Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, September 8, 2009

Wala akong kinalaman sa “Bangon Quezon”

Sa mga nakakakilala at di-nakakakilala sa akin:

Magandang araw.

Kamakailan ay naglabasan sa mga diyaryo ang tungkol sa isang pangkat diumano na naghahangad ng pagbabago para sa Lalawigan ng Quezon. Nagpakilala sila sa media bilang “Bangon Quezon” na pinamumunuan diumano ng isang guro na Joey Delos Reyes ang pangalan. Kung hindi ako nagkakamali ay Huwebes ito lumabas sa Abante. Binati ako ng aking co-teacher dito sa Southern Luzon State University nang mabasa ang diyaryo. Hindi ko nabasa ang eksaktong nilalaman ng artikulo. Ngunit isa lamang ang nais kong linawin sa inyo, hindi ako ang tinutukoy na Joey Delos Reyes. Oo nga at guro ako, ngunit hindi ako kasapi, lalo pa ang nangunguna, sa isang mistulang grupong politikal dito sa lalawigan.

Hindi ako botante sa ating lalawigan. Botante ako sa Valenzuela City, ang kinalakihan kong bayan. Bagamat interes at layunin ko na rin ngayon ang kaunlaran ng Quezon, isinasabuhay ko ang interes at layuning ito sa pamamagitan ng pagtuturo nang buong puso at buong giliw sa ating mga kalalawigan.

Noong Linggo, nakatanggap ako ng text buhat sa aking kaibigan sa Maynila, lumabas daw sa People’s Tonight ang isang artikulo tungkol muli sa “Bangon Quezon” at tinanong ako kung ako ang tinutukoy sa artikulo. Humanap ako ng kopya ng diyaryo, natagpuan ko ang isang artikulong Tagalog sa isang Ingles na tabloid. Sinasabi ng artikulo na isa namang Joel Delos Reyes na guro sa Lucban ang namumuno sa “Bangon Quezon”!

Sa pagkakaalam ko, dalawa lamang ang gurong Delos Reyes sa Lucban: ako at ang aking asawa. Hindi ko na inalam kung ang artikulo sa People’s Tonight ay kaugnay ng unang lumabas na artikulo sa Abante. Ang mahalaga—at ito ang ang aking paglilinaw—hindi ako ang Joey at Joel Delos Reyes na tinutukoy ng mga pahayagang ito. At wala akong kaugnayan sa isang samahang nagpapakilalang “Bangon Quezon.” Isa lamang ang kinabibilangan kong pormal na samahan dito sa Lucban, ang Lucban Historical Society na naging kasapi ako sa bisa ng aking pagkahilig sa Panitikan at Kasaysayan.

Maraming salamat. At muli, isa lamang po itong paglilinaw.

No comments: