Wednesday, August 11, 2010
Paghihintay
PAGHIHINTAY
Hindi pa ako uuwi.
Sa sandaling mamuni mong mukha akong naiinip, ngumiti.
Ituloy mo lamang ang iyong ginagawa:
Sagutan ang nalilitong aklat
Ng mga nalilitong guhit, kulay, at sulat;
Kainin ang pang-araw-araw na mamon;
Tupdin ang ritwal ng paghahayag
Na maalinsangan ang araw ngayon, o maulan.
Nakalilito ang panahon.
Sikapin ko man, hindi araw-araw na makikita kita,
Matutunghayan sa pagtindig upang sumagot
Kahit mali.
Alam mong ikatutuwa ko ang iyong sandaling pagtindig
Upang maggiit ng kauusbong na katwiran.
Alam mong sabik kong pakikinggan ang wari mo’y
Maling tanong na sinalag mo ng kapwa maling sagot
Kasabay ng patagong pagnguya ng napitpit,
Nagmugmog na mamon at sipsip
Ng kanina pa uminit na tetrapack.
Akay mo ako.
Gawaing hindi panlilimang taong gulang sa magulang
Ngayong nakalilitong panahon.
Maaraw ang kaninang paglu-“Lupang Hinirang,”
Maulan nang tayo’y lumisan.
Wala kang inimik na “bukas uli ihatid mo ‘ko,”
Dahil alam na alam mong hindi sigurado
Kung mauulit muli ang pagpayong ko sa iyo pauwi,
Ang pagbuhat, paghatak ko sa iyong hindi makataong bigat
Na pambatang bag,
Ang sulit na pagliban ko sa pagtuturo
Sa mga hindi ko anak.
9 Agosto 2010
Lucban
Subscribe to:
Posts (Atom)