Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Saturday, September 17, 2011

SITIO SALAMBAO: APAT NA TULANG NAGPAPAAMPON SA SITIONG MALAPIT NANG MAGING DAGAT NG BASURA

*Circa 1990. Ito 'yung panahon na nangarap akong sumulat ng kunwari ay tula. Unang tangka ko para sa isang siklo ng mga tula ang Sitio Salambao. Dalawa rito ang nalathala sa Philippine Panorama. 'Yung isa sa dalawang tula, ang "Sitio Salambao", napili ng makatang si Pete Lacaba bilang kinatawan ng Likhaan 1998, isa daw sa pinakamaayos na tulang nalathala noong panahong usong-uso ang Sentenaryo ng Rebolusyon at palaos na ang Yano ni Dong Abay at may hipon at biya pa kahit papaano sa Torres at Salambao ng Obando. Bihira na ring mag-brownout nun. Itong apat na tulang ito ay bahagi ng kalipunan ko ng tula (na mukhang imbitasyon sa kasal, sabi ng nanay ni Jerry Gracio) na inilathala ng NCCA noong 2005, ang "Ang Lungsod Namin." Bakit ko inaalala, at bakit ko ipinoste, simple lang, gagawing posonegro ng Metro Manila at Bulacan ang Sitio Salambao. May masama ba dito? Wala, ano ba naman ang sama na gawin kang tambakan ng basura, at least may legitimacy na ang presidentiable na magmumula sa Obando: pwede na siyang maligo sa dagat ng basura! Meron nang truth in advertisement. Nalulungkot ba ako? Namputakte, oo naman. Salamat kay Ginoong Red Contreras, kung sino ka mang nakatalisod sa pangalan ko sa FB. Pakibasa ang link na ito: https://www.change.org/petitions/tell-the-mayor-and-governor-to-stop-the-obando-sanitary-landfill-project.


Patungong Sitio Salambao

Maaari naman nating talaktakin

Ang makipot na pilapil

Patungo sa kubo

Pero mas gusto nating mamangka

At makipagbuno sa agos.

Natatakot tayo, at iyon ang gusto natin,

Ang kislutin ng alon

Na astang patataubin ang bangka.



Hihiyaw tayo na para bang hiyaw

Ang magsisilbing katig nito para hindi tumaob.

Natutuwa tayong makita

Ang nabibiyak na katawan ng ilog

Habang ang mga talilong at aligasin

Ay hindi magkamayaw sa paglundag

Sa humahaplit na alon.



Sandali lamang ang biyahe patawid

Sa magkaharapang pampang

Na pinaglayo ng ilog,

At sa halip na talaktakin

Ang makipot na pilapil,

Mas gusto nating sumakay

Ng bangkang hiyaw ang katig

Kasabay ng pagbigkis

Sa napunit na biyas ng tubig

Na tinatahi ng monotonong ungol

Ng bangkang de-motor.



Sitio Salambao

Kaibigan,

Kapag sumadsad na ang daong ng bangka

Sa pilapil na bilaran ng gulaman,

Dahan-dahan,

Dahan-dahan mong iangat ang katawan,

Iinat ang nangangalay na kasu-kasuan.

Bawal ang lampa pagpanhik sa pilapil.

Disenyo lamang tulos na gato,

Nanggagayumang gabay

Upang hindi ka matumba, matambog

At bumalik sa sinapupunan ng ilog.

Ngunit hindi,

Hindi dapat tabanan ang tulos,

Wari ito’y tulog na tanod.

Magpasalamat sa mga bangkero.

Huwag alukin ng pera o sigarilyo,

O kahit na ano.

Tatawanan ka lamang nila kapag ganito

At hindi ka na nila muli pang isasakay,

Sino man sa kanila, kahit kailan.

Bago yakapin ang aplaya

Basahin muna ang kuwadrong

Nakasabit sa punong hagdan ng pilapil.

Nakasaad doon ang panalangin

Sa Nuestra SeƱora de Salambao

Ang pagsalubong, o kahit anong baon,

Lahat ng hanap mo’y naroon –

Sigarilyo, alak, pagkain.

Kadalasan nga’y iyon pang lumilisan

Sa sitio ang may bitbit pauwi

Basta ang mahalaga

Suot mo ang iyong ngiti

At kaibigan, dapat

Bagong hugas ang iyong budhi.


Ang Kapilya ng Sitio

Nasa kabilang pampang ang kapilya.

Hinahati ng ilog ang kaniyang entresuwelo

Mula sa mismong sitio.

At doon, tuwing Sabado ng hapong

Minimisahan ito, nakahilera

Ang mga bangka at kaskong

Sunong ang mga tao.

Kung madaraan kayo roon,

Aakalain ninyong isa lamang itong

Kubong tanuran sa mga ekta-ektaryang palaisdaan.

Matingkad na berde sa umaga,

Malamlam sa dapithapon lalo kung taglugon

Ang mga diyakos at baklad.

Magkagayon man, engkargado itong

Bumabantay sa mga huli ng magdamag,

Hindi napupundihan ng ningas,

Isang punggok na parolang

Giya ng mga papalaot

O yaong mamamalakayang

Namamaybay na sa pagtulog.

Ang andana ng entrada

At kinukulapulan ng lumot.

Halos halikan na ng tubig ang lapag

Lalo’t Agosto, o sa tuwing panay ang ulan.

Bunga nito’y dumudulas ang simbahan,

Pinapayagan na lamang ng mga mamamayan

Dahil, anila, pagkain ng isda ang lumot,

At hindi naman abala sa pagluhod.

Hunyo a-beinte kuwatro ipinagpipista ang kapilya,

Kasabay sa bendisyon ni San Juan Bautista,

At kaalinsabay nito, magbibihis ang buong sitio.

Pipintahan muli ng berde ang buong simbahan,

Kakalembang muli ang kampanang

Isinabit sa tatlong bukawe,

At buong araw na mananalangin ang mga tao

Na nawa’y ipag-adya sila sa mga habagat

At sa mga unos sa hinaharap.


Inuman sa Sitio

Iikot ang tagay

Na parang walang anumang pabigat ang dibdib.

Marahil ay sinaid ng hapo ang lahat,

Sumabit sa mga lambat

O nanabi sa mga katig at timon.

Minsan, may mangilan-ngilang

Usapang mangingibabaw–

Sayad ang pakyaw ng hipon;

Malalim ang subsob ng tatampal;

May nabakanteng pamuwisan;

Matabang ang talaba dahil buong linggong

Naghahamog at umulan,

At iba pa. At ako’y estranghero sa lahat.

Ni hindi ko kayang pandawin ang agipot at baklad.

Malalim ang tubig at mahina ang aking pulmon

Sa pagsisid ng lawayan o nabalinghat na timon.

Ang tangi ko lamang yatang kaya

Sa pagkakataong ito ay makinig sa kanila–

Sa kantiyaw, hinaing, mga panalangin.

Manakanaka lamang ang inumang ito,

Kapag may hipon, o alimasag,

O tatampal na luno

Na puwedeng papakin upang maalis

Ang pait-anghang ng gin.

Mas mabuti kung matataon ang inuman

Kung masigla at nagmamalaki ang buwan,

Kalat ang isda, hindi mabibigkas ng kolman,

O masusuyod ng sudsod.

Matatapos ang inuman

Bago mag-inat ang umaga.

Uuwi sa kani-kanilang bahay

Sakay ng bangka.

Aasam na huwag na muling magtagpo

Mamaya sa panibagong inuman, sa ibang bahay.

Bagkus magkita sa laot kung mahihimbing

O may piring ng ulap ang buwan.

At ipagpasalamat sa patron

Ang mahuhuling kawan-kawan.

No comments: