Narito ang halimbawa ng papel na ipapasa ninyo sa akin:
ANG REGISTER NG WIKA NI MANG ERMIN, MANGINGISDA NG OBANDO
Ang sabjekMatagal ko nang nakikita sa punduhan ng isda si Mang Ermin. Nakatatanguan at nakangingitian ko siya sa tuwing tumitingin ako ng isda sa Obando. Pero hindi ko alam ang tunay niyang pangalan. Fermin T. Manalaysay pala. 45 taong gulang. Sa Barangay Salambao sa Obando siya nakatira, barangay na binabangka pa para marating ng mga nakatira sa kabayanan ng Obando.
Halos buong buhay na siyang nangingisda. Pangingisda ang kaniyang ipinambubuhay sa kaniyang pamilya kung kaya naman nakapag-aaral ng accountancy ngayon ang kaniyang panganay na anak na si Paulo sa Mapua. Pero hindi raw niya ito ginawang mag-isa, katulong daw niya ang kaniyang kabiyak na si Cecil, isang guro sa hayskul.
Hindi naman daw talagang taga-Obando ang pamilya ni Mang Ermin. Taga-Hagonoy, Bulacan ang kaniyang mga magulang. Nagawi lamang sila sa Obando nang mandayuhan ang kaniyang mga magulang. Nagbantay ng palaisdaan sa Binuangan, isang barangay din sa Obando. Hindi na daw bumalik ang kaniyang pamilya sa Hagonoy sa kabila ng marami nilang kamag-anak sa bayang iyon.
Maliban kay Paulo, ang kaniyang panganay na anak, itinataguyod din nila ang kanilang anak na si Mae, nasa unang taon ng hayskul sa Obando.
Tatlong beses isang linggo kung mangisda si Mang Ermin. Sakay ng kaniyang bangka, papandawin o huhulihin niya ang mga isda gamit ang iba’t ibang uri ng lambat. Matapos ang paghuli, dadalhin na niya ito sa punduhan o bagsakan ng isda, parang palengkeng wholesale ang bilihan. Sa punduhan namimili ang mga tindera ng isda sa palengke.
Dahil sa pagsusumikap nilang mag-asawa, nakapagpundar na sila ng isang maliit na bangka na mayroong makinang single-piston. Hindi na raw muna inaasahan ni Mang Ermin na makapgpundar ng isa pang bangka, o ng malaki-laking bangka, uunahin muna daw nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Makapaghihintay daw ang bangka ngunit hindi ang edukasyon ng kanilang mga anak. Huwag lang daw masira ang bangka, at huwag lang silang magkakasakit ng malubha, maaaring tuloy-tuloy pa daw ang kaniyang pagta-trabaho.
Nang tanungin ko kung tinuturuan ba niyang mangisda ang kaniyang anak sa pagitan ng pag-aaral sa Mapua, oo daw. Pero hindi iyong tipo na gagawin daw na panghanap-buhay ang pangingisda. Kaya daw niya pinag-aaral ang kanilang mga anak ay upang umasenso. Ginagawa daw niyang isama si Paulo sa pangingisda upang maintindihan daw nito na hindi madali ang pagkita ng pera na ipantutustos sa kaniyang pag-aaral. Upang mapahalagahan daw ang kaniyang paghihirap.
Ang mga sitwasyonGaya na ng nabanggit ko na sa simula ng papel na ito, lagi ko nang nakikita si Mang Ermin, pero hindi ko siya nakakausap sa lebel na may kinalaman sa aking pag-aaral. Nang lapitan ko siya sa punduhan noong madaling araw ng Hunyo 24, sinabi kong may suliranin ako sa aking klase. Natawa siya. Akala yata ay nagbibiro ako. Bakit daw siyang walang pinag-aralan ang lalapitan ko kung may problema ako sa klase. Oo nga naman.
Bumili ako ng kape, dalawa. Kaya kahit mukhang ayaw ni Mang Ermin, napilitan na rin siyang inumin ang tigsasampung pisong kape. Ipinaliwanag ko ang pakay ko. Sabi ko, makikipagkuwentuhan lang ako at mula sa kuwentuhan, pipili ako ng mga salitang hindi ko maintindihan o palagay ko’y hindi maiintindihan ng aking guro o ng aking mga kaklase. Sabi ko, hindi rin ako mang-aabala, kung kailangan na niyang magtrabaho, siyempre, dapat iyon ang prayoridad at hindi ang aking proyekto. Sabi ko rin na hindi dapat siya ma-conscious sa aming kuwentuhan. Relax lang kumbaga. Iyong parang wala lang.
Matapos naming masimot ang kape bago mag-alas-sais ng umaga, isinama niya ako sa kanilang bahay sa Salambao, mga labinlimang minutong pamamangka rin. Gising na ang sawa niyang guro pero tulog pa ang kaniyang mga anak. Wala daw pasok ang nag-aaral sa Mapua, si Paulo, at panghapon naman ang kanilang bunso, si Mae. Nagsangag at nagprito siya ng isda. Doon na daw ako mag-aagahan. Habang nag-aagahan, nakipagkuwentuhan ako sa kanilang mag-asawa.
Sinimulan namin ang kuwentuhan sa mga bagay na alam ko na, ang Obando kung saan galing ang aking ina. Ikinuwento ko ang aking mga pinsan na taga-Obando na hindi nakikipagtakang kakilala rin niya dahil maliit lang naman ang bayang ito. Sinabi ko na dito rin halos ako lumaki, na minsan ding nangisda ang aking amang dating pulis. Matapos nito ay magaan na siyang nagkuwento: ang kaniyang pamilya, pinanggalingang bayan ng Hagonoy, pang-araw-araw na pamumuhay, at may nasingit pang lovelife niya! Nagtanong din ako tulad halimbawa ng mga suliranin na dumarating sa isang mangingisda. Nagtanong ako ng mga mumunting gawain na may kinalaman sa kaniyang gawain, munting gawain sa kaniya ngunit napakalaking tulong sa aking proyekto.
Natapos ang aming kuwentuhan bandang alas-otso. Sumabay ako sa bangka dahil ihahatid din niya ang kaniyang asawang guro sa bayan. Bago pa kami maghiwalay, sinabi kong babalik ako kasama ang aking mga kagrupo. Napagkasunduan namin ang darating na Sabado ng hapon sa may punduhan.
Dumating kami ng higit na maaga kaysa napagkasunduang oras. Nakahanda na ang aming panulat at cellphone na magre-record ng kaniyang paliwanag hinggil sa mga register ng wika na ginamit niya noong kuwentuhan namin. Kasama niya si Mae nang siya ay dumating. Inaya namin sila sa mamihan para doon makapg-kuwentuhan. Tumanggi siya dahil may pupuntahan daw silang mag-ama, sa SM Marilao para bilhin ang gamit ng kaniyang anak. Naroon na raw sila Paulo at ang kaniyang asawa. Hindi man sabihin, alam naming nagmamadali sila. Kaya minadali na lamang namin ang pagtatanong. Matapos ang halos sampung minuto, nagawa naming malaman ang kahulugan ng mga terminong lagi niyang ginagamit sa kaniyang trabaho.
Nagpakuha kami ng larawan. Sa puntong ito, masaya ang lahat. Tawanan. Handa sa pag-pose.
Bago umalis sila Mang Ermin at ang kaniyang bunso, iniabot namin ang aming munting token para sa kaniya, pasasalamat sa aming pang-abala sa kaniya. Dahil nabanggit niya noong una ko siyang makausap na madalas silang uminom ng alak ng mga kasama niyang mangingisda, bumili kami ng keychain na mayroong pambukas ng de-bote. Nagpasalamagt siya at mabilis na sumakay ng dyip. Samantala, nagkaniya-kaniya kami ng gawain ng aking mga kaklase.
Ang register ng wikang ginamit ni Mang ErminENGKARGADO. Pangngalan. Taong katiwala sa isang palaisdaan. Siya ang nagsisilbing manager ng palaisdaan. Siya ang kinokonsulta ng may-ari ng palaisdaan kung puwede na bang hulihin ang isda. Ang engkargado rin ang may kinalaman sa paghanap ng mga taong huhuli sa isda, siya rin ang nagpupundo ng isda kasama ng may-ari.
Gamit sa pangungusap: Kinuhang Engkargado ng daan-daang ektaryang palaisdaan ng pamilya Locsin ang mga magulang ni Mang Fermin kaya napadpad sila ng Obando.
HAYUMA. Pandiwa. Paraan ng pagtahi at/o pagdurugtong ng lambat. Pagkumpuni ng punit o sirang lambat gamit ang matibay na taling nylon at plastik na mistulang malaking karayom. Panghinaharap: hahayumahin. Pangkasalukuyan: Hinahayuma. Pangnakaraan: Hinayuma.
Gamit sa pangungusap: Dahil sa lakas ng bagyo, napunit ang lambat ng palaisdaan, maghapon tuloy naghayuma si Mang Ermin para magamit uli ang kaniyang lambat.
KATIG. Pangngalan. Pambalanse sa bangka upang hindi tumaob. Noon, karaniwan itong gawa sa kawayan, ngayon, marami na ang gumagamit ng pvc pipe dahil higit itong matibay kaysa kawayan. Matatagpuan itong tila nakabukang pakpak ng isang bangka sa tagiliran.
Gamit sa pangungusap: Huwag kayong malikot! Baka tumaob ang bangka dahil walang katig.
MASAMANG TUBIG. Pang-uri. Paglalarawan sa tubig na biglang nagbago ang temperatura, halimbawa ay mainit at biglang umulan o lumamig ang panahon. Lumulutang ang isda at namamatay sa pagsama ng tubig. Trahedya ito sa pamamalaisdaan dahil sa paglutang ng isda, dapat itong hulihin agad kahit na maliliit at hindi pa panahon ng pag-ani. Kung hindi, mamamatay ang isda at hindi naito maibebenta. Nitong huli, hindi na lamang biglaang pag-init o paglamig ng tubig ang dahilan ng masamang tubig. Nagiging dahilan na rin ng masamang tubig ang basura, langis, at iba pang uri ng polusyong karaniwan ay dahil sa kapabayaan ng tao.
Gamit sa pangungusap: Dagsa ang bangus sa palengke, napakamura pero sobrang liliit. Sumama kasi ang tubig kagabi dahil biglang umulan. Tiyak, marami ang magdadaing para tumagal ang ulam.
PAMUWISAN. Pang-uri. Mga palaisdaang hindi ginagamit ng may-ari kaya pinaparentahan (o lease sa Ingles) sa ibang nais mamuhunan sa negosyong palaisdaan. Taunan ang pamumuwis at karaniwang ang sukatan ay kada ektarya. Dati, impormal naisasagawa ang pangungupahan sa pamuwisang palaisdaan, impormal dahil walang kontrata, ngunit sa kasalukuyan, bihirang pamuwisang palaisdaan ang walang kontrata upang maging maayos ang usapan.
Gamit sa pangungusap: Pamuwisan na pala ang mga palaisdaan ng pamilya Ramos buhat nang mag-migrate sila sa Amerika. Interesado ako. Magkano kaya ang kada ektarya?
PRINSA. Pangngalan. Pinto ng palaisdaan. Ang pinakamalalim na bahagi ng palaisdaan. Dito dumadaan papasok o palabas ang tubig mula o patungo sa ilog. Karaniwan itong kinakabitan ng bomba ng tubig para kontrolado ang paglabas ng tubig. Dati, iniaasa lamang sa tubig na bata (o matanda) ang paglaki o pagliit ng tubig sa palaisdaan. Mahalaga ang pagpapasok o pagpapalabas ng tubig sa palaisdaan upang matimpla ang ligamgam o temperatura ng tubig upang lumaki nang maayos ang isda o para hindi mamatay ang isda.
Gamit sa pangungusap: Huwag kang lumangoy malapit sa prinsa, baka ka mamulikat, sobrang lalim ng bahaging iyan.
SINGLE-PISTON. Pangngalan. Makina ng bangka na may iisang piston. Kauri nito ang de-sais o de-otsong makina. Habang tumataas ang bilang, lumalakas din ang makina. Higit na malayo ang mararating ng bangka ngunit lumalakas naman ang konsumo ng krudo. Ang single-piston ay bangkang pangmalapitan. Samantala, ang de-sais at de-otso ay yaong nakatatawid ng ibang probinsiya gaya ng Bataan, Cavite, at Pampanga.
Gamit sa pangungusap: Talagang asensado na si Mang Ermin, nagsimula lang siya sa pagsagwan, naging single-piston, ngayon ay de-otso na ang kaniyang gamit.
SUDSOD. Pandiwa. Paraan ng paghuli sa isda na sinusuyod ang ilalim ng dagat. Ito ang paraan ng panghuli sa alimasag.
Pangngalan. Tawag sa bangkang ginagamit na panghuli ng alimasag. Bangka itong may kakayahang sudsurin ang buhangin o putik sa ilalim ng dagat upang mahuli ang mga alimasag na nagtatago sa buhangin o putik sa ilalim ng dagat. Panghinaharap: susudsurin. Pangkasalukuyan: sinusudsod. Pangnakaraan: sinudsod.
Gamit sa pangungusap: Bagong gawa ang sudsod ni Mang Ermin kaya tiyak na marami siyang masusudsod na alimasag mamayang gabi.
TALIKTIK. Pandiwa. Paraan ng pagre-reinforce sa pilapil ng ilog o palaisdaan upang tumibay gamit ang masinsing pagtutusok ng buong kawayan sa gilid ng pilapil. Paraan din ito upang hindi lumubha ang epekto ng erosion sa pilapil. Panghinaharap: tataliktikan. Pangkasalukuyan: tinataliktikan. Pangnakaraan: tinaliktikan.
Gamit sa pangungusap: Nagpapahanap ng trabahador si Mang Ermin, patataliktikan daw niya ang bagong gawang pilapil. Lima daw ang kailangan niya para madaling matapos ang pagawain.
TALIPTIP. Pangngalan. Organismong kumakapit sa kahit saang nababasa ng tubig-dagat. Tumitigas itong parang bato, dapat ingatan dahil matalim na parang bubog kaya nakahihiwa ng palad at talampakan. Bagamat matigas, malutong naman ito, mistulang babasagin kaya ang bangkang makapitan ng taliptip ay nasisira sa katagalan. Kaya dapat laging lilinisin ang bangka upang hindi kapitan ng taliptip.
Gamit sa pangungusap: Hindi makapangisda si Mang Ermin, nasira kasi ang katawan ng bangka niyang kinapitan ng taliptip. Matagal na kasi niyang hindi nalilinis ang bangka.
TIKIN. Pangngalan. Tuwid na tuwid na kawayan na ginagamit para iporma ang bangka bago paandarin ang makina nito.
Gamit sa pangungusap. Hindi biro ang gumamit ng tikin, kailangan ang pag-aaral nang husto, kung hindi baka matumba ka at mahulog sa ilog.
TUBIG NA BATA (O MATANDA). Pang-uri. Ang register ng popular na tide o tabsing. Dalawa ang high tide sa loob ng dalawampu’t apat na oras. Ang sa umaga ay tinatawag na tubig na bata, ang sa hapon o gabi ay tubig na matanda. Kritikal ang pag-alam kung kailan darating ang tubig na bata (o matanda) dahil dito nakasalalay kung anong oras ang gagawing paghuli sa isda, o kung kailangang magbawas o magdagdag ng tubig sa palaisdaan.
Gamit sa pangungusap. Hindi tayo puwedeng manghuli ngayon, paparating na ang tubig na bata. Hintayin natin ang pagliit bago tayo magsimulang manghuli ng isda.