Joselito D. Delos Reyes
Unibersidad ng Santo Tomas
Hindi nais sabayan ng talakay na ito ang katanyagan ng magsisimula, o sa oras na basahin ko ang papel na ito, katatapos, na FIFA World Cup sa South Africa. Buhay na buhay na naman ang debate sa daigdig kung ano ang higit na malaking sporting event, ang olimpiyada ba o ang FIFA World Cup? Wika nga ni Sam Buckle, isang mamamahayag sa New Zealand, “The World Cup is an obsession. The Olympics generates national pride. The World Cup invokes national passion.” Dagdag pa ni Buckle para pagtibayin ang popularidad ng futbol sa mundo: “Football is the number one sporting obsession across 80% of the world’s landed geography. The Olympics is great sport and a great spectacle but, let’s be honest, it’s a collection of (largely) minor sports we get excited about once every four years – and even then, only if we’re winning.” Pero sa Filipinas, sisiw ang sagot, olimpiyada siyempre ang popular kahit pa tayo na lamang sa malalaking populasyong bansang kahapis-hapis sa mundo ang walang katale-talento sa palakasan dahil tayo na lamang ang hindi nagkakamit ng ginto. Kalaban sana natin sa nakahihiyang pwestong ito ang bansang Mongolia na nagkamit na ng gintong medalya noong huling Beijing Olympics. Sa ibang “palakasan” tayo malakas, hindi marahil sa isports. At kung tatanungin naman kung ano ang mas sikat sa larong basketbol o futbol, sisiw uli ang sagot. Paborito ng matatangkad na Pinoy ang talak-talaksang iskoran ng basketbol. Hindi ang nakababagot na larong futbol kahit pa nagno-nose dive ang lebel ng basketbol natin kompara sa mga kapitbahay nating Asyano. Hindi na marahil kailangan pang magharap ng tone-toneladang datos at estadistika para patunayang sa bahaging ito ng Asya, mas kakain ng espasyo sa diyaryo at airtime sa telebisyon ang NBA kaysa katatapos na World Cup. Ibang usapin siyempre ang nagpo-front banner na boksing ni Pacman. Kaya hindi nakapagtatakang hindi kasimpopular ng ibang salita ng taon ang “namumutbol” dahil hindi naman talaga naging popular sa bansang ito ang futbol.
Kaiba sa ibang mungkahing salita ng taon, ang “namumutbol” ay nag-uugat, patayutay at literal, sa lupa. Hindi ito bunga ng mabilis-pa-sa-alas-kuwatrong teknolohiya kaya maaasahang may matagalang silbi sa leksikon. Hindi ito anak ng isang modang subkultura kaya inaasahang matatagalan bago mag-mutate o maglaho. Hindi ito usbong ng ermitanyo’t nakagigimbal na pangyayari sa bansa kaya hindi ito periodic, kaya magtatagal. Ngunit mayroon pa lamang itong limitadong sirkulo kung bakit naging “namumutbol”, limitadong sirkulo pero inaasahang iigpaw sa mga lugar na mayroong niyugan, o mayroong bagay na masisipa palayo upang pagkaraka’y maangkin dahil nasa labas na ng, kung baga sa bagyo, ay area of responsibility ng naunang nagmamay-ari. Ibig sabihin, iigpaw ang “namumutbol” sa lahat ng sulok-sulok ng bansa basta’t may masisipa kahit hindi bilog, umaalog, at tatalbog-talbog.
Una kong nakaengkuwentro ang “namumutbol” sa aking estudyante sa dati kong pinagtuturuang Southern Luzon State University sa pigi ng Banahaw. Ekonomiks pa ang itinuturo ko noon. Nang tanungin ko ang aking estudyante kung bakit siya nahuli sa klase kong pang-alas dies y media, sinabi niyang “namutbol” pa raw siya. Tawanan siyempre ang karamihan sa kaniyang kamag-aral. Inilangkap ng estudyante kong ito kung paanong ang pamumutbol ay may kaugnayan sa aralin sa ekonomiks. Kakaunti ang suplay kaya mataas ang bilihan ng niyog. Kaya siya namutbol bago pumasok para may baon.
Dahil hindi naman tungkol sa batayang kaalaman sa suplay at demand ang aming leksiyon kaya pinalipas ko na lamang ang pangangatwiran ng self-confessed na mamumutbol. Pagdating sa faculty room, itinanong ko sa isang kagurong laon sa Lucban kung ano ang “namumutbol”, pagnanakaw / pang- uumit / pangungupit / pagpitik / pandorobo ng laglag na niyog. Pagsipa palabas ng bakuran nang may bakuran, looban nang may looban upang magamit na panrekado sa ulam o madalas, pambenta.
Anatomiya ng “namumutbol”Hindi kailangang mala-Maradona, Pele, at Zidane ang namumutbol. Hindi kahalintulad ng trabaho ng goal keeper ang namumutbol. Kung bibigyan ng pinakamalapit na paghahambing, striker ang namumutbol. Sa lalawigan ng Quezon at ilang bahagi ng Laguna, sila ay karaniwang tagalinang o tagabukid ngunit walang pag-aaring linang at bukid. Sila’y karaniwang mga dayuhang farm worker. Sa mga pagkakataong walang patanim o aanihin, namumutbol sila para makaigpaw sa bawat araw na walang legal na pinagkakakitaan. Pinuputbol o sinisipa nila ang laglag na niyog palabas ng bakuran nang may bakuran. Bakit hindi sila tawaging nang-uumit / nagnanakaw / namimitik / nangungupit / nandorobo? Bakit namumutbol? Batay sa inihilerang layunin sa word borrowing ng Alemang linggwistang si Joachim Grzega (2003), mamumuni kung bakit hiniram ang futbol upang ang namumutbol ay makaiwas sa “negative evaluation and aim of appearing derogatory...” kahawig ito ng pagtalakay ni Dr. Melba Padilla Maggay (2005) tungkol sa kalikasan ng pagpapahiwatig sa mga Pinoy upang hindi makasakit ng damdamin. Halimbawa nito ang imbes na tawaging magnanakaw o mangungupit ng laglag na niyog, tinatawag silang namumutbol.
Hindi ko alam kung isolated ang kaso ng mag-aaral kong umaming siya’y namutbol bago pumasok sa klase. Maaari din namang ginamit niya ang katwirang siya’y namutbol bago pumasok sa iskuwela nang may hibo ng biro o hindi kaya’y para kaawaan. Gayunman, sa pagtatanong-tanong ko, walang tahasang aaming nabubuhay ang isang namumutbol sa pamumutbol. Tatawagin silang magsasaka ngunit hindi namumutbol. Na siyang akma dahil paloob pa rin naman ang namumutbol sa lawas ng kabuhayang nakaangkla sa gawaing agraryo.
Talikuran ang pagtawag sa namumutbol dahil wala o bihira ang aaming pamumutbol ang pantawid ng namumutbol sa kabuhayan kung walang patanim o walang aanihin (itinuturing ko pa ring isolated na kaso ang sa estudyante ko). Kaibang-kaiba sa mga Lupin na ibinandera ng midya noong kabibihis pa lamang ng milenyo.
Lupin ba ang namumutbol?Kainitan ng orihinal na animé na Lupin sa GMA nang bumalandra sa telebisyon ang pagkahuli sa ilang magnanakaw sa Kamaynilaan. Istorya ng isang bihasang magnanakaw na nagngangalang Lupin ang animé na may parehong pamagat kaya hindi kataka-takang alyas Lupin ang ilan sa mga magnanakaw na nahuli at nakuhanan ng kamera ng midya noong bukana ng bagong milenyo. Bawat panayam ng midya sa mga Lupin, kung hindi man itatangging nagnakaw nga sila, ikakatwiran nilang kaya sila nag-a la Lupin ay dahil kailangan nila ng pera para sa maysakit na kung sino sa kanilang pamilya, na mahirap ang buhay, na kailangan ng pangmatrikula ng kung sino, na kailangan ng pan-date sa kasintahan, na walang pampatoma sa kaarawan, ad infinitum. Bumalandra din sa mga tabloyd ang pagkatiklo sa Lupin ng Galas, Lupin ng Sangandaan, Lupin ng Baclaran. Pansamantalang nagkanlong ang identidad ng mga magnanakaw sa isang magaling na bida ng animé. Kung kasingkahulugan ng magnanakaw ang maging Lupin ng panahong iyon, ang namumutbol ay hindi naman maituring na pagnanakaw. Maaaring ibintang sa dahilang malaking halaga ang ninanakaw (o tinitira ng mga Lupin) samantalang ang pamumutbol ay halos walang halaga lalo’t ilang piraso lamang ang naputbol na hindi kara-karakang magiging pera kung hindi tatapasin o babalatan ang niyog. Sa kabila nito, maliit na halaga lamang ang kadalasang bunga ng pamumutbol. Sa huling palitan ng piso at kuwentahan ng GNP at purchasing power ng piso sa merkado, suwerte nang mag-uwi ng sandaang piso ang namumutbol (kinuwenta sa limang piso ang bawat tapas na niyog, hindi nabibili ang hindi natatapas o natatalupan). Malayong-malayo sa mga Lupin o Ronaldinho at Thierry Henry ng panahong ito. Kaya namumutbol sila at hindi nagnanakaw. Samantala, batay sa parametrong namumutbol o sumisipa ng isang bagay palayo sa tunay na may-ari upang pagkaraa’y angkinin ng namutbol ang bagay na ito, pasok na pasok ang maraming namumutbol sa punduhan ng isda sa Navotas, Malabon, at Obando. Pinuputbol palayo ng mga namumutbol (hindi mga Lupin) ang mga tilapia at bangus na sumsampiyad sa banyera. Pang-araw-araw itong pangyayari sa mga fishport (at maaaring sa mga palengke) ngunit hindi kinikilala ang mga namumutbol bilang magnanakaw. Gaya ng sa Quezon at Laguna, nakaiiritang pantawid-buhay ang turing sa namumutbol ng isda.
Kamakailan ay nakausap ko ang isang kaibigang lihim na panginoong-may-lupang taga-Samar. Aminado siyang buhay na buhay ang gawing pagsipa ng niyog palabas ng bakuran nang may bakuran. Isa ang kaniyang lupaing di-maliparang fenix sa sinisipaan ng laglag na niyog. Nagkaroon siya ng pantawag sa hindi-magnanakaw: namumutbol. Isa namang manunulat buhat sa Bikol ang tumipa ng reaksiyon sa ipinoste kong shout-out sa Facebook hinggil sa “namumutbol.” Haka ni Jun Balde, maaaring mothball ang salitang-ugat ng namumutbol. Mga proyekto at gamit na na-mothball o ibinahay sa tokador o aparador. Mga kung ano-anong naisantabi at kailangang lagyan ng mothball upang hindi ipisin. Ganito rin naman ang karakter ng patuloy na nagbabagong wika (hindi na kailangan ng mothball): kung sukat at matatanggap, siguradong tumpak, hindi man tumanyag sa ating bayang kahapis-hapis ang tunay na larong kinahuhumalingan ng daigdig.
07 Hunyo 2010
Lucban, Lalawigan ng Quezon