Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Friday, October 29, 2010

Hatid




Sa pagitan ng mga nanlalabong

Salamin ng pasimano, itataboy mo ako


Ng tingin. Ayaw mong pabantay.

Kasalanang mortal ang mapagtawanan


Dahil hindi mo pa kayang mag-isa.

Sa tarangkahan, nangungulila ako


Kahihintay sa oras na kailangan mo na ng sundo,

naiinip ako buhat pa kaninang nag-“Lupang

Hinirang” tayo.#

Thursday, October 28, 2010

FX


Ganito ang korte ng aking panalangin:

Matapos kong idamay ang Ama natin,

Papasok akong humihingal-kalabaw,

Nagpabautismo ng pawis at ulan

Sa umaga ng nasirang payong at kanal.

Wala akong tanggi kahit balatkayo ang aircon,

Mamaya, iihitin muli ng kabunyiang sipon.

Muni ko, nasunod na naman ang dasal

Ng mga estudyante kong hindi mapahindian

ng diyos ng tag-ulan.#

Wednesday, October 27, 2010

Vigil


Sawa ka na sa ganitong pambubuska.

Wala kang dahilang maisip sa pag-iwas

sa lambing kaya sasabihin mo, maraming gagawin.

Kayraming naghihintay sa iyong kalinga:

papel na dapat basahin, iligpit, tsekan, sulatan,

ibenta. Isa kang ahente. Tawiran ng kuryenteng

hindi mapatid-patid. Aaminin mong isa itong gawaing

napakalumbay, ang tumunghay sa nagsapot-sapot,

nagsala-salabit na pagkakataong maging kahit sino ka.

Nang minsan kang alukin ng tulong,

Sagot mong pabanas, kailan mo pa kinailangan?

At kapag lumayo akong nagkikibit

ng alanganing balikat o ulo, magagalit ka.

Magagalitin ka.


Minsan gusto kong matawa.

Hihiga tayong tuklap sa isa’t isa.

Ilang taon nang hindi magkakilala,

ilang taon nang kinikilala,

kung hindi lamang dahil sa nakapagitang bunsong

mahimbing, nananaginip, nagmamahal, walang maliw.#

Friend-request


Sinaklot ka ng binatilyong nasa nang mag-request sa iyong makipagkaibigan ang isang limot na lisik, dating kapitbakod at kapitasan sa malaong nalunod na punong bayabas, na matapos ang dalawampung taon ay hindi nagbihis ng apelyido. Ano ba kung tatlong walang saysay na taon ang tanda niya sa iyo. Sa pagitan ng “musta na u?”, muli mong naalaala ang ladlaran ng kaniyang asul na unipormeng pinangarap mong mahipan ng simpilyo mong hangin (sisipol ka nang matinis at palihim), at madungawan ang dumudungaw sa nipis ng telang umaastang kamison: garter ng bra. Tsambahang itim. Nagigimbal ka sa tuwing malilimot niyang may muwang ka na sa kaniyang biglaang pagyuko, mabining pamimisikleta, daskol na pag-upo sa hagikgikan nila ng iyong ditse, paglalakad sa bahang suot nang walang alinlangan ang masikip, impit na salawal. Lalayo ka ng tingin ngunit tinatandaan mo ang hulma ng lahat ng nakita, lalo na ang hindi naapuhap ng mata.


Sa pagitan ng pangungumusta, itatanong mo ang kaniyang numero, kung marunong pa siyang sumakay ng traysikel na malisyoso mong inaabangan noon kahit mahuli, sinasabayan noon pagpasok sa unang taon ng tinatawag nila noong mataas, lubhang kaytaas na paaralan, muli, kahit mahuli o mahuli. Tatlong gabi kang alipin ng sampung minutong lubak ng biyaheng pinangarap mong magtagal, na sana’y walang kasintagal.


Sa pagitan ng pagtipa, itatanong mo kung maluwag pa rin ang kaniyang Sabadong nagpasikip sa iyong pundilyo, kung alam niya ang sulok na iyon sa Malate, kung mahilig na siyang magkape. Sinabi mo: kaya na kitang ilibre. At gusto mong patunayang hindi iindahin ng suweldo mo ang mamon sa pagitan ng dalawang tasa ng umaasong cappuccino. Matapos ang dalawampung taon, gusto mo siyang linlangin na hindi ka na uhugin. At dahil may muwang ka na sa rima ng panunudyo, papayag siya. Muli kang sasasalin ng primitibong kaba. Maiinip kahihintay sa Sabado ng kape, at batay sa usapan, Sabado na rin ng serbesa ang gabi. Maiinip ka kahihintay. At hindi ito sasapit dahil sa panahon: nagkatotoong pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa dakong hapon at gabi. Hindi mo matatanggap ang kaniyang bantulot na pagsosori. Hindi ito sasapit dahil babalik na siya sa Dubai. Muli, magkakasya ka na lamang sa pinaglumaang halay matapos ang dalawampung taong, ang totoo, hindi mo naman talaga ipinaghintay.#