Mahigit dalawang taon na akong nagsusumamo para makatapos sa aking M.A. Araling Filipino. Pero inondoy na ako’t lahat, hindi ko pa rin malasahan ang mongoliang may hipon sa Animo canteen. Lagi kasing hindi available ang hipon. At oo, sa loob ito ng halos dalawang taong paglabas-masok ko tuwing Sabadong may klase o konsultasyon para sa mistulang perpetual tesis ko. Nakatatakot isipin na, na, baka grumadweyt ako ay hindi ko pa rin nalasahan ang mongoliang hipon.
Hindi ko tiyak kung galing nga sa Mongolia ang lutuing mongolian sa Animo canteen. Wala akong kakilalang OFW na nanggaling sa mabuhanging lupain ni Genghis Khan. Kung paanong hindi ko rin tiyak na galing nga sa Canton ang pansit na ibinabandera ng Lucky Me. At kung galing nga ng Shanghai, ang lumpiang may giniling at kintsay sa loob.
Kanin lang, samu’t saring gulay, at choice-of-two na main ingridient ang lutong mongolian. Pwedeng manok (isang paulong kutsarang laman ng manok), pwedeng beef (isang paulong kutsarang beef), crab meat (isang paulong kutsarang...), pork (isang paulong...), pusit (isang...), at iyon na nga: hipon, na laging hindi available sa tuwing oorderin ko. Pwede kang magpadagdag ng kanin, pwede ring tambakan ng ginayat na siling pamaksiw para medyo pumapalag sa anghang pagsubo mo ng kanin er mongolian. Hahaluin lahat ang rekado sa parang prituhan ng burger, bubuhusan ng hindi ko malaman kung anong likido at dyaraaaaaaan, maanghang, mainit na mongolian sa halagang ochenta y cinco pesos. Treinta pesos naman ang kalahating litro ng Coke, fire extinguisher sa init at anghang.
Sa tuwing walang hipon, at lagi ito—dahil yata mahal ang hipon—nagtitiyaga ako sa Sinangag Express o SEx. Sa tuwing manlilibre ang mahulas-hulas kong kaklase o titser, nakakatikim ako ng di-maubos na kanin ng Tokyo Tokyo (na hindi ko alam kung galing nga ng Tokyo) kasama na ang pulang niyeluhang tsaa.
Pero iba pa rin ang halina ng hipon at crab meat. Kaya kanina, sinubukan ko uling umorder. Siyempre wala uli si hipon. At dahil nagmamakaawa na ang sikmura kong malamnan ng mainit na pagkain, nagkasya na lamang uli ako sa crab meat at beef.
Hindi naman dahil sa takot na akong sumubok ng ibang pagkain kaya hindi ako masyadong umoorder ng estrangherong putahe. Minsan kasi, sumubok kami ni Ate Sotie, ang kaklase kong Letranista. Hindi ko na sasabihin kung saan kami sumubok, basta nasa loob ito ng kampus. Nagkaisa kami na matabang ang lasa, walang dating, walang kakaibang lasa ang roasted chicken na ubod ng mahal. Kaya balik uli ako sa nagmamadaling mongolian. Itinanong sa akin ni Ate Sotie kung bakit gustong-gusto ko ang lutong iyon sa Animo canteen. “Mainit kasi,” sabi ko, sabay subo ng umuusok na kaning may latay ng crab meat at beef. “Iyon lang ang dahilan mo?” balik sa akin ni Ate Sotie na nginangalot naman ang club house sandwich. Nahihiya na akong maimbestigahan pa kaya napa-oo na lang ako.
Balik uli kanina. Habang hinihintay kong maluto si mongolian, itinanong ko sa lalaking nagluluto kung bakit laging walang hipon. Naubos na raw. Alas-onse? Naubos? Hindi yata’t malalakas magsikain ng hipon ang mga Lasalyano? “Anong oras naubos?” tanong ko. Kahapon pa daw at hindi pa daw dumarating ang inorder. Ayos. Magaling lang siguro akong tumiyempo. Natatapat sa ubos o hindi pa dumarating ang order.
Bueno, kahit hindi ko naman talaga gagawin, babalik ako sa Lunes, sabi ko. Hindi ako papayag na wala pa ring hipon sa Lunes. Hindi ako papayag na mauna pa ang diploma ko kaysa mongoliang hipon. Ngumiti si kusinero. “May araw rin kayo, lalo na ang hipon ninyo,” sa isip-isip ko, habang buhat ang tray na may sangmangkok ng umaasong mongolian beef at crab meat na nakapagtatakang may durog na piraso ng makabasag-ngiping talukab at sipit ng alimasag.#