“Parang nu’ng college,” naisip niya. Parang noong college na mistulang madali pang pumasok ang lahat ng idea, hilaw man o hinog. Parang college na madali siyang makapagsulat. Na, pakiramdam niya, maraming puwedeng isulat. Napangiti siya, ito na yata ang idea para sa kaniyang long-delayed na proyekto para sa anak.
Matagal na nawalay ang ganoong tensyon, ang pagmamadali sa paghanap ng panulat at masusulatan. At kapag naglambing ang panulat, tiyak na hindi maayos ang kaniyang puwesto, gaya nga noong college: sa LRT, sa FX at PUJ, kapag nagtatalakay ang guro, kapag naeebak, kapag nag-aabang ng masasakyan, kapag naghahatid ng girlfriend, kapag nanonood ng sine, kapag naglalakad sa baha, kapag tinatawid na niya ang boundary ng mulat at tulog. Hindi dumarating ang idea kapag nakatanghod lang siya sa malinis na papel o sa blangkong monitor ng Wordstar 4 sa opisina ng student publication ng Normal. Hindi dumarating ang idea kapag mistulang handa siya sa pagsulat. Dumarating ang idea gaya ngayon, nakatayo siya sa terminal ng Jac Liner sa Buendia. Pauwi sa Lucban. Mabigat ang dala-dalahan. Antok na antok, masakit ang ulo, at walang maayos na puwesto para sumulat.
Kinapa niya ang bolpen sa bag. Bahagi ng layaw niyang magsulat na dapat maganda ang bolpen niya. Walang-wala na ang Pilot. Ayaw niya ng pipitsuging Panda o Bic. Hinugot niya sa Sagada backpack ang anim na taong gulang na Parker signpen na bigay sa kaniya ng kaniyang kumareng taga-Valenzuela city hall, katas ng transaksiyon sa gobyerno: ang dati niyang trabaho. Maraming tinta ang Parker dahil hindi naman niya ito madalas ipansulat kung hindi rin lang pipirma ng kung anong dokumentong dumadalang sa mabilis na paglipas ng panahon.
Nang makapasok na siya sa bus, ipinuwesto niya ang sarili sa paraang pinakakomportable. Iniunat ang paa. Inayos ang upuan, hindi higang-higa, hindi naman tuwid na tuwid. Pinangko niya nang maayos ang Sagada backpack. Isinalansan sa isip ang lalamanin ng kaniyang long-delayed na proyekto para sa anak.
***
Madalas nila itong mapagkuwentuhan ni Jerry, ang kaibigan niya. Magaling na makata si Jerry. Awardee. Nitong huling kuwentuhan, pokpok na scriptwriter na daw si Jerry, ayon mismo ito kay Jerry, dahil sa pito niyang proyektong sabay-sabay isinusulat. Kaya hindi daw siya sumasagot sa text at tawag. Madalas nilang mapagkuwentuhan ni Jerry ang hirap ng pagsulat. Ang sumulpot waring musa. Ang magparamdam waring disiplina sa pagsulat. Madalas nilang pagkuwentuhan ang disiplina ng mga kakilalang manunulat. Halos nagtatae ng libro ng tula si Ayer. Ganoon din si Bob at Joey. Si Allan at Egay. Dapat daw siyang humabol sa mga ka-contemporary nila. Matatapos ang inumang nagpapanggap na kuwentuhan sa pagpapayo ni Jerry na puwersahin niya ang sarili sa pagsulat. Na sasagutin niya ng “tama ka, Jerry,” at “sige, pramis, susulat na ‘ko.”
Matatawa siya kapag sinasabi ni Jerry na mas masipag siyang maglabas ng tula noong hindi pa siya miyembro ng Lira. Na napa-publish siya noong hindi pa siya kasapi ng Lira. “Wala na kasing nag-a-accommodate sa tula,” sagot naman niya kay Jerry. Hindi gaya dati.
Mas masipag nga ba siyang magsulat noon? Hindi. Mas conscious lang siya sa isusulat ngayon, mula pa nang magtapos sa poetry clinic ni Sanrio. Kaya hindi siya nakasusulat. Magkakaisa sila ni Jerry na walang kuwentang katwiran ang sinasabi niyang mas conscious siya sa pagtula. Oo nga.
Ang totoo, mas masipag nga siyang magsulat noon. Uto-uto siya sa musa. Madaling kalabitin. Madaling makapagsulat kapag gusto. Parang mantra ang mga linya at idea ng isusulat noon. Walang patid na uusalin sa isip hangga’t walang maayos na pagsusulatan. Kaya may notbuk siyang kasya sa bulsa ng pantalon, may nakasabit na bolpen. Huwag hindi makaisip ng linya, isusulat kahit malapit na pinsan na ng hieroglyphics ang kaniyang naitatak sa papel. Nakasusulat siya kahit nasa pinakaalanganing lugar at puwesto. Natatandaan niya, college pa siya nang sulatin ang koleksiyon ng tulang naging tiket niya sa U.P. National Writers Workshop sa Baguio. College pa rin siya nang maisulat ang malaking bahagi ng nanalo sa Maningning, at ng koleksiyon niya ng tulang sabi ng nanay ni Jerry ay parang imbitasyon sa kasal kahit NCCA pa ang nag-publish nito.
Ilang beses na ba siyang nagtangkang sumulat nang seryoso. Mali ang tanong, ano ba ang seryoso sa mga naisulat niya nitong “mas conscious” siya? Iyon bang mga nanalo sa Talaang Ginto? Hindi. Hindi nga niya isinama sa koleksiyon niya ang mga nanalo niyang tula dahil, dahil, ano ba? Dahil pangkontes ang mga tula? Kailan ba siya nagsulat na ang motibasyon lang ay makasulat, hindi ang manalo o ma-publish? Luma na ang tanong pero hindi pa rin niya masagot. O hindi lang matanggap ng kaniyang sarili ang sagot niyang noon pa kumakatok sa kaniyang kukote? Dahil hindi na niya maalala kung meron nga ba siyang naisulat for the sake of writing. Kung hindi niya maalala, baka naman kasi talagang wala siyang aalalahanin.
***
Ito na iyon. Ito na iyong para sa anak niya. Ito na iyong ipinangako niyang isulat buhat nang ipagbuntis at ipanganak ang anak niya apat na taon na ang nakararaan. Noong una, tula ang plano niya. Pero hindi, mukhang mas maganda kung essay. Iyong personal na personal. Four years in the making. Tapos heto, nasa loob na siya ng Jac Liner na biyaheng Lucena. Hindi baleng walang paglabasang publication, hindi baleng walang kumukupkop sa essay o tula niya maliban sa sariling blog na bihira niyang madalaw dahil wala siyang matinong internet service provider sa Lucban. Basta, para sa kaniya na lang muna ang isusulat, huwag na munang isipin kung mayroon pang maglalathala nito. Ito na kasi iyon. Hindi na makapaghihintay ng limang oras na biyahe pauwi ng Lucban at para humarap sa laptop niyang simbigat ng limang desktop. Alam niyang malulusaw na guniguni ang lahat kapag hindi naisulat. Matampuhin ang idea, o ang musa. Mahirap nang suyuin ang sarili na isulat ang dapat sana’y naisulat noong naglambing ang idea. Matagal bago bumalik ang musa. Kung baga sa kometa, malawak ang orbit. Ilang panahon niya itong hinintay. Minsan nga, pinagpapraktisan niyang dumating na ang musa ng kaniyang buhay-kolehiyo. “Hindi kita pawawalan,” usal niya sa isip kapag nagpapraktis siya. Kaya nga hindi niya pawawalan ngayon. Inilabas niya ang berdeng kuwadernong siyento beinte ang halaga para may kapares ang sosyal na panulat.
***
Mabilis mapuno ang bus kapag Sabado ng hapon. Maraming nag-uuwian sa Quezon. Hindi muna niya inisip ang assignment niya sa M.A. na dapat maipasa via email bago mag-Sabado sa susunod na linggo. Para sa isusulat na sanaysay ang limang oras na biyahe pauwi sa Lucban. Naupo siya sa bandang gitna ng bus sa tabi ng bintana sa kaliwa. May tumabi sa kaniyang babae. Nakapangbihis-opisina. Dala ang isang hindi kalakihang duffel bag.
“Pagpapangalan” ang naisip niyang pamagat habang nakasakay sa dyipni patungong Taft-Buendia. Pinaikot-ikot niya sa isip ang pamagat. Inulit-ulit bigkasin. Puwede nang working title. Gaya nang naisulat ni Rene Villanueva sa “Impersonal” noong palitan nito ang kaniyang palayaw, pinaikot-ikot din niya sa dila ang pamagat: “Pagpapangalan.”
Ang pamagat ang hudyat sa kaniya ng musa. Kaya siya na-excite kanina habang nakasakay sa dyipni at nang nakatayo na sa terminal. Sa pamagat siya magsisimula.
Malaking isyu kasi sa kanilang mag-asawa ang pangalan ng anak noon. Banahaw ang gusto niya. Divine ang gusto ng asawa. Magandang simulan ang sanaysay sa ganito: Hindi daw ilalabas ni Angel sa bahay-bata ang sanggol kapag ipinilit kong Banahaw ang magiging pangalan ng anak namin.
Inekisan niya ang hilaw na sisteng naisulat. I-develop daw niya ang siste sabi ni Jerry. Bihira raw sa writer ang may scathing na siste. May kung anong kakornihan ang simula ng kaniyang sanaysay kaya inekisan niya ito. Dapat unahin ang balangkas ng “Pagpapangalan”. Saka na isipin ang detalye. Naisip niyang dapat munang buuin ang flow ng sanaysay.
***
“Lucena,” sabi niya sa konduktor. Tiningnan niya ang halaga ng pamasahe. Two hundred nine pa rin kahit bumaba na ang presyo ng diesel. Hindi pa rin bumababa ang pamasahe kahit bumaba na ang pamasahe ng PUJ. Lumagitik ang upuan sa kaniyang harap. Tumama sa tuhod niya ang na ni-recline na upuan. Walang sorry-sorry ang nakaupo sa harap. Kunsabagay, naisip niya na nire-recline naman talaga ang upuan at wala naman talagang maluwag na legroom ang bus. Nakaunat at nakahalang ang kaniyang tuhod kaya muntik na siyang maipit.
Malamig. Itinapat niya sa aisle ng bus ang aircon na nakatutok sa bumbunan niya. Hinugot niya sa bag ang jacket na lagi niyang kasama sa tuwing papasok sa klase kapag Sabado. Malamig kasi ang mga classroom. Malamig din ang Jac Liner. Alas tres y media na ng hapon. Traffic sa SLEX kahit Sabado (lalo kapag Sabado?). Umuusad pero hindi express ang takbo ng sasakyan. Natawa siya sa irony ng mabagal na sasakyang gumagapang sa expressway. Nakita niya sa labas ang billboard ni Sarah Geronimo. Sa isip-isip niya, suwerteng makarating bago mag-alas-siete ng gabi sa Lucena.
Binasa niya uli ang inekisang linya.
Sisimulan niya sa Banahaw ang sanaysay. Sinulatan niya ang makinis at maputing papel ng sosyal na kuwaderno: Bakit ipapangalan sa bundok ang anak? Ipaliwanag.
Ibinigay niya ang pamasahe sa rumondang konduktor. Kinuha niya ang headset ng cellphone, inilagay sa FM station menu. Nakinig siya sa RJ FM na 80s band ang tinutugtog.
“Bakit nga ba Banahaw?” usisa niya sa sarili.
***
Mula nang magmakata at nakakilala ng mga makata, nang maambunan ng kahit papaano’y sense of nationalism, naisip niyang ipangalan sa kahit anong may sensibilidad na Filipino ang kaniyang magiging anak. Wala pa man siyang asawa. Hindi pa man dumadako sa isip niya na sa Lucban siya maninirahan. Hindi pa Banahaw pero parang ganoon. Parang kauri noon. Nang malaman niyang Amansinaya at Idyanale ang ipinangalan ni Bob sa mga anak, nang malaman niyang ang ipinangalan ni Koyang Jess sa isa sa kaniyang mga anak ay Daniw Plaridel, nang malaman niyang ang pangalan ng bunsong anak ni Rio ay Agno na isang ilog sa Ilocandia maliban pa sa isa yatang tupa ang ibig sabihin sa salitang Latin, nang malaman niya ito, desidido na siyang pangalanan ang kaniyang anak ng pangalang malayo sa uri ng Michael at Jennifer. At isa lang. Hindi kombinasyon ng pangalan nilang noo’y magkasintahan pa lamang, Joan kung babae, Anjo kung lalaki. Banahaw na nga ang kaniyang naisip nang sabihin ng ultrasound na babae ang una niyang anak. Si Banahaw.
Na hindi nagustuhan ng kaniyang asawa kahit anong paliwanag ang gawin niya.
Para ano, para tuyain ng mga kaklase sa elementarya at hayskul, para pagtawanan, argumento ng kaniyang asawa. Araw-araw na makikita ang bundok. Hindi bagay sa isang magandang bata. Katwiran naman niya, kapag napasok sa UP, tiyak na maraming magagandahan sa ngalang Banahaw. Tama, sabi ng kaniyang asawa, “eh pa’no kung hindi makapasa sa UP?” Siya siya.
***
Inilipat niya ang estasyon ng radyo nang magsimulang magpatugtog ng estrangherong love song ang RJ FM. Gusto niya ang anumang kategorya ng 80s. Kaya ng tamaan ng tuner ang Duran Duran, inihimpil niya dito ang tuner.
Inabala siya ng assignment ni Dr. Roland Tolentino, papel na tungkol sa spatial analysis ng unibersidad, ang pisikal na anyo ng unibersidad. Ano ang sinasabi ng espasyo sa pagitan ng pagkakahalayhay ng gusali, ng bato, ng hardin, ng retrato sa pasilyo? Pumili lamang ng isang partikular na lugar sa loob ng kampus. Tatlong pahina.
Naisip niya ang mga pasilyo ng unibersidad. Mga pasilyong gloomy. Nakabalandra ang mga retrato ng nagtapos sa iskuwelahan. Puro matatanda sa main building. Mga graduate noong panahon ng Amerikano at Hapon. Habang ang mga building sa likod gaya ng St. Joseph, medyo moderno na. 80s. Mga tipong Spanky Rigor ang hitsura ng mga lalaki at Maribeth Bichara ang mga babae. Parehong taga-TODAS ang dalawa. Todas na ang mga nasa main building. Tama, diskurso sa nanunumbat na tingin ng mga larawan ng nagtapos. Parang nagsasabi ang mga retrato sa sinumang naglalakad na, “Grumadweyt ka!” o kaya “Tingnan mo kami!” Pero hindi muna niya ito iisipin at gagawin dahil baka magtampo ang musang kanina lamang ay nagpipilit sumiksik sa isip niya.
Inilabas niya ang Sky Flakes at sinimulang ngata-ngatain.
***
Bakit Divine? Expound.
Dahil walong buwan muna ang lumipas matapos ang kasal bago mabuntis ang asawa niya. Nang magsimba sila sa Divine Mercy sa Marilao, kinausap daw ng asawa niya si Lord. Kapag nabuntis, papangalanan niyang Divine. Basta mabuntis lang. E nabuntis. Kaya Divine. Kaya kapag pinangalanan niyang Banahaw, hindi lang ang asawa ang kalaban niya, pati si Lord.
Divine. Hindi Divine Grace, hindi Divinagracia. Divine lang. Nadala na daw ang asawa niya sa mahabang pangalan. Monosyllabic kasi ang apelyido ng asawa kaya ibinawi sa haba ng pangalan ng lola niyang nagpangalan daw sa kaniya. Kaya Rosario Angela ang pangalan ng asawa niya. Pambalanse sa apelyido nitong kakarampot: Pe.
Oo nga naman. Hindi naman nila inisip na mahaba ang magiging apelyido ng mapapangasawa niya. Baka ang inisip ng lolang nagpangalan na monosyllabic din ang mapapangasawa ng kaniyang apong semi-Intsik. Nagkataong mahaba-haba ang apelyido niya, Delos Reyes. Buti nga hindi San Buenaventura. Napangiti siya sa naging pangalan ng kaniyang asawa matapos silang ikasal: Rosario Angela P. Delos Reyes. Kaya Divine ang pangalan ng anak. Para daw hindi mahirapang pag-aralang isulat kapag nag-nursery na.
***
Nang makawala na sa Alabang ang bus, noon lamang naging totoo ang pangalan nito. Naging express. May ilang bullet points na rin siyang naisulat sa pahina ng mamahaling notbuk.
Kumukulimlim. Gaya ng dapat asahan, pinipili ng musa ang pinakakomplikadong puwesto, pinaka-annoying na puwesto para mang-abala. At kumukulimlim nga. Nag-i-static na rin paminsan-minsan ang sagap ng radyo niya sa cellphone.
Isulat ang pangalan mo. Isinulat niya sa notbuk. Ipaliwanag ang mga kapangalan.
Hindi para sa kaniya ang sanaysay. Para sa anak. Sa pangalan ng anak. Naisip niya ang kaisa-isang tulang isinauli sa kaniya ng Panorama noon. Ayaw daw ng dedicatory poem ng editor ng tula, si Cirilio Bautista. Kasi naman, nilagyan niya ng “para kay...” ang ilalim ng pamagat ng tula niya noon. Para yata sa asawa niyang noon ay kasintahan pa lang niya. Sakay ng self-addressed-stamped-envelope, umuwi pabalik sa kaniya ang tula. Hindi deretsahang reject. Pero hindi rin tinanggap. Kaya reject na rin. Kung bakit ayaw ni Cirilo Bautista ng dedicatory poem, hindi na niya nalaman. Basta ang alam niya, walang makapipigil sa isinusulat niyang sanaysay na tahasang dedicated sa kaniyang anak.
Minsang nag-Google siya ng kaniyang pangalan, lumabas ang hit sa dalawang “sikat” na kapangalan niya. Una, isang pari sa Zamboanga. At iyong isa, pulis. Sa kaniya ang ikatlo. Pari, pulis, at nagpapanggap na makata: makulay na karakter kung kuwento ang isusulat. Nasubaybayan niya ang pari sa pag-Google-Google. Nitong huli, nasa Estados Unidos ang pari. Na-assign yata sa isang estadong may makapal na bilang ng Pinoy. Si tukayong pulis, na-promote na mula sa pagiging PO3, naging SPO1 na noong huli niyang hinanap sa internet ang mga katukayo. Puro balita ang kay pulis: mga imbestigasyon ng kasong hinahawakan nito sa Caloocan PNP, samantalang kay padre, mga balita ng parokya.
Ito kaya ang dahilan kung bakit hindi niya puwedeng ibayad nang express ang pag-a-apply ng NBI clearance? Kung bakit laging tatlong araw bago niya makuha ang clearance? Puwede. Pero iyon nga, hindi para sa kaniya ang sanaysay. Saka na niya gagawan ng kuwento ang tatlong tauhang may iisang ngalan. Kung ano ang silbi nito, gusto kasi niyang walang kapangalan ang anak, kaya Banahaw. Na mahirap mangyari sa isang bansang may mahigit siyamnapong milyong tao, lalo na kung generic ang pangalan: Divine, at lalong generic na generic ang apelyido: Delos Reyes, na mahulas-hulas lang nang kaunti sa napakaraming dela Cruz, del Rosario, de los Santos.
***
Pasado alas-singko, madalas nang nag-i-static ang radyo ng kaniyang cellphone at nakahinto sa stoplight sa kanto ng isang industrial subdivision at main highway sa Calamba ang Jac Liner nang isulat niya ang sumusunod na pangungusap: Dagdagan ng history ang name ni Divine. Cite nanay’s disease. Bakit Sona Purpura dapat ang pangalan ni Divine?
Buo na sa loob ng asawa niya na Divine ang ibibinyag sa anak. Pero nagkasakit noong ikawalong buwan ng pagbubuntis ang kaniyang asawa. Noong una, isang maliit at pulampulang patse lamang ang lumabas sa kaliwang binti ng asawang titser sa isang pribadong paaralan sa Lucban. Matapos ang isang araw, lumaki ang mga pulang patse. Dumami. Sumakit ang mga binti. Parang pinupulikat nang matindi. Isinugod sa ospital sa Lucena ang kaniyang asawa. Hinatulan ng gamot: cortico-steroid. Ang sakit: vasculitis o sakit na pumuputok ang ugat sa binti pataas, sabi ng doktor karaniwang sakit daw ng mga titser at mga tindera. May iba pang tawag sa sakit: purpura o purple dahil sa kulay ng balat matapos pumusyaw ang pulampulang mantsa ng dugo. Auto-immune ang sakit, ibig sabihin, walang malinaw na dahilan kung bakit nangyayari. Ang paliwanag ng doktor sa Lucena kung bakit karaniwan sa tindera at titser, dahil daw palaging nakatayo sa trabaho.
Mahigit sambuwan ding nagdusa ang kaniyang asawa sa sakit. Nang ipanganak si Divine, umabot hanggang baywang ang pamumula. Misteryo namang nawala ang sakit matapos ang ilang pagpapabalik-balik sa Manila Doctors Hospital para tingnan ng isang mamahaling espesyalista na rekomendado ng dating undersecretary ng Department of Health. Biro ng biyenan niya, dapat Sona Purpura ang pangalan ni Divine dahil nagkataong SONA ni Gloria noong ipanganak si Divine noong Hulyo 25, 2005.
***
Huminto sa tapat ng palengke ng Sto. Tomas, Batangas ang Jac Liner. Nakaramdam siya ng antok. Matatapos na ang pelikulang bida si Liam Neeson, na kaiba sa lahat ng kaniyang pelikula, action star ang ganap ng matandang bida, malayong-malayo sa “Schindler’s List.” Napuno ng pasahero ang bus. May mga pasahero nang nakatayo. Tinigilan na rin niya ang pakikinig dahil garalgal na lamang ang iniimik ng kaniyang radyo. Nirebisa niya ang isinulat. Noon lamang niya naisip kung paano magwawakas ang kaniyang isusulat na sanaysay. Itinanong niya sa musa. Walang sagot.
Isinulat niya: Hello, andyan ka pa? Hello mic test. Hello? Hello?
Wala.
Tiningnan muna niya ang nagdidilim na paligid ng Batangas. Sumandal. Pumikit. Inusal-usal ang pangalan ng anak. Binuklat ang mamahaling kuwadernong berdeng may logo ng unibersidad sa magkabilang pabalat. Dinaanan ng mata niya ang note para sa assignment ni Dr. Tolentino. Isinulat niya sa sinimulang tala: ending, paano?
Nagdidilim na. Humahamog na rin sa labas. Inihanda niya ang sarili dahil kung magbabalik ang musa, tiyak na mangungulit ito sa pinaka-awkward na pagkakataon. Maaaring habang humahataw ang bus sa highway ng Batangas at Laguna, madilim, mauga, nakakaantok. Isinilid niya sa Sagada backpack ang kuwaderno. Pumikit siya.
***
Sa Candelaria, Quezon na siya nagising. Menos kuwarto para alas-siyete. Madilim na. Heto na ang problema. Naalimpungatan ang musa. Marami pa siyang gustong isulat. Kinuha niya ang notbuk. Sa dilim, isinulat niya nang pa-hieroglyphics ang sumusunod: bibigyan ko si Divine ng pagkakataong baguhin ang pangalan niya paglaki, ang palayaw niya. Kung ayaw niya sa palayaw na Bani, okey, baguhin. Magpatawag siya sa gusto niyang palayaw. Na hindi ko nagawa sa akin. Binilugan niya ang naisulat. Bakit niya binilugan? Kung tutuusin, wala namang sustansiya ang naisulat.
Haka kasi niya, parang working title ang pangalan ng tao. Work in progress ang paglaki. Work in progress ang life. Habang tumatanda nagbabago ka. Parang Lucky Manzano na naging Luis Manzano, parang Francis na naging Chiz, parang Rustom na naging Bibi. Ang may katawan dapat ang nakaiisip ng kung ano ang magandang itawag sa kaniya. SIyempre kung bata, lalo na kung bagong silang, dapat may pansamantalang pangalan for records purposes. Para marehistro, para mag-aral, para makapagpasaporte. Pero kung pakiramdam ng may katawan na hindi nababagay sa kaniya ang Bogart, pwede niyang palitan ng Mimi, o Lovely patungong Anselmo. Dahil ang bigay na pangalan ang pangarap sa iyo ng magulang mo. Maging banal: Pedro o Jesus o Maria. Matiisin? Clara, Theresa, Lorenzo. Maton? Bruno, Trebor. Pa-cute? Twinkle o Dimple. Kaya gusto niya sanang maging Banahaw si Divine.
Hindi sasampung beses siyang nakasalamuha ng mga taong ayaw sa pangalang ibinigay sa kanila. Pinalitan, malayong-malayo sa ibininyag. Naisip nga niya minsan, ano kaya’t mag-survey siya. Sandaang tao, ilan kaya ang magsasabing gusto nila sa pangalang ibinigay sa kanila ng magulang, ng ninong o ninang, tiya o tiya, lola o lolo. Eh paano kung ayaw ni Divine sa Divine, at mas gusto ang Banahaw. Working title (o sa puntong ito, working name) lang ang lahat. Isasagawa niya ito minsan sa kaniyang mga estudyante sa Lucban. Pampatibay sa haka niyang maraming ayaw sa ibininyag sa kanilang pangalan. Pero hindi na makapaghihintay ng survey ang kaniyang isusulat. Tapos kung tapos. Ending kung ending.
Nagliwanag ang loob ng bus. Maraming bumaba sa kabayanan ng Candelaria.
***
Pinaspasan niya ang sulat habang pumapaspas ang Jac Liner. Hindi permanente ang pangalan. Temporary lang lahat. Pwede ko namang baguhin ang pangalan ko. Emilio, Andres, Ulysess, Federico. Pero bakit pinanindigan ko ang Joselito, ang baduy na Jowie?
Naisip niya, gumaganti siya sa anak. Ang hindi niya nagawa sa kaniyang working title (na noon pa niya napagdilihang mabantot pakinggan), gagawin niya sa kaniyang anak. Tama ang asawa niya, divine si Divine. Bakit nga naman hindi, pinalaki sa bahay-bata si Divine na nagkukutkot ng steroid na panlaban sa vasculitis si Angel, pero mabini pa rin ang kaniyang anak. Walang badya ng hyper-atletang kilos.
Nagdilim uli ang Jac Liner sa pagitan ng Candelaria at Sariaya. Naalala niya ang mukha ng kaniyang propesor. Gusto kaya nila ang kanilang pangalan? Rolando? Nabuwisit siya sa kaniyang sarili nang maalala ang nanghihingi ng atensiyong takdang aralin. Tumingin siya sa labas ng bus, madilim, mabilis. Dugtong-dugtong na niyugan, mga ilaw ng bahay, mga tindahan, kabit-kabit na mukha ng politiko ng Quezon, hamog sa bintanang nagpapalabo sa kaniyang paningin. Nakita niya ang mukha ng kaniyang aapat na taong gulang na anak. Naghihintay ng pasalubong. Noon niya naalalang wala siyang nabili. Hindi bale, may bukas pa namang tindahan sa Lucban pagdating niya.
Gusto niyang lumaki agad si Divine. Gusto niyang malaman kung gusto niya ang pangalang ibinigay ng kaniyang ina bilang pagtupad sa sumpaan nila ni Lord sa Divine Mercy sa Marilao. Sa puntong iyon marahil, matatapos niya ang lahat ng nais niyang isulat. Babalik ang matandang musang matampuhin pa rin. Marahil sa panibagong kuwaderno na siya susulat. Marahil sa panibagong pagkakataong hindi conducive sa pagsulat. Gaya noong kolehiyo siya. Gaya kaninang nakatayo siya sa terminal ng bus. Kaya pinunit niya ang tatlong pahinang nasulatan. Itiniklop at iniipit sa pitakang pinakapal ng mga resi-resibo at tarhe-tarheta at mga ID.
Hindi nabuo ng halos apat na oras na biyahe ang kaniyang personal na proyekto. Hindi nabuo maliban siguro sa pamagat, at kung para ito kanino.
o
1 comment:
wala po bang essay kung bakit esperanza si esperanza?
Post a Comment