Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, July 27, 2010

Premyong Bulawan

PREMYONG BULAWAN
Php 50,000 Timpalak sa Tula at Kritisismo

Bilang bahagi ng ika-25 anibersaryo nito, inihahandog ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA)—ang nangungunang institusyon ng mga makata sa wikang Filipino na itinatag ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario (Rio Alma)—ang Premyong Bulawan: Timpalak sa Tula at Kritisismo na may gantimpalang salapi mula kay Virgilio S. Almario at nagkakahalaga ng Php50,000.

Nahahati ang timpalak sa dalawang kategorya, ang Premyong Bulawan sa Tula at ang Premyong Bulawan sa Kritisismo. Isa lamang lahok sa bawat kategorya ang magwawagi at tatanggap ng Php25,000. Hinahanap ng timpalak ang mga natatanging akdang may kakayahang makapagpabago o magsimula ng bagong landas sa panulaang Filipino, at magdudulot ng bagong pagtanaw sa panitikan ng Filipinas.

Matatagpuan ang pormularyo (entry form) dito: http://liraonline.org/blog/wp-content/uploads/2010/07/premyong-bulawan-pormularyo.doc

MGA TUNTUNIN:

1. Bukás ang timpalak mula 1 Hulyo 2010 hanggang 30 Oktubre 2010 sa lahat ng manunulat at makatang Filipino na naninirahan sa Filipinas o sa labas ng bansa.

2. May dalawang kategorya ang patimpalak:

Premyong Bulawan sa Tula

Magpasa ng koleksiyon ng tula na hindi kukulangin sa 25 tula o isang mahabang tula na hindi kukulangin sa 50 pahina na nakasulat sa wikang Filipino. Malaya ang paksa bagaman iminumungkahi ang pagdangal sa kasaysayan at pagsulong ng Filipino.


Premyong Bulawan sa Kritisismo

Magsumite ng kritisismo o koleksiyon ng mga kritisismo ukol sa panulaan o aklat ng tula sa katutubong wika ng Filipinas na hindi kukulangin sa 50 pahina at hindi lalabis sa 100 pahina (single-spaced) na nakasulat sa wikang Filipino.


3. Kailangang orihinal ang lahok at hindi salin mula sa ibang wika. Ang kabuuan ng koleksiyon o lahok ay hindi pa nananalo ng ibang patimpalak at hindi pa nailalathala. (Pansinin: tatanggapin ang koleksiyon kahit ang ilan sa mga akdang kabilang dito ay nagwagi na ng premyo o nalathala na.)

4. Isang (1) lahok lamang sa bawat kategorya ang maaaring ipasa ng isang indibidwal.

5. Ang lahok ay walang pagkakakilanlan kahit pangalan. Nakahiwalay ang pangalan, address, at iba pang impormasyong nakasulat sa pormularyong kalakip ng mga tuntuning ito. Kinakailangang nakanotaryo ang nasabing pormularyo.

6. Ang lahok ay kailangang isulat sa computer (font size 12, Times New Roman, single-spaced) sa 8 1/2 x 11 na bond paper at may palugit na isang (1) pulgada sa lahat ng gilid.

7. Kailangang isilid ang pormularyo, apat (4) na hard copy ng lahok, isang (1) CD na naglalaman ng electronic file, at curriculum vitae/résumé sa isang brown envelope.

8. Ipapahayag ang mga finalist—kung mayroon mang mahihirang—sa 1 Disyembre 2010. Gagawaran ng premyo ang mga magwawagi sa Disyembre 2010 sa Culminating Night ng LIRA 25th Anniversary.

9. Isa lamang ang hihiranging nagwagi sa bawat kategorya. Premyo sa bawat magwawagi: Php 25,000 at tropeo.

10. Ang pasiya ng inampalan ay pangwakas at hindi tatanggap ng paghahabol. Tanging ang isponsor ng timpalak (Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario) ang makaaalam ng identidad ng mga hurado na siya mismo ang hihirang. Malalaman lamang ng inampalan at isponsor ang identidad ng mga kalahok pagkatapos makapagpasiya ng mga akdang nagwagi. Walang hihiranging nagwagi kung walang mapipiling karapat-dapat na lahok ang inampalan.

11. Lahat ng mga nanalong lahok ay mananatiling pag-aari ng mga may-akda nito, ngunit may karapatan ang LIRA sa unang pagpapalimbag ng koleksiyon nang walang tatanggaping royalty ang may-akda.

12. Ipadala o personal na isumite ang lahok sa o bago dumating ang 30 Oktubre 2010. Kung sa koreo ipadadala, kinakailangang may tatak ito sa postal service ng petsang nabanggit.

PREMYONG BULAWAN
Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA)
c/o Institute of Creative Writing (ICW), 2/F Bulwagang Rizal
College of Arts and Letters, UP Diliman
Quezon City, Philippines

Personal na tatanggapin ang mga lahok hanggang ika-5:00 ng hapon ng 30 Oktubre 2010 sa pigeonhole ng LIRA sa UP ICW. Hindi tatanggapin ang mga lahok na ipinasa sa pamamagitan ng email.

Para sa mga katanungan, maaaring mag-email sa bulawan@liraonline.org.

No comments: