Kampanya
May nabubuong reporma sa asó ng kape.
Wala na ang dating pagpapaawa, paglilitis
Sa sariling ibinahog sa mahahabang salaysay
At talumpati. Matamis ang cinnamon at
Nakakaumay ang pang-araw-araw na gatas.
Bakit wala ito sa polyeto at pamphlet?
Sa plataporman-de-gobyerno?
Gabi-gabi itong caucus ng americano, sumatra, at
Robusta pero hanap ko pa rin ng amoy putik, lasang
Putik, sabuyan ng putik sa halakhakan at
Paos na PA system. Garalgal ang tinig ng mga isyu
Ng media at kapihan, bagong pormula ng kape sa
Bawat urban poor kolektib. Karistimatiko talaga
Ang kalabang partido, na kahit paspas ako
Sa paglalakad, napapakupad sa gara ng
Naghuhumindikang poster, tarpaulin.
Sa dami ng pakulo, gimik, mga artista. Sobrang
Pait, sobrang tapang talaga ng double espresso, bakit ba
Ito ang naorder ko, on-the-go? Naparami tuloy ang
Creamer, sweetener ng aking sinabi, hindi ko tuloy
Nasunod ang bilin ng PR idyer. H2H sa Area 2, may
Demo job sa akin, may padebate ang parokya.
Ano ang sarap ng pakla ng kape, kung wala
Ang pakla’t usok ng sigarilyo? Alam ko namang
Hindi ang pangalan ko ang pasan ninyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment