Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Sunday, January 31, 2010

Iskuwelahan sa Pisngi ng Banahaw



Actually, pwede ko namang sabihing sa gulugod ng Banahaw, o balikat ng Banahaw, o tiyan ng Banahaw (hindi bagay ang pusod), o puwit ng Banahaw, pero pinili ko ang pisngi kasi, kasi, malapit sa labi ang pisngi, hanlabo ano.

Maganda kasi ang campus ng Southern Luzon State University sa Lucban. Dito ako obrerong noventa y tres por hora. Laki no. Pero dahil naririto ang pamilya ko, at nilalakad ko lang papasok at pauwi galing sa campus, at mura ang pansit kaya ayos na rin.

At nabanggit ko na bang maganda ang campus namin?




Kuha ito sa loob ng Hamlet hall sa AS Bldg. Kung bakit Hamlet kasi balita ko, nagpa-play ng Hamlet sa SLSU. Iyong kinita, ipinampasemento ng roof top. Kaya hayun, tinawag na Hamlet. Kung play sana ni Rene V. ang ipinalabas baka "Hiblang Abo" ang pangalan ng room na ito.



Kuha naman ito sa terrace ng Hamlet hall, mga bandang alas singko ng hapon. Ang pangalan ng bldg sa ibaba ay Hermano Puli. Millenarian revolutionary na taga-Lucban.

Ang mga pangalan ng bldg dito puro hango sa bayani. Rizal bldg ang sa Arts and Sciences, Melchora Aquino ang sa Allied Medicine, Emilio Aguinaldo ang sa Business Administration, M.H. Del Pilar ang sa Engineering. Siyempre walang Macario Sacay. Pero ito ang paborito ko, ang mismong bldg na pinagtuturuan ko, ang College of Teacher Education. At ipinangalan ang gusali kay, kay, kay Andres Bonifacio! Astig di ba?


College of Allied Medicine


College of Engineering at ang bundok Olimpo ng SLSU.



Niyog to. Baka wala sa inyong buko. Dito sa campus, balbon ang katawan ng mga punong niyog.


SLSU Ground. Tinulaan ko na ito. See my last year's entry.


Ito yung tambayan ng mga nag-e-engineer sa iskuwelahan. Pwede rin silang magbilang ng bulaklak kung walang magawa. Lalong pwedeng mag-flower arrangement lessons. Iyong kikitain, pwedeng ipambili ng pansit habhab.


Ito naman yung daang-kalabaw este pathway sa likod ng AS. Nung una akala ko puro plastic na bulaklak ang tumutubo. Tunay pala ang bulaklak sa daanan,plastic lang ang tumitingin. Bwahahaha.


Ang ganda ng library namin. Well, ang ganda ng panlabas na anyo. Sa loob, hindi ko masabi. Hindi ako mahilig sa libro kaya hindi ako pumapasok sa loob.


Heto naman yung entrada ng iskul. May monumento sa harap si Hermano Puli.

Pan-rush hour






Iyong mga retrato, parang hindi apt.Para kasing hindi rush hour nang kinuhanan ako ni Percival. Hindi pala para, talaga palang hindi rush hour dahil Sabado ito at nagbabagang alas dos ng hapon. Siyempre ang pose ko emo-emo. Nga pala, binasa ni Romnick Sarmenta, matinee idol noong late 80s ang tula ko. Nasa web yata yung sound bite. Pinag-usapan namin ni Percival kung ano ang naaalala namin kay Romnick. Ako iyong pelikula niya with Gretchen Barreto. 1989 yata yun. "First Lessons" ang pamagat. Kainitan ng Sex-Trip na pelikula. Kasabayan nina Jestoni Alarcon, Rita Avila, Rina Reyes, Kristina Gonzales, Cesar Montano, Jovit Moya (na naging titser sa Normal, bago naging pulis na na-demote, bago tuluyan na yatang nasibak sa puwesto), Michael Locsin, atbp. Kung hindi na ninyo kilala itong mga artista ng Seiko na binanggit ko--pa'no ba???--well, hindi ko kayo kapanahon. Ibig sabihin kaya nun matanda na talaga ko?? Nyeta. Kilala ko pa naman sina Kris and Aljur ah, saka sina Sam Concepcion at Kim Chiu.

oke, heto na yung tula:

Pan-rush Hour

Dapat walang pagsalang deretsong riles ang liston
ng iyong abuhing pantalon upang hindi mapahiya
sa kintab ng kabibiton mong Lunes at sapatos
na karengga ng magpakailanman mong kurbata’t
nanggagalaiting kuwelyo ng bihis-Makati o Ortigas.

Dapat humahalimuyak ka kahit lampas-lampasan
sa di-pahuhuling alas-otso ang sirit ng pawis sa noo,
sa batok, sa likod ng hindi magkamayaw na kriskrusan
ng minutong ikakaltas sa iyong kinsenas at katapusan.

Dapat kumpleto ang lingguhang ulat ng iyong pinagpala
sa lahat na laptop na bumibigat, lumalapad,
bumibigat bawat hinihingal na estasyong isinabit mo
sa balikat, iniiwas sa sunggab at balya ng mga obrerong
gaya mo, kanina lamang ay mabango at bibong-bibo.

Muni mo, mali lahat ang pakana ng gobyernong ilayo
sa mga makahaywey na tao ang terminal
na umiilap kada segundong pag-init
ng punong-tainga ng pipirma sa iyong iniingat-ingatan,
iniimpok-impok, itinatago-tagong pampamilyang leave.

Madidili mong via crucis kahit hindi santo-santo
ang riles na ito, kahit alam mong malayong-malayo
ka sa pagiging berbo, kahit alam mong umaastang
Golgotha ang araw na itong lubhang kaylayo pa
sa umento, mainit na kape, pansine, pang-apartment,
pang-ipon sa kabuhayang ipinangako mo sa sariling
ikukubli sa nakangingilong sagitsit ng pambayang tren
na iisang ruta lamang ang alam: walang balikan.



Thursday, January 28, 2010

Camera



Hindi ako maayos sa mga files ko. Hindi ako kasin-techie ng mga kaibigan ko. Bueno, hindi naman talaga kailangang maging techie-techie para maging masinop sa mga digital files. Kailangan lang talaga ng back-up.

Nawala ang mga digital files ng anak ko nang mag-crash ang desktop ko noong 2007. May mangilan-ngilang natira. Mangilan-ngilan. Iyon lang nasa Friendster at iyong mga tinga-tinga sa Nokia 6630 ko. Ang tanging alaala ng maraming retrato ng anak ko ay iyong nasa tarpaulin noong magdiwang siya ng unang kaarawan na ini-lay-out na parang collage.

May digicam ako noon. Samsung. Nakalimutan ko na kung anong modelo basta 2 megapixel. Ang liit lang kumain ng disk space. Nagretiro noong Enero 2009 ang Samsung ko. Basta na lang hindi gumana. Hindi na ako nagtangkang ipagawa. Kunsabagay, sikwat lang ang Samsung na iyon. Katas ng trabahong munisipyo. Libre sa biniling laminator dati ng opisina namin.

Isang Olympus ang digicam ko ngayon. Poin and shoot dahil hindi naman ako marunong at mahilig magpipihit ng lente. At wala akong pambili ng de-lenteng camera. Medyo excited pa ako ngayon kaya nililinis-linisan, pinupunas-punasan ko pa.

So far ito ang mga paborito kong kuha sa Olympus na ito...



Sa Mustiola's ito. Isang tsipanggang kainan dito sa Lucban.

Heto pa:



Si Divine yan, a.k.a. Bani. Ako ang tatay niya.

Heto pa:



Si Bani at nanay niya.

Heto pa uli ang isa sa paborito ko:



Sa plasa sa Lucban. Play park ng anak ko.

Heto pa uli:



Hindi naman siguro kataka-taka na puro si Bani ang kinukuhanan ng Olympus. Ito ang reason of the camera's existence.

Pero ito so far ang paborito ko talaga kahit medyo paling ang kuha ko:



Pansinin ang background ng larawan ni Bani. Tula ni Rizal para kay "Huling".

PAC ADDICTUS


Matagal ko na itong tinipa, noong kapapanalo lang ni Pacman against Cotto. Naloko kasi ako noon ng mga tirador ng DVD dito sa Lucban.

May 3. Alas-cuatro y media ng madaling-araw nang umalis ako sa Balay Kalinungan sa University of St. La Salle sa Bacolod. Alas-sais ang flight ko. E dahil ubod ng layo sa Bacolod (ampotah sa Silay City pa, dalawang lungsod pa ang layo!) ang mismong misnomer na Bacolod Airport kaya kailangan kong hindi na matulog (dahil eerie ang Balay Kalinungan) at hintayin ang inarkila kong taksing ubod ng saksakan ng mahal to the max. Bueno, bakit ako nagmamadali? Ito kasi ‘yung araw na kukulatain ni Pacman si Hatton.

Lumapag ang Cebu Pacific bago mag-alas-siyete. Nagtaksi ako hanggang Buendia. Kwento ng manong tsuper ng taksi, sa casino sa Hyatt daw siya manonood ng Pac versus Hatton. Siyet, sosyal. So iyon na nga. Wala pang alas-otso ng umaga, nagdadasal na ako kay Lord na umalis na sana ang Jac Liner sa Buendia. Paliparin sana ng tsuper ang bus. Lord, sana bago mag-alas onse nasa Lucena na ako. Bago mag-alas dose ng tanghali, nasa Lucban na. Lord, please!

At dininig ni Lord ang panalangin ko. Alas-onse, humahagok na ang higanteng PUJ patungo sa Lucban. Naghahabol din ang tsuper.

Espesyal ang Mayo 3. Live at libre ang palabas sa cable provider namin dito sa Lucban. Bihirang pagkakataon na libre sa patalastas ang boksing ni Pacman. Heto ang clincher: round two lang tumagal si Hatton. Tayabas pa lang inuulan na ako ng text ni Angel. Simula na daw ng laban. Text uli: bagsak sa unang pagkakataon si Hatton. Text uli: bagsak uli. Hindi makakontak ang Sun. Lulubog-lilitaw ang signal ng putek na kompanya ng cp. Bago pa ako makababa ng higanteng PUJ, nakita kong nagtatalunan ang mga taong siguradong nanonood ng laban. Tumawag si Angel, tapos na daw. Plakda na si Hatton. Parang nasapak din ako. Bumigat bigla ang bagahe ko. Siyet. At least nakarating ako ng Lucban bago mag-alas-dose.

Mula noon, sa laptop ko na lang ini-enjoy ang laban ni Pacman kay Hatton courtesy of my friendly-neighborhood Manong DVD. Nabubuwisit na nga si Angel dahil halos araw-araw kong panoorin ang Pacman versus Hatton.

Tapos noong Linggo na nga, Pacman versus Cotto naman. Hindi na naglibre ang cable company dito sa Lucban. Dapat tanggapin ang mapait na katotohanang lunod sa patalastas ang Solar Sports at GMA 7. Hindi rin ako mapakali kaya pinagtetext ko ang tropa ko na nanonood sa SM at nakatanga sa internet. Okey, ia-update daw ako. Kaya hayun, alam ko agad na todas na si Cotto. Tinawagan ko si Pat na nakatutok naman sa radyo. Inaya ko na lang uminom sa Juro’s. Sabi ko du’n na lang namin panoorin sa Juro’s tutal alam na naman namin ang resulta ng laban.

Kami lang ang customer. Isang long neck na Granma agad ang kinana namin. Halos nasa puwit na ng bote ang alak nang mangalahati ang laban sa channel 7. Order kami ng panundot na beer. Naubos. Order uli kami ng tig-isa. Alas singko ng hapon noong Linggo, mala-Quinito Henson at Recah Trinidad kaming naghihimay ng laban ni Pacman. Hindi na nga lang namin maintindihan ang analysis namin. Sulit ang hang-over kinalunesan. Wanted: pirated DVD ng laban ni Pacman versus Cotto.

At nakakita ako kinabukasan habang break ang turo ko sa world history. Cuarenta y cinco pesos ang lintek. Guess what? Walang laman ang taenang DVD. Nakita ko si Manong DVD tatlong araw matapos ang malasindikatong transaksiyon, ipinababalik sa akin ang namputang DVD, papalitan daw niya. Hindi na lang. Lesson learned the pirated way.

Buti nga hindi natuloy ang laban ni Pacman at Money May. Nabawasan ang pagkasabik ko sa bangasan ng mukha.