniporme ng aking mga kapatid. Iniingatan kong tumaob o kumiling ang bangka lalo na’t karga nito ang inuming tubig na sinalok ko sa hulo ng barangay namin o ang pinamiling pagkain sa palengke. Malimit ang pag-iingat ko. Ngunit higit na malimit ang pangangarera ko sa pagsagwan. Ang pakikipagsuwagan ng nguso ng bangka sa mga kasabay kong bangkero sa Coloong lalo kung ako lamang ang sakay, o kung hindi ma’y mga pinsan at kaibigan kong walang takot matambog sa baha. Sa kabila ng lahat ng kapusukang makipagbungguan, wala akong nabalitaang nalunod o nadisgrasya sa pamamangka sa Coloong, ang barangay ng mga siyokoy at sirena na nalaman kong tawag sa lugar namin nang nagtatrabaho na ako sa city hall ng aming lungsod.
KUNG BAKIT COLOONG TALAGA ang pangalan ng barangay namin ay hindi pa matukoy ng kahit anong diksyunaryo, kuwento, haka-haka, at kasaysayan. Coloong marahil dahil kulong ang barangay. At ito ang pinakamalapit na kahulugan kung bibigkasin sa Ingles ang Coloong: kolung. Kulong, dahil kung saan ka pumasok ay doon ka rin lalabas. Puwera na lang kung babaybayin at manunulay sa mga pilapil ng ilog at palaisdaan, at mangungunyapit sa mga bakawan at punong palapat na bumabakod sa Coloong. Kung hindi ka mababaril ng may-ari o katiwala ng palaisdaang tatawirin, makalalabas ka nang buhay sa ibang barangay. Hindi pa rin talagang ganap na kulong. Pwede ring Coloong dahil malukong ang korte ng barangay. Malalim sa gitna. Puro palaisdaan sa paligid na nababakuran ng tatlong ilog: ang malapad na ilog ng Meycauayan, ang magkasingkitid na ilog ng Coloong at Malanday. Coloong-malukong katabi ng Barangay Malanday na kabaligtaran ng ibig sabihin ng malukong. Malanday na parang plato. Malukong na parang mangkok.
Ito ang paliwanag sa akin ng tatay kong retiradong pulis-Valenzuela nang tanungin ko siya dahil sa isang assignment sa Araling Panlipunan noong high school ako sa Valenzuela Municipal High School Polo Annex. Saan nagmula ang barangay namin? Bakit pinangalanang Coloong? Coloong-malukong. Coloong-kulong. Parang kolong-kolong o kuna ng bata, malukong at kulong.
Mababa ang nakuha kong grade sa assignment. Hindi nasiyahan ang titser ko. Kumbinsido siya sa ibang sagot ng mga kaklase ko: Barangay Arkong Bato dahil may arkong batong ipinagawa ang mga Amerikano bilang tanda sa magkahanggang probinsiya ng Rizal at Bulacan noong panahon ng Amerikano; Barangay Palasan dahil maraming puno ng palasan, isa yatang uri ng yantok o kawayan; Barangay Malanday dahil malanday ang hugis; Barangay Pasolo dahil pasulok-sulok ang mga daang-kalabaw na naging permanenteng kalsada ng barangay. Siyempre pinakamadali ang paliwanag sa Barangay Dalandanan, Malinta, Pulo, Balangkas, Bisig, at Isla.
Nang ikatwiran kong tatay ko, na isang retiradong pulis-Valenzuela, ang nagsabi sa akin ng kasaysayan ng Coloong, pakutyang sinabi ng titser ko na palitan na raw ng pangalan ang Coloong, tawagin na raw Barangay Santos Delos Reyes—ang pangalan ng tatay kong nagpasimula diumano ng kasaysayan ng barangay. Hagalpakan ang lahat ng kaklase ko sa first year section two. Noong taong iyon, nakabasag ako ng ngipin ng kaklase sa pamamagitan ng suntok nang patuyang tawagin akong taga-Barangay Santos Delos Reyes. Na siyempre, ikinagalit ng totoong Santos nang ipatawag siya sa iskuwelahan dahil sa pakikipagbuntalan ko, kahit pa ba dati siyang pulis. Dapat daw akong matuwa sa karangalang ipangalan sa aming pamilya, kahit pabiro o paloko-loko, ang barangay namin.
“Binabastos na tayo, matutuwa pa ‘ko,” singhal ko sa totoong Santos Delos Reyes.
Pagkasabi ko, ako naman ang nabungian dahil sa mag-asawang sampal ng asawa ni Santos Delos Reyes.
“Ikaw ang bastos!” pahabol pa ng aking ina.
Mula noon, naging pangit para sa akin ang pangalang Coloong, malansang parang baha ang pangalan. Ngayon, kapag tinatanong ako kung saan sa Valenzuela ako nakatira, sasabihin kong sa Malanday. Tapos na ang tanong kung hindi alam ang Malanday. Pero kung durugtungan pa ang tanong ng sinumang kung sakali ay pamilyar sa Valenzuela kung saan sa Malanday ako nakatira, sasabihin kong sa Coloong. A pedicab-ride away from Malanday. Pamasahe kung baha: beinte pesos.
Coloong, barangay na unti-unting binabawi ng dagat.
DAHIL PAWANG MGA NAKARARANAS ng tagbaha ang kaklase ko mula elementarya hanggang high school kaya naging lingid sa akin ang tawag na barangay ng siyokoy at sirena ang barangay namin. Sanay akong pumasok hanggang grade six nang naka-shorts, at magklase nang nakataas ang paa sa desk o arm chair sa harapan. Nang mag-high school, bahagi ng uniporme namin ang tsinelas dahil hanggang tuhod ang baha sa loob ng class room namin. Suwerte ang class room na may nagki-criss-cross na tulay patungo sa tuyong bahagi ng iskuwelahan. Pero kakaunti lang ito. Ganito ang porma namin sa iskuwelahan: nakabota ang guro tuwing suwerteng hanggang binti lamang ang baha. Kung umuulan, nakabota at payong ang titser dahil sa dami ng tulo sa bubong. Ang nasa unahang bahagi ng klase ay naka-indian sit sa kani-kanilang arm chair. Kami namang mga nasa likuran ng unang hanay ay nakasampa ang paa sa upuan ng mga nasa harapan, nakatupi hanggang tuhod o hita ang pantalon ng mga lalaki samantalang ang mga babae ay ingat na ingat sa kaiiwas mabasa ang palda o malislisan. Noong fourth year ako, at section two pa din, nagkukuwarto kami sa isang binabahang make-shift room. Gradas ang tawag namin dito dahil mukhang gradas ng sabungan. Umaanggi sa loob kung nagngangalit ang ulan. Kanselado ang klase, at madalas ito, tuwing magba-brown-out o tuwing hahalik ang baha sa tuhod ng principal. Alin man dito ang mauna. Lalo na kung magkakasabay. At nakatutuwang isipin na hindi matatangkad ang principal namin.
Pumapasok at umuuwi ako galing iskuwelang namumulaklak sa alipunga ang mga paa. Nalaman ko ang ritwal ng pagpapagaling sa alipunga gamit lamang ang sabon at pagpapatuyo ng paa sa bentilador tuwing gabi upang kinabukasan ay muling ibabad at saludsurin ang baha pagpasok para umani ng talino, at panibagong alipunga. Mahal ang ina-advertise na gamot na ointment sa TV. Pero merong mas epektibo at mas mabilis na pagpapagaling at pagpapatuyo sa alipunga. Iyon ay kung lalamasin ang paa sa alkohol. Iyon lamang, dapat marunong kang tumawag at manalangin sa lahat ng santo at bulaang propeta sa sansinukob para ibsan ang hapdi ng alipungang hinuhugasan ng alkohol. Nakakaluha at nakakalukot ng mukha ang hapdi kaya hindi ko ito masyadong ginawa. At hindi ko rin ito ipinapayo. Puwera na lang kung gustong gumaling agad ang alipunga o malukot ang mukha o kaaway ko ang papayuhan ko. May ibang nagpapatak ng kalamansi. Gaya ng paglamas sa alkohol, kailangan ng tapang at malalim na paninindigan sa hapdi ang sinumang maglalakas-loob na gawin ito. Ginawang proyekto ng dating meyor ang pagsugpo sa alipunga. Namigay ng ointment na galing daw sa punong acapulco. Masangsang kaya hindi nag-click. Bukod pa sa madulas ipahid at matagal gumaling. Bumalik uli sa nakasanayang sabon at bentilador, alkohol, kalamansi, at mamahaling ointment ang mga biktima ng salot na alipunga.
Alam ko kung anong uri ng tsinelas ang flood-friendly. Hindi ang mga tsinelas na may telang dahon gaya ng mamahaling Islander na bagamat maganda at elegante, nakakaalipunga naman ito. Hindi dapat ang may malalim na suwelas dahil mahirap matuyo ang tubig, nakakaalipunga rin ito. Madaling mapatid o mahugot at madulas ang flip-flops, at madali itong matangay ng baha kung sakaling mahubad nang hindi sinasadya lalo kung madudulas. Na hindi nakapagtataka dahil produkto ng baha sa amin ang lumot.
Tiger ang tatak ng tsinelas ko noon. Matigas na gomang brown at itim na parang goma ng gulong ng trak, mabigat, lumulubog sa tubig kaya maisasalba agad kung mahuhulog sa baha, madaling matuyo, matagal maupod, at higit sa lahat, kumakapit sa lumot. Puwede rin itong ipanghambalos sa kaaway. Mahal ang Havaianas at original na Crocs, at hindi pa ito uso noon, kaya hindi ko pa ito nasusubok sa panahon ng tagbaha sa amin. Samantala, matibay ang naglalabasang sandals ngayon. Isa lang para sa akin ang downside ng mga sandals na gaya ng Tribu at Sandugo, matagal matuyo ang mga makukulay na dahon nito, kaya nakakaalipunga. Normal din ang mga gamit na nahulog sa baha. Kaya may pagkakataon noong elementarya ako na dalawang beses akong ibinili ng set ng kuwaderno at nagsauli ng aklat na malurido at kulot-kulot dahil sa tubig-baha pagkatapos ng school year.
Nang magkolehiyo ako sa Normal, laging nakapaloob sa aking maluwag na pantalon ang shorts. Naka-shorts at naka-Tiger ako paglabas ng barangay, at makapagsusuot lamang ng pantalon at sapatos sa isang tindahan ng kaibigan sa MacArthur Highway. Dito rin ako naghuhubad ng pantalon sa tuwing uuwi at sasaludsurin na ang baha sakay ng matapat kong Tiger.
May baon akong basahan, alkohol, at Tiger sa bag. Basahan para tuyuin ang paa, alkohol na pinakamabilis na panlinis sa mamad na paa, at Tiger dahil impraktikal ang sapatos sa tuwing aalis at uuwi sa Coloong. Minsang hindi sinasadyang makita ito ng mga kaklase ko, nagtaka sila kung bakit kailangang kong magbaon ng ganitong gamit sa bag kasama ang mga kuwaderno at aklat. Ipinaliwanag ko ang tagbaha. Hindi sila maniwalang sa isang maaraw na Setyembre ay babad ang aming pamilya at barangay sa baha, ang barangay naming barangay ng mga siyokoy at sirena.
Baha ang unang araw ko sa trabaho sa city hall ng Valenzuela. Mayo 2000 nang mangailangan at “madiskubre” ako ng meyor namin bilang pamasak-butas sa isang puwesto sa Public Information Office. Unang araw ng Hulyo nang magsimula ako bilang clerk cum writer sa opisina. Sinalubong agad ako ng masigabong bagyo. Tumaas ang dati nang mataas na baha na nagsimula noon pang lumipas na buwan.
Sa opisyal na termino ng city hall, Polo Area ang tawag sa amin. Polo dahil ito ang orihinal na ngalan ng Valenzuela: Polo, Bulacan. Polo dahil daw sa polo y servicios. Sapilitang pagpapatrabaho sa mga Indio. Pero hindi ito binibigkas na parang polong damit o laro ng mayayaman sakay ng makikisig na kabayo. Binibigkas itong parang mabagal na pulo o island sa Ingles. Bagay na bagay. Eksaktong eksakto sa mangkok ng lungsod. Polo Area ang tawag sa magkakatabing barangay na nakapararak sa baha.
Ang unang assignment ko sa opisina ay samahan ang mga reporter ng radyo at telebisyon na makapasok sa Polo Area nang personal na makita ang bahang epekto ng bagyong nakalimutan ko na ang pangalan. Nakasakay kami sa isang pump boat ng AFP na may makinang Yamaha. Iniligid ko ang mga reporter sa aming barangay. Ipinasyal sa pinakamalalalim na bahagi ng Coloong, ang pinakamalukong sa Coloong. Namangha ang mga reporter, hindi magkandatuto kakukuha ng video. Lalo na nang matapatan ang mga taong paroo’t parito galing sa trabaho na naglalakad sa hanggang dibdib na tubig-baha, at makita ang mga gamit at kabuhayan na nakabodega sa bubong ng bahay. Nang makita ang mga nagluluto sa bubong kasama ng mga lumikas na hayop, cabinet, at refrigerator. Nang masalubong namin ang mga bangkang pumapasok at lumalabas ng Coloong. Iiling-iling sa “kawawang” kalagayan namin ang mga reporter.
Hindi lumabas kinagabihan sa balita ang tungkol sa aming baha. Lumabas ang baha ng Malabon at Navotas na madali ring humupa ngunit hindi ang baha ng Coloong o ng Polo Area. Nang muli kaming magkita ng mga reporter sa isang coverage na hindi na tungkol sa baha kundi sa mga titser sa Valenzuela na kinasuhan at ipinakulong ng kanilang butihing principal na kung hindi ako nagkakamali’y Mrs. Delupio ang pangalan (katugma ng delubyo kaya madaling tandaan), itinanong ko kung bakit hindi inilabas sa balita ang mga nakuhang footage. Masyado raw kaming masaya sa video. Hindi kami mukhang kawawa kahit pa mataas ang baha. Kumpleto kaway at ngiti ang mga tao sa harap ng camera. Parang bale-wala daw ang baha sa amin. Para daw kaming enjoy na enjoy. Sayang, hindi pa sikat si Mark Logan noon. Bagay na bagay sana ang paradox ng lupit ng baha at masasayang tao sa Coloong.
Nang balangkasin ang bilyong pisong proyektong Camanava Mega-dike Project na pinondohan ng JICA, naging trabaho ko ang maging “tourist guide” sa mga engineering consultant na Hapon. Siyempre pa, iginala ko sila sa Coloong para sa isang ocular inspection na magkukumbinsi sa mga consultant na isama kami sa proyekto kahit pa kasama ang lungsod namin sa pamagat: Camanava Mega-dike Project. Camanava na ang ibig sabihin ay Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela. Oktubre noon. Namangha sila sa kulay ng barangay ng mga sirena at siyokoy. Kulay berdeng lumot ang kalsadang may bahang nasa pagitan ng hanggang bukongbukong at hanggang binti. Tirik na tirik ang araw noon. Pero hayun ang mga kabarangay ko, nakabotang naglalakad. Naka-pedicab. Walang tricycle na pumapasada. Bawat bahay ay namamarkahan ng humupang baha. Ang dating pitak na softball field na naging palaisdaan ay parke at garahe na ng water lily at kangkong na huhulagpos kung muling aagos ang tubig palabas ng Coloong. Sinadya kong idaan ang mga inhinyerong Hapon sa pinakamalukong na kalsada ng Coloong kung saan ko iginala ang media sa unang araw ng trabaho ko sa city hall.
Tumirik ang sinasakyan naming Toyota FX. Napilitang magtulak paahon ng Coloong ang mga bisita kong Hapon sa tulong ng ilang tambay. Hindi napabilang ang Valenzuela sa unang bahagi ng Camanava Mega-dike Project. Nagalit yata sa akin ang mga Hapon dahil pinaglakad ko sila sa bahang sosolusyonan sana nila.
KUNG TRAHEDYA ANG BAHA sa iba, sa amin, nangangahulugan ito ng matagal-tagal na pakikipagbuno sa bangus at tilapia, at kahit papaano, grasya ang ibig sabihin nito. Nabubugnos ang pilapil ng palaisdaan sa Coloong. Kalaunan, tinayuan ng panegundang lambat ang mga pilapil, pero ito man ay iginugupo din ng baha. Trahedya ito sa ilang kapitalista ng palaisdaan na bandang huli ay pinagsawaan na rin ang negosyo lalo na nang dagsain ng dayuhang janitor fish na galing daw sa Amazon River. Salamat sa isang entrepreneur ng Aranque Market, namemeste na rin ang salot na isda sa ilog ng Coloong at karatig-barangay.
Mas kakaunti ang namumuhunan kaysa sa aming sumasagap ng mga nagmulos na isda sa pilapil at lambat. May bastanteng rasyon ng tilapia at bangus ang barangay sa tagbaha. Nagagawa namin ang halos lahat ng popular na luto sa mga isdang ito: nilaga, sinigang, paksiw, prito, inihaw, sisig, rilyeno, embotido, sarsyado, pinangat, kalugkog, pinaputok, daing, kilawin, ginataan, pinalamanan, totso, bola-bola, bola-bola sa miswa, kinamyasan, tinalbusan, sinampalukan, sionomai, nilumpiang shanghai. Ilang buwan ang piyesta ng bangus at tilapia. You are what you eat. Kaya nga baka mga isda na kami.
Trahedya din sa mga bagong lipat ang baha sa Coloong. May bakanteng bungalow sa aming kapitbahay na iniwan ng may-aring nag-migrate sa Canada. Pinatira sa abandonadong bahay ang kapatid ng may-ari. Nakalimutan yatang bilinan ng totoong may-ari na may tagbaha sa barangay na kanilang iniwan. Aileen ang pangalan ng anak ng mga bagong lipat. Maganda at balingkinitan si Aileen. Magandang ngumiti. Nag-aaral sa Mapua. Palakaibigan. Kaya ilang linggo pa lamang sa kanilang bagong bahay ay nakilala agad namin ng mga kaibigan kong siyokoy. Nakalaro din namin sa basketball ang nakababatang kapatid ni Aileen. Nakabiruan ang mga magulang. Naaaya namin si Aileen, kasama ang kapatid, na manood ng liga ng basketball. Star player siyempre ang mga kaibigan kong siyokoy na walang pagsidlan ang ngiti sa mukha tuwing makaka-shoot. Sabay titingin kay Aileen. Magpapa-cute na akala mo may camerang nakatutok pagkatapos maka-shoot.
Bago pa tumuntong ang bagong milenyo, nagngangalit na bumuhos ang dalawang araw na ulan. Mayo 19 noon at huling araw ng piyesta ng Obando nang magsimulang hatawin ng walang pangalang unos ang Metro Manila. Kung marahil ibang lugar, maliban sa Polo Area, ang biniktima ng flash flood, siguro mabibilang na ito sa malalagim na trahedya ng bansa. Sa loob ng kalahating oras, tumaas ng mahigit sa dalawang piye ang tubig-baha. Dumaluhong ang agos papuntang Manila Bay. Nawalan ng kuryente. Umapaw ang ang mga ilog at palaisdaan. Naging dagat-dagatan ng water lily, kangkong, at mga inanod na kahoy at gamit ang buong Coloong. Mabilis pa sa alas kuwatro naming nasamsam ang mga gamit namin sa bahay-bahay. Naitaas ang mga kagamitang dapat itaas. Naging isa ang dalawang palapag naming bahay. Naging karagatan ang silong at dating sala. Naitaas ng mga siyokoy at sirena ang lahat ng dapat iakyat na gamit. Naitali sa mga puno at poste ng bahay ang lahat ng dapat italing gamit para hindi matangay. Maging alagang aso at pusa at tandang ay komportable na sa nilikasang bubong ng bahay na para bang normal na sa mga hayop ang mapadpad at manirahan sa bubong katabi ng bagong kusina ng bahay. Matapos ang kinse minutos ng pagsasalba ng mga gamit at pagpapaubaya ng bahay at bakuran sa manunuluyang baha, nasa labas na kaming mga siyokoy, masayang naliligo sa ulan sa tag-araw, nag-uumang ng pamanti sa gilid ng kalsada upang abangan ang pumupugang bangus at tilapia buhat sa mga palaisdaan sa loob at labas ng Coloong.
Naalala namin si Aileen na nakatira sa bungalow, wala ang kaniyang tatay na nasa trabaho. Nang puntahan ng mga siyokoy ang bahay nila Aileen upang magbayanihan, naglulunoy na sa agos ng baha ang eleganteng sofa, ref, at iba pang appliances na pawang nasa mababang lugar. Naisalba ang TV nang gawin naming evacuation center ng pinagpatong-patong na hollow blocks, lawanit, at dos por tres na kahoy ang kama ng kaniyang magulang. May ilang piraso rin ng damit ang naisalba. Basa lahat ang tokador. Basa ang lahat ng kama. Basa ang mga papel-papel at mga photo album. Putlang-putla si Aileen at nanay niya. Natulog silang apat sa kamang naging evacuation center sa loob ng bahay nila katabi ang TV at ilang pirasong tuyong damit at mga na-salvage na papel-papel. Nasa bubong naman si Bindoy, ang askal nila Aileen. Dinadalhan na lamang namin sila ng tilapia at bangus na nahuli namin sa tabi ng kalsada. Nang umubra nang daanan ng Isuzu Elf ang Coloong matapos ang tatlong araw, naglipat-bahay uli sila. Noon lang naranasang malungkot ng mga siyokoy dahil sa baha. Sayang, hindi naging sirena si Aileen.
MALANSA ANG BAHA NAMIN. Lansa ng inaaning isda sa palaisdaan. Lansa ng lumot at napirait na damo-damo at water lily. Sa kabila nito, kahit papaano, malinis, o mukhang malinis ang baha namin. Malinaw ang tubig. Kakaunti ang basurang umaahon sa ilog. Nasasala marahil ng damuhan, bakawan, at punong palapat sa mga pilapil ng tatlong ilog na bakod sa aming barangay. Huwag lang magpapakawala ang Angat Dam dahil kulay tsokolate ang tubig sanhi ng bitbit na lupa galing sa panot na bundok.
Nang matuto akong lumabas ng Valenzuela, nang mag-aral sa Normal, nang makawala sa trabahong munisipyo, nakasalamuha ako ng iba’t ibang baha. Mga estrangherong baha.
Ang baha sa Tullahan River, masangsang, nagmumuwalan sa basura, hindi tubig-baha, baha ng basura. Hindi ko pinagtangkaang lusungin dahil sa umaalon at umaalulong na basurang pilit na umaahon sa Potrero at Marulas. Natakot akong mahiwa ng lata, ng mga basag na bote, ng yero. Natakot akong makulapulan ng diaper na tigmak ng tae, ng pasador, ng mga kemikal. Nagimbal ako sa pangitaing mabubundol ng namamagang patay na aso, daga, baboy sa ilog na nakatala sa Guinness Record bilang pinakasalaulang ilog sa buong santinakpan; natakot ako sa tetano, sa leptospirosis. Isang magdamag akong naistranded habang pauwi sa amin. Hindi ko pinanghinayangan ang magdamag na paghihintay sa paghupa ng hindi kabatian at masangsang na baha. Nakaubos ako ng kalahating kaha ng sigarilyo kahihintay sa pagkalma ng dagat-dagatang minudensiya ng kalunsuran.
Amoy krudo at kulay krudo ang baha sa España. Mistulang alon ng dagat lalo kung hinihiwa ng mga sasakyang may tibay ng dibdib na tumawid sa baha. Binabayo ang lahat ng tamaan ng alon. Pinagmasdan ko ang baha sa España mula sa loob ng isang nagpakabayaning PUJ nang minsang manggalinmg ako sa U.P. Pinasok ang sahig ng sasakyan ng maitim na likido. Hindi tubig ang baha sa España, langis at asido. Makapal na likido. Malagkit na likido. Pinulbos at tinunaw ang suwelas ng una’t huli kong Nike Air nang madilaan ng krudo’t asidong baha habang binabagtas ng PUJ na nagpanggap na lantsa ang kahabaan ng España. Mula nang makaengkuwentro ko ang bahang España, sa pintuan ng Normal ko na hinuhubad ang tsinelas kong Tiger at doon ko na rin isinusuot ang pan-substitute kong sapatos.
Naistranded na rin ako sa Obrero. Sakay muli ng PUJ, humahaginit ang wala sa forecast na ulan isang alas diyes ng gabi. Hindi gumalaw ang traffic. Hindi ako naglakas loob na lumusong dahil hindi ako pamilyar sa baha sa Obrerong may kakaibang halimuyak, dagdag pa ang katotohanang binaybay ng baha sa Obrero ang Chinese Cemetery, Cementerio del Norte, at La Loma, isama pa ang tone-toneladang basura. Hindi ko rin hahayaang mapulbos ang sapatos kong santaong pinag-ipunan sa baon para may maipalit sa nadurog na Nike Air. Naligo ang lahat ng pasahero sa pawis dahil balot ng trapal ang PUJ. Hindi bale, ligtas naman ang paa at sapatos ko. Alas dos umusad ang traffic. Parang biglang bumango ang dinaanan kong baha sa M.H. Del Pilar papasok sa barangay ng mga siyokoy. Alas tres pasado na ako nakarating sa Coloong. Buti na lang at hindi ako sinumpong ng pag-ihi sa loob ng PUJ.
Nang mag-donate ang city hall ng isang 18-wheeler truck ng pako, plywood, at yero sa Dingalan at Infanta matapos manalasa ang bagyong Winnie noong 2004, nakita ko ang epekto ng baha sa mga bayan sa dalisdis ng Sierra Madre at Pasipiko. Hanggang kisame ang bakas ng baha ng putik. Sa mga singit-singit ng mga bahay, nakasiksik ang mga siit ng puno—tinga ng halimaw na baha. Naligo sa putik ang bayan. Maging ang busto ni Rizal ay hindi nakaligtas, nagkulay kalawang at lupa ang mukha ni Rizal sa plaza. Samahan pa ng troso, malupit ang ibinunsod na baha ng bagyong may pa-cute na pangalan. Suwerte kami sa Coloong, sa isip-isip ko. Bumaha man, water lily lang ang tangay-tangay. Kadalasan pa nga’y tilapia at bangus.
Nilusong ko ang nang-ambush na baha sa kanto ng EDSA at Ortigas, sa harap mismo ng POEA. Kailangan ako noon sa trabaho kung paanong kailangan ko din ang trabahong iyon sa Ortigas. Nagpapabibo ako sa aking bagong amo. At hindi isang impertinenteng baha ang pipigil sa ambisyon ko noong matawag na manager ng isang pribadong kompanya. Nanlimahid ang katad kong Rockport na lumao’y inutas din ng baha. Bumuka ang suwelas at lumutong ang katad nang matuyo. Bumakat sa abuhing slacks, ang una at huli kong Dockers, ang malangis na baha ng EDSA. Kumapit sa paa ko ang pinaghalo-halong sangsang ng bahang EDSA-Ortigas. Ang parehong bahang pang-manager at bahang pang-obrero at bahang pang-istambay, bahang pam-PUJ at bahang pang-Expedition. Ano ba kung bigla akong lamunin noon ng patibong na manhole na ninakawan ng takip, manager naman ako. Gayunman, hindi pa rin ito ang mga bahang kakilala ko’t napakisamahan. At hindi ko binalak maging kaibigan ang mga estrangherong bahang humahambalang sa aking daraanan lalo na kung makukulapulan ako ng tae at bangkay. Puwera na lang kung nagmamadali ako at sinasagilihan ng pagiging ambisyoso. Pero kahit na.
HUMUHUPA ANG BAHA SA Coloong tuwing papasok na ang amihan. Kumakati ang tubig sa ilog palabas ng Manila Bay. Hindi na nagtatagpo ang laki ng tubig sa ilog. Alangaang ang tawag sa pagtatagpo ng dalawang high tide sa loob ng isang maghapon. Huwag lang muling babagyo, magtutuloy-tuloy ang pagkati ng tubig. Aatras ang baha, magha-hibernate sa Manila Bay.
Panahon iyon ng pagbabanyos. Hihilamusan muli ang mga bahay sa Coloong. Pipinturahan upang mabura ang bakas ng tagbaha, ang peklat ng tagbaha. Isasaayos ang mga palaisdaan. Tutubuan muli ng damo at halaman ang mamasa-masang looban. Masaya kami dahil pansamantalang hindi kami siyokoy at sirena. Pansamantalang tao kami hanggang sa susunod na tagbaha.
Bumabalik sa himpilang palaisdaan ang mga bangka. Nakarenda at may tiyak na gawain: ang manghuli ng isda, salot na janitor fish man o tilapia at bangus, at magkumpuni ng pilapil. Nakakapasada na ang mga tricycle. Gayunman, sa itinagal-tagal ng paghahanapbuhay ng mga nagpe-pedicab sa panahon ng tagbaha, hindi na sila matungkab sa balat ng Polo Area. Iyon na ang kanilang kabuhayan. Nanganak ang mga pedicab dahil wala naman itong restriction at hindi mahal ipundar. Sa sobrang dami, naging formidable political force. Kahit anong oras, may baha man o wala, namumulaklak sa pedicab ang bahaging kapuluan ng Valenzuela.
Kahit sino ay puwedeng mag-pedicab basta’t may paa kahit hindi pantay. Kahit anong edad na puwedeng pumadyak at humawak ng manibela at umiwas sa lubak basta’t huwag makabundol ng kasalubong na sasakyan at tao. Hindi na importante kung marunong magkuwenta ng sukli. O hindi marunong magsukli.
Minsan, nang pauwi ako buhat sa trabaho sa city hall, nakita kong namamasada na ng pedicab ang nagkakatekista sa Coloong Elementary School, si Brother Napoleon o Brother Nap. Dahil uso ang tagaan sa pamasahe lalo’t malalim ang baha at walang tricycle, pinili ko siyempre ang pedicab na minamaneho ni Brother Nap. Tiyak na makatao ang presyo ng isang katekista, sa isip-isip ko. Kung manggagaling sa MacArthur Highway sa Malanday, karaniwang beinte pesos lamang ang pamasahe sa amin. Bahala na daw ako kung magkano ang ibabayad ko, sabi ni Brother Nap nang tanungin ko siya bago ako sumakay kung magkano ang pamasahe. Nang maihatid ako sa amin, tinanong ko uli si Brother Nap habang kinakapa ko ang pitaka ko. Huhugutin ko na sana ang beinte.
“Kuwarenta na lang,” mahinahong presyo ng nagkakatekista. Yumuko pa nang kaunti na parang nagpapaawa.
Hindi na ako nakipagtalo. Pero hindi ko na sinakyan ang pedicab ni Brother Nap mula noon. At hindi na rin ako sumasakay ng pedicab nang hindi muna nililinaw kung magkano ang pamasahe. Mahal ang presyo kapag “Bahala na kayo kung magkano.”
Malamang, kung may tataguriang pedicab capital sa bansa, Coloong ang mangunguna sa listahan. O Polo Area. At hindi nakapagtatakang sa dinami-dami ng nagsulputang festival sa bansa, isang araw, magkaroon ng Pedicab Festival sa Valenzuela. Kumpleto ng parada ng pedicab na may iba’t ibang disenyong parang karuwahe o karosa ng prusisyon depende sa theme. May karera ng pedicab, may pedicab tricks na parang extreme games: lumilipad na pedicab, nagsa-somersault na pedicab. O Guinness Record sa pinakamahabang pila at parada ng pedicab. Nagawa na ito ng isang politiko nang iparada niya ang supporter niyang mga pedicab driver. Nabalda ang traffic sa MacArthur Highway at secondary roads ng Valenzuela. Kulang sanlibong pedicab ang pumarada. Hindi na pinasama sa parada ang natitira pang halos tatlong libo. Kulang kasi ang pondong pampameryenda. Kaya voting force ang sektor ng pedicab. Ang pedicab na by-product ng tagbaha. Nanalo ang politiko. At lahat ng ito ay nangyari bago pa ang patalastas ni Mar Roxas na nasa loob ng pedicab sabay sabing: “Anak, itabi mo. Lalaban tayo.”
Hanggang sa libingan, lumalaban ang Coloong sa baha. Hindi kayang pigilan ng baha ang paglilibing. Inihahatid ng bangkang arkilado ng funeraria ang labi hanggang sa kung saan naghihintay ang karosa ng patay, hanggang sa kung saan maaari nang paandarin ang makina ng karosa ng patay. Pero may pagkakataong kahit ang simbahan ay may baha sa loob. Kung bebendiyunan marahil ang baha, hindi na kailangan pang sumawsaw sa anghel na may bitbit na plangganita o bandehado ng agua bendita dahil babad na kami sa benditadong baha.
At ang patay, mabuti’t nauso ang nagtatayugang apartment na libingan na dapat nang tawaging high-rise condominium sa taas. O kung hindi man, may mamahaling memorial park na pagpipilian sa Valenzuela na may pangunahing pang-anunsiyong tagline: “Guaranteed, flood-free.”
MATAAS NA ANG KARAMIHAN ng kalsada sa Coloong ngayon. Ang ibang may kakayahang magpa-remodel ay nagpa-remodel na ng bahay at nagpatambak ng looban para hindi pamahayan ng baha. Marami na rin ang lumikas at tumakas sa barangay ng mga sirena at siyokoy. Dati, anim na buwan ang migration ng mga may kaya, lalo na iyong may anak na nag-aaral sa labas ng Valenzuela. Nangungupahan sila sa lugar na ligtas sa alipunga para bumalik uli sa Coloong sa panahong pinatay na ng tuloy-tuloy na sikat at init ng araw ang lumot sa daan. Ang ibang mayaman at takot sa alipunga’y tuluyan nang naging migrante sa labas ng barangay naming Atlantis at Lemuria. Kung hindi man Venice. Nakikita na lamang at bumabalik sa Coloong ang mga migrante kung mayroong okasyon.
Sa kabila ng taas ng kalsada, marami pa ring binabahang looban. Marami ang na-isolate mula sa main road. Mga sitiong naging isla nang mabura ang ismus na nagdurugtong sa kanila sa kalupaan. Mga sitiong nagtamo ng pangalang pantagbaha. Isa na rito ang Sapang Kokak. Hindi na umalis ang baha sa Sapang Kokak. At pinanindigan na ng residente ng sitio ang pangalang palagay ko’y namumukod-tangi sa Filipinas. Sanggol pa naman ang tawag nila sa kani-kanilang mga anak at hindi pa tadpole. Puwede itong pasyalan ni Mark Logan isang araw.
“Sisiw ‘yan sa Coloong,” sasabihin ko sa sarili sa tuwing makatutunghay ng baha sa balita. Lalo na ang mga flash flood. Sa isip-isip ko, dapat maging training officer ng National Disaster Coordinating Council at Red Cross ang mga taga-Coloong sa paksang paghahanda sa flash flood. Puwede rin kaming tagaalo sa mga napinsala ng baha. Lalo na iyong nasalanta talaga. Maganda ang paksa sa training program na “Making a living out of flooding” o “How can flood work for you?”
Ilang buwang residente sa amin ang baha. Naging bahagi ng buhay ko ang paglisaw-lisaw sa tubig. Ang mamasada ng pedicab noong elementary at high school para may ipambaon at ipambili ng sabong panlinis ng alipunga. Ang pag-uumang ng pamanti. Ang pagpandaw sa tilapia ng may tilapia at bangus ng may bangus. Ang paglulunoy sa tubig. Ang magpatangay at lumaban sa agos ng water lily, kangkong, at mga kagamitang nakalimutang rendahan ng may-ari. Ang paghihintay matuyo ng alipunga sa hindi mapakali’t palagiang nangangating paa. Ang pagsamsam sa alaala ng saya at lungkot ng humuhupang baha na nagturo sa akin, sa aming mga siyokoy at sirena ng Coloong, na lumangoy sa buhay, hindi man panahon ng tagbaha.
Kasalukuyang guro sa Filipino sa Southern Luzon State University si JOSELITO D. DELOS REYES na nagtapos ng BSE Social Science sa PNU Manila at nag-aaral ng M.A. Araling Filipino sa De La Salle University. Inilathala ang una niyang aklat, “Ang Lungsod Namin,” ng National Commission for Culture and the Arts sa ilalim ng Ubod New Authors Series. Ilang ulit nang nagwagi ng Gantimpalang Collantes sa Tula na itinataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino. Unang gantimpala sa 1st Maningning Miclat Awards for Poetry noong 2003. Honorable mention sa Film Development Foundation Scriptwriting Contest noong 2001. At fellow sa 36th University of the Philippines National Writers Workshop noong 2000. Kasapi siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at Oragon Writers Circle. Kasaping tagapagtatag at dating pangulo siya ng Bolpen at Papel, PNU Creative Writers’ Club. Nalathala sa mga antolohiya, pahayagan at magazine ang kaniyang mga akda at salin. Nakatira siya sa pisngi ng Bundok Banahaw sa Lucban, Quezon kasama ang kaniyang anak at asawa na guro rin sa nasabing bayan. Binabaha pa rin siya ng alaala ng baha sa nilakihan at kinamulatan niyang lungsod.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment