Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Friday, December 18, 2009

Whatever We Imagine





Don't be afraid, I can meet you halfway
We can't always know where the road ends up
But with some luck, I know we can go
Wherever we imagine


Why should we wait, later on maybe too late
'Cause where can we run
When you see there's half a chance
that we really might become
Whatever we imagine


And I imagine you and me
Just taking shots at what we see
And if we falter, take away the dust
And just outlast them all


You ought to see all your heroes in me
But if we get wise, we can break the walls we make




And you can see in my eyes
Whatever we imagine


And I imagine you and me
Just taking shots at what we see


So let the walls go down
And we can try it again
"Cause nobody can stop us now


Don't be afraid 'cause I'll meet you halfway
You're not far behind if we climb this hill



I know there's a chance we can find
Whatever we imagine in our life


We can make it there, baby
Oh whatever we imagine
Don't you see baby, its all in our minds
I'll meet you halfway
Whatever we imagine

(Salamat sa ideya yol jamendang)

Thursday, October 15, 2009

Tinabo, Kinutsilyo, at Kinutsara: Ilang pagsusuri sa kung paano maging “sibilisado” sa kubeta at hapag-kainan





Versus



“Mommy, I don’t want to eat anymore.
My teacher is telling me that eating
with a spoon and fork is yucky and disgusting.”

—Luc Cagadoc,
sinipi buhat sa internet

Paano kinakain ng isang sibilisado ang hipon?

Hindi ko alam sa ibang Filipino, pero para sa akin, masarap pa ring magkamay lalo na kung paksiw na ayungin ang ulam, bagong saing ang kanin, may sawsawang patis at kalamansi na may siling labuyo. Noong bata pa ako, noong nahuhulihan pa ng lamang-ilog ang ilog sa amin, kinakamay ko ang alimango at talangkang huli ng aking ama. Binabalatan ng aking mapagpalang kamay ang hipong suwahe. Kinakamay ko ang manok, prito man o sinabawan.

Elementarya na ako nang magtinidor. Natutuhan ko sa aking mga kapatid na madre na ang tinidor pala ay pantulak sa mga sinisimot na mumo sa plato. Noong nasa unang antas ako sa hayskul, kasama sa practical arts namin ang table setting ng napakaraming kubyertos. Hindi ako natutong gamitin ang santambak na kubyertos na ipinakabisado sa aming ayusin ng aming guro. Sa isip ko noon, ni sa hinagap hindi ako gagamit ng ganoong karaming kubyertos na hambalang sa mesa. Nang magkolehiyo ako, naanyayahan ako bilang manunulat-estudyante sa isang bonggang komperensiya tungkol sa Philippine Centennial sa Club Filipino sa Greenhills. Natutuhan ko—the hard way dahil nagkasali-saliwa ang kamay ko at nagkalaglag ang mga kubyertos na ginamit ko—ang pagkain gamit ang kutsilyo para sa salmon at mashed potato na akala ko ay puto. Natawa ako sa nangyari. Hindi ko naman akalain na maiimbita ako sa ganoong sitwasyon.

Hindi pa rin naman ako yumayaman at nagbabago ang lifestyle at naging sosyal, nga lamang, dumalas nang bahagya ang mga pagkakataong nakakakain ako sa higit na “sibilasadong” okasyon dahil sa aking mga nagiging trabaho. Kaya ko na ring magtalop ng hipon gamit lamang ang kutsilyo at tinidor. Natutuhan ko ito sa dati kong amo na “sibilisado” sa ganoong uri ng kainan. Tahasan at walang hiya-hiya kong itinanong sa kaniya kung paanong babalatan ang hipon gamit lamang ang kutsilyo at tinidor na hindi naman nagtugot na i-demonstrate sa akin habang kumakain kami sa kanilang bahay sa Mandaluyong. Para sa hindi kaliwete: hawakan ang tinidor sa kaliwa, ang kutsilyo sa kanan. Tusukin ang katawan para hindi na makapalag ang hipon. Sibakin ng kutsilyo ang ulo/sungot ng hipon. Lagariin ang mga paa. Tuklapin ang balat gamit ang kutsilyo habang nakapako sa plato ang tinidor at katawan. Dahan-dahan (kahit pa takam na takam ka na sa sinigang na hipon). Hiklatin nang dahan-dahan ang balat. Nakatatlong hipon ako bago natutuhang matanggal nang buo ang balat. Paalala, huwag sipsipin ang ulong malinamnam lalo na kung hindi kilala ang mga kaharap. Pero sinipsip ko pa rin ang ulo, ka-close ko naman ang boss ko. Hindi na ako nahiya. Sayang e.

Paano maging “sibilisado”?

Hindi ganito kabrutal at kabulgar ang tanong sa aklat na “Social Savvy.” Maraming binanggit na sitwasyon at kung paano ito malulusutan. Paano kung sinisipon ka sa isang “sibililisadong” kainan at gusto mong bumahing o magpunas ng sipon? Umutot? Paano kung biglang umigkas sa katabing kumakain ang nilalagaring carrot? Paano kung hindi matandaan ang pangalan ng kausap? Paano mo sasabihing pangit ang damit ng kaibigang maramdamin? Paano sasabihan ang isang kaibigan na bumabarkada na sa mga “wild crowd”? Paano tatanggihan ang kaibigang mahilig mangutang? At iba pang sitwasyon na magpapasibil sa sinumang bumabasa sa aklat. Social savvy ang pakahulugan dito ni Judith Re. Ang pag-akto nang tama sa mga mahihirap na sitwasyon. Ang paghanap ng malulusutan sa mga sitwasyong mistulang walang lusot.

Self-help ang aklat. Ang target na mambabasa ay mga nasa edad-adolescent, ang edad kung kailan nahuhubog ang pagkatao. Ayon sa bio-note ng may-akda, dalubhasa siya sa etika ng tama at sibilisadong kilos. Mayroon siyang paaralan na mala-Cora Doloroso at John Robert Powers ng Filipinas. Masasabing kapaki-pakinabang ang aklat sa mga nagnanais na magkaroon ng maayos na diskarte sa mga sitwasyong makokompromiso ang iyong sarili, sa mga sitwasyong magnet ng kahihiyan. Ito ang kagandahan sa self-help books. Samantala, ang mahirap naman sa self-help books ay ang pagdedetalye nito sa isang tiyak na sitwasyon. Dahil ang totoo, may isang milyon at isang beses na magkakaiba ang mga sitwasyong binabangggit sa aklat at sa tunay na nangyayari. Lalo na sa Filipinas. Lalo na sa Filipinong napadpad sa bansang bihira ang kanin at sinangag, at bansang hindi gumagamit ng tabo at tubig sa pag-ebak.

Tabo at Kutsara


“I find it very prejudiced and it’s racist. He’s supposed to be acting like a professional. This is supposed to be a free country with free expressions of culture and religion. This is how we eat; we eat with a fork and spoon.”

—Maria Theresa Gallardo Cagadoc,
sinipi buhat sa internet

A Townsville Bulletin report posted on news.com.au said Amador Bernabe, 43, a Filipino machine operator was kicked out of his job by the Townsville Engineering Industries (TEI) for using water, instead of toilet paper, to clean himself during toilet visits.

—mula sa abscbn.com


Hindi na bago ang mga balitang may kinalaman sa mga Filipinong ginagamit ang mga gawing-Filipino sa labas ng bansa kung kaya nagiging sanhi ng mga usapin at insidenteng nag-i-incite ng diskriminasyon. Bakit nga naman hindi, ang mga gawing ito ang nakamulatan at hinahanap-hanap ng katawang kayumanggi. Dito pumapasok ang ubaning kasabihang “When in Rome...” na nagsasabing kumilos ng hinihingi ng isang lugar hindi man ito ang kinamulatan ng isang dayong Pinoy. Pero ito ba ang tama? Mali ang tanong, kaninong tama ang dapat umiral? Sa Pinoy ba o sa kulturang dinadayo?

Gaya ng sinasabi ni Judith Re sa kaniyang aklat, idinidikta ng lugar at sitwasyon ang dapat ikilos ng isang tao. Kung sa isang fine dining na restawran, dapat kumilos ng naaayon sa hinihingi ng isang fine dining na restawran, ibig sabihin, gamitin ang kubyertos batay sa eksaktong gamit nito: pansopas, pangkarne, panghimagas, pantinapay, pangmantekilya, atbp. Inisa-isa ni Re ang gamit, o ang tamang diskarte sa paggamit, ng mga kubyertos gaano man ito karami sa hapag. Ito ang dahilan ng kaso ng batang Pinoy na kumakain gamit ang kutsara at tinidor sa isang paaralan sa bansang Canada, bansang kutsilyo at tinidor ang karaniwang ginagamit sa pagkain. Bansang bihira ang mumo ng kanin.

Naging malaking usapin noong 2006 ang diumano’y diskriminasyon ng kultura. Isang Pinoy na nangungutsara laban sa bansang nangungutsilyo. Ayon sa analisa ng kolumnistang si Manuel L. Quezon III na lumaki sa “Western manner,” depende umano sa pagkain ang kakailanganing kubyertos. Inihilera niya ang mga pagkain na ginagamitan niya ng kutsara o kutsilyo. Ibinatay din niya ang paggamit ng kubyertos sa kung ano ang pagkain, kung Western ba o Chinese o Korean. Marunong din siyang gumamit ng chopsticks, tatlong chopsticks: “the Chinese prefer ivory (or nowadays, plastic) chopsticks that are the most difficult to use; the Japanese prefer wooden chopsticks; the Koreans, stainless steel ones and a spoon.” Naghain ng ilang mungkahi (pero dahil tapos na ang pangyayari, kaya may himig paninisi na) kung paano sanang napigilan ang paglaki ng isyu. Sinabi niya na dapat isinabuhay ng bata ang kulturang Pinoy sa kanilang bahay at natuto sanang irespeto ang kultura ng bansang kaniyang tinitirhan. Para sa paaralan na nagpaparangalang multikultural na pagtingin sa mga mag-aaral, dapat diumano’y kinausap ang magulang sa halip na kinastigo ang bata. Idinagdag pa ni Quezon III:
It is perhaps old-fashioned of me to believe that one eats as one’s companions eat, as the food one is eating should be eaten by those who habitually eat that food, and according to the norms of the place in which one is eating.

Hindi ganito ang naging pagtanggap ng ilang mga nagkomento sa isyu gamit ang internet: mayroong radikal na nagngangalit ang litid sa pagsasabing may malaking isyu ng diskriminasyon na ipinakita ng mga nangungutsilyo, mayroon din namang higit na mahinahon sa paggalugad sa isyu. Nababatay ba sa lugar ang pagkain o nababatay sa nakalakihang likaw ng sikmura? Ganitong isyu rin ang nais ipakita, sa paraang parang reality show, ng palabas na “Meet the natives” ng National Geographic. Buhat sa kung saang bundok, ibinaba ng mga producer ng palabas ang mga native at pinatikim ng mga gawain sa “sibilisadong” lungsod. Tinuruan ng table manners, pinasakay sa elevator, pinaglakad sa matataong lugar at pinilit turuan ng “sibilisadong” kultura. Itinatanghal lamang ng palabas ang malaking discrepancy ng kulturang “native” at sibilisado o makabago. Gaya ng inaasahan, naging bago sa mga native ang gawain sa isang sibilisadong lugar. Ngunit hindi ibig sabihin nito’y primitibo at huli ang gumagamit ng kutsara, at advance at sibilisado naman ang gumagamit ng kutsilyo.

Samantala, simplistiko naman ang katuwiran ng kaibigan kong nasa Estados Unidos ngayon. Sabi niya, kung siya ang bumili ng pagkain, kakainin niya iyon sa paraang gusto niyang ma-enjoy ang pagkain, mangahulugan man itong fine dining o kinakamay nang nakataas ang paa sa bangko. Ngunit kung hindi, papasok na ang adapsiyon o ang pakikibagay sa kultura ng lugar at kubyertos na nakahalayhay sa mesa.

Paano umebak ng kinaing hipon?



Malayong-malayo bagamat tiyak na magkaugnay naman ang nangyari kamakailan sa isang Pinoy sa Australia na gumamit ng tubig para ipanghugas. Diumano, naging isang malaking isyu sa pagitan ng manggagawang si Amador Bernabe, 43, at ng kaniyang foreman ang paggamit ng una ng tubig sa paghuhugas matapos umebak. Sinabi umano ng maangas na Pinoy na, tama, personal niyang pangangailangan ang gumamit ng tubig, at walang makapagdidikta ng kung anumang gawaing pampuwet sa kaniya. Sinagot din siya ng kasing-angas na Australian manager na “"follow the Australian way" sa paghuhugas ng wetpaks. Ibig sabihin ang gumamit lamang ng toilet paper na panlinis matapos maglabas ng sama ng loob sa kubeta. Sinibak ang maprinsipyong Pinoy. Pinili ang tubig ng pagiging jobless kaysa toilet paper ng trabaho.

Hindi na ito natalakay ni Re sa kaniyang aklat. Malamang, alien sa kaniya ang ganitong usapin kung paanong naging alien din ito sa Australian Manufacturing Workers' Union na nagsabing: "If it (ang sitwasyon) wasn't so disgusting it would almost be laughable.” Na totoo naman talagang napakasensitibo at nakatatawang usapin. Suriin: dumako sa isang diplomatikong isyu ang usapin hinggil sa pag-ebak ng makatabong Pinoy (natatawa na ako habang isinusulat ito)! Sinabi pa ni Executive Secretary (!) Eduardo Ermita na sinipi buhat sa abscbn.com: "I'm sure they have a way of bringing this to the attention [of the Australian government] through proper channels, probably through diplomatic channels,". Dahil hindi lamang ito isang simpleng usapin kung paano mo gustong linisin—sa tubig o sa toilet paper—ang iyong puwet. Usapin ito ng kinalakihang kultura sa hygiene. Sinabi ng mga Australiano na unhygienic ang gawain ni makatabong Pinoy lalo na’t may naiiwang patak o wisik ng tubig sa kubeta ng mga Autralianong maka-toilet paper. Pero, sa isang sipat ng pamimilosopo, hindi pa naman nalilipol ang lahing Pinoy dahil sa naghuhugas ng puwet gamit ang tubig. Muli, bagamat mahirap at medyo absurd na ilapat ang mungkahi ni Quezon III, maaari din sigurong isabuhay ang kultura sa loob ng bahay ni Pinoy, at gamitin ang “Australian way” sa pag-ebak sa trabaho. Ngunit nagmatigas si Bernabe, pinili niya ang kapakanan ng kaniyang puwet kapalit ang trabaho sa Australia. Na hindi rin naman masisisi kahit pa ikatwiran ng kahit sino na sayang ang trabaho sa Australia.

Pero lubhang sensitibo ang usapin para mailapat ang suhestiyon ni Quezon III. Naisip ko nga, higit na madali palang talakayin at lamanin ng libro ang gawi at kultura sa mesa kaysa gawi at kuktura sa banyo. Bagamat halos walang ipinagkaiba ang dalawang isyu, pareho itong tumatalakay sa kung ano ang dapat iasal ng isang Pinoy sa isang bansang alien sa kaniyang gawi. Ito ang idinidikta ng kulturang popular, o nakapangyayaring gawi sa isang kolektiba. Kung ilalangkap na ito nga’y kulturang popular, hindi pala kasimpopular ang popular para sa minoridad. Na muli, totoo namang nangyayari kahit saang sulok ng bansa.

Paano maghuhugas?

Maaari siguro ang kompromiso sa pagkain. Malinaw at maayos ang mungkahi (o paninisi) ni Quezon III. Kumain sa bahay ng pagkaing nakamihasnan, pagdating sa labas, mag-adapt. Pero paano kung ang dapat ikompromiso ay lubhang sensitibong gawi at kasanayan? Gaya ng pag-ebak? Hindi kasindali ng adapsiyon ng pagkain ang pag-ebak. Pero hindi rin naman dapat isinasaisantabi ang posibilidad na kung kabuhayan na ang nakataya, mapipilitan tayong gumamit ng pandaewang. Tutal, “Australian way” pa lang naman, hindi pa ang pananampalataya o buhay ang ikokompromiso. Ngunit hindi maiaalis na mayroong gaya ni Amador Bernabe. At hinding-hindi siya masisisi.


14 Oktubre 2009
Lucban, Lalawigan ng Quezon

(Ang larawan ng lalaking gutom na kutsara't trinidor ang gamit sa hotdog at pork and beans ay kuha ni Philip Kimpo, Jr., samantala, galing sa net ang dalawa pang picture. Ang larawan naman ng tipikal na middle class Pinoy kubeta ay galing sa blog ni internetserye ng isang Roje: http://internetserye.wordpress.com. Salamat Roje kung sino ka man. Hindi na po ako nakapagpaalam sa iyo. Pasensiya na. Wala akong intensiyong masama. Ang papel na ito ay assignment ko sa Seminar sa Kulturang Popular sa La Salle.)

Sanggunian

Aklat

Lumbera, Bienvenido M. 1992. Revaluation. Bookmark. Quezon City.

Re, Judith.1992. Social Savvy. Simon and Schuster. New York.


Internet

http://www.tambuli.org/Community/TempNonCity/CanadianLunchArticle.pdf

http://www.gmanews.tv/ spoon-revolution-in-canada.htm

http://www.westislandchronicle.com/pages/article.php?noArticle=6063

http://www.manuelquezon.com/ /2006 AprilManuelLQuezonIIIThe Daily Dose.htm

http://www.abs-cbnnews.com/pinoy-migration...t-habits-report

Monday, September 28, 2009

Tagbaha Reloaded
















Sabado, ala-una ng hapon. Nagpaalam na sina Ate Sotie at Ringgo, mga kaklase ko. Lulusungin na daw nila ang baha sa Taft Avenue. Nagpaiwan ako. Sabi ko magdidili-dili muna ako kung susuong o magpapahupa ng baha. Maglalakad-lakad muna kako ako sa loob ng kampus na mga isang oras na ang lumipas nang magdeklara na suspendido na ang klase. Pero sinabi ko sa kanilang siguradong uuwi rin ako.

Beterano daw ng bahaan si Ringgo. Pinalaki daw siya ng baha sa España noong nag-aaral pa siya—hayskul at kolehiyo—sa paaralan na pinatatakbo ng mga Dominikano. Si Ate Sotie naman, sasabay daw at manghihiram ng tapang sa lakas ng loob ni Ringgo sa pagsaludsod sa baha. Pareho silang pa-Quezon City.

Ang totoo, pinaghahandaan ko ang siguradong mahaba-habang biyahe pauwi sa Lucban. Kumuha lang ako ng tiyempong umebak sa loob ng kampus para hindi maging abala ang mag-aalburoto kong lamanloob kung sakaling maistranded ako sa kung saang lupalop pauwi sa Lucban.

Hanggang tuhod ang baha sa Taft sa mismong tapat ng De La Salle University. Paglabas ko, saktong nakanganga ang pinto ng isang bus na papuntang South Mall. Lusong. Pasok. Malamig sa loob. Maraming bakanteng upuan. O mas tamang sabihing maraming binakanteng upuan. Dahil sabi ng mamang nakatabi ko sa upuan, dalawang oras daw ang itinagal ng biyahe nila sa bus mula Quirino hanggang La Salle. Baka daw dalawang oras uli mula La Salle hanggang Buendia kung saan ako sasakay ng bus na papuntang Lucena. Parang totoo ang sinabi ng mama kasi beinte minutos tumambay ang bus sa harap ng La Salle. Gustong pasakayin ang lahat ng estudyanteng ibinabalong ng unibersidad na binaha daw sa unang pagkakataon sa loob ng kulang sandaang taon ng existence sa balat ng Kamaynilaan.

Onse ang bayad ko sa bus. Pakiramdam ko, na-onse ako dahil hindi man lang umusad ang bus. Bumaba ako pagkatapos ng kulang-kulang tatlumpong minutong pangangaligkig, sinaludsod ang tatlumpong metrong distansiya mula sa sinasakyang bus hanggang sa Vito Cruz station ng LRT. Magtetren na lang ako. Dose pesos ang bayad sa nakalutang na tren. Mukhang siguradong makararating pa sa Buendia.

Mahaba ang pila ng mga pasaherong bumibili ng tiket. Kulang kalahating oras bago ko nakita nang mukha sa mukha, taghiyawat sa taghiyawat ang nagbebenta ng tiket. Matagal dumating ang tren. Nang mga kinse minutos na at walang dumarating na tren patungong Baclaran, pumalahaw ang announcement sa PA system ng estasyon ng Vito Cruz. Sinusuwerte ako. Code yellow daw ang buong linya ng tren dahil may nasirang bagon sa U.N. Avenue station. Isinara ng mga sekyu ang mga turnstile sa estasyon. Walang pinapasok na pasahero. Hingang malalim. Kaibigan ko si Murphy, at ang kanyang pinakaiiwasang batas.

Pagkatapos ng sampung minuto, may announcement uli sa PA system. Hindi ko na naintindihan ang sinabi. Maingay na sa estasyon dahil sa dami ng naghihintay na pasahero. Nagsilbatuhan ang mga sekyu. Nagpapasok uli ng pasahero, dagdag sa mga giniginaw na pasaherong nakatambay na nang matagal-tagal gaya ko. Magandang senyal. Ilang sandali pa nga dumating na ang tren na umaapaw sa pasahero. Naalala ko ang dadalawang taludtod na tula ni Ezra Pound nang makita ko sa loob ng papahintong tren ang hapis at basang-basang mukha ng mga pasaherong halos makipaghalikan na sa pintong salamin. Mga basang talulot na nakadikit sa basang salamin. Aparisyon.

Pagbaba ko sa Buendia bumalandra sa mukha ko ang dating abalang haywey na isa nang ilog. Walang bumibiyahe. Heto na ang pinakapopular na pakahulugan sa istranded: gusto mong umalis at lumayo pero hindi mo magawa.

Bumili muna ako sa binabahang convenient store ng gamit at pagkain: biskwit, mani, bottled water, alkohol at tsinelas para matuyo ang paa ko na babad na sa loob ng sapatos kong Camper, paghahanda sa mahabang hintayan na maaring tumagal ng, ng, hay, isang araw. Inilagay ko na ang sarili ko na maghintay ng isang araw sa paghupa ng bahang iniluha ni Ondoy.

Hanggang baywang ang baha sa mismong panulukan ng Buendia at Taft. Bihira ang tumatawid na de-makina. Puro de-tulak at de-pasan ang pumapasada, tawiran lang ang ruta. Pumunta ako sa terminal ng Jac Liner na baha rin ang loob. Nagtanong-tanong ako sa mga empleyado ng Jac Liner. Istranded daw ang kanilang mga bus sa SLEX na hanggang dibdib daw ang baha. Alas-onse pa raw ng umaga nakatanga ang mga nakaparadang bus na puno ng mga nakatangang pasahero. Walang katiyakan kung kailan aalis. Humanap ako ng mauupuan sa loob ng bagong gawang terminal. Itinaas ko ang paa ko sa upuan sa harap dahil may baha na rin sa elevated na terminal. Nagkutkot ako ng mani. Nakakangawit. Tumayo ako at nagsindi ng sigarilyo. Naupuan agad ang binakante kong upuan. Hindi na ako tatagal ng isang oras—lalo na ang isang araw!—na pagtunganga nang nakataas ang paa. Hindi na ako puwedeng bumalik sa La Salle na kaninang bago ako umalis ay may anunsiyo si Bro. Armin na hindi na raw advisable bumiyahe pauwi. Magpapalugaw si Bro. Armin, announcement niya bago ako umalis ng kampus. Sayang. Hindi ko na kakayaning bumalik ng La Salle. Sayang ang mainit na lugaw.

Humahaginit ang ulan. May kaunting hangin. Hanggang kuyukot at baywang ko ang baha. Sisiw sa akin ang bahang ganito kung babalik ako sa La Salle. Kung ako lang. Kaya lang marami akong bitbit, una na ang uugod-ugod at simbigat ng chinook helicopter kong laptop kasama ang mga librong pinagsisihan kong hiramin sa aklatan. Ayoko nang magbakasakali. Wala pa akong pamalit sa laptop ko at pambayad sa mga magsu-swimming na libro. Sa terminal ng Jac Liner na lang ako. Baka mahulog pa ako sa manhole na ninakawan ng takip ng kung sinong adik. Baka maulila sa ama agad si Bani. Baka mabiyuda agad si Angel. Baka maging tantos lang ako sa statistics ng kalamidad na alyas Ondoy.

Naisip kong umakyat uli ng estasyon ng LRT. Kahit papaano, walang baha sa estasyon ng LRT. Pwede na akong matulog sa nanlilimahid na sahig basta ligtas lang ako sa baha at hindi nauulanan, at ang pinakaimportante, hindi nangangawit habang naghihintay sa paghupa ng baha ni Ondoy.

Karugtong ng bagong terminal ng Jac Liner ang hagdan sa estasyon ng LRT. Doon ako dumaan papanhik. Nakita ko sa 2nd floor ng terminal ang ilang paseherong nakasalampak na sa sahig. Maganda ang puwesto. May ceiling fan sa ikalawang palapag na gagawing commercial center ng management ng Jac Liner. May tindahan ng pagkain sa ibaba at hindi na kailangang lumusong pa nang malalim para makatsitsa. Goodbye LRT station, hello uli terminal ng Jac Liner.

Humanap ako ng bakanteng espasyo sa sahig. Sumalampak ako sa isang sulok. Inihanap ko rin ng puwesto ang tone-tonelada kong Sagada backpack na may kargang chinook helicopter laptop, at ang plastic bag taglay ang matapat kong Camper at bagong medyas na ginahasa na ng bahang Taft. Sumandal ako sa pader. Five star hotel ang ikalawang palapag kumpara sa suruting walk-in na puwesto ko sa ibaba ng terminal ng Jac Liner. Nakakarelaks kahit malamig ang singaw ng kongkretong pader. Nilamas ko sa alkohol ang binti kong niromansa ng bahang Taft Avenue. Mahirap nang mabenditahan ng dyinggel ng daga. Hagod, masahe, inat-inat. Humingi ng alkohol ang katabi kong babae. Sa gitna ng krisis, tulungan dapat, bigayan dapat. Matapos ang predictable na “Tagasaan po kayo? Bakit po kayo narito?” naging kakuwentuhan ko ang dalawang babaeng pawang taga-Candelaria. May dumagdag, titser din na taga-Tiaong. May isa pang dumating. Naging anim kami. Nabuo ang isang kulto ng mga titser na taga-Quezon na nag-aaral sa Maynila tuwing Sabado at ginipit ng bagyo kaya naistranded.

Ano pa ba ang pwedeng hapunan sa ganoong pagkakataon, piyesta na ang Nissin cup noodles at dalawang Skyflakes. Solb na solb na. May inuming tubig ako. Wala nang sepi-sepilyo (bakit kasi nakalimutan kong bumili). Para daw kaming mga OFW na minaltrato ng amo sabi ni Azelle, titser sa Enverga sa Candelaria. Sinakyan ko na ang kuwento ni Azelle: nasa embahada kami ng ‘Pinas kunwari, naghihintay sa tulong ni Villar kunwari. May kasama kaming na-illegal recruiter kunwari. Mga inabot ng giyera sa Lebanon kunwari. Mga nasunugan kami kunwari. Kuwentuhan kami tungkol sa mga klase namin, sa mga totoong buhay namin sa iskuwela. Binuksan ko ang laptop ko at isinalang ang huling treinta minutos ng Smart Bro para makasagap ng balita at alimuom bukod sa mga balitang itinetext na sa akin ni Angel. Ang balita: gaya rin ng text ni Angel, wala daw kaming pag-asang makauwi nang mabilisan dahil sarado at baldado na ang mga haywey papunta ng sur sabi ng Philstar.com at Inquirer.net at GMAnews.tv. Bugbog-sarado ang Kamaynilaan at mga kapitbahay na probinsya, gaya rin ng text sa akin ni Angel. Marami nang binabakwet, marami nang namamatay dahil kay Ondoy. Gaya rin ng text ni Angel.

Nag-usyoso muna ako habang naninigarilyo sa nagpapanggap na terraceng evacuation center namin bago matulog. Mula sa terrace—hagdan ng Buendia station ng LRT—kitang-kita ko ang pinsala ng baha. Mga itinutulak na sasakyan, mga pedicab na akala mo vintang nakalutang sa dagat ng Tawi-tawi, mga taong naglalakad sa hanggang wetpaks (o baywang, depende sa height nila) na baha, bus at mga SUV na naglakas-loob sumagasa sa baha at ang tsunaming tangay nito sabay ang murahan ng mga iwinasiwas ng alon. Madaling makakuha ng kausap, mag-“tsk-tsk-tsk” ka lang habang nakatanaw sa baha siguradong may sesegunda sa iyo. Kuwentuhan na ang kasunod.

Alas-nuwebe ng gabi. Binilot ko ang jacket kong kurduroy. Iniunan. Napasarap ang tulog ko. Katunayan, napanaginipan ko pa ang buhay ko sa Normal sampung taon na ang nakalilipas. Kaya nang gisingin ako ng mga kapwa ko istranded na titser ng Lalawigan ng Quezon bandang alas-onse y media ng gabi, medyo nahilo ako sa biglaang pagbangon. May bus na daw papuntang Lucena. Humupa na ng isang dangkal ang baha. Dangkal ko. Hindi dangkal ni Dagul. Lalong hindi ang dangkal ni Yao Ming.

Lumusong uli kami para marating ang pinto ng bus. Parang may yelo ang tubig-baha. Naisip ko na lang na hindi bale, bihira naman ang ganito. Parang malambot na kamang napakasarap tulugan ang upuan ng Lucena Lines, ang kapatid na bus ng Jac Liner. Nagising na lang uli ako sa Lucena ng Linggo ng alas-tres y media ng umaga. Nakangiting pahabol pa ng konduktor bago ako bumaba sa diversion: “Ingat po kayo, Sir.” At bihira ang bating ito. Bihirang-bihira.



(Kuha ang ilang larawan sa loob ng De La Salle University na diumano’y unang beses sa kasaysayan na kinolonya ng baha. Ang ibang larawan ay kuha sa itaas ng LRT Vito Cruz at Buendia Stations.)

Wednesday, September 16, 2009

Si Rizal sa panahon ng SMS, Facebook, at DoTA



(Panayam na binasa sa kabataan ng Mauban, Quezon
para sa Outreach Program ng Kagawaran ng Kasaysayan ng SLSU)

Parang napasubo ako sa gawaing ito.

Kasi, idolo ko dati si Rizal. Nagsimula siyang maging idolo ko noong nasa high school ako. Noong nasa third year ako. Noon ko kasi nabasa ang librong “Buhay at Katha ni Rizal” na gamit ng kapatid kong noo’y nasa kolehiyo. Gusto kong maging kamukha ni Rizal. Gusto kong mabasa ang nabasa ni Rizal kaya hinanap ko at binasa ang mga unang librong nabasa ni Rizal, ang “Uncle Tom’s Cabin” ni Harriet Beecher Stowe; at “The Count of Monte Cristo” ni Alexandre Dumas. Nagustuhan ko ang dalawang libro lalo na ang kay Dumas. Adventure story. Kuwento ng paghihiganti. Malupit na paghihiganti. Nalaman ko na lamang noong hindi na ako nag-aaral na totoo palang adventure story ang nobela na naka-serialize noon sa peryodiko sa Francia, at kinatha para sa kabataan. Samantala, kolehiyo na ako nang makita ko ang “Imitacion del Cristo” ni Thomas Kempis at “The Wandering Jew” ni Eugene Sue. Hindi ko pa ito nababasa, kasi dahan-dahan nang nawala noon ang pag-idolo ko kay Rizal.

Idolo ko dati si Rizal. Kaya ginawa ko ang ginagawa niya. Tumula. Magsulat. Magbasa. Manligaw. Umibig. Maglakbay. Hindi na nga lamang sinlayo ng nilakbay ni Rizal. Pero naglalakbay. Pakiramdam ko dati, ako si Rizal. Matimpi. Pero lumalaban. Nag-iisip. Hindi ako nahihiyang sabihin na literal na malaki ang ulo ko kahit pa pagtawanan. Idudugtong ko na lamang na “Malaki ang ulo ko, gaya ni Rizal.” Kaya gusto ko ang bawat detalye sa buhay niya. Kinabisado ko, kulang na lamang ay imbestigahan ko kung sino ang tumuli kay Rizal, kung may tooth decay ba siya at kung aling ngipin ang bulok. Lumaban ako sa Rizal Quiz Bee ng Knights of Rizal sa Baguio. Sumali ako sa mga essay-writing contest na tungkol kay Rizal, sa mga hilig ni Rizal, sa mga bisyo ni Rizal. Basta, gusto ko dati, noong nag-aaral pa ako noong high school at noong nasa Normal ako, na ako dapat ang awtoridad kay Rizal. Dahil idolo ko siya. Dahil idolo ko siya. Dati.

Hindi kami nagkagalit ni nagkatampuhan ni Rizal. Sigurado akong hindi. Kung bakit lumayo ang loob ko sa kaniya ay dahil sa, nitong huli, nitong huling sampung taon, na-realize ko na hindi kaido-idolo si Rizal. Na ang i-imitate si Rizal dito sa Filipinas ay kakambal na ng imposible. Na parang hindi tao si Rizal. Na ang pagtuturo sa kaniyang buhay, mga isinulat at ginawa ay pagpapamukha lamang na hindi natin mararating ang kalingkingan ng kaniyang narating. Ang kalingkingan ng kalingkingan ng kaniyang nagawa, ng nangyari sa kaniya. Na ang pagtuturo sa buhay, gawa, at isinulat ni Rizal ay lalong pagtatanghal sa kaniya hindi bilang tao kundi bilang icon. Isang abstraktong buhay. Isang abstraktong pangyayari mahigit sandaan taon na ang nakalipas. Isang inakdang karakter sa adventure story gaya ni Edmond Dantes o Count of Monte Cristo na sobrang galing, sobrang dakila. Isang buhay na de-kahon sa kagalingan at kadakilaan pero hindi kayang ikahon sa pag-aaral at pag-idolo. Isang buhay na patuloy na pinag-aaralan hanggang ngayon. Hindi maubos-ubos, hindi matapos-tapos.

Bueno, iisa-isahin ko muna ang ilang wala tayo o ako na mayroon si Rizal. Una, mayaman ang pambansang bayani. Kung tatama lamang kayo sa lotto kaya makapaglalakbay o mag-aaral sa ibang bansa. Ang problema, hindi kayo tatama sa lotto dahil bawal kayong tumaya sa lotto, puwera siyempre ang mga titser na alam kong may mga nagbabakasakaling tumama. Siya nga pala, tumama rin Rizal sa lotto noong siya nasa Dapitan, napakasuwerteng mama, magaling na suwerte pa (marami pang chicks). Nagtiis si Rizal mag-aral sa UST. Natuwa siya sa pag-aaral sa Ateneo. Nag-aral siya noong hindi pa popular ang maging edukado sa isang bansang alipin ng simbahan at pananampalataya. Ngayon, itanong sa sarili, kaya ba ng magulang ninyong pag-aralin kayo sa UST, lalo pa sa Ateneo, lalo pa sa Madrid?

Ikalawa, ahem, honor student si Rizal. Siyempre, merong honor students dito, baka nga lahat kayo. Pero consistent si Rizal, magaling sa pag-aaral ng kahit anong ihain ng pagkakataon na pwedeng pag-aralan: maraming saray ng agham, panitikan, negosyo, pilosopiya, sining, wika. Pinakamarami na ang tatlong wika ang matututuhan natin: Filipino, Ingles at iyong isa pa, Intsik marahil o Espanyol o Kapampangan. Si Rizal ilan? Siyam? Sampu? Wala tayo nito, wala sa atin ang faculty ng ibang wika maliban sa Ingles na sinasalita at isinusulat natin nang mali-mali dahil sa text.

Ikatlo, dahil sa kayamanan at talino, maraming babasahin si Rizal noong panahong ang pagbasa ay isang luxury. Dahil sa mga nabasa niyang ito, kaya siya naging intelektuwal sa panahong kinokondena ng simbahan ang mga nag-iisip.

Hindi ko na iisa-isahin pa kung ano pa ang nagawa ni Rizal sa loob ng maikli niyang buhay; sasabihin ko na lamang na kahit triplehin siguro ang buhay ko, o kaya’y gawing siyam gaya ng sa pusa, mahihirapan akong tumabi sa kadakilaan ni Rizal. Nasisilaw ako kay Rizal. Hindi nakatulong sa halip ay lalong nakalala sa akin ang pagpapalabas ng pelikula niya na pinagbibidahan ni Cesar Montano (dahil crush ko si Sunshine Cruz). Noong lumalayo ako kay Rizal, naiinis ako kapag nakaririnig ng mga bagong detalye sa kaniyang kasaysayan. Nang makita ko ang kopya mg kaniyang guhit sa kuwentong pambatang “Si Pagong at Si Matsing” nainis ako. Ang ganda ng drowing. Naiinis ako sa detalyeng may dalawanlibong libro siya. Dalawanlibong librong nabasa! Na nakatuklas siya ng mga specie ng mga hayop at puno. Na imbentor siya. Na makata. Na nobelista. Na doktor na nakapag-oopera. Na nakapag-around-the-world siya noong panahong wala pang eroplano. Na andami niyang naging girlfriend sa kabila ng hindi niya pagiging magandang lalaki (hindi siya kamukha ni John Lloyd, kamukha daw ni Ogie Alcasid), pero andami niyang chicks (gaya ni Ogie Alcasid?). Siya nga pala, si Ogie Alcasid ang gumanap sa musicale na “Sino ka nga ba, Rizal?” noong 1990s.

Ngayon sa tuwing maririnig ko ito, ang mga detalyeng ito, naiinis ako. At sige, magpapakatotoo ako: naiinis ako habang isinusulat ko itong panayam, at naiinis ako habang binabasa ito sa inyong harap. Naiinis akong humarap sa mga bata na ang tinatalakay ay isang paksang nakakainis. Nakakakainis si Rizal. Ang galing-galing ni Rizal. Parang hindi tao. Parang alam niya na magiging pantas siya kaya sobrang dami ng isinulat, sobrang dami ng inisip. Nagawa niya ito nang sabay-sabay, kasabay ng paglalakbay sa mundo, kasabay ng pagkakapatapon sa Dapitan, kasabay ng pagkakapakulong, kasabay ng panliligaw, pag-aaral, pag-opera sa mata, sabay-sabay. Parang hindi tao. God-like si Rizal. Super Sian si Rizal.

At habang iniisip ko na hindi tao si Rizal, lalo namang dumarating sa isip ko na taong-tao ako. Puno ng problema. Pinoproblema ang maliliit na bagay: gatas ng anak, grade ng mga bata na hindi ko magawa-gawa, assignment ko sa klase, pamasahe, masakit ang ulo sa hang-over, sira ang computer, cable, bill sa telepono at kuryenteng babayaran, laruan ng anak, pamalit sa retiradong sapatos, lumang medyas, mantsa sa uniporme, nawawalang libro, maliit na suweldo. Kaya ako naiinis. Nakatapak kasi ako sa lupa. Pinoproblema ang problema ng sarili. Hindi ko ma-problema ang problema ng bayan gaya ni Rizal. Hindi ako makasulat ng nobela gaya ni Rizal. Hindi ako makapaglakbay sa mundo gaya ni Rizal. Hindi ako makapagbigay ng inspirasyon sa bayan gaya ni Rizal.

Pwede kong ibintang sa katotohanang tapos na ang panahon ni Rizal. Wala nang Kastila at prayle. Totoo. Parang hindi na uso ang bayani sa panahong ito. Masyado nang masikip ang mga plaza para sa mga bayani. Kompleto na sa pangalan ng mga bayani ang mga kalye. Nakakainis. Hindi ko ito pinoproblema dapat. Kung hindi lang dahil sa araw at oras na ito.

Dahil bahagi ng buhay na gawin ang mga bagay na hindi mo gusto. Na naiinis kang gawin. Halimbawa, nakakainis naman talagang pumasok sa paaralan lalo pa’t pag-aaralan ang mga bagay na naiinis kang pag-aralan: Ibong Adarna, Algebra, World History, Economics, Physics, nakaiinis minsan ang P.E., pang-uri, pandiwa, sine at cosine, Values Education, mahirap intindihin ang Noli at Fili lalo pa kung ang mismong guro ay hirap intindihin ang dalawang obrang ito. At napakarami pang iba. At ehem, totoong nakaiinis ang mukha ng masungit na guro na wala na yatang ibang alam kung hindi magpasulat at magbigay ng assignment. Magpaeksam. Magalit kung hindi ninyo magagawa ang mga pinagagawa. Mahabang listahan ng mga ginagawang nakaiinis gawin. Hindi ko na ito iisa-isahin. Hindi ko na dadagdagan ang sinabi ko na. Isa lamang ang sigurado ako. Simula lamang iyan ng mga gawain ninyo sa buhay na nakatitiyak akong nakakainis gawin. Kung sana, ang buhay lang ay pagte-text, pagcha-chat, pagfi-friendster, pagdo-dota. Ang masakit, hindi ganito ang buhay. Kunsabagay, hindi naman laging ganito. Minsan, makagagawa kayo ng mga bagay at gawain na gusto ninyo. Gaya ng nabanggit ko kanina lamang, gaya ng sinasabi ng pamagat: “Si Rizal sa panahon ng SMS, Facebook, at DoTA.”

Uulitin ko, naiinis ako. Naiinis akong magsalita tungkol sa paksang nakaiinis. Lalo akong pumapangit. At alam kong nakaiinis ang upo ninyo ngayon diyan kung ang maririnig at napapanood ay isang tagapagsalitang naiinis sa kaniyang ginagawa, lalo na sa kaniyang paksa, lalo kung pumapangit dahil sa inis ang tagapagsalita. Kaya magtitiis tayo pare-pareho. Pagtiisan ninyo ang pangit na tagapagsalita habang nagtitiis ako sa inis ng gawain at paksa.

Hindi na mapipihit pabalik ang orasan. Lipas na ang panahon ni Rizal. Bago na ngayon. Parang hindi na uso ang bayani. Nakatatamad na ang magbasa (maliban kay Bob Ong at sa librong “Twilight”). Madali nang makapasok sa paaralan kahit puro bagsak. Madaling magsaliksik basta marunong kang mag-type sa Yahoo o sa Google. Madaling mag-copy-paste. Madali nang makipag-communicate, hindi gaya noong panahon ni Rizal na aabutin ng buwan ang palitan ng sulat. Ngayon, text-text na lang, unli-unli. Chat-chat. High tech na ang libangan ngayon. Bihira na ang tumbang-preso at piko. Ngayon, kapag asintado ka sa CS, kapag magaling kang sniper, panalo ka. Kapag mataas ang level mo, boss ka. At oo, kahit panget ka, gaganda ka sa Photoshop na ilalagay mo bilang avatar ng iyong friendster at facebook account.

Mahihilo si Rizal sa nangyayari sa mundo kung babalik siya sakay ng time machine. Baka hindi siya tumagal ng kahit isang araw, bumalik uli sa panahon niya, at hindi na magpapabaril sa Luneta. “Not worth the risk...” sasabihin ni Rizal.

Kahina-hinala kung sinabi nga ni Rizal ang gasgas na linyang, everybody now... “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Hindi ko alam kung sinabi nga niya ito. At kung sinabi man niya ito, magiging recycled na lamang ang lahat dahil hindi mauubusan ng kabataan ang mundo. Vicious cycle. Lilipas ang kabataan at may papalit, mas marami, pero ito man ay lilipas din. At lisensiyado nang sabihin ng ilang hindi na kabataan (meron ba dito?) na hayaan mo na sa tunay na kabataan ang problema ng bayan—sila ang tunay na pag-asa ng bayan, sila na lang. Basta ako, gagawin ko ang gawain ko para kumita, para maging masaya. Ganito lang. Tuloy-tuloy. Paulit-ulit. Nakahihilo. Kaya nga sana hindi niya sinabi ito talaga. Dahil para sa akin, walang kuwenta e. “Kabataan? Pag-asa ng bayan?” Mahabang usapin ito sa politika at kasaysayan, pero hanggang ngayon itong nagpapalit-palit na kabataan na ito ang sanhi kung anong sakit mayroon tayo ngayon. At hindi ko ipupuwera ang aking sarili dahil baka naging bahagi din ako ng problema, hindi ng solusyon. Kaya nakakainis ang paksa. Ang layo na ni Rizal sa nangyayari ngayon.

Nasa mundo tayo ng instant gratification. Kung hindi sumasagot ang ka-text, tawagan, lalo na kung maraming load. Instant. Kung may problema sa klase, nariyan ang kampon ni Bill Gates na handang tumulong sa inyo. Kung naiinip, buksan ang TV, kalikutin ang telepono, pindot-pindutin, tingnan ang mga retrato at pakinggan ang ringing tone. I-text ang smart o globe, paulit-ulit, kung magkano pa ang iyong load. Kung sawa na sa kanta ng i-pod, palitan. Kung masikip na ang memory card, bumili ng bago, kahit ilang gig pwede. Kung nagugutom, may instant mami o pansit canton. May instant coffee. Just add hot water. May instant teacher sa internet, sa you tube. Hindi ito nilalagyan ng hot water, bagamat alam kong minsan, gusto ninyong buhusan ng hot water ang teacher ninyo. Huwag ninyong subukan.

But here is the crux of the matter. Nagbago na ang pisikal na mundo. Pero hindi kailanman nagbago ang pangangailangan ng mundo sa, sa, sa, bayani. Lalo na sa bansang ito. Lalong lalo na sa bansang ito na nabubuhay sa pinakamalaking irony sa balat ng lupa. Ano ang irony na ito? Simple lang, taas-noo nating ipinagmamalaki na tayo—ang bansang ito—ang kaisa-isang Kristiyanong bansa sa Asya. Tayo lamang ang may pinakamaraming nananampalataya kay Kristo, pero itong Kristiyanong bansang ito ang nangunguna rin sa korupsiyon, sa pagnanakaw. Kristiyano? Magnanakaw? Rizal huwag ka nang bumalik. Marahil, talagang nakikita ni Rizal ang mangyayari, kaya may malaking isyu sa kaniyang buhay kung bumalik nga ba siya sa pagiging Kristiyano bago mamatay o hindi.

Hindi ko naman sinasabing magpabaril tayo sa Luneta. Hindi na ito uso. At saka hindi naman siguro pinapangarap ni Rizal na lampasan kung hindi man pantayan ang kaniyang nagawa. Sa klase ko, hindi ko maiiwasang tanungin ang mga estudyanteng gaya ninyo kung ano ang kanilang pangarap. Simple, de-kahon, sasabihin sa akin na makatapos ng pag-aaral, makatulong sa pamilya, yumaman. Alam kong hindi nalalayo ang inyong sagot kung kayo naman ang tatanungin ko. Bakit walang nagsasabi na makatapos ng pag-aaral para sa bayan? Sabi ng co-teacher ko, ang maglingkod sa bayan bilang ambisyon ay matatagpuan ko sa La Salle at Ateneo. Sa mga mag-aaral ng paaralang pangmayaman, bakit? Kasi pwede nang hindi nila intindihin ang kanilang pamilya. Pero sa lalawigan, sa mahirap na lalawigan gaya ng Quezon, kahit pa nasa mayamang bayan gaya ng Mauban, sarili at pamilya muna bago ang bayan. Makes a lot of sense.

Bilang guro, anumang sayaw, lunok ng espada, pag-tumbling-tumbling ang gawin ko sa harap ng klase, hindi mabubura ang katotohanang mahirap tayo, lugmok ang bansa natin, lugmok na halos katulad ng bansang minahal at pinag-alayan ni Rizal ng buhay mahigit sandaang taon na ang lumipas. Kailangan ninyong makatapos para magkatrabaho nang maayos (sa kabila ng katotohanan ding hindi lahat ng may diploma ay may trabaho, maayos na trabaho). Para kumita, para mapag-aral ang nakababatang kapatid, maisama sa SM, Jollibee, at McDo ang pamilya at ang bubuuing pamilya. Maibili ng damit, gamit sa bahay, sariling bahay na may dingding at bubong, supply ng tubig at kuryente. Simpleng pangarap. Pansarili. Saka na ang bayan. Kaya nakakainis ang paksa at gawaing ito dahil ito naman talaga ang totoong nangyayari bali-balitagtarin man ang ispeling ng Rizal at Pilipinas.

Mabalik uli ako sa klase ko. Hindi ko maiwasang tanungin sila kung paano matutulungan ang bayang ito? Ang Kristiyanong bansang ito? Magsumbong ng adik at pusher sabi ng ilan. Isumbong ang kurakot sabi ng iba. Sundin ang batas sabi ng marami. Salamat kung mangyayari, pero ang sinasabi ko na lamang, sige, huwag na ito, huwag nyo nang gawin ang magsumbong ng adik at pusher, huwag nyo nang ilagay sa panganib ang inyong sarili—ganito na lamang, huwag n’yong sayangin ang buwis na ipinampapaaral sa inyo, mag-aral nang responsable, mag-aral nang mabuti. Para kung kayo na ang kakaltasan nang buwis (na alam kong gaya ng karamihan, masama ang loob na makaltasan ng malaking buwis ang maliit na suweldo, tama ba mga kasama kong guro?), bubuti ang inyong pakiramdam na ginagamit ito ng mga mag-aaral nang tama.

Obligasyon ng pamahalaan na makapag-aral kayong lahat, pero dahil kulang ang resources natin, ang obligasyon, ang karapatang makapag-aral ay nagiging privilege na lamang. Maraming nagtangka pero iilan lamang ang nakapasok sa SLSU. Kaya sinasabi ko sa mga mag-aaral ko, “pwede ba, huwag ninyong sayangin ang pagkakataon na nasa loob kayo ng paaralan. Dahil maraming hindi nakapasok sa SLSU na maaaring kulang sa talino pero kumpleto sa sigasig, sa pagnanais matuto.” Nagtatagumpay ba ako? May sumasablay pa rin. May ibinabagsak pa rin ako hindi dahil mahina ang ulo, kundi dahil mahina ang puso: hindi responsable sa privilege niyang makatuntong sa paaralan. Masakit ito. Masakit sa guro. Masyado ko kasing inidolo noon si Rizal. Tandaan ninyo, sa pag-aaral na mabuti, nagiging bayani para sa akin ang mag-aaral ko, dahil pinahalagahan niya ang pawis ng kaniyang magulang, ng taumbayang kinaltasan ng buwis. Binigyan niya ng halaga ang buwis na kinaltas sa mga masasama ang loob na manggagawang gaya ng guro ninyo.

Ngayon, may isa akong tanong, bukod sa instant gratification, sa kasiyahan, bakit masarap maglaro ng online games? Huwag ninyo itong sagutin. Itatanong ko ito sa inyong guro, bakit maraming nahuhumaling sa online games?

Anuman ang sagot, iisa lamang ang masasabi ko, that no amount of powerpoint presentation can defeat the competition right now. Yes, Brothers and Sisters in this lesson plan and form 138 world, mapapagod tayo kakakanta at kasasayaw, magkakakanser tayo sa pagmo-modulate ng boses natin, mababali ang likod natin katatayo at kata-tumbling pero mahihirapan tayong talunin ang kompetisyon. Anumang nasa labas ng bakod ng ating paaralan ay kompetisyon natin sa atensiyon ng mga bata. Luma na tayo: ang gurong gaya natin ay nag-e-exist na noon pang panahon ng lumang Gresya at Roma. Masyonda na tayo. Thunders kahit pa bagong graduate. At anumang inobasyon natin ay nalilimitahan na lamang sa kayang gawin ng ating munting katawan, at kayang buuin ng ating munting isipan sa harap ng klase. At ang klase natin, ilang oras? Siyam? Sampung oras sa loob ng paaralan kaharap ang sinaunang makinang kung tawagin ay, ay, ay gurong may ulo, kamay at paa. Lumang makina. Masyonda. Thunders. Pero hinding-hindi pang-museo o musoleo. At ang mga bata, lahat ng oras sa labas ng paaralan ay nakanganga kay Kim Chiu sa TV, sa MTV at DVD, malikot ang daliri, diwa at mata sa computer, bingi sa ipod at MP3 ng Wonder Girls at Lady Gaga. Ganito hanggang sa umuwi sila sa bahay. Kinabukasan papasok, pagod, bingi, nakatanga. Rizal huwag ka nang bumalik.

Gayon naman palang mabigat ang kompetisyon ng mga guro, bakit pa tayo lalaban? Bakit hindi na lang tayo palitan ng makina (think again, unti-unti na itong ginagawa sa ibang bansa, imagine: “I am model X202i with an upgraded memory of 128 terrabytes and a built-in hologram capable of projecting 8 million lumens of protoreal and touchable images, I am the beta version of model X202—which have been recalled and phased out by Samsung last 9-18-09, I am your new instructor in Values Education, magandang umaga mga bata!)? Kung bakit hindi ma-phase out ang guro ay dahil sa nag-iisa nating kalamangan sa makina: puso. Hindi programmable ang puso. Walang killer application ang puso. Hindi na kailangan ng software at driver para sa puso natin. Sabi nga, makakalimutan ng mag-aaral natin ang lesson matapos ang dalawampung taon, o matapos ang high school, o matapos ang school year, o matapos ang periodical exams, heck, matapos ang mismong araw na itinuro natin ang ruta ng paglalakbay ni Magellan patungo sa Arkipelago ni San Lazaro sakay ng Victoria! Makakalimutan ito ng mga bata sa dami ng umaagaw ng kanilang atensiyon, pero hindi nila makakalimutan ang puso natin sa pagharap natin sa kanila. Hindi nangangahulugang mag-tumbling tayo sa bawat oras ng turo natin. Tama lang sigurong maiparating natin ang marubdob nating pagnanais na sila ay matuto, tama lamang malaman nila that yes, we practice what we preach, if we preach reading and good writing, if we preach honesty and goodness, let us prove to them that we are the first learners and doers of our everyday lesson. And there lies the difference, what sets us apart from machines. Alam kong mahirap ito, mahirap maging marubdob, ang i-involve ang damdamin sa araw-araw na pagharap sa makukulit na estudyante lalo na kung pan-London lang ang suweldo natin (loan dito, loan doon), pero kung hindi natin ito gagawin, baka bahagi tayo ng problema, hindi ng solusyon sa suliranin ng bayan nating kahapis-hapis. Guro, bayani dahil overworked at underpaid. At dati na ninyong alam ito, noon pang unang tumuntong kayo sa malamig na pasilyo ng mga iskuwelahang pangguro. Kaya, Rizal, tulungan mo kami.

Heto pa. Ayon sa isang kaibigang guro din at sa isang magazine na panggurong nabili ko sa Booksale sa SM Lucena sa halagang beinte pesos, ang paglalaro ng bata ng computer ay paglikha ng isang parallel universe. Sa online games, magagaling sila, sila ang hero, sila ang sagot sa suliranin ng kanilang cyber universe. Namumuno sila. Makapangyarihan sila. Asintado. Madiskarte. May personalidad sila sa likhang daigdig. Anumang wala sila sa tunay na mundong may mahirap na exam, may unipormeng hindi nila ginusto, may maliit na baon, may pagkaing hindi masarap sa canteen, ay nagagawa nila sa mundong nirerentahan ng kinse pesos sa isang oras na paglalaro, sa paghubad ng kanilang tunay na pagkatao kapalit ang identidad na pang-computer kasama ang iba pang may sari-sariling identidad. Pag-aralan natin ang likhang daigdig na ito, isangkot sa pag-aaral nila, baka, baka sakaling magkaroon ng harmonious at makabuluhang ugnayan ang guro, mag-aaral, at cyber universe.

Bakit ako naiinis kay Rizal? Dahil hindi natin siya maaabot. Dahil hindi na hinihingi ng sitwasyon ngayon na magkaroon ng nag-iisang Rizal na babarilin ng guardia civil. Subject si Rizal, isang kalye, bayan at lalawigan, posporo, punerarya, tatak ng semento, iskuwelahan. Inidolo ko siya bilang tao. At nagkamali ako. Hindi ko dapat siya inidolo, binasa ko sana siya nang marubdob na pinagbabayaran ko ngayon. Dahil kailangan kong balikan ang kaniyang isinulat at ginawa. Dito, dito sa mga isinulat na ito madudukal ko ang dapat sabihin sa mga bata sa panahong ito. At hinihikayat ko kayo—guro at mag-aaral—na balikan si Rizal hindi bilang tao kundi bilang isa sa naunang nag-isip para sa bayan. Dahil isang kaisipan si Rizal.

Espesyal sa akin—sa kabila ng pagkainis—ang pagkakataong ito, dito sa Mauban. Uulitin ko ang sinabi ni Padre Florentino sa huling kabanata ng El Fili, sa bahaging itatapon niya ang kayamanan ni Simoun sa dagat Pasipiko, sa nagngangalit na alon na humahampas sa batuhan, heto ang sinabi niya batay sa salin ni Prof. Virgilio S. Almario:
“Nasaan ang kabataang dapat mag-alay ng kaniyang kasariwaan, ng kaniyang mga panaginip at sigasig ukol sa kabutihan ng kaniyang Inang Bayan?”

Ito marahil ang uugod-ugod na kaisipang nakasanayan nating bigkasin sa lahat ng pagkakataong masasabi at maisusulat natin: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Hindi pala declarative. Nagtatanong, naghahanap si Padre Florentino, isang paring Filipino na tiyuhin ni Isagani. Nasaan ang kabataan? May pagdududa sa himig. Hamon pala ang sinabi ni Rizal. Challenge. Hinahamon ang mga kabataan, hinahamon tayo bilang guro na gabayan ang kabataan upang mag-alay ng kaniyang panaginip at sigasig para sa kabutihan ng bayan. Practice what we preach. Ito ang pinakamahalagang leksiyon na matututuhan ng mga bata. Higit sa teorya, gawin natin ang ating itinuturo. Pero parang alam na ninyo ito: mga guro at kabataan. Kailangan lamang ay muli’t muling ipaalala.

Ngayon, bakit uli espesyal sa akin ang pagkakataong ito? Heto ang aking panukala sa aking pananaliksik. Sa Mauban sinabi ni Padre Florentino ang linyang iyan. Mauban ang iniisip ni Rizal nang isulat niya ang bahaging iyan ng nobela. Kayo ang unang dapat makaalam na sa inyo, bago pa sa buong bansa, sinabi ni Rizal na ang kabataan ang tutulong sa kaniyang Inang Bayan. Sa inyo sinabi ni Rizal ang walang kamatayang linyang iyan. At kung paninindigan natin ito dito sa ating lalawigan—na tayo ang solusyon—hinding-hindi na ako maiinis mapasubo man ako mga ganitong sitwasyon nang paulit-ulit.

Maraming salamat.


13 Setyembre 2009
Iglesia Subd., Barangay 1,Lucban, Lalawigan ng Quezon

Kasalukuyang guro sa Agham Panlipunan at Filipino sa Southern Luzon State University si JOSELITO D. DELOS REYES na nagtapos ng BSE Social Science sa PNU-Manila at nagsusulat ng thesis para sa kaniyang M.A. Philippine Studies sa De La Salle University sa Maynila. Inilathala ang una niyang aklat, “Ang Lungsod Namin,” ng National Commission for Culture and the Arts sa ilalim ng Ubod New Authors Series noong 2004. Apat na ulit nang nagwawagi sa Talaang Ginto Gantimpalang Collantes sa Tula na itinataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino. Unang gantimpala sa 1st Maningning Miclat Awards for Poetry noong 2003. Honorable mention sa Film Development Foundation Scriptwriting Contest noong 2001. Fellow ngayong taon para sa tula sa 9th Iyas Creative Writing Workshop sa Bacolod City, at sa 36th University of the Philippines National Writers Workshop noon taong 2000 sa Baguio City. Kasapi siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at Oragon Writers Circle. Kasaping tagapagtatag at dating pangulo siya ng Bolpen at Papel, PNU Creative Writers’ Club. Kamakailan, nalathala ang kaniyang akdang may pamagat na “Barangay na Pinagpala” sa University of Michigan Journal of Southeast Asian Studies sa Ann Arbor, Michigan. Nalathala sa mga dyornal, antolohiya, pahayagan at magazine ang kaniyang iba pang mga akda at salin. Nakatira siya sa pisngi ng Bundok Banahaw sa Lucban, Quezon kasama ang kaniyang anak at asawa na guro rin sa nasabing bayan.

Tuesday, September 8, 2009

Nagbabasa Ka Ba?



ni National Artist Virgilio S. Almario

(Talumpati Para Sa Read Or Die Convention Sa Grand Ballroom ng Hotel Intercon, Lungsod Makati, 03 Pebrero 2007)

READ OR DIE. Mukhang mga kabataan at tigib sa pusok at alab ng damdamin ang mga organisador ng kumbensyong ito. Kaya, naisip nilang maging pangalan ang “Read or Die.” Ang lakas ng dating. Parang “To be or not to be” ni Hamlet. Nagkaroon tuloy ng himig na eksistensyal ang isang matandang sakit ng makabagong lipunang Filipino–ang problema ng edukasyon at ang kaugnay nitong palaisipan kung bakit hindi nagbabasa ang mahigit nobenta porsiyento ng sambayanang Filipino. Sa pamagat ngayon ng ating pagtitipon, parang parusang kamatayan ang hindi magbasa.

E, nagbabasa ka ba?

Medyo nakakainsulto itong itanong sa isang edukadong Filipino. Walang aamin na hindi siya nagbabasa. Bagaman ang totoo’y limitado at diyaryo lamang ang saklaw ng tinatawag niyang pagbasa. Ngunit kahit ang newspaper readers natin ay limitado at hindi umaabot sa isang milyon araw-araw. Isipin natin: Umaabot sa 90 milyon ang ating populasyon at wala pang isang milyon ang bumibili ng peryodiko! Hindi ba’t insulto ang ganitong impormasyon para sa milyon-milyong gradweyt ng kolehiyo sa buong Filipinas? Ang mas malungkot, hindi naman newspaper readers ang nasa isip ng mga promoter ng kumbensyong ito. Pagsasabi nila ng “Read or Die,” gusto nilang bumasa tayo ng libro. Book. Aklat. E, nagbabasa ka ba ng aklat? O siguro, mas maganda: Kailan ka huling nagbasa ng aklat?

May nauunang palagay na nagbabasa tayo at posibleng nakalilimot lamang magbasa nitong nakaraang mga linggo o mga buwan. Ang problema, baka karamihan sa atin ay nakalilimot nang magbasa nitong nakaraang mga taon. O baka marami sa atin ang hindi na bumuklat ng aklat pagkatapos gumaradweyt sa kolehiyo. (Teka, ang assumption ko nga pala ngayon ay mga gradweyt o kahit paano’y estudyante sa kolehiyo ang nasa pagtitipong ito). Dahil nakapanlulumo kapag inisip ang estadistika hinggil sa produksiyon at benta ng libro sa Filipinas. Karaniwang umaabot lamang sa 1,000 kopya ang bawat limbag na libro sa ating bansa. Pag naubos ito sa loob ng santaon, bestseller na. O baka mayaman ang awtor at siya ang bumibili para ipamigay sa mga kamag-anak at kaibigan ang kaniyang aklat.

Ang totoo, daan-daang libo ang kabataang nagtatapos sa kolehiyo taon-taon. Kung kalahati man lang ng nagtatapos taon-taon ay regular na bumibili ng libro at nagbabasa, may malakas at malusog na sana tayong industriya ng libro. Ngunit panaginip lang iyon sa ngayon. Sa textbook lang ngayon yumayaman ang mga pabliser. At kaya malimit madiyaryo ang korupsyon sa pagpili at pagbili ng textbook, lalo na ang DepEd. Kung kumikita lamang sana ang pagbebenta ng trade books, medyo luluwag ang bakbakan sa bidding ng textbook.

Balikan natin ang una kong tanong. Kung ang mga edukado mismo ay hindi nagbabasa ng libro, hindi ba’t mas maiintindihan natin kung bakit hindi nagbabasa ang masa ng sambayanang Filipino? Sa kabilang dako, hindi ko sinasabi na talagang ayaw magbasa ng mga Filipino. Na para bang isinumpa nga tayo ng
Diyos para maging isang bansa na hindi nagbabasa. Nandidiri ako sa mga taong nagsasabi nang gayon. Ibig lamang nilang ipagmalaki na exception sila sa naturang masamang kapalaran ng kanilang mga kababayan. Na mas superyor sila o mas mahusay ang kanilang namanang DNA kaysa ordinaryong Pinoy.

Hindi isang bagay na natural ang pagbabasa. Kaya walang lahi o tribu sa mundo na tamad magbasa. Sa halip, reading is cultured. Itinuturo ang pagbabasa. Inaalagaan bilang bahagi ng kultura. Iniuukit sa isip at puso ng bata, itinatanim sa buong pagkatao niya, upang mahalin niya ang aklat na tulad ng isang hiyas at masarapan niya ang pagbabasa tulad ng McDo o Jollibee. Kaya kung kakaunti ang mambabasa ng aklat sa Filipinas, may malaking problemang pangkultura ang ating bansa. Ang ibig sabihin, bigo ang buong sistema ng kasalukuyang pag-aalaga at pagtuturo sa mga bata magmula sa tahanan, sa komunidad, at sa paaralan. Hindi nagkakaisa ang tahanan, komunidad, paaralan, at iba pang elemento sa kaligiran ng isang musmos upang lumaki siyang isang mambabasa ng aklat.

Napakabigat ng problemang ito. Hindi ito malulutas sa isa o kahit marami pang kumbensyong ganito. Wala ring nag-iisang institusyon sa lipunan na dapat sisihin. Sa tingin ko nga, lahat ng institusyon natin ngayon ay umaambag sa iba’t ibang paraan upang magpatuloy at lumubha ang sakit sa loob ng nakaraang isang siglo. Nabanggit ko na kanina, isang problema itong pang-edukasyon. Ngunit hindi ito problema lamang ng paaralan bagaman malaki ang kinalaman ng paaralan sa paglubha nito. Isang problema itong pang-edukasyon na nangangailangan ng dibdiban at malawakang pagsusuri at ng sistematiko’t nagkakaisang pambansang kampanya upang mailigtas sa parusang kamatayan ang kasalukuyan at dumarating pang henerasyon ng kabataang Filipino.

Napakabigat ng problema ngunit hindi nangangahulugang walang solusyon. Ang totoo, may mga ginawa na’t patuloy na ginagawang kampanya, gaya ng pagdiriwang ng Book Week. Hindi dapat isiping walang silbi ang gayong kampanya. Marahil, kailangan lamang ang higit na sigasig upang higit itong maging epektibo. Kung mamatay, mas pasiglahin. Kung limitado ang puwersa, umakit pa ng sektor upang dumadami ang tagapagtaguyod. Kaugnay nito, ipinagdarasal ko ngayon na hindi maging ningas-kugon ang Read or Die, at kung sakali, inaasahan kong ito ang isang bagong puwersa na pipigil sa patuloy na pagbitay sa ating mga kabayan. Nabanggit ko nang kailangan ang dibdiban at malawakang pagsusuri sa tinatalakay nating problema. Kung baga sa sakit, para itong pigsa. At hindi ito gagaling sa pamamagitan lamang ng patapal-tapal at pag-inom ng gamot. Kung isa nga itong pigsa, kailangang hanapin ang mata nito. Hanapin ang mata at palabasin. Isang makirot na proseso ang pagpapalabas sa mata ng pigsa. Subalit talagang hindi maiiwasan ang pagdanas ng kirot kapag malubha ang karamdaman at kailangan ang matagalang lunas.

Ang tinatawag kong dibdiban at malawakang pagsusuri ay posibleng magdulot ng kirot at sakripisyo sa ating panig. Kung magsusuri mabuti ang bawat sektor at institusyon ng lipunan, natitiyak kong lilitaw at malalantad ang mga pagkukulang at kasalanan ng bawat isa. Masakit aminin iyon, ngunit kailangan upang makabuo ng isang bago’t dinamikong programa ang bawat isa tungo sa pag-aalaga ng bago at nagbabasang Filipino.

Isang halimbawa, ang aspekto ng wika ng edukasyon. Matagal na itong problema ngunit hindi hinaharap. Apektado tayong lahat nito ngunit iniisip nating problema lamang ito ng mga manunulat at guro sa wika. Nakadambana sa ating tatlong konstitusyon nitong ika-20 siglo ang paggamit at pagpapalaganap ng isang wikang pambansa batay sa katutubong wika ng Filipinas. Mainam ito sa edukasyon dahil matagal na ring lumilitaw sa mga eksperimento’t survey na higit na mabilis na natutuo ang bata kapag katutubong wika ang ginagamit sa pag-aaral. Ngunit ano ang nangyayari? Unang-una, walang ginagawa ang buong lipunan, lalo na ang gobyerno, upang mapatupad ang tadhana ng ating tatlong konstitusyon. Ikalawa, at kamakailan, tahasang iniutos ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbalik sa puspusang paggamit ng Ingles bilang wikang panturo sa lahat ng antas ng paaralan. May narinig ba tayong malakas na pagtutol sa executive order ni Pangulong Arroyo? Wala. Pinakamalakas na ang isang sulat ni Mike Luz sa Philippine Daily Inquirer noong 22 Enero at hanggang ngayo’y naghihintay pa ako ng kasunod.

Sa kabilang dako, inaasahan ko ring walang tututol sa atas ni Pangulong Arroyo. Para sa akin, ang atas ni Pangulong Arroyo ay isang pagsasatinig lamang at paglagom sa matagal nating pagbabantulot na ipatupad ang tadhana hinggil sa wikang pambansa ng ating mga konstitusyon. Sa puso ng ating mga puso, gusto natin ang Ingles. Baka marami sa atin ang lihim na pumapalakpak sa utos ng pangulo dahil naniniwala tayo na Ingles ang susi sa ating kaunlaran bilang tao at bilang bansa. Baka marami nga sa atin ngayon ang gusto nang lumabas dahil Filipino ang ginamit ko sa pambukas na talumpating ito. Anupa’t magiging makirot para sa marami sa atin kung sabihin kong isa ang wika ng edukasyon sa mga mata ng pigsa na dapat nating harapin, talakayin, at bigyan ng kaukulang solusyon. Upang higit na lumakas ang ating kampanya hinggil sa pagbabasa, mahalagang isagawa natin ito sa pamamagitan ng isang wika na pinili nating maging wika ng literasi at edukasyon. Kung Ingles, Ingles. Ngunit kung naniniwala tayo sa ating mga konstitusyon at sa mga pag-aaral ng UNESCO at mga edukador ng buong mundo, panahon na para magkaisa tayong isulong ang wikang pambansa–ang Filipino.

Kaugnay nito, isang makabuluhang sangkap ng ating magiging pasiya ang wika ng ating aklat. Kakaunti ang pabliser na naglalathala ng awtor na Filipino. Ngunit sa kakaunting ito, otsenta porsiyento ang naglalathala ng nakasulat sa wikang Ingles. (Kaya pansinin: Puro librong nakasulat sa Ingles, at lalo na’y librong Amerikano, ang karamihan sa librong nilalaman ng mga aklatan sa paaralan at maging ng ilang public library sa probinsiya). Hindi kaya isa itong malaking sanhi sa hindi pagbili ng libro ng ating mga kababayan? O kaya, bakit ang minoryang bihasa sa Ingles ang higit na ibig pagbilhan ng libro ng ating mga pabliser? Bakit hindi nagsasagawa ng malakihang kampanya ang ating mga pabliser upang ipakilala sa madla ang mga aklat na sinulat ng awtor na Filipino at nakasulat sa wikang Filipino? Bakit patuloy nating pinababayaang magumon sa tsismis at krimen ang sambayanang Filipino dahil tabloyd at komiks lamang ang nababasa? Bakit hindi tayo gumawa ng dagdag na sikap upang magkaroon ng pagkakataon ang masa na makabasa ng mabuting panitikan at ng mga aklat na magtuturo sa kanila ng bagong kaalaman, ng mga aklat na mura ngunit pinaghusay ang paglimbag, ng mga aklat na magbibibigay sa kanila ng bagong respeto sa sarili bilang tao at bilang Filipino?

Ang mga usisa kong ito ay hindi nangangahulugang dapat iwaksi ang Ingles. Mali iyon. Kailangan natin ang Ingles at dapat nating patuloy na alagaan ang kaalaman sa Ingles. Ngunit kailangan nating ilagay sa dapat kalagyan ang pag-aaral sa Ingles kaugnay ng ating paniwala na higit nating kailangan ang Filipino bilang wika ng literasi at edukasyong pambansa. Sinabi ko na, makirot ang ganitong pagsusuri’t pasiya dahil nangangahulugan ng pagbabago sa ating luma’t nakamihasang paniwala. Nangangahulugan din ito ng kaunting personal na sakripisyo. Sa kasalukuyan kasi, kahit paano at bilang mga edukado ay wala tayong problema kung patuloy na Ingles ang wika ng mga aklat. Puwede tayong magsawalang-kibo at bayaang magpatuloy ang kasalukuyang kairalan. Walang mawawala sa atin. Ngunit kung tunay na nais nating isangkot ang ating sarili para sa isang pambansang kampanya hinggil sa pagbabasa, kailangan nating maging bayani. Kailangan nating isakripisyo ang sariling interes at kapakanan kung siyang hinihingi para sa lumilitaw na pakinabang ng nakararami. Ang ganitong kabayanihan ang hinihintay ngayon sa ating mga edukado. Hindi natin kailangang makibaka sa digmaan. Hindi natin kailangang umakyat sa bundok. Bilang mga edukado, hinihingi sa atin ng panahon ang pagkilala at pagsangkot sa mga katotohanan upang higit na lumaya ang ating mga kababayan. Ang pagsangkot sa kilusan upang dumami ang mambabasa ay napakahalaga upang lumaya ang sambayanan mula sa kumunoy ng kamangmangan at maging aktibong bahagi sila sa Republika ng Filipinas. Upang kahit paano’y matuto silang sumuri ng mga isyung pampolitika at makaboto nang matalino sa darating na halalan. Napakalaki ng ating maitutulong upang mailigtas ang bayan sa parusang kamatayan.

Wala akong kinalaman sa “Bangon Quezon”

Sa mga nakakakilala at di-nakakakilala sa akin:

Magandang araw.

Kamakailan ay naglabasan sa mga diyaryo ang tungkol sa isang pangkat diumano na naghahangad ng pagbabago para sa Lalawigan ng Quezon. Nagpakilala sila sa media bilang “Bangon Quezon” na pinamumunuan diumano ng isang guro na Joey Delos Reyes ang pangalan. Kung hindi ako nagkakamali ay Huwebes ito lumabas sa Abante. Binati ako ng aking co-teacher dito sa Southern Luzon State University nang mabasa ang diyaryo. Hindi ko nabasa ang eksaktong nilalaman ng artikulo. Ngunit isa lamang ang nais kong linawin sa inyo, hindi ako ang tinutukoy na Joey Delos Reyes. Oo nga at guro ako, ngunit hindi ako kasapi, lalo pa ang nangunguna, sa isang mistulang grupong politikal dito sa lalawigan.

Hindi ako botante sa ating lalawigan. Botante ako sa Valenzuela City, ang kinalakihan kong bayan. Bagamat interes at layunin ko na rin ngayon ang kaunlaran ng Quezon, isinasabuhay ko ang interes at layuning ito sa pamamagitan ng pagtuturo nang buong puso at buong giliw sa ating mga kalalawigan.

Noong Linggo, nakatanggap ako ng text buhat sa aking kaibigan sa Maynila, lumabas daw sa People’s Tonight ang isang artikulo tungkol muli sa “Bangon Quezon” at tinanong ako kung ako ang tinutukoy sa artikulo. Humanap ako ng kopya ng diyaryo, natagpuan ko ang isang artikulong Tagalog sa isang Ingles na tabloid. Sinasabi ng artikulo na isa namang Joel Delos Reyes na guro sa Lucban ang namumuno sa “Bangon Quezon”!

Sa pagkakaalam ko, dalawa lamang ang gurong Delos Reyes sa Lucban: ako at ang aking asawa. Hindi ko na inalam kung ang artikulo sa People’s Tonight ay kaugnay ng unang lumabas na artikulo sa Abante. Ang mahalaga—at ito ang ang aking paglilinaw—hindi ako ang Joey at Joel Delos Reyes na tinutukoy ng mga pahayagang ito. At wala akong kaugnayan sa isang samahang nagpapakilalang “Bangon Quezon.” Isa lamang ang kinabibilangan kong pormal na samahan dito sa Lucban, ang Lucban Historical Society na naging kasapi ako sa bisa ng aking pagkahilig sa Panitikan at Kasaysayan.

Maraming salamat. At muli, isa lamang po itong paglilinaw.

Wednesday, September 2, 2009

Quo vadis pedicab?


Martes ng gabi. Tumawag ako kay Angel para itanong kung ano ang hapunan. Tinapa at adobong kangkong. Katakam-takam. Kaya imbes na sumama ako sa tropa para sa after-work dinner sa malapit at murang kainan saan man sa paligid ng Southern Luzon State University, pagkarinig ko sa kung ano ang ulam namin, hindi na lang ako sumama. Pero hindi natapos sa ulam ang balita sa akin ng aking asawa. Nanonood daw siya ng balita sa channel 2 habang kinakausap ako sa telepono. Umatras na raw sa presidential race si Mar Roxas kasama ang bilin na parang ganito: “bahala na si Noynoy Aquino kung tatakbo siyang pangulo” ng bansa nating kahapis-hapis.

Matagal bago nag-sink-in sa akin ang balita. Umuwi ako sa bahay sakay ng tricycle. Hinarap ang hapunan. Gaya ng nakaugalian ko, dinala ko sa sala ang pagkain. Ipinatong sa mesang rumirilyebong dining table kung gusto kong manood ng telebisyon habang ngumunguya. Pinanood ko ang maraming live coverage sa Club Filipino sa Greenhills. At naroon nga, tutok na tutok, ang mukha ni Mar, Korina, at buong plethora ng kaniyang partido, umiiyak dahil sa pag-atras ni Mar. Pero natutuwa din daw sila sa ipinakitang sakripisyo ng dugong-bughaw na presidentiable. Bumalandra ang maraming pagbati sa “kabayanihan” ni Mar kapalit daw ang pag-isip muna sa kapakanan ng bayan kaysa sa personal na interes nitong maging residente ng palasyo.

Sa isip ko, umatras si Mar dahil nangamote sa huling sarbey. Hindi sakripisyo ang ginawa kundi pag-atras sa isang losing battle. Napagdili-dilihan siguro ni Mar na mas may fighting chance si Noynoy kaysa sa kanya. Sa pagitan ng nguya sa dahon-dahon ng kangkong at pagtistis sa manipis na katawan ng tinapa, lumiwayway ang malaking problemang hindi nagpatulog sa akin: paano na ang M.A. thesis ko?

Ito ang eksaktong pamagat ng aking thesis: “Politiko bilang brand: Ilang pag-aanalisa sa ugnayang politiko-media-tao sa Filipinas sa halalang pampanguluhan 2010.” Nang imungkahi ko kay Dr. Roland Tolentino ang sa simula’y paksa pa lamang ng thesis, sinang-ayunan niya ako. Dahil sa bisa ng dati kong trabaho sa gobyerno, nasaksihan ko kung paano maaaring manipulahin ang imahen ng isang nasa kapangyarihan. Dahil sa ilang kampanyang nasakasihan ko, naramdaman ko ang halaga ng packaging ng politiko. Dahil nakakila ako ng mga PR operator, nasaksihan ko ang pagbuo sa politiko bilang brand na dapat tangkilikin ng madla. Eksakto. Parang hand-book sa image management ang by-product ng thesis ko. Ayos. Lumipas ang isang semestre, nagkaroon na ng adviser ang thesis ko, si Dr. Rhod Nuncio. Pinasimulan na sa akin ang chapter one bilang requirement sa subject na Research. May korte na ang thesis. Nagkasundo kami ni Dr. Nuncio na dalawang presidential candidate lamang ang tututukan ko sa thesis. Dalawang makulay na kandidatong laging nakabalandra sa media sindalas ng patalastas ng kung anu-anong produktong no approved therapeutic claim man o hindi. Una si Manny Villar, at ikalawa ang hindi na nga kakandidatong si Mar. Understatement bukod sa malagkit na cliché ang pagsasabing dumugo ang puso ko dahil sa kaganapan ng huling pangyayari.

Wala nang ibang pupwede pang pagtapatin, si Villar at si Mar lamang. Sila lamang ang nagsasagutan sa mga infommercial. Sila lang ang palagay ko’y may malinaw na storyline sa patalastas. Hindi ang kay Gibo. Hindi ang kay Binay. Hindi ang kay Kabayan. At ngayong nagpaalam na si Mar, sino ang papalit sa nilikha nitong vacuum? Si Mar lamang ang papadyak ng pedicab, kung mayroon mang gagawa nito ay isa na lamang—to borrow Cherrie Gil’s immortal aria—“nothing but a second rate...”. Si Mar lamang at wala nang iba ang magpopolong asul, si Mar lamang ang nasa palengke, si Mar lamang ang may Korina.

Paano na? Paano na ang gagawin kong pag-aanalisa sa pinakamakulay na politiko sa balat ng showbiz cum politika sa bansa? Ano pa ang saysay ng alter ego niyang Mr. Palengke? Paano na ang kakambal niyang polong asul? Ano pa ang saysay ng pinakahihintay kong pinaka-mature at kinaiinipan-ng-lahat-pati-na-mga-anghel-sa-langit-at-sansinukob na kasalang Mar-Korina? Ang pedicab, ano na ang mangyayari sa papalit na hari ng urban-kalsada’t urban-eskinita? Paano na ang “Anak itabi mo, lalaban tayo!”? Paano na ang thesis kong inaamag na sa utak ko ng halos isang taon?

Hindi ako magsasabi ng “Good riddance!” sa nalusaw na kandidatura ni Mar. Hanggang ngayong tinitipa ko ito, hindi ko pa rin maamin sa sarili kong wala na ang paborito kong presidentiable. Hindi pwedeng mawala si Mar dahil pinanghahawakan ko pa rin ang “Hindi ko kayo pababayaan” na binanggit niya sa isang naposturahang palengke kasama ang mga bata’t matandang mukhang galing lahat sa teatro. At paano na ang kasalang inaabang-abangan ko na sinimulan sa pamamagitan ng isang bonggang-bonggang pamamanhikang magku-culminate sa kasalang higit na bongga sa pamamanhikan?

Si Mar ang epitome ng politiko bilang brand. Siya ang sasayaw-sayaw na “Mr. Palengke” na nanguna sa halalang pansenado noong 2004. Siya si “Mr. Palengke” sa bisa ng titulo mula sa Wharton School of Economics ng University of Pennsylvania, sa bisa ng pamumuno sa House Committee on Trade, sa bisa ng pagiging Department of Trade and Industry Secretary noong panahon ni Erap at Gloria. Kung paano ko pupunuan ang kawalan ng isang Mar sa primetime TV ay isa pa ring malaking palaisipan.

Saturday, August 29, 2009

Liham buhat kay Brando Bogart Patalinghug






WARNING: KAILANGAN NG PATNUBAY AT LUBOS NA PAG-UNAWA SA BABASA NG LIHAM SA IBABA

Lavishness kong Achung Borgy,

“Holier than thou” ang jimik ng mga lolo at lola ketch ko sa fublicatien. Banat left and right. Promotion left and right. Blah blah blah. At ano fi? Ni walang pa-excuse sa super over hyper to the max delaysius!!!! Are we getting our kamotes’s worth sa fublicatien na chorva ititch? Fluke, theeeeere goes ur lolah! Chonsider this mga utaw hesfecially two u achung Borgy na may i love: we faid monay—as in hard earned monay ni paflung at mamlung kasesell ng camoteh cues—tapos ni wiz pa-excuse me on the over hyper delayed delayed delayed delayed delayed delayed telecast???? Aba aba aba abakada ina, saan nafunta ang salafi namen? Mag-aalas three o clock na hang Hit bulaga, delayed 2 d maxi fa ren?

At heto fi, bumabanat to the max ang lolo’t lola sa mga guarding guardians instructing instructresses ng flatform, hmmmm. May i ask lang, hindi ba sila ang dapat vantayen?

At ang qualidad ha, as in. Chakading chakadoll. It’s not worth our kamonayanan kakamotehanan. Ang dark the lay-out. Farang sinirokx ng uling. Ang shonget the grafix. Farang foto ng vulag. And for the history majors out there: it’s ur fublicatien, aba’y bakeeeeet—eh history na ang nakasulat eh, huhuhuhuhu. Tekah ngah. Plus the details ha: irreliable (may word bang ganito titah Borgy, achuchu) at well unresearched! Ang lupitaaah!

Yeah right. Estufidyante me. At ur servicios publichos. I was expecting kindahhh, ahmmmm, decent. Pero wiz. Hindi sya txtsulit, smart sulit, globe sulit. Acheche!

Chika pa ng mga lolah kerz: “Walang himala!” Where is the gracious? The nerve ha.

Tekah nga, by the way, highway corrected by: How can this fublicatien bubyuti kung walang praktius and resting on adovo laurels and talisays ang mga lolah nyo sa contest ng trojan wars left and right sa mga island faradises ni achung edward. Hmmmm, kayah fala walang himala.

Sabi nga ng taga-sumwhere out there: “bumatoh ng batoh ang walang churvaness sa fez...”

So why the killing on the student kamoteh bodies, hmmm. Inggiters lang? to the tune of ang fublication nga eh ngayon lang may I afir sa dengdeng ng camp at wiz sa palm of our handz. Tsura lang. Kaya wag mangtsuray at mangchaka. At least the ateh and koyah on the jipni is sumwhaaaat, uhmmmm, visible (ang lakas ng laff ng mga koyah ko!).

Rifit after meeeh, “bumatoh ng batoh ang walang churvaness sa fez...” rifit 10x.

Love lots mwaaah,
Brando Bogart G. Patalinghug


TRANSLATION:

Mahal kong Kuya Borgy,

Turuan mo po akong kumanta at sumayaw. Hindi po ako marunong magsulat.

Nagmamahal,
Brando Bogart G. Patalinghug