Status: kaytagal kitang hinintay,
bakit ngayon ka lang nag-friend request?
Sinaklot ka ng binatilyong nasa
nang mag-request sa iyong makipagkaibigan
ang isang limot na lisik, dating kapitbakod
at kapitasan sa malaong nalunod na punong bayabas,
na matapos ang dalawampung taon
ay hindi nagbihis ng apelyido.
Ano ba kung tatlong walang saysay na taon
ang tanda niya sa iyo?
Sa pagitan ng “musta na u?”,
muli mong naalaala ang ladlaran ng kaniyang
asul na unipormeng pinangarap mong mahipan
ng kasimpilyo mong hangin (sisipol ka
nang matinis at palihim), at masulyapan
ang dumudungaw sa nipis ng telang
umaastang kamison: garter ng bra.
Tsambahang itim. Nagigimbal ka
sa tuwing malilimot niyang malay ka na
sa kaniyang biglaang pagyuko,
mabining pamimisikleta, daskol na pag-upo
sa hagikgikan nila ng iyong ditse,
pagsaludsod sa bahang suot nang walang alinlangan
ang hapit, impit na salawal. Lalayo ka ng tingin
ngunit tinatandaan mo ang hulma ng lahat ng nakita,
lalo na ang hindi nagrehistro sa retina.
Sa pagitan ng pangungumusta, itatanong mo
ang kaniyang numero, kung marunong pa siyang
sumakay ng traysikel na patay-malisya mong inaabangan
noon
kahit mahuli ka sa klase, sinasabayan
noon
pagpasok sa unang taon ng tinatawag nila
noong
mataas, lubhang kaytaas na paaralan,
muli, kahit mahuli o mahuli.
Tatlong gabi kang alipin ng sampung minutong
lubak ng biyaheng pinangarap mong magtagal
noon,
na sana ay walang kasintagal.
Sa pagitan ng pagtipa sa keyboard,
itatanong mo kung maluwag pa rin
ang kaniyang Sabadong nagpasikip sa iyong pundilyo,
kung alam niya ang sulok na iyon sa Malate,
kung mahilig na siyang magkape.
Iniyabang mo: kaya na kitang ilibre.
At gusto mong patunayang hindi iindahin ng suweldo mo
ang manipis na keyk sa pagitan ng dalawang tasa
ng umaasong mahigit siyentong cappuccinong
hinding-hindi mo magugustuhan.
Matapos ang dalawampung taon,
gusto mo siyang linlangin na hindi ka na uhugin.
At dahil may muwang ka na sa rima ng panunudyo,
papayag siya.
Muli kang sasasalin ng primitibong alumpihit.
Maiinip kahihintay sa Sabado ng kape,
at batay sa usapan, Sabado na rin ng serbesa ang gabi.
Maiinip ka.
At hindi ito sasapit dahil sa panahon:
nagkatotoong pulo-pulong pag-ulan,
pagkulog at pagkidlat sa dakong hapon at gabi.
Hindi mo matatanggap ang kaniyang bantulot na pagsosori.
Hindi ito sasapit dahil babalik na siya sa Dubai.
Muli, magkakasya ka na lamang sa pinaglumaang halay
matapos ang dalawang dekadang,
ang totoo, hindi mo naman talaga ipinaghintay.
;-)
Tagged: larawang pam-profile
Ganito ang korte ng aking paggising:
matapos kong idamay ang Ama natin,
papasok akong humihingal-animal,
nagpabautismo ng pawis at ulan
sa umaga ng balinghat na payong at imburnal.
Wala akong tanggi kahit tisiko ang aircon,
mamaya, susumpungin muli ng sipon.
Muni ko, nasunod na naman ang dasal
ng mga disipulo kong hindi mapahindian
ng diyos ng siyam-siyam na may gana pang ngumiti
at magpalit ng lubhang pangit na larawang nakakalbo,
at kamukhang-kamukha ko.
:-{/
Status: nakikinig, nanginginig sa Asin
“…mayro’n lang akong hinihiling
sa aking pagpanaw sana ay tag-ulan,
gitara ko ay aking dadalhin
upang sa ulap na lang tayo magkantahan…”
Hindi na makaihip ng punebre ang hilam na musiko.
Puno ng tubig ang bukilya ng mga torotot, garalgal
ang pompyang at hungkag ang pisngi ng tambol
ng Banda 85 ng Balumbato.
Inutil ang mga nagkabaklas-baklas na payong.
Sa gilid ng daan, nagpapagpag ang mga kantor,
nagpaalam umuwi’t hindi na raw maniningil ng balanse.
Nangangaligkig ang mga nakikipaglibing,
mga basang-basa’t naglulunoy na sisiw,
sinisising abot-langit ang lagi nang sulimpat na Pag-asa,
ang yumakap nang mahigpit sa bayang La NiƱa.
Naghalo ang luha’t tubig-ulan sa mukha ng aking anak,
asawa, mga kapatid, mga pamangking iniihit na
ng maaksiyong hika.
Tumirik ang karosa ng punerarya sa karagatan
ng nagkukumahog na dayaper at lata,
humahagok ang baradong tambutso,
hindi makabuga ng usok alinsabay ng angil
ng makinang panlupa’t makalupa.
Wala nang nakaririnig sa paos na ripeke
ng rumilyebo sa musikong “My Way,”
“Oh My Papa,” “Hindi Kita Malilimutan,”
at “Lupa” ng Asin.
Walang gustong pumitik ng larawan,
walang bidyo, walang makaalalang luksa
ng masayahing tao ang pinilahan. Lahat,
maliban sa aking sinisintang asawa,
ay nangangamba sa iniwang bahay,
maglulutangang tokador, malulunod na aso,
mababasang gamit, aanuring kabuhayan. Lahat,
maliban sa aking sinisintang asawa, ay nag-aalala
kung paano uuwi.
Lahat.
Maliban sa aking asawang sinisinta.
Nagpaalam na ang ate at ditse, mga sisinghap
-singhap na pamangkin. Naging isang dambuhalang
balaho ang kalsada kaya inabot ako ng gabi
sa daan slash ilog slash karagatan.
Pero, sa awa ng Diyos, nakarating din sa simbahan
sa tulong ng nagtulak: pitong kaibigan, dalawang bayaw,
at maskulado’t matampuhing pinsang
nagsipagmadali ring umuwi nang maiprente
ang kabaong ko sa harap ng altar ng San Vicente.
Pinagmisahan ako pero wala nang maglilibing,
sigurado kasing akwaryum na ang nitso ko.
Nagkislapan ang kidlat sa labas,
nagkonsiyerto ang kulog at daluyong.
Hindi na makikita ang landas papantsong
garantisadong kinumutan na ng karagatan.
Kaya pinaglamayan akong muli sa simbahan.
Abala ang de-lenteng sakristan-mayor
kasasalba ng antigong kandelabra at poon.
Nalunod ang Santo Sepulkro sa pagkakahiga,
binasag ang kumpisalan ng mga nagpupusagang upuan
at naglalanguyang tabla ng retablo.
Umindak sa pagkakalutang ang imitasyong Nazareno
kahit malayong-malayo pa ang Enero,
malayong-malayo ang Quiapo.
Masyadong masikip at giray na raw ang pulpito
kaya dinesisyunan akong itanghal sa koro.
Pero hukluban, buto’t balat na si monsinyor,
nag-iisa ang sakristan-mayor na gusto nang umuwi,
naghugis putangina tuloy ang pihikang labi
nang ihain ang mas mainam na mungkahi.
Pinanawan na ng luha ang aking asawang
pangko ang aking bunsong nilalagnat,
nakabilot sa hiniram na sutanang kaaalmirol.
Walang koryente, malurido ang mga kandila,
walang kape, ubos na ang Mompo’t ostiya, natambog
ang nag-iisang rechargeable na lente. Sa dilim,
hinunta nang masinsinan ni misis si padre:
kapag hindi pa raw nagmaliw ang ulan sa hatinggabi,
ipatatangay ako hanggang sapitin ang aking Ararat,
dadaong ako kung saan may lusak at burak
na puwede kong gawing huling hantungan.
Ipinasak ni misis sa aking nagyeyelong ilong
ang nakaliitan na naming 14k na wedding ring,
bayad daw sa abala nang nasalanta ring maglilibing.
Ikinumpisal niyang hindi na daw siya masisindak
kung pagmultuhan ng kaniyang yumao,
patawarin daw siya ng Panginoon sa gagawing
pagpapatangay
sa kaniyang esposong mahal na mahal,
may kirot man daw sa damdamin, pero kailangan.
Kunsabagay, hindi ko na ito dapat malaman.
Payapang-payapa na ako sa ugoy ng aking higaan,
kapara ng bakol sa ilog ni Jacob nga ba o Abraham?
;-(
Wall post: Batumbakal is married, and it’s complicated
Sawa ka na sa ganitong pambubuska.
Wala kang dahilang mahulo sa pag-iwas
sa ligaw at ilahas na lambing kaya sasabihin mo—
pwede ba, wala ‘kong panahon.
Kayraming naghihintay sa iyong kalinga:
papel na dapat basahin, iligpit, tsekan, sulatan, ibenta.
Isa kang pagal at tapat na pumapapel na ahente.
Tawiran ng koryenteng hindi mapatid-patid.
Aaminin mong isa itong gawaing napakalumbay,
ang tumunghay sa nagsapot-sapot, nagsala-salabid
na pagkakataong maging kahit sino ka kahit kailan.
Nang minsan kang alukin ng tulong, sagot mong pabanas,
kailan mo pa kinailangan ang pagpapel-papel ko?
At kapag lumayo akong nagkikibit ng alanganing balikat o ulo,
magagalit ka. Magagalitin ka.
Minsan gusto kong matawa.
Hihiga tayong tuklap sa isa’t isa, tuklap ang isa’t isa.
Ilang taon nang hindi magkakilala, ilang taon nang kinikilala
ang ating papel kung hindi lamang dahil
sa nakapagitang bunsong mahimbing, nananaginip,
nagmamahal, walang maliw.
No comments:
Post a Comment