Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, July 7, 2009

Monumento


I.
Dalawang daan ang halaga ng sandaling pagparada ni Antonio sa bukana ng chicken wire. Hindi muna niya pinanghinayangan ang dilihensiya ng mamang naka-sky blue dahil kailangan niyang makarating sa garahe nang alas otso. Kakausapin niya ang dispatcher, pakikiusapang pabiyahehin pa siya. Isang biyahe lang ngayong gabi. Isang roundtrip lang ng Tramo at Letre. Pero kailangan niyang makarating sa Letre bago mag-alas otso, kung hindi, wala nang biyahe. Samakalawa na ang susunod. Maleletse ang pamasahe ng kaniyang ina papuntang Samar bukas, sa isip-isip ni Antonio.

“Lisensiya, rehistro. Kanina pa kita kinakawayan e, antagal mo nang nakaparada, ang haba na ng pila sa likod oh,” singhal ng enforcer, nakaturo sa mga sasakyan sa likod.

Napatagal ang pagtambay niya. Pitpit na pitpit ang pulang jacket ng lisensiya ni Antonio. Nakahanda na ang ube sa mga pagkakataong naglalambing ang mga enforcer.

“Gusto mo doblehin ko kaso mo, bribery ‘to,” dagdag na singhal ng enforcer nang makita ang nakaipit na sandaan.

Pinababa ni Antonio si Godo para maging emisaryo. Si Godo ang beteranong konduktor ng nangingitim na pula’t dilaw na Roval Bus Lines.

“Lagyan na ‘yan, nanghihingi lang ng pangkape at hapunan ‘yan,” sambit ng isang pasaherong nakagusot-mayaman at may kalong na bata.

Maririnig ang anasan ng pasahero sa likod. May nagmumura, may sumisipol, may pumapalo sa tagiliran ng bus. Paos ang busina ng mga mga sasakyang gustong sumingit papasok sa makipot na kalsadang may chicken-wire sa Cubao.

“Lintik, paliparin kamo,” bulong ng relax na relax na demonyo sa kaliwang tainga ni Antonio. Naalala ni Antonio ang mukha ng ina. Naalala niya ang piyestang uuwian ng kaniyang ina sa Mondragon, Samar. Ansaya-saya.

Hindi nadoble ang kaso ni Antonio pero nadoble ang ube. Ulam at kanin sana hanggang bukas.

II.
Gumagaralgal ang transmission. Hindi na makuhang isakto ni Antonio ang tamang timpla ng pagkakambiyo. Klats-kambiyo. Silinyador. Klats-kambiyo. Menor. Klats-kambiyo. Silinyador. Harurot. Hindi magkandatuto ang bus kasu-swerve, karirilyebo ng kambiyo. Kailangan niyang makarating sa Letre bago mag-alas otso. Lumipad ang bus pagpanhik ng Kamias. Umiingit ang ilalim ng sasakyan sa dalas ng paglilipat ng kambiyo. Binabalasa ng alinsangan ng hangin ang naglalangis na pawis sa mukha ni Antonio. Umaangil ang busina’t makina ng Roval. Nangamoy tustadong klats ang bus pagbaba sa Timog.

Mabibilang ang sakay ni Antonio. Maraming hahaliling pasahero pagbaba ng ibang pasahero. Hinintuan niya. Sayang din.

“Tsep, may kasunod tayung Corinthiang bagu ha, hatawen mu na kaya tsep, sa SM na lang tayu mamek-ap,” sabi ni Godo, unggoy na nakasabit sa estribo, kipkip ang paniket ng tora-torang bus. Dumukot ng barya ang kulay at amoy krudong si Godo. Tinaktakan ng barya ang estribo. Arangkada.

Naglangitngitan ang bisagra, turni-turnilyo, kasukasuan, at minudensiya ng bus nang humampas ang pinto sa pagsara. Sa side mirror, nakita ni Antonio ang naglalambing na higanteng mukha ni Claire De La Fuente, nakadikit sa gilid ng bumabalagbag na berde’t bagong Corinthian Bus Liner. Sayang, ngayon lang tayo nagkatagpo...
Pinaarangkada ni Antonio ang bus hanggang umigpaw sa flyover ng Quezon Av. Wala nang balak si Antoniong huminto, kailangan niyang marating ang Letre. Alas siyete singko.

“Walang Quizon Av. Walang Quizon Av.!” sigaw ni Godo kay Antonio at sa bayang mananakay. Nalunod sa atungal ng makina ng Roval ang pagbatingting ng barya sa estribo at pag-“Quizon Av.!” ni Godo. Wala siyang natatandaang nagpapababa sa Quezon Av.

“Para, para, puta kanina pa ko katok nang katok e, shit naman,” sigaw ng estudyanteng galing sa Megamall, nakaabresiyete ang syotang nakapang-nursing.

Pumako ang bus. Nasubsob ang mga pasahero lalo na ang nakatayong magsyota. Nilipad sa harap ang nakasampay sa estribong si Godo. Sinagasaan ng lumilipad na katawan ni Godo ang magsiyotang napasubsob, napahiga, napatihaya. Muntik nang mahalikan ni Godo ang malapad na wind shield na may disenyong malaking lamat ng sapot ng gagamba sa kanan, at nanggagalaiting “Gift of God. Thank you Lord. Hallelujah!” sa itaas. Tinahi ang lahat ng lane ng EDSA, umese-ese muna bago huminto ang bus.
Sumalipadpad ang usok pagbaba ng magsyota. May humabol na pasakay pero hindi na hinintay ni Antonio. Samakalawa ka na lang sumakay, bulong ni Antonio sa sarili at sa hindi mapakaling amoy EDSAng anghel na nakikiangkas sa kaniyang bus.

Naubos ang sakay sa SM North. Pumik-ap ng ilang pasahero si Antonio. Harurot uli.
Namumula ang puwet ng mga sasakyan sa EDSA corner Axis Market, Project 7. Traffic. Sa gitna, may nagmamaniobrang 18-wheeler na nagdeskarga ng freyssinet na biga para sa itinatayong MRT na bubura sa lahat ng bus sa EDSA. Alas siyete beinte dos. Binayo nang binayo ni Antonio ang inosenteng busina ng Roval. Pumalahaw nang pumalahaw: “Paraanin ninyo kami!”

“Sa kabela na lang pu ng Muñuz ang baba,” sigaw ni Godong nakaduyan sa estribo.

Hindi na nag-neutral si Antonio. Ibinalagbag na lang ang nguso ng Roval sa gilid ng EDSA. Nirebo-rebolusyon ang silinyador sa harap ng Haf Chan at Mercury. Pinaradahan ng motorsiklong sky blue ang harap ng bus.

“Bawal diyan,” sabi ng enforcer na nakatingala sa bintana ni Antonio, parang namamalimos na bata.

“Nakatulog ‘yung pasahero Boss, mapapalayo, kawawa naman.”

“Singilin mo ng pambayad sa violation mo.”

Bumaba uli ang kulay krudong emisaryo ng Roval para ligawan ang nagpapaligaw na enforcer.

Basted.

“Galet tsep, ayaw tanggapin, may estrilya kase sa balikat e. Hayaan mu na ‘yung buwakang inang ‘yun,” ismid ni Godo habang iniaabot ang lisensiya at TVR kay Antonio.

“Dumadalas ang naglalambing sa EDSA,” kibo ng hinihikang anghel, humihigit ng sumisipol na hiningang katunog ng lira sa kalangitan.

Lipad hanggang Balintawak. Bagong Barrio, pagaspas. Gen. Tinio, kampay pa. G. De Jesus, alalay na. MCU-Monumento, bumaba ang lahat ng pasaherong sakay ng mabining Roval Bus Lines.

III.
Alas siyete singkuwenta. Bumubulwak ang tao sa gilid ng MCU paliko sa MacArthur-Malabon. Buhay na buhay ang kalsadang palengkeng kalsadang iskuwater na palengkeng kalsada pala. Hinagingan ni Antonio ang mga paninda sa kalsada. Baboy, manok, hipon, at alimango—handa ng kaniyang ina sa piyesta ng Mondragon. Ginahasang isdang lapad at kamatis, hapunan ng kaniyang mag-iina mamaya, bukas, at sa habampanahon. Adobong manok ang baon ng kaniyang ina bukas pagbalik sa Mondragon sakay ng bus. Magandang bus. Malaki, malinis. Amoy piyesta. Hindi malansa. Hindi amoy bituka ng galunggong kahit hindi aircon. May matira sana sa adobo.

Dumahak si Antonio sa bintana. Nagsindi ng Hope habang ginigiliran ang mga paninda. Makikiusap siya sa dispatcher. Isang biyahe na lang. Isang biyahe na lang. Doon siya makababawi. Doon siya manggagapang ng pasahero kahit abutin ng santo-santo ang biyaheng Tramo ng kaniyang singhalimuyak ng EDSAng buhay.

Pababaunan niya ang kaniyang ina. Kaunting pera. Dalawang violation sa isang pasada. Masarap sa Maynila. Walang kasinsarap. Walang kuwenta sa Samar kahit piyesta. Umiiyak si Oresol, ang palayaw ng kaniyang mutyang bunso dahil lingguhan ito kung magtae at madestino sa health center ng Dagat-dagatan. Sayad na sa puwitan ng salinang lata ang Nestogen. Hindi bale, may baon naman ang kaniyang ina. Mamaya, sa biyahe pabalik ng Tramo, babawi si Antonio. Manggagapang ng pasahero. Bumalik ang lasa ng RC Cola, dalawang kanin at isa’t kalahating walang hiyang giniling na tinanghalian niya kaninang ala una y media. Dumighay siya ng usok ng Hope. Mamaya pakbet naman sa karinderya ni Senyora Aning ang hapunan. May abutan sanang pritong dalagang bukid. Pritong dalagang bukid ang mga tao sa Monumento. Mag-uuwi siya ng litsong manok at dalawang kahon ng Nestogen bukas ng umaga. Makakahawak ang asawa ng nanlilimahid at masangsang na perang komisyon sa round trip ng biyaheng letseng Letre hanggang putang Tramo ninyong lahat! Dumahak-dahak si Antonio. Inihit ng ubo. Muntik na niyang makalimutan ang alaga sa lotto. Bukas pag-uwi, driver-sweet lover muli siya sa asawang naghihintay sa sala-kusina-kuwarto-banyo ng walang numerong lawanit, karton, at retasong yero sa kanto ng C3 at Lapu-lapu Street, Dagat-dagatan, Caloocan City. Kailan kaya siya magkakaroon ng sariling tirahang 40-foot container van? Alas siyete singkuwenta y singko. Tanaw na niya ang karatula ng Malabon Zoo sa Potrero. Ito na. Malapit na sa dulo si Antonio kasama ang mga nagwawantutring demonyo at anghel nang parahin at i-cut siya sa kanan ng nag-o-overtime na motorsiklong sky blue. Ang ikatlo’t hulíng huli bago marating ang garahe ng napakaikli niyang gabi.

IV.
Kinamakalawahan, habang nag-iinat ang umaga, bumandera sa diyaryong Remate:
“MMDA Enforcer Lasog sa Killer Bus.”

No comments: