Kung bakit dapat maging imba ang guro ko sa panahong ito
Joselito D. delos Reyes
(Panayam sa Jose Villa Panganiban Lecture Series ng Unibersidad ng Santo Tomas,
Oktubre 6, 2010, AMV Multi-purpose Hall)
Joselito D. delos Reyes
(Panayam sa Jose Villa Panganiban Lecture Series ng Unibersidad ng Santo Tomas,
Oktubre 6, 2010, AMV Multi-purpose Hall)
Bakit ba nataon pa sa pandaigdigang Araw ng mga Guro ang lecture na ito?
Palagay ko’y walang kokontra sa proposisyong ito: dahil higit na malaki ang iniuukol na oras ng mga mag-aaral sa pagtunghay sa media kaysa paaralan, mas malaki ang pagkakataong dito sila makahango ng kaalaman kumpara sa primitibong guro.
Masakit ang patungkol sa mga guro—lalo’t araw ng mga guro kahapon—bilang primitibo kaya babawasan ko ng hapdi—sinauna, malaon, luma. Panahon pa ng Klasikong Griyego ang paraan ng mga guro na umusal at mag-tumbling sa harap ng kaniyang mag-aaral, ipupwera ko ang mga guro noong Panahon ng Lumang Bato na mga gurong nagturo kung paano mangaso ng dinosaur at mammoth. Oo, nadagdagan tayo ng paraan, teknik, teknolohiya, teorya sa pagtuturo, ngunit nananatili tayo sa kung paano ang batayang gawain natin sa pagharap sa klase, pagharap sa mga mag-aaral na uhaw sa ating kakayahan noon pa man. Tinatawag na tayo, kami bilang tagapagpadaloy ng pagkatuto pero mahirap pa ring burahin ang katotohanan na guro tayo sa isang lumang institusyon gaya ng paaralan. Kahit gaano nating gawing maging kawili-wili ang pagtuturo, ang pagharap sa klase, nasa lumang institusyon at kaayusan pa rin tayo: ako ang guro at sila ang mga estudyante ko. Maaaring nadagdagan na tayo ng kaalaman dahil sa ating patuloy na pag-aaral, nadagdagan na tayo ng kagamitan dahil sa mga inobasyong pam-pedagogy, sabihin man nating mayroon nang programado at virtual na silid-aralan, guro pa rin tayong lahi ni Miss Tapia.
At ang mga mag-aaral natin ay patuloy sa pag-inog palabas ng kanilang axis sa tulong ng media. 17th century pa nabanaagan sa Europa ang pangitaing magkakaroon ng epekto sa mga mag-aaral natin ang media. At tatawagin ng mga Aleman ang pangitaing ito ng media bilang Inoculation Approach. Sabi ng mga Aleman, nakabadya ang pag-atake ng media sa mga mag-aaral kaya dapat iwasan ang mga ito. Tandaan, panahon pa ito na ang media ay iniimprenta sa kaiimbento pa lamang na imprenta ni Johannes Guttenberg. Aaminin ng mga Europeo na may kahati na sa atensyon ang mga mag-aaral. Kung dati ay guro at paaralan lamang, mayroon nang media na mapag-uukulan nila ng pansin. Kaya sabi nila F.R. Leavis at Denys Thompson: “The machine (read: tehnology) has brought us many advantages, but it has destroyed old ways of life, the old forms, and by the reason of the continual rapid change it involves, prevented the growth of the new. Moreover, the advantage it brings us in mass production has turned out to involve standardisation, levelling down (akin ang bold) outside the realm of mere potential good.”
Heto na. Sinisira daw ng media at teknolohiya ang old ways of life. Kaya pangkaraniwan nang maririnig ng mga mag-aaral na narito ngayon sa kanilang magulang ang ginintuang aral na: “noong panahon namin ganito lang kami, kayo ganito na blah blah blah...” Noon uling lang ang gamit namin, kayo may tinta na. Noon tinta lang ang gamit namin, kayo may makinilya na tapos wala ka pa ring project. Noon makinilya lang ang gamit namin, kayo may Wordstar (o Wordperfect) na wala ka pa ring project. Noon, Wordstar lang ang gamit namin, kayo may MS Word 2007 na, at Google, at Wikipedia, at e-books na tapos wala ka pa ring project. Ad infinitum. May panganib daw na wala sa paaralan kundi sa labas nito: pelikula, pahayagan, lahat ng uri ng publisidad, commercially catered fiction, at marami pang iba na nagbibigay ng immediate pleasure o mabilisang ginhawa sa pinakamaliit na effort para sa mga mag-aaral.
Habang dumarami ang humahatak sa atensiyon ng mga mag-aaral, lumiliit ang atensiyon para sa mga lumang guro dahil saan nga ba sila pipiraso ng atensiyon kundi sa atensiyong dapat iniukol sa paaralan. Papaliit nang papaliit. Kahit pa sabihing nag-upgrade ng RAM at HD space at processor ang guro dahil sa dami ng seminar at lecture series na dinaluhan, kahit pa sabihing marami nang titulo ang guro, kahit pa sabihing awtoridad sa lahat ng awtoridad ang guro, nananatili tayong buto, balat, laman na gaya ng mga guro ilang milenyo na ang lumipas. Isang semi-killer app o isang makabagong social networking site o laro o gadget lamang katumbas ng ating paghihirap para tumalikod ang mga mag-aaral sa pag-tumbling-tumbling natin sa klase. Nakita ng inoculation Approach ang buhay natin sa kasalukuyan.
Pero kailangan kong balansehin, kung mayroong Inoculation Approach, mayroon din namang isang grupo na nagpupunyagi sa pagdami ng media. Tinawag nila itong Mass Media Material. Tinalakay nina Guy Phelps at Graham Murdock ang Mass Media Material bilang sagot sa diskriminasyon ng Inoculation Approach. Kaalyado daw dapat ng guro ang media dahil sabi nga nga isang cartoon character na may pangalang Yosemite Sam: If you can’t beat ‘em...
Kaya mayroon tayo ngayong tinatawag na authentic material sa pagtuturo, kaya nagpa-powerpoint na tayo, kaya may online quiz, kaya may e-group ang klase, kaya may virtual learning, kaya ako nagba-blog, kaya kung minsan link na lang ang ibinibigay ko sa klase ko para sa kanilang dapat basahin. Ayokong isiping disipulo ako nila Phelps at Murdock pero ano ang gagawin ko? Ano pa nga ba kundi dapat akong maging Imba!
Pormal tayong estudyante minsan at maaaring hanggang ngayon. Bilang guro, ayaw kong naikokompara. Pero sinusundan pa rin ako ng pangitaing minsan ay naghambing ako ng mga guro ko mula elementarya hanggang post-grad. Sino ang mahusay, sino ang Miss Tapia, sino ang Imba sa kanila? Kung paanong may kani-kaniya tayong pamantayan ng magaling na guro, nakatitiyak akong may kani-kaniyang pamantayan din ang ating mag-aaral kung sino ang magaling sa kani-kanilang guro batay sa kanilang pansariling pamantayan. Ang hanap nila ay Imba. Imbalance ang salitang ugat ng Imba. Walang teknikal na depinisyon ang salitang ito maliban sa extreme na kagalingan (o katangahan as the case may be). Anak ang salitang ito ng subkultura ng Dota. Kapag pinakamagaling kang manlalaro ng Dota, imba ka. Synonym nito ang mamaw o halimaw sa galing (hindi halimaw sa hitsura). Use in the sentence: Imba ang titser ko sa trigo, kaya lang ambilis magturo. Imba ang kaklase ko sa chemistry, inaamoy lang ang test paper alam na agad ang sagot.
Hindi ko sinabing mahumaling tayo bilang guro sa pagdo-Dota at Counter Strike para malaman natin kung ano ang first blood, o headshot o kung ano ang imba. Masyado na tayong maraming gawain. Lumalabo na ang ating mata sa pag-check ng copy-pasted na papel. Sa larang ng paggagap sa wika ng mga kabataan, ng ating mga mag-aaral, ang gusto kong sabihin, huwag tayong papaiwan. May gap sa pagitan ng guro at mga mag-aaral, at ang pagbalanse rito ay makatutulong—sa pananaw ko—para maramdaman natin kung saan tayo dapat pumuwesto sa pag-unawa sa kinahuhumalingan nila. Alam kong maraming kokontra sa proposisyon kong ito. Pero heto ang patunay.
Taon-taon mula noong 2004, kinikilala ng Sentro ng Wikang Filipino sa tulong ng NCCA at Filipinas Institute of Translation ang mga bagong salita tungo sa pagkilala sa Salita ng Taon. Narito ang kanilang pamantayan sa pagpili: Maaaring ituring na Salita ng Taon ang isang salita, bago man o luma, na nakapukaw sa pambansang guniguni o nakaapekto nang malaki sa mga usaping pampolitika, panlipunan, pang-ekonomiya, at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa loob ng nakaraang isa o dalawang taon. Hindi man sabihin, isang salita ito na naging popular o karaniwan at makabuluhang ginagamit ng mga mamamayan sa iba’t ibang antas ng pagtukoy at pag-unawa sa kanilang mga pansarili at panlipunang karanasan. Isang mahalagang dagdag ang Salita ng Taon sa bokabularyo ng bayan at karapat-dapat na magkaroon ng espasyo sa pambansang wika at diksiyonaryo. Sa madali’t salita, maaaring kilalaning Salita ng Taon ang anumang salita na:
• Bagong imbento
• Bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika
• Luma ngunit may bagong kahulugan
• Patay na salitang muling binuhay
Maliban noong 2008 at 2009, narito ang piniling mga Salita ng Taon (note, matatagpuan sa sawikaan.net ang higit na detalyadong paliwanag para sa mga salitang ito:
2004- Canvass na ipinanukala ni Prop. Randy David. May kinalaman ito sa kagamitan at paraan ng pagbilang sa panahon ng halalan bagamat marami pang gamit ang salitang ito.
2005- Huweteng na ipinanukala ng makata at Tomasinong si Bobby Añonuevo. Kailangan pa bang ipaliwanag kung ano ito?
2006- Lobat na ipinanukala ng isa pa ring Tomasino, si Jelson Capilos. Kung may cell phone kayo, nakatitiyak akong alam ninyo ang salitang ito na maaari ring gamitin sa tao kahit na hindi tayo de-baterya.
2007- Miskol na ipinanukala ni Prop. Adrian Remodo ng Ateneo de Naga. Gaya noong sa 2006, alam kong pamilyar tayo sa miskol. Ngunit kaiba sa tunay na kahulugan ng salita, ang miskol mismo ay paraan ng komunikasyon. Use in the sentence: I-miskol mo ako kapag nasa library ka na at susunod na ako.
2010- Jejemon na ipinanukala ni Dr. Rolando Tolentino ng U.P. Eow powS5zz?
Pero hindi ito ang nais kong ikintal sa inyo. Higit na lilinaw sa atin kapag nakita natin ang mga piniling finalist para sa salita ng taon. Narito:
2004- ukay-ukay, kinse anyos, text, jologs, otso-otso, salbakuta, fashionista, dating (arrive sa Ingles), tapsilog, tsugi, tsika, dagdag-bawas, terorista at terorismo.
2005- blog, e-vat, gandára, caregiver, call center, pasawáy, networking, wiretapping, coño, tibák/t-back, tsunami.
2006- botox, toxic, spa, orocan, kudkod, chacha, birdflu, meningococcemia, karir, payreted.
2007- roro, Friendster, sutukil, videoke, make over, telenobela, extra judicial killing, party list, abrodista, oragon, safety.
2010- unli, load, tarpo, spam, solb, emo, namumutbol, Ondoy, Ampatuan, korkor
Batay sa mga nakahilerang halimbawa ng mga “bagong” salita, malinaw na hindi na lamang tayo nanghihiram kaya nabubura ang anumang konsepto at teoryang inihahain ng word-borrowing. Lumilikha na tayo ng mga salita o ng kahulugan ng mga salita at simbilis ng Smart Bro, kumakalat ito. Mabilis ang paglikhang ito, simbilis ng pagpapalit ng modelo ng cellular phone at kompyuter. Tapos na ang panahong sa ipinapataw nating aklat dumudukal ng dagdag na kaalaman ang mag-aaral.
Ano ngayon ang ibig kong sabihin? Minu-minuto may nadadagdag sa bokabularyo ng mga mag-aaral natin sanhi ng hindi nila maawat na pagtunghay sa media. Madali nating matanggap ang iba dahil tayo man ay tumutunghay sa ilan nilang tinutunghayan gaya ng Facebook. Alam natin kung ilang gig ang HD drive capacity natin. May ibang malinaw sa atin kung ano ang silbi ng RAM sa netbook natin. May ibang alam ang chorva, chinorva, chumuchorva, at iba pang anik-anik. Sa ibang guro masakit ito sa tengang pakinggan at masakit sa matang mabasa, sa iba, tanggap na ito bilang bahagi ng bulto-bultong pasok ng mga alien na salita. Pero ag tanong ay kung ano ang makabubuti lalo na samga guro ng wikang gaya natin? Napakapersonal marahil ng magiging tindig ng iba sa atin. Halimbawa ako. Gusto kong makilala pa ang kulturang kinabibilangan ng aking mga mag-aaral kaya ako nagtatanong, nagbabasa, nagsasaliksik at nakikiisa sa mga gawaing hindi ko na matatalikuran dahil sa tunay na bahagi na ng aking struggle hindi para maging imba kundi maging isang karaniwang gurong pinakikinggan ng mga mag-aaral. Sa palagay ko, natutuwa silang marinig na sinasalita ko ang kanilang wika (huwag nang alamin kung naiintindihan), pakiramdam nila, bahagya akong nag-level up sa kinamulatan nilang amoy alikabok na guro. Pero maaaring nagkakamali ako.
Mahirap pekein ang karanasan. Hindi ako napupuyat kado-Dota. Madali akong magsawa sa pagtunghay sa Facebook account ko. Nabuwisit ako nang hindi ako makaahon sa isang level ng GTA kahit pa katabi ko na ang hard copy ng cheat. Nabubwisit ako kapag sinabihin ako ng mga kaibigan ko ng “RTFM dude” kapag may isinasangguni akong suliranin sa hindi hindi ko makalikot na malware ng blog ko. Luma na kasi ako. Mabagl ang daliri at kamay sa pagpindot ng keyboard at Qwerty na keypad ng CP. Pero tanggap ko ito bilang hamak na gurong nalilito sa dami ng code sa pag-a-unli.
Sa likod ko, maaaring nahahalata ng aking mga mag-aaral ang trying hard na pag-adapt ko sa kanilang mundo. Pero mahalaga kasi ito sa akin. Component ng pag-aaral ng kanilang sosyolek sa simula ng Fil101.
Ngayon babalik ako sa tanong kung bakit kailangang maging Imba ng guro? Dahil bukod sa ating titulo bilang guro marapat lamang na magaling tayo anumang mabuting kahulugan ang maipapataw sa salitang galing ng ating mga mag-aaral.
Marami pa tayong dapat matutuhan sa kanila. At hindi ito matatapos.
No comments:
Post a Comment