Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Wednesday, September 22, 2010

Kung kailan ka tumanda

Equinoccio

o

Kung kailan ka tumanda



At alam mo ba, bibilangin pa rin niya kung magsingtagal

Ang araw at gabi. Walang kasiyahan kahit pa

Agham na ang nagsabi.

Titingala, yuyuko sa relo, titingala

Yuyuko sa relo.

Pabalik-balik.


Hindi niya makayang tanggaping

Kala-kalahati lamang ang lahat ng kaniyang maiiwan.

Araw-araw.

Gabi-gabi.

Patas na patas ang pagtaas

Ng kaniyang pigura.

Edad medya.


At sasabihin niya, “hindi ako tatanda,

Hihindi mag-uuban ang aking puyo.”


Kamatayan din ito ng makatang

Laman ng koreo. Itinaon ang taon.

Ang petsa, ang lahat-lahat.


Batid niyang mayroon siyang hindi mababatid.

Mahihilam siya sa liwanag.

Maghahanap ng dilim na parehong-pareho ng sukat

Sa nagpaiyak sa kaniyang

Liwanag a-veinte tres.

At mamumuni niyang hindi patas

Ang araw na ito.

Thursday, September 2, 2010

Tayabas sa El Fili ni Rizal

Tayabas sa El Fili ni Rizal: Panimulang Tala

Joselito D. Delos Reyes

(binasa ang papel sa 6th Tayabas Province Studies Conference,
Nawawalang Paraiso Resort, 05 Setyembre, 2010)

Kung sisipatin sa mapa ng Filipinas, pahabang parang espada ang hugis ng Lalawigan ng Quezon. Humahangga ito sa Lalawigan ng Aurora (na dating bahagi ng lumang Lalawigan ng Tayabas) sa hilaga at Camarines Norte sa timog. Ang lalawigan na ng Quezon marahil ang may pinakamalaking parte ng Dagat Pasipiko sa lahat ng lalawigan sa bansa. Mula dito, mahihinuha na ang Pasipikong tinutukoy ni Rizal sa “El Filibusterismo” ay dili iba’t ang lumang lalawigan ng Tayabas dahil sa lawak ng hanggahan nito sa Pasipiko at sa proksimidad nito sa Maynila at Lawa ng Laguna. Dahil ito ang bayang kumupkop sa dalawang itinatanging tauhan ng nobela: si Isagani at Padre Florentino, panimulang sisilipin ng mananaliksik ang ilang pahiwatig ukol sa kung saan ang bayang ito sa kasalukuyang panahon. Kung magkagayon, sinasapantaha ng mananaliksik na malaki ang maitutulong ng panimulang pag-aaral at imbestigasyong ito sa pag-unawa at higit na pagtanggap ng guro at ng kaniyang mag-aaral sa lumang lalawigan ng Tayabas sa mga akda ni Rizal at sa panitikan at kasaysayan sa kabuuan.

Mahina bagamat isa sa pinakaligtas na pagsisimula ng isang pagbasa ng papel na gaya nito ang maghugas muna ng kamay. Kaya maglalahad muna ako ng disclaimer tungkol sa mga hindi tungkol sa munting pananaliksik na ito.

Una. Hindi ko na nais pang makihalong-kalamay sa tala-talaksang pag-aaral tungkol sa kaliit-liitang turnilyo ng ating pambansang bayani. Nais ko lamang buhayin ang noon pa namamahay na hinuha sa aking gunam-gunam. Ang noon sa akin ay noong panahong nagtuturo pa ako sa Southern Luzon State University diyan sa may Lucban.

Ikalawa. Wala akong bagong ibubunyag. Sana nga ay pagbubunyag ang patunguhan ng munting talakay na ito, ngunit matay ko mang isipin, hindi. Pagbasa lamang muli marahil ito ng dakilang nobela ng ating pambansang bayani at pagtutok lamang sa isang lunan: ang bayang kinalakhan ni Isagani at Padre Florentino, at bayan ding kinamatayan ng alaherong si Simoun.

Ikatlo. Kaugnay ng ikalawa, sa sapantaha nakatakdang magtapos, o nababanaagan kong magtatapos ang pag-aaral na ito. Sapantaha dahil, hindi magiging pinal ang lahat. Patay na si Rizal at hindi na maaaring kapanayamin para linawin kung ang lumang Lalawigan ng Tayabas nga ba ang kaniyang lugar na pinatutungkulan sa pagwawakas ng El Fili. Hindi naman ako naniniwala sa spirit of the glass kaya hindi ko ito gagawin para tawagin ang espiritu ni Rizal.

Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, sapat na sa aking dumako sa gunam-gunam ng kapwa ko guro dito sa inangkin ko nang lalawigan ng Quezon, sa gunam-gunam ng mga naging mag-aaral ko sa dito na baka, maaari, maaaring ang lumang lalawigan nga ng Tayabas ang pinatutungkulan ni Rizal sa pagtatapos ng El Fili.

Bakit ba ako nagawi rito? Bakit ba ako napadpad sa paksang ito? Siyempre, unang-una, gusto ko ang lahat ng may kinalaman kay Rizal. Wala pa man sa guniguni ko ang maging guro sa Unibersidad ng Santo Tomas, gusto ko na ang lahat ng tungkol kay Rizal. Interesado ako kay Rizal. Ikalawa, may pakiramdam ako na “may alam” ako sa ilang mumunting detalye sa kaniyang isinulat na nobela. Halimbawa, taga-Valenzuela ako, at ang pinakamalaking parokya, ang pinakalumang parokya sa amin ay ang Parokya ni San Diego de Alcala gaya ng sa Gumaca, Quezon. Hayskul ako nang hanapin ko ang bahay ni Kapitan Tiago sa amin. Para lamang pasabuging bula ang pantasya ko ng isang iginagalang na propesor na ang San Diego (at ang Santiago na tunay na pangalan ni Kapitan Tiago) ay alusyon lamang ni Rizal sa santong patron ng España, ang apostol na si Santiago (Almario, 2008:113, at batay na rin sa nauna kong pakikipaghuntahan kay Almario). Taga-Obando ang nanay ko, ang bayang “pinagsayawan” ni Doña Pia Alba para mabuntis kay Maria Clara. Pakiramdam ko noon, namuhay si Rizal sa amin kaya naman nagsiklab ang aking pagnanais na kilalanin pa ang ating pambansang bayani. Ang ikatlong dahilan kung bakit ko nakati-katihang kalkalin ang detalye ng El Fili ay dahil sa madamdaming pagtatapos nito. Pakiramdam ko kasi, higit na malakas, makapangyarihan, sumasabog ang panawagan ni Rizal sa mga kabataan sa pagtatapos ng nobela kaysa sa nakasulat sa tula niyang “A La Juventud Filipina” na nagtataglay ng gasgas nang kasabihang, ang kabataan ay ang “Bella esperanza de la Patria Mia!” na kung paniniwalaan naman ang Dominikanong padreng si Fidel Villaroel batay sa kaniyang pagsipi kina Leon Ma. Guerrero at Jaime de Veyra ay wala raw hibo ng patriotikong damdamin (Villaroel, 1984:146). Samantala, sa dulo ng El Fili, bago pa man ihagis ni Padre Florentino ang kayamanan ni Simoun, inusal ng saserdote ang pahayag na:

“Nasaan ang kabataang dapat mag-alay ng kaniyang kasariwaan, ng kaniyang mga panaginip at sigasig ukol sa kabutihan ng kaniyang Inang Bayan? Nasaan siya na dapat kusang-loob na magbuhos ng kaniyang dugo upang mahugasan ang napakaraming kahihiyan, ang napakaraming pagkakasala, ang napakaraming kasuklam-suklam? Dalisay at walang batik dapat ang alay upang tanggapin ang paghahandog!...Nasaan kayo, mga kabataan, na magsasakatauhan sa sigla ng buhay na tumakas sa aming mga ugat, sa kadalisayan ng aming pag-iisip na mabubulok sa aming mga utak, sa apoy ng sigasig na napugto sa aming mga puso? Hinihintay namin kayo, o mga kabataan! Halikayo sapagkat hinihintay namin kayo!”

Mas may antak ang isinaysay na ito ng dakilang nobelista. Higit na direkta ang panawagan. At kung gagamitin ko ang popular na jargon ng kabataang hinahanap ni Rizal, higit na may dating. Ang ikaapat na dahilan ay ang palitaw-litaw na detalye ng lugar na kinalakhan ni Isagani at Padre Florentino: gubat, dagat, Pasipiko. Narito na ako sa Lucban nang mapagmuning hindi kaya ang lumang lalawigan ng Tayabas ang tinutukoy na katapusan ng El Fili kung saan, diumano’y isiniwalat ni Rizal ang kaniyang saloobin hinggil sa rebolusyon at paghiwalay ng Filipinas sa kandili ng España kung paniniwalaan ang basa ni Wenceslao Retana?

Kipkip ko ang mga saloobing ito nang matalisod ko ang libro ng panayam nina Alfred Yuson (2007) hinggil sa pinakadakilang nobelista ng España, si Miguel de Cervantes. Ayon sa panayam ni Yuson, nagsiyasat at nagsaliksik ang mga akademiko ng España upang matukoy ang “tunay” na bayan ni Don Quixote na hindi naman talaga pinangalanan ni Cervantes. Sabi pa nga ng panimulang pangungusap ng nobela ni Cervantes: “En un lugar de la Mancha, de cuyo nombre no quiero acordarme.” O “Sa isang bayan sa La Mancha, kung aling bayan ay hindi ko na pinagkakaabalahan pang tandaan.” Batay sa mga clue buhat sa nobela kasama pa ang ilang kompyutasyon sa nilakbay ni Don Quixote kasama siyempre ang matapat niyang kabayong si Rozinante, natukoy ang bayan ng Villanueva de los Infantes bilang “tunay” na bayan ng quixotikong kabalyero. Batay pa rin sa pagsipi ni Yuson, natuwa ang buong bayan ng Villanueva de los Infantes sa nadiskubreng katanyagan. Buhat sa katha, isang tunay na bayan. Maaari naman pala. Lumakas lalo ang loob ko.

Walang pasubaling dakila ang El Filibusterismo. At ang masimpiyaran ng kadakilaang ito ay tunay na, batay sa paniniwala ko, tunay na magpapabago sa pagtingin sa bayan hindi man ito tinukoy ni Rizal sa kaniyang nobela, kung paanong hindi rin tinukoy ni Cervantes sa kaniyang nobela ang bayan ni Don Quixote. Dagdag na talang galing din sa panayam ni Yuson, sinipi niya ang diumano’y pagsang-ayon ni Miguel de Unamuno, tanyag na eksistensiyalistang pantas ng España na, “(Unamuno) agreed with (Wenceslao) Retana’s view of Rizal as ‘the Oriental Don Quixote.’” (Yuson et al. 2007:45)

Ganito sana ang layunin ng pag-aaral na ito kung sinasagilihan pa rin ako ng quixotikong ambisyon:

Pangkalahatang layunin ng pananaliksik ang pagpapatibay ng bahagi ng lumang lalawigan ng Tayabas sa nobelang “El Filibusterismo” ni Jose Rizal batay sa heograpikal at lohikal na landas ng pagtakas ng mag-aalahas na si Simoun buhat sa Maynila patungo sa baybayin ng Pasipiko. Matatamo ang layunin sa pamamagitan ng pag-eestablisa ng lalawigan sa gunam-gunam ng ating pambansang bayani bilang manlilikha. Sa madaling salita, tatangkaing sagutin ang mga tanong na:

• Sakop ba ng matandang lalawigan ng Tayabas ang tagpuang tinutukoy ni Rizal sa pagwawakas ng “El Filibusterismo” batay sa iba’t ibang salik?
• Kung mapapatunayan, sa paanong paraan mababago ang pagpapahalaga ng mga mag-aaral ng lalawigan sa nobelang ito?
• Ano pang pag-aaral ang maibubunsod ng pagpapatibay na kinamit ng pananaliksik sa ugnayang Rizal-Tayabas?

Ambisyoso.

Binanggit ko ang quixotikong ambisyon dahil ang totoo’y napakahirap kung hindi man walang dulo ang tatahakin ko sanang landas ng pananaliksik gaya ng pakikipagtuos sa naglalakihang windmill ng matandang kabalyero. Paano ko mapatutunayang sa lumang lalawigan nga ng Tayabas natapos ang dakilang nobela? O siguro dapat ko munang itanong, bakit ang dulo lamang ng El Fili? Bakit hindi tugisin kung nasaan ang San Diego o ang Tiani o ang nayon ng Sagpang sa kasalukuyan? Si Rizal na kasi mismo ang sumagot nito. Sabi ng pambansang bayani sa talababa ng ikasampung kabanata ng kaniyang Noli me tangere: “No hemos pedido encontrar ningun pueblo de este nombre, pero si muchos de estas condiciones.” Na isinalin naman ni Virgilio S. Almario, na diumano’y pinakamahusay na salin ng Noli kung paniniwalaan natin si Ambeth Ocampo, sa paraang ganito: “Wala kaming matagpuang bayan na may ganitong pangalan, ngunit napakaraming may ganitong kalagayan.” Huwag nang hanapin ang ayaw ipahanap. Bagamat napakaraming mananaliksik at paham ni Rizal ang nagsasabing Calamba ang San Diego. Kung gayon ay bakit hindi ito kilalanin o ipagdiwang ng lungsod ng Calamba? Dahil nasu-supercede ito ng katotohanang tagaroon na mismo si Rizal. Pero babalik uli ako sa tanong na bakit ang bayan ni Isagani at Padre Florentino na bayan ding kinamatayan ni Simoun? Dahil naniniwala ako na ito ang lundo ng nobela, dito, ayon kay Retana at Agoncillo at ng marami pang ibang nag-aral sa buhay ni Rizal, lumiwayway ang diumano’y saloobin ng pambansang bayani hinggil sa rebolusyon, dito tunay na hinanap ni Rizal ang kabataang “Bella esperanza de la Patria Mia!” Dito, hinamon ni Rizal ang “...mga kabataang dapat mag-alay ng kaniyang kasariwaan, ng kaniyang mga panaginip at sigasig ukol sa kabutihan ng kaniyang Inang Bayan?” Dito nilinaw ni Rizal, sa pamamagitan ng boses ni Padre Florentino, ang gampanin ng pananampalataya sa pagtataglay ng kalayaan:

“Siya ang Diyos ng Kalayaan, ginoo, at pumipilit sa atin na mahalin ito sa pamamagitan ng pagdadagdag ng bigat sa ating pasanin. Isa Siyang Diyos ng awa, ng pagkakapantay, pinabubuti tayo kasabay ng pagpaparusa sa atin, ipinagkakaloob lamang ang kabutihan sa sinumang karapat-dapat alang-alang sa kaniyang pagsisikap.”

Bagamat natitiyak kong aani ng maraming debate dahil napakaargumentatib ng aking premis hinggil sa lundo ng nobela ng ating pambansang bayani, magpapatuloy ako sa aking sinimulan.

Ang Tayabas sa El Fili ni Rizal

Narito ang pisikal na paglalarawan sa bayan ni Padre Florentino at Isagani:

“Ay, sa pag-iisa sa aking mga bundok, nadarama kong malaya ako, malayang tulad ng hangin, tulad ng liwanag na humahaginit nang walang pagpipigil sa kalawakan! Libo mang lungsod, libo mang palasyo’y ipagpapalit ko sa sulok na iyon ng Filipinas, na malayo sa mga tao at nadaramahan ko ng tunay na kalayaan! Doon. Sa piling ng kalikasan, sa harap ng mga hiwaga at kawalang-hanggan, ng gubat at ng dagat, nag-iisip ako at nagsasalita, at gumagawang tulad ng isang taong walang kinikilalang tirano!”

Narito naman ang pisikal na paglalarawan sa mata ni Padre Florentino hinggil sa kaniyang bayan:

“Itinigil ni Padre Florentino ang pagtugtog upang masdan ang dagat. Walang nakikitang kahit isang barko, ni isang layag, walang ipinahihiwatig sa kaniya. Nakikita sa malayo ang pulo, nag-iisa, kinakausap siya tungkol lamang sa kaniyang pag-iisa at nagdudulot ng higit napangungulila sa kalawakan.
...

“Tumingin siya sa paligid. Nag-iisa siya. Naglalaho ang ulilang dalampasigan sa malayong nakukulapulan ng manipis na ulap, na pinapawi ng buwan kaya’t mapagkakamalang ang abot-tanaw. Bumubulong ang gubat sa mga tinig na hindi maunawaan.”

Manipestasyon ba ito ng minimithing kalayaan ni Rizal? Isang bukolikong lunan na pinanggalingan ng mga tauhang itinangi ni Rizal? Isang utopia gaya ng pakutyang binanggit ni Simoun sa tula ni Isagani sa ikalawang kabanata ng El Fili?

Napakarami nang imbestigador at mananaliksik sa buhay at katha ng ating pambansang bayani ang nagtumbas sa mga tauhan at lunan ng kaniyang dalawang nobela. Partikular ang pag-amin ni Padre Villaroel na “(the Fili) appears to take roots in historical events sometimes easy to detect, sometimes difficult to place in time and space,” at “(El Filibusterismo) is a novel rooted in historical situations, however vague or distorted the novelistic stories may be,”(1984:210 at 242). Si Paciano diumano si Elias, si Segunda Katigbak o Leonor Rivera si Maria Clara, si Rizal mismo si Ibarra at Simoun (kung hindi man Filipinong Edmund Dantes at Konde ng Monte Cristo ni Alexandre Dumas), mga guro niya sa Unibersidad ng Santo Tomas ang mga padre sa nobela bagamat dadalawang prominenteng Dominikano lamang ang naroroon, ang Bise-Rektor na si Padre Sybila at ang malupit na guro ng pisikang si Padre Millon, at pawang Pransiskano na sina Padre Damaso, Padre Camorra, at Padre Salvi, mga kaklase niya sa Unibersidad kung hindi ma’y kasamabahay sa Casa Tomasino ang mga mag-aaral sa El Fili, ang Calamba ang san Diego at/o Tiani dahil gaya ng nangyari sa buhay ni Rizal, kinamkam ang lupa ng parehong pamilya ni Rizal at ni Kabesang Tales, atbp. Gayunman, lutang ang pagtangi ni Rizal kina Padre Florentino at Isagani na pawang nakatira sa “tabing dagat sa ibayong pampang ng lawa”.

Ayon kay Padre Villaroel, “Unquestionably, Rizal, the student leader, poet, ex-Atenean and now Thomasian, mirrors himself in many of the actuations of Isagani.” Nananalig ako dito. Samantala, sa ganito naman ipinakilala ni Rizal si Padre Florentino, ang tiyuhin ni Isagani, sa ikalawang kabanata ng El Fili (akin ang mga pagbibigay-diin):

“Naiiba siya sa karaniwang klerigong Indio, na iilan lamang sa panahong iyon bilang mga koadyutor o pansamantalang namamahala sa ilang parokya, dahil sa kaniyang pagdadala sa sarili at kataimtiman na angkin ng isang taong may pagkilala sa dangal ng kaniyang pagkatao at sa kabanalan ng kaniyang tungkulin. Sa pamamagitan ng bahagyang sulyap sa kaniyang anyo, bukod sa kaniyang uban, makikita agad na nabibilang siya sa ibang panahon, sa ibang salinlahi, noong hindi natatakot ang mga kabataan na ilaan ang kanilang dangal sa pagiging saserdote; noong tinitingnan pa ang mga klerigo na kapantay ng sinumang fraile; at noong hinahanap sa kaniyang uri ang mga taong malaya at hindi mga alipin, ang mga dakilang talino at hindi mga supil nakalooban, at hindi tulad ngayong dinudusta at inaalipusta. Mababasa sa kaniyang malungkot at matapat na mukha ang katahimikan ng isang kaluluwang pinatatag ng pag-aaral at pagninilay at marahil sinubok ng paghihirap ng loob.”

Tuluyang ibinunyag sa atin ni Rizal sa kabanatang “Ibabang kubyerta” kung sino si Padre Florentino, bagay na hindi niya lubusang ginawa sa iba pang padre ng nobela maliban sa ilang kakatwang paglalarawang pisikal gaya ng sa kay Padre Damaso sa unang kabanata ng Noli: “(m)adaldal at mahilig kumompas ang ikalawa na isang Pransiskano. Kahit nag-uuban na ang kaniyang buhok, waring matibay pa ang kaniyang pangangatawan.” Dahil sa mahigpit na kahilingan ng kaniyang ina, napilitan lamang maging pari si Padre Florentino. Ilang linggo lamang matapos ang una niyang misa, nagpakasal ang kaniyang kasintahan. Bunga nito’y ang kaniyang masidhing pagtupad sa atas ng mga nakasutana. Nga lamang, matapos ang insidente ng 1872, kaalinsabay ng diumano’y mutiny na pinamunuan ng mga ginaroteng Gomburza, nagretiro ang ating padreng Indio at “(N)amuhay siya mula noon bilang isang karaniwang tao sa lupain ng kaniyang pamilya na nasa baybayin ng Pasipiko.” Natapos ang kabanata sa pagpupumilit ng Kapitan ng Bapor Tabo kay Padre Florentino na pumanhik sa itaas na kubyerta, ang lugar kung saan nakapuwesto ang “mga maginhawang silyon (ng) ilang pasaherong nakadamit Europeo, ilang mga fraile at empleado, humihitit ng tabako, nagninilay sa tanawin, at sa malas, hindi pansin ang mga pagsusumakit ng kapitan at mga marino upang maiwasan ang mga balakid sa ilog.”

Landas ng pagtakas

Minsan nang isinagawa ang pagtakas gamit ang mabining Ilog Pasig palabas ng Lawa ng Laguna. Nangyari ito sa Noli me tangere. Tumakas si Ibarra sakay ng bangkang pinipiloto ni Elias. Nang nasa bukana na ng lawa ayon sa pagsasalaysay ng Kapitan ng Bapor Tabo, namataan sila ng mga Guardia Civil at minalas na tamaan ng bala si Elias, samantalang nakaligtas naman si Ibarra na naging si Simoun nga sa El Fili. Makikita na lamang natin sa huling bahagi ng Noli si Elias bago ito mamatay, bago sunugin ni Basilio ang bangkay nito kasama ng sa inang si Sisa sa bayan ng San Diego na may malinaw na pahiwatig na matatagpuan sa Laguna. Kaya hindi nakapagtatakang dito rin paraanin ng isang nobelista ang tumatakas na Simoun matapos mabulilyaso ang kaniyang marahas na plano sa kasalang Paulita Gomez at Juanito Pelaez. Ngunit hindi ito babanggitin sa Fili. Bagkus magkakasya na lamang tayo sa huling pasabi o palatandaang tatakas na si Simoun, na sa kalagitnaan ng pagdiriwang tumalilis ang alahero papuntang Escolta. Matatagpuan na lamang natin si Simoun, duguan, malungkot, bitbit ang sariling maleta, at mahiwagang dumating sa tinutuluyang “lupain ng (kaniyang pamilya) na nasa baybayin ng Pasipiko.”

Lohikal na daan ang Ilog Pasig upang marating noon ang pampang ng Laguna o San Diego at ang “tabing dagat sa ibayong pampang ng lawa.” Ito ang ilog na tinahak ng Bapor Tabo, ito rin ang ilog na binangka nina Elias at Ibarra, at sa kasaysayan, dito rin bumagtas si Fedor Jagor patungo sa kabundukan ng Majayjay at Lucban pababa ng kasalukuyang bayan ng Tayabas. Samantala, hindi naman malinaw kung ginamit ni Hermano Puli ang Ilog Pasig sa marami niyang paglalakbay mula sa ospital ng San Juan de Dios sa Intramuros patungo sa Lucban sa pamamagitan ng bayan ng Bai na katabi lamang ng Los Baños na katabing-katabi ng Calamba/San Diego.

Saan nga ba ang “tabing dagat sa ibayong pampang ng lawa” na tirahan ng mga itinatanging tauhan ng Fili? Ayon sa paghuhulo ni Amado V. Hernandez batay sa kaniyang nobelang “Mga Ibong Mandaragit” nasa Atimonan sa lalawigan ng Quezon ang kinatapusan ng nobela. Dito sinisid ng tauhan niyang si Mando Plaridel ang kayamanan ni Simoun at ginamit na puhunan sa pagtatayo ng peryodikong gagamiting boses ng mga inaaping Filipino. Tapos na sana ang imbestigasyon at dapat nang magdiwang ang bayang ito lalo pa’t pasado rin naman ang bayan ng Atimonan sa mga clue gaya ng nag-iisang pulo (isla ng Alabat?) na natatanaw sa malayo ni Padre Florentino, tuwinang maalon sa nasabing bayan at nakatitiyak na magubat dito noong panahong iniisip ni Rizal ang isang lunan sa tabi ng Pasipiko. Ngunit hindi papasa ang Atimonan, bagay na sana ay napag-isipan ni Ka Amado noon, sa paglalarawang “tabing dagat sa ibayong pampang ng lawa.” Wala sa ibayong pampang ng lawa ang Atimonan. Batay sa huling parametro, dalawang bayan na lamang ang maaaring magtaglay ng gayong paglalarawan. Una ang Real/Infanta na katanawan ang pulo ng Polillo at ang Mauban na katanawan naman ng isla ng Cagbalete. Parehong daanan ng barko ang bayang nabanggit na pawang nasa “tabing dagat sa ibayong pampang ng lawa.” At palagay ko’y ligtas nang sabihing isa dito ang iniisip ni Rizal bilang bayan ng mga itinatangi niyang tauhan. Ngunit gaya ng kahit sinong imbestigador, kailangang palakasin pang lalo ang kaso upang tuluyan nang taglayin ng mga bayang binanggit ko ang karangalang matawag na “dito nagwakas ang El Fili, at dito ibinilin ni Rizal ang paghamon sa kabataang Filipino na mag-alay ng sigasig at kasariwaan para sa Inang Bayan.”

Wala nang Rizal na magpapatotoo sa hakang ito. Kung kaya minarapat ko na lamang tanungin ang mangilan-ngilang seryosong nobelistang Filipino sa pamamagitan ng hindi na masyadong primitibong paraan ng pagkalap ng datos: Facebook. Tinanong ko ang anim na nobelista hinggil sa kanilang pagkatha lalo na ng lunan ng kanilang nobela. Itinanong ko kung sa kanila bang pagkatha, mayroon ba munang “tunay” na lunan silang iniisip? Sa ganitong paraan, bilang unang nobelistang Filipino, matutunghayan natin ang proseso ng paglikha ni Rizal, o kahit papaano’y maa-approximate natin ang kaniyang paglikha sa mga lunan ng El Fili, at kung naisip nga kaya ni Rizal ang Tayabas bilang lunan ng katapusan ng kaniyang nobela. Matapos ang pasakalye na hindi ko na babasahin pa at isasama rito, at ilang pagtatama sa baybay (alam ninyo naman ang Facebook, lunan ng pagmamadali), narito ang kanilang mga sagot, muli akin ang pagbibigay-diin.

Edgar Samar:
“Sa palagay ko, tulad ng komplikasyon ng malikhaing proseso sa pagsusulat, nagtatalaban din sa tagpuan ng isang nobela ang hatak ng realidad at ang gayuma ng isang lokasyong imahinaryo.

“Totoo, may partikular na bayan akong nasa isip (San Pablo, siyempre pa) kapag inilulunan ko sa isang bayan ang isang kuwento (lalo na kapag "hindi" San Pablo ang ginamit kong pangalan sa bayan na iyon; tulad ng paggamit ng Macondo ni Garcia Marquez upang "ikubli" umano ang Aracataca ng kabataan niya), subalit dahil sa pagiging "katha" pa rin ng lahat, binibigyan ako nito ng laya na lumipad patungo sa iba pang bayan at nakawin sa mga iyon ang mga partikular na detalyeng magpapatingkad sa kasalukuyan kong binubunong bayan.

“Natutuwa ako sa pagbasa mo sa El Fili at kung paano nito mailulugar ang Quezon sa imahinasyon ni Rizal--at iyon, sa palagay ko, ang lalong mahalaga--na ipaunawang ang Quezon, tulad ng iba pang bayan, ay nabubuhay hindi lamang sa realidad na inihihinga natin sa araw-araw, kundi nanunuot din sa guniguni ng ating mga manlilikha. Na ang Quezon ay isa rin ngang haraya, isa ring imahinasyon.”

Eros Atalia:

“(a)ng nobelista ay parang diyos. Lumilikha siya. At matapos niya itong likhain, nagkakaroon ng sariling pag-iisip at buhay. Na minsan, taliwas sa inaasahan o inaakala ng diyos ang kalalabasan ng kaniyang nilikha. Pero siyempre, bago pa man din simulan ng diyos ang kanyang likha, kahit papaano may iniisip na siyang dapat maging produkto niya. Mas madali siyempre sa nobelistang humango sa mga tunay na pook at pangyayari... pero sa karanasan ko, may isang totoong lugar o pangyayari pero muli kong inaayos o binabago...

“Sa isang literary theory, hindi naman nakatatakas ang writer sa reality. Lahat ng isinulat niya, may bahagi ng reality. halimbawa, asong nagsasalita. Hindi nga totoo yung asong nagsasalita, pero may totoong aso. Maaaring totoo yung lugar, pero bakit binago ni Rizal ang pangalan nito? Maaari rin namang hindi totoo yung lugar pero yung lugar na ‘yun sa nobela niya ay totoong lugar na may karaniwang kaayusan.”

May pahabol pa si Eros: “ps, paki-double check mo pare kung minsan ay naging itinerary sa totoong buhay ni Rizal ang Tayabas.” Sasagutin ko na ito: wala pa akong nababasang napadpad si Rizal sa lalawigan ng Tayabas. Na sayang dahil kung nagawi na siya sa Tayabas, tapos na sana ang talakayan. Bagamat alam nating lahat na pamilyar si Rizal sa lugar na ito dahil isa ito sa pinagmulan ng lahi ni Elias (Kabanata LI, Noli).

Jun Balde:

“Napakahalaga sa isang kumakatha ng kuwento, maikling kuwento o mahabang nobela, na may totoong lugar na pinangyarihan ng kuwento, maliban na lamang kung speculative, fairy tale o science fiction ang iyong isinusulat. At kahit ganoon man, at likhang-isip lamang ang kaligiran ng mga pangyayari, mahalaga pa rin na may totoong pook na pinanggagalingan ang likhang-kaligiran—kung ibig mong maging makatotohanan ang iyong kuwento... Dahil ang likhang-isip na kaligiran ay binubuo pa rin ng dagat, bundok, kalawakan at ang mga likas na elemento ng ating daigdig: tubig, hangin, apoy at lupa. Ayon nga sa isang kasabihang ingles: “We are what the winds, and waters, and earth and fire make us.”

“Sa pagsusulat ko ng nobela, napakahalaga sa akin ang lunan o pinangyarihan ng kuwento. Una, dahil ang kaligiran ay may sarili ring kuwento. Ito ang tinatawag na lay of the land. Kaya sinasadya kong puntahan, galugarin at usisain ang kaligiran habang ako ay nagsusulat.

“Para maging makatotohanan ang paglalahad ko ng mga pangyayari (sa aking nobela), kinailangan kong takbuhin ang Manila East Road: Morong, Pililla, Mabitac, Paete, Pagsanjan hanggang makarating ng Tayabas. Pabalik ay kailangang galugarin ko ang Dalahican Bay at Lucena City. Kinailangan ko ring takbuhin ang noong taong 2000 ay ginagawang Famy-Infanta Road dahil kung Lamon Bay ang pasok ng foreign vessel ay maaaring daungan ng maliliit na bangkang dumampot ng droga ang shoreline mulang Atimonan, Mauban, hanggang Baler... Kinailangan kong malaman kung nasaan ang mga liblib na pook na maaaring pangyarihan ng ambush. Ang mga lingid na baybayin sa Bai na maaaring lumusong patungo ng Laguna Lake.

Ang lakas ng aking panulat ay dala ng mga karanasan ko sa kunstruksiyon. Gumagamit kami ng mga concrete mixer trucks kaya alam ko ang kaliit-liitang bahagi nito. Naging subcontractor kami sa paggawa ng Mauban Powerplant kaya alam ko ang kaligiran nito. Subalit kahit wala iyon, kailangan pa ring pag-aralan ang kaligiran. Kinailangan kong tumayo sa dulo ng pier ng Dalahican at damhin ang direksyon ng hangin, tingnan kung may pulo akong natatanaw, at ipagtanong kung anong oras ang pagkati ng tubig."

Tandaan na isinulat ni Rizal ang kalakihan ng El Fili sa Alemanya, wala kay Rizal ang luxury ng imbestigasyon ng kaligiran ng kaniyang nobela batay sa sinasabing paraan ng paglikha ni Balde, maliban sa Laguna at Maynila na maaaring sauladong-saulado niya. Samantala, sa parehong premis maaaring nagkulang si Ka Amado sa pagtukoy niya ng Atimonan bilang lunan ng baybay dagat na inakala niyang pinagtapusan ng nobela. Narito naman ang sinabi ni Jun Cruz Reyes:

“Sa Ingles, ang fiction ay kathang isip. Mukhang hindi ganoon sa atin. Ang kwento ay kwento, pwedeng totoo, pwedeng hindi. Ang totoo lang sa napansin mo ay isang posibilidad. Kapag pinroblema mo ang Tayabas, tatanungin kita kung saan sa Tayabas. Hahanapan kita ng datos kung kailan nagpunta roon si Rizal. Sa pagmamapa ng bansa, sabihin nating tipikal ang baybayin ng Tayabas tulad ng iba pang baybayin sa Pilipinas. Ganoon pa man, ang lahat ng isinulat ni Rizal ay laging may actual reference, maging tao man o lugar. Problemahin mo na lang ang real as fiction o/at ang fiction as real. Memory versus the imaginary.”

Kaya nga hindi ito pagsisiwalat ng bago kay Rizal. Sa simula pa lamang ng aking talakay, inaamin ko nang posibilidad lamang ang lahat ng ito bagamat sa katotohanan, maaari din namang gawin ang isinagawang pagtugis sa bayan ni Don Quixote na isinagawa ng mga akademikong Español. Kaya lamang, kakain ito ng hindi matingkalang panghikayat upang isagawa ang ganitong pag-aaral. Gaya ng sinabi ko sa tanong ni Atalia na kung napadpad o nagawi si Rizal sa lalawigan, muli, uulitin ko, hindi ko pa nabasahan ng kahit anong account na napadpad nga roon si Rizal ngunit kung sasagutin ko ang tanong na saan sa Tayabas at bakit, gaya ng binanggit ko, ligtas na wariin ang bayan ng Mauban o Infanta. Sa tanong ni Cruz Reyes, mukhang lumapit nang kaunti ang Mauban sa posibilidad dahil nabanggit ni Padre Florentino, muli sa huling kabanata, ang pagtangging magpagamot ni Simoun sa doktor mula sa kabesera. At ang Mauban ay kahanggang-kahangga ng bayan ng Tayabas na kabesera mismo ng lalawigan. Samantala, mangangailangan muli siguro ng panibagong sipat, at marami na nito, sa panukala ni Cruz Reyes na pag-aaral sa “real as fiction o/at ang fiction as real.” Kabaligtaran naman ng binanggit ng batikang screenwriter at nobelistang si Ricky Lee:

“Para sa akin ay napakahalaga na may malinaw na lugar na pinangyayarihan ang isang nobela, halaw man ito sa isang totoong lugar o kinatha lang ng may-akda. Sa ginagawa kong nobela ngayon na “Aswang,” malinaw kong tinutukoy na sa Quezon City halos nangyari ang buong nobela. Pati mga totoong kalsada sa Quezon City ay ginamit ko. Hindi kasi puwedeng mangyari ang isang kuwento nang hindi siya naaapektuhan ng lugar na pinangyarihan niya.

“Maski sa mga short story ko na kagaya ng kabilang sa nawawala, malinaw sa akin kung saan ang lugar, kung sa U.P. at kung sa Maynila. Karamihan ng characters ko ay galing sa Bikol dahil doon ako nanggaling.

“Kung minsan maski hindi ko sabihin nang talampakan sa nobela, malinaw sa isip ko kung anong lugar ang tinutukoy ko.

“Sana makatulong ito sa lecture mo.”

Malinaw naman kay Rizal ang ilang lunan sa kaniyang nobela. Bagamat mayroon siyang kinathaan lamang ng pangalan gaya ng Tiani, Sagpang, at San Diego, ibinatay niya ito sa mga tunay na lunan namay tunay na pangyayaring nasaksihan niya. Pamilyar si Rizal sa Tayabas, katibayan nito ang paggamit ng lalawigan sa isang bahagi ng Noli. Gayunman, ang kawalan ng pangalan ay hindi naman tahasang paghinuha na wala ito at hindi nag-e-exist. Walang lugar na hindi muna nag-exist nang pisikal sa mga manlilikha kung pagbabatayan natin ang sagot ng lima sa anim na nobelista. At ang bahagi ng Pasipiko na ibayo lamang ng lawa ay maaaring hindi nga napuntahan ngunit maaaring namataan ni Rizal sa kung saang lumang mapa sa Unibersidad. Ang huli, at isa sa pinakakritikal na tugon ay nanggaling kay Lualhati Bautista na hindi na nangangailangan ng pagpapakilala. Ngunit kaiba sa ibang katanungan ko sa limang nobelista, initsa puwera ko sa nobela ni Bautista ang “Gapo” dahil malinaw at tiyak ang reperensiya nito sa isang buhay at tunay na lungsod ng Olongapo. Narito ang kaniyang tugon sa akin:

“Importante na malinaw sa isip ng manunulat ang hitsura ng lugar na pinangyayarihan ng kanyang nobela, o ng isang partikular na eksena dito. Pero hindi kailangang pangalanan niya ang lugar sa lahat ng pagkakataon dahil maaaring hindi ito nag-e-exist. Halimbawa: inilarawan mo ito bilang isang lugar na labindalawang oras ang biyahe mula Maynila, dadaan sa isang hanay ng mga panggabing-aliwan at pahingahan, magkakatapat ang munisipyo at palengke at simbahan, sasakay ng tricycle papunta sa isang liblib na baryo, tatawid ng dagat para makarating sa sementeryo, tanaw ang mga bundok —maaaring wala ka pang nakikitang lugar na eksaktong tumutugma doon, nag-e-exist lang sa imagination mo, pero kailangan mo lahat ng ito sa ikabubuo ng isang partikular na eksena. Kung papangalanan mo ang lugar, sasabit ka kung sa katotohanan ay may mga sinabi kang bagay o gusali na wala doon. Kaya kung kailangan mong pangalanan ang lugar, mag-iimbento ka ng pangalan. Marahil, kaya hindi tinukoy ni Rizal kung anong eksaktong bahagi ng Luzon ang setting ng Fili, sabihin mang may partikularidad ito sa Tayabas, ay may mga makikita din na wala mismo sa Tayabas. Tandaan na ang nobela ay pinaghalong realidad at imahinasyon, at base man sa mga tunay na pangyayari, ang manunulat ay mayroon ng tinatawag natin na creative license.”

Ngunit malinaw ang reference point ni Rizal: Pasipiko, tabing dagat sa ibayong pampang ng lawa. Kinulang lamang marahil si Rizal ng pagpapangalan dahil maaaring nakita na nga niya ito sa mapa noong nasa Unibersidad pa siya, ngunit isinulat niya ang nobela sa isang lugar na maaaring walang parehong mapang makatutulong sa kaniya upang bigyan ito ng eksaktong ngalan. Muli, isa lamang itong posibilidad.

“Eh ano ngayon?” o bilang pagtatapos

O eh ano ngayon kung halimbawang binigyan ng ngalan ni Rizal ang lunan? Marahil noong una pa man, sa pagtupad sa atas ng Secondary Education Curriculum sa ikaapat na antas, ang pagbasa, pag-unawa, at pagpapahalaga sa nobelang “El Filibusterismo,” bukod dito ang malaon nang atas ng Batas Republika Blg. 1425 na nagtatadhana ng pagsama ng kurikulum sa lahat ng paaralang tersiyarya, pampubliko man o pribado, ng pag-aaral sa buhay at mga isinulat ng ating pambansang bayani, puwera pa ang isinasaad ng pag-aaral ng “Mga Obra Maestrang Filipino” na naghahanda sa mga gurong nagmemedyor sa pagtuturo ng Filipino, maaaring maiba na agad ang pagtuturo sa bahaging ito ng bansa. Maaaring higit ang pagtanggap at pag-unawa sa nobela ng ating pambansang bayani. Pero hindi. Walang pangalan ang dulo ng nobela. Maipapangahas ba na sabihing sa Tayabas o dito sa Quezon ang iniwang aral ni Rizal? Maaari, lalo na kung ito ang magbibigay ng daan upang lalong basahin, unawain, isabuhay ang anumang nais ibilin sa mga kabataan ni Rizal. Magandang pagsimulan ng talakayan sa klase ang paggaygay sa mga posibilidad upang lumapit ang mga mag-aaral pati na ang guro sa kasaysayan. Magandang ilapit muna nila ang kanilang sarili sa posibilidad bago lumunsad sa tunay na pag-unawa sa katha at buhay ng ating pambansang bayani.

Eh ano ngayon ang kinalaman ng halimbawa’y hindi taga-Tayabas sa munting talakay na ito. Hindi ako magbubuhat ng bangko dahil sadyang napakabigat na bangko o immovable pa nga yata ang bangko lalo na sa larang ng pag-aaral sa buhay ni Rizal sa panahon ngayon. Ngunit maaaring manganak ang ganitong munting talakay ng iba pang talakay sa paghihinuha sa bahagi o kabuuan ng kaniyang buhay at katha, halimbawa ang lubos na pagkilala kay Blumentritt at sa palitan nila ng liham ng pambansang bayani na naglalaman ng kaisipang makabansa habang gumagaygay sa kasalukyang kalyeng batbat ng parikala unang-una na ang parikalang ipinangalan ito kay Blumentritt. Isa na naman marahil na pagkalikot sa anatomiya ng mga kalye binautismuhan ayon sa buhay ng ating pambansang bayani. Madiwara, komplikado, ambisyoso? Kung ito ang magsisilbing daan upang ilapit natin sa mga mag-aaral at magiging mag-aaral pa natin ang diwa ng pinakadakilang Filipino, palagay ko, susubukan ko uling magbuhat ng mabigat na bangko.


17 Agosto
Lungsod ng Valenzuela

Nirebisa:
30 Agosto
Lucban, Quezon

Sanggunian

Almario, Virgilio S. Si Rizal: Nobelista (Pagbasa sa Noli at Fili Bilang Nobela). University of the Philippines Press. Quezon City. 2008
_______________, Tagasalin El Filibuterismo, Jose Rizal. Adarna House. Quezon City. 1999
_______________, Tagasalin Noli me tangere, Jose Rizal. Adarna House. Quezon City. 1999
De La Costa, Horacio S. J. Readings in Philippine History. Bookmark, Inc. Makati City. 1992
De La Girinione, Paul P. Journey to Majayjay. National Historical Institute. Manila. 1983
Ileto, Reynaldo Clemenia. Pasyon and Revolution. Ateneo de Manila University Press. 1989
Jagor, Fedor. Travels in the Philippines. Filipiniana Book Guild. Manila. 1965
Rivera, Crisanto C. et al. Rizal Ang Bayani. M & L Licudine Enterprises. Las Piñas. 1975
Villaroel O.P, Fidel. Rizal and the University of Santo Tomas. University of Santo Tomas Press. 1984
Yuson, Alfred et. al. If a Filipino Writer Reads Don Quijote. Los Libros del Instituto Cervantes.
Manila. 2007
Mga panayam at talatanungan sa pamamagitan ng Facebook na isinagawa Hulyo – Agosto 2010