Monday, September 28, 2009
Tagbaha Reloaded
Sabado, ala-una ng hapon. Nagpaalam na sina Ate Sotie at Ringgo, mga kaklase ko. Lulusungin na daw nila ang baha sa Taft Avenue. Nagpaiwan ako. Sabi ko magdidili-dili muna ako kung susuong o magpapahupa ng baha. Maglalakad-lakad muna kako ako sa loob ng kampus na mga isang oras na ang lumipas nang magdeklara na suspendido na ang klase. Pero sinabi ko sa kanilang siguradong uuwi rin ako.
Beterano daw ng bahaan si Ringgo. Pinalaki daw siya ng baha sa EspaƱa noong nag-aaral pa siya—hayskul at kolehiyo—sa paaralan na pinatatakbo ng mga Dominikano. Si Ate Sotie naman, sasabay daw at manghihiram ng tapang sa lakas ng loob ni Ringgo sa pagsaludsod sa baha. Pareho silang pa-Quezon City.
Ang totoo, pinaghahandaan ko ang siguradong mahaba-habang biyahe pauwi sa Lucban. Kumuha lang ako ng tiyempong umebak sa loob ng kampus para hindi maging abala ang mag-aalburoto kong lamanloob kung sakaling maistranded ako sa kung saang lupalop pauwi sa Lucban.
Hanggang tuhod ang baha sa Taft sa mismong tapat ng De La Salle University. Paglabas ko, saktong nakanganga ang pinto ng isang bus na papuntang South Mall. Lusong. Pasok. Malamig sa loob. Maraming bakanteng upuan. O mas tamang sabihing maraming binakanteng upuan. Dahil sabi ng mamang nakatabi ko sa upuan, dalawang oras daw ang itinagal ng biyahe nila sa bus mula Quirino hanggang La Salle. Baka daw dalawang oras uli mula La Salle hanggang Buendia kung saan ako sasakay ng bus na papuntang Lucena. Parang totoo ang sinabi ng mama kasi beinte minutos tumambay ang bus sa harap ng La Salle. Gustong pasakayin ang lahat ng estudyanteng ibinabalong ng unibersidad na binaha daw sa unang pagkakataon sa loob ng kulang sandaang taon ng existence sa balat ng Kamaynilaan.
Onse ang bayad ko sa bus. Pakiramdam ko, na-onse ako dahil hindi man lang umusad ang bus. Bumaba ako pagkatapos ng kulang-kulang tatlumpong minutong pangangaligkig, sinaludsod ang tatlumpong metrong distansiya mula sa sinasakyang bus hanggang sa Vito Cruz station ng LRT. Magtetren na lang ako. Dose pesos ang bayad sa nakalutang na tren. Mukhang siguradong makararating pa sa Buendia.
Mahaba ang pila ng mga pasaherong bumibili ng tiket. Kulang kalahating oras bago ko nakita nang mukha sa mukha, taghiyawat sa taghiyawat ang nagbebenta ng tiket. Matagal dumating ang tren. Nang mga kinse minutos na at walang dumarating na tren patungong Baclaran, pumalahaw ang announcement sa PA system ng estasyon ng Vito Cruz. Sinusuwerte ako. Code yellow daw ang buong linya ng tren dahil may nasirang bagon sa U.N. Avenue station. Isinara ng mga sekyu ang mga turnstile sa estasyon. Walang pinapasok na pasahero. Hingang malalim. Kaibigan ko si Murphy, at ang kanyang pinakaiiwasang batas.
Pagkatapos ng sampung minuto, may announcement uli sa PA system. Hindi ko na naintindihan ang sinabi. Maingay na sa estasyon dahil sa dami ng naghihintay na pasahero. Nagsilbatuhan ang mga sekyu. Nagpapasok uli ng pasahero, dagdag sa mga giniginaw na pasaherong nakatambay na nang matagal-tagal gaya ko. Magandang senyal. Ilang sandali pa nga dumating na ang tren na umaapaw sa pasahero. Naalala ko ang dadalawang taludtod na tula ni Ezra Pound nang makita ko sa loob ng papahintong tren ang hapis at basang-basang mukha ng mga pasaherong halos makipaghalikan na sa pintong salamin. Mga basang talulot na nakadikit sa basang salamin. Aparisyon.
Pagbaba ko sa Buendia bumalandra sa mukha ko ang dating abalang haywey na isa nang ilog. Walang bumibiyahe. Heto na ang pinakapopular na pakahulugan sa istranded: gusto mong umalis at lumayo pero hindi mo magawa.
Bumili muna ako sa binabahang convenient store ng gamit at pagkain: biskwit, mani, bottled water, alkohol at tsinelas para matuyo ang paa ko na babad na sa loob ng sapatos kong Camper, paghahanda sa mahabang hintayan na maaring tumagal ng, ng, hay, isang araw. Inilagay ko na ang sarili ko na maghintay ng isang araw sa paghupa ng bahang iniluha ni Ondoy.
Hanggang baywang ang baha sa mismong panulukan ng Buendia at Taft. Bihira ang tumatawid na de-makina. Puro de-tulak at de-pasan ang pumapasada, tawiran lang ang ruta. Pumunta ako sa terminal ng Jac Liner na baha rin ang loob. Nagtanong-tanong ako sa mga empleyado ng Jac Liner. Istranded daw ang kanilang mga bus sa SLEX na hanggang dibdib daw ang baha. Alas-onse pa raw ng umaga nakatanga ang mga nakaparadang bus na puno ng mga nakatangang pasahero. Walang katiyakan kung kailan aalis. Humanap ako ng mauupuan sa loob ng bagong gawang terminal. Itinaas ko ang paa ko sa upuan sa harap dahil may baha na rin sa elevated na terminal. Nagkutkot ako ng mani. Nakakangawit. Tumayo ako at nagsindi ng sigarilyo. Naupuan agad ang binakante kong upuan. Hindi na ako tatagal ng isang oras—lalo na ang isang araw!—na pagtunganga nang nakataas ang paa. Hindi na ako puwedeng bumalik sa La Salle na kaninang bago ako umalis ay may anunsiyo si Bro. Armin na hindi na raw advisable bumiyahe pauwi. Magpapalugaw si Bro. Armin, announcement niya bago ako umalis ng kampus. Sayang. Hindi ko na kakayaning bumalik ng La Salle. Sayang ang mainit na lugaw.
Humahaginit ang ulan. May kaunting hangin. Hanggang kuyukot at baywang ko ang baha. Sisiw sa akin ang bahang ganito kung babalik ako sa La Salle. Kung ako lang. Kaya lang marami akong bitbit, una na ang uugod-ugod at simbigat ng chinook helicopter kong laptop kasama ang mga librong pinagsisihan kong hiramin sa aklatan. Ayoko nang magbakasakali. Wala pa akong pamalit sa laptop ko at pambayad sa mga magsu-swimming na libro. Sa terminal ng Jac Liner na lang ako. Baka mahulog pa ako sa manhole na ninakawan ng takip ng kung sinong adik. Baka maulila sa ama agad si Bani. Baka mabiyuda agad si Angel. Baka maging tantos lang ako sa statistics ng kalamidad na alyas Ondoy.
Naisip kong umakyat uli ng estasyon ng LRT. Kahit papaano, walang baha sa estasyon ng LRT. Pwede na akong matulog sa nanlilimahid na sahig basta ligtas lang ako sa baha at hindi nauulanan, at ang pinakaimportante, hindi nangangawit habang naghihintay sa paghupa ng baha ni Ondoy.
Karugtong ng bagong terminal ng Jac Liner ang hagdan sa estasyon ng LRT. Doon ako dumaan papanhik. Nakita ko sa 2nd floor ng terminal ang ilang paseherong nakasalampak na sa sahig. Maganda ang puwesto. May ceiling fan sa ikalawang palapag na gagawing commercial center ng management ng Jac Liner. May tindahan ng pagkain sa ibaba at hindi na kailangang lumusong pa nang malalim para makatsitsa. Goodbye LRT station, hello uli terminal ng Jac Liner.
Humanap ako ng bakanteng espasyo sa sahig. Sumalampak ako sa isang sulok. Inihanap ko rin ng puwesto ang tone-tonelada kong Sagada backpack na may kargang chinook helicopter laptop, at ang plastic bag taglay ang matapat kong Camper at bagong medyas na ginahasa na ng bahang Taft. Sumandal ako sa pader. Five star hotel ang ikalawang palapag kumpara sa suruting walk-in na puwesto ko sa ibaba ng terminal ng Jac Liner. Nakakarelaks kahit malamig ang singaw ng kongkretong pader. Nilamas ko sa alkohol ang binti kong niromansa ng bahang Taft Avenue. Mahirap nang mabenditahan ng dyinggel ng daga. Hagod, masahe, inat-inat. Humingi ng alkohol ang katabi kong babae. Sa gitna ng krisis, tulungan dapat, bigayan dapat. Matapos ang predictable na “Tagasaan po kayo? Bakit po kayo narito?” naging kakuwentuhan ko ang dalawang babaeng pawang taga-Candelaria. May dumagdag, titser din na taga-Tiaong. May isa pang dumating. Naging anim kami. Nabuo ang isang kulto ng mga titser na taga-Quezon na nag-aaral sa Maynila tuwing Sabado at ginipit ng bagyo kaya naistranded.
Ano pa ba ang pwedeng hapunan sa ganoong pagkakataon, piyesta na ang Nissin cup noodles at dalawang Skyflakes. Solb na solb na. May inuming tubig ako. Wala nang sepi-sepilyo (bakit kasi nakalimutan kong bumili). Para daw kaming mga OFW na minaltrato ng amo sabi ni Azelle, titser sa Enverga sa Candelaria. Sinakyan ko na ang kuwento ni Azelle: nasa embahada kami ng ‘Pinas kunwari, naghihintay sa tulong ni Villar kunwari. May kasama kaming na-illegal recruiter kunwari. Mga inabot ng giyera sa Lebanon kunwari. Mga nasunugan kami kunwari. Kuwentuhan kami tungkol sa mga klase namin, sa mga totoong buhay namin sa iskuwela. Binuksan ko ang laptop ko at isinalang ang huling treinta minutos ng Smart Bro para makasagap ng balita at alimuom bukod sa mga balitang itinetext na sa akin ni Angel. Ang balita: gaya rin ng text ni Angel, wala daw kaming pag-asang makauwi nang mabilisan dahil sarado at baldado na ang mga haywey papunta ng sur sabi ng Philstar.com at Inquirer.net at GMAnews.tv. Bugbog-sarado ang Kamaynilaan at mga kapitbahay na probinsya, gaya rin ng text sa akin ni Angel. Marami nang binabakwet, marami nang namamatay dahil kay Ondoy. Gaya rin ng text ni Angel.
Nag-usyoso muna ako habang naninigarilyo sa nagpapanggap na terraceng evacuation center namin bago matulog. Mula sa terrace—hagdan ng Buendia station ng LRT—kitang-kita ko ang pinsala ng baha. Mga itinutulak na sasakyan, mga pedicab na akala mo vintang nakalutang sa dagat ng Tawi-tawi, mga taong naglalakad sa hanggang wetpaks (o baywang, depende sa height nila) na baha, bus at mga SUV na naglakas-loob sumagasa sa baha at ang tsunaming tangay nito sabay ang murahan ng mga iwinasiwas ng alon. Madaling makakuha ng kausap, mag-“tsk-tsk-tsk” ka lang habang nakatanaw sa baha siguradong may sesegunda sa iyo. Kuwentuhan na ang kasunod.
Alas-nuwebe ng gabi. Binilot ko ang jacket kong kurduroy. Iniunan. Napasarap ang tulog ko. Katunayan, napanaginipan ko pa ang buhay ko sa Normal sampung taon na ang nakalilipas. Kaya nang gisingin ako ng mga kapwa ko istranded na titser ng Lalawigan ng Quezon bandang alas-onse y media ng gabi, medyo nahilo ako sa biglaang pagbangon. May bus na daw papuntang Lucena. Humupa na ng isang dangkal ang baha. Dangkal ko. Hindi dangkal ni Dagul. Lalong hindi ang dangkal ni Yao Ming.
Lumusong uli kami para marating ang pinto ng bus. Parang may yelo ang tubig-baha. Naisip ko na lang na hindi bale, bihira naman ang ganito. Parang malambot na kamang napakasarap tulugan ang upuan ng Lucena Lines, ang kapatid na bus ng Jac Liner. Nagising na lang uli ako sa Lucena ng Linggo ng alas-tres y media ng umaga. Nakangiting pahabol pa ng konduktor bago ako bumaba sa diversion: “Ingat po kayo, Sir.” At bihira ang bating ito. Bihirang-bihira.
(Kuha ang ilang larawan sa loob ng De La Salle University na diumano’y unang beses sa kasaysayan na kinolonya ng baha. Ang ibang larawan ay kuha sa itaas ng LRT Vito Cruz at Buendia Stations.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
sir eto yung kwento sa prelims! :D
Magandang araw. Nais ko sanang hingin ang iyong pahintulot para mailathala ang litratong nakapaskil sa iyong blog: http://3.bp.blogspot.com/_z3dDtxnLwGM/SsBTe7Ox_8I/AAAAAAAAAIE/pcMwbKy8FJU/s400/Image035.jpg. Maaari po ninyo akong padalhan ng mensahe sa email na ito: abivabookdev.kp@gmail.com. Maraming salamat po.
Post a Comment