Sawa ka na sa ganitong pambubuska. Wala kang dahilang mahulo sa pag-iwas sa ligaw at ilahas na lambing kaya sasabihin mo— maraming gagawin. Kayraming naghihintay sa iyong kalinga: papel na dapat basahin, iligpit, tsekan, sulatan, ibenta. Isa kang pagal at tapat na ahente. Tawiran ng koryenteng hindi mapatid-patid. Aaminin mong isa itong gawaing napakalumbay, ang tumunghay sa nagsapot-sapot, nagsala-salabid na pagkakataong maging kahit sino ka kahit kailan. Nang minsan kang alukin ng tulong, sagot mong pabanas, kailan mo pa kinailangan? At kapag lumayo akong nagkikibit ng alanganing balikat o ulo, magagalit ka. Magagalitin ka.
Minsan gusto kong matawa. Hihiga tayong tuklap sa isa’t isa, tuklap ang isa’t isa. Ilang taon nang hindi magkakilala, ilang taon nang kinikilala kung hindi lamang dahil sa nakapagitang bunsong mahimbing, nananaginip, nagmamahal, walang maliw, at hindi sumumpa kahit kailan ng kailanman.
Hindi makaihip ang hilam na musiko. Puno ng tubig ang bukilya ng mga torotot, Garalgal ang pompyang at hungkag ang pisngi Ng tambol ng Banda 85 ng Balumbato. Inutil ang mga nagkabaklas-baklas na payong. Sa gilid ng daan, nagpapagpag ang mga kantor, Nagpaalam umuwi’t hindi na raw sisingilin ang balanse. Nangangaligkig ang mga nakikipaglibing, Mga basang-basa’t naglulunoy na sisiw, Abot-langit ang sisi sa lagi nang sulimpat na Pag-asa. Naghalo ang luha’t tubig-ulan sa mukha Ng aking anak, asawa, mga kapatid, Mga pamangking iniihit na ng hika. Tumirik ang karosa ng punerarya sa karagatan Ng nagkukumahog na dayaper at lata, Humahagok ang baradong tambutso, Hindi makabuga ng usok alinsabay Ng angil ng makinang panlupa’t makalupa. Wala nang nakaririnig sa paos na ripeke Ng rumilyebo sa musikong “Oh My Papa” “Hindi Kita Malilimutan” at “Lupa” ng Asin. Walang gustong pumitik ng larawan, Walang bidyo, walang makaalalang luksa Ng masayahing tao ang pinilahan. Lahat, maliban sa aking sinisintang asawa, Ay nangangamba sa iniwang bahay, Maglulutangang tokador, malulunod na aso, Mababasang gamit, aanuring kabuhayan. Lahat, maliban sa aking sinisintang asawa, Ay nag-aalala kung paano uuwi. Nagpaalam na ang ate at ditse, mga pamangkin. Naging isang dambuhalang balaho ang kalsada Kaya inabot ako ng gabi sa daan. Pero, awa ng Diyos, nakarating din sa simbahan Sa tulong ng nagtulak: pitong kaibigan, Dalawang bayaw at maskuladong pinsang Nagsipagmadali ring umuwi nang maiprente Ang kabaong ko sa harap ng altar ng Salambaw. Pinagmisahan ako pero wala nang maglilibing, Sigurado kasing akwaryum na ang nitso ko. Nagkislapan ang kidlat sa labas, Nagkonsiyerto ang kulog at daluyong, Hindi na makikita ang landas papantsong Garantisadong kinumutan na ng karagatan. Kaya pinaglamayan akong muli sa simbahan.
Abala ang de-lenteng sakristan-mayor Kasasalba ng antigong kandelabra at poon. Nalunod ang Santo Sepulkro sa pagkakahiga, Binasag ng mga nagpupusagang upuan At naglalanguyang kumpisalan ang pedestal Ng mga panahon-pa-ni-mahomang rebulto. Umindak sa pagkakalutang ang imitasyong Nazareno. Masyadong masikip at giray na raw ang pulpito, Kaya dinesisyunan akong itanghal sa koro. Pero hukluban, buto’t balat na si monsinyor, Nag-iisa ang sakristan-mayor na gusto nang umuwi, Naghugis putangina tuloy ang pihikang labi Nang ihain ang mas mainam na mungkahi. Pinanawan na ng luha ang aking asawang Pangko ang aking bunsong nilalagnat, Nakabilot sa hiniram na sutanang kaaalmirol. Walang koryente, malurido ang mga kandila, Walang kape, ubos na ang Mompo’t ostiya, Natambog ang nag-iisang rechargeable na lente. Sa dilim, hinunta nang masinsinan ni misis si padre: Kapag hindi pa raw nagmaliw ang ulan sa hatinggabi, Ipatatangay ako hanggang sapitin ang aking Ararat, Dadaong ako kung saan may lusak at burak Na puwede kong gawing huling hantungan. Ipinasak ni misis sa aking nagyeyelong ilong Ang nakaliitan na naming 14k na wedding ring, Bayad daw sa abala nang nasalanta ring maglilibing. Ikinumpisal niyang hindi na daw siya Masisindak kung pagmultuhan ng kaniyang yumao, Patawarin daw siya ng Panginoon sa gagawing Pagpapatangay sa kaniyang esposong mahal na mahal, May kirot man daw sa damdamin, pero kailangan. Kunsabagay, hindi ko na ito dapat malaman. Payapang-payapa na ako sa ugoy ng aking higaan, Kapara ng bakol sa ilog ni Jacob nga ba o Abraham?