Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Monday, February 9, 2009

Pundido



I.

Kanina. Kasisimula pa lamang ng semestre.

Hindi ko pa naman dinaranas ang pinakamalulupit na pasakit ng titser. Halos isang buwan pa lamang akong full-time na obrero sa unibersidad. At kung anuman ang kakaiba at kakatwang dinaranas ko, naniniwala akong patikim lamang ang lahat. May mas malupit, may mas mabigat na pasakit. Bukas. O sa makalawa. O sa susunod na semestre. Basta, alam kong sasapit.

Delay ang suweldo ng lahat ng part-time faculty sa aming unibersidad. Intendido ko ito dahil ipinoproseso pa ang aming mga papel hindi gaya ng mga permanente na sa kanilang puwesto. At alam naman natin ang kilos at burukrasya sa gobyerno. Sabi nga ng mga Lucbanin—yanong bagal. Muli, hindi ito malupit.

Kailangan naming magbahagi ng malaking oras, isip at pagod sa unibersidad sa kabila ng aming gawain bilang tagapagturo nang walang inaasahang overtime pay. Accreditation week kasi. Hindi rin ito malupit.

II.

Nanginig ako sa galit sa huli kong klase kanina dahil sa isang batang papansin na nagpatay ng ilaw kahit naroon pa ako sa silid at nag-aayos ng mga papel sa katatapos na quiz. Alas siyete ng gabi ito nangyari. Hindi rin dapat ito malupit na pasakit. Pero muntik na akong magkamali ng tantiya. O baka nga nagkamali na ako. Dahil nga nanginig ako sa galit. Pakiramdam ko, pumulandit ang dugo ko sa tainga. Nabulol ako nang pasigaw na pabalikin ang klase sa kuwarto. Nagbanta akong pupunitin ang lahat ng answer sheet nila kung hindi haharap sa akin at sa klase ang papansing salarin. Na humarap naman. At pailalim na tumingin sa akin.

Pasigaw at nabubulol kong tinanong kung ano ang problema ng bata. Hindi sumagot. Pasigaw at nabubulol kong tinanong kung gusto niyang magpasikat sa klase. Hindi uli sumagot. Pasigaw at nabubulol kong sinabi sa kaniya na hindi ko na siya gustong makita pa sa klase. Nag-sorry. Tinanong ko ang dahilan ng pagpatay sa ilaw. Walang nasabing malinaw. Pero bumuka ang bibig, parang naulinigan ko ang katagang “trip lang po Sir.”

Medyo nahihilo ako nang makarating sa faculty room. High blood pressure marahil. Noon ko lamang napansing tuyong tuyo ang lalamunan ko. Ininuman ko ng malamig na tubig. Humanap ako ng kausap na paglalabasan ng inis. Maraming nakisimpatiya. Tinuruan ako kung ano ang dapat gawin. May nagpayong tanggalin sa master list ang bata. May nagpayong pabigyan ng isang kulata sa mga grupo ng tambay sa labas sa halagang dalawandaang pisong pan-shabu. May nagpayong magsadya ako sa guidance office at doon ko ihinga ang sama ng loob habang hinahanap sa student handbook ang ikakaso sa bata para sibakin o masuspinde sa klase. Dahil instinct ng isang naagrabyado ang gumanti, parang magandang option nga ang ipabugbog sa mga tambay, o ako mismo ang makipagsuntukan. Inom uli ng sambasong tubig na malamig. Hanap ng masisigarilyuhan. Dahan dahang luminaw ang lahat.

At pinagsisihan ko ang aking reaksiyon kanina.

III.

Ija-justify ko ang naramdaman ko kanina. Galit kasi ako. Sumabog. Halos magdilim ang paningin. Nang mahimasmasan ako, na-realize ko na nagtagumpay ang bata sa pagpapapansin. Dahil pinansin ko. Galit ko siyang itinanghal sa klase.

Gusto kong balikan ang makitid kong karanasan tungkol dito. Noong panahong hindi pa ako titser. Habang nag-aaral ako sa kolehiyo, hindi maiiwasang magkaroon ako ng mga kakilala at kabungguang baso mula sa iba’t ibang paaralan. Lagi na, sa tuwing gagawi sa usapin ng mga paaralang pinasukan noong high school, mababanggit na ang batch diumano nila ang pinakaloko sa lahat ng batch. Kesyo pinaiyak si ganoong titser. Inaway si ganoong principal. Ginago ang ganoong kagamitan at silid. Sinira ang ganoo’t ganitong pasilidad. Bottom line—sila ang pinakamaloko.

May sarili din akong kontribusyon sa kalokohang gaya nito. Nang-away din ako ng titser. Inaway din ako. Nagpaiyak? Hindi ko na matandaan. Nanira ng mga gamit? Hindi. Sa mga harapan, hindi ko kini-claim na kami ang pinakasiraulo. May kalokohan, oo. Nakapagno-nostalgia trip lamang ako kapag kakuwentuhan ang isang kaibigan na nakilala ko noong high school. Totoong ako ang nagturo sa kaniyang manigarilyo at uminom. Pero pareho kaming may medalya nang magtapos sa high school. Pulis na ang kaibigan kong ito.

Marami-rami na rin ang ganitong kuwentong napakinggan ko. Iba-iba ang bersiyon. Pero laging gustong ipagmagara ang kanilang ginawang kalokohan noong nag-aaral pa. High school man o kolehiyo. Salamat na lamang at wala pa akong naririnig na kalokohan ng isang mag-aaral habang nagma-masteral at nagdo-doctoral.

IV.

Atin atin lang. Matapos uminom sa karinderyang nagtitinda ng beer isang Disyembre, bumalik ako sa aking kolehiyo kasama ang isang kaibigan. Mabilis naming tinawid ang guard house. Hindi ako nasita kahit gabi na. Panggabi kasi ako sa buong panahong inilagi ko sa kolehiyo. Nagtelebabad ako sa telepono ng student publication na nabuksan ko gamit ang ID na inihiklat sa nakakandadong door knob. Kasapi ako ng publication kaya kabisado ko ang pagpasok at paglabas kahit walang susi. Nagtetelebabad ako samantalang naglalaro sa computer ang aking kaibigan. Biyernes noon. Hindi pa bumababa ang tama ng beer sa amin. Malayo sa opisina ang CR kaya umihi kami sa isang bote ng kakalat-kalat na family size coke. Iniwan namin ang walang takip na bote sa isang sulok. Hindi ako nagpakita sa publication kinalunesan at kinamartesan. Wala akong nabalitaang literal at patayutay na panghing nangamoy dahil sa aming kabalbalan. Nangyari ito noong 1997.

May isa pa. 1998 naman. Uminom kami (bakit kailangan laging manghiram ng tapang sa alak?) sa isang bahay ng kaibigang may birthday sa Las PiƱas malapit sa isang sementeryo. Nang malasing, inakyat namin ang hilera ng mga libingan. Nagdebate kami ng mga kaibigan tungkol sa kung dapat pa bang bigyan ng espasyo sa lupa ang mga namatay. Dahil walang gustong magtanggol sa cause ng mga namatay, tinindigan ko. Dapat bigyan sila ng puwesto bilang libingan sa emosyonal na dahilan. Matapos ang debate, inakyat namin ang pinakamataas na puntod. Sabay kanta at sayaw to the tune of “Top of the World” ni Karen Carpenter. Mga alas dos siguro ito ng madaling araw. Sinundo kami ng isang batalyong tanod kasama ang kapitan ng barangay. Pinilit kaming bumaba sa mga nitso. Hindi kami bumaba. Ang ingay ingay daw namin. Sumagot ang isang barkada, “naiistorbo po ba yung mga bangkay?” Na ikinagalit siyempre ni Kap sampu ng kaniyang sandatahang lakas na astang susugod na paitaas. Naka-ready-get-set-go na porma naman kami sa itaas ng mga nitso. Napapayapa lamang si Kap nang dumating ang tatay ng may birthday para padrinuhan kami. Tapos.

V.

Pero kahit kailan, hindi ko itinuring na kami ang pinakasiraulong batch sa unibersidad na humuhubog sa tagahubog ng kabataan. Natatawang nahihiya akong maalala ang mga pangyayaring binanggit ko. Ano ngayon ang kaugnayan nito sa nangyari kanina? Simple, madaragdag ang nangyari sa medalya ng bata na ipagmamalaki niya sa kaibigan, sa kakilala, posibleng sa mga anak, sa asawa. O kahit kaninong gusto niyang pakitaan kung gaano siya kaloko noong college.

“Sino? Si Mr. Delos Reyes? Nagkandabulol-bulol nga sa galit sa akin ‘yun e. ‘Kala ko nga aatakihin e. Kaya ako ang pinakasiraulo sa SLSU noong panahong iyon!”

Kaya nga uulitin ko, nagkamali ako. Pero siyempre, there are lessons you must learn the hard way. Hindi sapat ang teorya na huwag dapat pansinin ang mga batang KSP. They feed on attention—mula sa titser, mula sa kaklase, hanggang sa mga itinuturing nilang kaibigan. Nangyari na nga.

Balik sa realidad. Kung may batang ganito, huwag dapat pansinin. Mas madaling sabihin lalo na kung hindi pa nangyayari sa buhay ng isang titser. At dahil subok ko na ngayon, hindi naman ako papayag na basta ganoon na lang. Paglilinaw: hindi ko naman din balak tawirin ang boundary ng paghihiganti.

Three units lamang ang aming guidance and counseling na subject sa kolehiyo. Kahit anong balik ko sa detalye ng kursong ito, wala na akong matandaan maliban sa pangalan ng aming titser—Lilia Victoria, Ed. D. Bakit ko natatandaan, kasi siya ang dean ng student affairs noon. Walang gustong magturo sa pangkat namin, hindi dahil kami ang pinakasiraulong batch, kundi dahil panggabi kami. Nabalitaan ko ito sa isang “tagaloob” ng student affairs office. Natapos ang isang semestreng guidance and counseling subject nang hindi man lamang nag-iwan ng lagda sa kakapiraso kong utak. Pero katumbas ng 1.5 ang grade ko sa subject na ito kaninang balikan ko ang aking transcript!

Kanina rin habang nagmumuni ako kung paano iha-handle ang sitwasyon sa susunod na klase ko sa batang nagpatay sa akin ng ilaw, naisip kong paulanan siya ng insulto. Yung pinaka-scathing na insulto na kayang ibigay ng isang lisensiyadong titser sa kaniyang mag-aaral. Halimbawa: “Class huwag ninyong dadalhin sa unibersidad na ito ang ugaling asong kalye ng inyong pamilya.” O kaya, “Class, ang mga batang kulang sa pansin ay pinakain ng magulang buhat sa nakaw (or something worse na trabaho na hindi ko na masasabi ni maisusulat pa).” Naisip ko rin na gumaganti ako kung sasabihin ko ito sa klase. At kapag may himig ng paghihiganti, siguradong may mali.

Pero puwede ko namang harapin head-on. “Hindi ko mapapalampas ang ginawa mo, hindi kita tatanggapin sa klase hangga’t wala kang nailalabas na permiso buhat sa guidance office na dapat ka pang tanggapin, blah blah blah.”

VI.

Hindi na ito kanina. Tapos na ang semestre.

Tatlong miting sa klase na hindi pumasok ang mag-aaral. Buo sa isip ko na hindi na dapat daanin sa galit ang kaniyang ginawa. Naisip kong diinan ang kaniyang transcript of records ng isang naghuhumiyaw at nag-aapoy na singko! Wala nang usap usap. Wala nang paki-pakiusap. Singko kung singko. Dahil naisip kong babakat sa kaniyang pagkatao na singko ang kaniyang marka sa Fil 1! At hindi ito mabubura maliban na lamang at magpagawa siya ng transcript sa mga pabrika sa Recto.

Ibinilin ko sa kaniyang mga kaklase na maaari na siyang pumasok matapos ang ikatlong araw ng kaniyang pag-absent. Dahil hinipo ako diumano ni Papa Jesus. Nagpasalamat ang bata sa pagbibigay ko ng pahintulot sa pagpasok niya. Nginitian ko. Peke. Ngiti na may itinatagong maitim na lihim.

Hindi na umabsent ang bata mula noon. At kung mayroon mang palatandaan na maloko siyang mag-aaral, nabura ito ng mga aktibong partisipasyon niya sa klase bagamat lulubog-lilitaw ang resulta ng kaniyang mga eksamen. Dahil kailangang magkaroon ng talumpati bilang gawain sa Filipino 1, nag-volunteer pa ang estudyanteng ito na mauna sa talumpati. Bumuti ang bata sa madaling salita.

Hindi ko inaangkin na bunga ng galit ko ang pagbuti ng bata. Minsan kong naihimaton sa isang kaibigan na kasama ko sa Quezon Yahoogroups ang batang ito. Dahil maliit ang bayan ng Lucban, ang magkaapelyido ay makatitiyak na magkamag-anak. At hindi ako nagkamali. Sa harapan namin ng kaibigan kong ito, nasabi ko ang tungkol sa mag-aaral na malamang ay kamag-anak niya. Pinsang buo niya ang bata. Kuya Jonathan ang tawag sa kaniya. Huwag daw akong mag-alala dahil ipararating diumano niya sa ama ng bata ang nangyari.

Kinagalitan daw siya ng kaniyang ama at binantaang hindi na pag-aaralin nang kibuin ko ang bata tungkol sa radikal niyang pagbabago.

VII.

2.50 ang pangwakas na marka ng batang ito. Hindi man kasinsakit sa mata ng markang singko, nakatitiyak akong hindi rin naman ito kasingganda ng uno. At ang nakatutuwa, ito talaga ang kaniyang marka. Markang hindi nabahiran ng galit. Markang hindi pinersonal.

Ngayon, kung sakaling dumating ang pagkakataon na may mag-aaral na gagawa ng mas masahol pa sa pagpatay ng ilaw, baka sa pagkakataong iyon ay manalangin akong hipuin na talaga ni Papa Jesus para hindi ako mapundi.

Bago ako sa larangan. Naniniwala akong may mumunting bagay na matutuhan pa ako bilang guro sa darating na panahon ng aking pakikipagbuno sa propesyong ito.

Mumunting bagay na sana’y maglayo pang lalo sa akin sa ideya ng pagpapabugbog.

No comments: