Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Tuesday, March 20, 2012

BUGTONG NA ESTASYON

The detractors of the Philippines attacked him for his sympathy with the Filipinos
and his open defense of their cause, but they were unable to stop him.
He remained a staunch friend of the Philippines.
Because of his loyalty and sincerity the Filipinos cherish a fond memory
of him and to honor him they gave his name to one of the streets of Manila.
His name is now inseparably linked with that of the national hero.
-Encarnacion Alzona

Paumanhin, Ginoong paham, kung pataksil nilang ibinautismo
Sa isang makipot na layak ng usok at ingay ang iyong ngalan.

Hangad lamang nila, nang pagmunihang mainam
Kung saan ibibinyag ang iyong karangalan,

Na maging kahilera’t kahangga mo ang taginting
Ng kalakal at walang kapagurang paglilimayon

Ng nililiyag mong lipi: matitipuno’t kriskrusang riles.

Hangad lamang nilang maging tukayo mo, masinop
Na etnograpo, ang bukana ng tropiko at payapang Retiro.

Hangad lamang nilang may kumandiling linggwista
Sa mga nalibing na Orienteng walang nakaiintindi.

Hangad lamang nilang magkapangalan nang dayuhan
Ang tampok na sulok pa-la muerte sa del Norte.

Hangad lamang nilang ulitin mo, punong des Philippinistes,
Sa huli’t walang hanggang pagkakataon ang malaon mong gawaing
Sumalang sa aming bugtong na Dimasalang.

Batid naming hindi mo ito hinangad.
Alam naming wala sa malamig at malagim mong hinagap
Ng aming tag-init na ipangalan ka sa isang huklubang
Naknak ng lungsod, lalo sa isang pinatag, hindi panatag
Na gulod, sa isang ibayong hanggang makamatayan mo
Ay dayuhang hindi man lamang nasino

Ni ang anino ng aming tag-araw. Bueno, hayaan mong itanghal namin
Sa iyo kung ano ka rito.
Magiting na kalye kang nababakuran
Ng tukayo ng magigiting na Katagalugan: Antipolo, Laguna,
Tayabas, Bulacan. Pangahas na landas kang tumatawid sa España.
Bakuran kang may hardin ng piniyesang tao, kinahoy
Na piyesa’t gulong ng awto. Hardin kang may samyo ng niligis
Na aspalto, krudo, grasa. Kung madaraan ka sa hardin mo,
Mauulinig mo ang matinis na konsiyerto ng busina at ehe, hinihiklat
Na tsasis at muwelyeng itinatawid sa tirintas ng baradong estero.
Estero kang kalyeng palengkeng kutang burulan. Dalawang paaralang

Lumbay ang iyong tarangkahan: Mababang M. Ponce at M.L.Q. High.
Tuwing madaling araw, videoke at saklaan ka ng maton,
Guardian, pulis, at ng matong pulis na Guardian.
Kada Linggo, simbahan ka ni San Roqueng hindi matapos-
Tapos ang buhos, hindi mapatabi-tabi ang walang kapagod-
Pagod na eskayolang asong hihimod-himod sa eskayolang
Sugat ng poong patron ng apat at santalaksang pulubi sa paligid-

Ligid mo. Milyong tolda ka ng mga piniritong anak ng tokwa’t ukay-ukay
Na tinda. Maramot na lugawan at mapangmatang panaderya
Ang mismong kanto mo at ng karantsong kalye—
Hinalinhang Misericordia, Tomas Mapua—na gaya mo,
Taglay ang biyayang maging kalyeng malayong markahang
Marangya’t makinis, pinaglimihan ang sopistikadong

Estetika ng isang bihasa at kulubot na arkitekto. Hindi magkandatuto
Kapapaswit ng pasaherong litong-lito ang istarter mo: sumasaiyo
Ang karitong pa-Frisco, Pa-Nova, pa-Balut, pa-Divisoria, pa-Baclaran,
Pa-Monumento. Walang Leitmeritz at Prague sa bahaging ito
Ng suson-susong muhon ng karton, lawanit, yero. Pero ikaw
Ang putikang pantalan ng lagalag na kuliglig at toda
Patungo sa kung saang nagkanlong na Paris, Geneva,

O Bohemia ng Tondo at La Loma. Sa umaga, hapon at nakashabung
Magdamag na pagripeke sa iyong Sky Spring ng mga awiting pusakal
Nina Sinatra at Gloc 9 (na ang mga salita’y hindi mo matatagpuan
Sa pinagsikapan mong Breve Diccionario Etnográfico ng bayang ito),
Umuuwi ang mga obrero mong busog kaiiskor sa eskobadong
Serbidor. Paikot-ikot ang mukha mong parang nirarambol
Na iskor ng bulalas na may tono’t hindi basag. Bangag, paikot-
Ikot ang elisi at roskas ng rosas na iskrambol, amoy lecheria
At Champion ang umagang simponiya ang kaskas ng yelo,
Hiluran ng banil, lagas na labada, sansaglit na banlaw

Sa pampublikong balong artesyano. Dahil matamis kang
Iskrambol, bibilhin ka ng mapangaraping juventud Filipina—
Pag-asang inusal ng compadre mo bago madestiyero—
Kabataang magkukubli sa alinsangan ng sandaling ginugol
Kapapalimos at kasisikwat sa walang malay na bag,
Mga pitakang pagod at simot, cellphone na lugmok
Kadudukot, kasusuksok, kahihimutok, kapipindot.
Bahay-bahayan ka ng mga hinapong Sama dilaut,
Itinaboy mula sa nawaglit na karagatang hindi mo
Nailapat sa iyong mutyang Mapa ng Mindanao.
Wala silang oras sa paglalakbay at pagsitsit ng limot
Na kalansing ng huwad na perlas at ligaw na asin.

Sumisingasing ang mga dyipni mong nagpupugay
Sa burol ng inundayang gangsta, nang-ulila ng batalyong
Nangangapilya sa kalsada mong entablado ng amok,
Rambol, seguradong resbak. Hindi ka makatungayaw ni makahikbi
Sa sindak kapag umiilag sa sumpak at haginit ng tren kahit pa
Maingay na estasyon ka. Maingay na estasyon ka na dito.

Dahil maingay na estasyon ka na, minsang nasaksihan mo
Sa sangkurap ang lagim nang sumambulat ang iyong bagon
Isang araw ng pagninilay sa kamatayan ng iyong bugtong
Na katoto noong katatalilis ang milenyo. Itinaon ang taon,
Itinaon marahil ang estasyon upang ipaalala sa aming
Matalik ang inyong banal na pagkakaibigang higit
Sa barometro ng panahon, kisap ng dahas, mortal na pagyao.
Kaya kayrami ring humandusay sa iyo, bugtong na estasyong

Tumalastas sa bugtong ng aming lahi. Pero hindi ka pantas dito.
Sa loob ng hihigit-kukulang sa tatlong minuto sa isang oras
Ng isang walang hiyang semestre ng pamamantasan
At pagpaparaos, lilinawin ka ng gurong makakalimutin:
Malaong nakalaang kaibigan ka ng Laonlaan, ito na lamang
Ang papel at pahina at masasabi tungkol sa iyo. Sapat na.
Labis na kung babanggitin pang, totoo, minsa’y
Nagkita kayo nang higit pa sa katawang-tao at larawan,
Titik at lagda ng pananabik at pangangamba.

Dito, araw-araw kang nakikita at nadarama bagamat hindi ikaw
Mismo ito. Mananatili kang dayo sa aming dila at sentido
Maliban sa araw-araw na pananabik naming lagpasan ang iyong
Brutal na pag-iral—kongkreto, bakal, panaflex, tarpolin, burak, tao, karnal.
Ganito kami tumanaw ng utang-na-loob na hindi mo
Mauunawaan. Ganito kami magtangi. Paumanhin,
Ginoo, kung ibininyag nila sa isang makipot na landas
Ang aba mong ngalan. Landas na hindi mo talos, hindi kailanman

Narating. Mararating. Estasyon ka pa rin hanggang makatihan
Ng aming Konseho, makatihan nilang bautismuhan ng bagong kataga
Ang huklubang lungsod, ang mga retirado at patang kalye,
Ang mga ilahas na landas, ang mga nanlilimahid na estasyon,
Ang mga ngalang mananatiling bugtong, estranghero, hindi eternal.

1 comment:

clar said...

mahirap intindihin ang sinulat mo per nag enjoy ako mag basa.may iba pa ba ?Sakit.info