Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, July 22, 2008

Lunes na Lunes


Kasama na sa aking sistema na dapat simulan nang maganda at maayos ang linggo: handa sa trabaho, maayos ang damit, walang iniintinding aberya o alalahanin, masigla ang katawan, hindi inaantok-antok.

Gumising ako nang maaga para tapusin ang mga sulatin, quizzes, at mga rekisito para sa isang buong linggo ng trabaho sa unibersidad. Ipinangako ko sa sarili na hindi ako magpapatalo sa maliliit na problema gaya ng mga late na estudyante, mga hindi nagbasa ng aralin na estudyante, mga katrabahong mag-aagahan ng tsismis kahit Lunes na Lunes. At iba pa.

Maaga akong dumating sa unibersidad. Mga isang oras bago ang mismong oras ng aking klase. At gaya ng magandang panimula, sinimulan ito sa pagpuri sa akin ng aking department head tungkol sa faculty journal na natapos ko noong nagdaang linggo. Maganda sa isip-isip ko ang simula. Nginitian ko ang aking sarili, ngiti ng isang kontrabida sa pelikula na dahan-dahan nang tinatalo ang bida. Ngiting Romy at Paquito Diaz. Nagtatagumpay ako.


Magalang kong binati ang aking mga kasamahan. “Good morning” dito at “Good morning” doon ang ibinato ko kahit kanino. Tamaan na ang tatamaan ng ligaw na "Good morning." May kapwa bumati ng magandang umaga sa akin, mayroon din naming tipid na ngiti ang itinugon.

Pero kahit anong Lunes ay nakatakdang sirain ng napakaliit na detalye na beyond my means to control. Gaano kaliit? Zipper. Bago ako pumasok sa klase, ritwal nang matatawag ang paglimas sa aking pantog. Hindi ang pag-ihi ang makapipigil sa akin na makapagturo nang tuloy-tuloy sa loob ng isa't kalahating oras. Hindi ang inconvenience ng isang maiihing titser. Kung ang mga pasaway na estudyante nga ay hindi makasisisra, pag-ihi pa kaya?

Sa madaling salita, nasira ang zipper ng pantalon ko. Hindi naman dahil hindi ko ito maisara, ang siste, nasira ang zipper at hindi ko ito mabuksan! Napungol ang hawakan ng zipper dahil nasira ang ngipin nito. At dahil sa aking puwersa ng paghatak paibaba, natanggal pati ang hawakan. Nalinitikan. Suot ko pa naman ang pantalon na bagamat hindi masikip ay hindi rin naman maluwag. Saktong sakto sa aking 32 inches na baywang ang mala-slacks at mala-denim na pantalon. Mga tatlong minuto kaming nagtuos ng zipper . Sa huli, pumayag ako sa kaniyang gusto, ang hindi bumukas. Gusto ko nang umihi, at gusto ko nang umuwi para magpalit ng pantalon. Hindi ako makaihi nang maayos dahil hindi ko mailabas nang maayos ang dapat ilabas para umihi ang isang lalaki. Hindi ako makauwi dahil oras na para magturo ako. Hindi sisirain ng zipper na ito ang Lunes na pinagsikapan kong simulan nang maganda at maayos. Hindi ako papayag.

Nakaihi naman ako. Yun nga lang, sa pinaka-awkward na paraan. Pinilit kong ilabas ang dapat ilabas kahit hindi maibaba ang zipper ng pantalon. Kahit butones lamang ang nabuksan. Hindi naipagpag nang maayos ang dapat ipagpag, dahil yun na nga, halos hindi ko rin kasi ito mailabas nang maayos. Hindi ko na babanggitin kung napatakan ng kung ano ang light gray kong mala-slacks at mala-denim na pantalon. Hindi naman ako naka-tuck-in.

Natapos ang dalawang period ko sa umaga katumbas ng tatlong oras sa loob ng classroom. Nabawasan ang aking sariwang ngiti, sariwang ngiting inilalaan ko lamang sa isang magandang Lunes na magbibigay daan sana sa isang magandang linggo. Magandang Lunes na akala ko’y gaya ng Lunes na ito.

Umuwi ako sa bahay matapos ang pang-umaga kong turo. Kailangan kong magpalit ng pantalon, ang pantalong nagtataglay ng zipper na nakatakdang sumira sa aking araw at linggo. Paano ito matatapos? Dahil maagang maaga akong gumising, inantok ako pagdating sa bahay. Dahil tatlong oras ang bakanteng oras ko, ano ba naman ang isang oras na tulog. Na naging dalawa, at halos naging tatlo! Resulta, late ako sa panghapon kong klase. Buong hapon hanggang gabi, ngisi ang lumalabas sa akin, imbes na ngiti—awtomatiko, turuan, programadong sistema ng isang titser na nangarap ng isang magandang Lunes at linggo. Hindi bale, nakaihi naman ako nang maayos sa hapon at gabi.

Lesson: kung papayagan, wear Levi’s 501 button-fly jeans sa trabaho.

Sunday, July 13, 2008

Ilang Muni sa Fil02 at Lit103
Bilang Asignatura
o
Kung Paano Ko Puwersahang Pinagbasa ang aking mga Mag-aaral sa Southern Luzon State University sa Unang Buwan ng Aking Pagtuturo

Titser ako

Iisang buwan pa lamang nagbubukas ang klase. Tatlong subject ang itinuturo ko sa kolehiyong tinabtab sa pigi ng Bundok Banahaw sa bahagi ng Lucban, Quezon—Fil01 o ang Sining ng Pakikipagtalastasan; Fil02 o ang Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, at ang Lit103 o ang Panitikan ng Rehiyon.

Kabilang ako sa faculty ng Language, Literature, and the Humanities sa ilalim ng College of Arts and Sciences. Wala akong masasabing kasanayang nakabatay sa karanasan, maliban sa off-campus on-the-job training sa pagtuturo, bagamat ang maging titser naman talaga dapat ang ginagawa ko dahil ito ang isinasaad ng aking diploma at lisensiya. Pinag-aral ako sa tulong ng buwis ng taumbayan sa pampublikong unibersidad sa tabi ng riles ng LRT at city hall ng Maynila. Ikalawang dahilan ko kung bakit ako nagtuturo ay dapat kong suklian ng paglilingkod ang ipinampaaral sa akin kahit papaano bilang ganti sa kabutihang loob ng rentas internas (na alam kong kinuha sa mga suweldo ng obrerong mabibigat ang kalooban, at sa ilang tapat na mangangalakal na mabibigat din ang kalooban). Ang unang dahilan, wala akong trabaho sa Lucban kaya ako nag-apply magturo. At ang dahilan sa lahat ng dahilan, para makasama ang aking pamilya.

Kung bakit ako napadpad sa Lucban ay bahagi ng isang hindi naman gaanong kumplikadong love story na hindi pampelikula ni pangkomiks. Titser din ang aking asawa dito sa Lucban. Graduate rin siya sa Normal. Itinago siya ng nanay niya (na biyenan ko na ngayon) buhat sa San Juan, Metro Manila dito sa pisngi ng bundok sa pag-aakalang hindi ko na masusundan. Nasundan ko. Nagpakasal kami. Nagkaroon kami ng isang anak na ang pangalan ay Banahaw. Sana. Divine ang totoong ngalan ng aking anak batay sa kagustuhan ng kaniyang inang nagbantang hindi siya ilalabas sa bahay-bata kung Banahaw P. De Los Reyes ang isusulat ko sa kaniyang birth certificate.

Napadpad ako nang tuluyan sa Lucban nang magkaroon ako ng nakaririmarim na sakit noong Pebrero 2008—ang long-delayed bulutong-tubig. For good na, sa ngayon, ang aking pagtira at pagtuturo dito. Force majeure dahil hindi na ako mare-regular sa trabaho sa Ortigas dahil nga sa sandamukal na bulutong na tumubo sa aking mukha at katawan na diumano’y biyaya ng Diyos (kung paniniwalaan ang asawa kong guro sa physics). At kung susumahin, kagustuhan ng Diyos kung bakit ako titser ngayon, at ito ang Kaniyang ulterior motive sa facial deformity ko noong Pebrero. Siguro nga. Sana nga. Naniniwala naman ako. Sa ngayon.

Kung hindi ako natanggap bilang guro sa Southern Luzon State University dito sa Lucban, malamang ay nasa Kamaynilaan pa rin ako. Nasa pribadong sektor sa kung anumang trabahong may kinalaman sa business development, marketing communications at public relations, o sa pampublikong tanggapan sa anumang trabahong may kinalaman sa “business development,” marketing communications at public relations. Pareho ko nang nagawa ang mga trabahong ito. Gaya ng itim na costume ni Spiderman sa Spiderman 3, napakahirap hubarin ang mga nauna kong trabaho. Lapitin ng raket. Malakas ang temptation lalo na kung mababalitaan ninyong PhP 84.50 ang aking gana sa bawat oras na may turo, buti na lamang at hindi ninyo ito alam ni malalamanpa. Buhat sa five-digit na suweldo na nagsisimula sa 3, four-digit na lamang na nagsisimula sa 7, na minsan daw ay 8, ang aking abang suweldo kada buwan depende sa dami ng holiday at kapritso ng pamahalaan na magdeklara ng walang pasok o piyesta opisyal, na kasingkahulugan ng pagbawas sa aking suweldo nang walang kalaban-laban.

Nginunguya ko na nang buong linamnam ang trabahong ito. At dapat kong linawin at bigyan ng diin—wala akong sentimyento sa suweldo. Wala pa. Mababa ang cost of living dito sa Lucban. Naglalakad lamang ako papasok at pauwi sa paaralan. Kinse hanggang beinte pesos ang halaga ng pagkain sa tabi-tabi, na ang ibig sabihin ng tabi-tabi ay malinis at masarap na pagkain at hindi gaya sa Kamaynilaan na ang tabi-tabi ay kasingkahulugan ng rolling hepatitis stalls. Maliban sa ilang rekisito ng isang maayos at disenteng hitsura pagpasok (deodorant, kaunting cologne, foot powder, shampoo, toothpaste, toothbrush, etcetera), ay wala na akong naiisip pang malaking pagkakagastusan, may mga sapatos, pantalon, long-sleeves at polong maayos pa naman ako, tira-tira ng aking salad days sa Ortigas at Makati at sa trabahong may red-plate na service vehicle at dalawang rotation drivers. Sagot ni misis ang bulto ng gastos (diaper, gatas, kuryente, tubig, cable, pagkain, LPG, tuition at pambaon ng kaniyang kapatid, etcetera). Nakabili na ako ng tatlong batayang aklat, to the tune of nine hundred pesos, na gagamitin sa pagtuturo. Maayos pa naman, bagamat literal na mabigat na, ang aking Asus A6R at ang back-up na desktop AMD PC pati na ang HP printer para hindi sumala sa pagta-type ng kung ano-ano at pagre-research ng kung ano-ano. Sumatotal, nakalalagpas kami sa pang-araw-araw na biyolohikal at propesyonal na kahingian ng maayos at disenteng trabaho’t buhay. Sapat kung gayon ang aking panahon para magmuni sa aking kasalukuyang bokasyon—ang magturo. At magturo nang mabuti.

Titser ako ng Fil02 at Lit103

Bungad ko sa aking mga estudyante sa Fil02—tatlo ang dahilan kung bakit tiyak na magiging boring ang subject. Una, ang pagbasa, ikalawa ang pagsulat, at huli ang pananaliksik. Reading, writing, and research. Hindi ko pa naman tinatawid ang hanggahan ng pagkanta at pagsayaw at paglunok ng espada sa klase mapalipas lamang ang tatlong oras bawat linggo ng pakikipagbuno sa teorya ng pagbasa at pagsulat (iwinaglit ko muna ang pananaliksik upang hindi maumay ang aking mag-aaral). Hindi ko pa ito ginagawa, pero hindi ko rin naman isinasaisantabi ang posibilidad na gawin ang pagsirko at pagmamadyik para lamang malibang at mag-focus ang klase.

Natapos ko ang tatlong linggo ng mga teorya ayon sa batayang aklat na subliminal na iniuutos ng CHED, sa bisa ng isang memo, na dapat naming gamitin bilang panturo. Tapos na ang kuwento at teorya, dapat nang isapraktika. At ang unang tinik ay ang pagbabasa nang halos walang humpay hanggang matapos ang preliminary examinations ng mga kawawang mag-aaral na akala mo’y sinisentensiyahan ng reclusion perpetua sa tuwing makikita ang mga tekstong dapat basahin (average length: 3-4 pages of pure unadulterated texts).

Hindi requirement sa mag-aaral ang bumili ng batayang aklat na isinulat sa paraang mistulang workbook kahit pa kaibigan ko ang may-akda. At lalo namang hindi ko gagawin na ipa-photocopy ang buo o kahit bahagi ng aklat dahil, una nang dahilan, kaibigan ko kasi ang may-akda. Kaya kailangan kong kumipil nang walang pormal na paalam sa mga isinulat ng kaibigang manunulat bilang piyesa sa pagpapabasa.

Ayokong isiping intuition ang dapat paganahin ng titser para malaman kung binasa o hindi ang babasahin. Sapat na ang hindi pagsagot-sagot ng estudyante sa recitation para malamang hindi ito nagbasa. Ang hindi nila pagsunod sa utos na magbasa ay natutugunan naman nila ng pagsasabi nang totoo—na hindi nga sila nagbasa! May iba’t ibang bersiyon lamang: kesyo hindi natapos basahin dahil mahaba at walang retrato ang teksto, inantok, walang oras tapusin ang babasahin, tambak ang quizzes at assignment sa major subjects, walang pampa-photocopy, etcetera.

Ang una kong reaksiyon bilang titser sa mga hindi nakatupad sa gawain: magalit o mainis. Pangaralan (read: sabunin) ang klase,ipaliwanag na kailangan silang magbasa, na kailangan sa career sa engineering hindi lamang ang galing kumuwenta at magdrowing kundi ang galing sa pagbabasa at pagsusulat. Ito ang una kong ikinainis sa pagtuturo ko. Ang mamuwersang magbasa at magalit kung hindi pa rin magbasa ang mag-aaral sa kabila ng panggagalaiti at pagdungaw ng litid sa lalamunan ng titser.

At heto pa. Nagtuturo ako sa mga nag-aaral maging titser sa Filipino. Itinuturo ko ang Lit103 o ang Panitikan ng Rehiyon. Bago ang subject kumpara sa mga asignaturang itinuturo na noon pang early at late 90s batay sa aking pagtatanong sa mga guro at propesor sa Filipino sa loob at labas ng Lalawigan ng Quezon. Kung hindi ako nagkakamali, 2005 lamang lumabas, batay sa 2004 CHED memo, ang subject na ito. At gaya ng kahit anong subject na may Panitikan o Literature sa pamagat—walang humpay na pagbabasa ang dapat gawin.

Sa loob ng kulang isang buwan ng paghawak sa subject na ito, nakita ko kung paano marindi ang aking labimpitong mag-aaral sa dami ng dapat basahing tula, maikling kuwento, dula, sanaysay puwera pa ang mga batayang teorya sa Panitikan na nakasulat sa paraang bloke-bloke at walang breaker. Sinabi kong mag-drop o lumipat ng major ang mga hindi makatutupad sa pagbabasa at pagsusulat. Dalawang estudyante agad ang berbal na nagmuni na mag-drop o lumipat ng major. Buti na lamang mukha o umaasta na silang nagbabasa at nagsusulat ngayon.

Kasama sa litanya ko ang pagbuyo sa kanilang kailangan nilang magbasa at magsulat dahil magiging guro sila ng pagbasa at pagsulat sa nalalapit na hinaharap. Paano silang makapagtuturo ng pagbasa at pagsulat nang maayos kung sila mismo ay hindi matiyagang magbasa at magsulat. Sabihin pa, ikinumpara ko sa bulag na umaakay sa kapwa bulag ang mga gurong nagtuturong bumasa at sumulat nang tama at maayos gayong hindi sila nagbabasa at sumusulat nang tama at maayos. Alam nilang pagkahulog sa bangin, o masagasaan kaya sa kalye o mauntog o madupilas at hindi na makabangon, ang dulot ng bulag na umaakay sa kapwa bulag.

Kung palatandaan ang ngiti ng mga mag-aaral sa oras ng aking klase sa Lit103, mukhang nagtatagumpay ako sa pagpapabasa at pagpapasulat sa kanila. O maari ring nagkakamali ako. Tatlong buwan ko pa silang babantayan. Huwag naman sanang false alarm ang sigasig ng mga magiging guro sa Filipino sa pagbabasa at pagsusulat.

Tinik ba ang pagpapabasa?

O pabigat. O parusa. Para mabago ang dating sa pandinig ng mga mag-aaral na papatawan ng parusang magbasa at magsulat sa loob ng isang semestre, binago ko ang pabalat at approach sa subject. Hindi ito tinik o pabigat ni parusa. Kahit alam kong may hawig sa pagiging corny at vague, sinabi kong gaya ng pagmamahal na napag-aaralan, napag-aaralan din ang pagmamahal sa pagbasa at pagsulat. Hiyawan siyempre ang mga teenager. Bahagi na ito ng litanya ko sa aking klase sa Lit103. Bago kami maghiwa-hiwalay sa klase, sinasabi kong natuturuan ang damdamin, ang puso, ang pagmamahal. Kaya dapat nilang turuan ang kanilang pusong magmahal sa pagbasa at pagsulat. Muli, maliban sa hiyawan, inaasam ko ang positibong epekto ng aming tagline.

Dahil nga kaya parusa o tinik ang pagbabasa kaya iilan lamang ang nagbabasa? May malinaw na estadistikang binanggit si Prof. Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining at dekano sa Unibersidad ng Pilipinas hinggil sa kalagayan ng industriya ng babasahin at ang tagatangkilik nito. Sa kaniyang pananalita sa isang komperensiya ng Read or Die, isang organisasyong nagtataguyod ng pagbabasa sa publiko, nilinaw niya na bukod sa ilang sanhi ng problema na inihambing niya sa pigsa gaya ng kakulangan sa babasahin, usapin ukol sa wika, at ang sistema ng edukasyon (!), dapat ding balikan na ang pagbabasa ay kinu-culture. Unang pumasok sa isip ko ang cultured bangus at tilapia, at iba pang produkto ng agrikultura. Sa pinakapayak na pag-unawa, nilalagpasan ng pag-culture ang natural na pagdami ng anumang bagay. Isipin ang bangus. Cultured kung may scientific na paraan para ito ay paramihin. Paraang iba sa natural na pagdami at bilis ng paglaki nito.

Higit pa sa mga quotation na makikita sa internet tungkol sa kabutihan at karunungang idinudulot ng pagbabasa, dapat naman talaga sigurong harapin na hindi tayo reading nation. O mas tamang sabihin na maliit lamang talaga ang reading public sa bansa. Kung paano itong lalawak ay gawain una na ng institusyong dapat magpauna sa pagbabasa at pagsusulat nang tama at maayos. At heto ang malungkot. Bahagi na ako ng tinutukoy kong salarin at solusyon, ang edukasyon.

Hindi ako nag-iisa. Kamakailan ay nahalungkat ko sa internet ang blog ng yumaong si Prof. Rene O. Villanueva ng Unibersidad ng Pilipinas. Kung sino si Prof. Villanueva sa Panitikan ay hindi ko na palalawakin. Pinakapayak nang sabihing haligi siya ng Panitikan ng bansa. Isinulat niya sa isa niyang blog noong Nobyembre 2007, isang buwan bago siya pumanaw, ang kaniyang dilemma sa pagtuturo, at ang motibasyon niya (o kawalan nito?) sa pagpapabasa sa kaniyang mga estudyante ng Panitikan sa loob mismo ng nangungunang unibersidad sa bansa! Kasama kasi sa kaniyang alituntunin sa klase ang pagpapalabas sa silid ng mga mag-aaral na hindi nagbasa.

Sabi niya Ang itinuturo ko ay literatura, isang reading course. Ibig sabihin, para kami magkaroon ng palitan ng kuro-kuro ng mga mag-aaral kailangang nabasa nila ang akdang pinag-uusapan. Available naman ang mga akda. Nasa isang libro o pinagsama-sama sa isang koleksiyon. Hindi na nila kailangang pumunta sa library at maghanap .Ang kailangan na lang talaga nilang gawin ay magbasa. Ni hindi ko hinihingi na maintindihan o maipaliwanag nila ang akda. Basta basahin lang.”

Isang araw bago niya sulatin ang blog, lumabas sa kaniyang klase ang sampung estudyante matapos pakiusapan niyang lumabas ang mga hindi nagbasa. Depressing ang tono ng kaniyang blog na may pamagat na “Problema ng Isang Guro.” Ang iniwan niyang tanong ay kung paano niya mamo-motivate ang mga estudyante na magbasa. Ano pa ang maaari niyang gawin?

Hindi pa matutugunan ng paglalapat sa mga subject ng pagbasa at pagsulat ang tanong niyang ito. O baka nga mas maging sanhi pa ito ng papalalim na suliranin. At palagay ko’y mas madaling sabihin kaysa gawin ang “Reading is cultured” bilang tugon sa pagpapalawak ng reading public. Tinik pa rin ang pagpapabasa sa mga mag-aaral hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa pangunahing unibersidad ng bansa!

May isa akong mag-aaral na diumano’y malaon nang nabunutan ng tinik. Seminarista siya na nasa ikaapat na antas na sa kursong Classical Philosophy sa isang seminaryo dito sa Lucban at pumapasok sa aking Fil02 bilang cross-enrollee. Puwersahan daw ang pagpapabasa na iminulat sa kanila noong high school. Bagamat epektibo ang taktikang ito sa kaniya, hindi ko naman masasabing aplikable ito sa mga “ordinaryong” estudyante. Ordinaryo dahil wala sila sa mapagkandiling pader ng seminaryo.

Kung paanong hindi ako nag-iisa sa suliraning paano pababasahin ang mag-aaral ay hindi nakabawas sa aking palaisipan. Paano nga kaya?

Kahapon, 12 Hulyo, kausap ko sa tanghalian si Dekano Almario. Sinabi ko, na bahagyang nakataas ang baba, na ipinabasa ko ang kaniyang sanaysay na “Nagbabasa ka ba?” sa aking mga estudyante sa Fil02 at Lit103. Tinanong niya ako kung may epekto naman ba ang pagpapabasa. “Hindi ko pa po alam,” ang nakayukong tugon ko. Tumawa siya kaya tumawa na rin ako. Mahirap basahin ang kahulugan ng kaniyang tawa. Bigla kong naalala ang agam-agam ni Sir Rene.

Dalawa ang batayang layunin ng pagbabasa. Ang iba pang layunin ay off-shoot na lamang ng dalawang ito: ang maglibang at makakuha ng impormasyon. Pabiro, sinabi kong tatlo dapat. Ang dalawang batayang dahilan, at ang ikatlo—dahil pinuwersa ng guro! Tawanan kami siyempre dahil alam naming totoo ito. Pero sinabi kong ayokong makita ang ikatlong sagot sa eksamen dahil ibabagsak ko sila. Tawanan muli.

Dahil ba pinuwersa akong magbasa kaya ako mahilig magbasa?

Paghahanap ng taktika ng pagpapabasa para sa aking mag-aaral

Bakit nakatatamad magbasa? Itinanong ko ito sa aking mga mag-aaral sa Fil02 at Lit103. Halos iisa lamang ang kulay at korte ng kanilang sagot: dahil mas madaling manood o makinig. At totoo naman. Lalo na kung hindi kasama sa binabanggit ni Prof. Almario na kinalakihang culture ang gawaing magbasa. Bakit nga naman kailangan pang gamitin ang ekstrang neuron sa isip para sa imahinasyon kung kaya nang ihain ng internet, TV, at radyo ang mga dapat nila sanang basahin?

Pinuwersa akong magbasa ng aking ina. Disiplina ng palo at kurot ang umiiral sa tuwing hindi ako magbabasa noong ako ay grade 1 (hindi ako nag-kinder o nursery dahil wala pang daycare noon at mahal ang matrikula sa pribadong paaralan). Dahil nga sa pinupuwersa ako, at naisip ko ring hindi magbabago ang aking ina sa pagdisiplinang ito, unti-unti kong natutuhang mahalin ang mga nakasulat na titik. Nakatulong din nang malaki ang pagkakaroon namin ng tala-talaksang komiks at Liwayway sa bahay, at ang ensayklopedya at atlas ng kapitbahay.

Hiwaga para sa akin ang pagkahumaling ni Ina sa komiks at Liwayway. Ang atensiyong ibinibigay niya sa tuwing magbubuklat ng babasahin ay mahirap hanapan noon ng katuwiran. Motibasyon naman sa akin ang larawan. Nakilala ko ang mga manunulat na sina Carlo J. Caparas, Pat V. Reyes, Elena Patron, Pablo Gomez, Vincent Kua, Rod Santiago. Nang lumaon, binabasa ko na ang mga alamat, pabula at kuwentong bayan sa mga aklat ng aking kapatid na inisyu ng gobyerno. Gusto kong buklatin at basahin ang mga caption ng makukulay na larawan sa ensayklopedya at mga atlas ng kapitbahay. Hindi na nawala ang pagkabighani ko sa babasahin mula noon.

Sinasabi ko ito hindi dahil sa kulang ako sa laro at pakikipagkaibigan. Hinding hindi. Hindi lamang sinasadyang nakapag-ukol ako ng mga sandali sa mga nakasulat at nakaguhit na larawan sa mga pahina ng aklat, Liwayway at komiks. Na una nang ibinunsod ng palo at kurot ng aking ina. Binabalikan ko ang mga alaalang ito matapos kong mabasa ang isang sanaysay ni John Holt, isang edukador na Amerikano na nagpakadalubhasa sa reading attitude ng mga batang Kano.

Simple lamang ang kaniyang prinsipyo ayon sa sanaysay. Titser ang isa sa dahilan kung bakit ayaw magbasa ng mga bata. At natural na titser din ang isa sa malaking solusyon para sila magbasa nang taos at bukal sa kalooban. Paano? Hindi programadong pagbabasa at pagsusulat. Kung paanong hindi programado ang natutuhang pagbabasa at pagsusulat ng karamihang (kulang sa diyes porsiyento ng populasyon ayon kay Prof. Almario) may hilig sa pagbabasa. Ayon kay Holt, natatakot magkamali ang mga bata sa tuwing tatanungin ng mga titser hinggil sa ipinabasang teksto. Dahil sa pagkakamali at hindi sinasadyang kahihiyang ito na maririnig ng buong klase, tuluyan aniyang lalayo ang loob ng mga bata sa mga aklat o kahit pa sa pinakasimpleng babasahin. Guilty ako sa sinasabing ito ni Holt. Sa recitation sa klase, hindi maiwasang pawisan nang balde-balde, mamutla at mautal ang mga mag-aaral lalo na iyong nasa klaseng may populasyong apatnapu pataas, nagbasa man ang bata o hindi, sa kabila ng pagpipilit kong baluktutin ang pileges ng binulutong kong mukha upang magmukhang mabait at maunawain.

Dagdag pa ng sanaysay, hayaang lumaktaw sa binabasa ang mga mag-aaral, pumili ng mga aklat ayon sa kanilang interes, tapusin nang walang itinatakdang oras kung kailan dapat matapos, at iba pang kaugnay nito. Ideal bukod sa mahirap ang mga ganitong gawain. Ideal dahil wala naman talagang sapat na oras maliban sa bubunuing isang semestre, at mahirap dahil walang pang sapat na babasahin. Bahagyang mapalad kung may inaalikabok na aklat na naitabi ang guro. Dagdag pa ang availability ng maayos na lathalain nakasulat man o nakalathala sa internet.

Mistulang nakatali ang kamay ko. Ano ang saysay ng Fil02 at Lit103 kung walang malaking component ng pagpapabasa? Gusto ko at ayaw kong isipin na tapos na sa mga mag-aaral ko ang paghubog sa kanilang magbasa. Pagbasang maaaring sabihing bahagi na ng kanilang kultura. Kulturang inihihinga at itinitibok nila araw-araw. Sindali ng paglalakad at pagngiti, pagkalikot sa friendster o paglalaro ng Dota, o pagcha-chat.

Babalik na naman ako sa premise. Tama ba ang ginagawa kong puwersahang pagpapabasa? Tanong na ito ng yumaong Prof. Villanueva. Marahil, tanong din ito ng iba pang titser sa loob at labas ng lalawigan. Maaari ring hindi dahil hindi sila conscious sa ganitong suliranin. O baka naman dahil sa bulag silang umaakay sa kapwa bulag? Ibang papel at pag-aaral na ang tutugon dito.

Ngayon, hanggang wala pang malinaw na isinasaad na panuntunan sa pagpapabasa ang mga textbook sa kabila ng sandamukal na teorya at quotation sa pagbabasa, magkakasya na lamang akong puwersahing muli ang mga mag-aaral. Ngunit kaiba sa aking ina, hindi patayutay na palo o pinong kurot o bagsak na marka ang dapat na pandisiplina. Pakikibagay bilang disiplina. Sinimulan ko nang damayan ang mga mag-aaral. Sinasabi kong kahingian ito ng asignatura. Ang ihain ang kahingian ito nang magaan at masaya ang pangunahin kong layunin bilang guro sa ngayon. Sama-sama kaming manganganay gaya ng sinabi ko sa mga Filipino major na birth pains ang pagbabasa nang bulto-bulto. Mahirap ang magbasa, totoo, pero anumang bagay ay gumagaan kung minamahal. At gaya ng una kong tinuran, gaano man ka-vague at ka-corny—ang pagmamahal ay natututuhan. At walang ipinagkaiba dito ang pagmamahal sa anumang simbolo o titik na nakasulat.

Iglesia Subdivision
Lucban, Lalawigan ng Quezon
13 Hulyo 2008

Mga sanggunian, at kaugnay na babasahin:

Almario, Virgilio S. “Nagbabasa काba?”http://groups.yahoo.com/group/thefilipinowriter/message/1812

Holt, John “How Teachers Make Children Hate Reading” The Norton Reader, W.W. Norton and Company, Inc. New York, 2005

Villafuerte, Patricinio V. et. al. Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, Lorimar Publishing, Quezon City, 2005

Villanueva, Rene O. “Problema ng Isang Guro” http://renevillanueva.blogspot.com/2007/11/problema-ng-isang-guro.html

Mga memorandum:

Commission on Higher Education Memorandum Order No. 30 Series of 2004, REVISED POLICIES AND STANDARDS FOR UNDERGRADUATE TEACHER EDUCATION CURRICULUM

Commission on Higher Education Memorandum Order No. 54 Series of 2007, REVISED SYLLABI IN FILIPINO 1, 2 AND 3 UNDER THE NEW GENERAL EDUCATION CURRICULUM

Ver 1.0 ng Epilogo ng Aves




Sa wakas, hindi na lamang ako binabati o pinapasalamatan sa mga naglalabasang libro ng mga kakilala at kaibigan. Isa na akong manunulat ng EPILOGO!

Buyo bilang Epilogo sa Aves
ni Joselito D. Delos Reyes

I.

Madaling buyuhin si Jerry B. Gracio. Ilang beses ko na itong napatunayan sa mga lakarang wala sa iskedyul gaya ng pagpunta sa Morong, Bataan noong Agosto 1997 sa kabila ng kanyang lagnat-laki. Noong 1997 din, mismong araw ng Pasko, nabuyo siyang sumama sa Sagada. Alam namin kung sino ang pupuntahan namin sa bulubunduking lalawigan. Ang hindi lamang alam ay kung paano pupuntahan, at kung makarating na nga ng Sagada, hindi namin alam kung paano hahanapin si Shiela, ang kaibigan namin at dating patnugot ng The Torch ng Pamantasang Normal ng Pilipinas. Ilang beses ko na din siyang nayaya, na pawang walang paalam sa kaniyang magulang, patungo sa Maapon Falls sa Lucban, sa isla ng Alabat, at sa iba pang lugar bitbit ang pangambang mag-aalala ang kaniyang nanay, at sa maraming pagkakataon, ang kaniyang kasintahan, sa pag-alis niya nang walang paalam.

Minsan ding nabuyong mag-alsa kami sa aming dating trabaho sa lokal na pulitika sa Valenzuela. At kung susumahin, buyo din ang naging dahilan kung bakit wala sa oras siyang nag-resign noong Enero 2008 sa trabaho niya ng tatlo at kalahating taon sa tanggapan ng dating PBA player na naging konsehal na si Gerry Esplana.

Hindi naman komo madaling buyuhin si Jerry ay matatawag na siyang uto-uto. Hinding hindi. Gusto din niya ang binubuyo. Gaya na lamang noong nangangampanya kami isang eleksiyon at kailangang medyo radikal at “marumi” ang ratsadahan. Pinagpuyatan namin ang mga dapat gawin nang wala nang konsiderasyon sa kalusugan at pansariling seguridad. Alam niya ang dapat gawin, kailangan lamang siyang buyuhing gawin ito nang walang alinlangan. Minsan ding nanamlay siya sa kampanya sa pulitika, kailangan pang buyuhin siyang kumilos nang doble ang bilis dahil hindi gumaganda ang takbo ng kampanya ng kaibigang pulitiko ayon sa survey. Nabuyo siyang mag-triple time sa tulong ng kalahating case ng beer, at ilang puswelong luha. Natalo ang kaniyang manok.

Dapat ding buyuhin siya para masimulan at makatapos ng trabaho at proyekto. Mabilis siyang magningas gaya ng isang tuyong kugon. Higit siyang mabilis panawan ng apoy. Gaya din ng tuyong kugon. Dapat siyang buyuhin nang madalas. Sabi nga ng isang kaibigan, magaling si Jerry, kaya lamang isang trabaho pa ang buyuhin siya nang tuloy-tuloy para magpatuloy ng gawain nang maayos. Pinasusuweldo ako dati para lamang tuloy-tuloy ang buyo sa kanyang magtrabaho.

Nabuyo siyang lumipat ng bahay. Nabuyo siyang kumuha ng isang impraktikal na motorsiklo na kalaunan ay nailit. Nabuyo siyang sumali sa ganoo’t ganito. Bumili at magbenta ng ganoo’t ganito. Magsalita ng ganoo’t ganito. Iwan at balikan si ganoo’t ganito. Alam ni Jerry ang gagawin. Kailangan lamang niyang buyuhin.

II.

Nagsimula sa dalawang tula ang dapat sana’y hindi Aves. Dapat sana’y koleksiyon lamang ng tulang panunod sa Apokripos. Walang tiyak na paksa, kawalan ng paksa ang mismong paksa ng koleksiyon sana ng tula. At dahil sa buyong hindi niya kayang lumikha ng isang koleksiyong may makitid at coherent na paksa gaya ng ibon, at sa tulong ng kalahating case ng San Mig Light at beinte pesos na adobong maning maanghang (beinte pa lamang ang bigas noon at treinta ang gasolina) sa loob ng isang opisina ng gobyerno isang bumabahang alas siyete ng gabi noong Agosto 2006, nabuo ang Aves—koleksiyon ng tulang may literal at patayutay na pakpak. Sinimulan sa ibong bakaw-gabi o black-crowned night heron na palaisipan pa rin sa amin at sa mga paham ng ibon ang laksa-laksang nanatili at nanirahan sa swampland ng Valenzuela. Sumunod ang paksa ng paniking nalilito kung ibon nga siya. Sumunod ang ibon ni Hitchcock, ang ibon ng mga lalaki, si John James Audubon, ang kanta ng Parokya ni Edgar tungkol sa hindi mahipong ibon, etc. etc. Bago natapos ang harapan ng gabing iyon, buo na ang balangkas ng Aves.

Kaagad nagpaandar ang designer ng pabalat ng Apokripos. Bumanat agad ng tatlong study kahit semilya pa lamang ang kalipunan. Na-inspire si Jerry sa ganda ng pabalat. Ngunit matapos ang isang linggo, namatay ang apoy ng Aves na parang inulan nang buhos, ang dahilan: maaaring ibintang sa buyo, o kawalan nito. Fast forward noong panahon ng eleksiyon 2007. Sa mga hindi pa nakakaalam, na alam kong kakaunti lamang, ang panahon ng eleksiyon ay nagsisimula isang taon bago mismo ang araw ng halalan. Minsan ay mas maaga pa. Nasa pribadong sektor na ako noon sa Makati. Magningas dili si Jerry sa kaniyang Aves. Hanggang sa napili siyang makasama sa U.P. Writers Workshop noong 2007 sa Lungsod ng Baguio para sa kaniyang ibubunsod at drowing pa lamang na Aves. Nangyari sa kalagitnaan ng kampanya ang workshop. At mangyari pa, hindi makalipad-lipad ang Aves sa dami ng dapat asikasuhin sa lokal na kampanyang limitadong limitado ang budget.

Nanalo ang manok (aves pa rin!) namin sa halalan. At nabalik si Jerry bilang pangunahing tao sa opisina ng pulitiko. Halos naubos ang panahon ni Jerry sa pagsusulat. Pagsusulat nga lamang ng ordinansa at resolusyon at mga talking points, talumpati, at project proposals. Maliban sa nanalong manok ng halalan, hindi ko na nakaringgan pa ang wala pa ni pakpak o balahibong Aves at samu’t saring ibon.




Hindi ko nasaksihan ang mismong araw na maghasik ng kabulastugan si Jerry sa isang pamaskong pagtitipon ng libo-libong pedicab driver ng Valenzuela. Teorya ko’y buyo ang nangyaring kuntodo de-mikroponong pagmumura diumano niya sa harap ng mga tao sa isang pulitikong may sunong na sampung siraing payong na pampa-raffle sa mga pedicab driver. Ito, kasama ang buyo ng kahon-kahong gran ma, bumunghalit ang galit ni Jerry sa pulitiko. Saksi sa galit ni Jerry ang sektor na inalagaan at pinalaki niya bilang tao sa likod ng lingkod bayan. Biglaan ang resignation. Ang paniniwala kong kabulastugan ay tinindigan niyang prinsipyo. Hindi na nagtangka pang i-revoke ng pulitiko ang irrevocable resignation ni Jerry. Bago matapos ang 2007, wala na siyang trabaho.

III.

Hindi na bago sa akin ang eksenang magkaharap kami sa isang pipitsuging bote ng alkohol, may sampung pisong kornik, may sigarilyo. Wala kaming trabaho pareho pagtuntong ng 2008. Sa pagitan ng bote sa aming barong-barong na umaastang kubo, sinabi niyang magiging ipokrito siya kung hindi niya aamining bukod sa potensiyal na kadakilaan, pera ang hatid ng kaniyang lumipad-diling Aves na noo’y pinagdidilidilihan niyang buhayin nang tuluyan buhat sa abo (fenix, Aves pa rin!). Centennial na ng U.P. At gaya ng karamihan sa mga manunulat na hindi puwedeng kaining parang nilagang balinghoy ang mga naunang napanalunang tropeo, alam niyang may pakontes ang U.P., at may malaking halagang kasama ang tropeo ng centennial prize. Sa loob ng tatlong buwan buhat nang mawalan ng trabaho, binuhay at hinarap niya ang mga ibon ng kaniyang gunam-gunam. Kung paano siyang kumain at nagpakain sa pamilya ay isa pa ring kagilagilalas na pangyayari gaya ng pagtulay sa alambre nang walang nakasalong lambat sa ilalim.

May sunong daw siyang suwerte kapag walang trabaho. Wala siyang matinong trabaho nang mapanalunan ang grand prize ng Film Development Foundation Scriptwriting Contest sa pamamagitan ng entry niyang “Santa-santita.” Naisapelikula kalaunan ang nasabing iskrip. Dumadalo pa kami noon ng lingguhang workshop ng LIRA ng matapos ni Jerry ang iskrip. Matagal nang sira ang kaniyang computer kaya kailangan niyang isulat ang iskrip the old-fashioned way, makinilyado. Tatlong araw niyang tinira ang mahigit sandaang pahinang iskrip. Magang-maga at pulang pula ang mata niya pagkakita ko sa palihan ng LIRA ng sumunod na Sabado. Ni hindi na niya maiangat ang bote ng serbesang lingguhang pinaghaharapan matapos ang palihan dahil sa sobrang pagod at antok.

Dahil sa wala siyang matinong trabaho at sa nangyaring panalo ng iskrip, optimistiko si Jerry na mananalo ang kaniyang Aves.

Manapos-napos ang Abril ng ipakita sa akin ni Jerry ang limampung ibon ng Aves. Sa pagitan ng matador sa tag-init, binusisi namin ang detalye ng mga tula dahil wala daw siyang lakas ng loob na ipabasa sa mas may alam. Inayos ang mga balahibo, binugahan ng usok, ikinahig-kahig, ginamot ang baling pakpak at tuka. Bago pa ito, pinili ni Jerry noong kalagitnaan ng Marso ang sa tingin niya’y pinakapangit na tulang hindi dapat mapasama sa mataas na uri at lahi ng kaniyang mga ibon sa Aves. Kinuha niya at lastikong binanat ang tula upang humaba. Lumabas sa hawla ng Aves ang “Binyeta sa Biyahe” na nagwagi ng ikatlong gantimpala sa Collantes na itinataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino. Na-survive ni Jerry ang Abril dahil sa premyong napanalunan ng ugly duckling ng Aves.

Hindi ko rin maiiwasang banggitin ang panlulupaypay ni Jerry sa unang burador ng Aves. Gaya ng melodramatikong gawain ng ilang manunulat sa loob at labas ng bansa, pinunit niya habang umiinom ng matador ang burador. Idineklara niyang pangit ang Aves kasabay ang agos ng luha at sipon. Binuhay lamang niya uli ito ng mahimasmasan at ng mabuyo siyang hindi na siya makahahabol sa kompetisyon at kailangan na lamang niyang ayusin ang pangit na Aves. Nanghinayang marahil sa panahong ibinuhos sa paglikha ng mga tulang nakasalalay sa makitid na paksang mga ibon at pakpak, at marahil nanghinayang din siya sa premyo, binuhay ni Jerry ang Aves sampung araw bago ang nausod na deadline ng timpalak.

Tanghali ng Abril 30, 2008, dumating si Jerry sa isang tanggapan ng gobyerno sa Valenzuela. Kipkip ang isang ream ng bond paper, sinimulan niyang i-print, sa tulong ng pondo at buwis ng taumbayan, ang Aves. At gaya ng isang estudyanteng beterano ng cramming, tinapos ni Jerry ang mga rekisito ng kompetisyon nang minadali at padaskol. Ipina-ring bind ang koleksiyon, at sa ganap na ikaapat ng hapon, tagaktak ang pawis, hindi alintana ang nagsasaamoy-lupa niyang katawan, lumipad siya para isumite sa U.P. ang hawak ninyo ngayong koleksiyon, ang Aves.

Hindi makababawas sa rikit ng mga tula ang buyo sa likod nito. Walang duda ang kasanayan ni Jerry sa pagsipat, paggalugad, pagsisid sa mga liblib na pugad at minudensiya ng mga ibon, mga hindi ibon, at mga mistipikadong ibon. Buyuhin man siya o buyuhin.

Southern Luzon State University
Lucban, Lalawigan ng Quezon
07 Hulyo 2008


Thursday, June 26, 2008

superkabado


superkabado- ito ang ginagamit kong nom de guerre kapag naglalaro ng counter strike circa 2000. Nagsimula bilang salitang kabado dahil andap ako sa pagsugod sa kalaban. Lagi akong tinatamaan dahil mabagal ang kamay ko sa pagpindot sa mouse at keyboard. Hindi ako tumatagal ng isa o dalawang minuto sa aktuwal na laro sa kabila ng pagiging "maingat" ko sa pagsugod. Nang lumaon, ang kabado ay naging--tadahhhhh!--superkabado. Tripleng ingat. Pero tinatamaan pa rin. Hanggang ngayon. Nasalo ko na yata ang karamihan ng tama sa mundo (tama bilang hit sa Ingles, hindi tama bilang right o tama bilang amats o tama bilang tumama sa lotto!).
Mga kasama, sabi nga ni francism noong early 90s: meron akong ano, meron akong ano. Ano? A wala wala wala wala wala. Sabay sabay tayong maghanap ng ano sa wala.