Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, August 25, 2009

“Isiroks mo ako”




Mabilis lang. Walang hinga-hinga. Isang bitaw. “Isiroks mo ako.”

Bakit isiroks? Pa’no mo ba binibigkas ang pangalan ng kompanyang nagpalaganap ng pangongopya? Xerox. Parang Coke. Parang Colgate. Parang McDo. Global ang brand. Mas madaling sabihin kesa i-photocopy. At dahil Filipino ang sabjek, seroks o siroks. Paumanhin pero hindi ko pa naitatanong sa isang lehitimong taga-Xerox Company ng bansang Hapon kung paano talaga binibigkas ang ngalan ng kanilang kompanya. Kaya heto na lang muna: siroks. Mas sosyal kesa seroks.

Bakit “Isiroks mo ako”? Bakit naman hindi. Halos lahat ngayon ng gawa sa papel ay ipinapasiroks. Kahit bawal isiroks. Pero itong “Isiroks mo ako”, hindi bawal kaya: “Isiroks mo ako”! Second prize na lang ang nagko-ctrl A + ctrl C + ctrl V + ctrl P. Ibig sabihin copy-paste sabay print. Mahabang pamagat. Pero baka ito ang gawin naming pamagat ng online version ng “Isiroks mo ako.” Pero ibang paksa ito. Darating tayo diyan. Hinay-hinay.

Bakit nga “Isiroks mo ako”?
Para mabilis. Para share-ware. Walang inhibisyon sa copyright ng kung sinong akala mo matalino’t may laman ang utak. Para mabasa nang tuloy-tuloy. Para magkaroon ng readers ang mga writer at nangangarap maging writer.

O sige, para na rin madaling sumikat. Tutal, naghihingalo ang industriya ng libro dahil wala naman talagang mambabasa dahil mahal ang libro (kaya isinisiroks) at talaga namang nakatatamad magbasa, heto ang “Isiroks mo ako.” Sagot, gamot sa mga paos at sa mga gustong bumigkas sa pamamagitan ng pagsulat. Etsetera etsetera.

Bueno, bahagi ng FIL01 ang Pagsulat. Heto na ang praktisan ng mga estudyante. Hindi pa big league pero pwede nang pagtiyagaan. Ingles, Filipino, Kastila, Mandarin, Latin—swak lahat sa “Isiroks mo ako.”

Lalabas ito nang madalas dahil napakadaling kumalat. Dahil nga ipapasiroks lang. Kaunti lang ang laman. Kaunting lay-out, kaunting edit, kaunting print, whola! “Isiroks mo ako”! Kung baga sa tindahan: sari-sari at hindi grocery. Hindi Acer o Sioland, tindahan lang ni Aling Impiang sa kanto ng daang Tayabas at kanto numero tres sa barangay otso. Tingi-tingi lang ang “Isiroks mo ako”!

Sino si Ako sa “Isiroks mo ako”? ‘Yung writer ‘yun. ‘Yung papel ‘yun. ‘Yung laman. ‘Yung nakasulat. Naghihintay ng mambabasang ikaw. Ikaw!


Dahil share-ware ang “Isiroks mo ako,” maaari ninyo itong ipasiroks. Oo, kahit gaano karami, huwag n’yo lang ibenta. Proyekto ito ng BA Comms 1A sa ilalim ng sabjek na FIL01. Hinihikayat na magsumite ng entring isang pahinang tula, kuwento, o lathalain ang lahat ng estudyante ng SLSU. I-email ang inyong disiplinadong artikulo kasama ang inyong pangalan sa isiroks_SLSU@yahoo.com. Tandaan, hindi ilalathala ang gumagamit ng alias o nom de plume o pen name. Ikarangal ninyo ang inyong isusulat. Lumalabas ang isyu isang beses isang linggo. Pero pwede ring mas madalas depende sa dami ng lahok para sa isang partikular na isyu. Abangan ninyo sa inyong suking siroksan sa loob at labas ng iskul natin ang “Isiroks mo ako.” Pansamantalang pinamamatnugutan ang “Isiroks mo ako” ni G. Joselito Delos Reyes, guro sa FIL01. Sa nagnanais maglahok ng plagiarized na artikulo, mahiya naman kayo!

1 comment:

Dani said...

sir, san makakabili ng isiroks mo ko? o mas tamang sabihin, san makakakuha ng ipapasiroks ng isiroks mu ako? haha. x]