Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Sunday, July 13, 2008

Ver 1.0 ng Epilogo ng Aves




Sa wakas, hindi na lamang ako binabati o pinapasalamatan sa mga naglalabasang libro ng mga kakilala at kaibigan. Isa na akong manunulat ng EPILOGO!

Buyo bilang Epilogo sa Aves
ni Joselito D. Delos Reyes

I.

Madaling buyuhin si Jerry B. Gracio. Ilang beses ko na itong napatunayan sa mga lakarang wala sa iskedyul gaya ng pagpunta sa Morong, Bataan noong Agosto 1997 sa kabila ng kanyang lagnat-laki. Noong 1997 din, mismong araw ng Pasko, nabuyo siyang sumama sa Sagada. Alam namin kung sino ang pupuntahan namin sa bulubunduking lalawigan. Ang hindi lamang alam ay kung paano pupuntahan, at kung makarating na nga ng Sagada, hindi namin alam kung paano hahanapin si Shiela, ang kaibigan namin at dating patnugot ng The Torch ng Pamantasang Normal ng Pilipinas. Ilang beses ko na din siyang nayaya, na pawang walang paalam sa kaniyang magulang, patungo sa Maapon Falls sa Lucban, sa isla ng Alabat, at sa iba pang lugar bitbit ang pangambang mag-aalala ang kaniyang nanay, at sa maraming pagkakataon, ang kaniyang kasintahan, sa pag-alis niya nang walang paalam.

Minsan ding nabuyong mag-alsa kami sa aming dating trabaho sa lokal na pulitika sa Valenzuela. At kung susumahin, buyo din ang naging dahilan kung bakit wala sa oras siyang nag-resign noong Enero 2008 sa trabaho niya ng tatlo at kalahating taon sa tanggapan ng dating PBA player na naging konsehal na si Gerry Esplana.

Hindi naman komo madaling buyuhin si Jerry ay matatawag na siyang uto-uto. Hinding hindi. Gusto din niya ang binubuyo. Gaya na lamang noong nangangampanya kami isang eleksiyon at kailangang medyo radikal at “marumi” ang ratsadahan. Pinagpuyatan namin ang mga dapat gawin nang wala nang konsiderasyon sa kalusugan at pansariling seguridad. Alam niya ang dapat gawin, kailangan lamang siyang buyuhing gawin ito nang walang alinlangan. Minsan ding nanamlay siya sa kampanya sa pulitika, kailangan pang buyuhin siyang kumilos nang doble ang bilis dahil hindi gumaganda ang takbo ng kampanya ng kaibigang pulitiko ayon sa survey. Nabuyo siyang mag-triple time sa tulong ng kalahating case ng beer, at ilang puswelong luha. Natalo ang kaniyang manok.

Dapat ding buyuhin siya para masimulan at makatapos ng trabaho at proyekto. Mabilis siyang magningas gaya ng isang tuyong kugon. Higit siyang mabilis panawan ng apoy. Gaya din ng tuyong kugon. Dapat siyang buyuhin nang madalas. Sabi nga ng isang kaibigan, magaling si Jerry, kaya lamang isang trabaho pa ang buyuhin siya nang tuloy-tuloy para magpatuloy ng gawain nang maayos. Pinasusuweldo ako dati para lamang tuloy-tuloy ang buyo sa kanyang magtrabaho.

Nabuyo siyang lumipat ng bahay. Nabuyo siyang kumuha ng isang impraktikal na motorsiklo na kalaunan ay nailit. Nabuyo siyang sumali sa ganoo’t ganito. Bumili at magbenta ng ganoo’t ganito. Magsalita ng ganoo’t ganito. Iwan at balikan si ganoo’t ganito. Alam ni Jerry ang gagawin. Kailangan lamang niyang buyuhin.

II.

Nagsimula sa dalawang tula ang dapat sana’y hindi Aves. Dapat sana’y koleksiyon lamang ng tulang panunod sa Apokripos. Walang tiyak na paksa, kawalan ng paksa ang mismong paksa ng koleksiyon sana ng tula. At dahil sa buyong hindi niya kayang lumikha ng isang koleksiyong may makitid at coherent na paksa gaya ng ibon, at sa tulong ng kalahating case ng San Mig Light at beinte pesos na adobong maning maanghang (beinte pa lamang ang bigas noon at treinta ang gasolina) sa loob ng isang opisina ng gobyerno isang bumabahang alas siyete ng gabi noong Agosto 2006, nabuo ang Aves—koleksiyon ng tulang may literal at patayutay na pakpak. Sinimulan sa ibong bakaw-gabi o black-crowned night heron na palaisipan pa rin sa amin at sa mga paham ng ibon ang laksa-laksang nanatili at nanirahan sa swampland ng Valenzuela. Sumunod ang paksa ng paniking nalilito kung ibon nga siya. Sumunod ang ibon ni Hitchcock, ang ibon ng mga lalaki, si John James Audubon, ang kanta ng Parokya ni Edgar tungkol sa hindi mahipong ibon, etc. etc. Bago natapos ang harapan ng gabing iyon, buo na ang balangkas ng Aves.

Kaagad nagpaandar ang designer ng pabalat ng Apokripos. Bumanat agad ng tatlong study kahit semilya pa lamang ang kalipunan. Na-inspire si Jerry sa ganda ng pabalat. Ngunit matapos ang isang linggo, namatay ang apoy ng Aves na parang inulan nang buhos, ang dahilan: maaaring ibintang sa buyo, o kawalan nito. Fast forward noong panahon ng eleksiyon 2007. Sa mga hindi pa nakakaalam, na alam kong kakaunti lamang, ang panahon ng eleksiyon ay nagsisimula isang taon bago mismo ang araw ng halalan. Minsan ay mas maaga pa. Nasa pribadong sektor na ako noon sa Makati. Magningas dili si Jerry sa kaniyang Aves. Hanggang sa napili siyang makasama sa U.P. Writers Workshop noong 2007 sa Lungsod ng Baguio para sa kaniyang ibubunsod at drowing pa lamang na Aves. Nangyari sa kalagitnaan ng kampanya ang workshop. At mangyari pa, hindi makalipad-lipad ang Aves sa dami ng dapat asikasuhin sa lokal na kampanyang limitadong limitado ang budget.

Nanalo ang manok (aves pa rin!) namin sa halalan. At nabalik si Jerry bilang pangunahing tao sa opisina ng pulitiko. Halos naubos ang panahon ni Jerry sa pagsusulat. Pagsusulat nga lamang ng ordinansa at resolusyon at mga talking points, talumpati, at project proposals. Maliban sa nanalong manok ng halalan, hindi ko na nakaringgan pa ang wala pa ni pakpak o balahibong Aves at samu’t saring ibon.




Hindi ko nasaksihan ang mismong araw na maghasik ng kabulastugan si Jerry sa isang pamaskong pagtitipon ng libo-libong pedicab driver ng Valenzuela. Teorya ko’y buyo ang nangyaring kuntodo de-mikroponong pagmumura diumano niya sa harap ng mga tao sa isang pulitikong may sunong na sampung siraing payong na pampa-raffle sa mga pedicab driver. Ito, kasama ang buyo ng kahon-kahong gran ma, bumunghalit ang galit ni Jerry sa pulitiko. Saksi sa galit ni Jerry ang sektor na inalagaan at pinalaki niya bilang tao sa likod ng lingkod bayan. Biglaan ang resignation. Ang paniniwala kong kabulastugan ay tinindigan niyang prinsipyo. Hindi na nagtangka pang i-revoke ng pulitiko ang irrevocable resignation ni Jerry. Bago matapos ang 2007, wala na siyang trabaho.

III.

Hindi na bago sa akin ang eksenang magkaharap kami sa isang pipitsuging bote ng alkohol, may sampung pisong kornik, may sigarilyo. Wala kaming trabaho pareho pagtuntong ng 2008. Sa pagitan ng bote sa aming barong-barong na umaastang kubo, sinabi niyang magiging ipokrito siya kung hindi niya aamining bukod sa potensiyal na kadakilaan, pera ang hatid ng kaniyang lumipad-diling Aves na noo’y pinagdidilidilihan niyang buhayin nang tuluyan buhat sa abo (fenix, Aves pa rin!). Centennial na ng U.P. At gaya ng karamihan sa mga manunulat na hindi puwedeng kaining parang nilagang balinghoy ang mga naunang napanalunang tropeo, alam niyang may pakontes ang U.P., at may malaking halagang kasama ang tropeo ng centennial prize. Sa loob ng tatlong buwan buhat nang mawalan ng trabaho, binuhay at hinarap niya ang mga ibon ng kaniyang gunam-gunam. Kung paano siyang kumain at nagpakain sa pamilya ay isa pa ring kagilagilalas na pangyayari gaya ng pagtulay sa alambre nang walang nakasalong lambat sa ilalim.

May sunong daw siyang suwerte kapag walang trabaho. Wala siyang matinong trabaho nang mapanalunan ang grand prize ng Film Development Foundation Scriptwriting Contest sa pamamagitan ng entry niyang “Santa-santita.” Naisapelikula kalaunan ang nasabing iskrip. Dumadalo pa kami noon ng lingguhang workshop ng LIRA ng matapos ni Jerry ang iskrip. Matagal nang sira ang kaniyang computer kaya kailangan niyang isulat ang iskrip the old-fashioned way, makinilyado. Tatlong araw niyang tinira ang mahigit sandaang pahinang iskrip. Magang-maga at pulang pula ang mata niya pagkakita ko sa palihan ng LIRA ng sumunod na Sabado. Ni hindi na niya maiangat ang bote ng serbesang lingguhang pinaghaharapan matapos ang palihan dahil sa sobrang pagod at antok.

Dahil sa wala siyang matinong trabaho at sa nangyaring panalo ng iskrip, optimistiko si Jerry na mananalo ang kaniyang Aves.

Manapos-napos ang Abril ng ipakita sa akin ni Jerry ang limampung ibon ng Aves. Sa pagitan ng matador sa tag-init, binusisi namin ang detalye ng mga tula dahil wala daw siyang lakas ng loob na ipabasa sa mas may alam. Inayos ang mga balahibo, binugahan ng usok, ikinahig-kahig, ginamot ang baling pakpak at tuka. Bago pa ito, pinili ni Jerry noong kalagitnaan ng Marso ang sa tingin niya’y pinakapangit na tulang hindi dapat mapasama sa mataas na uri at lahi ng kaniyang mga ibon sa Aves. Kinuha niya at lastikong binanat ang tula upang humaba. Lumabas sa hawla ng Aves ang “Binyeta sa Biyahe” na nagwagi ng ikatlong gantimpala sa Collantes na itinataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino. Na-survive ni Jerry ang Abril dahil sa premyong napanalunan ng ugly duckling ng Aves.

Hindi ko rin maiiwasang banggitin ang panlulupaypay ni Jerry sa unang burador ng Aves. Gaya ng melodramatikong gawain ng ilang manunulat sa loob at labas ng bansa, pinunit niya habang umiinom ng matador ang burador. Idineklara niyang pangit ang Aves kasabay ang agos ng luha at sipon. Binuhay lamang niya uli ito ng mahimasmasan at ng mabuyo siyang hindi na siya makahahabol sa kompetisyon at kailangan na lamang niyang ayusin ang pangit na Aves. Nanghinayang marahil sa panahong ibinuhos sa paglikha ng mga tulang nakasalalay sa makitid na paksang mga ibon at pakpak, at marahil nanghinayang din siya sa premyo, binuhay ni Jerry ang Aves sampung araw bago ang nausod na deadline ng timpalak.

Tanghali ng Abril 30, 2008, dumating si Jerry sa isang tanggapan ng gobyerno sa Valenzuela. Kipkip ang isang ream ng bond paper, sinimulan niyang i-print, sa tulong ng pondo at buwis ng taumbayan, ang Aves. At gaya ng isang estudyanteng beterano ng cramming, tinapos ni Jerry ang mga rekisito ng kompetisyon nang minadali at padaskol. Ipina-ring bind ang koleksiyon, at sa ganap na ikaapat ng hapon, tagaktak ang pawis, hindi alintana ang nagsasaamoy-lupa niyang katawan, lumipad siya para isumite sa U.P. ang hawak ninyo ngayong koleksiyon, ang Aves.

Hindi makababawas sa rikit ng mga tula ang buyo sa likod nito. Walang duda ang kasanayan ni Jerry sa pagsipat, paggalugad, pagsisid sa mga liblib na pugad at minudensiya ng mga ibon, mga hindi ibon, at mga mistipikadong ibon. Buyuhin man siya o buyuhin.

Southern Luzon State University
Lucban, Lalawigan ng Quezon
07 Hulyo 2008


3 comments:

Pakialamero said...

Kilala ko tong si Jerry Gracio na staff ni Esplana sa Valenzuela.. Pero hindi nya ako kilala.. Hanga ako sa mamang ito kahit hindi ko pa nabasa ang mga gawa niya. Maliban dun sa isa kong nasilip ko na isinusulat niya noong napatambay ako sa opisina ni Esplana,, kung di ako nagkakamali ang pamagat nung tula na iyon ay "Paglalanggas"- isang bagay na maselan dahil kinasasangkutan ng mga maseselang bahagi ng katawan. Pero nai-deliver ng maayos at hindi pabastos.

Sya nga pala, parang may nakita akong tarp na nagsasabing nanalo sya ng Palanca award... totoo po ba ito o namalik-mata lang ako..?

Thanks.

Unknown said...

lufeeet naman ni joey oh!congrats po!

superkabado said...

Salamat Aling Patriscia! Sana makabili ka ng librong ito sa National yata meron...