Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Sunday, March 27, 2011

Dulas, Linta, Dalandan, Talag, at iba pang Pangalang Pananda at Pang-alaala: Panimulang Pag-aaral sa Etimolohiya ng mga Barangay sa Valenzuela

JOSELITO D. DELOS REYES

Unibersidad ng Santo Tomas

POLOHAN:

ROUND TABLE DISCUSSION ON THE HISTORY & CULTURE OF VALENZUELA

25 March 2011, 5pm, Museo Valenzuela

Ganito ko iniisip ang halaga ng munting talakay na ito: una, sabay na pag-unawa sa hiwaga ng wika at lokal na kasaysayan; ikalawa, pagsasanga ng iba pang pag-aaral tungo sa pangkalahatang pag-unawa sa kultura at kasaysayan; at huli, pagpapapahalaga sa likaw ng wika at ang ugnayan nito sa pagpapangalan ng pook.

Ang hindi tungkol sa talakay na ito: hindi ito sasagot ni maglilinaw sa mga nitty gritty na nais ninyong malaman, halimbawa, anong transaksiyon ba talaga ang ginamitan ng veinte reales kaya tinawag siyang Veinte Reales? Alam kong may paliwanag na ang mga laon, hindi ang sitio sa Veinte Reales, sa nasabing barangay. Ngunit hangad din ng panimulang talakay na ito ang paghahanap ng balidasyon sa mga “kasaysayang” ito. Kung mananatili lamang sa mga laon ng barangay ang kaalamang ito, nakatitiyak na malilimot ito ng mga paparating na henerasyon ng Valenzuelano. Ipauubaya ko ito sa mga susunod na pag-aaral na maaaring isagawa matapos ang munting talakay na ito.

Hanggang ngayon problema ko ang Coloong. Natural na ito ang una kong problemahin dahil tagarito ako, pero nakaiinis na hanggang ngayon ay taglay ko pa rin ang palaisipan. Sana ay magkaroon ito ng katapusan ngayong gabi buhat sa inyo.

Nagsanga ang palaisipang ito ng medyo mapadikit ako noon sa pamahalaang panlungsod matapos ang daskol na pag-aaral ko sa Pamantasang Normal ng Pilipinas ng kursong Agham Panlipunan. Nakatihan kong paglaruan ang kaugnayan ng ngalan ng lugar tungo sa taglay nitong kasaysayan at kasaysayan ng lugar tungo sa taglay nitong ngalan. Hanggang noong isang linggo, nabubuhay ang mithing ito kapag wala na kaming mapag-usapan sa inuman ng mga kaibigan kong may malasakit sa lungsod.

Ngayong oras lang, tanggalin natin sa ating isipan ang barangay bilang yunit na pampolitika. Tingnan natin muna ang barangay bilang lugar na walang political boundary, walang stainless o batong arko na nakaukit ang kasapi ng sangguniang barangay at naghuhumindig na “Welcome” at “Thank you come again.” Tutal palagay ko, hindi lang naman sa Marulas madulas noon, hindi naman natatapos sa arko ng Arbortowne sa Karuhatan ang mga puno ng duhat, may linta rin marahil maging sa Bagbaguin, at hindi lang Malanday ang malanday na lugar, at marami, may mahigit sigurong dalawampu’t walong dahilan pa upang simulan ang talakay na ito.

Delimitation muna. 32 barangay mayroon ang Valenzuela. May ilang barangay na hindi ko mababanggit, kasama na rito ang Coloong. Mamaya sa malayang talakayan, maaaring tamaan ang ilang prominenteng sityo gaya ng Bilog, Malabo (o malabo, pinalambot sa laga), Balaburan, Laon, mga Hulo, atbp. Babanggit din ako ng ilang prominenteng lugar upang maging halimbawa ng ilang diskurso sa etimolohiya ng isang lugar sa bansa.

Paano ba nagkakaroon ng ngalan ang lugar na tinatawag nating barangay? Sa kaso ng Arkong Bato, Paso de Blas, at Gen. Tiburcio de Leon, madali. Dahil may arko sa Arko, daanan ni Blas ang Paso de Blas, at taga-Gen. T. si Gen. Tiburcio de Leon. Pero kalingkingan lamang ito ng dapat pang malaman ng mga tao sa Arko, sa Paso, at sa Gen. T. Halimbawa, magandang ipanukala ang talakay sa mataas na paaralan ng Arko ang halimbawa’y arkitektura ng arko o kung may epekto ba sa kasaysayan ang pagiging nasa pileges ng Bulacan ang Arko katawiran ang dating Morong na pagkaraka’y naging Rizal (alam kong maraming maiisip na ipanukala ang ating mga gurong naririto ngayon na magagamit nila sa kanilang tesis sa M.A. o disertasyon sa pagdodoktor)? Sino ba si Blas? Tunay kayang magnanakaw o bandido si Blas na ginagamit ang daang Maysan Road ngayon patungong Novaliches upang tumakas o manambang? Pero unahin muna siguro nating itanong, may Blas nga ba? Kung magnanakaw si Blas, at nagpakilala siyang Blas, dapat bang paniwalaan hanggang sa puntong ipangalan sa kaniya ang bahaging iyon ng lungsod? Sino ba si Gen. T.? Paano ba maging heneral noong panahong iyon? Nagdaan din kaya siya sa pagiging tinyente o kapitan gaya ni Kapitan Delfin Velilla na may estatwa sa kanto ng Navarette at M.H. del Pilar? May “pabaon” din kaya ito gaya ng mga diumano’y tradisyon ng ilang heneral ngayon? Aaminin ko ang aking pagiging ignoramus, paumanhin pero nabasa ko sa isang tagong sulok ng pahina ng aklat ni Agoncillo si Torres Bugallon pero hindi ang ngalan ni Heneral de Leon. Palagay ko, nararapat na ipakilala muli ang heneral bago tuluyan siyang malimot bilang tao at makilala na “lamang” bilang isa sa pinakamalaking barangay sa lungsod.

Iisa-isahin ko pa ang mga obvious: Mabolo na galing sa ngalan ng punongkahoy na may prutas na maraming bolo (Diospyrus philippinensis). At batay sa binagong edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino, kaugnay ang punong ito ng kamagong. Bignay (Antidesma bunius) na tumataas nang 4-10m (hanggang 30 talampakan) na may kumpol-kumpol na bungang tila duhat, mapula, malaman, at maasim. Katutubo sa India at Malaya. Sabi ng UP Diksiyo, hindi alam kung kailan dumating sa bansa ang mga punla ng punong bignay. Dalandanan na may salitang-ugat na dalandan (Citrus aurantium). Maysan buhat sa salitang mais (Zea mays) baryasyon ito ng parehong salitang maisan o taniman ng mais (palay=palayan). May pagbabagong morpo-ponemikong tulad ng sa baywang, tainga, bitwin-bituin. Karuhatan buhat sa salitang-ugat na duhat (Syzygium cumini) higit na mataas ang itinatayog ng punong ito kaysa bignay (tumataas ng hanggang apatnapung talampakan), tinatawag ding lumboy. May pagbabagong morpo-ponemiko upang mabigkas nang higit na madali kumpara sa kaduhatan, ganito rin halos ang naging pagbabago ng salitang karukhaan buhat sa salitang-ugat na dukha, karuwagan buhat sa salitang-ugat na duwag, karamihan buhat sa salitang-ugat na dami. Ito rin marahil ang katwiran ng salitang marulas buhat naman sa salitang dulas bagamat hindi ito kasimpopular ng mga unang halimbawang duwag, dami, at dukha.

Lubhang karaniwan sa ngalan ng barangay o maliliit na lugar sa kapuluan ang tumutubong puno o halaman mula rito. Kung maraming tanim na mais, maisan; maraming puno ng santol, santulan; maraming balubad o kasuy, balubaran. (curiosity: bakit sa dinami-dami ng palay, iisa lang ang alam kong palayan ang tawag sa lugar, ang Palayan City sa Nueva Ecija. Sagot sa curiosity ko, dahil lubhang marami ang palayan, walang magiging sense of distinction unless magkaroon ng palayan sa Maynila na siguradong magiging distinct. Samantala, dekada otsenta ng tawagin sa aming barangay ang isang kalyeng natatamnan ang magkabilang gilid ng kalsada ng maraming malunggay. Tinawag namin itong malunggay, “Taga-Malunggay ‘yan kaya magaling magbasketbol.” Pinamahayan ng baha ang Malunggay, naubos ang malunggay kaya tinatawag siya ngayon sa makulay na pangalang Hernandez Subdivision.) Ngunit hindi lamang ito nakakahon sa mga puno’t halaman, pwede rin ito sa hayop at kalakal. Halimbawa ang pato ng Pateros, o sige na nga, diyan sa Maysan ay may puguan patungong Malabo. Sa Coloong din ang may dating bagsakan ng balut kaya may lugar sa aming tinatawag na balutan kahit pa malaon nang nawala ang kalakal ng balut sa lugar na ito. May binatugan sa Ugong, may tinapahan sa Pasolo. Pero siyempre, iba ang kaso ng mga kalyeng pinangalanan para lamang magkaroon ng variety, lalo na’t ipinangalan ito sa mga halaman at bulaklak gaya ng sa Balangkas. Hindi garantisadong may dama de noche noon at ngayon sa dama de noche street. At least medyo umakma ang sa Tagalag na ipinangalan sa mga lamandagat ang kalye.

Babalik muli ako sa obvious: mistulang isla kasi ang barangay na nagtataglay ng ganitong ngalan. Mawala lang ang tulay (huwag naman sana), bangka na ang pangunahing transportasyon palabas ng barangay imbes na sandamukal na pedicab. Bagamat totoong may bangka ngayong biyaheng Isla-Rincon. Kung ayaw mamangka palabas, mamimilapil. Kakatwa naman sa palagay ko ang Pulo, ang barangay, hindi ang Polo na lumang pangalan ng ating lungsod. Espanyol ang Isla at Filipino ang pulô (mabilis at may impit ang bigkas). Isa pang kuryosidad: binibigkas natin nang mabagal at may impit ang barangay na hindi parang island sa Ingles, nang tugisin ko ang kahulugan nito sa komprehensibong diksiyonaryo ng UP, tumambad sa akin ang napakagandang kahulugan ng salita: nakabukod o nakahiwalay na pook, gaya ng kakahuyan sa gitna ng kapatagan. Hindi gaya ng pulô na island sa Ingles na alam nating lahat na lupang naliligid ng katubigan. Marahil batay sa ating kasalukuyang bigkas, ito ang talagang kahulugan ng salitang kumakatawan sa barangay.

Malapit sa barangay ng kakahuyan ang barangay ng yantok: Palasan. Yantok na ginagamit sa arnis (marahil dahilan kung bakit maraming magagaling sa arnis sa barangay na iyon). Masaya na sana ako sa kahulugang ito dahil nakokompirma lamang nito ang kahulugang nadinig ko sa tatay ko, pero hindi masyado.

Mahilig kasi tayo (o ang ninuno natin) sa panlapi, duhat=karuhatan; dalandan=dalandanan; mais=maysan (kakaiba ang Bignay na nanatiling bignay, hindi binignay o bignayan—dahil ba sa solitary tree lamang si bignay sa lugar na iyon gaya ng panukala ni Uly Aguilar?), mula sa ganitong prinsipyo ng paglalapi, hindi kaya ang palasan ay galing sa salitang palas? Minsan, naiinis ako sa kuryosidad, nadaragdagan ang alinlangan ko. Lalo pa nang tumambad sa akin ang limang kahulugan ng salitang palas. Una, kasingkahulugan ang palas ng pagtabas o pagpantay (“Palasan mo nga ang duluhan, baka ahasin na tayo.”). Ikalawa, pagkawala ng malay dahil sa labis na pagkawala ng dugo. Ikatlo ay salitang ginagamit sa musika. Ikaapat ay tungkol sa uri ng tugi. Ikalima ay kasingkahulugan ng panawan ng ulirat o himatayin (“Pinalas ang nanay nang malamang nagtanan ang ditse.”). Mula sa limang kahulugang ito, mahuhulong maaaring panggalingan ng palasan ang pagtabas o pagpantay, tandaan na malapit ito sa Pulo, ang kakahuyan. Maaari rin, bagamat long shot ito, ang tugi. Hindi kaya sa Palasan ang bagsakan ng tuging ikakalakal sa tuwing magpipista ang San Diego bagamat hindi ko na maalalang may tindang tugi tuwing piyesta? (May tugi pa bang nahuhukay sa Sta. Maria o pawang galing ito sa kabundukan ng Sierra Madre at ikinakalakal lamang pagsapit ng pista ng Sta. Maria tuwing unang linggo ng Pebrero—ang palatandaang papaalis na ang amihan? “Iinit na ang panahon pagkatapos ng pista ng Sta. Maria.”)

Sa kabila ng hindi sinasadyang pagpapalabong ito (gaya ng kasabihan sa Ingles na “curiosity kills the cat”) maaaring pagmulan ng iba pang pag-aaral upang once and for all, masarhan ang ibig sabihin ng mga salitang kumakatawan sa ating mga barangay. Pero sa ngayon, yantok muna ang palasan until proven otherwise. Though it’s much more logical na ang palasan ay hinawang barangay mula sa kakahuyan ng pulo.

Samantala, kung alin namang ilog o batis sa Malinta ang maraming linta (class Hirudinea) ay mananatiling magandang lunsaran ng darating pang pananaliksik. Kung babalikan kasi ang kasaysayan, hindi lamang sa kasalukuyang Malinta aakma ang pangalang malinta. Malawak ang sakop ng ari-ariang ito (Malinta Estate) ng mga Agustino. Tagos hanggang Bahay-toro sa kasalukuyang Project 8 at ilang bahagi ng Novaliches. Katunayan, ang estate ng Malinta ay sumasakop sa halos kalahati ng kasalukuyang Valenzuela at malaking bahagi ng Lungsod Quezon. Hindi birong dami at haba ng batis, ilog, at mga tributaryo ang maaaring maraming linta noon. Gayunman, at naniniwala akong hindi ito ang totoong pinagmulan ng salitang kumakatawan sa lugar, malaon na ring pakahulugang patayutay o figurative meaning sa linta ang tao na nanghuhuthot sa ibang tao.

Ang ngalan buhat sa katangian ng lupa

Bukod sa pangalan ng mga halaman at puno, babalik muli tayo sa obvious: maaaring mapula ang lupa sa Mapulang Lupa. Malinaw sa atin ang ugong bagamat curious ako kung ano, alin at papaano umuugong sa Ugong. Mapagtibay sana ang haka kong ito: umuugong ang hangin sa ugong at hindi sa ibang bahagi ng Polo o Valenzuela dahil sa kakaibang geological composition ng lupa sa halos ay lambaking lugar na ito. Marahil, bago pa maging quarry ng adobe at eskombro ang Ugong, makikita ang mga matitigas na burol, idagdag pa ang maaaring ugong na nagmumula sa ilog. Ang Bisig ay mula sa salitang bisig (dahil ba sa hugis?). Malinaw sa akin ang salitang Balangkas bagamat palaisipan sa akin kung alin at saan sa barangay na ito nagkaaayos ang masalimuot na bahagi ng isang bagay o estruktura. May tatlong popular na kahulugan naman ang Parada, alinman dito ay maaaring kahulugan ng salitang kumakatawan sa barangay: una ang pagdiriwang na mayroong martsa kasama ang banda ng musiko (makikipot ang daan ng parada), ikalawa ang paghimpil o pamamalagi ng isang sasakyan sa isang lugar (nasa loob ang barangay, sadyain, medyo malayo ang main thouroughfare na Maysan Road), at ikatlo ang halagang pusta sa sugal gaya ng sabong.

Ang Rincon ay salitang Espanyol na nangangahulugang sulok. Kung alin sa napakaraming sulok ang tinutukoy na ringkon ay maaaring pagmulan ng isang makabuluhang pag-aaral. Gayunman idagdag din sa kamulatan ng lahat ng narito ngayon na may isa pang kahulugan ang ringkon bagamat mula ito sa Iluko: pinagbungkalang bunton sa gilid ng isang halaman.

Mababang burol ang puntod maliban pa sa higit na popular nitong kahulugan na libingan. Sa lokasyong maraming puntod mahihinuhang galing ang salitang kumakatawan sa Punturin. Kung mayroon mang malaon at kamangha-manghang lawang may batong dalisdis sa Lawang Bato ay dapat ko pa itong saliksikin. Pero sa ilang ulit kong pagpasyal sa barangay na ito, ang tangi marahil alaala ng pangalan ay ang ilang daluyan nang tubig na tila marmol (o adobe) ang dalisdis o bank.

Sa nag-aakalang dahil sa mababaw na hugis na parang plato at kabaligtaran ng malukong kaya tinawag na Malanday ang barangay na may ganitong ngalan, maaari nating ikonsidera ang isinasaad ng Diksiyonaryo-Tesauro ni Jose Villa Panganiban hinggil sa salitang ugat na landay. Oo nga’t “shallowness of concavity or convexity” ang pakahulugan dito ngunit idinagdag ng saliksik ni Panganiban ang kahulugang “temporary shed for a night’s shelter in the forest.” Pansamantalang himpilan kung magpapalipas ng gabi sa kagubatan. Na hindi nga malayo kung ikokonsiderang minsa’y gubat ang bahaging ito ng Luzon, noong panahong wala pa ang riles.

Malinaw namang nakasaad ang ibig sabihin ng bagbagin na nuno ng salitang Bagbaguin na binabaybay sa makalumang Espanyol. Ang bagbagin ay isang lugar na malapit sa ilog at karaniwang mabato at matigas ang lupa. Samantala, ang salitang bagbag na mahihinuhang salitang-ugat ng bagbagin ay may kahulugang nakasalig din sa lupa: tibag o pagpatag sa burol na lupa. “Hindi lamang barangay Bagbaguin ang binagbag, pati na Mapulang Lupa at Ugong.” Mula dito ginamit ang patayutay na kahulugang “makabagbag damdamin.” Matigas na damdamin lamang ang nababagbag. Hindi na nababagbag ang pusong mamon. Use in the sentence: “Nabagbag ang damdamin ni Bogart, oo si Bogart na kilala sa pagiging mapagmataas at may pusong asero, nabagbag ang damdamin ni Bogart sa malamyos na awit ng binata. Kaya ibinigay niya rito ang kaniyang laptop at digicam.”

Beautiful ambiguity

Bagamat taglay ng Pulo, Palasan, at Malanday ang ambiguity o yaong may magkakaibang kahulugan sa iisang salita, dalawang barangay sa ating lungsod ang maaaring magtamo ng taguring beautiful ambiguity. Ang isa ay matagal ko nang naririnig at ang isa, nitong linggo lamang. Bata pa lamang ako, naririnig ko na na kawawa ang Wawang Pulo. Hayskul ako nang mawawaang ang wawa ay bunganga ng ilog. Tapos na sana ang pagkilala sa dalawang salitang kumakatawan sa barangay na ito. Totoong ligid ng ilog ang Wawang Pulo: ilog Meycauayan at Polo. Ngunit kapansin-pansin na hindi natin binibigkas ang salitang pulo sa paraang pakupya o yaong mabilis at may impit, pulô. Binibigkas natin ang huling salita na parang barangay ng Pulo. At muli, babalikan ko ang kahulugan ng pulo: nakabukod o nakahiwalay na pook, gaya ng kakahuyan sa gitna ng kapatagan. May kapatagan ba sa gawing iyon ng Wawang Pulo? Sakahan ba dati ang palaisdaan ngayon sa pagitan ng Valenzuela at Obando?

Ang ikalawang ambiguity ay ang sa Villa Pariancillo. Muli, bata pa lamang ako, narinig ko nang tirahan ito ng pari. Naisip ko noon ang kumbento ng parokya ng San Diego de Alcala na maaaring nakatayo sa sakop ng barangay Villa Pariancillo. Ngunit noong nasa kolehiyo na ako, nakilala ko ang Parian na lumang pangalan ng ngayo’y Chinatown sa Binondo. Dagdagan pa ito ng hulaping cillo, nahinuha kong maliit na Parian ang likod na iyon ng simbahan. It’s just a matter of time para makilala ang mga naunang nakatira sa maliit na pariang ito. Pero ang salitang pariancillo ay maaari ngang pangalan ng paring nabuhay at nanirahan sa likod ng simbahan. Si Pari Ancillo. Alinman ngayon sa dalawa ay pwedeng pagsimulan ng saliksik. Sino si Pari Ancillo? Isa ba siyang misyonero? O isang paring diocesan? Bakit niya napiling tumira sa Villa? May kamag-anak ba siya dito? At kung matutukoy na nga ang katauhan ni Pari Ancillo, ano ginawa niya that merited the naming of barangay Villa after him?

Talag

Isa sa pinakamatandang barangay ang Tagalag. Matanda dahil isa ito sa mga barangay na mayroong papel na mapanghahawakan kung kasaysayan lang din lamang ang pag-uusapan. Isa sa mga ninong o ninang sa binyag ni Dr. Pio Valenzuela ay mula sa Tagalag. Bautista ang apelyido. At nakatala sa partida bautismo ang tirahan ng ninong o ninang. Hindi ko matugis kung ano ang saysay ng Tagalag. Una kong inisip na tagakalag o nagkamaling Tagalog ang salita. Pangalawa sa Coloong, gusto kong isiping tuluyan nang nabaon ang kahulugan ng Tagalag sa makalumang Tagalog na inagiw na sa nakalimutang tokador ng abecedario. Pinilit kong himayin ang tatlong pantig ng salita, hinanap ang salitang-ugat, pero mahirap talaga. Hanggang sa marinig ang aking guro sa De La Salle hinggil sa isang limot na gitlapi. Sinabi ni Dr. Aurora Batnag na ang gitlaping “ag” ay panlaping nagpapasidhi. Nagtataas ng antas. Isang halimbawa, at iisang halimbawa lamang, ang ibinigay niya sa akin: “Tagaytay”. Ang salitang-ugat daw nito ay taytay o tulay na kawayan o troso, at maaaring ang lugar na iyon sa Cavite ay nagtataglay ng marami, malalaking tulay na yari sa troso. Mula sa pagkikipil na ito, naisip ko na baka ang “ag” sa gitna ng Tagalag ang panlaping noong ko pa hinahanap. Mula sa tinanggal na lumang gitlapi natira ang salitang talag.

Maraming Talag sa Obando, maraming talag na apelyido. Ngunit sa pagsangguni sa diksiyonaryo, masisiwalat na ang talag ay ang gawaing “pagpukpok sa metal upang pantayin, saparin, o hubugin.” Hindi sinabi ng diksiyonaryo kung may hawig ang gawaing ito sa ginagawa ng latero at panday. Gayunman, madidili na ang matandang barangay na ito, kung tama ang aking pagkikipil, ang tirahan ng mga taong ang ikinabubuhay ay pagtatalag sa bubong, karwahe, kabahayan, gamit sa bukid ng mga tagabayan at tagabukid.

Lagom

May mababago ba sa paglingap ko sa kultura at kasaysayan ng Valenzuela kung ang Pulo pala ay kakahuyan sa gitna ng kapatagan gayong sa matagal na panahon, island ito sa akin? May mababago ba sa paglingap ko sa kultura at kasaysayan ng Valenzuela kung komplimentaryo talaga ng Pulong kakahuyan ang Palasan na isang hinawang lugar na hindi malayong mangyari dahil magkapisngi lamang ang dalawang lugar na ito? Kung bukod sa lalim o babaw, himpilan at kandili pala sa mga hinapong paglalakbay sa kagubatan ang Malanday, magbabago ba ang manipis kong pagkilala sa kasaysayan ng minamahal kong lungsod?

Hirap ko pang pagtagpuin kung may maidudulot ngang mapanghahawakang pananaliksik matapos ang munting talakay na ito. Maliban siguro sa malinaw na pinagmulan ng salita gaya ng prutas, hayop, katangian ng lupa, masuwerte nang maituturing kung mayroong masinop na pag-aaral para tukuyin kung nasaan ang linta? Ang taniman o bagsakan ng dalandan? O kung saan mismo sa mataas na pook ng Bignay ang estrangherong punong nagbigay ng ngalan sa burol? Sino ba si Pari Ancillo? O maliit na parian lamang ang likod ng simbahan?

Habang isinusulat ko ang papel na ito, nagkakaroon ng slideshow ng mga larawan sa isip ko. Kagubatan, mga burol, sari-saring puno, malinis na ilog, batis. Nakikita ang mga taga-talag. Ang marahil ang Kastilang si Pari Ancillo, hukot at nag-iisa ngunit hindi nangungulila dahil nasa likod lamang niya ang San Diego. Lubhang personal sa akin ang isulat ang papel na ito, ang papel na dati lamang naming pulutan ng aking mga kaibigang pare-parehong may interes at malasakit sa lungsod.

24 Marso 2011

Lucban, Quezon

1 comment:

Anonymous said...

Si Gen. Tiburcio de Leon ay isang heneral noong panahon ng 1896 Philippine Revolution at Philippijne American War. Sumapi rin sya sa samahang Katipunan.