Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Thursday, June 17, 2010

Dear Allan Popa

Bakit ko ito ipinoste? Blog ko kasi 'to.


Dear Allan,

Kumusta ang Estados Unidos? Bakit ako sumulat sa iyo? Dederetsuhin ko na. Mang-aabala sana ako kahit alam kong abala ka na sa tambak-tambak na gawain mo diyan. Ganito kasi yun, ang paksa ng M.A. tesis ko sa La Salle ay parang ganito: “Ang Bago sa Bago: Pagtatakda ng Hangganan ng Bago sa Makabagong Panulaang Filipino.” Siyempre bahagi ka nito, kasama si Rio (mayroon pa bang bago?), Joey B., Vim, Egay, (na papasa-Amerika na rin), Jerry G., Ayer, at iba pang maaaring ikonsidera para mabuo ang papel ko. Pero ang isa sa sigurado ay ikaw though hindi ito tungkol sa iyo kundi sa panulaan mo at ng ilang kaibigan sa High Chair. Bakit ikaw? Dahil sa laki ng impluwensiya mo, at ng iyong panulaan, sa mga bagong makata. Parang ganito lang, magpapadala ako ng mga tanong na parang iniinterbyu kita siguro via FB na rin. Tapos iyon, kung maaari, kahit alam kong makaaabala sa iyo, pakibigyan mo ng kaunting paliwanag. Parang magbe-benchmark ako ng ilang dapat makita para matawag na bago, pero siyempre babalikan ko ang luma, o ang mga “bagong” naluma. O lumang naging bago. Working hypotheses ko kasi kung bakit bago ang bago ay dahil bago ang makata (o bata?), bagong sinasabi kahit luma ang makata, bagong kalap ng impluwensiyang labas sa Pinas, bago ang paksa (wala nang bagong paksa?), bago ang halayhay ng lenggwahe (pamilyar ka ba sa jejemon? O texting?) dulot ng teknolohiya at media. Nag-iipon ako ng materyal para mabuo ang ilang bahagi ng tesis. Balak kong idepensa ang proposal sa Hulyo at yung kabuuan ay sa Nobyembre ko na ihaharap sa panel. Sa pagitan ng Hulyo at Oktubre kita sana babagyuhin (hindi, uulanin lang o aambunin) ng tanong. Pare, sana makuha ko ang pagsang-ayon mo. Hubad ang tesis ko kapag wala ang isang Allan Popa. At hindi ito masaya. At baka hindi ako pumasa. Tatanawin kong malaking utang na loob ito. Salamat ngayon pa lamang.

Paumanhin, dito ko na lang idinaan sa FB.

Kaibigan,

Joselito

heto naman ang sagot ni Allan matapos ang tatlong araw:


Hi Joey,

Salamat sa pagkonsidera sa likha ko sa iyong thesis. Napakainteresesante nga ng iyong proyekto at palagay ko, panahon na para sa ganitong pag-aaral.

Wala pong problema. Ipadala mo lang ang mga tanong at sisikapin kong tumugon agad.

Allan

No comments: