Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Friday, April 30, 2010

PURUNTONG


Aminin mo, minsan ka ring nagsuot nito.

Komportable’t makulay na rilyebo ng karsonsilyo.

Mumurahing pang-swimming,

Panloob sa hamak na luwag ng pantalong

Umaabang sa paglaki’t takot mapaglumaan,

Makalakha’t maipamigay sa sinumang kapos

Na nakababatang kapatid, kalaro, o kamag-anak.

Gaya ng nagbabalat-balatang sapatos na itim

Na tinawaran ni Ina isang binabahang pasukan.

Malaki ng dalawang pulgada ang malapapel,

Pumapapel na Top-sider na nakatanod sa pagbibinata:

Naghihintay sa paglipas ng pag-umbok

Ng gulong-gulungan, dagsa ng taghiyawat,

Sumisinsing pagpiyok, at siguradong paglapad,

Paghaba ng paa. Hindi ang tigbebenteng

Sukat na sukat na puruntong.

Kapag lugapi na, deretso-trapo

Itong kailanma’y hindi ordinaryong salawal

Na hindi sinasadyang mapasikat

Ng aktor na tumanyag sa pagpapatawa’t

Pagganap sa karukhaang hindi miminsang

Napagkamalan kong tunay na tunay.#


galing dito ang larawan: http://pinoyexchange.com/forums/showthread.php?p=27483167

salamat kung sino ka man.

No comments: