Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Sunday, January 31, 2010

Pan-rush hour






Iyong mga retrato, parang hindi apt.Para kasing hindi rush hour nang kinuhanan ako ni Percival. Hindi pala para, talaga palang hindi rush hour dahil Sabado ito at nagbabagang alas dos ng hapon. Siyempre ang pose ko emo-emo. Nga pala, binasa ni Romnick Sarmenta, matinee idol noong late 80s ang tula ko. Nasa web yata yung sound bite. Pinag-usapan namin ni Percival kung ano ang naaalala namin kay Romnick. Ako iyong pelikula niya with Gretchen Barreto. 1989 yata yun. "First Lessons" ang pamagat. Kainitan ng Sex-Trip na pelikula. Kasabayan nina Jestoni Alarcon, Rita Avila, Rina Reyes, Kristina Gonzales, Cesar Montano, Jovit Moya (na naging titser sa Normal, bago naging pulis na na-demote, bago tuluyan na yatang nasibak sa puwesto), Michael Locsin, atbp. Kung hindi na ninyo kilala itong mga artista ng Seiko na binanggit ko--pa'no ba???--well, hindi ko kayo kapanahon. Ibig sabihin kaya nun matanda na talaga ko?? Nyeta. Kilala ko pa naman sina Kris and Aljur ah, saka sina Sam Concepcion at Kim Chiu.

oke, heto na yung tula:

Pan-rush Hour

Dapat walang pagsalang deretsong riles ang liston
ng iyong abuhing pantalon upang hindi mapahiya
sa kintab ng kabibiton mong Lunes at sapatos
na karengga ng magpakailanman mong kurbata’t
nanggagalaiting kuwelyo ng bihis-Makati o Ortigas.

Dapat humahalimuyak ka kahit lampas-lampasan
sa di-pahuhuling alas-otso ang sirit ng pawis sa noo,
sa batok, sa likod ng hindi magkamayaw na kriskrusan
ng minutong ikakaltas sa iyong kinsenas at katapusan.

Dapat kumpleto ang lingguhang ulat ng iyong pinagpala
sa lahat na laptop na bumibigat, lumalapad,
bumibigat bawat hinihingal na estasyong isinabit mo
sa balikat, iniiwas sa sunggab at balya ng mga obrerong
gaya mo, kanina lamang ay mabango at bibong-bibo.

Muni mo, mali lahat ang pakana ng gobyernong ilayo
sa mga makahaywey na tao ang terminal
na umiilap kada segundong pag-init
ng punong-tainga ng pipirma sa iyong iniingat-ingatan,
iniimpok-impok, itinatago-tagong pampamilyang leave.

Madidili mong via crucis kahit hindi santo-santo
ang riles na ito, kahit alam mong malayong-malayo
ka sa pagiging berbo, kahit alam mong umaastang
Golgotha ang araw na itong lubhang kaylayo pa
sa umento, mainit na kape, pansine, pang-apartment,
pang-ipon sa kabuhayang ipinangako mo sa sariling
ikukubli sa nakangingilong sagitsit ng pambayang tren
na iisang ruta lamang ang alam: walang balikan.



1 comment:

Unknown said...

Kay Joselito Delos REyes ba yan sir????