Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Thursday, January 28, 2010

PAC ADDICTUS


Matagal ko na itong tinipa, noong kapapanalo lang ni Pacman against Cotto. Naloko kasi ako noon ng mga tirador ng DVD dito sa Lucban.

May 3. Alas-cuatro y media ng madaling-araw nang umalis ako sa Balay Kalinungan sa University of St. La Salle sa Bacolod. Alas-sais ang flight ko. E dahil ubod ng layo sa Bacolod (ampotah sa Silay City pa, dalawang lungsod pa ang layo!) ang mismong misnomer na Bacolod Airport kaya kailangan kong hindi na matulog (dahil eerie ang Balay Kalinungan) at hintayin ang inarkila kong taksing ubod ng saksakan ng mahal to the max. Bueno, bakit ako nagmamadali? Ito kasi ‘yung araw na kukulatain ni Pacman si Hatton.

Lumapag ang Cebu Pacific bago mag-alas-siyete. Nagtaksi ako hanggang Buendia. Kwento ng manong tsuper ng taksi, sa casino sa Hyatt daw siya manonood ng Pac versus Hatton. Siyet, sosyal. So iyon na nga. Wala pang alas-otso ng umaga, nagdadasal na ako kay Lord na umalis na sana ang Jac Liner sa Buendia. Paliparin sana ng tsuper ang bus. Lord, sana bago mag-alas onse nasa Lucena na ako. Bago mag-alas dose ng tanghali, nasa Lucban na. Lord, please!

At dininig ni Lord ang panalangin ko. Alas-onse, humahagok na ang higanteng PUJ patungo sa Lucban. Naghahabol din ang tsuper.

Espesyal ang Mayo 3. Live at libre ang palabas sa cable provider namin dito sa Lucban. Bihirang pagkakataon na libre sa patalastas ang boksing ni Pacman. Heto ang clincher: round two lang tumagal si Hatton. Tayabas pa lang inuulan na ako ng text ni Angel. Simula na daw ng laban. Text uli: bagsak sa unang pagkakataon si Hatton. Text uli: bagsak uli. Hindi makakontak ang Sun. Lulubog-lilitaw ang signal ng putek na kompanya ng cp. Bago pa ako makababa ng higanteng PUJ, nakita kong nagtatalunan ang mga taong siguradong nanonood ng laban. Tumawag si Angel, tapos na daw. Plakda na si Hatton. Parang nasapak din ako. Bumigat bigla ang bagahe ko. Siyet. At least nakarating ako ng Lucban bago mag-alas-dose.

Mula noon, sa laptop ko na lang ini-enjoy ang laban ni Pacman kay Hatton courtesy of my friendly-neighborhood Manong DVD. Nabubuwisit na nga si Angel dahil halos araw-araw kong panoorin ang Pacman versus Hatton.

Tapos noong Linggo na nga, Pacman versus Cotto naman. Hindi na naglibre ang cable company dito sa Lucban. Dapat tanggapin ang mapait na katotohanang lunod sa patalastas ang Solar Sports at GMA 7. Hindi rin ako mapakali kaya pinagtetext ko ang tropa ko na nanonood sa SM at nakatanga sa internet. Okey, ia-update daw ako. Kaya hayun, alam ko agad na todas na si Cotto. Tinawagan ko si Pat na nakatutok naman sa radyo. Inaya ko na lang uminom sa Juro’s. Sabi ko du’n na lang namin panoorin sa Juro’s tutal alam na naman namin ang resulta ng laban.

Kami lang ang customer. Isang long neck na Granma agad ang kinana namin. Halos nasa puwit na ng bote ang alak nang mangalahati ang laban sa channel 7. Order kami ng panundot na beer. Naubos. Order uli kami ng tig-isa. Alas singko ng hapon noong Linggo, mala-Quinito Henson at Recah Trinidad kaming naghihimay ng laban ni Pacman. Hindi na nga lang namin maintindihan ang analysis namin. Sulit ang hang-over kinalunesan. Wanted: pirated DVD ng laban ni Pacman versus Cotto.

At nakakita ako kinabukasan habang break ang turo ko sa world history. Cuarenta y cinco pesos ang lintek. Guess what? Walang laman ang taenang DVD. Nakita ko si Manong DVD tatlong araw matapos ang malasindikatong transaksiyon, ipinababalik sa akin ang namputang DVD, papalitan daw niya. Hindi na lang. Lesson learned the pirated way.

Buti nga hindi natuloy ang laban ni Pacman at Money May. Nabawasan ang pagkasabik ko sa bangasan ng mukha.

No comments: