Tuesday, May 4, 2010
Ilang-ilang namin
Ginamit pa ang Diyos. Pakikinabangan daw ng Diyos ang ilang-ilang namin dahil itutuhog daw kasama ng sampaguitang hinahango nila galing Maysilo. Tapos isasabit sa mga icon o sa altar ng mga PUJ na biyaheng Monumento-Polo o Sangandaan-Polo. Matagal na daw nilang kabuhayan ang magtuhog ng sampaguita at ilang-ilang, halos dalawampung taon na. Minsan na daw nilang nadaanan ang puno ng ilang-ilang ng Kuya Boy na namumusarga sa bulaklak. Bitbit ang maliit na panungkit, bibilhin daw nila lahat ang ilang-ilang para daw mapakinabangan.
Kahit alam kong malaki ang pakinabang namin sa ilang-ilang dahil sa amoy nito sa looban namin sa Coloong, hindi ko na sinabi. Sabi ko, hindi sa akin ang puno, hintayin ang Kuya Boy na siyang nagtanim at nag-alaga para lumago ang punong naninilaw sa bulaklak. Nagpumilit ang matanda kasama ang anak daw niyang matanda na rin. Sabi ko maghintay. Nagpumilit na pumitas. Sabi ko maghintay hanggang mamyang hapon pagdating ng Kuya Boy. Magtutuhog na daw sila mamyang hapon. Sabi ko bukas ng umaga. Ayaw umalis sa gate namin. Hindi na raw nila susungkitin ang mataas, ‘yun na lang daw mababang bulaklak ang puputputin, ‘yun lang daw maabot ng matanda. Nakumbinsi ako dahil ginamit na naman ang Diyos. Bumigay ako. Bahala na, sa isip-isip ko. Kapag nadatnan ng Kuya Boy, dun na lang sila magpaliwanag. Pinutpot ang bulaklak, nakahalos kalahating fishnet. Salita nang salita tungkol sa buhay nila bilang magsasamapaguita, tungkol sa mga anak niya, na lalo daw yayabong ang puno dahil tinatalbusan ng bulaklak.
Binantayan ko habang pinupupol ang puno. Ang lintek na camera ko, nasa hiraman kaya ginamit ko ang pipitsuging lente ng cellphone. Pitik ako nang pitik. Salita naman nang salita ang matanda. Sabi ko tama na at mukhang marami nang napupol na bulaklak. Akala ko kaunti lang ang maaabot ng matanda. Hindi ko akalaing halos mapangalahati ang fishnet. Nag-abot ng apat na baryang lilimampisuhin. Matutuwa daw ang Diyos dahil mababanguhan na naman Siya. Bantulot kong tinaggap ang beinte. Iaabot ko pagdating ng Kuya Boy. Bahala na kung magalit dahil nakalbo ang ibabang bahagi ng puno.
Bago umalis ang mag-inang matanda, napansin nila ang malagong pandan malapit sa puno ng ilang-ilang. Babalikan daw nila at bibilhin. Ipampapabango sa minatamis. Hindi na ginamit ang Diyos.
Nang makaalis ang mag-ina at bago ko pa ma-upload ang mga retrato sa laptop ko, naalala ko na sinabi ng bayaw kong dating tsuper ng dyipni na ang mga sampaguita sa mga altar at rearview mirror ng PUJ na biyaheng Monumento-Polo o Sangandaan-Polo ang resibo sa pangongotong ng mga pulis at traffic-aide sa M.H. del Pilar. Tsk tsk. Ginamit pa ang Diyos.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment