Makesong-makesong-makeso
(Papel na binasa hinggil sa poetika ng aking, haaaay, poetika ng aking pag-ibig para sa “Poets in Lab” noong Pebrero 23, 2010 sa Miriam College sa pagdiriwang ng buwan ng sining at pag-ibig)
JOSELITO D. DELOS REYES
Pwede naman talaga akong magsimula sa ilang walang hanggang taludtod mula kay Neruda. Bumigkas ng mga pamatay na linya galing kay Batute, tapos sisipatin ko sa lente ng kung sinong kritik-kritik, at iha-highlight pang lalo ang eternal at tulo-luha-sipong pag-ibig ng makata, at sasabihin ko: “ganyang-ganyan ang pag-ibig ko.” Sabay yuko, sabay hugot ng malalim na malalim na buntong-hininga. Tapos.
Pero hindi ko ito gagawin, sa halip, binigyan ako ng lisensiya ni Dr. Becky AƱonuevo para magpakakeso ngayong araw, ngayong oras na ito, kahit sampung minuto lang.
Bueno, heto na:
Kailan at paano ba ako huling humugot ng mga salita sa makesong sitwasyon ng aking buhay? Sa unang tanong, iyong kailan, ang sagot ko: hindi ko na matandaan. Iyong sa pangalawang tanong, iyong kung paano, ang sagot ko: hindi ako conscious kung paano, until nagkausap kami ni Becky days ago.
Madali naman talagang isatitik ang raw emotion, raw emotion iyong mabaliw-baliw ka sa nangyayari at gusto mong isulat—kahit gamit ay uling o dugo—ang lahat ng nadaramang drama. Iyong halos matunaw ang papel dahil sa pagbalong ng luha at sipon habang sumusulat, tapos nagkakabalu-baluktot ang letra kasi humihikbi ka habang sumusulat. O kaya, mas moderno ay iyong nanginginig ang daliri kapipindot sa keyboard nang two to three leters at a time kahit maliit naman talaga ang daliri mo. Guilty ako sa kasong ito noong una, noong unang panahong gusto ko pang maging mambeberso ng Valentines card ng Hallmark greeting cards. Natauhan lang ako nang basahin sa akin ng isang kasama sa Bolpen at Papel, samahan ng mga ambisyosong writer-writeran noong kolehiyo pa ako, na ayon yata kay Walt Whitman o Ezra Pound, hindi dapat isulat ang emosyon habang nagdedeliryo ka sa pag-ibig dahil pangit daw ang kalalabasan, hintayin muna daw ang paghupa ng lagnat saka sumulat. Matapos kong marinig ito, ikinompara ko ang aking tula-tulaang isinulat habang nagdedeliryo at iyong isinulat matapos bumaba ang aking temperatura: oo nga. Mas maganda kapag walang lagnat. Pero sayang dahil hindi ko na naitabi ang maraming naisulat ko habang nagdedeliryo para mabasa sana ngayon at malaman ninyo kung gaano talaga ka-chaka.
Magpapaka-formalist muna ako ngayon. Hindi dahil sa kapos ako sa metaphor kapag nagsusulat ako habang nagpuso-puso ang mata. Sa katunayan, marami pa nga akong metaphor noon halos bumaha, kaso hindi ko ito magamit nang maayos kung alipin ako ng emosyon. Dahil akong makatang alipin ng emosyon ay sisigaw at iparirinig sa madla kung gaano ako idinuduyan ng ligaya o ng—at mas madalas ito noon—ng pighati balu-baluktot man ang estetika. Dahil ayaw kong maglipas ang sandali na hindi naisasatitik (na kung maaari nga lang sana ay isulat ko sa dugo) ang aking raw emotion. Kaya karaniwan, at palagay ko’y karaniwan din sa mga nagsisimulang mambeberso, wala tuloy mabuong imaheng tutuntungan ang tula, walang gulugod, walang central imagery to borrow from the Russian Formalists. Hindi tuloy mapanghawakan ng mambabasa. Hindi tuloy makakuha ng simpatya ang tula-tulaan ko.
Siyempre natutuhan ko nang maging implicit sa tula. Hindi dahil sa implicit din ako kapag umiibig (baka nga kabaligtaran pa) kundi dahil gusto ko, at napatunayan kong higit na epektibo ang pagpapadaloy ng emosyon kung iimpitin at ipahihiwatig lamang ito sa mambabasa. Walang salitang pag-ibig sa tula. Walang salitang pagmamahal. Walang salitang hindi ko kayang panghawakan, walang hindi kayang ma-visualize ng mambabasa.
Ngunit hindi naman kailangang ipitin ang emosyon to the point na hindi mo na makilala ang luwalhati o pighating naramdaman. Sisiguraduhin kong ang pangunahing rekado ng aking tula ay ang emosyon. Iisa lamang naman ang layunin ko, ang mailagay sa eskaparate ng tula ang pag-ibig, na maaaring masaksihan ng mambabasa.
Ngunit nagtitira ako ng sa akin. Anumang pangyayaring may kinalaman sa kakesohan ng pag-ibig ay ninanamnam ko muna. Hihintayin kong pumayapa sa aking isip at damdamin bago isiwalat sa iba. Kung may natitira mang para lamang sa akin—sa amin—ay hindi nakapagtataka. Natural na mayroong para sa amin lamang ng aking minamahal.
Babalik ako sa pinakabatayang usapin sa pagsasatitik ng pag-ibig. Ano ang una ngunit pinakamahirap na requirement sa pagsulat ng makesong tula? Hindi ang mastery of words, hindi ang malalim na pag-unawa sa teorya ng panitikan, hindi ang imitasyon sa pinakamagagaling na makesong tula ng pinakamakekesong makata sa balat ng sandaigdigan. Oo, lahat ito ay mahalaga. Pero ano ang pinakamahirap na requirement? Dapat, umibig muna nang wagas.
Narito ang dalawa sa pinakamakeso kong tula:
Ito na siguro ang pinakamalapit sa pinakamakeso kong tulang nagdedeliryo noong aking isinusulat, circa 1990s, noong Milo pa ang poborito kong inumin:
Kung Bakit Kailangan Kong Magtago
At Sulyapan Ka nang Panakaw
Sa Tuwing Dadaan Ka sa aking Harapan
Buhawi ka kasing iniluwa ng ulap
O bagyong ipinaglihi ng dagat.
Lindol mula sa ubod ng mundo,
Bulkang nagmura ng apoy at abo.
Irog, sa tuwing ika’y daraan,
Isang malaking kalamidad ng puso
Ang aking nararamdaman.
Narito naman ang pakiwari ko’y impit. Pero makeso all the same.
Empake
Ganito yata talaga.
Gusto mo nang umalis
Pero waring ayaw daluyan
Ng dugo ang paa.
Nasasamid tuwing magpapaalam,
Baligtad ang sinasabi sa umiiral.
Iisa ang ngiti sa ngiwi,
Ang ngiwi sa ngiti.
Gusto mong sinsilin sa tingin,
Baunin sa memorya ang lahat
Ng kayang bitbitin ng pandama.
Ganito nga yata,
Waring handa na ang lahat
Maliban sa sariling
Hindi maiempa-empake.
Maraming salamat. Halina’t magpaalipin sa pag-ibig.
(Pasintabi kay Genaro Gojo Cruz dahil sa tono ng aking pamagat na halaw sa kaniyang Palanca Award Winning children's fiction na "Mahabang-mahabang-mahaba.)