Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Saturday, February 6, 2010

Bisikleta


"We find after years of struggle that we do not take a trip; a trip takes us."
—John Steinbeck
nasa “Travel with Charley”

Hindi ko maiwasang hindi isiping makabibili ng tatlong latang gatas ang one thousand four hundred pesos. Kaya din nito ang isang kabang bigas, dalawang buwan naming bayarin sa kuryente, o panggastos ko sa dalawang linggong turo. Hindi ko maiwasang hindi indahin ang presyo ng bisikletang mahigit sambuwan nang inuungot sa akin ni Bani. Bisikleta na ang kaniyang hiling mula nang magamit ang bisikleta ng kaniyang pinsan sa Valenzuela noong nagdaang Pasko.










Habang patungo kami ni Bani at ng kaniyang nanay kahapon ng hapon sa bike shop, sa kabila ng ilang linggo nang desisyong ibili ang aking anak ng minumutya niyang laruan, dinalaw-dalaw ako ng pangitaing hindi praktikal sa isang batang maglilimang taon ang bumili ng bagong-bagong bisikleta. Isip ko, makalalakihan lang niya ito, at gaya ng kahit anong laruan, mapagsasawaan. Sesemplang lang siya, masasaktan, masusugatan. Pero ano pa ba ang hindi kinalalakihan ng bata o matanda? Ano ba—lalo na—ang hindi napagsasawaang gamit sa buhay? Hindi ba’t siguradong-siguradong masasaktan tayo at masusugatan?













Hindi ako magse-self pity na napakaliit ng tinatanggap kong suweldo bilang part-time instructor sa kolehiyo dito sa Lucban. Sa isip ko kahapon habang pinagmamasdan ang nakasabit na bisikleta, kung nagkataon lang na empleyado pa ako ng gobyerno sa Valenzuela o yuppie pa sa Ortigas, sisiw sa akin ang mil kuwatrong bisikleta. Baka nga iyong mas mahal pa ang ibili ko para kay Bani, iyong pink, iyong para sa kaniya lang. Hindi iyong pinakamura, hindi iyong hindi niya masyadong kursunada ang kulay.





Bago pa bilhin, naka-mindset na kay Bani na iingatan ang bisikleta para magamit pa ng kaniyang kapatid na hindi pa malaman kung kailan lalabas (o kung kailan bubuuin dahil sa hirap ng buhay!). Siyempre, ipinangako niyang iingatan ang bisikleta dagdag pa ang pangakong susunod lagi sa utos ng kaniyang magulang, na mamomopo at opo, na laging magtsitsinelas (lagi ko kasi siyang nakagagalitan dahil nakatapak sa loob ng bahay). Marahil nauunawaan na ni Bani na wala nang libre sa mundo, kahit pa laruan ay dapat na may kapalit.

Hindi pumayag si Bani na bitbitin ko ang bisikleta pauwi. Sinakyan niya ito kahit wala pa sa tiyempo at koordinasyon ang kaniyang mga paa sa pagpedal. Naninibago siguro. Pinagmamasdan niya ang salit na pagtaas-pagbaba ng kaniyang paa imbes na tumingin sa dinadaanan. Ganito rin ako natutong mamisikleta: hirap manimbang at hindi tumitingin sa harap.


Hindi na siya nagutom kapapadyak kahapon at kagabing matapos bilhin ang bisikleta. Kung puwede nga lang itabi sa pagtulog, baka kasosyo namin sa kulambo ang laruan.



Kanina pagkagising, hinanap agad niya ang kaniyang bisikleta. Sinakyan agad. Bumiyahe palayo, palapit, palayo, palapit sa aming mag-asawa. Abot-tanaw pa sa ngayon ang kaniyang destinasyon, o kawalan nito. Napanaginipan daw niya ang kaniyang bisikleta. Hindi ko na naitanong kay Bani kung kasama kami ng kaniyang nanay sa panaginip.









Sa mga darating na araw, sigurado akong masasaktan siya kabibisikleta. Maaaring mapagsawaan na din niya ang pagpedal. At maaaring sisihin niya ako—o pasalamatan—sa pagkatuto niyang maglakbay palayo sa amin ng kaniyang ina.





2 comments:

vanni said...

ang laki na ni Bani ah Joey. am glad you're teaching sa Lucban. closer to nature as well as culture. may pupuntahan na pala ako diyan pag piyesta.

Anonymous said...

Okey Vanni, just tell us when...