Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Sunday, July 13, 2008

Ilang Muni sa Fil02 at Lit103
Bilang Asignatura
o
Kung Paano Ko Puwersahang Pinagbasa ang aking mga Mag-aaral sa Southern Luzon State University sa Unang Buwan ng Aking Pagtuturo

Titser ako

Iisang buwan pa lamang nagbubukas ang klase. Tatlong subject ang itinuturo ko sa kolehiyong tinabtab sa pigi ng Bundok Banahaw sa bahagi ng Lucban, Quezon—Fil01 o ang Sining ng Pakikipagtalastasan; Fil02 o ang Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, at ang Lit103 o ang Panitikan ng Rehiyon.

Kabilang ako sa faculty ng Language, Literature, and the Humanities sa ilalim ng College of Arts and Sciences. Wala akong masasabing kasanayang nakabatay sa karanasan, maliban sa off-campus on-the-job training sa pagtuturo, bagamat ang maging titser naman talaga dapat ang ginagawa ko dahil ito ang isinasaad ng aking diploma at lisensiya. Pinag-aral ako sa tulong ng buwis ng taumbayan sa pampublikong unibersidad sa tabi ng riles ng LRT at city hall ng Maynila. Ikalawang dahilan ko kung bakit ako nagtuturo ay dapat kong suklian ng paglilingkod ang ipinampaaral sa akin kahit papaano bilang ganti sa kabutihang loob ng rentas internas (na alam kong kinuha sa mga suweldo ng obrerong mabibigat ang kalooban, at sa ilang tapat na mangangalakal na mabibigat din ang kalooban). Ang unang dahilan, wala akong trabaho sa Lucban kaya ako nag-apply magturo. At ang dahilan sa lahat ng dahilan, para makasama ang aking pamilya.

Kung bakit ako napadpad sa Lucban ay bahagi ng isang hindi naman gaanong kumplikadong love story na hindi pampelikula ni pangkomiks. Titser din ang aking asawa dito sa Lucban. Graduate rin siya sa Normal. Itinago siya ng nanay niya (na biyenan ko na ngayon) buhat sa San Juan, Metro Manila dito sa pisngi ng bundok sa pag-aakalang hindi ko na masusundan. Nasundan ko. Nagpakasal kami. Nagkaroon kami ng isang anak na ang pangalan ay Banahaw. Sana. Divine ang totoong ngalan ng aking anak batay sa kagustuhan ng kaniyang inang nagbantang hindi siya ilalabas sa bahay-bata kung Banahaw P. De Los Reyes ang isusulat ko sa kaniyang birth certificate.

Napadpad ako nang tuluyan sa Lucban nang magkaroon ako ng nakaririmarim na sakit noong Pebrero 2008—ang long-delayed bulutong-tubig. For good na, sa ngayon, ang aking pagtira at pagtuturo dito. Force majeure dahil hindi na ako mare-regular sa trabaho sa Ortigas dahil nga sa sandamukal na bulutong na tumubo sa aking mukha at katawan na diumano’y biyaya ng Diyos (kung paniniwalaan ang asawa kong guro sa physics). At kung susumahin, kagustuhan ng Diyos kung bakit ako titser ngayon, at ito ang Kaniyang ulterior motive sa facial deformity ko noong Pebrero. Siguro nga. Sana nga. Naniniwala naman ako. Sa ngayon.

Kung hindi ako natanggap bilang guro sa Southern Luzon State University dito sa Lucban, malamang ay nasa Kamaynilaan pa rin ako. Nasa pribadong sektor sa kung anumang trabahong may kinalaman sa business development, marketing communications at public relations, o sa pampublikong tanggapan sa anumang trabahong may kinalaman sa “business development,” marketing communications at public relations. Pareho ko nang nagawa ang mga trabahong ito. Gaya ng itim na costume ni Spiderman sa Spiderman 3, napakahirap hubarin ang mga nauna kong trabaho. Lapitin ng raket. Malakas ang temptation lalo na kung mababalitaan ninyong PhP 84.50 ang aking gana sa bawat oras na may turo, buti na lamang at hindi ninyo ito alam ni malalamanpa. Buhat sa five-digit na suweldo na nagsisimula sa 3, four-digit na lamang na nagsisimula sa 7, na minsan daw ay 8, ang aking abang suweldo kada buwan depende sa dami ng holiday at kapritso ng pamahalaan na magdeklara ng walang pasok o piyesta opisyal, na kasingkahulugan ng pagbawas sa aking suweldo nang walang kalaban-laban.

Nginunguya ko na nang buong linamnam ang trabahong ito. At dapat kong linawin at bigyan ng diin—wala akong sentimyento sa suweldo. Wala pa. Mababa ang cost of living dito sa Lucban. Naglalakad lamang ako papasok at pauwi sa paaralan. Kinse hanggang beinte pesos ang halaga ng pagkain sa tabi-tabi, na ang ibig sabihin ng tabi-tabi ay malinis at masarap na pagkain at hindi gaya sa Kamaynilaan na ang tabi-tabi ay kasingkahulugan ng rolling hepatitis stalls. Maliban sa ilang rekisito ng isang maayos at disenteng hitsura pagpasok (deodorant, kaunting cologne, foot powder, shampoo, toothpaste, toothbrush, etcetera), ay wala na akong naiisip pang malaking pagkakagastusan, may mga sapatos, pantalon, long-sleeves at polong maayos pa naman ako, tira-tira ng aking salad days sa Ortigas at Makati at sa trabahong may red-plate na service vehicle at dalawang rotation drivers. Sagot ni misis ang bulto ng gastos (diaper, gatas, kuryente, tubig, cable, pagkain, LPG, tuition at pambaon ng kaniyang kapatid, etcetera). Nakabili na ako ng tatlong batayang aklat, to the tune of nine hundred pesos, na gagamitin sa pagtuturo. Maayos pa naman, bagamat literal na mabigat na, ang aking Asus A6R at ang back-up na desktop AMD PC pati na ang HP printer para hindi sumala sa pagta-type ng kung ano-ano at pagre-research ng kung ano-ano. Sumatotal, nakalalagpas kami sa pang-araw-araw na biyolohikal at propesyonal na kahingian ng maayos at disenteng trabaho’t buhay. Sapat kung gayon ang aking panahon para magmuni sa aking kasalukuyang bokasyon—ang magturo. At magturo nang mabuti.

Titser ako ng Fil02 at Lit103

Bungad ko sa aking mga estudyante sa Fil02—tatlo ang dahilan kung bakit tiyak na magiging boring ang subject. Una, ang pagbasa, ikalawa ang pagsulat, at huli ang pananaliksik. Reading, writing, and research. Hindi ko pa naman tinatawid ang hanggahan ng pagkanta at pagsayaw at paglunok ng espada sa klase mapalipas lamang ang tatlong oras bawat linggo ng pakikipagbuno sa teorya ng pagbasa at pagsulat (iwinaglit ko muna ang pananaliksik upang hindi maumay ang aking mag-aaral). Hindi ko pa ito ginagawa, pero hindi ko rin naman isinasaisantabi ang posibilidad na gawin ang pagsirko at pagmamadyik para lamang malibang at mag-focus ang klase.

Natapos ko ang tatlong linggo ng mga teorya ayon sa batayang aklat na subliminal na iniuutos ng CHED, sa bisa ng isang memo, na dapat naming gamitin bilang panturo. Tapos na ang kuwento at teorya, dapat nang isapraktika. At ang unang tinik ay ang pagbabasa nang halos walang humpay hanggang matapos ang preliminary examinations ng mga kawawang mag-aaral na akala mo’y sinisentensiyahan ng reclusion perpetua sa tuwing makikita ang mga tekstong dapat basahin (average length: 3-4 pages of pure unadulterated texts).

Hindi requirement sa mag-aaral ang bumili ng batayang aklat na isinulat sa paraang mistulang workbook kahit pa kaibigan ko ang may-akda. At lalo namang hindi ko gagawin na ipa-photocopy ang buo o kahit bahagi ng aklat dahil, una nang dahilan, kaibigan ko kasi ang may-akda. Kaya kailangan kong kumipil nang walang pormal na paalam sa mga isinulat ng kaibigang manunulat bilang piyesa sa pagpapabasa.

Ayokong isiping intuition ang dapat paganahin ng titser para malaman kung binasa o hindi ang babasahin. Sapat na ang hindi pagsagot-sagot ng estudyante sa recitation para malamang hindi ito nagbasa. Ang hindi nila pagsunod sa utos na magbasa ay natutugunan naman nila ng pagsasabi nang totoo—na hindi nga sila nagbasa! May iba’t ibang bersiyon lamang: kesyo hindi natapos basahin dahil mahaba at walang retrato ang teksto, inantok, walang oras tapusin ang babasahin, tambak ang quizzes at assignment sa major subjects, walang pampa-photocopy, etcetera.

Ang una kong reaksiyon bilang titser sa mga hindi nakatupad sa gawain: magalit o mainis. Pangaralan (read: sabunin) ang klase,ipaliwanag na kailangan silang magbasa, na kailangan sa career sa engineering hindi lamang ang galing kumuwenta at magdrowing kundi ang galing sa pagbabasa at pagsusulat. Ito ang una kong ikinainis sa pagtuturo ko. Ang mamuwersang magbasa at magalit kung hindi pa rin magbasa ang mag-aaral sa kabila ng panggagalaiti at pagdungaw ng litid sa lalamunan ng titser.

At heto pa. Nagtuturo ako sa mga nag-aaral maging titser sa Filipino. Itinuturo ko ang Lit103 o ang Panitikan ng Rehiyon. Bago ang subject kumpara sa mga asignaturang itinuturo na noon pang early at late 90s batay sa aking pagtatanong sa mga guro at propesor sa Filipino sa loob at labas ng Lalawigan ng Quezon. Kung hindi ako nagkakamali, 2005 lamang lumabas, batay sa 2004 CHED memo, ang subject na ito. At gaya ng kahit anong subject na may Panitikan o Literature sa pamagat—walang humpay na pagbabasa ang dapat gawin.

Sa loob ng kulang isang buwan ng paghawak sa subject na ito, nakita ko kung paano marindi ang aking labimpitong mag-aaral sa dami ng dapat basahing tula, maikling kuwento, dula, sanaysay puwera pa ang mga batayang teorya sa Panitikan na nakasulat sa paraang bloke-bloke at walang breaker. Sinabi kong mag-drop o lumipat ng major ang mga hindi makatutupad sa pagbabasa at pagsusulat. Dalawang estudyante agad ang berbal na nagmuni na mag-drop o lumipat ng major. Buti na lamang mukha o umaasta na silang nagbabasa at nagsusulat ngayon.

Kasama sa litanya ko ang pagbuyo sa kanilang kailangan nilang magbasa at magsulat dahil magiging guro sila ng pagbasa at pagsulat sa nalalapit na hinaharap. Paano silang makapagtuturo ng pagbasa at pagsulat nang maayos kung sila mismo ay hindi matiyagang magbasa at magsulat. Sabihin pa, ikinumpara ko sa bulag na umaakay sa kapwa bulag ang mga gurong nagtuturong bumasa at sumulat nang tama at maayos gayong hindi sila nagbabasa at sumusulat nang tama at maayos. Alam nilang pagkahulog sa bangin, o masagasaan kaya sa kalye o mauntog o madupilas at hindi na makabangon, ang dulot ng bulag na umaakay sa kapwa bulag.

Kung palatandaan ang ngiti ng mga mag-aaral sa oras ng aking klase sa Lit103, mukhang nagtatagumpay ako sa pagpapabasa at pagpapasulat sa kanila. O maari ring nagkakamali ako. Tatlong buwan ko pa silang babantayan. Huwag naman sanang false alarm ang sigasig ng mga magiging guro sa Filipino sa pagbabasa at pagsusulat.

Tinik ba ang pagpapabasa?

O pabigat. O parusa. Para mabago ang dating sa pandinig ng mga mag-aaral na papatawan ng parusang magbasa at magsulat sa loob ng isang semestre, binago ko ang pabalat at approach sa subject. Hindi ito tinik o pabigat ni parusa. Kahit alam kong may hawig sa pagiging corny at vague, sinabi kong gaya ng pagmamahal na napag-aaralan, napag-aaralan din ang pagmamahal sa pagbasa at pagsulat. Hiyawan siyempre ang mga teenager. Bahagi na ito ng litanya ko sa aking klase sa Lit103. Bago kami maghiwa-hiwalay sa klase, sinasabi kong natuturuan ang damdamin, ang puso, ang pagmamahal. Kaya dapat nilang turuan ang kanilang pusong magmahal sa pagbasa at pagsulat. Muli, maliban sa hiyawan, inaasam ko ang positibong epekto ng aming tagline.

Dahil nga kaya parusa o tinik ang pagbabasa kaya iilan lamang ang nagbabasa? May malinaw na estadistikang binanggit si Prof. Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining at dekano sa Unibersidad ng Pilipinas hinggil sa kalagayan ng industriya ng babasahin at ang tagatangkilik nito. Sa kaniyang pananalita sa isang komperensiya ng Read or Die, isang organisasyong nagtataguyod ng pagbabasa sa publiko, nilinaw niya na bukod sa ilang sanhi ng problema na inihambing niya sa pigsa gaya ng kakulangan sa babasahin, usapin ukol sa wika, at ang sistema ng edukasyon (!), dapat ding balikan na ang pagbabasa ay kinu-culture. Unang pumasok sa isip ko ang cultured bangus at tilapia, at iba pang produkto ng agrikultura. Sa pinakapayak na pag-unawa, nilalagpasan ng pag-culture ang natural na pagdami ng anumang bagay. Isipin ang bangus. Cultured kung may scientific na paraan para ito ay paramihin. Paraang iba sa natural na pagdami at bilis ng paglaki nito.

Higit pa sa mga quotation na makikita sa internet tungkol sa kabutihan at karunungang idinudulot ng pagbabasa, dapat naman talaga sigurong harapin na hindi tayo reading nation. O mas tamang sabihin na maliit lamang talaga ang reading public sa bansa. Kung paano itong lalawak ay gawain una na ng institusyong dapat magpauna sa pagbabasa at pagsusulat nang tama at maayos. At heto ang malungkot. Bahagi na ako ng tinutukoy kong salarin at solusyon, ang edukasyon.

Hindi ako nag-iisa. Kamakailan ay nahalungkat ko sa internet ang blog ng yumaong si Prof. Rene O. Villanueva ng Unibersidad ng Pilipinas. Kung sino si Prof. Villanueva sa Panitikan ay hindi ko na palalawakin. Pinakapayak nang sabihing haligi siya ng Panitikan ng bansa. Isinulat niya sa isa niyang blog noong Nobyembre 2007, isang buwan bago siya pumanaw, ang kaniyang dilemma sa pagtuturo, at ang motibasyon niya (o kawalan nito?) sa pagpapabasa sa kaniyang mga estudyante ng Panitikan sa loob mismo ng nangungunang unibersidad sa bansa! Kasama kasi sa kaniyang alituntunin sa klase ang pagpapalabas sa silid ng mga mag-aaral na hindi nagbasa.

Sabi niya Ang itinuturo ko ay literatura, isang reading course. Ibig sabihin, para kami magkaroon ng palitan ng kuro-kuro ng mga mag-aaral kailangang nabasa nila ang akdang pinag-uusapan. Available naman ang mga akda. Nasa isang libro o pinagsama-sama sa isang koleksiyon. Hindi na nila kailangang pumunta sa library at maghanap .Ang kailangan na lang talaga nilang gawin ay magbasa. Ni hindi ko hinihingi na maintindihan o maipaliwanag nila ang akda. Basta basahin lang.”

Isang araw bago niya sulatin ang blog, lumabas sa kaniyang klase ang sampung estudyante matapos pakiusapan niyang lumabas ang mga hindi nagbasa. Depressing ang tono ng kaniyang blog na may pamagat na “Problema ng Isang Guro.” Ang iniwan niyang tanong ay kung paano niya mamo-motivate ang mga estudyante na magbasa. Ano pa ang maaari niyang gawin?

Hindi pa matutugunan ng paglalapat sa mga subject ng pagbasa at pagsulat ang tanong niyang ito. O baka nga mas maging sanhi pa ito ng papalalim na suliranin. At palagay ko’y mas madaling sabihin kaysa gawin ang “Reading is cultured” bilang tugon sa pagpapalawak ng reading public. Tinik pa rin ang pagpapabasa sa mga mag-aaral hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa pangunahing unibersidad ng bansa!

May isa akong mag-aaral na diumano’y malaon nang nabunutan ng tinik. Seminarista siya na nasa ikaapat na antas na sa kursong Classical Philosophy sa isang seminaryo dito sa Lucban at pumapasok sa aking Fil02 bilang cross-enrollee. Puwersahan daw ang pagpapabasa na iminulat sa kanila noong high school. Bagamat epektibo ang taktikang ito sa kaniya, hindi ko naman masasabing aplikable ito sa mga “ordinaryong” estudyante. Ordinaryo dahil wala sila sa mapagkandiling pader ng seminaryo.

Kung paanong hindi ako nag-iisa sa suliraning paano pababasahin ang mag-aaral ay hindi nakabawas sa aking palaisipan. Paano nga kaya?

Kahapon, 12 Hulyo, kausap ko sa tanghalian si Dekano Almario. Sinabi ko, na bahagyang nakataas ang baba, na ipinabasa ko ang kaniyang sanaysay na “Nagbabasa ka ba?” sa aking mga estudyante sa Fil02 at Lit103. Tinanong niya ako kung may epekto naman ba ang pagpapabasa. “Hindi ko pa po alam,” ang nakayukong tugon ko. Tumawa siya kaya tumawa na rin ako. Mahirap basahin ang kahulugan ng kaniyang tawa. Bigla kong naalala ang agam-agam ni Sir Rene.

Dalawa ang batayang layunin ng pagbabasa. Ang iba pang layunin ay off-shoot na lamang ng dalawang ito: ang maglibang at makakuha ng impormasyon. Pabiro, sinabi kong tatlo dapat. Ang dalawang batayang dahilan, at ang ikatlo—dahil pinuwersa ng guro! Tawanan kami siyempre dahil alam naming totoo ito. Pero sinabi kong ayokong makita ang ikatlong sagot sa eksamen dahil ibabagsak ko sila. Tawanan muli.

Dahil ba pinuwersa akong magbasa kaya ako mahilig magbasa?

Paghahanap ng taktika ng pagpapabasa para sa aking mag-aaral

Bakit nakatatamad magbasa? Itinanong ko ito sa aking mga mag-aaral sa Fil02 at Lit103. Halos iisa lamang ang kulay at korte ng kanilang sagot: dahil mas madaling manood o makinig. At totoo naman. Lalo na kung hindi kasama sa binabanggit ni Prof. Almario na kinalakihang culture ang gawaing magbasa. Bakit nga naman kailangan pang gamitin ang ekstrang neuron sa isip para sa imahinasyon kung kaya nang ihain ng internet, TV, at radyo ang mga dapat nila sanang basahin?

Pinuwersa akong magbasa ng aking ina. Disiplina ng palo at kurot ang umiiral sa tuwing hindi ako magbabasa noong ako ay grade 1 (hindi ako nag-kinder o nursery dahil wala pang daycare noon at mahal ang matrikula sa pribadong paaralan). Dahil nga sa pinupuwersa ako, at naisip ko ring hindi magbabago ang aking ina sa pagdisiplinang ito, unti-unti kong natutuhang mahalin ang mga nakasulat na titik. Nakatulong din nang malaki ang pagkakaroon namin ng tala-talaksang komiks at Liwayway sa bahay, at ang ensayklopedya at atlas ng kapitbahay.

Hiwaga para sa akin ang pagkahumaling ni Ina sa komiks at Liwayway. Ang atensiyong ibinibigay niya sa tuwing magbubuklat ng babasahin ay mahirap hanapan noon ng katuwiran. Motibasyon naman sa akin ang larawan. Nakilala ko ang mga manunulat na sina Carlo J. Caparas, Pat V. Reyes, Elena Patron, Pablo Gomez, Vincent Kua, Rod Santiago. Nang lumaon, binabasa ko na ang mga alamat, pabula at kuwentong bayan sa mga aklat ng aking kapatid na inisyu ng gobyerno. Gusto kong buklatin at basahin ang mga caption ng makukulay na larawan sa ensayklopedya at mga atlas ng kapitbahay. Hindi na nawala ang pagkabighani ko sa babasahin mula noon.

Sinasabi ko ito hindi dahil sa kulang ako sa laro at pakikipagkaibigan. Hinding hindi. Hindi lamang sinasadyang nakapag-ukol ako ng mga sandali sa mga nakasulat at nakaguhit na larawan sa mga pahina ng aklat, Liwayway at komiks. Na una nang ibinunsod ng palo at kurot ng aking ina. Binabalikan ko ang mga alaalang ito matapos kong mabasa ang isang sanaysay ni John Holt, isang edukador na Amerikano na nagpakadalubhasa sa reading attitude ng mga batang Kano.

Simple lamang ang kaniyang prinsipyo ayon sa sanaysay. Titser ang isa sa dahilan kung bakit ayaw magbasa ng mga bata. At natural na titser din ang isa sa malaking solusyon para sila magbasa nang taos at bukal sa kalooban. Paano? Hindi programadong pagbabasa at pagsusulat. Kung paanong hindi programado ang natutuhang pagbabasa at pagsusulat ng karamihang (kulang sa diyes porsiyento ng populasyon ayon kay Prof. Almario) may hilig sa pagbabasa. Ayon kay Holt, natatakot magkamali ang mga bata sa tuwing tatanungin ng mga titser hinggil sa ipinabasang teksto. Dahil sa pagkakamali at hindi sinasadyang kahihiyang ito na maririnig ng buong klase, tuluyan aniyang lalayo ang loob ng mga bata sa mga aklat o kahit pa sa pinakasimpleng babasahin. Guilty ako sa sinasabing ito ni Holt. Sa recitation sa klase, hindi maiwasang pawisan nang balde-balde, mamutla at mautal ang mga mag-aaral lalo na iyong nasa klaseng may populasyong apatnapu pataas, nagbasa man ang bata o hindi, sa kabila ng pagpipilit kong baluktutin ang pileges ng binulutong kong mukha upang magmukhang mabait at maunawain.

Dagdag pa ng sanaysay, hayaang lumaktaw sa binabasa ang mga mag-aaral, pumili ng mga aklat ayon sa kanilang interes, tapusin nang walang itinatakdang oras kung kailan dapat matapos, at iba pang kaugnay nito. Ideal bukod sa mahirap ang mga ganitong gawain. Ideal dahil wala naman talagang sapat na oras maliban sa bubunuing isang semestre, at mahirap dahil walang pang sapat na babasahin. Bahagyang mapalad kung may inaalikabok na aklat na naitabi ang guro. Dagdag pa ang availability ng maayos na lathalain nakasulat man o nakalathala sa internet.

Mistulang nakatali ang kamay ko. Ano ang saysay ng Fil02 at Lit103 kung walang malaking component ng pagpapabasa? Gusto ko at ayaw kong isipin na tapos na sa mga mag-aaral ko ang paghubog sa kanilang magbasa. Pagbasang maaaring sabihing bahagi na ng kanilang kultura. Kulturang inihihinga at itinitibok nila araw-araw. Sindali ng paglalakad at pagngiti, pagkalikot sa friendster o paglalaro ng Dota, o pagcha-chat.

Babalik na naman ako sa premise. Tama ba ang ginagawa kong puwersahang pagpapabasa? Tanong na ito ng yumaong Prof. Villanueva. Marahil, tanong din ito ng iba pang titser sa loob at labas ng lalawigan. Maaari ring hindi dahil hindi sila conscious sa ganitong suliranin. O baka naman dahil sa bulag silang umaakay sa kapwa bulag? Ibang papel at pag-aaral na ang tutugon dito.

Ngayon, hanggang wala pang malinaw na isinasaad na panuntunan sa pagpapabasa ang mga textbook sa kabila ng sandamukal na teorya at quotation sa pagbabasa, magkakasya na lamang akong puwersahing muli ang mga mag-aaral. Ngunit kaiba sa aking ina, hindi patayutay na palo o pinong kurot o bagsak na marka ang dapat na pandisiplina. Pakikibagay bilang disiplina. Sinimulan ko nang damayan ang mga mag-aaral. Sinasabi kong kahingian ito ng asignatura. Ang ihain ang kahingian ito nang magaan at masaya ang pangunahin kong layunin bilang guro sa ngayon. Sama-sama kaming manganganay gaya ng sinabi ko sa mga Filipino major na birth pains ang pagbabasa nang bulto-bulto. Mahirap ang magbasa, totoo, pero anumang bagay ay gumagaan kung minamahal. At gaya ng una kong tinuran, gaano man ka-vague at ka-corny—ang pagmamahal ay natututuhan. At walang ipinagkaiba dito ang pagmamahal sa anumang simbolo o titik na nakasulat.

Iglesia Subdivision
Lucban, Lalawigan ng Quezon
13 Hulyo 2008

Mga sanggunian, at kaugnay na babasahin:

Almario, Virgilio S. “Nagbabasa काba?”http://groups.yahoo.com/group/thefilipinowriter/message/1812

Holt, John “How Teachers Make Children Hate Reading” The Norton Reader, W.W. Norton and Company, Inc. New York, 2005

Villafuerte, Patricinio V. et. al. Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, Lorimar Publishing, Quezon City, 2005

Villanueva, Rene O. “Problema ng Isang Guro” http://renevillanueva.blogspot.com/2007/11/problema-ng-isang-guro.html

Mga memorandum:

Commission on Higher Education Memorandum Order No. 30 Series of 2004, REVISED POLICIES AND STANDARDS FOR UNDERGRADUATE TEACHER EDUCATION CURRICULUM

Commission on Higher Education Memorandum Order No. 54 Series of 2007, REVISED SYLLABI IN FILIPINO 1, 2 AND 3 UNDER THE NEW GENERAL EDUCATION CURRICULUM

3 comments:

Anonymous said...

Naimbag ay aldaw mo kabsat ay superkabado!
Maraming salamat sa sinulat mo tungkol sa iyong mga karanasan sa pagtuturo ay tutoong nakakaaliw basahin ito. Nakakawala ng stress.
Press on. Mabuhay ka!
Gawis takon am-in.

Anonymous said...

Naimbag ay aldaw ken sik-a kabsat ko!
Maraming salamat sa sinulat mo at ako'y tutoong nalibang sa pagbabasa sa mga nakakatuwang karanasan mo at nagdagdag kulay pa sa pamamaraan ng pagsulat mo.
Mabuhay ka at Gawis takon am-in!
Press on!

superkabado said...

Daghang salamat Balbina!