Wednesday, July 15, 2009
Sa SLSU Ground
Tinangka kong bilangin ang hamog
Dito sa lupang may korong kulog.
Humahakab ang dapo sa puno,
Lumalabay kahit aking puso.
Lawas ito sa biyas ng bundok,
Luha’t pawis ma’y nagiging lumot.
Lahat ito’y ari ng Banahaw:
Paaralang may kumot ng ginaw.
Bagong kakilala ang Disyembreng
May lagkit ang ulang nagbabalse.
Sinanay naman ako sa lamig,
Tutol ma’y bihirang mangaligkig.
May ubo at sipon ang panahon,
May trangkaso ang lahat ng pulmon.
Dito, kaydaling humulas lahat,
Lihim ma’t kubli, nagiging bunyag.
Sukdulan mang itago sa ngiti,
Pilit gigitaw sa putlang labi
Ang alinlangan ko sa pagtanggap:
Hihimlay ba ako’t mag-uugat?
O punla akong may paninimdim,
Kilala lamang ay hanging-asin?
Guro akong t’wina’y matututo
Sa hamog na kaylamig ng trato.#
Labels:
Kaeselesyuhan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
magandang gabi po sir,
kung gabi nyo mabasa. joke.
sir ang ganda po ng blog nyo.
sana ako rin meron.
hehehe
galing nyo po pala talaga magsulat.
remember nyo pa po ba si untog?
sana may kwenta din tungkol kay untog saka dun sa section na related kay untog.. hehehe demanding. sana lang naman po.
sige po hanggang dito na lang po.
hintay ko po ang mga susunod na sulatin nyong mga kapanapanabik.
thank you!
Post a Comment