Suliranin ito ni Bibeth*.
Wala siyang agarang maisip.
Maitim ako’t tatawaging Mang Tem-i.
Pero hindi ako dapat mabuhay lamang sa bansag.
Dapat may identidad.
Kaya Artemis Batongbuhay.
Dahil ekstra lamang, hindi ko ito tuloy nasabi:
Bibeth, babae si Artemis.
Ginahasa ni Orion.
Anak ng diyos-Griyego.
Mangangaso.
Pumatay.
May sampalataya ako sa manunulat.
Importante ang trabaho kahit pagago.
Ano ba kung wala ang apelyido ko sa Catalogo.
Sa istorya, para maipwesto ang kadidiskubreng Fil-Am,
Paparesan ako ng isang babaeng maganda.
Sa istorya, ibigin ko man,
Kailanma’y hindi kami magseseks.
Sa istorya, lahat ay maiinggit sa akin.
Maano ba kung maitim.
Ang mahalaga ay kasama sa casting.
Negosyanteng may kantin.
May tsimoy na tisoy.
May kaparehang tisay.
May tatanga-tangang goon.
Binuhay ako ni Bibeth
Sa lubhang karaniwang sitcom,
Napabilang sa pelikula paminsan-minsan.
Maiikutan ng episode,
Paminsan-
Minsan.
Artemis. Tem-i. Bakit hindi Artemio?
Sagot ni Bibeth: dahil sa sensibilidad-Filipino,
Temyong ang palayaw ng lahat ng Artemio.
O Art kung sopistikado.
Bakit Batongbuhay? Bakit hindi kesong-puti?
Sagot ni Bibeth: pamigay, hindi ka ba nag-iisip?
Pagmunihan mo nga ang Victorio Ungasis.
Dapat balintuna ang ngalan.
Maliit at malaki. Itim at puti. Tanga at tagumpay.
Anak ng diyos at bato.
At nito ko na lamang nadili, hindi gaya ni Oriong
Kumikinang sa alapaap maging ang sinturon,
Nasa lupa ang batongbuhay,
Walang-wala sa kalawakan
Ang tauhang, dahil sa balat,
Naunang kathain ang alyas.#
* Bibeth Orteza
Galing dito ang larawan: http://i137.photobucket.com/albums/q216/carlbo12/mang_temi.jpg
Salamat bro (o sis) kung sino ka man.