Versus
“Mommy, I don’t want to eat anymore.
My teacher is telling me that eating
with a spoon and fork is yucky and disgusting.”
—Luc Cagadoc,
sinipi buhat sa internet
Paano kinakain ng isang sibilisado ang hipon?
Hindi ko alam sa ibang Filipino, pero para sa akin, masarap pa ring magkamay lalo na kung paksiw na ayungin ang ulam, bagong saing ang kanin, may sawsawang patis at kalamansi na may siling labuyo. Noong bata pa ako, noong nahuhulihan pa ng lamang-ilog ang ilog sa amin, kinakamay ko ang alimango at talangkang huli ng aking ama. Binabalatan ng aking mapagpalang kamay ang hipong suwahe. Kinakamay ko ang manok, prito man o sinabawan.
Elementarya na ako nang magtinidor. Natutuhan ko sa aking mga kapatid na madre na ang tinidor pala ay pantulak sa mga sinisimot na mumo sa plato. Noong nasa unang antas ako sa hayskul, kasama sa practical arts namin ang table setting ng napakaraming kubyertos. Hindi ako natutong gamitin ang santambak na kubyertos na ipinakabisado sa aming ayusin ng aming guro. Sa isip ko noon, ni sa hinagap hindi ako gagamit ng ganoong karaming kubyertos na hambalang sa mesa. Nang magkolehiyo ako, naanyayahan ako bilang manunulat-estudyante sa isang bonggang komperensiya tungkol sa Philippine Centennial sa Club Filipino sa Greenhills. Natutuhan ko—the hard way dahil nagkasali-saliwa ang kamay ko at nagkalaglag ang mga kubyertos na ginamit ko—ang pagkain gamit ang kutsilyo para sa salmon at mashed potato na akala ko ay puto. Natawa ako sa nangyari. Hindi ko naman akalain na maiimbita ako sa ganoong sitwasyon.
Hindi pa rin naman ako yumayaman at nagbabago ang lifestyle at naging sosyal, nga lamang, dumalas nang bahagya ang mga pagkakataong nakakakain ako sa higit na “sibilasadong” okasyon dahil sa aking mga nagiging trabaho. Kaya ko na ring magtalop ng hipon gamit lamang ang kutsilyo at tinidor. Natutuhan ko ito sa dati kong amo na “sibilisado” sa ganoong uri ng kainan. Tahasan at walang hiya-hiya kong itinanong sa kaniya kung paanong babalatan ang hipon gamit lamang ang kutsilyo at tinidor na hindi naman nagtugot na i-demonstrate sa akin habang kumakain kami sa kanilang bahay sa Mandaluyong. Para sa hindi kaliwete: hawakan ang tinidor sa kaliwa, ang kutsilyo sa kanan. Tusukin ang katawan para hindi na makapalag ang hipon. Sibakin ng kutsilyo ang ulo/sungot ng hipon. Lagariin ang mga paa. Tuklapin ang balat gamit ang kutsilyo habang nakapako sa plato ang tinidor at katawan. Dahan-dahan (kahit pa takam na takam ka na sa sinigang na hipon). Hiklatin nang dahan-dahan ang balat. Nakatatlong hipon ako bago natutuhang matanggal nang buo ang balat. Paalala, huwag sipsipin ang ulong malinamnam lalo na kung hindi kilala ang mga kaharap. Pero sinipsip ko pa rin ang ulo, ka-close ko naman ang boss ko. Hindi na ako nahiya. Sayang e.
Paano maging “sibilisado”?
Hindi ganito kabrutal at kabulgar ang tanong sa aklat na “Social Savvy.” Maraming binanggit na sitwasyon at kung paano ito malulusutan. Paano kung sinisipon ka sa isang “sibililisadong” kainan at gusto mong bumahing o magpunas ng sipon? Umutot? Paano kung biglang umigkas sa katabing kumakain ang nilalagaring carrot? Paano kung hindi matandaan ang pangalan ng kausap? Paano mo sasabihing pangit ang damit ng kaibigang maramdamin? Paano sasabihan ang isang kaibigan na bumabarkada na sa mga “wild crowd”? Paano tatanggihan ang kaibigang mahilig mangutang? At iba pang sitwasyon na magpapasibil sa sinumang bumabasa sa aklat. Social savvy ang pakahulugan dito ni Judith Re. Ang pag-akto nang tama sa mga mahihirap na sitwasyon. Ang paghanap ng malulusutan sa mga sitwasyong mistulang walang lusot.
Self-help ang aklat. Ang target na mambabasa ay mga nasa edad-adolescent, ang edad kung kailan nahuhubog ang pagkatao. Ayon sa bio-note ng may-akda, dalubhasa siya sa etika ng tama at sibilisadong kilos. Mayroon siyang paaralan na mala-Cora Doloroso at John Robert Powers ng Filipinas. Masasabing kapaki-pakinabang ang aklat sa mga nagnanais na magkaroon ng maayos na diskarte sa mga sitwasyong makokompromiso ang iyong sarili, sa mga sitwasyong magnet ng kahihiyan. Ito ang kagandahan sa self-help books. Samantala, ang mahirap naman sa self-help books ay ang pagdedetalye nito sa isang tiyak na sitwasyon. Dahil ang totoo, may isang milyon at isang beses na magkakaiba ang mga sitwasyong binabangggit sa aklat at sa tunay na nangyayari. Lalo na sa Filipinas. Lalo na sa Filipinong napadpad sa bansang bihira ang kanin at sinangag, at bansang hindi gumagamit ng tabo at tubig sa pag-ebak.
Tabo at Kutsara
“I find it very prejudiced and it’s racist. He’s supposed to be acting like a professional. This is supposed to be a free country with free expressions of culture and religion. This is how we eat; we eat with a fork and spoon.”
—Maria Theresa Gallardo Cagadoc,
sinipi buhat sa internet
A Townsville Bulletin report posted on news.com.au said Amador Bernabe, 43, a Filipino machine operator was kicked out of his job by the Townsville Engineering Industries (TEI) for using water, instead of toilet paper, to clean himself during toilet visits.
—mula sa abscbn.com
Hindi na bago ang mga balitang may kinalaman sa mga Filipinong ginagamit ang mga gawing-Filipino sa labas ng bansa kung kaya nagiging sanhi ng mga usapin at insidenteng nag-i-incite ng diskriminasyon. Bakit nga naman hindi, ang mga gawing ito ang nakamulatan at hinahanap-hanap ng katawang kayumanggi. Dito pumapasok ang ubaning kasabihang “When in Rome...” na nagsasabing kumilos ng hinihingi ng isang lugar hindi man ito ang kinamulatan ng isang dayong Pinoy. Pero ito ba ang tama? Mali ang tanong, kaninong tama ang dapat umiral? Sa Pinoy ba o sa kulturang dinadayo?
Gaya ng sinasabi ni Judith Re sa kaniyang aklat, idinidikta ng lugar at sitwasyon ang dapat ikilos ng isang tao. Kung sa isang fine dining na restawran, dapat kumilos ng naaayon sa hinihingi ng isang fine dining na restawran, ibig sabihin, gamitin ang kubyertos batay sa eksaktong gamit nito: pansopas, pangkarne, panghimagas, pantinapay, pangmantekilya, atbp. Inisa-isa ni Re ang gamit, o ang tamang diskarte sa paggamit, ng mga kubyertos gaano man ito karami sa hapag. Ito ang dahilan ng kaso ng batang Pinoy na kumakain gamit ang kutsara at tinidor sa isang paaralan sa bansang Canada, bansang kutsilyo at tinidor ang karaniwang ginagamit sa pagkain. Bansang bihira ang mumo ng kanin.
Naging malaking usapin noong 2006 ang diumano’y diskriminasyon ng kultura. Isang Pinoy na nangungutsara laban sa bansang nangungutsilyo. Ayon sa analisa ng kolumnistang si Manuel L. Quezon III na lumaki sa “Western manner,” depende umano sa pagkain ang kakailanganing kubyertos. Inihilera niya ang mga pagkain na ginagamitan niya ng kutsara o kutsilyo. Ibinatay din niya ang paggamit ng kubyertos sa kung ano ang pagkain, kung Western ba o Chinese o Korean. Marunong din siyang gumamit ng chopsticks, tatlong chopsticks: “the Chinese prefer ivory (or nowadays, plastic) chopsticks that are the most difficult to use; the Japanese prefer wooden chopsticks; the Koreans, stainless steel ones and a spoon.” Naghain ng ilang mungkahi (pero dahil tapos na ang pangyayari, kaya may himig paninisi na) kung paano sanang napigilan ang paglaki ng isyu. Sinabi niya na dapat isinabuhay ng bata ang kulturang Pinoy sa kanilang bahay at natuto sanang irespeto ang kultura ng bansang kaniyang tinitirhan. Para sa paaralan na nagpaparangalang multikultural na pagtingin sa mga mag-aaral, dapat diumano’y kinausap ang magulang sa halip na kinastigo ang bata. Idinagdag pa ni Quezon III:
It is perhaps old-fashioned of me to believe that one eats as one’s companions eat, as the food one is eating should be eaten by those who habitually eat that food, and according to the norms of the place in which one is eating.
Hindi ganito ang naging pagtanggap ng ilang mga nagkomento sa isyu gamit ang internet: mayroong radikal na nagngangalit ang litid sa pagsasabing may malaking isyu ng diskriminasyon na ipinakita ng mga nangungutsilyo, mayroon din namang higit na mahinahon sa paggalugad sa isyu. Nababatay ba sa lugar ang pagkain o nababatay sa nakalakihang likaw ng sikmura? Ganitong isyu rin ang nais ipakita, sa paraang parang reality show, ng palabas na “Meet the natives” ng National Geographic. Buhat sa kung saang bundok, ibinaba ng mga producer ng palabas ang mga native at pinatikim ng mga gawain sa “sibilisadong” lungsod. Tinuruan ng table manners, pinasakay sa elevator, pinaglakad sa matataong lugar at pinilit turuan ng “sibilisadong” kultura. Itinatanghal lamang ng palabas ang malaking discrepancy ng kulturang “native” at sibilisado o makabago. Gaya ng inaasahan, naging bago sa mga native ang gawain sa isang sibilisadong lugar. Ngunit hindi ibig sabihin nito’y primitibo at huli ang gumagamit ng kutsara, at advance at sibilisado naman ang gumagamit ng kutsilyo.
Samantala, simplistiko naman ang katuwiran ng kaibigan kong nasa Estados Unidos ngayon. Sabi niya, kung siya ang bumili ng pagkain, kakainin niya iyon sa paraang gusto niyang ma-enjoy ang pagkain, mangahulugan man itong fine dining o kinakamay nang nakataas ang paa sa bangko. Ngunit kung hindi, papasok na ang adapsiyon o ang pakikibagay sa kultura ng lugar at kubyertos na nakahalayhay sa mesa.
Paano umebak ng kinaing hipon?
Malayong-malayo bagamat tiyak na magkaugnay naman ang nangyari kamakailan sa isang Pinoy sa Australia na gumamit ng tubig para ipanghugas. Diumano, naging isang malaking isyu sa pagitan ng manggagawang si Amador Bernabe, 43, at ng kaniyang foreman ang paggamit ng una ng tubig sa paghuhugas matapos umebak. Sinabi umano ng maangas na Pinoy na, tama, personal niyang pangangailangan ang gumamit ng tubig, at walang makapagdidikta ng kung anumang gawaing pampuwet sa kaniya. Sinagot din siya ng kasing-angas na Australian manager na “"follow the Australian way" sa paghuhugas ng wetpaks. Ibig sabihin ang gumamit lamang ng toilet paper na panlinis matapos maglabas ng sama ng loob sa kubeta. Sinibak ang maprinsipyong Pinoy. Pinili ang tubig ng pagiging jobless kaysa toilet paper ng trabaho.
Hindi na ito natalakay ni Re sa kaniyang aklat. Malamang, alien sa kaniya ang ganitong usapin kung paanong naging alien din ito sa Australian Manufacturing Workers' Union na nagsabing: "If it (ang sitwasyon) wasn't so disgusting it would almost be laughable.” Na totoo naman talagang napakasensitibo at nakatatawang usapin. Suriin: dumako sa isang diplomatikong isyu ang usapin hinggil sa pag-ebak ng makatabong Pinoy (natatawa na ako habang isinusulat ito)! Sinabi pa ni Executive Secretary (!) Eduardo Ermita na sinipi buhat sa abscbn.com: "I'm sure they have a way of bringing this to the attention [of the Australian government] through proper channels, probably through diplomatic channels,". Dahil hindi lamang ito isang simpleng usapin kung paano mo gustong linisin—sa tubig o sa toilet paper—ang iyong puwet. Usapin ito ng kinalakihang kultura sa hygiene. Sinabi ng mga Australiano na unhygienic ang gawain ni makatabong Pinoy lalo na’t may naiiwang patak o wisik ng tubig sa kubeta ng mga Autralianong maka-toilet paper. Pero, sa isang sipat ng pamimilosopo, hindi pa naman nalilipol ang lahing Pinoy dahil sa naghuhugas ng puwet gamit ang tubig. Muli, bagamat mahirap at medyo absurd na ilapat ang mungkahi ni Quezon III, maaari din sigurong isabuhay ang kultura sa loob ng bahay ni Pinoy, at gamitin ang “Australian way” sa pag-ebak sa trabaho. Ngunit nagmatigas si Bernabe, pinili niya ang kapakanan ng kaniyang puwet kapalit ang trabaho sa Australia. Na hindi rin naman masisisi kahit pa ikatwiran ng kahit sino na sayang ang trabaho sa Australia.
Pero lubhang sensitibo ang usapin para mailapat ang suhestiyon ni Quezon III. Naisip ko nga, higit na madali palang talakayin at lamanin ng libro ang gawi at kultura sa mesa kaysa gawi at kuktura sa banyo. Bagamat halos walang ipinagkaiba ang dalawang isyu, pareho itong tumatalakay sa kung ano ang dapat iasal ng isang Pinoy sa isang bansang alien sa kaniyang gawi. Ito ang idinidikta ng kulturang popular, o nakapangyayaring gawi sa isang kolektiba. Kung ilalangkap na ito nga’y kulturang popular, hindi pala kasimpopular ang popular para sa minoridad. Na muli, totoo namang nangyayari kahit saang sulok ng bansa.
Paano maghuhugas?
Maaari siguro ang kompromiso sa pagkain. Malinaw at maayos ang mungkahi (o paninisi) ni Quezon III. Kumain sa bahay ng pagkaing nakamihasnan, pagdating sa labas, mag-adapt. Pero paano kung ang dapat ikompromiso ay lubhang sensitibong gawi at kasanayan? Gaya ng pag-ebak? Hindi kasindali ng adapsiyon ng pagkain ang pag-ebak. Pero hindi rin naman dapat isinasaisantabi ang posibilidad na kung kabuhayan na ang nakataya, mapipilitan tayong gumamit ng pandaewang. Tutal, “Australian way” pa lang naman, hindi pa ang pananampalataya o buhay ang ikokompromiso. Ngunit hindi maiaalis na mayroong gaya ni Amador Bernabe. At hinding-hindi siya masisisi.
14 Oktubre 2009
Lucban, Lalawigan ng Quezon
(Ang larawan ng lalaking gutom na kutsara't trinidor ang gamit sa hotdog at pork and beans ay kuha ni Philip Kimpo, Jr., samantala, galing sa net ang dalawa pang picture. Ang larawan naman ng tipikal na middle class Pinoy kubeta ay galing sa blog ni internetserye ng isang Roje: http://internetserye.wordpress.com. Salamat Roje kung sino ka man. Hindi na po ako nakapagpaalam sa iyo. Pasensiya na. Wala akong intensiyong masama. Ang papel na ito ay assignment ko sa Seminar sa Kulturang Popular sa La Salle.)
Sanggunian
Aklat
Lumbera, Bienvenido M. 1992. Revaluation. Bookmark. Quezon City.
Re, Judith.1992. Social Savvy. Simon and Schuster. New York.
Internet
http://www.tambuli.org/Community/TempNonCity/CanadianLunchArticle.pdf
http://www.gmanews.tv/ spoon-revolution-in-canada.htm
http://www.westislandchronicle.com/pages/article.php?noArticle=6063
http://www.manuelquezon.com/ /2006 AprilManuelLQuezonIIIThe Daily Dose.htm
http://www.abs-cbnnews.com/pinoy-migration...t-habits-report