Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Monday, February 9, 2009

Panimulang Talakay sa Ben Zayb Syndrome sa Philippine Media


Ang Batayang Gawain ng Midya sa Bansa

Malinaw ang naging papel ng midya sa paghubog ng ating identidad bilang mga Filipino. Palatandaan nito ang malalim na partisipasyon ng midya sa mahahalagang bahagi ng ating kasaysayan bilang tagapag-ulat at tagapagmulat. Hindi matatawaran ang mga papel na ito. Bagay na naging dahilan upang kilalanin ang Filipinas na isa sa mayroong pinakamalayang pamamahayag sa mundo gaano man kalawak ang konteksto at kahulugan ng malayang pamamahayag (Ramirez 1983). Nakabatay sa malayang pamamahayag na ito, kasama na ang kredong “the people has the right to know,” ang iba pang gawain ng midya gaya ng pagtuligsa, pagpuri, pagpuna, at pagpapanukala.

Noon pa hiniling ni Rizal ang malayang pamamahayag upang malinawan ang mga tao at nang sa ganoon ay makapaghain ng matalinong opinyon pabor man o laban sa Kastila. At sa kadahilanang ito mismo nagkait ang maraming pamahalaan sa ating kasaysayan para magkaroon ng malayang pamamahayag. Ang pagkontrol at pagsupil sa midya ang susi ng bawat tirano at diktador upang maghari sa nasasakupan (Nieva 1983).

Bilang tagpagpalaganap ng katotohanan, kaakibat na gawain ng midya ang maging kritiko ng pamahalaan at ng mga namumuno nito (Soliongco 1981). Kinatatakutan ang midya dahil sa pagsasabi nito ng totoo. Ngunit ang higit na malaking usapin ay kung ang kinatatakutan nga bang midyang ito ay nagsasabi ng “totoo” nang walang halong pabor (Weaver 1994)?

Dahil pangunahing motibasyon ang negosyo sa midya, nagiging relatibo ang katotohanan dapat nitong ipaalam. Katunayan nito ang naging gampanin ng Chronicle noong panahon ng liberasyon kung saan kinasangkapan ng pamilya Lopez ang pahayagan upang gapiin ang kalaban nila sa negosyo, ang mga Araneta, at kalaban nito sa politika sa halalang pampanguluhan (Sison et. al. 2005).

Bukod sa kakayahan nitong magpadaloy ng impormasyon, kinikilala rin ang impluwensiya nito sa kaisipan at sa gawi ng tao. Katunayan, ang kakayahan mismo ng midya bilang taga-impluwensiya ang naging dahilan upang mabuo ang estratehiyang Inoculation Approach sa Europa mula pa noong ikalabimpitong siglo. Tinalakay nina F.R. Leavis at Denys Thompson (1963) ng Inglatera ang inoculation Approach bilang panangga ng lipunan sa dagsa ng impormasyong dala ng midya at teknolohiya, impormasyong nakakaimpluwensiya, impormasyong humuhubog ng hindi magandang kaisipan at gawi ng mga tao lalo na sa mga kabataan.

Katunayan, ayon sa Inoculation Approach, kailangan nang maging permanenteng bahagi ng pormal na edukasyon ang pagsusuri sa midya dahil “They [mass media] are so powerful they needed to be treated with the discrimination that only education can give.”

Hindi rin naman nagkukulang ang midya sa pagbabantay at pagsuri sa kanilang hanay. Ngunit malaking bulto ng gawaing ito ang suliraning matapos ang pagbabantay at pagsusuri, nararapat lamang ang paglilinis ng hanay. At ito ang isa sa pinakamahirap na gawain ng midya: hindi ang pumuna, hindi ang sumuri, hindi ang maging kritiko ng pamahalaan, hindi magbigay ng impormasyon lamang, kundi ang maglinis ng kanilang hanay na bantad na bantad sa korupsiyon.

Maikling Kasaysayan ng Midya sa Filipinas

Panahon ng Kastila at Amerikano

Ayon kay Jaime Ramirez (1983) pormal na naitatag ni Tomas Pinpin ang midya noong 1637 sa paglalathala ng pahayagang Successos Felices, isang 14-pahinang ulat ng mga pangyayari noong panahong iyon. Lumabas naman noong 1811 ang unang pormal na pahayagan ng pamahalaang Kastila, ang Del Superior Govierno na inilathala at pinamatnugutan ni Governor Manuel Fernandez del Folgueras na isa ring pro-consul ng pamahalaang Kastila. Ngunit ang higit na magpapatibay sa kakayahan ng midya bilang taga-impluwensiya at propaganda ay ang paglabas ng La Solidaridad noong 1899 sa España at Ang Kalayaan noong 1896 kasama ang ilan pang pahayagang lumabas noong Panahon ng Rebolusyon.

Ayon sa editoryal ng unang isyu ng La Solidaridad na pinamatnugutan ni Graciano Lopez Jaena:

“Ang mga layunin, samakatuwid, ng La Solidaridad ay ito: upang makalap, upang kumolekta ng malalayang kaisipan na lumulutang sa mga usapang pampolitika sa larangan ng agham, sining, literatura, komersiyo, agrikultura at industriya.

“Tatalakayin din namin ang mga suliraning may kinalaman sa pangkalahatang interes ng bansa, hahanap ng lunas na dalisay na pambansa at demokratiko.

“Bibigyan namin ng higit na atensiyon ang Filipinas dahil higit na nangangailangan ng tulong ang mga pulong iyon dahil pinagkaitan ng kinatawan sa Cortes. Gagampanan namin ang aming makabayang tungkulin bilang depensa sa demokrasya ng kapuluan.”


Nang hawakan naman ni Marcelo H. del Pilar ang patnugutan ng La Solidaridad, nag-ibayo ang gampanin ng pahayagan sa paghahayag ng kabuktutan ng pamahalaang Kastila sa Filipinas. Kasama si Jose Rizal bilang kontribyutor, tinuligsa rin ng pahayagan ang mga manunulat na anti-Filipino na nagsabing walang sibilisasyon ang Filipinas bago dumating ang mga Kastila. Beteranong maituturing si del Pilar. Itinatag niya ang Diariong Tagalog noong 1882, ang unang pahayagang nakasulat sa bernakyular, na naglabas sa mga mamamayan ng hamak na kondisyon ng Filipinas sa kamay ng kolonyalista.

Iba ang naging kaso ng Ang Kalayaan. Sa kabila ng nag-iisang isyu, nakamit nito ang pangunahing layunin na makapang-impluwensiya upang madagdagan ang kasapian ng Katipunan. Sa pamamagitan ng dalawang libong una’t huling sirkulasyon nito, laman ng Ang Kalayaan, na pinamatnugutan nina Dr. Pio Valenzuela, Emilio Jacinto, at Andres Bonifacio, ang mga pang-aabuso ng Kastila. Hinikayat ng pahayagan ang lahat ng makababasa na sumapi sa Katipunan upang labanan ang Kastila. Resulta: dumami ng makailang ulit ang bilang ng kasapian matapos ang una’t huling isyu ng pahayagang ito noong 18 Enero 1896 (Valenzuela 1969).

Ayon muli kay Ramirez, bagamat pinayagang makapagtatag ng mga pahayagan, napakahigpit naman ang naging sensura ng imperyalistang Amerikano. Sa panahong ito matutukoy ang nuno ng lahat ng mga pahayagan sa kasalukuyan, kasama na ngunit hindi limitado sa pagiging negosyo ng mga midya (Villadolid 2006). Ang simula ng ilang mga pahayagan gaya ng Manila Daily Bulletin at Free Press ay sinimulan ng mga Amerikanong namumuhunan bago pa mapasalin sa pagmamay-ari ng mga Filipino gaya ng pamilyang Roces. Panulukang-bato noong panahong ito ang naging usapin hinggil sa editoryal ng pahayagang El Renacimiento na may pamagat na “Aves de Rapiña” na diumano’y isang pang-uuyam at tuligsa sa isang opisyal Amerikano. Napilitang magsara ang El Renacimiento dahil sa pagkatalo sa asunto (Barranco 1969).

Panahon ng Liberasyon

Isinara kung hindi man literal na winasak ng mga Hapon ang ilang establisadong pahayagan. Isinailalim naman sa kontrol ng mananakop ang The Tribune at mula rito ay inilathala naman ang Manila Shimbunsya na nagsilbing mouthpiece ng pamahalaang Hapon. Naging pagkakataon ang pananakop na ito upang maitatag ang mga tinawag ni Ramirez na mga guerilla newspaper na naglathala ng mga kaganapang gerilya sa kapuluan. Buhat naman sa nasasagap na transmisyon mula sa Estados Unidos, narinig ng mga ilang Filipinong may radyo ang Voice of Freedom.

Muling nabuksan, at nabigyan ng sigla ang midya matapos ang panahon ng Hapon. Nagpatuloy ang mga Roces sa paglalathala ng mga pahayagan. Nabili naman ng mga Lopez ang Chronicle na isa sa naging pinakapopular at maimpluwensiyang pahayagan bago ideklara ang Batas Militar noong 1972. Bukod sa impluwensiya at negosyo, naging mabisang armas-pampolitika rin ang midya (Abaya1968).

Nakilala ang mga Soliongco, Malay, Valencia, Benigno, Lacson. Inilagan ang mga pahayagan lalo na ang mga kolumnistang maaaring sumira sa reputasyon ng kahit sino lalo na ang mga pulitiko (Soliongco 1981). Sa panahong ding ito nagsimulang maging global ang daloy ng kaalamang inihahatid ng midya sa pamamagitan ng mga news agencies gaya ng Agence France Press (AFP), United Press Institute (UPI), Associated Press (AP), atbp. Malaking tulong naman ang teknolohiya sa mabilis na pagpapadaloy ng kaalaman. Naging popular ang radyo at telebisyon. Nagsanga ang ilang negosyante, gaya ng mga Lopez, na nagmamay-ari ng pahayagan tungo sa pagpapalapad ng kanilang papel at negosyo patungong telebisyon at radyo bilang suporta sa mga nauna nilang negosyo gaya ng pasilidad ng kuryente, bangko, at malalawak na taniman sa lalawigan (Sison, et. al 2005). Hindi mapasusubalian ang papel ng midya sa negosyo, politika, at pagpapahayag ng mga nangyayari kaya ang institusyon ding ito ang lubos na naapektuhan at pinuntirya sa pagdedeklara ng Batas Militar noong 1972.

Ang Midya at Batas Militar

Para masigurong walang magiging kritikal at magsasaboses ng pagtutol, ngunit sa mapagpanggap na dahilang ang midya ay isang oligarka at wala umanong kalayaan, unang binusalan ng Batas Militar ang midya (Maglipon 1972). Isinara, kung hindi man kinamkam, ang mga pasilidad ng midya. Ikinulong ang mga mamahayag, kritikal man o hindi sa pamahalaan. Mayroong mamamahayag na sa bisa ng imbitasyon ng pamahalaan ay tuluyang naglaho kasama ang napakahabang listahan ng pagkulong at paglabag sa karapatang-pantao (Nieva 1983). Ngunit kung midya ang unang binusalan, natural na midya din ang kinasangkapan ni Marcos upang ipahayag ang mga “mabuting” pagbabago sa ilalim ng Bagong Lipunan at ng kaniyang rehimen sa kabuuan. Pangunahin dito ang pahayagang Bulletin Today at Philippine Daily Express, na tinagurian ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) na “pabango ni Marcos” kasama ang iba pang pag-aari naman ng kaniyang mga crony, at ang mga istasyon ng radyo at telebisyon ng pamahalaan (Nieva 1983).

May basbas ng diktadurya ang mga prominente at popular na midya sa panahong ito. Maging ang mga ulat ng iba’t ibang institusyong pangmidya sa daigdig ay nahirapang makakuha at magpasok ng balita sa higpit ng sensura (Ofreneo 1986). Ngunit sa kabila nito, hindi natuluyang piringan at busalan ng diktadurya ang midya.

Midya ang naging dahilan upang mamulat ang mga Filipino sa mga pagkilos laban sa diktadurya. Pinangunahan ng Radio Veritas na pag-aari ng simbahang katoliko, Malaya na pinamamahalaan ng mga Burgos, Mr & Ms. Magazine na pinamatnugutan ni Eugenia Apostol ang pagsasatinig at salamin ng mga pangyayari kasama ang ilan pang pahayagan, magazine, at istasyon ng radyo hanggang sa mapatalsik ang diktador noong 1986.

Ang midya sa kasalukuyan

Dulot ng dagsa ng teknolohiya, lalong naging higit na matibay ang papel ng midya sa lipunan. Malaking bahagi ng midya ay hindi na lamang nauukol sa tradisyonal na tri-media (Bignell 1997). Prominente na rin ang papel nito sa internet na kagyat nakakakuha ng balita ang kahit sinong may access dito kailanman at saanmang panig ng mundo. Sa kabila nito, hindi maitatangging ang kasalukuyang midya ay komersiyal pa rin dahil ang malaking media ay pag-aari ng mga industrialist at bihira ang tradisyonal na namumuhunan sa midya gaya ng mga Roces at mga Locsin (Villadolid 2006).

Sa paglalim na ugat ng midya, lalong nabantad ang institusyong ito sa napakaraming suliranin. Lahat ng saray ng pamamahayag, maging showbiz at isports, ay nakararanas sa suliranin sa hanay ng mga taong bumubuo ng institusyong ito (Hofileña 2004).

Nangyayari pa rin ang di-mabilang na krimeng kinasangkutan ng midya bilang mga biktima. Katunayan, ilang ulit nang binanggit ng Journalists Without Borders, isang internasyonal na Non-Government Organization (NGO) ng mga mamamahayag, na ikalawa ang Filipinas bilang pinakadelikadong lugar para sa mga mamahayag kasunod ng Iraq.

Nagagawa pa rin ang pagsupil sa midya gaya na lamang ng kaso ng advertising pull-out sa Philippine Daily Inquirer nang maging kritikal ito sa dating pangulong Joseph Estrada at pagsampa ng sunod-sunod na kasong libelo ni First Gentleman Mike Arroyo, na palagian nang laman ng kontrobersiya gaya ng kaniyang asawa, sa iba’t ibang pahayagan.

Ngunit higit dito ang problemang panloob ng midya. Ang midyang may malaking gampanin sa ating pagkabansa ay siya ring nagiging instrumento ng korupsiyon. Ang midyang inaasahan para magbantay ay nagkakasala ng gaya rin sa mga naglilingkod sa pamahalaan (Hofileña 2004).

May Internal na Suliranin ang Midya

Maraming binabanggit na internal suliranin si Chay Florentino-Hofileña sa kaniyang aklat na News for Sale: The Corruption and Commercialization of the Philippine Media na inilathala ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 2004.

Ayon kay Hofileña, mayroong Attack-Collect, Defend-Collect (AC-DC) na mga media practitioner: yaong mambibira sa kolum, programa sa telebisyon at radyo pagkatapos ay may magtatanggol sa parehong medium at mangongolekta ng bayad. Vicious cycle. May “nambubukol” na peryodista na talamak sa panghihingi ng intelihensiya o lagay. Mayroon ding hao-siao o yaong nagpapakilalang media kahit fly-by-night ang media organization na kinasasapian para makapanghingi ng solicitation at lagay na rin. May mga public relations firm o operator na nang-iimpluwesiya sa ilalabas na balita at lathalain. Ang internal na problemang ito ay nag-uugat sa isang dahilan, pera. At kung hindi naman kaagad-agad malinis ito ng mga kompanyang namamalakad sa midya, isa lamang din ang maaaring dahilan na ilulundo rin sa pera, ang komersiyalismo ng midya (Villadolid 2006 at Abaya 1968). Na kaugnay pa rin nito ang sensationalism, pagga-glamorize at paggo-glorify sa isang isyu upang makabenta at magpanhik ng maraming advertiser.

Maraming reporma ang iminungkahi ng mga dalubhasa sa midya upang malinis ang kanilang hanay. Pangunahin dito ang pagtatalaga ng sarili nilang ombudsman/readers’ advocate at pagpapatibay ng iisang Code of Ethics para sa mamamahayag na Filpino. Manapa, ikinategorya sa limang pangunahing problema ang mga katiwalian ng midya, nangunguna na ang kawalan ng pagmamahal, respeto, at katapatan sa pagkabansa (Villadolid 2006).

Huwag nang banggitin pa ang pag-aaral at obserbasyon na unti-unti nang pinapasok ng pulitiko ang midya hindi bilang namumuhunan kundi bilang kasapi nito: kolumnista, komentarista, host sa isang talk-show, at konsultant sa iba’t ibang isyu (de Jesus 1993). Huwag na ring banggitin pa ang pagpapagamit ng midya sa iba’t ibang institusyon sa mundo gaya ng CIA upang maglabas ng kabulaanan sa pag-uulat (Abaya 1990).

Sino ang biktima ng mga kasapi ng midya na binabanggit nina Hofileña? Politiko, pribadong sektor, indibidwal. Ngunit sino ang pinakamalaking biktima? Ang mamamayang kumokonsumo sa kanilang inilalabas na balita o lathalain. Lahat ng ito, ayon sa aklat na News for Sale ay mauugat noon pang dekada singkuwenta sa Filipinas dulot ng malaking takot ng mga tao sa sinumang kasapi ng midya.

Tama sina Hofileña, Soliongco, Villadolid, Abaya, de Jesus dahil sa mga napatunayan nang internal na suliraning nabanggit sa itaas. Pero ang hindi nila nabanggit o napag-isipan at nananatiling prevalent sa lipunan ay ang Ben Zayb Syndrome.

Ang Ben Zayb Syndrome

Sino / Ano si Abraham Ben Zayb?

Peryodistang tauhan ng “El Filibusterismo” ni Jose Rizal. Karaniwan niyang kasama ang mga may katungkulan, may kapangyarihan (magkaiba ito), at mayayaman sa lipunan. Bagamat inilarawan siya bilang malikhaing manunulat sa unang kabanata ng Fili, peryodista siya sa kabuuan ng nobela.

Hindi maitatangging visionary si Rizal. Taglay ng Noli at Fili ang mga mumunting kaisipang akma pa rin sa kasalukuyan. Kung tatanungin ang mga mag-aaral matapos ang klase ng Katha at Buhay ni Rizal sa kolehiyo, at Filipino 3 at 4 para sa mataas na paaralan, maraming magsasalita na naliligid pa rin ang ating lipunan ng mga Padre Damaso, Padre Salvi, at Kapitan Tiago, ng mga Maria Clara, Donya Victorina, Sisa, at Huli. May mangilan-ngilan pa ring Kabesang Tales at Elias sa bundok, kalunsuran at kanayunan. May mga Basilio at Isagani sa loob at labas ng paaralan. May iba’t ibang pakahulugan kung ano at saan ang San Diego, Bapor Tabo, at Tiani. Hindi nauubusan ng bago ang dalawang nobela. Hindi naluluma. At naniniwala akong hindi sa henerasyong ito mauubos ang pagpapakahulugan sa mga lugar at tauhan ng mga nobela ng ating pambansang bayani.

Ano ngayon ang ipinagkaiba ng Ben Zayb Syndrome sa mga problemang binanggit nina Hofileña, Soliongco, Villadolid, Abaya, de Jesus?

Kilalanin ang Peryodista

Sa unang kabanata ng El Fili, matatagpuan natin si Ben Zayb sa ibabaw ng kubyerta ng Bapor Tabo kasama ang mga prayle, ang mga matataas na tao gaya ni Don Custodio at Simoun. Sa bahaging ito ng El Fili mahuhulo na si Ben Zayb, ayon sa pagpapakilala ni Jose Rizal, ay may taglay na pagmamalaki. Para bang sinasabi ni Rizal na bilang peryodista, alam dapat ni Ben Zayb ang lahat. Sa pagtatapos din ng unang kabanata ipinahayag ni Ben Zayb ang mapangmaliit na katagang “...sa bayang ito, bihira ang nag-iisip,” na hindi na marahil kailangan pang bigyan ng patayutay na paliwanag.

Madalas niyang ipagparangalan ang artikulong kaniyang gagawin (Kabanata 1, 3, 11, 17, 18, 20, 21, 22, 31, 32, at 36). Ngunit bukod dito, taglay ng mamamahayag hindi lamang ang kapangyarihan ng kaniyang artikulo na hindi niya itinatago sa maaaring makaalam o makarinig. Katunayan nito ang bandang dulo ng Kabanata 17 kung saan ipinagparangalan ni Ben Zayb ang kaniyang panulat kung sakaling hindi papasukin nang libre ang grupo nila sa pagtatanghal ng espinghe ni Mr. Leeds. Paglalarawan pa ni Rizal: “Hindi matatanggihan ng isang Amerikano ang isang peryodista na maaaring gumanti sa pamamagitan ng isang nakasisirang lathalain.”

Bukana pa lamang ito ng katangian ni Ben Zayb bilang peryodista.

Ang lundo ng tunay na katangian ni Ben Zayb bilang peryodista ay matatagpuan, una sa Kabanata 20, Ang Ponente. Sa kabanatang ito higit na liliwayway ang pagkatao ni Ben Zayb bilang peryodista ng balintunang El Grito de la Integridad. Ipinakilala ni Rizal sa mambabasa, sa pamamagitan ni Ben Zayb, ang ginawa nitong pagtanghal sa ponente gamit ang kapangyarihan ng panulat nito. Namutiktik ng papuri ang ponente. Tinawag itong Buena Tinta ayon na rin kay Ben Zayb. At anumang posisyon mayroon ang ponente ay utang sa panulat ni Ben Zayb. Sa puntong ito maaaring balikan ang aklat ni Hofileña hinggil sa mga operator at mga public relations consultant na bumubuo, at sumisira, ng imahen ng isang personahe, pulitiko man o nasa pribadong sektor, kasabwat ang midya. Sa kabanatang ito lubos na ipinakilala ang kakayahan ni Ben Zayb na bumuo sa pagkatao sa pamamagitan ng walang habas na pagtatanggol sa ponente sa isang absurdong usaping kinasangkutan ng huli: kung dapat gamitin ang sombrerong hongo, de kopa, o salakot, at hinggil sa tamang bigkas at bantas ng caracteres. Nagasgas sa mga kolum ni Ben Zayb ang katagang pamuring contanos de buena tinta at lo sabemos de buena tinta bilang pagtukoy sa kadakilaan ng ponente o tagasulat ng hatol sa husgado.

Muling masasaksihan ang kakayahan ni Ben Zayb sa panulat sa Kabanata 31, Ang Mataas na Empleado. Muling nagpabaha ng papuri ang peryodista para sa Kapitan Heneral na diumano’y “mapagpatawad at mahabagin” kaugnay ng desisyong pagpapatawad kay Kabesang Tales na denisisyunan sa pagitan ng pagsusugal sa Los Baños sa Kabanata 11 ng nobela na tinapos sa isang makahulugang kindat ng Kapitan Heneral kay Ben Zayb.

Samantala, isang kabanata ang iniukol ng ating pambansang bayani hinggil lamang kay Ben Zayb. Tinalakay ng Kabanata 36, Mga Kagipitan ni Ben Zayb, ang krisis ng isang peryodista: ang sumailalim sa sensura na diumano’y para nang pagpatay sa sariling anak. Isang dekreto ng Kapitan Heneral ang nag-utos na pigilan ang lahat ng artikulong may kinalaman sa kaguluhan sa kasalan nina Paulita Gomez at Juanito Pelaez.

Eksaherado si Ben Zayb. Muli niyang pinabaha ng pang-uri ang kaniyang artikulo. Halimbawa nito ang paglalarawan bilang tapang sa ikinilos ni Padre Irene nang magtago ito ilalim ng mesa, at ang pagkahimatay ni Padre Salvi bilang “dulot ng malabis na kalungkutan dahil mahina [diumano] ang naging bunga sa mga Indio ng kaniyang banal na sermon.” Tataglayin din ng kabanata ang malaking kasawian ni Ben Zayb matapos malamang kulang ang iniisip niyang detalye hinggil sa “totoong” nangyari sa kaguluhang kinasangkutan ni Padre Camorra habang nasa pahingahan sa Pasig sanhi ng pagkakasuspinde ng saserdote dahil sa kalokohan sa Tiani.

Sa kabanatang ito ipinasok tayo ni Rizal sa loob ng isip ng manlilikhang si Ben Zayb. Ipinakita niya sa atin ang proseso ng kaniyang panulat. Ngunit ang hindi nagawang ipakilala at ipakita sa atin ni Rizal ay ang motibasyon Ben Zayb sa kaniyang panulat, sa kaniyang gawain bilang peryodista.

Ano ang motibasyon ni Ben Zayb?

Hindi binanggit sa El Fili na kailangan ni Ben Zayb ng pera o ari-arian. Ni hindi rin mahihiwatigan na kailangan niya ng posisyon sa gobyerno o magtaglay kaya ng kapangyarihan. Dito naiiba ang suliranin ni Ben Zayb kumpara sa mga suliranin ng katiwalian ng midya na binabanggit nina Hofileña, Soliongco, Villadolid, Abaya, de Jesus. May kompetisyon si Ben Zayb laban sa isa ring peryodista na binanggit sa Kabanata 20. Ngunit hindi naging sapat ang paliwanag at pahiwatig ng may-akda hinggil sa tunay na motibasyon ni Ben Zayb kung kompetisyon nga ang “tunay” na dahilan kung bakit eksaherado at kung minsa’y mapangmaliit ang panulat ni Ben Zayb. Wala ring detalye ng readership competition na ipinaliwanag sa El Fili.

Karaniwang sinisipat ng mga dalubhasang Rizalista ang karakterisasyon sa mga tauhan at tagpuan sa nobela ng dakilang bayani. Diumano, maaaring si Paciano Rizal ang kinakatawan ni Elias na kinatawan naman ni Andres Bonifacio noong panahon ng himagsikan; si Rizal mismo si Ibarra, Pilosopo Tasyo, at Simoun; si Salome ang ina ni Rizal; si Leonor Rivera si Maria Clara; ang San Diego ay ang Calamba at ang Tiani ay ang masamang Calamba. Si Padre Jose Burgos si Padre Florentino, atbp. Sa linyang ito ng pagbibigay katauhan, sino kaya si Ben Zayb? Malamang, kung mabibigyan ng pagtutulad sa isang nabuhay na tao, malalaman ang tunay na motibasyon ng isang peryodista noong panahong iyon ni Rizal.

Pinakamalapit na marahil na pag-alam sa motibasyon ni Ben Zayb ang obserbasyon ni Fr. Horacio de la Costa, S.J. hinggil sa magkaibang chronicle ng labanan ng Olandes sa pamumuno ni Oliver Van Noort at ng Kastila na kinatawan naman ni Antonio de Morga noong 1602. Sa dalawang chronicle ng labanan napansin ni de la Costa ang magkasalungat na ulat ng magkabilang panig na parehong nagpahiwatig ng pagwawagi! Kung nabasa man ni Rizal ang mga chronicle na ito, maaaring isipin na isa sa mga sumulat ng chronicle ang kumakatawan kay Ben Zayb. Kung ang pangunahing motibasyon ng chronicle na ito ay itanghal ang España o Olandiya bilang isang formidable force sa labanang-naval, maaring nagtagumpay ito sa layunin. Ngunit kung dito sisipatin ang motibasyon ni Ben Zayb, kadakilaan ng España lamang, maaaring hilaw ang magiging pagbasa sa El Fili sanhi nang napakapersonal na pagpapabango ni Ben Zayb sa kaniyang mga kliyente gaya ng ponente, Kapitan Heneral, at maging si Simoun.

Hindi karaniwan si Ben Zayb. Isa siyang peryodista. Ang lahat ng naisusulat ay maaaring ituring na bahagi ng kasaysayan. Sa kakulangan ng pahiwatig sa nobela, sa ginawang padron ni Abraham Maslow maaaring sipatin ang motibasyon ni Ben Zayb.

Hindi naipakilala nang personal si Ben Zayb. Hindi alam kung saan siya nagmula at kung saan siya patungo. Wala siyang kamag-anak. Gayundin, mahuhulong hindi niya kaibigan ang mga taong nasa paligid niya. Patunay dito ang pagpuri niya kay Simoun sa unang kabanata, at matapos ito ay ang pang-uuyam nang talikuran. Hindi natin makikita ang kaniyang loyalty: kung sa simbahan o sa pamahalaan o sa ilang indibidwal. Ang pahiwatig lamang na maaaring bigyan nang malalim na pagpapakahulugan ay ang malaking pagmamahal niya sa kaniyang sa sarili sa pamamagitan ng gawain niya bilang peryodista lalo na nang masensura ang kaniyang “ulat” sa pangyayari sa kasalan nina Paulita Gomez at Juanito Pelaez. Para diumanong “...pagpatay sa isang anak na napakaganda at matapang, na ipinanganak at inalagaan sa pamamagitan ng napakalaking hirap at pagod,” ang kaniyang sinensurang artikulo. Napakabigat na pagtutulad. Ngunit sa munting pahiwatig na ito maaari siyang makilala.

Kailangan ni Ben Zayb ang tinatawag ni Maslow na Esteem Need matapos lampasan ang unang tatlo sa bahagdan ng Hierarchy of Needs: ang Physiological, Safety, at Love and Belonging. Malinaw ang tenet ng Hierarchy of Needs ni Maslow. Kailangan munang lampasan ang isa bago umangat sa isa. Ngunit sa pagmamadali ni Ben Zayb na makamit ang Esteem Need, nakaligtaan niya ang ikatlo, ang Love and Belonging: ang pamilya, kaibigan, at sekswal na pagnanasa. Wala ito sa mga pagpapakilala sa kaniya ni Rizal bagamat mahihinuhang lampas siya sa dalawang pinakamababa, ang physiological (peryodista siya na marahil ay may suweldo pantugon sa biyolohikal niyang pangangailangan) at ang security (peryodistang maangas at may mga kakilalang maykapangyarihan).

Naghahangad ng kadakilaan si Ben Zayb. At ang kadakilaan at pagkilalang ito ang nagtutulak sa kaniya upang magtanghal ng mga dakila ring tao ayon sa kaniyang pagkakalikha. Ngunit ang pinakamalaking balaho naman nito ay ang pagtanggap muna sa sarili. Ang mayroon diumanong mababang self-esteem ay hindi magbabago sa pagkilala sa kanilang sarili sa kabila ng maraming karangalan, gaya ng sa panulat. Dagdag pa ang pagtupad sa ikatlong bahagdan ng Hierarchy of Needs ni Maslow.

Ano ngayon ang Ben Zayb Syndrome?

Maliban sa suliranin na binanggit nina Hofileña, Soliongco, Villadolid, Abaya, de Jesus, maidaragdag dito ang Ben Zayb Syndrome bilang sakit ng midya. At bahagi ng pagiging bisyonaryo ni Rizal ang makita hindi lamang ang patutunguhan ng kaniyang minamahal na kapuluan kung hindi maging ang mga suliranin sa mga nangingibabaw na saray ng lipunan: simbahan, edukasyon, pamahalaan, at midya na nakakapekto nang malaki sa paghubog ng kaisipan at gawi ng tao.

Hindi materyal ang motibasyon ng midyang nagtataglay ng Ben Zayb Syndrome. Mas malalim. Mas mag-iiwan ng kakintalan hindi lamang sa sumulat at babasa ng lathalain, kundi maging sa sisirain o bubuuing imahen ng personaheng pinapaksa ng peryodistang may Ben Zayb Syndrome. Higit itong delikado, higit itong mahirap makilala lalo na tugunan gaano man kahigpit ang ombudsman o readers’ advocate ng isang organisasyon. Gaano man ipinapalaganap sa bawat kasapi ng midya ang Code of Ethics.

Makikita ang may Ben Zayb Syndrome katabi ng mga nakatataas, mayaman at maykapangyarihan. Oo, bahagi ng kanilang gampanin ang sumulat, o sa kasalukuyan, magpahayag sa telebisyon at radyo. Ngunit higit pa rito ang pang-iimpluwensiya sa pamamahala—hindi lamang pagsasabi ng dapat malaman ng kanilang tagatangkilik—kasama rin ang midyang may Ben Zayb Syndrome sa mismong paggawa ng mahahalagang desisyon kapalit ang espasyo sa dyaryo o oras sa telebisyon at radyo.

Ipinagmamalaki nilang kasama nila ang mga pinuno, na nakikinig sa kanila ang nakatataas, pahiwatig na nagsasabing, ang may Ben Zayb Syndrome mismo ang nagtatakda ng dapat gawin ng isang bayan. At sila ang makapangyarihan. At sila, gaya ni Ben Zayb, ang dakilang lilingunin ng mga darating na henerasyon. Sila ang tunay na operator na tinutukoy ni Hofileña. Nagpapalit ng katauhan, politiko-mamamahayag, mamamahayag-politiko, depende sa sitwasyon. Kaydali nilang tinatawid ang linya ng tagapagbantay at dapat bantayan.

May Solusyon ba ang Ben Zayb Syndrome?

Nakatala bilang ikalima sa Filipino Journalist’s Code of Ethics ang sumusunod:

V. I shall not let personal motives or interests influence me in the performance of my duties; nor shall I accept or offer any present, gift or other consideration of a nature which may cast doubt on my personal integrity.

Pabubulaanan ko ang sinabi ni Ben Zayb. Sa bayang ito, marami ang nag-iisip. At oo, lalong lalo na sa hanay ng midya bilang tagapamansag ng katotohanan. May solusyon ang Ben Zayb Syndrome at ang iba pang problemang binanggit ng mga dalubhasa sa midya makamtan lamang ang parehong init ng pagmamahal sa bayan na ipinakita ng mga mamamahayag noong panahon ng rebolusyon at batas-militar. At sa ipinapakita ng sitwasyon, wala at malabo pa ito ngayon.

k

Sanggunian

Abaya, Hernando J. “A World of Fable and Fantasy: Cold War Propaganda and Our Press Elite.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 187-197

________________. “Propaganda and the Philippine Press.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 93-101

Almario, Virgilio S. Si Rizal: Nobelista (Pagbasa sa Noli at Fili Bilang Nobela). University of the Philippines Press. Quezon City. 2008

_______________, Tagasalin El Filibuterismo, Jose Rizal. Adarna House. Quezon City. 1999

Barranco, Vicente F. The Rise and Fall of “El Renacimiento.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 63-65

Bignell, Jonathan. Media Semiotics. Oxford Road, Manchester. Manchester University Press. 1997

de Jesus, Melinda Quintos. “Media and Society: News Media in a Democracy.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 22-31

de la Costa, Horacio S. J. Readings in Philippine History. Bookmark, Inc. Makati City. 1992

Dutton, Bryan et. al. Studying the Media. New York. Arnold Publishing. 1998

Halloran, James D. “The Inoculation Approach. Media Education, Alvarado, Manuel (ed.) British Film Institute. 1992

Hofileña, Chay Florentino. News for Sale: The Corruption and Commercialization of the Philippine Media. Quezon City. Philippine Center for Investigative Journalism. 2005

Maglipon, Jo-Ann. “The Press Under Siege.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 105-119

Murdoch, Graham and Phelps, Guy. “Teachers in the Classroom: Using Mass Media Material.” Media Education, Alvarado, Manuel (ed.) British Film Institute. 1992

Nieva, Antonio M. “The Media Under Marcos.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 119-124

Ofreneo, Rosalinda Pineda. “The Press Under Martial Law.” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 124-141

Ramirez, Jaime B. Philippine Journalism Handbook. National Bookstore, Inc. 1983

Sison, Maritess N., Yvonne T. Chua. Armando J. Malay: A Guardian of Memory : The Life and Times of a Filipino Journalist and Activist. Anvil Publishing. Pasig City. 2003

Soliongco, I.P., Soliongco Today. Foundation for Nationalist Studies. Quezon City 1981. 203-223

Valenzuela, Pio. “Memoirs of “Ang Kalayaan”,” The Filipino Press and Media, Democracy and Development. University of the Philippines Press. 2001. 39-41.

Villadolid, Alice Colet. Featuring...the Philippine Press 1637-2005. Colet Publishing. Pasig City. 2006. 64-79

Weaver, Paul H. News and the Culture of Lying, How Journalism Really Works. The Free Press, A Division of MacMillan, Inc. New York. 1994.69-85