Hindi ko pa nagagawan ng papel para sa klase ko sa La Salle o para sa kumperensiya ng wika at kultura ang paksang paano nag-evolve ang salitang tae patungo sa dyebs. Pero kung gagawan ko, baka ganito magsimula iyon:
Tae kapag binaligtad eta. Dito na siguro pumasok ang etsas/echas, binaklang o sabi ng UP Diksyo, kinolokyal na tae/eta. May hawig pa. Pero kung paanong napalitan ang etsas/echas ng ebak, ito na ang palaisipan ng kontrapsiyon na ito. Hindi ko na alam. Wala ito sa panuntunan ng Diksiyunaryo-Tesauro ni Jose Villa Panganiban at Balarila ni Lope K. Santos o ng Komisyon ng Wika. Kaya naligaw na ako sa pasikot-sikot at madawag na etimolohiya ng tae tungong ebak. Ebak, kabe, bake, beka. Malalayo sa eta/echas. Lalong malayo naman sa feces o shit (pero masarap sabihin ang “shit” shit! Shit kahit paulit-ulit, shit!). Ang ebak marahil ang pinanggalingan ng dyebs. Siguro, tinawag ding dyebak ang ebak once upon a time. Thus, the slicker “dyebs”. Pero hindi ako naging pamilyar dito. Dyebs o ebak lang ang kaya kong pagpalit-palitin. Minsan nasisingitan ng shit/siyet. But not on the context of “Shit dude, I wanna shit!” o “Shit dude, stop the car, mashi-shit ako!”, pwede pa ‘yung ganito “Shit dude, maeebak ako!” o kaya “Shit dude, madyedyebs ako!” at “Taena pare, iparada mo, matatae na ‘ko!”. Either of the latter three will definitely do, sa iba-iba nga lang na sitwasyon. O depende sa pangangailangan.
May poise pa kasing nalalabi sa “Shit dude, madyedyebs ako!” hindi pa masyado ang sense of immediacy, baka hindi ka rin seryosohin ng makakarinig. Hindi kagaya ng “Taena pare, matatae na ‘ko!”. Kapag ito na kasi ang nasabi ko, pusa, dapat seryosohin na ako at dapat within spitting distance ang kubeta. And speaking of which, wala naman kasing spitting distance na kubeta sa taong “Taena pare, matatae na ‘ko!”. Totoo, take it from me. Shit happens. Bagong kasabihan: Sa taong matatae, tumitigil ang oras, humahaba ang biyahe.
Marami na akong blog na nabasa na naglalagay ng sari-sarili nilang top. Top ten favorite books, favorite poets, novelists, videoke songs, where to date, where to fuck. Blah blah. Ito’ng sa akin, parang sulating di-pormal noong greyd por. Ang siyam na hindi ko malilimutang karanasan ng rebolusyon ng tiyan. Marami ito kaya pipiliin ko lang ang siyam na pinakasusumpa kong hindi na mababakbak sa ilang pirasong neuron sa kukote ko (at iilan lang ang gumaganang neuron na ito). Lactose-intolerant yata ini. Kaya huwag hindi makasipsip/makaamoy ng dairy product, sasambulat ang bulkan. Dito bad trip sa akin si Jerry na bestfriend ko (na hindi ko matagpuan lately dahil magkakakotse na), wala daw kasela-selan ang wetpaks ko. Taena, wala na daw akong pinipiling lugar. Ho nga. Acknowledgment muna kay Pareng Perci na nagpayo sa akin na kung magbibitbit ako ng tissue para sa puwet, iyon nang wet wipes para suwabe. Sinunod ko ang payo ni Pareng Perci. But I raised the bar higher. May brand ang wipes ko: “So Soft” ang tatak. Mabibili sa Watsons at sa SM Supermarket. Tandaan ang tatak “So Soft.” Why this particular brand? Bukod sa wetpaks-friendly, may peppermint scented pa kaya hindi lang suwabe, suuuwaaabeeehh. And now, my top nine.
9. Paco, Obando, Bulacan 1994. Fourth year ako sa hayskul sa Valenzuela Municipal High School Polo Annex. Dinayo ko ng inuman ng gin bulag ang kaklase kong si Joel Sto. Tomas. Kumulo ang tiyan ko. Kaya nakikubeta ako sa kanila. Ayos. May isang timbang tubig. Kaso, kinapos ng pambuhos. Ayos, may isang container pa. Dahil madilim ang kubeta nila Joel hindi ko alam na gasolina na pala ang pinam-flush ko. Sa banyo pala nag-iistak ng gasolina ang tatay ni Joel para sa kanilang bangkang pangisda. Nag-amoy gasolina ang banyo. Buti hindi ako nanigarilyo kung hindi, potah, sunata ang labas ko. Sunata, sunog na tae. Sinabi ko na lang kay Joel noong nag-aabang na ako ng masasakyan pauwi. Kaya daw pala nag-amoy gaso ang banyo nila. Akala niya may tagas ang container. Sayang daw, malayo sana ang mararating ng bangka sa isang tabong gaso na ipinam-flush ko lang sa dyebs ko. Ho nga naman. Nakaperhuwisyo pa ako ng mamamalakaya. Buti na lang hindi ko ipinaghugas ang gaso.
8. Lumang McDo sa may Sta. Mesa malapit sa SM Centerpoint. Wala na ito ngayon. High-rise condo na. Madaming beses dito. Kapag hinahatid ko kasi si Angel noong kami pa lang, dito ako nagbabawas. Malayo kasi ang biyahe pabalik sa Valenzuela kaya kailangang magpagaan ng timbang. For senti reasons kaya nakasama ito sa listahan ko.
7. Bahay nila Jay Culang sa Tambo, ParaƱaque 1999. Barkada ko sa Normal si Jay Culang alias Jay Cool. Madalas kaming gumimik sa bahay nila noon. Nasa loob ako ng kubeta nila. Gaya ng nakagawian, nagbabasa ako kapag relax na nakaupo. Nagpaalam si Jay Cool saka si Gwapo Jarin, may bibilhin lang daw sa labas (malaki ang tsansang alak ang bibilhin noon). Eh walang tao sa kanila kaya okey lang. Biglang dumating ang nanay at kapatid ni Jay Cool. Kumatok sa pinto ng banyo. Akala si Jay Cool ang nasa loob. Siyet. Hindi nila ako kakilala. Nalintikan. Akala magnanakaw ako. Hindi ako magkandatuto kapapaliwanag na kaibigan ako ni Jay Cool. Naranasan n’yo na bang magpakilala sa may-ari ng kubeta habang ginagamit ang kubeta nila? Isipin ko pa lang nahihiya na ko.
6. Baguio going to Sagada January 2, 2001. Hindi ko alam kung may kinalaman ang elevation sa kapritso ng puwet ko. Baka wala. Sana wala. Madaling-araw, mga alas-kuwatro, paglagpas ng huling stop-over ng Victory Liner sa Sison, Pangasinan kumulo agad ang hindi dapat kumulo. Pinigil ko ang pagtagas ng dyebs with all the youthful effort I can muster. Pinagtawanan ako ng tropa kasi ang ginaw ng aircon pero umaagos ang pawis ko. Heto pa, pagbaba sa unang gasolinahan sa dulo ng Marcos Highway sa Baguio, sarado pa. Bolsyet. I have to force my way in. Iniwan ko si Thad, Jojo, Paeng, Jett, Alan M. na makipagtalo sa guwardya. Basta ako eebak. Bahala na silang ma-shot gun.
5. Sagada January 7, 2007 (potah bakit laging Sagada!) Dito tumitibay ang hinala ko sa elevation. Maayos ang kubeta sa St. Joseph. Kaso mo, huling araw na ng bakasyon namin ni Konsehal Gerry sa Sagada. Empake na lahat. Hindi, ang totoo inaabangan na namin ang last trip ng Lizardo Transit pabalik sa Baguio. Kumulo ang tiyan ko habang nag-aabang. Takbo pabalik ng St. Joseph. Kinatok ni MJ, kasama namin ni Konsehal Gerry, ang pinto ng cubicle. Dumating na raw ang Lizardo Transit. Paalis na daw at ako na lang hinihintay. Ang dami kong inabala. Muntik na kaming abutin ng dilim sa Halsema Highway.
4. 7-11 MacArthur Highway Balagtas, Bulacan July 2000. Kung hindi ka rin lang gwardya o empleyado ng 7-11, malabo kang makadyebs sa tindahang ito. Madaling araw iyon, nagtatrabaho ako kasama si Jojo Pacis sa Public Information Office ng Valenzuela. Dahil maganda ang write-up sa editoryal na tungkol sa amin ng isang tabloyd (na hindi ko ibubulgar ang pamagat), nag-treat kami sa editorial board na puro barako. Sa Mystique sa Quezon Av. Laklakan til kingdom come. Tapos hinatid namin ni Jojo ang EIC sa bahay nila sa Balagtas. Tapos umuwi na kami pero nag-hot choco muna kami sa 7-11. A t dun na nga. Ayaw pang ipagamit ang CR nila. Sabi ko nang may tama pa ng beer na: “’Pag hindi n’yo ko pinatae sa CR n’yo dito ko tatae...” Natakot nang makita ng gwardya na modelong Lancer na red plate ang gamit namin. Akala big time na government official kami ni Jojo.
3. Philippine Airlines October 2004. Somewhere above Bicol. Mula Cebu, sinubukan kong eksperimentuhin ang kubeta ng eroplano. No dice. Mahirap umebak for the sake of experience. Maganda lang isipin na umebak ako 30K feet above.
2. Forest Grill sa scout area sa Kyusi, August 2007. Galing kami sa dinner-meeting ng dati kong boss sa isang bangkaroteng kompanya sa Ortigas. Isinama ng boss kong SVP ang asawa niyang malakas daw ang balis. Nakatuwaan daw ako. Tawa nang tawa sa akin kahit hindi naman ako nagpapatawa, paano ngang magpapatawa e seryosong miting ‘yun kasama ang President and COO. Nang nakasakay na ako sa museum-material na kotseng bulok ng boss ko patungong Edsa, biglang kumulo ang tiyan ko ng ubod ng, ng, ng, bolsyet, ubod ng sakit! Sobrang sakit ng tiyan ko kaya sabi ko dalhin na ako sa East Avenue Medical Center. Pinaharurot ng boss ko ‘yung Nissan Sentra niyang kapanahon pa ni Nunong Noah at Jacob, experiment car pa lang ng Nissan noong panahong ang Nissan pa ang nangungunang tagagawa ng martilyo at fastener sa Japan. Sabi ko, idaan muna ‘ko sa isang disenteng gimikan na may disenteng kubeta bago ipaospital. Bago ako mahulog/bumaba ng awto, nilawayan ako sa tiyan ng asawa ng boss ko. Taena, awkward, napaka-awkward. Yun na. Ubos-lakas kong tinakbo ang kubeta matapos dakutin ang lahat ng tissue ng tatlong mesang nadaanan ko. Give na give. May kasama pang halinghing. Letse, wala na akong pakialam sa mga nakapila sa pinto. Parang nagdahilan lang ako pagkatapos. Nakainom pa ako ng tatlong San Mig Light courtesy of my boss. Danyos siguro ng boss kong may asawang emperatris yata ng mambabalis sa buong kapuluan. Buti na lang kakilala ko ‘yung DJ ng gimikan, si Fritz na taga-Malanday. 80s night daw nila noong gabing ‘yun. Nag-request pa ako ng kanta, “Through the Barricades” ng Spandau Ballet. Ayos. Alas-tres na ako nakauwi sa amin sa Valenzuela na maluwag na maluwag ang tiyan. Naniniwala na ako sa balis mula noon.
At ang pinakashit sa lahat...
1. Aguinaldo Highway Cavite October 28, 2005. Matapos ang field study namin sa Marikina nila Konsehal Gerry Esplana, Jerry Gracio, at Ariel Chua dumeretso kami sa Tagaytay. May speaking engagement si Konsehal Gerry sa mga nagse-seminar na Sangguniang Kabataan ng Valenzuela. Sumama din ang asawa ni Konsehal Gerry na ninang ko sa kasal kasi birthday din ni Konsehal Gerry kaya tuloy gimik na rin kami. Matapos ang talk, humanap kami ng pinaka-cozy na inuman sa gilid ng bangin ng Taal lake. Laklak. Si Ariel lang ang hindi tumoma dahil driver namin. Pagkatapos tumoma, mga bandang ala-una ng madaling-araw, dumaan kami sa Starbucks para magkape. Dahil mahiyain ako kapag libre, umorder ako ng venti na frap. Inubos kong pilit ang halos santimbang hazelnut rhumba creme frapuccino. Nung nasa Aguinaldo Highway na kami, noon inamin sa amin na may third eye ang Ninang Jenny ko. Marami daw siyang nakikitang multo, at katunayan, sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, napakarami daw niyang nakikita, may bata, may matanda, parang lahat nag-aabang sa pagdaan ng sasakyan namin. Marami daw umiiyak. Maingay sila. Siyet. Takot ako sa multo pero hindi ko na inintindi dahil nagwawala na ang tiyan ko sa San Mig Light cum fatal frap concoction na pinilit kong ubusin. Ayos di ba. Maraming multo pero taeng-tae na ako. Hindi ko nagawang matakot. Ang natatandaan ko lang pinatigil na ni Konsehal Gerry sa pagde-describe ng nakikitang multo-multo ang Ninang Jenny (na nagsimula nang pangiliran ng luha sa dami ng multong nakita) dahil kinikilabutan na silang lahat maliban sa akin. Napansin nilang pinagpapawisan ako, tinanong kung may third eye din daw ba ko. Sabi ko—no point denying—na taeng-tae na ko kaya ako pawis na pawis. Tatadyakan ko at papatayin sa sakal ang lahat ng maligno at multong hahalang sa akin papasok sa isang komportableng kubeta! Nalimutan nilang bigla ang multo’t maligno. Hanap kami ng gasolinahan, wala. Nakarating ng Bacoor, wala. Lumilipad na halos ang Honda ng konsehal. Coastal road, wala pa rin. At hayun na nga, nakarating kami sa Heritage Hotel. Ineskortan pa ako ni Konsehal Gerry sa lobby. Ginudmorning pa kaming dalawa ng gwardyang de-barong na gusot-mayaman ang tela. Sosyal.
Minsan dapat talaga magkutkot na lang ng butong kalabasa kapag walang magawa e, kaysa sumulat ng mga ganitong shit.
Thursday, May 12, 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)