Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, March 20, 2012

BUGTONG NA ESTASYON

The detractors of the Philippines attacked him for his sympathy with the Filipinos
and his open defense of their cause, but they were unable to stop him.
He remained a staunch friend of the Philippines.
Because of his loyalty and sincerity the Filipinos cherish a fond memory
of him and to honor him they gave his name to one of the streets of Manila.
His name is now inseparably linked with that of the national hero.
-Encarnacion Alzona

Paumanhin, Ginoong paham, kung pataksil nilang ibinautismo
Sa isang makipot na layak ng usok at ingay ang iyong ngalan.

Hangad lamang nila, nang pagmunihang mainam
Kung saan ibibinyag ang iyong karangalan,

Na maging kahilera’t kahangga mo ang taginting
Ng kalakal at walang kapagurang paglilimayon

Ng nililiyag mong lipi: matitipuno’t kriskrusang riles.

Hangad lamang nilang maging tukayo mo, masinop
Na etnograpo, ang bukana ng tropiko at payapang Retiro.

Hangad lamang nilang may kumandiling linggwista
Sa mga nalibing na Orienteng walang nakaiintindi.

Hangad lamang nilang magkapangalan nang dayuhan
Ang tampok na sulok pa-la muerte sa del Norte.

Hangad lamang nilang ulitin mo, punong des Philippinistes,
Sa huli’t walang hanggang pagkakataon ang malaon mong gawaing
Sumalang sa aming bugtong na Dimasalang.

Batid naming hindi mo ito hinangad.
Alam naming wala sa malamig at malagim mong hinagap
Ng aming tag-init na ipangalan ka sa isang huklubang
Naknak ng lungsod, lalo sa isang pinatag, hindi panatag
Na gulod, sa isang ibayong hanggang makamatayan mo
Ay dayuhang hindi man lamang nasino

Ni ang anino ng aming tag-araw. Bueno, hayaan mong itanghal namin
Sa iyo kung ano ka rito.
Magiting na kalye kang nababakuran
Ng tukayo ng magigiting na Katagalugan: Antipolo, Laguna,
Tayabas, Bulacan. Pangahas na landas kang tumatawid sa España.
Bakuran kang may hardin ng piniyesang tao, kinahoy
Na piyesa’t gulong ng awto. Hardin kang may samyo ng niligis
Na aspalto, krudo, grasa. Kung madaraan ka sa hardin mo,
Mauulinig mo ang matinis na konsiyerto ng busina at ehe, hinihiklat
Na tsasis at muwelyeng itinatawid sa tirintas ng baradong estero.
Estero kang kalyeng palengkeng kutang burulan. Dalawang paaralang

Lumbay ang iyong tarangkahan: Mababang M. Ponce at M.L.Q. High.
Tuwing madaling araw, videoke at saklaan ka ng maton,
Guardian, pulis, at ng matong pulis na Guardian.
Kada Linggo, simbahan ka ni San Roqueng hindi matapos-
Tapos ang buhos, hindi mapatabi-tabi ang walang kapagod-
Pagod na eskayolang asong hihimod-himod sa eskayolang
Sugat ng poong patron ng apat at santalaksang pulubi sa paligid-

Ligid mo. Milyong tolda ka ng mga piniritong anak ng tokwa’t ukay-ukay
Na tinda. Maramot na lugawan at mapangmatang panaderya
Ang mismong kanto mo at ng karantsong kalye—
Hinalinhang Misericordia, Tomas Mapua—na gaya mo,
Taglay ang biyayang maging kalyeng malayong markahang
Marangya’t makinis, pinaglimihan ang sopistikadong

Estetika ng isang bihasa at kulubot na arkitekto. Hindi magkandatuto
Kapapaswit ng pasaherong litong-lito ang istarter mo: sumasaiyo
Ang karitong pa-Frisco, Pa-Nova, pa-Balut, pa-Divisoria, pa-Baclaran,
Pa-Monumento. Walang Leitmeritz at Prague sa bahaging ito
Ng suson-susong muhon ng karton, lawanit, yero. Pero ikaw
Ang putikang pantalan ng lagalag na kuliglig at toda
Patungo sa kung saang nagkanlong na Paris, Geneva,

O Bohemia ng Tondo at La Loma. Sa umaga, hapon at nakashabung
Magdamag na pagripeke sa iyong Sky Spring ng mga awiting pusakal
Nina Sinatra at Gloc 9 (na ang mga salita’y hindi mo matatagpuan
Sa pinagsikapan mong Breve Diccionario Etnográfico ng bayang ito),
Umuuwi ang mga obrero mong busog kaiiskor sa eskobadong
Serbidor. Paikot-ikot ang mukha mong parang nirarambol
Na iskor ng bulalas na may tono’t hindi basag. Bangag, paikot-
Ikot ang elisi at roskas ng rosas na iskrambol, amoy lecheria
At Champion ang umagang simponiya ang kaskas ng yelo,
Hiluran ng banil, lagas na labada, sansaglit na banlaw

Sa pampublikong balong artesyano. Dahil matamis kang
Iskrambol, bibilhin ka ng mapangaraping juventud Filipina—
Pag-asang inusal ng compadre mo bago madestiyero—
Kabataang magkukubli sa alinsangan ng sandaling ginugol
Kapapalimos at kasisikwat sa walang malay na bag,
Mga pitakang pagod at simot, cellphone na lugmok
Kadudukot, kasusuksok, kahihimutok, kapipindot.
Bahay-bahayan ka ng mga hinapong Sama dilaut,
Itinaboy mula sa nawaglit na karagatang hindi mo
Nailapat sa iyong mutyang Mapa ng Mindanao.
Wala silang oras sa paglalakbay at pagsitsit ng limot
Na kalansing ng huwad na perlas at ligaw na asin.

Sumisingasing ang mga dyipni mong nagpupugay
Sa burol ng inundayang gangsta, nang-ulila ng batalyong
Nangangapilya sa kalsada mong entablado ng amok,
Rambol, seguradong resbak. Hindi ka makatungayaw ni makahikbi
Sa sindak kapag umiilag sa sumpak at haginit ng tren kahit pa
Maingay na estasyon ka. Maingay na estasyon ka na dito.

Dahil maingay na estasyon ka na, minsang nasaksihan mo
Sa sangkurap ang lagim nang sumambulat ang iyong bagon
Isang araw ng pagninilay sa kamatayan ng iyong bugtong
Na katoto noong katatalilis ang milenyo. Itinaon ang taon,
Itinaon marahil ang estasyon upang ipaalala sa aming
Matalik ang inyong banal na pagkakaibigang higit
Sa barometro ng panahon, kisap ng dahas, mortal na pagyao.
Kaya kayrami ring humandusay sa iyo, bugtong na estasyong

Tumalastas sa bugtong ng aming lahi. Pero hindi ka pantas dito.
Sa loob ng hihigit-kukulang sa tatlong minuto sa isang oras
Ng isang walang hiyang semestre ng pamamantasan
At pagpaparaos, lilinawin ka ng gurong makakalimutin:
Malaong nakalaang kaibigan ka ng Laonlaan, ito na lamang
Ang papel at pahina at masasabi tungkol sa iyo. Sapat na.
Labis na kung babanggitin pang, totoo, minsa’y
Nagkita kayo nang higit pa sa katawang-tao at larawan,
Titik at lagda ng pananabik at pangangamba.

Dito, araw-araw kang nakikita at nadarama bagamat hindi ikaw
Mismo ito. Mananatili kang dayo sa aming dila at sentido
Maliban sa araw-araw na pananabik naming lagpasan ang iyong
Brutal na pag-iral—kongkreto, bakal, panaflex, tarpolin, burak, tao, karnal.
Ganito kami tumanaw ng utang-na-loob na hindi mo
Mauunawaan. Ganito kami magtangi. Paumanhin,
Ginoo, kung ibininyag nila sa isang makipot na landas
Ang aba mong ngalan. Landas na hindi mo talos, hindi kailanman

Narating. Mararating. Estasyon ka pa rin hanggang makatihan
Ng aming Konseho, makatihan nilang bautismuhan ng bagong kataga
Ang huklubang lungsod, ang mga retirado at patang kalye,
Ang mga ilahas na landas, ang mga nanlilimahid na estasyon,
Ang mga ngalang mananatiling bugtong, estranghero, hindi eternal.

Wednesday, February 22, 2012

Pagpapangalan

“Parang nu’ng college,” naisip niya. Parang noong college na mistulang madali pang pumasok ang lahat ng idea, hilaw man o hinog. Parang college na madali siyang makapagsulat. Na, pakiramdam niya, maraming puwedeng isulat. Napangiti siya, ito na yata ang idea para sa kaniyang long-delayed na proyekto para sa anak.

Matagal na nawalay ang ganoong tensyon, ang pagmamadali sa paghanap ng panulat at masusulatan. At kapag naglambing ang panulat, tiyak na hindi maayos ang kaniyang puwesto, gaya nga noong college: sa LRT, sa FX at PUJ, kapag nagtatalakay ang guro, kapag naeebak, kapag nag-aabang ng masasakyan, kapag naghahatid ng girlfriend, kapag nanonood ng sine, kapag naglalakad sa baha, kapag tinatawid na niya ang boundary ng mulat at tulog. Hindi dumarating ang idea kapag nakatanghod lang siya sa malinis na papel o sa blangkong monitor ng Wordstar 4 sa opisina ng student publication ng Normal. Hindi dumarating ang idea kapag mistulang handa siya sa pagsulat. Dumarating ang idea gaya ngayon, nakatayo siya sa terminal ng Jac Liner sa Buendia. Pauwi sa Lucban. Mabigat ang dala-dalahan. Antok na antok, masakit ang ulo, at walang maayos na puwesto para sumulat.

Kinapa niya ang bolpen sa bag. Bahagi ng layaw niyang magsulat na dapat maganda ang bolpen niya. Walang-wala na ang Pilot. Ayaw niya ng pipitsuging Panda o Bic. Hinugot niya sa Sagada backpack ang anim na taong gulang na Parker signpen na bigay sa kaniya ng kaniyang kumareng taga-Valenzuela city hall, katas ng transaksiyon sa gobyerno: ang dati niyang trabaho. Maraming tinta ang Parker dahil hindi naman niya ito madalas ipansulat kung hindi rin lang pipirma ng kung anong dokumentong dumadalang sa mabilis na paglipas ng panahon.

Nang makapasok na siya sa bus, ipinuwesto niya ang sarili sa paraang pinakakomportable. Iniunat ang paa. Inayos ang upuan, hindi higang-higa, hindi naman tuwid na tuwid. Pinangko niya nang maayos ang Sagada backpack. Isinalansan sa isip ang lalamanin ng kaniyang long-delayed na proyekto para sa anak.

***

Madalas nila itong mapagkuwentuhan ni Jerry, ang kaibigan niya. Magaling na makata si Jerry. Awardee. Nitong huling kuwentuhan, pokpok na scriptwriter na daw si Jerry, ayon mismo ito kay Jerry, dahil sa pito niyang proyektong sabay-sabay isinusulat. Kaya hindi daw siya sumasagot sa text at tawag. Madalas nilang mapagkuwentuhan ni Jerry ang hirap ng pagsulat. Ang sumulpot waring musa. Ang magparamdam waring disiplina sa pagsulat. Madalas nilang pagkuwentuhan ang disiplina ng mga kakilalang manunulat. Halos nagtatae ng libro ng tula si Ayer. Ganoon din si Bob at Joey. Si Allan at Egay. Dapat daw siyang humabol sa mga ka-contemporary nila. Matatapos ang inumang nagpapanggap na kuwentuhan sa pagpapayo ni Jerry na puwersahin niya ang sarili sa pagsulat. Na sasagutin niya ng “tama ka, Jerry,” at “sige, pramis, susulat na ‘ko.”

Matatawa siya kapag sinasabi ni Jerry na mas masipag siyang maglabas ng tula noong hindi pa siya miyembro ng Lira. Na napa-publish siya noong hindi pa siya kasapi ng Lira. “Wala na kasing nag-a-accommodate sa tula,” sagot naman niya kay Jerry. Hindi gaya dati.

Mas masipag nga ba siyang magsulat noon? Hindi. Mas conscious lang siya sa isusulat ngayon, mula pa nang magtapos sa poetry clinic ni Sanrio. Kaya hindi siya nakasusulat. Magkakaisa sila ni Jerry na walang kuwentang katwiran ang sinasabi niyang mas conscious siya sa pagtula. Oo nga.

Ang totoo, mas masipag nga siyang magsulat noon. Uto-uto siya sa musa. Madaling kalabitin. Madaling makapagsulat kapag gusto. Parang mantra ang mga linya at idea ng isusulat noon. Walang patid na uusalin sa isip hangga’t walang maayos na pagsusulatan. Kaya may notbuk siyang kasya sa bulsa ng pantalon, may nakasabit na bolpen. Huwag hindi makaisip ng linya, isusulat kahit malapit na pinsan na ng hieroglyphics ang kaniyang naitatak sa papel. Nakasusulat siya kahit nasa pinakaalanganing lugar at puwesto. Natatandaan niya, college pa siya nang sulatin ang koleksiyon ng tulang naging tiket niya sa U.P. National Writers Workshop sa Baguio. College pa rin siya nang maisulat ang malaking bahagi ng nanalo sa Maningning, at ng koleksiyon niya ng tulang sabi ng nanay ni Jerry ay parang imbitasyon sa kasal kahit NCCA pa ang nag-publish nito.

Ilang beses na ba siyang nagtangkang sumulat nang seryoso. Mali ang tanong, ano ba ang seryoso sa mga naisulat niya nitong “mas conscious” siya? Iyon bang mga nanalo sa Talaang Ginto? Hindi. Hindi nga niya isinama sa koleksiyon niya ang mga nanalo niyang tula dahil, dahil, ano ba? Dahil pangkontes ang mga tula? Kailan ba siya nagsulat na ang motibasyon lang ay makasulat, hindi ang manalo o ma-publish? Luma na ang tanong pero hindi pa rin niya masagot. O hindi lang matanggap ng kaniyang sarili ang sagot niyang noon pa kumakatok sa kaniyang kukote? Dahil hindi na niya maalala kung meron nga ba siyang naisulat for the sake of writing. Kung hindi niya maalala, baka naman kasi talagang wala siyang aalalahanin.

***

Ito na iyon. Ito na iyong para sa anak niya. Ito na iyong ipinangako niyang isulat buhat nang ipagbuntis at ipanganak ang anak niya apat na taon na ang nakararaan. Noong una, tula ang plano niya. Pero hindi, mukhang mas maganda kung essay. Iyong personal na personal. Four years in the making. Tapos heto, nasa loob na siya ng Jac Liner na biyaheng Lucena. Hindi baleng walang paglabasang publication, hindi baleng walang kumukupkop sa essay o tula niya maliban sa sariling blog na bihira niyang madalaw dahil wala siyang matinong internet service provider sa Lucban. Basta, para sa kaniya na lang muna ang isusulat, huwag na munang isipin kung mayroon pang maglalathala nito. Ito na kasi iyon. Hindi na makapaghihintay ng limang oras na biyahe pauwi ng Lucban at para humarap sa laptop niyang simbigat ng limang desktop. Alam niyang malulusaw na guniguni ang lahat kapag hindi naisulat. Matampuhin ang idea, o ang musa. Mahirap nang suyuin ang sarili na isulat ang dapat sana’y naisulat noong naglambing ang idea. Matagal bago bumalik ang musa. Kung baga sa kometa, malawak ang orbit. Ilang panahon niya itong hinintay. Minsan nga, pinagpapraktisan niyang dumating na ang musa ng kaniyang buhay-kolehiyo. “Hindi kita pawawalan,” usal niya sa isip kapag nagpapraktis siya. Kaya nga hindi niya pawawalan ngayon. Inilabas niya ang berdeng kuwadernong siyento beinte ang halaga para may kapares ang sosyal na panulat.

***

Mabilis mapuno ang bus kapag Sabado ng hapon. Maraming nag-uuwian sa Quezon. Hindi muna niya inisip ang assignment niya sa M.A. na dapat maipasa via email bago mag-Sabado sa susunod na linggo. Para sa isusulat na sanaysay ang limang oras na biyahe pauwi sa Lucban. Naupo siya sa bandang gitna ng bus sa tabi ng bintana sa kaliwa. May tumabi sa kaniyang babae. Nakapangbihis-opisina. Dala ang isang hindi kalakihang duffel bag.

“Pagpapangalan” ang naisip niyang pamagat habang nakasakay sa dyipni patungong Taft-Buendia. Pinaikot-ikot niya sa isip ang pamagat. Inulit-ulit bigkasin. Puwede nang working title. Gaya nang naisulat ni Rene Villanueva sa “Impersonal” noong palitan nito ang kaniyang palayaw, pinaikot-ikot din niya sa dila ang pamagat: “Pagpapangalan.”

Ang pamagat ang hudyat sa kaniya ng musa. Kaya siya na-excite kanina habang nakasakay sa dyipni at nang nakatayo na sa terminal. Sa pamagat siya magsisimula.

Malaking isyu kasi sa kanilang mag-asawa ang pangalan ng anak noon. Banahaw ang gusto niya. Divine ang gusto ng asawa. Magandang simulan ang sanaysay sa ganito: Hindi daw ilalabas ni Angel sa bahay-bata ang sanggol kapag ipinilit kong Banahaw ang magiging pangalan ng anak namin.

Inekisan niya ang hilaw na sisteng naisulat. I-develop daw niya ang siste sabi ni Jerry. Bihira raw sa writer ang may scathing na siste. May kung anong kakornihan ang simula ng kaniyang sanaysay kaya inekisan niya ito. Dapat unahin ang balangkas ng “Pagpapangalan”. Saka na isipin ang detalye. Naisip niyang dapat munang buuin ang flow ng sanaysay.

***

“Lucena,” sabi niya sa konduktor. Tiningnan niya ang halaga ng pamasahe. Two hundred nine pa rin kahit bumaba na ang presyo ng diesel. Hindi pa rin bumababa ang pamasahe kahit bumaba na ang pamasahe ng PUJ. Lumagitik ang upuan sa kaniyang harap. Tumama sa tuhod niya ang na ni-recline na upuan. Walang sorry-sorry ang nakaupo sa harap. Kunsabagay, naisip niya na nire-recline naman talaga ang upuan at wala naman talagang maluwag na legroom ang bus. Nakaunat at nakahalang ang kaniyang tuhod kaya muntik na siyang maipit.

Malamig. Itinapat niya sa aisle ng bus ang aircon na nakatutok sa bumbunan niya. Hinugot niya sa bag ang jacket na lagi niyang kasama sa tuwing papasok sa klase kapag Sabado. Malamig kasi ang mga classroom. Malamig din ang Jac Liner. Alas tres y media na ng hapon. Traffic sa SLEX kahit Sabado (lalo kapag Sabado?). Umuusad pero hindi express ang takbo ng sasakyan. Natawa siya sa irony ng mabagal na sasakyang gumagapang sa expressway. Nakita niya sa labas ang billboard ni Sarah Geronimo. Sa isip-isip niya, suwerteng makarating bago mag-alas-siete ng gabi sa Lucena.

Binasa niya uli ang inekisang linya.

Sisimulan niya sa Banahaw ang sanaysay. Sinulatan niya ang makinis at maputing papel ng sosyal na kuwaderno: Bakit ipapangalan sa bundok ang anak? Ipaliwanag.

Ibinigay niya ang pamasahe sa rumondang konduktor. Kinuha niya ang headset ng cellphone, inilagay sa FM station menu. Nakinig siya sa RJ FM na 80s band ang tinutugtog.

“Bakit nga ba Banahaw?” usisa niya sa sarili.

***

Mula nang magmakata at nakakilala ng mga makata, nang maambunan ng kahit papaano’y sense of nationalism, naisip niyang ipangalan sa kahit anong may sensibilidad na Filipino ang kaniyang magiging anak. Wala pa man siyang asawa. Hindi pa man dumadako sa isip niya na sa Lucban siya maninirahan. Hindi pa Banahaw pero parang ganoon. Parang kauri noon. Nang malaman niyang Amansinaya at Idyanale ang ipinangalan ni Bob sa mga anak, nang malaman niyang ang ipinangalan ni Koyang Jess sa isa sa kaniyang mga anak ay Daniw Plaridel, nang malaman niyang ang pangalan ng bunsong anak ni Rio ay Agno na isang ilog sa Ilocandia maliban pa sa isa yatang tupa ang ibig sabihin sa salitang Latin, nang malaman niya ito, desidido na siyang pangalanan ang kaniyang anak ng pangalang malayo sa uri ng Michael at Jennifer. At isa lang. Hindi kombinasyon ng pangalan nilang noo’y magkasintahan pa lamang, Joan kung babae, Anjo kung lalaki. Banahaw na nga ang kaniyang naisip nang sabihin ng ultrasound na babae ang una niyang anak. Si Banahaw.

Na hindi nagustuhan ng kaniyang asawa kahit anong paliwanag ang gawin niya.

Para ano, para tuyain ng mga kaklase sa elementarya at hayskul, para pagtawanan, argumento ng kaniyang asawa. Araw-araw na makikita ang bundok. Hindi bagay sa isang magandang bata. Katwiran naman niya, kapag napasok sa UP, tiyak na maraming magagandahan sa ngalang Banahaw. Tama, sabi ng kaniyang asawa, “eh pa’no kung hindi makapasa sa UP?” Siya siya.

***

Inilipat niya ang estasyon ng radyo nang magsimulang magpatugtog ng estrangherong love song ang RJ FM. Gusto niya ang anumang kategorya ng 80s. Kaya ng tamaan ng tuner ang Duran Duran, inihimpil niya dito ang tuner.

Inabala siya ng assignment ni Dr. Roland Tolentino, papel na tungkol sa spatial analysis ng unibersidad, ang pisikal na anyo ng unibersidad. Ano ang sinasabi ng espasyo sa pagitan ng pagkakahalayhay ng gusali, ng bato, ng hardin, ng retrato sa pasilyo? Pumili lamang ng isang partikular na lugar sa loob ng kampus. Tatlong pahina.

Naisip niya ang mga pasilyo ng unibersidad. Mga pasilyong gloomy. Nakabalandra ang mga retrato ng nagtapos sa iskuwelahan. Puro matatanda sa main building. Mga graduate noong panahon ng Amerikano at Hapon. Habang ang mga building sa likod gaya ng St. Joseph, medyo moderno na. 80s. Mga tipong Spanky Rigor ang hitsura ng mga lalaki at Maribeth Bichara ang mga babae. Parehong taga-TODAS ang dalawa. Todas na ang mga nasa main building. Tama, diskurso sa nanunumbat na tingin ng mga larawan ng nagtapos. Parang nagsasabi ang mga retrato sa sinumang naglalakad na, “Grumadweyt ka!” o kaya “Tingnan mo kami!” Pero hindi muna niya ito iisipin at gagawin dahil baka magtampo ang musang kanina lamang ay nagpipilit sumiksik sa isip niya.

Inilabas niya ang Sky Flakes at sinimulang ngata-ngatain.

***

Bakit Divine? Expound.

Dahil walong buwan muna ang lumipas matapos ang kasal bago mabuntis ang asawa niya. Nang magsimba sila sa Divine Mercy sa Marilao, kinausap daw ng asawa niya si Lord. Kapag nabuntis, papangalanan niyang Divine. Basta mabuntis lang. E nabuntis. Kaya Divine. Kaya kapag pinangalanan niyang Banahaw, hindi lang ang asawa ang kalaban niya, pati si Lord.

Divine. Hindi Divine Grace, hindi Divinagracia. Divine lang. Nadala na daw ang asawa niya sa mahabang pangalan. Monosyllabic kasi ang apelyido ng asawa kaya ibinawi sa haba ng pangalan ng lola niyang nagpangalan daw sa kaniya. Kaya Rosario Angela ang pangalan ng asawa niya. Pambalanse sa apelyido nitong kakarampot: Pe.

Oo nga naman. Hindi naman nila inisip na mahaba ang magiging apelyido ng mapapangasawa niya. Baka ang inisip ng lolang nagpangalan na monosyllabic din ang mapapangasawa ng kaniyang apong semi-Intsik. Nagkataong mahaba-haba ang apelyido niya, Delos Reyes. Buti nga hindi San Buenaventura. Napangiti siya sa naging pangalan ng kaniyang asawa matapos silang ikasal: Rosario Angela P. Delos Reyes. Kaya Divine ang pangalan ng anak. Para daw hindi mahirapang pag-aralang isulat kapag nag-nursery na.

***

Nang makawala na sa Alabang ang bus, noon lamang naging totoo ang pangalan nito. Naging express. May ilang bullet points na rin siyang naisulat sa pahina ng mamahaling notbuk.

Kumukulimlim. Gaya ng dapat asahan, pinipili ng musa ang pinakakomplikadong puwesto, pinaka-annoying na puwesto para mang-abala. At kumukulimlim nga. Nag-i-static na rin paminsan-minsan ang sagap ng radyo niya sa cellphone.

Isulat ang pangalan mo. Isinulat niya sa notbuk. Ipaliwanag ang mga kapangalan.

Hindi para sa kaniya ang sanaysay. Para sa anak. Sa pangalan ng anak. Naisip niya ang kaisa-isang tulang isinauli sa kaniya ng Panorama noon. Ayaw daw ng dedicatory poem ng editor ng tula, si Cirilio Bautista. Kasi naman, nilagyan niya ng “para kay...” ang ilalim ng pamagat ng tula niya noon. Para yata sa asawa niyang noon ay kasintahan pa lang niya. Sakay ng self-addressed-stamped-envelope, umuwi pabalik sa kaniya ang tula. Hindi deretsahang reject. Pero hindi rin tinanggap. Kaya reject na rin. Kung bakit ayaw ni Cirilo Bautista ng dedicatory poem, hindi na niya nalaman. Basta ang alam niya, walang makapipigil sa isinusulat niyang sanaysay na tahasang dedicated sa kaniyang anak.

Minsang nag-Google siya ng kaniyang pangalan, lumabas ang hit sa dalawang “sikat” na kapangalan niya. Una, isang pari sa Zamboanga. At iyong isa, pulis. Sa kaniya ang ikatlo. Pari, pulis, at nagpapanggap na makata: makulay na karakter kung kuwento ang isusulat. Nasubaybayan niya ang pari sa pag-Google-Google. Nitong huli, nasa Estados Unidos ang pari. Na-assign yata sa isang estadong may makapal na bilang ng Pinoy. Si tukayong pulis, na-promote na mula sa pagiging PO3, naging SPO1 na noong huli niyang hinanap sa internet ang mga katukayo. Puro balita ang kay pulis: mga imbestigasyon ng kasong hinahawakan nito sa Caloocan PNP, samantalang kay padre, mga balita ng parokya.

Ito kaya ang dahilan kung bakit hindi niya puwedeng ibayad nang express ang pag-a-apply ng NBI clearance? Kung bakit laging tatlong araw bago niya makuha ang clearance? Puwede. Pero iyon nga, hindi para sa kaniya ang sanaysay. Saka na niya gagawan ng kuwento ang tatlong tauhang may iisang ngalan. Kung ano ang silbi nito, gusto kasi niyang walang kapangalan ang anak, kaya Banahaw. Na mahirap mangyari sa isang bansang may mahigit siyamnapong milyong tao, lalo na kung generic ang pangalan: Divine, at lalong generic na generic ang apelyido: Delos Reyes, na mahulas-hulas lang nang kaunti sa napakaraming dela Cruz, del Rosario, de los Santos.

***

Pasado alas-singko, madalas nang nag-i-static ang radyo ng kaniyang cellphone at nakahinto sa stoplight sa kanto ng isang industrial subdivision at main highway sa Calamba ang Jac Liner nang isulat niya ang sumusunod na pangungusap: Dagdagan ng history ang name ni Divine. Cite nanay’s disease. Bakit Sona Purpura dapat ang pangalan ni Divine?

Buo na sa loob ng asawa niya na Divine ang ibibinyag sa anak. Pero nagkasakit noong ikawalong buwan ng pagbubuntis ang kaniyang asawa. Noong una, isang maliit at pulampulang patse lamang ang lumabas sa kaliwang binti ng asawang titser sa isang pribadong paaralan sa Lucban. Matapos ang isang araw, lumaki ang mga pulang patse. Dumami. Sumakit ang mga binti. Parang pinupulikat nang matindi. Isinugod sa ospital sa Lucena ang kaniyang asawa. Hinatulan ng gamot: cortico-steroid. Ang sakit: vasculitis o sakit na pumuputok ang ugat sa binti pataas, sabi ng doktor karaniwang sakit daw ng mga titser at mga tindera. May iba pang tawag sa sakit: purpura o purple dahil sa kulay ng balat matapos pumusyaw ang pulampulang mantsa ng dugo. Auto-immune ang sakit, ibig sabihin, walang malinaw na dahilan kung bakit nangyayari. Ang paliwanag ng doktor sa Lucena kung bakit karaniwan sa tindera at titser, dahil daw palaging nakatayo sa trabaho.

Mahigit sambuwan ding nagdusa ang kaniyang asawa sa sakit. Nang ipanganak si Divine, umabot hanggang baywang ang pamumula. Misteryo namang nawala ang sakit matapos ang ilang pagpapabalik-balik sa Manila Doctors Hospital para tingnan ng isang mamahaling espesyalista na rekomendado ng dating undersecretary ng Department of Health. Biro ng biyenan niya, dapat Sona Purpura ang pangalan ni Divine dahil nagkataong SONA ni Gloria noong ipanganak si Divine noong Hulyo 25, 2005.

***

Huminto sa tapat ng palengke ng Sto. Tomas, Batangas ang Jac Liner. Nakaramdam siya ng antok. Matatapos na ang pelikulang bida si Liam Neeson, na kaiba sa lahat ng kaniyang pelikula, action star ang ganap ng matandang bida, malayong-malayo sa “Schindler’s List.” Napuno ng pasahero ang bus. May mga pasahero nang nakatayo. Tinigilan na rin niya ang pakikinig dahil garalgal na lamang ang iniimik ng kaniyang radyo. Nirebisa niya ang isinulat. Noon lamang niya naisip kung paano magwawakas ang kaniyang isusulat na sanaysay. Itinanong niya sa musa. Walang sagot.

Isinulat niya: Hello, andyan ka pa? Hello mic test. Hello? Hello?

Wala.

Tiningnan muna niya ang nagdidilim na paligid ng Batangas. Sumandal. Pumikit. Inusal-usal ang pangalan ng anak. Binuklat ang mamahaling kuwadernong berdeng may logo ng unibersidad sa magkabilang pabalat. Dinaanan ng mata niya ang note para sa assignment ni Dr. Tolentino. Isinulat niya sa sinimulang tala: ending, paano?

Nagdidilim na. Humahamog na rin sa labas. Inihanda niya ang sarili dahil kung magbabalik ang musa, tiyak na mangungulit ito sa pinaka-awkward na pagkakataon. Maaaring habang humahataw ang bus sa highway ng Batangas at Laguna, madilim, mauga, nakakaantok. Isinilid niya sa Sagada backpack ang kuwaderno. Pumikit siya.

***

Sa Candelaria, Quezon na siya nagising. Menos kuwarto para alas-siyete. Madilim na. Heto na ang problema. Naalimpungatan ang musa. Marami pa siyang gustong isulat. Kinuha niya ang notbuk. Sa dilim, isinulat niya nang pa-hieroglyphics ang sumusunod: bibigyan ko si Divine ng pagkakataong baguhin ang pangalan niya paglaki, ang palayaw niya. Kung ayaw niya sa palayaw na Bani, okey, baguhin. Magpatawag siya sa gusto niyang palayaw. Na hindi ko nagawa sa akin. Binilugan niya ang naisulat. Bakit niya binilugan? Kung tutuusin, wala namang sustansiya ang naisulat.

Haka kasi niya, parang working title ang pangalan ng tao. Work in progress ang paglaki. Work in progress ang life. Habang tumatanda nagbabago ka. Parang Lucky Manzano na naging Luis Manzano, parang Francis na naging Chiz, parang Rustom na naging Bibi. Ang may katawan dapat ang nakaiisip ng kung ano ang magandang itawag sa kaniya. SIyempre kung bata, lalo na kung bagong silang, dapat may pansamantalang pangalan for records purposes. Para marehistro, para mag-aral, para makapagpasaporte. Pero kung pakiramdam ng may katawan na hindi nababagay sa kaniya ang Bogart, pwede niyang palitan ng Mimi, o Lovely patungong Anselmo. Dahil ang bigay na pangalan ang pangarap sa iyo ng magulang mo. Maging banal: Pedro o Jesus o Maria. Matiisin? Clara, Theresa, Lorenzo. Maton? Bruno, Trebor. Pa-cute? Twinkle o Dimple. Kaya gusto niya sanang maging Banahaw si Divine.

Hindi sasampung beses siyang nakasalamuha ng mga taong ayaw sa pangalang ibinigay sa kanila. Pinalitan, malayong-malayo sa ibininyag. Naisip nga niya minsan, ano kaya’t mag-survey siya. Sandaang tao, ilan kaya ang magsasabing gusto nila sa pangalang ibinigay sa kanila ng magulang, ng ninong o ninang, tiya o tiya, lola o lolo. Eh paano kung ayaw ni Divine sa Divine, at mas gusto ang Banahaw. Working title (o sa puntong ito, working name) lang ang lahat. Isasagawa niya ito minsan sa kaniyang mga estudyante sa Lucban. Pampatibay sa haka niyang maraming ayaw sa ibininyag sa kanilang pangalan. Pero hindi na makapaghihintay ng survey ang kaniyang isusulat. Tapos kung tapos. Ending kung ending.

Nagliwanag ang loob ng bus. Maraming bumaba sa kabayanan ng Candelaria.

***

Pinaspasan niya ang sulat habang pumapaspas ang Jac Liner. Hindi permanente ang pangalan. Temporary lang lahat. Pwede ko namang baguhin ang pangalan ko. Emilio, Andres, Ulysess, Federico. Pero bakit pinanindigan ko ang Joselito, ang baduy na Jowie?

Naisip niya, gumaganti siya sa anak. Ang hindi niya nagawa sa kaniyang working title (na noon pa niya napagdilihang mabantot pakinggan), gagawin niya sa kaniyang anak. Tama ang asawa niya, divine si Divine. Bakit nga naman hindi, pinalaki sa bahay-bata si Divine na nagkukutkot ng steroid na panlaban sa vasculitis si Angel, pero mabini pa rin ang kaniyang anak. Walang badya ng hyper-atletang kilos.

Nagdilim uli ang Jac Liner sa pagitan ng Candelaria at Sariaya. Naalala niya ang mukha ng kaniyang propesor. Gusto kaya nila ang kanilang pangalan? Rolando? Nabuwisit siya sa kaniyang sarili nang maalala ang nanghihingi ng atensiyong takdang aralin. Tumingin siya sa labas ng bus, madilim, mabilis. Dugtong-dugtong na niyugan, mga ilaw ng bahay, mga tindahan, kabit-kabit na mukha ng politiko ng Quezon, hamog sa bintanang nagpapalabo sa kaniyang paningin. Nakita niya ang mukha ng kaniyang aapat na taong gulang na anak. Naghihintay ng pasalubong. Noon niya naalalang wala siyang nabili. Hindi bale, may bukas pa namang tindahan sa Lucban pagdating niya.

Gusto niyang lumaki agad si Divine. Gusto niyang malaman kung gusto niya ang pangalang ibinigay ng kaniyang ina bilang pagtupad sa sumpaan nila ni Lord sa Divine Mercy sa Marilao. Sa puntong iyon marahil, matatapos niya ang lahat ng nais niyang isulat. Babalik ang matandang musang matampuhin pa rin. Marahil sa panibagong kuwaderno na siya susulat. Marahil sa panibagong pagkakataong hindi conducive sa pagsulat. Gaya noong kolehiyo siya. Gaya kaninang nakatayo siya sa terminal ng bus. Kaya pinunit niya ang tatlong pahinang nasulatan. Itiniklop at iniipit sa pitakang pinakapal ng mga resi-resibo at tarhe-tarheta at mga ID.

Hindi nabuo ng halos apat na oras na biyahe ang kaniyang personal na proyekto. Hindi nabuo maliban siguro sa pamagat, at kung para ito kanino.

o

Saturday, September 17, 2011

SITIO SALAMBAO: APAT NA TULANG NAGPAPAAMPON SA SITIONG MALAPIT NANG MAGING DAGAT NG BASURA

*Circa 1990. Ito 'yung panahon na nangarap akong sumulat ng kunwari ay tula. Unang tangka ko para sa isang siklo ng mga tula ang Sitio Salambao. Dalawa rito ang nalathala sa Philippine Panorama. 'Yung isa sa dalawang tula, ang "Sitio Salambao", napili ng makatang si Pete Lacaba bilang kinatawan ng Likhaan 1998, isa daw sa pinakamaayos na tulang nalathala noong panahong usong-uso ang Sentenaryo ng Rebolusyon at palaos na ang Yano ni Dong Abay at may hipon at biya pa kahit papaano sa Torres at Salambao ng Obando. Bihira na ring mag-brownout nun. Itong apat na tulang ito ay bahagi ng kalipunan ko ng tula (na mukhang imbitasyon sa kasal, sabi ng nanay ni Jerry Gracio) na inilathala ng NCCA noong 2005, ang "Ang Lungsod Namin." Bakit ko inaalala, at bakit ko ipinoste, simple lang, gagawing posonegro ng Metro Manila at Bulacan ang Sitio Salambao. May masama ba dito? Wala, ano ba naman ang sama na gawin kang tambakan ng basura, at least may legitimacy na ang presidentiable na magmumula sa Obando: pwede na siyang maligo sa dagat ng basura! Meron nang truth in advertisement. Nalulungkot ba ako? Namputakte, oo naman. Salamat kay Ginoong Red Contreras, kung sino ka mang nakatalisod sa pangalan ko sa FB. Pakibasa ang link na ito: https://www.change.org/petitions/tell-the-mayor-and-governor-to-stop-the-obando-sanitary-landfill-project.


Patungong Sitio Salambao

Maaari naman nating talaktakin

Ang makipot na pilapil

Patungo sa kubo

Pero mas gusto nating mamangka

At makipagbuno sa agos.

Natatakot tayo, at iyon ang gusto natin,

Ang kislutin ng alon

Na astang patataubin ang bangka.



Hihiyaw tayo na para bang hiyaw

Ang magsisilbing katig nito para hindi tumaob.

Natutuwa tayong makita

Ang nabibiyak na katawan ng ilog

Habang ang mga talilong at aligasin

Ay hindi magkamayaw sa paglundag

Sa humahaplit na alon.



Sandali lamang ang biyahe patawid

Sa magkaharapang pampang

Na pinaglayo ng ilog,

At sa halip na talaktakin

Ang makipot na pilapil,

Mas gusto nating sumakay

Ng bangkang hiyaw ang katig

Kasabay ng pagbigkis

Sa napunit na biyas ng tubig

Na tinatahi ng monotonong ungol

Ng bangkang de-motor.



Sitio Salambao

Kaibigan,

Kapag sumadsad na ang daong ng bangka

Sa pilapil na bilaran ng gulaman,

Dahan-dahan,

Dahan-dahan mong iangat ang katawan,

Iinat ang nangangalay na kasu-kasuan.

Bawal ang lampa pagpanhik sa pilapil.

Disenyo lamang tulos na gato,

Nanggagayumang gabay

Upang hindi ka matumba, matambog

At bumalik sa sinapupunan ng ilog.

Ngunit hindi,

Hindi dapat tabanan ang tulos,

Wari ito’y tulog na tanod.

Magpasalamat sa mga bangkero.

Huwag alukin ng pera o sigarilyo,

O kahit na ano.

Tatawanan ka lamang nila kapag ganito

At hindi ka na nila muli pang isasakay,

Sino man sa kanila, kahit kailan.

Bago yakapin ang aplaya

Basahin muna ang kuwadrong

Nakasabit sa punong hagdan ng pilapil.

Nakasaad doon ang panalangin

Sa Nuestra Señora de Salambao

Ang pagsalubong, o kahit anong baon,

Lahat ng hanap mo’y naroon –

Sigarilyo, alak, pagkain.

Kadalasan nga’y iyon pang lumilisan

Sa sitio ang may bitbit pauwi

Basta ang mahalaga

Suot mo ang iyong ngiti

At kaibigan, dapat

Bagong hugas ang iyong budhi.


Ang Kapilya ng Sitio

Nasa kabilang pampang ang kapilya.

Hinahati ng ilog ang kaniyang entresuwelo

Mula sa mismong sitio.

At doon, tuwing Sabado ng hapong

Minimisahan ito, nakahilera

Ang mga bangka at kaskong

Sunong ang mga tao.

Kung madaraan kayo roon,

Aakalain ninyong isa lamang itong

Kubong tanuran sa mga ekta-ektaryang palaisdaan.

Matingkad na berde sa umaga,

Malamlam sa dapithapon lalo kung taglugon

Ang mga diyakos at baklad.

Magkagayon man, engkargado itong

Bumabantay sa mga huli ng magdamag,

Hindi napupundihan ng ningas,

Isang punggok na parolang

Giya ng mga papalaot

O yaong mamamalakayang

Namamaybay na sa pagtulog.

Ang andana ng entrada

At kinukulapulan ng lumot.

Halos halikan na ng tubig ang lapag

Lalo’t Agosto, o sa tuwing panay ang ulan.

Bunga nito’y dumudulas ang simbahan,

Pinapayagan na lamang ng mga mamamayan

Dahil, anila, pagkain ng isda ang lumot,

At hindi naman abala sa pagluhod.

Hunyo a-beinte kuwatro ipinagpipista ang kapilya,

Kasabay sa bendisyon ni San Juan Bautista,

At kaalinsabay nito, magbibihis ang buong sitio.

Pipintahan muli ng berde ang buong simbahan,

Kakalembang muli ang kampanang

Isinabit sa tatlong bukawe,

At buong araw na mananalangin ang mga tao

Na nawa’y ipag-adya sila sa mga habagat

At sa mga unos sa hinaharap.


Inuman sa Sitio

Iikot ang tagay

Na parang walang anumang pabigat ang dibdib.

Marahil ay sinaid ng hapo ang lahat,

Sumabit sa mga lambat

O nanabi sa mga katig at timon.

Minsan, may mangilan-ngilang

Usapang mangingibabaw–

Sayad ang pakyaw ng hipon;

Malalim ang subsob ng tatampal;

May nabakanteng pamuwisan;

Matabang ang talaba dahil buong linggong

Naghahamog at umulan,

At iba pa. At ako’y estranghero sa lahat.

Ni hindi ko kayang pandawin ang agipot at baklad.

Malalim ang tubig at mahina ang aking pulmon

Sa pagsisid ng lawayan o nabalinghat na timon.

Ang tangi ko lamang yatang kaya

Sa pagkakataong ito ay makinig sa kanila–

Sa kantiyaw, hinaing, mga panalangin.

Manakanaka lamang ang inumang ito,

Kapag may hipon, o alimasag,

O tatampal na luno

Na puwedeng papakin upang maalis

Ang pait-anghang ng gin.

Mas mabuti kung matataon ang inuman

Kung masigla at nagmamalaki ang buwan,

Kalat ang isda, hindi mabibigkas ng kolman,

O masusuyod ng sudsod.

Matatapos ang inuman

Bago mag-inat ang umaga.

Uuwi sa kani-kanilang bahay

Sakay ng bangka.

Aasam na huwag na muling magtagpo

Mamaya sa panibagong inuman, sa ibang bahay.

Bagkus magkita sa laot kung mahihimbing

O may piring ng ulap ang buwan.

At ipagpasalamat sa patron

Ang mahuhuling kawan-kawan.

Wednesday, August 24, 2011

Lucban: A Q'linary Journey



(Orihinal na nalathala ang artikulong ito sa Balikbayan Magazine na hanggang ngayon ay wala akong kopya at hindi ko rin alam kung saang talipapa bibilhin. Note sa mga larawan: ako lahat ang kumuha, gamit ang sarili kong camera, despues, akin. Siyempre maliban dun sa retrato ko na kinuhanan ni Pastor Noel Suministrado gamit ang sarili niyang camera despues, kaniya, pero may pahintulot na gamitin ko dahil pagmumukha ko ang nakabalandra.)

It is not a Baguio trip without the saccharine peanut and strawberry jam, the eternal everlasting garlands, and the stiff walis tambo; a Cebu excursion without the sodium-rich dangit and the dried tangy mangoes; a Bacolod sojourn without the flaky piaya; a Davao escapade without the flavorful scent of candy durian as signature pasalubongs. The same biyaherong Pinoy code of conduct applies to Lucban without the garlicky longganisa in tow.



But aside from munchies, why would you visit this rain-drenched town at the eastern fringe of Mount Banahaw? Topping the list of the draw is the now big-time corporate advertising event Pahiyas festival every 15th of May. This annual telecom-liquor-soy sauce sponsored affair, complete with dance contests, various product samplings, on-site noontime variety shows, and emo-rock concerts on the street, honors San Isidro Labrador, the patron saint of farmers. Pahiyas is one of Las Filipinas’ fiesta centerpieces and a haven for newby photographers who want to prove their DSLR’s mettle and their photographic eyes’ worth. To take part in the tradition and aesthetic competition, houses along the procession route are ornately designed with colorful rice crispies called kiping. Heated in medium coal-fire, kiping may be a suitable source of extra carbo after a long walk at this summer heat festivity because vehicular and humanity queue can reach full-marathon distance. Since kiping is made of rice and food color, one should not expect a grand spice explosion in crunching the razor-thin crisps that is usually molded out of a kabal leaf.


Second reason for a Lucban sortie is Kamay ni Hesus, a pilgrimage site carved out of an imposing hill beside the national highway. This two hundred plus steps of an ascending Via Crusis houses the third biggest statue of Jesus Christ in the world. Aside from the Way of the Cross and the chapel, Kamay ni Hesus is also a venue for spiritual retreats. One can wander and contemplate the magnificence of earth’s bounty, not to mention the Great Flood feel in a concrete replica of Noah’s ark turned dormitory for soul searchers. Resident healing priest, Fr. Joey Faller, heads the flock of faithfuls who seek healing of their physical, emotional, spiritual, and sometimes financial ills. During Semana Santa, the mound from afar resembles an anthill crammed with pilgrims. Traffic in Lucban during this holy occasion reaches half-marathon distance made worse by vendors that slowly inch their way to the church at the town center and at the Kamay ni Hesus grounds selling wares ranging from native hats to hammock to telescopes and bootlegged you-know-what’s. Schedule of healing masses can easily be checked at your friendly neighborhood search engines.


If Pahiyas and Kamay ni Hesus are not reasons enough to visit this thousand-plus-feet elevation of a town where a jacket and an umbrella is part of the normal get-up, then the numerous icy spring resorts is a good excuse to have a weekend stay in this place named after a citrus fruit synonymous to suha or pomelo. Just a four to five hour commute from the smoggy metro, Lucban now offers recreational and adventure facilities to the city-weary in search of cleaner air and better back drops for their social network account’s profile photos. Room rates fluctuate from a high of a thousand plus pesos—Patio Rizal Hotel at the heart of Ilaya, the town-center, and Batis Aramin resort-hotel now etched with a mountain bike trail, wall climbs, and zip line—to a few hundred bucks for rooms barely the length of an out-stretched arm and a half. Or you may want to check out and be a witness to the hostility between Tayabas’ Nawawalang Paraiso Resort and Lucban’s Natagpuang Paraiso Resort. Forget about reserving a room for a stay during Semana Santa, and worse, Pahiyas; it’s next to Azkals whacking Ronaldo and Ronaldinho's Brazil, 4-0, or Manila hosting the 2028 Olympics. Almost all rooms are reserved going to the next millennium of Pahiyas.


For adrenaline-enhanced nature trip, Lucban offers a number of waterfalls deeply entrenched in the few remaining primal flora and fauna gardens at the outskirts bordering the town of Sampaloc. For a two-hour leg-grinding butt-slamming trek, the pristine waterfalls of Maapon River is surely a generous prize for an arctic bath and a cascade of “likes” in your Facebook photo album. Just don’t forget to commission a guide or two at the barangay hall of Piis or Aliliw because challenge is an understatement for the usual slippery, criss-crossing, and sometimes quadricep-deep muddy path leading to Maapon falls. Also, you may want to immerse at the sprawling College of Forestry laboratory of Southern Luzon State University above town, the laboratory is also known by its more common name of Banahaw de Lucban. Special arrangements should be made to university authorities before scaling the protected mystical mountain where myth has it, alien crafts abound and anting-antings can be recharged like your typical consumer electronic blings.



Food-trip




You cannot mention to someone in a single breath that you have been to Lucban without citing the diet guilt-laden longganisa and pansit habhab you downed with impunity. But of course there’s more to Lucban than the standard longganisa and pansit which lately have been creeping Metro Manila courtesy of Buddy’s: Lucban’s swanky gustatory envoy in Timog Avenue, Ortigas, Makati, and some yuppy places. Aside from longganisa and the vinegar-spiked pansit habhab (it’s not the spices nor the noodles, habhab, a verb, is chomping the fist-sized and saucy serving of noodles in banana leaf straight to your mouth, yes, no forks, and yes, awkward and sometimes disgusting for first-timers), Lucban also offers broas (arguably better than graham crackers in preparing your fridge cake), Venn’s heat-inducing puto seko topped with margarine and melt-in-your-mouth meringue, buttery and milky tikoy (more of a kalamay than your average Chinese New Year version), and hardinera pork meat cake.



For a more daring craving, Lucban public market, which undergone a major facelift, presents an arsenal of delicacies such as sinantol or pork innards cooked in pork blood, pinangat or sardines wrapped and cooked in gabe leaves, pinais or shreds of tender coconut meat sauted in kamamba leaves, tamales or ricecake steamed in flavorful meat broth, and tenderly boiled carabao skin and meat in veggies. For the really wild, conservationists excluded, there’s a cute turtle for you. Yes, freshwater turtle sour stew washed with Lucban’s favorite spirit: lambanog, which, gallons upon gallons, you can make a score so cheap it’s like actually being given free. But remember, freshwater turtle is not, and I believe, won’t be a mainstay in the public market lest it picks DENR’s gripe, although some veteran lambanog guzzler will guide your way through the labyrinthine, and almost black-market trade of these hapless pong pagongs. And did I mention adobo and deep fried bats (yes, Batman and Dracula, your minions) on premium invitation-only rounds of alcohol drinking binge?


To and fro




Since pump prices are a bit weighty and toll fares at SLEX continuously flares, here are some of the commuting tips coming from a part-time resident of this damp town: for day and sight-seeing travelers from the metro, you can find the terminals of buses bound for Sta. Cruz, Laguna at the corner of Gil Puyat and Taft avenues; and Edsa-Cubao before the intersection of Aurora Boulevard. After the almost three hour traffic-free trip (do I hear “Next to impossible!”?) to Sta. Cruz, Laguna, ride the 44-seater jeepney (yes, forty-four, two four’s, not a typo-error) going to Lucban. But before lodging into the diesel and daredevil behemoth, buy a pack or two of cassava chips being peddled at the jeepney terminal or a pocketful of military-strength menthol candies and gums to make your mouth busy during the trip. The current forty-five peso fare is basically inexpensive considering the exhilarating one-hour turnpikes, vomit-inducing, and uphill journey through the towns of Pagsanjan, Cavinti, and Luisiana in Laguna over the ocean of coconut trees below, before arriving at the misty breeze of Lucban. You may also ride the Legarda buses bound for Infanta, Quezon (which traverses Ortigas Avenue going to Antipolo) through the scenic Manila East Road overlooking Laguna de Bay of Rizal Province and eastern Laguna towns before transferring bus going to Lucena at a national highway crossroad at Famy town. Again, keep your travel-sickness bags handy unless you want to review your half-digested pre-voyage meal.


For an after-office hour journey, the old reliable Bicol road is the way. Lucena-bound buses which are equipped with sub-zero airconditioning units fit for frozen meats also have terminals at the corner of Gil Puyat and Taft avenues and at the corner of Kamias Road and Edsa in Quezon City. This occasionally wifi-ready but unexciting journey—lest the bus showcased exciting movies, but it usually is a dull B-action flick—will take you to the crossroad of Lucena and Tayabas roads in four hours. Mammoth jeepneys that negotiate this steep, smooth, and horrifyingly dark 40-minute route going to Lucban don’t usually leave in schedule after ten in the evening unless you rent the metal hulk for six hundred a pop compared to individual fare of thirty bucks with full contorting passengers.



After this nuclear winter trip and after checking-in at your weekend dig, and after a spicy plate of fried rice topped with carabao tapa at nearby Chito’s, maybe you’re just in time for a swig of house-specialty chilled and slightly flavored lambanog at Cafe San Luis before it closes around midnight. And maybe, just maybe, you will find me at the corner table of that cozy mango-tree roofed watering hole with friends and former colleagues, or alone pounding my dilapidated lappy, walloping my equally dilapidated neurons out for my next article, this time not about my adopted humid hometown.#



Before teaching Filipino at the University of Santo Tomas Faculty of Engineering, the author taught literature and social science subjects at the Southern Luzon State University in Lucban. He is a few deep sighs away from his master’s degree in Philippine Studies at the De La Salle University. Although the author is from Valenzuela, his wife, Angela, is a high school physics teacher at Lucban Academy and his grade one daughter, Divine, is having a time of her life at Paaralang Elementarya ng Lucban 1. He maintains this site.

Tuesday, July 5, 2011

Register ng Wika ni Mang Ermin, Mangingisda ng Obando

Narito ang halimbawa ng papel na iuulat at ipapasa ninyo sa akin:

ANG REGISTER NG WIKA NI MANG ERMIN, MANGINGISDA NG OBANDO

Ang sabjek
Matagal ko nang nakikita sa punduhan ng isda si Mang Ermin. Nakatatanguan at nakangingitian ko siya sa tuwing tumitingin ako ng isda sa Obando. Pero hindi ko alam ang tunay niyang pangalan. Fermin T. Manalaysay pala. 45 taong gulang. Sa Barangay Salambao sa Obando siya nakatira, barangay na binabangka pa para marating ng mga nakatira sa kabayanan ng Obando.

Halos buong buhay na siyang nangingisda. Pangingisda ang kaniyang ipinambubuhay sa kaniyang pamilya kung kaya naman nakapag-aaral ng accountancy ngayon ang kaniyang panganay na anak na si Paulo sa Mapua. Pero hindi raw niya ito ginawang mag-isa, katulong daw niya ang kaniyang kabiyak na si Cecil, isang guro sa hayskul.
Hindi naman daw talagang taga-Obando ang pamilya ni Mang Ermin. Taga-Hagonoy, Bulacan ang kaniyang mga magulang. Nagawi lamang sila sa Obando nang mandayuhan ang kaniyang mga magulang. Nagbantay ng palaisdaan sa Binuangan, isang barangay din sa Obando. Hindi na daw bumalik ang kaniyang pamilya sa Hagonoy sa kabila ng marami nilang kamag-anak sa bayang iyon.

Maliban kay Paulo, ang kaniyang panganay na anak, itinataguyod din nila ang kanilang anak na si Mae, nasa unang taon ng hayskul sa Obando.

Tatlong beses isang linggo kung mangisda si Mang Ermin. Sakay ng kaniyang bangka, papandawin o huhulihin niya ang mga isda gamit ang iba’t ibang uri ng lambat. Matapos ang paghuli, dadalhin na niya ito sa punduhan o bagsakan ng isda, parang palengkeng wholesale ang bilihan. Sa punduhan namimili ang mga tindera ng isda sa palengke.

Dahil sa pagsusumikap nilang mag-asawa, nakapagpundar na sila ng isang maliit na bangka na mayroong makinang single-piston. Hindi na raw muna inaasahan ni Mang Ermin na makapgpundar ng isa pang bangka, o ng malaki-laking bangka, uunahin muna daw nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Makapaghihintay daw ang bangka ngunit hindi ang edukasyon ng kanilang mga anak. Huwag lang daw masira ang bangka, at huwag lang silang magkakasakit ng malubha, maaaring tuloy-tuloy pa daw ang kaniyang pagta-trabaho.

Nang tanungin ko kung tinuturuan ba niyang mangisda ang kaniyang anak sa pagitan ng pag-aaral sa Mapua, oo daw. Pero hindi iyong tipo na gagawin daw na panghanap-buhay ang pangingisda. Kaya daw niya pinag-aaral ang kanilang mga anak ay upang umasenso. Ginagawa daw niyang isama si Paulo sa pangingisda upang maintindihan daw nito na hindi madali ang pagkita ng pera na ipantutustos sa kaniyang pag-aaral. Upang mapahalagahan daw ang kaniyang paghihirap.

Ang mga sitwasyon
Gaya na ng nabanggit ko na sa simula ng papel na ito, lagi ko nang nakikita si Mang Ermin, pero hindi ko siya nakakausap sa lebel na may kinalaman sa aking pag-aaral. Nang lapitan ko siya sa punduhan noong madaling araw ng Hunyo 24, sinabi kong may suliranin ako sa aking klase. Natawa siya. Akala yata ay nagbibiro ako. Bakit daw siyang walang pinag-aralan ang lalapitan ko kung may problema ako sa klase. Oo nga naman.

Bumili ako ng kape, dalawa. Kaya kahit mukhang ayaw ni Mang Ermin, napilitan na rin siyang inumin ang tigsasampung pisong kape. Ipinaliwanag ko ang pakay ko. Sabi ko, makikipagkuwentuhan lang ako at mula sa kuwentuhan, pipili ako ng mga salitang hindi ko maintindihan o palagay ko’y hindi maiintindihan ng aking guro o ng aking mga kaklase. Sabi ko, hindi rin ako mang-aabala, kung kailangan na niyang magtrabaho, siyempre, dapat iyon ang prayoridad at hindi ang aking proyekto. Sabi ko rin na hindi dapat siya ma-conscious sa aming kuwentuhan. Relax lang kumbaga. Iyong parang wala lang.

Matapos naming masimot ang kape bago mag-alas-sais ng umaga, isinama niya ako sa kanilang bahay sa Salambao, mga labinlimang minutong pamamangka rin. Gising na ang sawa niyang guro pero tulog pa ang kaniyang mga anak. Wala daw pasok ang nag-aaral sa Mapua, si Paulo, at panghapon naman ang kanilang bunso, si Mae. Nagsangag at nagprito siya ng isda. Doon na daw ako mag-aagahan. Habang nag-aagahan, nakipagkuwentuhan ako sa kanilang mag-asawa.

Sinimulan namin ang kuwentuhan sa mga bagay na alam ko na, ang Obando kung saan galing ang aking ina. Ikinuwento ko ang aking mga pinsan na taga-Obando na hindi nakikipagtakang kakilala rin niya dahil maliit lang naman ang bayang ito. Sinabi ko na dito rin halos ako lumaki, na minsan ding nangisda ang aking amang dating pulis. Matapos nito ay magaan na siyang nagkuwento: ang kaniyang pamilya, pinanggalingang bayan ng Hagonoy, pang-araw-araw na pamumuhay, at may nasingit pang lovelife niya! Nagtanong din ako tulad halimbawa ng mga suliranin na dumarating sa isang mangingisda. Nagtanong ako ng mga mumunting gawain na may kinalaman sa kaniyang gawain, munting gawain sa kaniya ngunit napakalaking tulong sa aking proyekto.

Natapos ang aming kuwentuhan bandang alas-otso. Sumabay ako sa bangka dahil ihahatid din niya ang kaniyang asawang guro sa bayan. Bago pa kami maghiwalay, sinabi kong babalik ako kasama ang aking mga kagrupo. Napagkasunduan namin ang darating na Sabado ng hapon sa may punduhan.

Dumating kami ng higit na maaga kaysa napagkasunduang oras. Nakahanda na ang aming panulat at cellphone na magre-record ng kaniyang paliwanag hinggil sa mga register ng wika na ginamit niya noong kuwentuhan namin. Kasama niya si Mae nang siya ay dumating. Inaya namin sila sa mamihan para doon makapg-kuwentuhan. Tumanggi siya dahil may pupuntahan daw silang mag-ama, sa SM Marilao para bilhin ang gamit ng kaniyang anak. Naroon na raw sila Paulo at ang kaniyang asawa. Hindi man sabihin, alam naming nagmamadali sila. Kaya minadali na lamang namin ang pagtatanong. Matapos ang halos sampung minuto, nagawa naming malaman ang kahulugan ng mga terminong lagi niyang ginagamit sa kaniyang trabaho.
Nagpakuha kami ng larawan. Sa puntong ito, masaya ang lahat. Tawanan. Handa sa pag-pose.

Bago umalis sila Mang Ermin at ang kaniyang bunso, iniabot namin ang aming munting token para sa kaniya, pasasalamat sa aming pang-abala sa kaniya. Dahil nabanggit niya noong una ko siyang makausap na madalas silang uminom ng alak ng mga kasama niyang mangingisda, bumili kami ng keychain na mayroong pambukas ng de-bote. Nagpasalamagt siya at mabilis na sumakay ng dyip. Samantala, nagkaniya-kaniya kami ng gawain ng aking mga kaklase.

Ang register ng wikang ginamit ni Mang Ermin

ENGKARGADO. Pangngalan. Taong katiwala sa isang palaisdaan. Siya ang nagsisilbing manager ng palaisdaan. Siya ang kinokonsulta ng may-ari ng palaisdaan kung puwede na bang hulihin ang isda. Ang engkargado rin ang may kinalaman sa paghanap ng mga taong huhuli sa isda, siya rin ang nagpupundo ng isda kasama ng may-ari.
Gamit sa pangungusap: Kinuhang Engkargado ng daan-daang ektaryang palaisdaan ng pamilya Locsin ang mga magulang ni Mang Fermin kaya napadpad sila ng Obando.

HAYUMA. Pandiwa. Paraan ng pagtahi at/o pagdurugtong ng lambat. Pagkumpuni ng punit o sirang lambat gamit ang matibay na taling nylon at plastik na mistulang malaking karayom. Panghinaharap: hahayumahin. Pangkasalukuyan: Hinahayuma. Pangnakaraan: Hinayuma.
Gamit sa pangungusap: Dahil sa lakas ng bagyo, napunit ang lambat ng palaisdaan, maghapon tuloy naghayuma si Mang Ermin para magamit uli ang kaniyang lambat.

KATIG. Pangngalan. Pambalanse sa bangka upang hindi tumaob. Noon, karaniwan itong gawa sa kawayan, ngayon, marami na ang gumagamit ng pvc pipe dahil higit itong matibay kaysa kawayan. Matatagpuan itong tila nakabukang pakpak ng isang bangka sa tagiliran.
Gamit sa pangungusap: Huwag kayong malikot! Baka tumaob ang bangka dahil walang katig.

MASAMANG TUBIG. Pang-uri. Paglalarawan sa tubig na biglang nagbago ang temperatura, halimbawa ay mainit at biglang umulan o lumamig ang panahon. Lumulutang ang isda at namamatay sa pagsama ng tubig. Trahedya ito sa pamamalaisdaan dahil sa paglutang ng isda, dapat itong hulihin agad kahit na maliliit at hindi pa panahon ng pag-ani. Kung hindi, mamamatay ang isda at hindi naito maibebenta. Nitong huli, hindi na lamang biglaang pag-init o paglamig ng tubig ang dahilan ng masamang tubig. Nagiging dahilan na rin ng masamang tubig ang basura, langis, at iba pang uri ng polusyong karaniwan ay dahil sa kapabayaan ng tao.
Gamit sa pangungusap: Dagsa ang bangus sa palengke, napakamura pero sobrang liliit. Sumama kasi ang tubig kagabi dahil biglang umulan. Tiyak, marami ang magdadaing para tumagal ang ulam.

PAMUWISAN. Pang-uri. Mga palaisdaang hindi ginagamit ng may-ari kaya pinaparentahan (o lease sa Ingles) sa ibang nais mamuhunan sa negosyong palaisdaan. Taunan ang pamumuwis at karaniwang ang sukatan ay kada ektarya. Dati, impormal naisasagawa ang pangungupahan sa pamuwisang palaisdaan, impormal dahil walang kontrata, ngunit sa kasalukuyan, bihirang pamuwisang palaisdaan ang walang kontrata upang maging maayos ang usapan.
Gamit sa pangungusap: Pamuwisan na pala ang mga palaisdaan ng pamilya Ramos buhat nang mag-migrate sila sa Amerika. Interesado ako. Magkano kaya ang kada ektarya?

PRINSA. Pangngalan. Pinto ng palaisdaan. Ang pinakamalalim na bahagi ng palaisdaan. Dito dumadaan papasok o palabas ang tubig mula o patungo sa ilog. Karaniwan itong kinakabitan ng bomba ng tubig para kontrolado ang paglabas ng tubig. Dati, iniaasa lamang sa tubig na bata (o matanda) ang paglaki o pagliit ng tubig sa palaisdaan. Mahalaga ang pagpapasok o pagpapalabas ng tubig sa palaisdaan upang matimpla ang ligamgam o temperatura ng tubig upang lumaki nang maayos ang isda o para hindi mamatay ang isda.
Gamit sa pangungusap: Huwag kang lumangoy malapit sa prinsa, baka ka mamulikat, sobrang lalim ng bahaging iyan.

SINGLE-PISTON. Pangngalan. Makina ng bangka na may iisang piston. Kauri nito ang de-sais o de-otsong makina. Habang tumataas ang bilang, lumalakas din ang makina. Higit na malayo ang mararating ng bangka ngunit lumalakas naman ang konsumo ng krudo. Ang single-piston ay bangkang pangmalapitan. Samantala, ang de-sais at de-otso ay yaong nakatatawid ng ibang probinsiya gaya ng Bataan, Cavite, at Pampanga.
Gamit sa pangungusap: Talagang asensado na si Mang Ermin, nagsimula lang siya sa pagsagwan, naging single-piston, ngayon ay de-otso na ang kaniyang gamit.

SUDSOD. Pandiwa. Paraan ng paghuli sa isda na sinusuyod ang ilalim ng dagat. Ito ang paraan ng panghuli sa alimasag.
Pangngalan. Tawag sa bangkang ginagamit na panghuli ng alimasag. Bangka itong may kakayahang sudsurin ang buhangin o putik sa ilalim ng dagat upang mahuli ang mga alimasag na nagtatago sa buhangin o putik sa ilalim ng dagat. Panghinaharap: susudsurin. Pangkasalukuyan: sinusudsod. Pangnakaraan: sinudsod.
Gamit sa pangungusap: Bagong gawa ang sudsod ni Mang Ermin kaya tiyak na marami siyang masusudsod na alimasag mamayang gabi.

TALIKTIK. Pandiwa. Paraan ng pagre-reinforce sa pilapil ng ilog o palaisdaan upang tumibay gamit ang masinsing pagtutusok ng buong kawayan sa gilid ng pilapil. Paraan din ito upang hindi lumubha ang epekto ng erosion sa pilapil. Panghinaharap: tataliktikan. Pangkasalukuyan: tinataliktikan. Pangnakaraan: tinaliktikan.
Gamit sa pangungusap: Nagpapahanap ng trabahador si Mang Ermin, patataliktikan daw niya ang bagong gawang pilapil. Lima daw ang kailangan niya para madaling matapos ang pagawain.

TALIPTIP. Pangngalan. Organismong kumakapit sa kahit saang nababasa ng tubig-dagat. Tumitigas itong parang bato, dapat ingatan dahil matalim na parang bubog kaya nakahihiwa ng palad at talampakan. Bagamat matigas, malutong naman ito, mistulang babasagin kaya ang bangkang makapitan ng taliptip ay nasisira sa katagalan. Kaya dapat laging lilinisin ang bangka upang hindi kapitan ng taliptip.
Gamit sa pangungusap: Hindi makapangisda si Mang Ermin, nasira kasi ang katawan ng bangka niyang kinapitan ng taliptip. Matagal na kasi niyang hindi nalilinis ang bangka.

TIKIN. Pangngalan. Tuwid na tuwid na kawayan na ginagamit para iporma ang bangka bago paandarin ang makina nito.
Gamit sa pangungusap. Hindi biro ang gumamit ng tikin, kailangan ang pag-aaral nang husto, kung hindi baka matumba ka at mahulog sa ilog.

TUBIG NA BATA (O MATANDA). Pang-uri. Ang register ng popular na tide o tabsing. Dalawa ang high tide sa loob ng dalawampu’t apat na oras. Ang sa umaga ay tinatawag na tubig na bata, ang sa hapon o gabi ay tubig na matanda. Kritikal ang pag-alam kung kailan darating ang tubig na bata (o matanda) dahil dito nakasalalay kung anong oras ang gagawing paghuli sa isda, o kung kailangang magbawas o magdagdag ng tubig sa palaisdaan.
Gamit sa pangungusap. Hindi tayo puwedeng manghuli ngayon, paparating na ang tubig na bata. Hintayin natin ang pagliit bago tayo magsimulang manghuli ng isda.