Kasama na sa aking sistema na dapat simulan nang maganda at maayos ang linggo: handa sa trabaho, maayos ang damit, walang iniintinding aberya o alalahanin, masigla ang katawan, hindi inaantok-antok.
Gumising ako nang maaga para tapusin ang mga sulatin, quizzes, at mga rekisito para sa isang buong linggo ng trabaho sa unibersidad. Ipinangako ko sa sarili na hindi ako magpapatalo sa maliliit na problema gaya ng mga late na estudyante, mga hindi nagbasa ng aralin na estudyante, mga katrabahong mag-aagahan ng tsismis kahit Lunes na Lunes. At iba pa.
Maaga akong dumating sa unibersidad. Mga isang oras bago ang mismong oras ng aking klase. At gaya ng magandang panimula, sinimulan ito sa pagpuri sa akin ng aking department head tungkol sa faculty journal na natapos ko noong nagdaang linggo. Maganda sa isip-isip ko ang simula. Nginitian ko ang aking sarili, ngiti ng isang kontrabida sa pelikula na dahan-dahan nang tinatalo ang bida. Ngiting Romy at Paquito Diaz. Nagtatagumpay ako.
Magalang kong binati ang aking mga kasamahan. “Good morning” dito at “Good morning” doon ang ibinato ko kahit kanino. Tamaan na ang tatamaan ng ligaw na "Good morning." May kapwa bumati ng magandang umaga sa akin, mayroon din naming tipid na ngiti ang itinugon.
Pero kahit anong Lunes ay nakatakdang sirain ng napakaliit na detalye na beyond my means to control. Gaano kaliit? Zipper. Bago ako pumasok sa klase, ritwal nang matatawag ang paglimas sa aking pantog. Hindi ang pag-ihi ang makapipigil sa akin na makapagturo nang tuloy-tuloy sa loob ng isa't kalahating oras. Hindi ang inconvenience ng isang maiihing titser. Kung ang mga pasaway na estudyante nga ay hindi makasisisra, pag-ihi pa kaya?
Sa madaling salita, nasira ang zipper ng pantalon ko. Hindi naman dahil hindi ko ito maisara, ang siste, nasira ang zipper at hindi ko ito mabuksan! Napungol ang hawakan ng zipper dahil nasira ang ngipin nito. At dahil sa aking puwersa ng paghatak paibaba, natanggal pati ang hawakan. Nalinitikan. Suot ko pa naman ang pantalon na bagamat hindi masikip ay hindi rin naman maluwag. Saktong sakto sa aking 32 inches na baywang ang mala-slacks at mala-denim na pantalon. Mga tatlong minuto kaming nagtuos ng zipper . Sa huli, pumayag ako sa kaniyang gusto, ang hindi bumukas. Gusto ko nang umihi, at gusto ko nang umuwi para magpalit ng pantalon. Hindi ako makaihi nang maayos dahil hindi ko mailabas nang maayos ang dapat ilabas para umihi ang isang lalaki. Hindi ako makauwi dahil oras na para magturo ako. Hindi sisirain ng zipper na ito ang Lunes na pinagsikapan kong simulan nang maganda at maayos. Hindi ako papayag.
Nakaihi naman ako. Yun nga lang, sa pinaka-awkward na paraan. Pinilit kong ilabas ang dapat ilabas kahit hindi maibaba ang zipper ng pantalon. Kahit butones lamang ang nabuksan. Hindi naipagpag nang maayos ang dapat ipagpag, dahil yun na nga, halos hindi ko rin kasi ito mailabas nang maayos. Hindi ko na babanggitin kung napatakan ng kung ano ang light gray kong mala-slacks at mala-denim na pantalon. Hindi naman ako naka-tuck-in.
Natapos ang dalawang period ko sa umaga katumbas ng tatlong oras sa loob ng classroom. Nabawasan ang aking sariwang ngiti, sariwang ngiting inilalaan ko lamang sa isang magandang Lunes na magbibigay daan sana sa isang magandang linggo. Magandang Lunes na akala ko’y gaya ng Lunes na ito.
Umuwi ako sa bahay matapos ang pang-umaga kong turo. Kailangan kong magpalit ng pantalon, ang pantalong nagtataglay ng zipper na nakatakdang sumira sa aking araw at linggo. Paano ito matatapos? Dahil maagang maaga akong gumising, inantok ako pagdating sa bahay. Dahil tatlong oras ang bakanteng oras ko, ano ba naman ang isang oras na tulog. Na naging dalawa, at halos naging tatlo! Resulta, late ako sa panghapon kong klase. Buong hapon hanggang gabi, ngisi ang lumalabas sa akin, imbes na ngiti—awtomatiko, turuan, programadong sistema ng isang titser na nangarap ng isang magandang Lunes at linggo. Hindi bale, nakaihi naman ako nang maayos sa hapon at gabi.
Lesson: kung papayagan, wear Levi’s 501 button-fly jeans sa trabaho.
2 comments:
...howdie sir!!!
...nakikiraan lamang po ako sa napakaganda nyong zipper, este, blogspot. :)
...ahmmm...hindi ko po alam kung paano ko sasabihin kung gaano ako nag enjoy sa performance ng inyong zipper, (hahahahah!!)
in fairness, para na po akong timang dito sa harap ng comp dahil sa inyong maalamat na pantalon at magiting na zipper,na sa sobrang kagitingan ay tumigas ang ulo, ayun, natuluyan tuloy. :)
...so, does that mean sir na button fly na ang lagi nyong gagamitin? :)
sinira na po ba ng zipper na 'yon ang inyong faith sa lahi ng zippers? :)
joke lemeng! :)
ahmm, tutal naman po ay naligaw na ko dito, nais ko pong iparating sa inyo kung gaano po kayo na miss ng aking mga kamagaral kanina... :)
sige po...hanggang dito na lamang.
susubaybayan ko po ang inyong blogspot, para sa isang bagong kabanata. martes naman po ba ang sunod? o baka naman po makakita rin kayo ng aberya sa levi's? :)
joke lemeng sir! :)
have a nice week end!!
au revoir!
hello sir;
hmm...nakakatawa naman ang kwento nyo..dahil sa ziper,muntik na kaung hindi maka ihi..hahay!!buhay nga naman..pinaglaruan lng kau..hahaha..
actually,may hinahanap lng talaga ako na about sa lesson q,naiirita na aqo..kasi di q makita..
buti nakita/nabasa ko itong blogspot niyo,ayon bigla akong napangiti,parihas din ng gusto mong mangyari sa mukha,palaging naka smile pag pumupunta sa school..
ahmm..by da way.tc puh..and gudluck!
_jEn_
Post a Comment