Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Thursday, July 30, 2009

Dinuguan




AKO ANG PUMILI NG sasakyang bus. Ako dapat ang mamili dahil ako ang nakakalaam sa likaw ng bituka ng kamaynilaan. Hindi si Makoy na taga-Lucban. Teritoryo ko ang Valenzuela dahil doon ako tinubuan-pinungusan-tinubuan ng tahid. Kaya matapos kong palampasin ang limang bulok na bus, pinili ko ang bagong-bagong berdeng bus na may tarpaulin ni Claire De La Fuente sa tagiliran, ang Corinthian Liner na mas siga pa sa MMDA. Hindi baleng mabagal at tumatanod sa lahat ng kanto sa MacArthur Highway, malamig, mabango at bago naman ang bus ni Claire De La Fuente.

Sumakay kami sa Malanday matapos kong makompirma sa konduktor na dadaan sa ilalim ng Ortigas fly-over ang Corinthian. Humanap kami ng pinakaprenteng upuan sa napakaluwag pang bus. Pinili namin ang gawing kanan na pandalawahang pasahero para iwas kami sa sikat ng araw. Pinili namin ‘yung medyo malapit sa LCD TV sa harap. Iyong sakto lang para makapanood nang hindi nakatingala pero hindi naman malayo sa telebisyon. Sa gawing bintana ako. Napako agad ang atensiyon ni Makoy sa palabas na kara-karate, kungfu-kungfu na may barilan. May subtitle na mali-mali. Kaya pala mali-mali, hindi kasya sa iskrin ng TV ang mga letra ng subtitle kaya hindi namin mabasa ang nakasulat sa ilalim. Hindi ko mawari kung Intsik ang salita ng pelikula. Hindi na lang ako nanood. Si Makoy ang nagtiyagang manood. Palagay ko hindi rin siya makaintindi ng Intsik pero pinanood niya malamang ang palabas dahil sa lumilipad na sipaan at sa dami ng bratatatatatat at dialogue na puro “Hiyaaaah!” at “Hatsuwaaaaaiaaah!” lang ang sinasabi habang nakikipagbasagan ng mukha ang mga bidang babae sa pelikula.

Itinutok ko ang aircon sa bumbunan ko. Suwabe. Tuyo agad ang pang-alas-otso ng umagang pawis sa batok at likod ko. Tig-forty-eight ang pamasahe namin ni Makoy. Mahal na pala. Ngayon lang ako sumakay ng bus sa Malanday patungong Ortigas mula nang mapalipat ako sa Lucban noong isang taon. Hinugot ko sa Sagada bag ko ang Introduction to Political Communications Second Edition para sa assignment ko sa M.A. Sinubukan kong basahin. Maganit ang libro na pinalala pa ng maliliit na font, kaya hindi pa man lumalabas ng Monumento ang bus ni Claire De La Fuente, nahilo na agad ako. Buti na lang may baon akong Maxx na asul. Sipsip, kagat, ngata, nguya. Pinalitan ko ang libro, hinugot ko sa bag ang nobela ni Butch Dalisay tungkol sa bangkay ng babae na Soledad ang pangalan na naligaw pag-uwi galing sa Saudi. Si Makoy tutok pa rin sa kungfu-kungfu at bratatatatat, inalok ko ng Maxx na asul, hindi kumibo. Binging-bingi na siguro sa mga “Hiyaaaah!”, “Hatsuwaaaaaiaaah!” at at bratatatatat ng mga bidang babae at mga kontrabidang lalaki. O sadyang sawang-sawa lang na kausapin ako dahil apat na araw na kaming magkasama. May katuwiran.

HINDI MUNA KAMI BUMALIK ni Makoy sa Lucban pagkatapos ng seminar sa UP Diliman. Naghintay pa kami ng isang araw. Magdo-donate kami ng dugo para kay Sir Q., ang dati naming department head na koboy pa rin noong huli naming makausap kahit wawakwakin na ang dibdib. Iba-bypass kasi sa Cardinal Santos si Sir Q. kinalunesan. At kailangan ng dugo. Siyempre kailangan ng dugo. Sabi ko kay John, co-teacher ko rin, ito ang hula ko kung bakit kailangan ng dugo: kasi lilinisin at huhugasan ang puso ni Sir Q. ng dugong akma sa blood type niya. Tapos, pag nagawa na ang bypass, kailangan sampolan ng dugong paaagusin kung ubra na ang bagong ugat ng puso niya. Hindi awtomatikong dugo namin ang gagamitin sa road test ng bagong ugat na karaniwang tinatalbos sa hita. Kailangan ni Sir Q. ng ka-blood type na hihiramin sa blood bank, na papalitan naman ng dugong ido-donate namin. Kailangan ng maraming magdo-donate kasi charity lang daw ang operasyon ni Sir Q. Charity worth 250k. Ulk.

Ang Sabadong iyon ang araw na ia-admit si Sir Q. sa Cardinal Santos. Hatid siya ng labindalawa sa mga matatapang na magdo-donate ng dugo mula sa Bundok Banahaw. Karamihan ay co-teacher namin ni Makoy sa Southern Luzon State University. Biyernes natapos ang seminar namin sa UP. Naghintay pa kami ng kinabukasan para makauwi ng Lucban para malibre sa van pabalik. Hindi pala talagang libre ang pamasahe namin pabalik. Kailangan kasi kaming kuhanan ng halos kalahating litro—kalahating tabo!—ng dugo. First time kong kuhanan ng dugo. At takot na ako sa injection mula pa noong makita ko ang karayom bago ako tuliin noong grade 5.

Pero wala nang atrasan. Dugo lang iyan. Iniksiyon lang iyan. Kalalaban ko lang nang nakapikit sa heringgilya sa Lucena nang magpa-medical exam ako para ma-renew sa SLSU noong nagdaang buwan. Suwabe. Natapos ang iniksiyon na parang hindi nangyari. Kung gagamitin ang pinakadakila at pinakamaaasahang sukatan ng Pinoy sa kirot, parang kagat lang ng isang langgam ang nangyari. Mas nahirapan pa akong punuin ng ihi ang maliit—parang malaki lang nang kaunti sa bote ng Yakult—na boteng plastik para sa drug testing.

Ang kaibhan lang ng nagdo-donate ng dugo, ayon sa imbestigasyon ko, mas mataba ang iniksiyon. Kung mas masakit ang tusok ng pagkuha ng halos kalahating litro ng dugo ay hindi na binanggit ng ininterbyu ko. Depende daw sa nagtuturok ang sakit.

MULA SA PERMANENTENG TAMBAYAN ng mga bus sa Edsa-Cubao, at dahil matatapos na ang pelikula, wala nang tigil ang text at tawag ni Makoy sa mga biyaherong magdo-donate ng dugo mula sa Lucban. Spokespersons ng grupo sina John at Apple, ang girlfriend ni Makoy, dahil pare-parehong silang suki ng Sun, ang aandap-andap na call-and-text-all-you-can network ng bansa. Aalis daw dapat sila ng alas-sais ng umaga. Pero dahil late dumating sa tipanan si Jaylo, co-teacher din naming psychology ang itinuturo, mag-aalas siyete na tumulak pa-Greenhills ang van mula Lucban. Ayos, sabi ko kay Makoy, dalawang oras ang biyahe namin, tantyadong tantyado, magtatagpo kami ng alas diyes sa Cardinal Santos.

Alas diyes nakarating sa ilalim ng Ortigas fly-over ang bus ni Claire De La Fuente. Halos mamanhid sa lamig ng aircon ang buong katawan ko. Nang bumaba kami sa bus, nagngangalit naman sa init ang araw. Haluan pa ng init ng singaw ng mga makina at ang biglang pagyakap sa akin ng long lost friend kong carbon monoxide pagbaba ng Corinthian.

Nagtaksi na kami ni Makoy pagbaba ng bus ni Claire De La Fuente. Kulang-kulang sampung minuto ang biyahe at forty two fifty ang nasa metro pero buong-buong nagpaampon ang singkuwenta pesos namin sa tsuper ng corollang sira yata ang aircon. Mula noon hanggang ngayon, wala pa ring baryang panukli ang mga taksi sa Metro Manila. Nakasulat kaya sa Lonely Planet Philippines na malaon nang tradisyon ito sa Metro Manila?

Tinanong ko ang information desk, wala pang ina-admit na Sir Q. sa Cardinal Santos. Tinanong ko kung saan ang bigayan at pigaan ng dugo, itinuro ako sa laboratoryo, ikatlong pinto sa kanan-kanan-kanang pasilyo. Naroon na ang tropa, isa-isa nang sinasampolan kung tatanggapin ang dugo. Kaunting tusok, kaunting dugo, kaunting pahid ng bulak. Pagkatapos ng ilang minutong tawanan at kumustahan, kami naman ni Makoy ang sinampolan. Ayos, kung gagamitin ko ang tradisyonal na kagat-ng-langgam pain-meter, parang kagat lang ng isang langgam. Magaling ang lalaking nurse na ayon kay Sir Rene, senior faculty ng SLSU, ay taga-Alabat ang lahi. Okey, kaya pala hindi kami masyadong dinuro, taga-Quezon Province din.

MAHIGIT ISANG ORAS DAW bago malaman kung katanggap-tanggap ang dinuguan naming ido-donate kay Sir Q. Pasado alas-onse na. Puwede nang tsumibog, aya sa amin ni Sir Q. May baon silang dalawang putaheng tanghalian. Pila kami sa likod ng van, nakabukas na ang dalawang kaldero ng adobong manok at kinulob na pata galing sa Lucban. Mukhang balak palitan ni Sir Q. ng mantika ang dugong mawawala sa amin. Nakabukas na rin ang kaldero ng kanin. May saging din. Nakadalawang biyahe ako ng tanghalian. May malamig na juice na naka-tetra pack. Lumabas kami ni Jaylo sa bakuran ng Cardinal Santos. Hanap kami ng nagyeyelo sa lamig na Coke. Wala. Wala kahit Pop. Wala kahit ano dahil walang tindahan sa kalsada sa harap ng Cardinal Santos, puro pangmayamang bahay lang ang nakatirik sa gilid ng hayupak na kalsada. Hindi na namin nilakad ang patungong Greenhills dahil para na kaming nasa gate ng impiyerno sa init. Hanap kami ni Jaylo ng lilim na mayoyosihan. Makati na ang lalamunan ko. Nalintikan, advance party ng trangkaso ang makating lalamunan. Napangalahati ko lang ang Winston. Inaya ko na lang si Jaylo na bumalik sa ospital. Tumambay muna kami sa van. Nabitin si Jaylo sa pagyoyosi. Naghanap kami ng lilim na mayoyosihan sa loob ng compound ng Cardinal Santos. Kasisimula pa lang namin nang masita kami ng guwardya. Oo nga naman, nasa ospital kami. Itinapon ko agad ang Winston ko, senyal ni Lord na talagang pinapapasok na kami sa ospital.

Nasa laboratoryo na ang tropa. Kasama pa rin namin si Sir Q. na hindi pa rin nagpapa-admit. Nakabantay yata sa mga mababahag ang buntot. Tawanan at kuwentuhan. Takutan sa kirot na mararamdaman. Maingay kami. Pero nasapawan kami ng ingay ng isang lalaking puti. Parang nakaispiker kung mag-Ingles sa kausap. May hakot ding magdo-donate ng dugo ang puti. Mga payat na batang parang kaaawat lang sa rugby at pinulot lang sa kung saang bangketang tinayuan ng basketball court. Tinawag kong mga gangsta dahil sa dami ng mga tama ng taga sa mukha at braso ang kasalo namin sa kulang dalawampung upuan sa lobby ng laboratoryo. Meron pang pisak ang mata, dahil siguro sa tama ng pana. Hindi sila nag-uusap-usap. Gaya namin kanina, sinampolan din sila kung uubra ang kanilang dinuguan. Nag-“Let’s go boys!” ang puti. Kakain na daw sila ng tanghalian. Hindi naman ako pintasero, pero kumpara sa amin ng mga kasama ko, pam-field trip at pang-anak sa binyag ang attire namin. Lahat mukhang maayos. Hindi halatang sasali kami sa blood letting.

Pasado ala-una nang simulan ang pigaan. Dalawang dugo ang hindi pumasa sa lupon ng inampalan. Ang kay Elaine, bagong graduate sa kolehiyong co-teacher na rin namin na hindi na sinubukang sampolan dahil kare-red sea lang niya, at ang kay Apple, na girlfiend nga ni Makoy dahil mababa raw ang hemoglobin count. Tatlo ang magdo-donate sa isang pasada. Kinse hanggang bente minutos ang itinatagal ng isang pigaan. Nilapitan ako ni G. Salipande, kasama sa unang batch ng nag-donate at nagtuturo ng Humanities sa SLSU, ako na raw ang susunod. Kumati lalo ang lalamunan ko.

Parang tinakasan ng dugo ang mukha ko. Pinabaunan ako ng kantiyaw ni John dahil sa pagkukulay-sukang paombong ko. Pumasok na ko sa loob. Humiga ako sa isang parang couch na itim. Kipkip ko pa rin ang nobela ni Butch Dalisay.

May TV sa harapan ng couch. Masama ang palabas. Pero mas masama ang host ng palabas, si Willie Revillame. Nagpasalamat ako sa mga diyos ng libro. Hindi ko alam kung nahalata ng lalaking nurse na niyakap ko ang libro ni Butch Dalisay sabay sabing “Thank you Lord” dahil hindi ko kailangang parusahan ang sariling makipaggaguhan kay Willie Revillame sa loob ng kinse minutos na kinakatasan ako ng dugo.

Maliwanag ang ilaw sa loob ng pigaan ng dugo. Nagpaalam ako sa nurse kung puwede pa akong lumabas para kunin sa Sagada bag ko ang Rudy Project shades na mas matanda pa sa anak kong apat na taon. Puwede raw hangga’t hindi pa ako tinutusukan ng tubo. Labas naman ako. Tawanan uli ang tropa nang makita akong lumabas. Umaatras na daw yata ako. Nginitian ko lang sila. Putlang ngiti palagay ko ang ipinakita ng labi ko. Kinuha ko sa bag ang shades at ang water canteen na permanenteng boarder na ng Sagada bag ko. Balik sa loob ng pigaan. Higa uli. Cool na cool dahil naka-shades. May iniinterbyu/ginagagong contestant si Willie Revillame. Binuklat ko si Butch Dalisay.

Kasabay ko si Jaylo at si Donn, anak ng vice mayor ng Lucban na nagtuturo din ng Humanities sa SLSU. Kaklase ko sa inuman si Jaylo. Biruan kami ni Jaylo habang nakahiga. Si Donn, kung baga sa TV, laging naka-mute. Palaisipan sa akin kung paano siyang nakapagtuturo nang hindi bumubuka ang bibig. Parang hindi bumubuka ang bibig. Ventriloquist yata si Donn. Pero wala naman akong nakikitang puppet na kasa-kasama niya sa klase.

TINALIAN NG GOMA ANG kaliwang braso ko. Kinapa ng nurse ang ugat. Para kumalma ako, kinausap ko ang nurse. Kinumpirma ko kung taga-Alabat nga. Lahi lang daw, tatay lang niya ang tagaroon. Tuwing kuwaresma sila namamasyal sa Alabat. Sa Maynila na siya nag-aral. Sa CEU. Caparros ang apelyido ng nurse. Sabi ko nagkaroon ako ng estudyante sa civil engineering na Caparros ang apelyido. Hindi niya kakilala. Pinakuyom ang kamay ko. Hindi gaya noong tinuli ako, hindi ko tiningnan ang karayom. Tinusok. Kagat-ng-langgam-meter: isang kagat lang uli. Epektibo yata ang pagtsika ko sa nurse kaya tender loving care ang pagtarak ng karayom na may tubo. Naka-jacket na itim ang nurse, may maliit na logo ng Nikon sa likod. Tinanong ko kung mahilig siya sa photography, ngumiti. Oo daw. May camera daw siyang de-lente. Mayaman sa isip-isip ko. Bago ako tusukin, nakita ko ang sapatos ni nurse Caparros. Two tone na leather Camper na mukhang bago pa. Otso hanggang diyes mil ang isang pares ng Camper. Paano ko nalaman? Meron din ako. Kaso eight hundred lang ang bili ko sa ukay-ukay sa Valenzuela three years ago.

Pinahawakan ako ng maganit na bolang parang foam. Pinapiga-piga ni nurse Caparros. Nakakangawit. Sinilip ko ang tubo patungo sa supot ng dugo ko. Mabilis mapuno ng dugo. Sinilip ko ang tubo ni Jaylo na nakapuwesto sa kanan ko. Mabagal ang tagas ng nawasa niya ng dugo. Nilapitan siya ng babaeng nurse na tumarak sa kaniya. Sinipat-sipat ang pagkakatusok. Mali daw ang ugat kaya mabagal ang tagas ng dugo niya. Hinugot at itinarak uli sa ugat ni Jaylo. Nakatutok lang ako sa nobela ni Butch Dalisay. Sa isip-isip ko, iyon ang napapala ng hindi muna tsumitsika, walang personalized service. Sinilip kami ni G. Salipande. Sinitsitan ko. Sabi ko kuhanan kami ng retrato gamit ang cellular phone ni Jaylo. Souvenir. Pang-friendster, pang-facebook. Pitik naman si G. Salipande. Tinawag ko si nurse Caparros. Game naman. Pose din. Todo ngiti kami.

Una akong natapos. Hindi muna ako pinatayo. Binaluktot at pinadiinan ni nurse Caparros ang braso ko para daw sumara ang butas. Mga isang oras daw itong ibabaluktot at didiinan. Binigyan ako ni nurse Caparros ng hindi malamig na Zest-o. Lalong kumati ang lalamunan ko nang sipsipin ko ang juice na parang galing sa termos. Binalaan ako ni nurse Caparros, puwede raw akong mahilo pagtayo pero normal lang daw iyon. Normal sa nawalan ng kalahating tabo ng dugo.

Dahan-dahan akong tumayo. Tiningnan ko ang paligid ng pigaan. Hindi umiikot ang mga pader. Bumalik ako sa lobby ng laboratoryo, naupo, binuksan ang Butch Dalisay, itinuloy ang pagbasa. Pagkatapos ng ilang pahina, tiningnan ko uli ang mga dingding, hindi pa rin umiikot. Ayos. Malakas ang katawan ko. Biruan kami ng tropa. In-exaggerate ko ang nangyaring tarakan ng tubo ng dugo, sabi ko, sa leeg ako tinarakan ng tubo, ginamitan ng water pump ang pagsipsip kaya mabilis akong natapos. Si John naman ang napansin kong namutla kahit pa pangatlong donasyon na raw niya ng dugo. Pangatlong donasyon pala ha.

Lumabas na si Jaylo sa pigaan. Natawa ako dahil nakasimangot siya. Ginawang pin cushion ng nurse na suplada ang braso ni Jaylo. Hindi ipinabaluktot ang braso niya. Pinadiinan lang ng bulak. Iniksperimento ni Jaylo, inangat ang bulak. Nagsimula uling tumulo ang dugo. Ibinaluktot na lang niya ang braso. Lalong sumimangot si Jaylo.

MAY PASILYONG MALIIT SA likod ng pigaan ng dugo. Hindi ko alam kung bakit nakati-katihan kong silipin nang malapitan kung paano tinatarakan ng karayom ang braso, kung paanong pinaaagos nang legal ang dugo. May salamin sa ulunan ng parang couch na itim. Puwede mong makita kung ano ang ginagawa ng nurse, kung ano ang reaksiyon ng tinatarakan ng karayom. Saktong si Bryan, bagong graduate na magna cum laude at bagong titser ng SLSU, ang nakasalang. Gaya ko, tinalian din ng goma ang braso ni Bryan. Si nurse Caparros din ang magpapaagos sa dugo niya.

Siyet, antaba ng karayom! Pagkatarak na pagkatarak, agos agad ang dugo ni Bryan. Bigla akong nanghina. Biglang nanakit ang mga buto ko sa tuhod. Parang umuuga ang buong paligid. Nang tingnan ko ang paligid, nagme-merry-go-round na. Balik ako sa lobby ng laboratoryo. Kumapit ako sa upuan. Pakiramdam ko nasa ferris wheel ako. Umiikot ang mga dingding. Nakipagbiruan sa akin ang tropa. Tawa lang ako nang pilit. Parang dini-drill na ang mga joint ko sa tuhod. Bumigat ang ulo ko. Nakalimutan kong lahat ang sineminar namin ni Makoy. Parang sebo sa platong tinanggal lahat ng isang pahid ng Joy Antibac.

Si John at si Makoy ang huling isasalang sa paduguan. Pero bago iyon, nasingitan sila ng mga gangsta na hakot ng puti. Nagmura si G. Salipande. Nagparinig sa personnel na dapat unahin kami dahil kami ang naunang sinampolan ng dugo. Wa-epek. Pagkatapos ng bente minutos saka pa lang nasalang si Makoy at si John. Mag-aalas-kuwatro natapos ang pigaan.

Nagpaalam muna ang iba kay Sir Q. na noo’y admitted na sa charity ward na San Lorenzo room ang tawag. Talagang pangmahirap, sa Pinoy na santo pa ipinangalan ang ward. Hindi na ako pumasok dahil kinukulata na ako ng init habang pinapaikot-ikot sa tambyolong ospital. Sumisingaw na sa mata ko ang lagnat. Dumaan pa sa chapel ng Cardinal Santos ang tropa, nagpaiwan uli ako sa labas ng chapel. Umihi ako. Mainit na kulay Zest-o ang dyininggel ko.

GUSTO SANA NAMIN NI Sir Rene na dumaan sa Greenhills Shopping Center. May limandaan pang natitira sa budget ko. Pandalawang japeyk na polo shirt din pamasok sa SLSU. Nagpatalo kami ni Sir Rene sa debate versus tsuper ng van. Mahirap daw kasi ang parking kapag Sabado ng hapon. Okey, payag na kami ni Sir Rene dahil baka nga ihatid kami sa Greenhills Shopping Center at saka kumaripas pabalik sa Lucban ang van na hindi kami kasama. Megamall is it.

Pero ang totoo, sa kaibuturan ng puso ko, gusto ko nang bumalik sa Lucban gaya ng mungkahi ng pakialamerong driver na panay ang putok ng butse dahil sa wala sa budget na parking fee ng pangmahirap na ospital sa Greenhills. Binawasan kami ng dugo, baka daw manghina kami kalalakad, sabi niya. Malinaw ang lohika. Pero hindi makukumpleto ang biyahe sa Maynila kung hindi muna tatambay sa mall. Mas malinaw na lohika! Dahil bukod sa pangninong at ninang sa binyag, pang-mall din ang bihis namin. Doon na rin kami maghahapunan. Makakabili na rin ako ng Biogesic na nakalimutan kong bilhin habang hilong-hilo akong nakatanga kahihintay sa mga kasama kong ginu-good luck sa loob ng San Lorenzo room si Sir Q. na papalakulin na ang dibdib kinalunesan.

Dahil Sabado at umaapaw sa sasakyan ang parking space, nagpaikot-ikot muna kami sa bakuran ng Megamall. Isang oras yatang tumanod ang van. Buti na lang napagmuni ng rocket scientist na driver ng van na ibaba na lang kami sa pinto ng mall habang humahanap siya ng paparadahan. Text-text na lang daw kung saang lupalop ng Megamall siya matatagpuan. Mag-aalas-sais nang pumasok kami sa mall. Humiwalay na ako sa tropa para humanap ng pinakamalapit na botika. Papalalim nang papalalim ang drill ng lagnat sa tuhod at sentido ko. Papel de liha na ang lalamunan ko.

Limang Biogesic agad ang binili ko. Dalawa agad sa unang laklakan. Kailangan munang maghapunan. Dahil nag-iisa lang akong gumagala sa Megamall, sa umiikot na Megamall, nagpasiya akong kumain sa paborito kong fastfood: Yoshinoya, na nasa kabilang dulo ng Megamall. Lakad. Escalator pataas. Lakad uli. Escalator naman pababa. Pasok sa Yoshinoya. Pila. Order. Dalawang mangkok agad ng paborito kong pagkain ang inorder ko. Wala nang Coke-Coke. Lalo lang kakati ang lalamunan ko. Binasa ko pa rin si Dalisay habang sinisimsim ang sarap ng beef bowl na naliligo sa Kikkoman kahit pa binabayo na ako ng lagnat at binabalasa ng hilo. Hindi baleng mabagal sa tsibog, baka isang taon uli ang palilipasin ko bago makakain sa Yoshinoya, sa isip-isip ko. Inom ng dalawang pangontrang Biogesic.

Nakasalubong ko sila Sir Rene nang pabalik na ako sa drop-off point ng van malapit sa supermarket. Hindi na raw doon magkikita, sa parking lot na malayong katapat ng Jollibee (na malapit na sa Shangri-la!), sabi ni Sir Rene. Lakad agad ako kahit umiikot ang buong mall. Kahit patay pa ang makina, pumwesto na agad ako ng pinakakumportableng upo na magagawa sa isang van na walang head rest. Sumandal ako sa salamin ng bintana sa bandang likuran ng van. Hinintay ko ang mga kasamang akala mo nag-field trip. Mag-aalas-otso na kami lumarga pa-Lucban.

Masakit ang dunggol ng salaming bintana sa ulo ko. Hiniram ko ang cap ni Bryan. Nakatulog ako. Nagising ako sa ingay nila Jaylo at John. Inuupakan ng kantiyaw ang kasama naming hindi nakarating ng first base, ang pagsampol ng dugo, dahil nga kare-red sea lang. Sumama lang daw para mag-field trip si Elaine. Hindi ako makasali sa kantiyawan dahil minamaso ang ulo ko, gina-grinder ang lalamunan ko, at jina-jackhammer ang mga joint ko. Hindi ko na alam kung nasaan kami. Kaliwa’t kanang dilim lang ang nasa labas ng van. O nagdidilim na lang ang paningin ko.

Pagbaba ko sa van nang makarating sa Lucban, halos gapangin ko ang patungo sa bahay. Hindi ako nakapagturo hanggang Martes. Piyesta ang mga estudyante ko. Bawas ng mahigit sanlibo ang suweldo ko. Pero okey lang, maayos naman ang naging operasyon ni Sir Q. Naibalik nang maayos ng mga sosyal na mekaniko ng puso sa Greehills ang mga piyesa ng dibdib niya. Dapat lang, Cardinal Santos yata ang talyer ni Sir Q. na may charity ward worth 250k at tabo-tabong dugo ng mga titser ng Southern Luzon State University.

Heto ang pagbating text ni Sir Q. kay John at sa tropa pagkatapos ng sanlinggo:

“Hi guys! I’ll b home by Fri. Pwede na uli sa gimikan. Pls xtend my regards 2 everybody. Mbuhy.”

Take note, galing ang text na iyan sa isang English teacher na sisenta anyos na kaba-bypass lang. Bumata ang text ni Sir Q. Bumata rin sana talaga si Sir Q.
“Baka dahil sa dugo natin,” angas ni John sa tropa.
Kung magdo-donate uli ako ng dugo, tsitsikahin ko uli ang nurse, at magdadala uli ako ng isang magandang libro huwag lang mapanood si Willie Revillame, at oo, kahit pa lagnatin uli ako. At pramis, aalalahanin ko na ang sineminar kong walang-walang kinalaman sa kagila-gilalas na dinuguan.

Si Untog






Ibon si Untog. Pero hindi ko alam kung anong uri ng ibon. Maliit pero hindi ko alam kung inakay. Kulay berde. Medyo mahaba ang tuka. Sayang, wala akong kakilalang ornithologist, nalaman ko sana kung anong specie si Untog.

Kung paano siyang bininyagang Untog, ganito kasi ang nangyari:
Lunes, mga bandang alas sais ng hapon nangyari ang insidente ni Untog, kung insidente ngang matatawag ito. Tinatalakay ko ang paksang diskurso sa aking mga mag-aaral, B.A. Communications 1-B ng Southern Luzon State University, kaya dada ako nang dada. Diskurso ang paksa e. Nasa class room kami na Hamlet kung tawagin. Kung bakit tinawag na Hamlet ang kuwarto cum audio-visual room ay dahil ayon sa mapagkakatiwalaan kong source sa SLSU, nagpalabas ng teatro ang College of Arts and Sciences na ang malilikom na pondo ay ipampapagawa ng isang malaki-laking kuwarto na puwedeng maging venue ng seminar, AV room, at puwede rin siyempreng maging class room sa tuktok ng Rizal building na mas kilala sa tawag na AS building. At tama, Hamlet ni Shakespeare ang ipinalabas. Kaya bininyagang Hamlet ang silid sa tuktok ng gusali.

Bueno, naroon ako sa isang malaking kuwartong Hamlet nga ang pangalan. Kasalo namin sa kuwarto, dahil nga medyo malaki, ang isa pa ring klase na tinuturuan naman ni Mr. Ungriano. Panoramic ang kuwarto. Naliligid ng sliding na salaming bintana ang Hamlet. Matatanaw mo ang Banahaw na noong oras na dumaan si Untog ay nababalot ng hamog. Tama, imagine Baguio. Ganoon ang Lucban noong alas sais ng hapon ng Lunes na iyon. Makapal ang hamog, sabi nga ng mga estudyante ko: na-misplace ang Banahaw dahil hindi na ito matanaw. Malamig sa loob ng kuwarto dahil bukas ang ilang slide ng salaming bintana. Tapos, dumaan na nga ang isang nagmamadaling ibon. Inuntog ang salaming bintana. Knock-out ang ibon.

Hindi ko alam ang kasarian ng ibon. Hindi ko alam kung paano ito kilalanin. Kaya kahit medyo tunog panlalaki ang pangalang Untog, by virtue of the incident, tinawag siya ng estudyante kong si John Aguila na Untog.

Walang malay si Untog nang damputin ng isa sa mga estudyante ko. Dahil ako ang titser, iniabot sa akin. Buhay si Untog. Inilagay ko sa palad ko. Tandang tanda ko pa ang tinatalakay ko sa ilalim ng paksang diskurso: kung paano simulan ang isang buong linggo sa pamamagitan ng pagpapaganda sa isang Lunes. Sabi ko sa mga estudyante ko, maganda ang Lunes ko dapat kung hindi lang dahil sa pagsesermon at panghihiya ko sa isang estudyante ng Public Administration na nahuli kong nangongopya noong prelim exam noong nagdaang linggo, SK Chairman pa man ang walang hiya. Sabi ko, nabawasan ang ringal at ganda ng aking Lunes. Nang bigla na ngang pumasok sa eksena si Untog.

Nagkamalay si Untog habang nasa palad ko. Bumuka ang tuka, parang humihigop ng hangin. Humahakok-hagok. Parang si Hatton noong masapak ni Pacman. Hindi ko alam kung may penchant ako sa retrato, pero dahil sa insidente, nagpakuha ako ng retrato sa isang estudyante, sa presidente ng klase na si Vanessa Rañola, na nagkataong may dalang point-and-shoot na camera. Pitik ng picture. Pose. Inilapit ko sa mukha ko. Pitik. Kinuha ko ang camera phone ko na kahit mahina ang resolution, kinuhanan ko pa rin. Pitik nang pitik. Maingay na ang klase. Pero okey lang. Bihirang dumating—o mauntog!—ang isang ibong gaya ni Untog. Palakas na nang palakas si Untog. Bumubuka na ang pakpak.

Dahil kaarawan ng anak kong si Bani noong nagdaang Sabado, at dahil wala akong regalong globe (hindi yung telepono, yung globo talaga na replica ng mundo) gaya ng kahilingan ng apat na taon kong anak, naisip kong ipanregalo kay Bani si Untog. Isang araw na regalo na pakakawalan din namin kinabukasan. Maganda sanang ipampamulat kay Bani ang kahalagahan ng mga hayop sa kapaligiran. Pero hindi ko alam kung ano ang ipapakain kay Untog. Baka lalo siyang manghina, o worse, matepok. At dahil nga aapat na taong gulang pa ang anak ko, baka hindi sinasadyang ma-mutilate si Untog, at siyempre, matetepok. Dinala ko sa labas ng Hamlet si Untog.

Itinaas-baba ko ang palad ko para kumampay si Untog. Lumipad ang regalo ko sa anak ko. Lumipad na si Untog sa malamig at nag-aagaw-dilim na paligid.
Pagbalik ko sa loob ng Hamlet, nanghinayang ang mga estudyante ko. Sayang daw ang regalo. Sayang daw at hindi nakuhanan ng larawan ang pagpapakawala ko kay Untog. Bigla akong nakaramdam ng panghihinayang. Oo nga ano, sayang, walang retratong pam-blog, pam-facebook o friendster habang pinalilipad ko si Untog background ang makapal na hamog ng Lucban at ang na-misplace na bundok ng Banahaw. Sayang at hindi nahawakan man lamang ni Bani ang regalo niya. Pero inisip ko, kay Bani pa rin naman si Untog. Nakakagala nga lang nang malaya sa kabundukan ng Sierra Madre at Banahaw at sa bayan ng Lucban na natutuhan ko nang mahalin. Para kay Bani at para sa lahat si Untog.

Kaya ngayon, sa tuwing magka-klase ako sa Hamlet, mag-aabang ako ng panibagong ibon na lilipad at mauuntog hindi man kauri ni Untog. At may pangalan na ako para sa mga susunod na ibong kahit hindi ko malaman ang kasarian ay tatawagin kong “Untog Junior”, “Untog the Third”, “Untog the Fourth”, ad infinitum.

Kongklusyon namin ng klaseng B.A. Communications 1-B: truly it was a great Monday.

Wednesday, July 15, 2009

Sa SLSU Ground





Tinangka kong bilangin ang hamog
Dito sa lupang may korong kulog.

Humahakab ang dapo sa puno,
Lumalabay kahit aking puso.

Lawas ito sa biyas ng bundok,
Luha’t pawis ma’y nagiging lumot.

Lahat ito’y ari ng Banahaw:
Paaralang may kumot ng ginaw.

Bagong kakilala ang Disyembreng
May lagkit ang ulang nagbabalse.

Sinanay naman ako sa lamig,
Tutol ma’y bihirang mangaligkig.

May ubo at sipon ang panahon,
May trangkaso ang lahat ng pulmon.

Dito, kaydaling humulas lahat,
Lihim ma’t kubli, nagiging bunyag.

Sukdulan mang itago sa ngiti,
Pilit gigitaw sa putlang labi

Ang alinlangan ko sa pagtanggap:
Hihimlay ba ako’t mag-uugat?

O punla akong may paninimdim,
Kilala lamang ay hanging-asin?

Guro akong t’wina’y matututo
Sa hamog na kaylamig ng trato.#

Tuesday, July 7, 2009

Monumento


I.
Dalawang daan ang halaga ng sandaling pagparada ni Antonio sa bukana ng chicken wire. Hindi muna niya pinanghinayangan ang dilihensiya ng mamang naka-sky blue dahil kailangan niyang makarating sa garahe nang alas otso. Kakausapin niya ang dispatcher, pakikiusapang pabiyahehin pa siya. Isang biyahe lang ngayong gabi. Isang roundtrip lang ng Tramo at Letre. Pero kailangan niyang makarating sa Letre bago mag-alas otso, kung hindi, wala nang biyahe. Samakalawa na ang susunod. Maleletse ang pamasahe ng kaniyang ina papuntang Samar bukas, sa isip-isip ni Antonio.

“Lisensiya, rehistro. Kanina pa kita kinakawayan e, antagal mo nang nakaparada, ang haba na ng pila sa likod oh,” singhal ng enforcer, nakaturo sa mga sasakyan sa likod.

Napatagal ang pagtambay niya. Pitpit na pitpit ang pulang jacket ng lisensiya ni Antonio. Nakahanda na ang ube sa mga pagkakataong naglalambing ang mga enforcer.

“Gusto mo doblehin ko kaso mo, bribery ‘to,” dagdag na singhal ng enforcer nang makita ang nakaipit na sandaan.

Pinababa ni Antonio si Godo para maging emisaryo. Si Godo ang beteranong konduktor ng nangingitim na pula’t dilaw na Roval Bus Lines.

“Lagyan na ‘yan, nanghihingi lang ng pangkape at hapunan ‘yan,” sambit ng isang pasaherong nakagusot-mayaman at may kalong na bata.

Maririnig ang anasan ng pasahero sa likod. May nagmumura, may sumisipol, may pumapalo sa tagiliran ng bus. Paos ang busina ng mga mga sasakyang gustong sumingit papasok sa makipot na kalsadang may chicken-wire sa Cubao.

“Lintik, paliparin kamo,” bulong ng relax na relax na demonyo sa kaliwang tainga ni Antonio. Naalala ni Antonio ang mukha ng ina. Naalala niya ang piyestang uuwian ng kaniyang ina sa Mondragon, Samar. Ansaya-saya.

Hindi nadoble ang kaso ni Antonio pero nadoble ang ube. Ulam at kanin sana hanggang bukas.

II.
Gumagaralgal ang transmission. Hindi na makuhang isakto ni Antonio ang tamang timpla ng pagkakambiyo. Klats-kambiyo. Silinyador. Klats-kambiyo. Menor. Klats-kambiyo. Silinyador. Harurot. Hindi magkandatuto ang bus kasu-swerve, karirilyebo ng kambiyo. Kailangan niyang makarating sa Letre bago mag-alas otso. Lumipad ang bus pagpanhik ng Kamias. Umiingit ang ilalim ng sasakyan sa dalas ng paglilipat ng kambiyo. Binabalasa ng alinsangan ng hangin ang naglalangis na pawis sa mukha ni Antonio. Umaangil ang busina’t makina ng Roval. Nangamoy tustadong klats ang bus pagbaba sa Timog.

Mabibilang ang sakay ni Antonio. Maraming hahaliling pasahero pagbaba ng ibang pasahero. Hinintuan niya. Sayang din.

“Tsep, may kasunod tayung Corinthiang bagu ha, hatawen mu na kaya tsep, sa SM na lang tayu mamek-ap,” sabi ni Godo, unggoy na nakasabit sa estribo, kipkip ang paniket ng tora-torang bus. Dumukot ng barya ang kulay at amoy krudong si Godo. Tinaktakan ng barya ang estribo. Arangkada.

Naglangitngitan ang bisagra, turni-turnilyo, kasukasuan, at minudensiya ng bus nang humampas ang pinto sa pagsara. Sa side mirror, nakita ni Antonio ang naglalambing na higanteng mukha ni Claire De La Fuente, nakadikit sa gilid ng bumabalagbag na berde’t bagong Corinthian Bus Liner. Sayang, ngayon lang tayo nagkatagpo...
Pinaarangkada ni Antonio ang bus hanggang umigpaw sa flyover ng Quezon Av. Wala nang balak si Antoniong huminto, kailangan niyang marating ang Letre. Alas siyete singko.

“Walang Quizon Av. Walang Quizon Av.!” sigaw ni Godo kay Antonio at sa bayang mananakay. Nalunod sa atungal ng makina ng Roval ang pagbatingting ng barya sa estribo at pag-“Quizon Av.!” ni Godo. Wala siyang natatandaang nagpapababa sa Quezon Av.

“Para, para, puta kanina pa ko katok nang katok e, shit naman,” sigaw ng estudyanteng galing sa Megamall, nakaabresiyete ang syotang nakapang-nursing.

Pumako ang bus. Nasubsob ang mga pasahero lalo na ang nakatayong magsyota. Nilipad sa harap ang nakasampay sa estribong si Godo. Sinagasaan ng lumilipad na katawan ni Godo ang magsiyotang napasubsob, napahiga, napatihaya. Muntik nang mahalikan ni Godo ang malapad na wind shield na may disenyong malaking lamat ng sapot ng gagamba sa kanan, at nanggagalaiting “Gift of God. Thank you Lord. Hallelujah!” sa itaas. Tinahi ang lahat ng lane ng EDSA, umese-ese muna bago huminto ang bus.
Sumalipadpad ang usok pagbaba ng magsyota. May humabol na pasakay pero hindi na hinintay ni Antonio. Samakalawa ka na lang sumakay, bulong ni Antonio sa sarili at sa hindi mapakaling amoy EDSAng anghel na nakikiangkas sa kaniyang bus.

Naubos ang sakay sa SM North. Pumik-ap ng ilang pasahero si Antonio. Harurot uli.
Namumula ang puwet ng mga sasakyan sa EDSA corner Axis Market, Project 7. Traffic. Sa gitna, may nagmamaniobrang 18-wheeler na nagdeskarga ng freyssinet na biga para sa itinatayong MRT na bubura sa lahat ng bus sa EDSA. Alas siyete beinte dos. Binayo nang binayo ni Antonio ang inosenteng busina ng Roval. Pumalahaw nang pumalahaw: “Paraanin ninyo kami!”

“Sa kabela na lang pu ng Muñuz ang baba,” sigaw ni Godong nakaduyan sa estribo.

Hindi na nag-neutral si Antonio. Ibinalagbag na lang ang nguso ng Roval sa gilid ng EDSA. Nirebo-rebolusyon ang silinyador sa harap ng Haf Chan at Mercury. Pinaradahan ng motorsiklong sky blue ang harap ng bus.

“Bawal diyan,” sabi ng enforcer na nakatingala sa bintana ni Antonio, parang namamalimos na bata.

“Nakatulog ‘yung pasahero Boss, mapapalayo, kawawa naman.”

“Singilin mo ng pambayad sa violation mo.”

Bumaba uli ang kulay krudong emisaryo ng Roval para ligawan ang nagpapaligaw na enforcer.

Basted.

“Galet tsep, ayaw tanggapin, may estrilya kase sa balikat e. Hayaan mu na ‘yung buwakang inang ‘yun,” ismid ni Godo habang iniaabot ang lisensiya at TVR kay Antonio.

“Dumadalas ang naglalambing sa EDSA,” kibo ng hinihikang anghel, humihigit ng sumisipol na hiningang katunog ng lira sa kalangitan.

Lipad hanggang Balintawak. Bagong Barrio, pagaspas. Gen. Tinio, kampay pa. G. De Jesus, alalay na. MCU-Monumento, bumaba ang lahat ng pasaherong sakay ng mabining Roval Bus Lines.

III.
Alas siyete singkuwenta. Bumubulwak ang tao sa gilid ng MCU paliko sa MacArthur-Malabon. Buhay na buhay ang kalsadang palengkeng kalsadang iskuwater na palengkeng kalsada pala. Hinagingan ni Antonio ang mga paninda sa kalsada. Baboy, manok, hipon, at alimango—handa ng kaniyang ina sa piyesta ng Mondragon. Ginahasang isdang lapad at kamatis, hapunan ng kaniyang mag-iina mamaya, bukas, at sa habampanahon. Adobong manok ang baon ng kaniyang ina bukas pagbalik sa Mondragon sakay ng bus. Magandang bus. Malaki, malinis. Amoy piyesta. Hindi malansa. Hindi amoy bituka ng galunggong kahit hindi aircon. May matira sana sa adobo.

Dumahak si Antonio sa bintana. Nagsindi ng Hope habang ginigiliran ang mga paninda. Makikiusap siya sa dispatcher. Isang biyahe na lang. Isang biyahe na lang. Doon siya makababawi. Doon siya manggagapang ng pasahero kahit abutin ng santo-santo ang biyaheng Tramo ng kaniyang singhalimuyak ng EDSAng buhay.

Pababaunan niya ang kaniyang ina. Kaunting pera. Dalawang violation sa isang pasada. Masarap sa Maynila. Walang kasinsarap. Walang kuwenta sa Samar kahit piyesta. Umiiyak si Oresol, ang palayaw ng kaniyang mutyang bunso dahil lingguhan ito kung magtae at madestino sa health center ng Dagat-dagatan. Sayad na sa puwitan ng salinang lata ang Nestogen. Hindi bale, may baon naman ang kaniyang ina. Mamaya, sa biyahe pabalik ng Tramo, babawi si Antonio. Manggagapang ng pasahero. Bumalik ang lasa ng RC Cola, dalawang kanin at isa’t kalahating walang hiyang giniling na tinanghalian niya kaninang ala una y media. Dumighay siya ng usok ng Hope. Mamaya pakbet naman sa karinderya ni Senyora Aning ang hapunan. May abutan sanang pritong dalagang bukid. Pritong dalagang bukid ang mga tao sa Monumento. Mag-uuwi siya ng litsong manok at dalawang kahon ng Nestogen bukas ng umaga. Makakahawak ang asawa ng nanlilimahid at masangsang na perang komisyon sa round trip ng biyaheng letseng Letre hanggang putang Tramo ninyong lahat! Dumahak-dahak si Antonio. Inihit ng ubo. Muntik na niyang makalimutan ang alaga sa lotto. Bukas pag-uwi, driver-sweet lover muli siya sa asawang naghihintay sa sala-kusina-kuwarto-banyo ng walang numerong lawanit, karton, at retasong yero sa kanto ng C3 at Lapu-lapu Street, Dagat-dagatan, Caloocan City. Kailan kaya siya magkakaroon ng sariling tirahang 40-foot container van? Alas siyete singkuwenta y singko. Tanaw na niya ang karatula ng Malabon Zoo sa Potrero. Ito na. Malapit na sa dulo si Antonio kasama ang mga nagwawantutring demonyo at anghel nang parahin at i-cut siya sa kanan ng nag-o-overtime na motorsiklong sky blue. Ang ikatlo’t hulíng huli bago marating ang garahe ng napakaikli niyang gabi.

IV.
Kinamakalawahan, habang nag-iinat ang umaga, bumandera sa diyaryong Remate:
“MMDA Enforcer Lasog sa Killer Bus.”

TAGBAHA


KAKAMBAL NA NG TAG-ULAN ang tagbaha sa Coloong. Kung paanong walang malinaw na etimolohiya at kasaysayan ang Coloong, wala ring malinaw na paliwanag kung paanong nagsimula ang baha sa amin. Ngayon na lamang lumabas ang isyu ng global warming sa mga dahilan kung bakit kami may tagbaha. Noon, ayon sa aking amang dating pulis-Valenzuela, walang baha sa Coloong. Malawak na sakahan ng kamatis, pakwan, melon, at singkamas ang pitak sa gitna ng hugis parihabang barangay. Mga halamang namumulaklak ang bakod sa mga bakuran. Nakikilala ang mga kanto at landmark sa barangay dahil sa mga malalaking punong nag-aabot-abot ang mga sanga at dahon sa gitna ng kalsada. Palaruan daw ng softball ang malalim na gitnang pitak, ang lukong, kapag tapos na ang anihan. Dahilan kung bakit maraming matandang magaling mag-softball sa Coloong. Ang tatlong ilog sa paligid ng Coloong ay umaapaw sa talangka at biya. May manakanakang baha, oo, pero bihira daw ito—tuwing mapupuntirya lang daw ng mata ng bagyo—at sa loob ng wala pang isang maghapon o magdamag, hupa na ang baha.

Nagkaroon lamang ng malimit at pangmatagalang baha noong manapos-napos ang dekada 70, nang umahon mula sa Manila Bay ang Dagat-dagatan. Ipinahukay daw ni Imelda ang Manila Bay upang matambakan ang ngayo’y Dagat-dagatang nakapaloob sa tatlong lungsod: Caloocan, Malabon, Navotas. Nagsimula daw kaming bahain matapos ang dakilang proyekto ng dating Unang Ginang. Walang tinakbuhan ang nadispatsang tubig sa Dagat-dagatan na dating bahagi ng Manila Bay. At dahil kami ang pinakamababa sa lupalop ng Kamaynilaan, sa amin sumuling ang tubig.

Puwedeng ibintang sa nagbarang ilog ang tagbaha. Burak ang nakasalalak sa tatlong bakod na ilog ng barangay. Umuho ang lupa buhat sa mas mataas na lugar nang tangayin ng tubig. Erosion sa Ingles. Naging mangkok na tagasahod ang mga ilog ng Coloong sa burak na ito na lumala pang lalo buhat nang mapanot ang bundok. Hindi maanod palabas ng Manila Bay dahil, paano ba, dahil nga bumabaw ang ilog. At dahil nga bumabaw, kailangang hukayin. Kailangang itambak sa gilid ng ilog ang nahukay na burak. Sa pigi at pisngi ng ilog. Kaya naman lumapad ang pilapil. Kaya kumitid ang ilog. Kaya may tagbaha ang Coloong.

Nang magtrabaho ako sa city hall, ipinaliwanag ni Prof. Kevin Rodolfo ng U.P. sa isang seminar ng mga opisyal ng barangay sa Valenzuela na binabaha kami dahil bumababa ang lupang nasa ladlaran ng Manila Bay sanhi ng pagkaubos ng deposito ng fresh water sa ilalim ng lupa. Buong Central Luzon at Metro Manila daw ang nakararanas nito.

Kapag tinatanong ako ng kahit sinong hindi taga-Valenzuela kung bakit namamahay ang tubig sa amin, pinakamadaling ipaliwanag na epekto ito ng global warming kasabay ng high tide sa Manila Bay. Mahirap ipaliwanag bagamat napakalohikal na bumabaw ang ilog namin dahil sa erosion at migration ng basura. Pang-encyclopedia naman ang paliwanag ni Prof. Rodolfo na nauubos ang fresh water kaiinom ng tubig. Malakas pa rin akong uminom: tubig, beer, at alak. Baka pilosopohin ako ng nagtatanong sa akin na bawasan ko ang pag-inom para hindi bumaha. Maganda rin sana ang paliwanag na bago pa mauso ang mga proyektong reclamation ng kung sinong big time na politiko, ni-reclaim na ni Imelda ang dagat buhat sa kandili ng Manila Bay kaya mayroon ngayong Dagat-dagatan. O ni-reclaim ni Imelda ang Dagat-dagatan kaya may totoong dagat na naghahanap ng ire-reclaim o paghihigantihan. Kaya nire-reclaim kami ng dagat. Kaya sa amin gumaganti ang dagat. Kahit hindi naman kami ang may kasalanan kung bakit nawala ang malaki-laking bahagi niyang nasa ladlaran ng Manila Bay. Ngunit paborito ko ang katwirang kami, ang barangay namin, ang bagong Venice. Ito ang aming destiny.

Humuhupa nang bahagya ang baha sa Coloong kung huhukayin ang burak sa bumababaw na ilog ng Meycauayan. Iyon ay kung may pondo ang city hall ng Valenzuela, ang munisipyo ng Meycauayan, DPWH, at MMDA na pambili ng krudo, pansuweldo sa operator, at pangkumpuni sa siraing draga, ang makinang panghukay sa bumababaw at kumikitid na ilog.

Malaking problema ang pagpapalalim sa ilog. Bagamat sakop ng Metro Manila ang Coloong, nasa Bulacan naman ang pinakamalaking ilog na dahilan kung bakit buwanan kung mangasera sa amin ang baha. Nagtuturuan ang mga ahensiya kung sino ang may jurisdiction sa Coloong at mga kanugnog na barangay pagdating sa pagpapahupa ng baha. Nagbabangayan ang mga ahensiya lalo na kung natututukan ng camera ng balita.
Kapag inaabot at nababaldado ang MacArthur Highway sa sobrang taas ng baha, at nambubulyaw na ang pangulo sa mga press conference sa mga pagkakataong binabayo ng delubyo ang Metro Manila, saka lamang huhukayin ng kung anong ahensiya ang ilog sa Meycauayan. Kung hindi ito nangyayari, dagat-dagatan ang buong barangay mula Mayo o Hunyo hanggang Oktubre o Nobyembre. At sanay na kami rito. Ang maging mangkok ng tubig na dumausdos mula sa Bulacan at silangang Metro Manila.

Walang politikong maglalakas-loob na ipangahas sa kampanya ang pagpapaalis ng baha sa Coloong. Kayang-kayang pataasan o ipagawa ng politiko ang kalsada, mga iskuwelahan, at iba pang pampublikong estruktura pero ang limasin ang baha, walang makapagsabi kung kailan at paano ito gagawin. Ang pagpapataas at pagpapaayos ng mga politiko sa kalsada at iskuwelahan ay pagsuko sa baha, at pagtatanghal na may kayang gawing pagbabago at progreso ang mga politiko. Huwag lang ipalilimas sa kanila ang baha.

Kung gustong itanghal ng media ang sidhi ng bagyo o baha sa Metro Manila, papasyalan kami ng mga politiko at mediang nakasakay sa mga pump boat. Mabilis na papasadahan ng camera ang bahang hanggang dibdib, at mananawagan ng tulong—sa pamamagitan ng “Hoy! Gising” noon—sa kung sinumang ahensiyang may puso at kaluluwa. Na siyempre, wala naman talagang ahensiyang may puso at kaluluwa hangga’t walang baha sa MacArthur Highway. Hangga’t hindi baldado at barado ang MacArthur Highway, ang ugat na nagdurugtong sa Valenzuela at kanlurang bahagi ng Bulacan, walang makakaalalang laliman ang mga ilog na bumabakod sa Coloong.

Ordinaryo na ang baha sa amin. Mahirap paniwalaan na ang bahang simula pa noong panahon ni Noah at ng epikong Gilgamesh ay simbolo na ng trahedya, panlilipol, paghuhukom, pagpupurga, ay ordinaryo na sa amin. Kung minsan nga ay masaya pa ang tagbaha. Dekada 80, at kaaawat pa lamang sa aking dumede nang maranasan ko ang baha. Kung may batang laki sa gatas, ako at lahat ng mga kasabayan ko at sumunod sa aming ipanganak sa parihabang barangay ng Coloong, laki sa baha. Umaapaw ang tubig sa palaisdaan, dahilan upang makawala ang tone-toneladang isdang laman nito. Walang maingat na negosyante sa bahang nagpupumilit maging residente ng aming barangay.

Tuwing baha lang nabubuhay at nakikita ang kabuuan ng halos walong libong residente ng Coloong. Nabubuhay dahil nakikita namin ang lahat ng papalabas at papasok ng Coloong na hindi matutunghayan kung tag-araw dahil sunong sila ng mga tricycle at kani-kanilang sasakyan. Kapag tagbaha, naglalakad papasok sa trabaho at iskuwela ang mga taga-Coloong. Minsa’y nakasakay sa pedicab na napakamahal ang pamasahe. Minsa’y nakasakay o kaya’y gumagaod at tumitikin sa balsang gawa sa pinagtali-taling container o drum, retaso ng styropor, katawan ng sirang refrigerator, biyas ng saging, at siyempre, balsang kawayan. Naiiwan sa bahay o sa elevated na garahe ang mga sasakyan ng mga may kayang taga-Coloong. Ang ibang sasakyan naman ay sadyang inilabas sa barangay bago ang tagbaha upang maligtas at upang magamit sa mga kalsadang tuyo.

Nakakawala rin siyempre ang mga bangka tuwing baha. Ang kalsadang sa kalahatian ng taon ay totoong kalsadang dinadaanan ng mga sasakyang de makina’t de-gulong ay ilog na binabagtas naman ng mga bangka at pedicab sa kalahati ng nalalabing taon. Kaya kahit ate at ditse ko ay marunong manimbang at sumagwan at mag-pedicab sa kabila ng aming pagiging lehitimong “tagalungsod” at hindi mamamalakaya.

May panlimahang bangka ang pinsan namin. Ito ang gamit nila sa kanilang halos dalawang ektaryang palaisdaan sa likod mismo ng aming looban tuwing mag-aani ng bangus at tilapia. Tuwing tagbaha, inilalabas ang bangkang ito upang ipanghatid sa mga pinsan naming nag-aaral sa labas ng Valenzuela. Nakiangkas din ang mga kapatid ko sa bangkang ito nang magsimula silang mag-aral sa Normal. Ako ang nagsasagwan sa aking mga kapatid na papasok sa iskuwela. Tuwing madaling-araw, inihahatid ko sila sa M.H. Del Pilar, o sa kung saan sasayad ang daong ng bangka. Noong manapos-napos na ang dekada 90, natatagos na ng bangka ang buong M.H. Del Pilar, nakalalabas hanggang sa MacArthur Highway papasok sa Meycauayan, Bulacan. Nanggigilid sa highway upang hindi masagi ng mga bus na bibiyahe sa EDSA.

Sa tuwing mamamangka ako noon, iniingatan kong matilamsikan ng tubig ang puting uniporme ng aking mga kapatid. Iniingatan kong tumaob o kumiling ang bangka lalo na’t karga nito ang inuming tubig na sinalok ko sa hulo ng barangay namin o ang pinamiling pagkain sa palengke. Malimit ang pag-iingat ko. Ngunit higit na malimit ang pangangarera ko sa pagsagwan. Ang pakikipagsuwagan ng nguso ng bangka sa mga kasabay kong bangkero sa Coloong lalo kung ako lamang ang sakay, o kung hindi ma’y mga pinsan at kaibigan kong walang takot matambog sa baha. Sa kabila ng lahat ng kapusukang makipagbungguan, wala akong nabalitaang nalunod o nadisgrasya sa pamamangka sa Coloong, ang barangay ng mga siyokoy at sirena na nalaman kong tawag sa lugar namin nang nagtatrabaho na ako sa city hall ng aming lungsod.

KUNG BAKIT COLOONG TALAGA ang pangalan ng barangay namin ay hindi pa matukoy ng kahit anong diksyunaryo, kuwento, haka-haka, at kasaysayan. Coloong marahil dahil kulong ang barangay. At ito ang pinakamalapit na kahulugan kung bibigkasin sa Ingles ang Coloong: kolung. Kulong, dahil kung saan ka pumasok ay doon ka rin lalabas. Puwera na lang kung babaybayin at manunulay sa mga pilapil ng ilog at palaisdaan, at mangungunyapit sa mga bakawan at punong palapat na bumabakod sa Coloong. Kung hindi ka mababaril ng may-ari o katiwala ng palaisdaang tatawirin, makalalabas ka nang buhay sa ibang barangay. Hindi pa rin talagang ganap na kulong. Pwede ring Coloong dahil malukong ang korte ng barangay. Malalim sa gitna. Puro palaisdaan sa paligid na nababakuran ng tatlong ilog: ang malapad na ilog ng Meycauayan, ang magkasingkitid na ilog ng Coloong at Malanday. Coloong-malukong katabi ng Barangay Malanday na kabaligtaran ng ibig sabihin ng malukong. Malanday na parang plato. Malukong na parang mangkok.

Ito ang paliwanag sa akin ng tatay kong retiradong pulis-Valenzuela nang tanungin ko siya dahil sa isang assignment sa Araling Panlipunan noong high school ako sa Valenzuela Municipal High School Polo Annex. Saan nagmula ang barangay namin? Bakit pinangalanang Coloong? Coloong-malukong. Coloong-kulong. Parang kolong-kolong o kuna ng bata, malukong at kulong.

Mababa ang nakuha kong grade sa assignment. Hindi nasiyahan ang titser ko. Kumbinsido siya sa ibang sagot ng mga kaklase ko: Barangay Arkong Bato dahil may arkong batong ipinagawa ang mga Amerikano bilang tanda sa magkahanggang probinsiya ng Rizal at Bulacan noong panahon ng Amerikano; Barangay Palasan dahil maraming puno ng palasan, isa yatang uri ng yantok o kawayan; Barangay Malanday dahil malanday ang hugis; Barangay Pasolo dahil pasulok-sulok ang mga daang-kalabaw na naging permanenteng kalsada ng barangay. Siyempre pinakamadali ang paliwanag sa Barangay Dalandanan, Malinta, Pulo, Balangkas, Bisig, at Isla.

Nang ikatwiran kong tatay ko, na isang retiradong pulis-Valenzuela, ang nagsabi sa akin ng kasaysayan ng Coloong, pakutyang sinabi ng titser ko na palitan na raw ng pangalan ang Coloong, tawagin na raw Barangay Santos Delos Reyes—ang pangalan ng tatay kong nagpasimula diumano ng kasaysayan ng barangay. Hagalpakan ang lahat ng kaklase ko sa first year section two. Noong taong iyon, nakabasag ako ng ngipin ng kaklase sa pamamagitan ng suntok nang patuyang tawagin akong taga-Barangay Santos Delos Reyes. Na siyempre, ikinagalit ng totoong Santos nang ipatawag siya sa iskuwelahan dahil sa pakikipagbuntalan ko, kahit pa ba dati siyang pulis. Dapat daw akong matuwa sa karangalang ipangalan sa aming pamilya, kahit pabiro o paloko-loko, ang barangay namin.

“Binabastos na tayo, matutuwa pa ‘ko,” singhal ko sa totoong Santos Delos Reyes.

Pagkasabi ko, ako naman ang nabungian dahil sa mag-asawang sampal ng asawa ni Santos Delos Reyes.

“Ikaw ang bastos!” pahabol pa ng aking ina.

Mula noon, naging pangit para sa akin ang pangalang Coloong, malansang parang baha ang pangalan. Ngayon, kapag tinatanong ako kung saan sa Valenzuela ako nakatira, sasabihin kong sa Malanday. Tapos na ang tanong kung hindi alam ang Malanday. Pero kung durugtungan pa ang tanong ng sinumang kung sakali ay pamilyar sa Valenzuela kung saan sa Malanday ako nakatira, sasabihin kong sa Coloong. A pedicab-ride away from Malanday. Pamasahe kung baha: beinte pesos.
Coloong, barangay na unti-unting binabawi ng dagat.

DAHIL PAWANG MGA NAKARARANAS ng tagbaha ang kaklase ko mula elementarya hanggang high school kaya naging lingid sa akin ang tawag na barangay ng siyokoy at sirena ang barangay namin. Sanay akong pumasok hanggang grade six nang naka-shorts, at magklase nang nakataas ang paa sa desk o arm chair sa harapan. Nang mag-high school, bahagi ng uniporme namin ang tsinelas dahil hanggang tuhod ang baha sa loob ng class room namin. Suwerte ang class room na may nagki-criss-cross na tulay patungo sa tuyong bahagi ng iskuwelahan. Pero kakaunti lang ito. Ganito ang porma namin sa iskuwelahan: nakabota ang guro tuwing suwerteng hanggang binti lamang ang baha. Kung umuulan, nakabota at payong ang titser dahil sa dami ng tulo sa bubong. Ang nasa unahang bahagi ng klase ay naka-indian sit sa kani-kanilang arm chair. Kami namang mga nasa likuran ng unang hanay ay nakasampa ang paa sa upuan ng mga nasa harapan, nakatupi hanggang tuhod o hita ang pantalon ng mga lalaki samantalang ang mga babae ay ingat na ingat sa kaiiwas mabasa ang palda o malislisan. Noong fourth year ako, at section two pa din, nagkukuwarto kami sa isang binabahang make-shift room. Gradas ang tawag namin dito dahil mukhang gradas ng sabungan. Umaanggi sa loob kung nagngangalit ang ulan. Kanselado ang klase, at madalas ito, tuwing magba-brown-out o tuwing hahalik ang baha sa tuhod ng principal. Alin man dito ang mauna. Lalo na kung magkakasabay. At nakatutuwang isipin na hindi matatangkad ang principal namin.

Pumapasok at umuuwi ako galing iskuwelang namumulaklak sa alipunga ang mga paa. Nalaman ko ang ritwal ng pagpapagaling sa alipunga gamit lamang ang sabon at pagpapatuyo ng paa sa bentilador tuwing gabi upang kinabukasan ay muling ibabad at saludsurin ang baha pagpasok para umani ng talino, at panibagong alipunga. Mahal ang ina-advertise na gamot na ointment sa TV. Pero merong mas epektibo at mas mabilis na pagpapagaling at pagpapatuyo sa alipunga. Iyon ay kung lalamasin ang paa sa alkohol. Iyon lamang, dapat marunong kang tumawag at manalangin sa lahat ng santo at bulaang propeta sa sansinukob para ibsan ang hapdi ng alipungang hinuhugasan ng alkohol. Nakakaluha at nakakalukot ng mukha ang hapdi kaya hindi ko ito masyadong ginawa. At hindi ko rin ito ipinapayo. Puwera na lang kung gustong gumaling agad ang alipunga o malukot ang mukha o kaaway ko ang papayuhan ko. May ibang nagpapatak ng kalamansi. Gaya ng paglamas sa alkohol, kailangan ng tapang at malalim na paninindigan sa hapdi ang sinumang maglalakas-loob na gawin ito. Ginawang proyekto ng dating meyor ang pagsugpo sa alipunga. Namigay ng ointment na galing daw sa punong acapulco. Masangsang kaya hindi nag-click. Bukod pa sa madulas ipahid at matagal gumaling. Bumalik uli sa nakasanayang sabon at bentilador, alkohol, kalamansi, at mamahaling ointment ang mga biktima ng salot na alipunga.

Alam ko kung anong uri ng tsinelas ang flood-friendly. Hindi ang mga tsinelas na may telang dahon gaya ng mamahaling Islander na bagamat maganda at elegante, nakakaalipunga naman ito. Hindi dapat ang may malalim na suwelas dahil mahirap matuyo ang tubig, nakakaalipunga rin ito. Madaling mapatid o mahugot at madulas ang flip-flops, at madali itong matangay ng baha kung sakaling mahubad nang hindi sinasadya lalo kung madudulas. Na hindi nakapagtataka dahil produkto ng baha sa amin ang lumot.

Tiger ang tatak ng tsinelas ko noon. Matigas na gomang brown at itim na parang goma ng gulong ng trak, mabigat, lumulubog sa tubig kaya maisasalba agad kung mahuhulog sa baha, madaling matuyo, matagal maupod, at higit sa lahat, kumakapit sa lumot. Puwede rin itong ipanghambalos sa kaaway. Mahal ang Havaianas at original na Crocs, at hindi pa ito uso noon, kaya hindi ko pa ito nasusubok sa panahon ng tagbaha sa amin. Samantala, matibay ang naglalabasang sandals ngayon. Isa lang para sa akin ang downside ng mga sandals na gaya ng Tribu at Sandugo, matagal matuyo ang mga makukulay na dahon nito, kaya nakakaalipunga. Normal din ang mga gamit na nahulog sa baha. Kaya may pagkakataon noong elementarya ako na dalawang beses akong ibinili ng set ng kuwaderno at nagsauli ng aklat na malurido at kulot-kulot dahil sa tubig-baha pagkatapos ng school year.

Nang magkolehiyo ako sa Normal, laging nakapaloob sa aking maluwag na pantalon ang shorts. Naka-shorts at naka-Tiger ako paglabas ng barangay, at makapagsusuot lamang ng pantalon at sapatos sa isang tindahan ng kaibigan sa MacArthur Highway. Dito rin ako naghuhubad ng pantalon sa tuwing uuwi at sasaludsurin na ang baha sakay ng matapat kong Tiger.

May baon akong basahan, alkohol, at Tiger sa bag. Basahan para tuyuin ang paa, alkohol na pinakamabilis na panlinis sa mamad na paa, at Tiger dahil impraktikal ang sapatos sa tuwing aalis at uuwi sa Coloong. Minsang hindi sinasadyang makita ito ng mga kaklase ko, nagtaka sila kung bakit kailangang kong magbaon ng ganitong gamit sa bag kasama ang mga kuwaderno at aklat. Ipinaliwanag ko ang tagbaha. Hindi sila maniwalang sa isang maaraw na Setyembre ay babad ang aming pamilya at barangay sa baha, ang barangay naming barangay ng mga siyokoy at sirena.

Baha ang unang araw ko sa trabaho sa city hall ng Valenzuela. Mayo 2000 nang mangailangan at “madiskubre” ako ng meyor namin bilang pamasak-butas sa isang puwesto sa Public Information Office. Unang araw ng Hulyo nang magsimula ako bilang clerk cum writer sa opisina. Sinalubong agad ako ng masigabong bagyo. Tumaas ang dati nang mataas na baha na nagsimula noon pang lumipas na buwan.

Sa opisyal na termino ng city hall, Polo Area ang tawag sa amin. Polo dahil ito ang orihinal na ngalan ng Valenzuela: Polo, Bulacan. Polo dahil daw sa polo y servicios. Sapilitang pagpapatrabaho sa mga Indio. Pero hindi ito binibigkas na parang polong damit o laro ng mayayaman sakay ng makikisig na kabayo. Binibigkas itong parang mabagal na pulo o island sa Ingles. Bagay na bagay. Eksaktong eksakto sa mangkok ng lungsod. Polo Area ang tawag sa magkakatabing barangay na nakapararak sa baha.
Ang unang assignment ko sa opisina ay samahan ang mga reporter ng radyo at telebisyon na makapasok sa Polo Area nang personal na makita ang bahang epekto ng bagyong nakalimutan ko na ang pangalan. Nakasakay kami sa isang pump boat ng AFP na may makinang Yamaha. Iniligid ko ang mga reporter sa aming barangay. Ipinasyal sa pinakamalalalim na bahagi ng Coloong, ang pinakamalukong sa Coloong. Namangha ang mga reporter, hindi magkandatuto kakukuha ng video. Lalo na nang matapatan ang mga taong paroo’t parito galing sa trabaho na naglalakad sa hanggang dibdib na tubig-baha, at makita ang mga gamit at kabuhayan na nakabodega sa bubong ng bahay. Nang makita ang mga nagluluto sa bubong kasama ng mga lumikas na hayop, cabinet, at refrigerator. Nang masalubong namin ang mga bangkang pumapasok at lumalabas ng Coloong. Iiling-iling sa “kawawang” kalagayan namin ang mga reporter.

Hindi lumabas kinagabihan sa balita ang tungkol sa aming baha. Lumabas ang baha ng Malabon at Navotas na madali ring humupa ngunit hindi ang baha ng Coloong o ng Polo Area. Nang muli kaming magkita ng mga reporter sa isang coverage na hindi na tungkol sa baha kundi sa mga titser sa Valenzuela na kinasuhan at ipinakulong ng kanilang butihing principal na kung hindi ako nagkakamali’y Mrs. Delupio ang pangalan (katugma ng delubyo kaya madaling tandaan), itinanong ko kung bakit hindi inilabas sa balita ang mga nakuhang footage. Masyado raw kaming masaya sa video. Hindi kami mukhang kawawa kahit pa mataas ang baha. Kumpleto kaway at ngiti ang mga tao sa harap ng camera. Parang bale-wala daw ang baha sa amin. Para daw kaming enjoy na enjoy. Sayang, hindi pa sikat si Mark Logan noon. Bagay na bagay sana ang paradox ng lupit ng baha at masasayang tao sa Coloong.

Nang balangkasin ang bilyong pisong proyektong Camanava Mega-dike Project na pinondohan ng JICA, naging trabaho ko ang maging “tourist guide” sa mga engineering consultant na Hapon. Siyempre pa, iginala ko sila sa Coloong para sa isang ocular inspection na magkukumbinsi sa mga consultant na isama kami sa proyekto kahit pa kasama ang lungsod namin sa pamagat: Camanava Mega-dike Project. Camanava na ang ibig sabihin ay Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela. Oktubre noon. Namangha sila sa kulay ng barangay ng mga sirena at siyokoy. Kulay berdeng lumot ang kalsadang may bahang nasa pagitan ng hanggang bukongbukong at hanggang binti. Tirik na tirik ang araw noon. Pero hayun ang mga kabarangay ko, nakabotang naglalakad. Naka-pedicab. Walang tricycle na pumapasada. Bawat bahay ay namamarkahan ng humupang baha. Ang dating pitak na softball field na naging palaisdaan ay parke at garahe na ng water lily at kangkong na huhulagpos kung muling aagos ang tubig palabas ng Coloong. Sinadya kong idaan ang mga inhinyerong Hapon sa pinakamalukong na kalsada ng Coloong kung saan ko iginala ang media sa unang araw ng trabaho ko sa city hall.

Tumirik ang sinasakyan naming Toyota FX. Napilitang magtulak paahon ng Coloong ang mga bisita kong Hapon sa tulong ng ilang tambay. Hindi napabilang ang Valenzuela sa unang bahagi ng Camanava Mega-dike Project. Nagalit yata sa akin ang mga Hapon dahil pinaglakad ko sila sa bahang sosolusyonan sana nila.

KUNG TRAHEDYA ANG BAHA sa iba, sa amin, nangangahulugan ito ng matagal-tagal na pakikipagbuno sa bangus at tilapia, at kahit papaano, grasya ang ibig sabihin nito. Nabubugnos ang pilapil ng palaisdaan sa Coloong. Kalaunan, tinayuan ng panegundang lambat ang mga pilapil, pero ito man ay iginugupo din ng baha. Trahedya ito sa ilang kapitalista ng palaisdaan na bandang huli ay pinagsawaan na rin ang negosyo lalo na nang dagsain ng dayuhang janitor fish na galing daw sa Amazon River. Salamat sa isang entrepreneur ng Aranque Market, namemeste na rin ang salot na isda sa ilog ng Coloong at karatig-barangay.

Mas kakaunti ang namumuhunan kaysa sa aming sumasagap ng mga nagmulos na isda sa pilapil at lambat. May bastanteng rasyon ng tilapia at bangus ang barangay sa tagbaha. Nagagawa namin ang halos lahat ng popular na luto sa mga isdang ito: nilaga, sinigang, paksiw, prito, inihaw, sisig, rilyeno, embotido, sarsyado, pinangat, kalugkog, pinaputok, daing, kilawin, ginataan, pinalamanan, totso, bola-bola, bola-bola sa miswa, kinamyasan, tinalbusan, sinampalukan, sionomai, nilumpiang shanghai. Ilang buwan ang piyesta ng bangus at tilapia. You are what you eat. Kaya nga baka mga isda na kami.

Trahedya din sa mga bagong lipat ang baha sa Coloong. May bakanteng bungalow sa aming kapitbahay na iniwan ng may-aring nag-migrate sa Canada. Pinatira sa abandonadong bahay ang kapatid ng may-ari. Nakalimutan yatang bilinan ng totoong may-ari na may tagbaha sa barangay na kanilang iniwan. Aileen ang pangalan ng anak ng mga bagong lipat. Maganda at balingkinitan si Aileen. Magandang ngumiti. Nag-aaral sa Mapua. Palakaibigan. Kaya ilang linggo pa lamang sa kanilang bagong bahay ay nakilala agad namin ng mga kaibigan kong siyokoy. Nakalaro din namin sa basketball ang nakababatang kapatid ni Aileen. Nakabiruan ang mga magulang. Naaaya namin si Aileen, kasama ang kapatid, na manood ng liga ng basketball. Star player siyempre ang mga kaibigan kong siyokoy na walang pagsidlan ang ngiti sa mukha tuwing makaka-shoot. Sabay titingin kay Aileen. Magpapa-cute na akala mo may camerang nakatutok pagkatapos maka-shoot.

Bago pa tumuntong ang bagong milenyo, nagngangalit na bumuhos ang dalawang araw na ulan. Mayo 19 noon at huling araw ng piyesta ng Obando nang magsimulang hatawin ng walang pangalang unos ang Metro Manila. Kung marahil ibang lugar, maliban sa Polo Area, ang biniktima ng flash flood, siguro mabibilang na ito sa malalagim na trahedya ng bansa. Sa loob ng kalahating oras, tumaas ng mahigit sa dalawang piye ang tubig-baha. Dumaluhong ang agos papuntang Manila Bay. Nawalan ng kuryente. Umapaw ang ang mga ilog at palaisdaan. Naging dagat-dagatan ng water lily, kangkong, at mga inanod na kahoy at gamit ang buong Coloong. Mabilis pa sa alas kuwatro naming nasamsam ang mga gamit namin sa bahay-bahay. Naitaas ang mga kagamitang dapat itaas. Naging isa ang dalawang palapag naming bahay. Naging karagatan ang silong at dating sala. Naitaas ng mga siyokoy at sirena ang lahat ng dapat iakyat na gamit. Naitali sa mga puno at poste ng bahay ang lahat ng dapat italing gamit para hindi matangay. Maging alagang aso at pusa at tandang ay komportable na sa nilikasang bubong ng bahay na para bang normal na sa mga hayop ang mapadpad at manirahan sa bubong katabi ng bagong kusina ng bahay. Matapos ang kinse minutos ng pagsasalba ng mga gamit at pagpapaubaya ng bahay at bakuran sa manunuluyang baha, nasa labas na kaming mga siyokoy, masayang naliligo sa ulan sa tag-araw, nag-uumang ng pamanti sa gilid ng kalsada upang abangan ang pumupugang bangus at tilapia buhat sa mga palaisdaan sa loob at labas ng Coloong.

Naalala namin si Aileen na nakatira sa bungalow, wala ang kaniyang tatay na nasa trabaho. Nang puntahan ng mga siyokoy ang bahay nila Aileen upang magbayanihan, naglulunoy na sa agos ng baha ang eleganteng sofa, ref, at iba pang appliances na pawang nasa mababang lugar. Naisalba ang TV nang gawin naming evacuation center ng pinagpatong-patong na hollow blocks, lawanit, at dos por tres na kahoy ang kama ng kaniyang magulang. May ilang piraso rin ng damit ang naisalba. Basa lahat ang tokador. Basa ang lahat ng kama. Basa ang mga papel-papel at mga photo album. Putlang-putla si Aileen at nanay niya. Natulog silang apat sa kamang naging evacuation center sa loob ng bahay nila katabi ang TV at ilang pirasong tuyong damit at mga na-salvage na papel-papel. Nasa bubong naman si Bindoy, ang askal nila Aileen. Dinadalhan na lamang namin sila ng tilapia at bangus na nahuli namin sa tabi ng kalsada. Nang umubra nang daanan ng Isuzu Elf ang Coloong matapos ang tatlong araw, naglipat-bahay uli sila. Noon lang naranasang malungkot ng mga siyokoy dahil sa baha. Sayang, hindi naging sirena si Aileen.

MALANSA ANG BAHA NAMIN. Lansa ng inaaning isda sa palaisdaan. Lansa ng lumot at napirait na damo-damo at water lily. Sa kabila nito, kahit papaano, malinis, o mukhang malinis ang baha namin. Malinaw ang tubig. Kakaunti ang basurang umaahon sa ilog. Nasasala marahil ng damuhan, bakawan, at punong palapat sa mga pilapil ng tatlong ilog na bakod sa aming barangay. Huwag lang magpapakawala ang Angat Dam dahil kulay tsokolate ang tubig sanhi ng bitbit na lupa galing sa panot na bundok.
Nang matuto akong lumabas ng Valenzuela, nang mag-aral sa Normal, nang makawala sa trabahong munisipyo, nakasalamuha ako ng iba’t ibang baha. Mga estrangherong baha.
Ang baha sa Tullahan River, masangsang, nagmumuwalan sa basura, hindi tubig-baha, baha ng basura. Hindi ko pinagtangkaang lusungin dahil sa umaalon at umaalulong na basurang pilit na umaahon sa Potrero at Marulas. Natakot akong mahiwa ng lata, ng mga basag na bote, ng yero. Natakot akong makulapulan ng diaper na tigmak ng tae, ng pasador, ng mga kemikal. Nagimbal ako sa pangitaing mabubundol ng namamagang patay na aso, daga, baboy sa ilog na nakatala sa Guinness Record bilang pinakasalaulang ilog sa buong santinakpan; natakot ako sa tetano, sa leptospirosis. Isang magdamag akong naistranded habang pauwi sa amin. Hindi ko pinanghinayangan ang magdamag na paghihintay sa paghupa ng hindi kabatian at masangsang na baha. Nakaubos ako ng kalahating kaha ng sigarilyo kahihintay sa pagkalma ng dagat-dagatang minudensiya ng kalunsuran.

Amoy krudo at kulay krudo ang baha sa España. Mistulang alon ng dagat lalo kung hinihiwa ng mga sasakyang may tibay ng dibdib na tumawid sa baha. Binabayo ang lahat ng tamaan ng alon. Pinagmasdan ko ang baha sa España mula sa loob ng isang nagpakabayaning PUJ nang minsang manggalinmg ako sa U.P. Pinasok ang sahig ng sasakyan ng maitim na likido. Hindi tubig ang baha sa España, langis at asido. Makapal na likido. Malagkit na likido. Pinulbos at tinunaw ang suwelas ng una’t huli kong Nike Air nang madilaan ng krudo’t asidong baha habang binabagtas ng PUJ na nagpanggap na lantsa ang kahabaan ng España. Mula nang makaengkuwentro ko ang bahang España, sa pintuan ng Normal ko na hinuhubad ang tsinelas kong Tiger at doon ko na rin isinusuot ang pan-substitute kong sapatos.

Naistranded na rin ako sa Obrero. Sakay muli ng PUJ, humahaginit ang wala sa forecast na ulan isang alas diyes ng gabi. Hindi gumalaw ang traffic. Hindi ako naglakas loob na lumusong dahil hindi ako pamilyar sa baha sa Obrerong may kakaibang halimuyak, dagdag pa ang katotohanang binaybay ng baha sa Obrero ang Chinese Cemetery, Cementerio del Norte, at La Loma, isama pa ang tone-toneladang basura. Hindi ko rin hahayaang mapulbos ang sapatos kong santaong pinag-ipunan sa baon para may maipalit sa nadurog na Nike Air. Naligo ang lahat ng pasahero sa pawis dahil balot ng trapal ang PUJ. Hindi bale, ligtas naman ang paa at sapatos ko. Alas dos umusad ang traffic. Parang biglang bumango ang dinaanan kong baha sa M.H. Del Pilar papasok sa barangay ng mga siyokoy. Alas tres pasado na ako nakarating sa Coloong. Buti na lang at hindi ako sinumpong ng pag-ihi sa loob ng PUJ.

Nang mag-donate ang city hall ng isang 18-wheeler truck ng pako, plywood, at yero sa Dingalan at Infanta matapos manalasa ang bagyong Winnie noong 2004, nakita ko ang epekto ng baha sa mga bayan sa dalisdis ng Sierra Madre at Pasipiko. Hanggang kisame ang bakas ng baha ng putik. Sa mga singit-singit ng mga bahay, nakasiksik ang mga siit ng puno—tinga ng halimaw na baha. Naligo sa putik ang bayan. Maging ang busto ni Rizal ay hindi nakaligtas, nagkulay kalawang at lupa ang mukha ni Rizal sa plaza. Samahan pa ng troso, malupit ang ibinunsod na baha ng bagyong may pa-cute na pangalan. Suwerte kami sa Coloong, sa isip-isip ko. Bumaha man, water lily lang ang tangay-tangay. Kadalasan pa nga’y tilapia at bangus.

Nilusong ko ang nang-ambush na baha sa kanto ng EDSA at Ortigas, sa harap mismo ng POEA. Kailangan ako noon sa trabaho kung paanong kailangan ko din ang trabahong iyon sa Ortigas. Nagpapabibo ako sa aking bagong amo. At hindi isang impertinenteng baha ang pipigil sa ambisyon ko noong matawag na manager ng isang pribadong kompanya. Nanlimahid ang katad kong Rockport na lumao’y inutas din ng baha. Bumuka ang suwelas at lumutong ang katad nang matuyo. Bumakat sa abuhing slacks, ang una at huli kong Dockers, ang malangis na baha ng EDSA. Kumapit sa paa ko ang pinaghalo-halong sangsang ng bahang EDSA-Ortigas. Ang parehong bahang pang-manager at bahang pang-obrero at bahang pang-istambay, bahang pam-PUJ at bahang pang-Expedition. Ano ba kung bigla akong lamunin noon ng patibong na manhole na ninakawan ng takip, manager naman ako. Gayunman, hindi pa rin ito ang mga bahang kakilala ko’t napakisamahan. At hindi ko binalak maging kaibigan ang mga estrangherong bahang humahambalang sa aking daraanan lalo na kung makukulapulan ako ng tae at bangkay. Puwera na lang kung nagmamadali ako at sinasagilihan ng pagiging ambisyoso. Pero kahit na.

HUMUHUPA ANG BAHA SA Coloong tuwing papasok na ang amihan. Kumakati ang tubig sa ilog palabas ng Manila Bay. Hindi na nagtatagpo ang laki ng tubig sa ilog. Alangaang ang tawag sa pagtatagpo ng dalawang high tide sa loob ng isang maghapon. Huwag lang muling babagyo, magtutuloy-tuloy ang pagkati ng tubig. Aatras ang baha, magha-hibernate sa Manila Bay.

Panahon iyon ng pagbabanyos. Hihilamusan muli ang mga bahay sa Coloong. Pipinturahan upang mabura ang bakas ng tagbaha, ang peklat ng tagbaha. Isasaayos ang mga palaisdaan. Tutubuan muli ng damo at halaman ang mamasa-masang looban. Masaya kami dahil pansamantalang hindi kami siyokoy at sirena. Pansamantalang tao kami hanggang sa susunod na tagbaha.

Bumabalik sa himpilang palaisdaan ang mga bangka. Nakarenda at may tiyak na gawain: ang manghuli ng isda, salot na janitor fish man o tilapia at bangus, at magkumpuni ng pilapil. Nakakapasada na ang mga tricycle. Gayunman, sa itinagal-tagal ng paghahanapbuhay ng mga nagpe-pedicab sa panahon ng tagbaha, hindi na sila matungkab sa balat ng Polo Area. Iyon na ang kanilang kabuhayan. Nanganak ang mga pedicab dahil wala naman itong restriction at hindi mahal ipundar. Sa sobrang dami, naging formidable political force. Kahit anong oras, may baha man o wala, namumulaklak sa pedicab ang bahaging kapuluan ng Valenzuela.

Kahit sino ay puwedeng mag-pedicab basta’t may paa kahit hindi pantay. Kahit anong edad na puwedeng pumadyak at humawak ng manibela at umiwas sa lubak basta’t huwag makabundol ng kasalubong na sasakyan at tao. Hindi na importante kung marunong magkuwenta ng sukli. O hindi marunong magsukli.

Minsan, nang pauwi ako buhat sa trabaho sa city hall, nakita kong namamasada na ng pedicab ang nagkakatekista sa Coloong Elementary School, si Brother Napoleon o Brother Nap. Dahil uso ang tagaan sa pamasahe lalo’t malalim ang baha at walang tricycle, pinili ko siyempre ang pedicab na minamaneho ni Brother Nap. Tiyak na makatao ang presyo ng isang katekista, sa isip-isip ko. Kung manggagaling sa MacArthur Highway sa Malanday, karaniwang beinte pesos lamang ang pamasahe sa amin. Bahala na daw ako kung magkano ang ibabayad ko, sabi ni Brother Nap nang tanungin ko siya bago ako sumakay kung magkano ang pamasahe. Nang maihatid ako sa amin, tinanong ko uli si Brother Nap habang kinakapa ko ang pitaka ko. Huhugutin ko na sana ang beinte.

“Kuwarenta na lang,” mahinahong presyo ng nagkakatekista. Yumuko pa nang kaunti na parang nagpapaawa.

Hindi na ako nakipagtalo. Pero hindi ko na sinakyan ang pedicab ni Brother Nap mula noon. At hindi na rin ako sumasakay ng pedicab nang hindi muna nililinaw kung magkano ang pamasahe. Mahal ang presyo kapag “Bahala na kayo kung magkano.”
Malamang, kung may tataguriang pedicab capital sa bansa, Coloong ang mangunguna sa listahan. O Polo Area. At hindi nakapagtatakang sa dinami-dami ng nagsulputang festival sa bansa, isang araw, magkaroon ng Pedicab Festival sa Valenzuela. Kumpleto ng parada ng pedicab na may iba’t ibang disenyong parang karuwahe o karosa ng prusisyon depende sa theme. May karera ng pedicab, may pedicab tricks na parang extreme games: lumilipad na pedicab, nagsa-somersault na pedicab. O Guinness Record sa pinakamahabang pila at parada ng pedicab. Nagawa na ito ng isang politiko nang iparada niya ang supporter niyang mga pedicab driver. Nabalda ang traffic sa MacArthur Highway at secondary roads ng Valenzuela. Kulang sanlibong pedicab ang pumarada. Hindi na pinasama sa parada ang natitira pang halos tatlong libo. Kulang kasi ang pondong pampameryenda. Kaya voting force ang sektor ng pedicab. Ang pedicab na by-product ng tagbaha. Nanalo ang politiko. At lahat ng ito ay nangyari bago pa ang patalastas ni Mar Roxas na nasa loob ng pedicab sabay sabing: “Anak, itabi mo. Lalaban tayo.”

Hanggang sa libingan, lumalaban ang Coloong sa baha. Hindi kayang pigilan ng baha ang paglilibing. Inihahatid ng bangkang arkilado ng funeraria ang labi hanggang sa kung saan naghihintay ang karosa ng patay, hanggang sa kung saan maaari nang paandarin ang makina ng karosa ng patay. Pero may pagkakataong kahit ang simbahan ay may baha sa loob. Kung bebendiyunan marahil ang baha, hindi na kailangan pang sumawsaw sa anghel na may bitbit na plangganita o bandehado ng agua bendita dahil babad na kami sa benditadong baha.

At ang patay, mabuti’t nauso ang nagtatayugang apartment na libingan na dapat nang tawaging high-rise condominium sa taas. O kung hindi man, may mamahaling memorial park na pagpipilian sa Valenzuela na may pangunahing pang-anunsiyong tagline: “Guaranteed, flood-free.”

MATAAS NA ANG KARAMIHAN ng kalsada sa Coloong ngayon. Ang ibang may kakayahang magpa-remodel ay nagpa-remodel na ng bahay at nagpatambak ng looban para hindi pamahayan ng baha. Marami na rin ang lumikas at tumakas sa barangay ng mga sirena at siyokoy. Dati, anim na buwan ang migration ng mga may kaya, lalo na iyong may anak na nag-aaral sa labas ng Valenzuela. Nangungupahan sila sa lugar na ligtas sa alipunga para bumalik uli sa Coloong sa panahong pinatay na ng tuloy-tuloy na sikat at init ng araw ang lumot sa daan. Ang ibang mayaman at takot sa alipunga’y tuluyan nang naging migrante sa labas ng barangay naming Atlantis at Lemuria. Kung hindi man Venice. Nakikita na lamang at bumabalik sa Coloong ang mga migrante kung mayroong okasyon.

Sa kabila ng taas ng kalsada, marami pa ring binabahang looban. Marami ang na-isolate mula sa main road. Mga sitiong naging isla nang mabura ang ismus na nagdurugtong sa kanila sa kalupaan. Mga sitiong nagtamo ng pangalang pantagbaha. Isa na rito ang Sapang Kokak. Hindi na umalis ang baha sa Sapang Kokak. At pinanindigan na ng residente ng sitio ang pangalang palagay ko’y namumukod-tangi sa Filipinas. Sanggol pa naman ang tawag nila sa kani-kanilang mga anak at hindi pa tadpole. Puwede itong pasyalan ni Mark Logan isang araw.

“Sisiw ‘yan sa Coloong,” sasabihin ko sa sarili sa tuwing makatutunghay ng baha sa balita. Lalo na ang mga flash flood. Sa isip-isip ko, dapat maging training officer ng National Disaster Coordinating Council at Red Cross ang mga taga-Coloong sa paksang paghahanda sa flash flood. Puwede rin kaming tagaalo sa mga napinsala ng baha. Lalo na iyong nasalanta talaga. Maganda ang paksa sa training program na “Making a living out of flooding” o “How can flood work for you?”

Ilang buwang residente sa amin ang baha. Naging bahagi ng buhay ko ang paglisaw-lisaw sa tubig. Ang mamasada ng pedicab noong elementary at high school para may ipambaon at ipambili ng sabong panlinis ng alipunga. Ang pag-uumang ng pamanti. Ang pagpandaw sa tilapia ng may tilapia at bangus ng may bangus. Ang paglulunoy sa tubig. Ang magpatangay at lumaban sa agos ng water lily, kangkong, at mga kagamitang nakalimutang rendahan ng may-ari. Ang paghihintay matuyo ng alipunga sa hindi mapakali’t palagiang nangangating paa. Ang pagsamsam sa alaala ng saya at lungkot ng humuhupang baha na nagturo sa akin, sa aming mga siyokoy at sirena ng Coloong, na lumangoy sa buhay, hindi man panahon ng tagbaha.

Kasalukuyang guro sa Filipino sa Southern Luzon State University si JOSELITO D. DELOS REYES na nagtapos ng BSE Social Science sa PNU Manila at nag-aaral ng M.A. Araling Filipino sa De La Salle University. Inilathala ang una niyang aklat, “Ang Lungsod Namin,” ng National Commission for Culture and the Arts sa ilalim ng Ubod New Authors Series. Ilang ulit nang nagwagi ng Gantimpalang Collantes sa Tula na itinataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino. Unang gantimpala sa 1st Maningning Miclat Awards for Poetry noong 2003. Honorable mention sa Film Development Foundation Scriptwriting Contest noong 2001. At fellow sa 36th University of the Philippines National Writers Workshop noong 2000. Kasapi siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at Oragon Writers Circle. Kasaping tagapagtatag at dating pangulo siya ng Bolpen at Papel, PNU Creative Writers’ Club. Nalathala sa mga antolohiya, pahayagan at magazine ang kaniyang mga akda at salin. Nakatira siya sa pisngi ng Bundok Banahaw sa Lucban, Quezon kasama ang kaniyang anak at asawa na guro rin sa nasabing bayan. Binabaha pa rin siya ng alaala ng baha sa nilakihan at kinamulatan niyang lungsod.

Thoughts of a Novel


Dapat ‘yung bonggang-bonggang saga, epic-proportion,
‘yung mala-Michener, kung pa’no isinuka ng marine volcano
ang Hawaii (tandaan ang bigkas: hawa-i, hindi haway; parang parih,
kapitolyo ng France, hindi paris na parang pares-tapsi sa Bambang.)

‘Yung gano’n.

Ang characterization, sabi nga ni RT, dapat wiiiiinner.
‘Yung may cerebral angst, ‘yung hindi kumikilos pero inaagasan
ng apoy ang mga butas sa mukha, saklot ng makapangyarihang
saloobing hindi maibulalas sa isip, sa salita, sa gawa.
Lumuluha pero walang nguyngoy. Ngumingiti nang tipid na tipid.
Larawan kontra larawan ng isang lalaking mala-John Lloyd,
mayaman, mapagkumbaba, may mabuting puso, may Latin honors
sa U.P. o Ateneo, lapitin ng chicks, iyong parang walang problema
maliban sa nangangamoy ang paa kapag sinasaklot
ng hindi kayang ipaliwanag na takot, at kapag dina-drive
ang pulang CRV na model 2008 patungo sa Embassy.
At pervert kapag nakakainom ng Empoy at Gran Ma—
kaya show don’t tell ha. Mahaba ‘to, voluminous pero halos kalmante.
Pero dapat captured na agad ang readers sa first few pages or chapters.
Sa una pa lang, establisado na dapat ang lahat ng major plot,
minor plot,
sub-plot,
micro-plot,
mini-plot.

Start from your experience: ano ba’ng meron sa iyo?
Sakit? Namatayan ng kung sino, kung ano at kung ilan,
iniwan ng kung sino, kung ano at kung ilan?
Anong meron sa lolo mo, hane?
Tapos i-plot mo sa setting na bonggang-bongga.
Iyong binanggit ko kaninang mala-Rushdie,
mala-Garcia Marquez, mala-Michener, mala-Saramago, mala-Okri.
Pero kung swabe, pwedeng mala-Kundera at mala-Amos Oz.
Pero kung kwela, mala-Vonnegut.
Lagyan mo ng make-believeish: manananggal, engkanto,
multo, huwag witches puwera na lang kung natira ka nang matagal sa England.
Pampakulay at pampa-flavor lang ito unless totoong-totoo sa iyo ang maligno.
O kung ikaw mismo ang maligno, har har har.
Ang maligno ng iyong sarili.
Nilalabanan. Nilalabanan. Nilalabanan.
Tama. Kaya tahimik ang protagonist mo kahit pa pa-boy-next-door.
Iyong conflict, dapat polarized na polarized pero subliminal.
Nabubuhay sa pahiwatig. Mayaman versus mahirap.
Luma na ito, oo, pero wala namang bago sa mundo,
sa treatment lang nagkakatalo. At dahil nabuhay ka sa mundong puro tubig-baha—
unique agad!

Babalik ba si Adonis para higupin ang lahat ng tubig?
Lulusungin ang lahat ng pagsubok?
O siya ang fundador ng Venice sa Nueva Camanava?
Interesting!
Magiging Tourism Secretary ba siya?
Swak na swak ang sirena-siyokoy-factor.
Parang ganu’n, gets?
Umaagos ang buhay niya, mula pa sa kalolololohan
hanggang mag-aral sa U.P. o Ateneo. ‘Yung against all odds.
Naiwan niya si lady love na handang magtiis at maghintay
habang namamalirong sa alipunga ang paa
o tumitirik ang mata sa leptospirosis, at wagas na pag-ibig lang ni Adonis
ang makapagpapagaling. Pero ipatatapon si Adonis sa Amerika
(England kung gusto mong may witch-factor)
tapos naging doktor sa Boston, parang ganu’n.
Basta malayo.

Ano? Hindi pam-Precious Hearts? Hindi rin mala-Dan Brown?
Siyet. Mahirap ‘yan? Sino bang idol mo?
Hindi naman siguro, hi hi, si Bob Ong?
Sino?
Joyce?
As in J-A-M-E-S-J-O-Y-C-E-?
Ano? Mala-“Finnegans Wake”?
Consider your readers, hijo.
Ang market mo, hijo.
Walang nagbabasa niyan kahit sa U.P. o Ateneo.
Hmmmm. Grabe ka ha. Pinahirapan mo koh.
Eniwei, babasahin ko pa ang “Finingers Week” na ‘yan.
Hanggang sa muling isyu ng— “Learn to write with Achung Borgy.”
Mwah.


(Sa Bestman, habang pinag-uusapan namin kung paano isusulat ang una kong nobela.)