Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Friday, March 26, 2010

Si Dog X uli



Takatakatakatakatakatakatakatakatakatakatakata

Hello Pa…
Am here…

Takatakatakatakatakatakatakatakatakatakatakata

In the chopper…
Sowi, don’t hav much time to discuss with you…
This pa…
Yeah, my travel, yep, your chops…
And Brando, your heli-chauffeur… *blink blink*
Yes Pa, I’m goin to… well…

Takatakatakatakatakatakatakatakatakatakatakata

A small small pastoral town…
In Quezon Pa…
Some small town...
Rural...
Primitive...
In Lucbarn, yeah I think it’s Lucbarn…
You know, the noodle town…

Takatakatakatakatakatakatakatakatakatakatakata

Pansit heb heb, primal munch…
Yuuuuck…
Got an SMS from one rah rah of yours…
The guy saw Poochie on the net…
Sez poochie is in Lucbarn…
Yeah, dear dawg…
Poochie…
I searched the net…
Yep, Poochie it is, no doubt…
Got to be there in a jiffy…
Yeah, Lucbarn… Pa…
Miss my Poochie…
Got to land, Pa…
Be there for dinner…
Ow there’s your rah rah, waiting…
Let's touch base after I get hold of Pooch...



Takatakatakatakatakatakatakatakatakatakatakata

Aha…
Miss my Poooch…
That stupid canine…
Aw aw.
Aw aw.
‘Know what, the net’s calling him: Dog X.
D-O-G-X !
Stupid blogger…
That blogger chimp...
Dog X...
Aw aw.
Miss my Pooch…
Aw aw.
Bad dawg...



Takatakatakatakatakatakatakatakatakatakatakata

Ang Lungsod Namin

Tula circa 2002. Enjoy.




Ang Lungsod Namin

.
Progress is a comfortable disease…
______________________- e.e. cummings

______Sumisinghap kami ng dahilang susulingan
Kung bakit kinokolonya ng putik at tubig ang aming lungsod.
Kaya sinimulan naming sisihin ang init ng panahon;
Natutunaw na ang yelo sa magkabilang polo ng mundo.
Sinamantala ng mga mapagkalinga ang dahilang ito
Kaya binaha kami ng ahente—
Ahente ng lupang bukod sa masagana at matayog,
Malayo pa sa gulugod ng lindol;
Ahente ng segurong nananakam ng ganansiya
Kung matitibo’t magpapantay ang paa.

______Totoong peligroso ang huminga-hinga
Sa ganitong lugar, wika ng ilang ayaw nang datnan
Ang tuluyang pangangamkam ng dagat sa aming siyudad.
Pami-pamilya silang lumikas, o tumakas
Palabas ng banlik at lansa.
Katwiran ni Kabayang Bestre,
Hindi na baleng ilado ang biya at tilapya
Basta hindi mamad sa alipunga ang paa.
At ayaw na rin daw niyang makitang
Tuluyang maging Lemuria ang kaniyang lote.

______Nadaig ng lungsod namin ang baratilyo sa palengke.
Sumayad hanggang sa sahig ng prinsa ang halaga
Ng lupang sa kalahatian ng taon ay sapa.
May lote kana, may palaisdaan pa
Ito ang islogan ng nangongomisyon naming alkalde
Sa mga dayong mamimili.

______Isa-isang nabakante ang mga pabrika, bahay, pondahan,
Eskuwelahan, establisimyento, sementeryo, at oo,
Pati luhuran, upuan, kumpisalan ng simbahan.
Pinagmunihan tuloy ng parokyng irelyebo ang patron.
Palitan ng maka-mamamalakaya, maka-dagat,
Maka-isda, maka-kabibeng larawan ng kabanalan.
At kagyat itong isinangguni sa basilika at Tayuman.

______Naiwan kaming walang ipanghuhurnal
Sa bagong bahay at buhay.
Kaya ang kaminero’y naging bihasa sa bintol at patukba,
Ang barbero sa panghahayuma,
Ang mananahi sa panggugulaman.
Ang kantero sa pagpanday ng lawayan.
Ang mamamabrika sa pagtutuyo.
Bawat isa’y puwedeng maging engkargado, mamamakyaw,
Degaton, mamamanti, depende sa kàti ng kati.

Dumalang ang aming kapitbahay
At suminsin ang kapitbaklad.
gayunma’y dumalas ang pagpupulong ng taong bayan
Hinggil sa papalapit na laot.
Walang dapat ikatakot,
Sabi ng taga-Greenhills naming Neptuno’t punong lungsod
(ang haka-haka’y hindi na siya lalangoy
sa susunod na eleksiyon, sa halip ay mag-eendoso
na lamang ng may salapang na sirena o siyokoy).
Dapat pa nga daw itong ikalugod dahil:

Kami ang bagong Venice o Shanghai,
Ang umaapaw sa yamang Mississippi,
Danube, Thames, Orinoco, at Yangtze.
Saan ba ipinagbuntis ang kabihasnan?
Hindi ba’t sa Ganges, Tigris, Euphrates, Nile?

Bawat pagpupulong ay sinelyuhan ng palakpak
Pero isip nami’y may kung anong ngumangatngat.
Dahil kahit anong puna o panukala o imik,
Bumubuka na lamang ang aming hasang at bibig,
Nangangalirang ang kaliskis at palikpik
Dito sa lungsod naming kalmante’t pagkatahi-tahimik.#

Tuesday, March 23, 2010

Kung kailan kailangan

Alam n'yo bang mahirap sumulat ng tulang may sukat, tugma, at sesura? Lalo na 'yung pipilitin mong magkaroon ng sense ang sinulat mo? Hirap kaya nun.

Kung kailan kailangan

I
Ang bumalik at tumugis sa liko-liko’t makiwal
Na kinagisnang landasin ay singhirap ng pagbuhay
Sa kinahantungang abo. Mula antigong senisal,
Susubok ang sambalikat bumuhat sa mutyang bayan
Palayo sa kaba, hapis, poot, at labis na lumbay.

Ito ang kanyang naiwan: dati ring lansa at galas.
Bulaan si Herakletus. Kaytagal nang siniyasat
Ang biyas ng lilong ilog, ngunit sa huli’y nabunyag
Na sadyang walang nag-adyang mahabaging San Nicolas,
At iyong buwayang bato’t Jeronima’y magkabiyak,

Ang sumalubong sa kanya’y ang kinalakhang pilapil.
Suwail na puting tubig, hanging higit na suwail.
Sa ilog, naisip niya, dadaloy muli ang lihim—
Takot na reberendong nagkukubli sa dilim—
Makababa lamang siya sa bapor Tabong ulyanin.

II

Sino ang mag-aakalang pakikitiring singkitid
Ng basal na guni-guni ang mundong nabibilibid
Ngayon ng mga dyaristang may kaliwa’t kanang sukbit
Na ID, at nangangako ng mabulas na press release?
Ramdam ni Ben Zayb ang bukas: ramdam niya ang kilatis
Ng saserdoteng kasangkot, saklot ng libog sa hugis
Ng mga birheng inindyo, inimpyerno at binuntis
Kung di ma’y nagpatiwakal matakasan lang ang lintik;
Ramdam ni Ben Zayb ang bukas ng depotadong humidhid
Sa barya’t kapangyarihan, sa walang hanggang pagpisik
Ng papuring dulot niya, ng kanyang pahina’t titig.
Oo, nasilip ni Ben Zayb ang kinabukasang sibsib
Sa porma’t hitsurang dala ng mataginting na tinig.
Siyang walang atubili at bihirang mangaligkig
Sa mga tinipang sindak na estranghero sa dibdib.
Ngunit mortal pa rin siya dahil minsa’y naliliglig
Ng pagkalito, gaya no’ng may Ehipsiyong sinilip
Sa Quiapo, isang gabing nanlalambot kapapawis
Ang delegasyong nanood sa alaga ni Mr. Leeds.
Mortal siyang nagdaramdam nang hatulang mapapiit
Ang artikulong binunso: anak na himbing sa bisig.
Malayong-malayo siya sa ngangayuning kapatid,
Malayong-malayo ngayon ang Gritong tagapaghatid
Ng katotohanang may bayad at siguradong kapalit
Kung kailan kailangang pumikit at manahimik,
Kung kailan kailangang manghampas at manilamsik.

III

Ang lahat ay hahayaang buhay sa loob ng pader.
Sa mga lumuting guwang maaari kang sumuling;
Sumiksik sa singit-singit lalo’t walang handang piging

Ang lahat ng namumuno, kaya walang magmamatyag
Sa ‘yo, kaibigang Quiroga. Ito ang tamang paglantad.
Ito dapat ang panahong mangumpisal ka nang hayag

Sa mga kinamuhiang kalakaran ng estado.
Ano ang malay mo, bukas, si Quirogang konsulado
Na ang ibansag sa iyo ng padreng kinompromiso

Para lang mahuling buhay ang kaibigan mong Simoun.
At kung masakote na nga’t mahatulang abang pulmo’y
Pupulbusin sa garote, di ba’t ito ang panahong

Pinapangarap mo t’wina, Quiroga? Ikaw na mahal
Kung tumuring sa pautang, gaya ng sa kaibigang
Mahal kung makapadrino sa ‘yong inaasam-asam?

Ang lahat ay hahayaang buhay sa loob ng pader.
At maimbita ka lamang sa maliitan mang piging,
Payo ko, lahat ng utang—kwarta o buhay—burahin.

At manumpa ka sa padre, na lubha kang nagsisisi
Sa pagkampi’t pagkakanlong sa pusakal na ereheng
Nagpahamak sa plano mo. Huwag ka nang jele-jele.

Kailangan mo ng bilis para hindi umagahin,
At baka nga may mangyaring wala sa iyong hiniling.
Gaya kung mapatunayang ang susulingan mong pader

Ay malaong kondenadong haligi’t moog na asin.

IV

Sumampalataya akong maililigtas ko lahat,
Sukdulan mang oras-oras na lumuhod at umiyak.

Nang lubos akong nagmahal, ipinambayad sa utang,
Ipiniit si Basilio, naging tulisan si Amang.

Naninibugho ang Diyos sa inutil na deboto
Kung kaya hatol sa aki’y walang hanggang purgatoryo.

Ngunit hindi magmamaliw ang panata ko sa patron,
Magsalikop man ang langit, maubos man ang panahon.

Mayroong sakit na kayang gamutin ng reberendo
Na may resetang halik daw, malihis lamang sa tukso.

Kung kailan kailangang ipaubaya ang dangal,
Tatalikuran ang buhay, maninirahan sa altar.

Di magmamaliw sa dasal hangga’t ako ay si Juli
Na pumuga sa kumbento’t malilibing sa Tiani.

V

Buhat nang maging turuan ng mga pantas na Tsino
Ang pulbura—at mabuo ang bombang sopistikado,
Pang-umagang kape ko na ang nagbombahan sa mundo.

Mula noo’y kayrami nang kumatawan sa pulbura:
H-bomb, pill box, atomika, mortar, molotov, granada.
Isda ma’y hindi sinanto ng laksang pamalakaya.

Bomba’y nagmetamorposis, di na lang sumasambulat
Na apoy. Ang mga bomba’y pangyayaring nakagulat,
Nakasindak kahit walang nilikhang mortal na sugat.

Lahat ng ito’y hindi lingid sa El Filibusterismo:
Bomba si Ibarrang sawi, nagbalik na alahero
Upang bombahin ang kasal ni Paulita at Juanito;
Bomba rin ang kamatayan ni Juli sa may kumbento;
Bomba kay Intsik Quiroga ang udlot na konsulado;
Bomba kay Ben Zayb ang bunsong sinensurang artikulo;
Bomba kay Simoun si Mariang pumanaw sa beaterio,

VI

Pinabibilis ng bomba ang pagbalik sa alabok.
At kung sakali mang wasto ang alaherong bumantog—
Kung paanong pupurgahin n’ya ng bomba ang balakyot
Na mundo—ay umiikling kasaysayan ang sasagot:
Kung kailan kailangan o hindi dapat pumiyok

Ang isang sutil at bulag, humaling na Isagani.
Disin sana’y ibang-iba ang pagwawakas ng El Fili. #

Friday, March 19, 2010

El Niño ba sa inyo?


Sanlinggo din sigurong nagka-El Niño dito sa Lucban. Mga unang linggo ng Marso. Tapos nag-uulan na uli.

Noong isang linggo, habang bumibili ng kape sa labas ng kampus, inabutan ako ng una’y ambon tapos naging full-fledged ulan. Wala akong bitbit na payong kaya sinagasa ko ang ambon-ulan. Naisipan kong tawagan si Ariel Chua sa Valenzuela habang dinidiligan ng malamig na tubig ang bumbunan ko. Tinanong ko kung mainit ang panahon sa Maynila. Gaya ng lagi nang laman ng primetime balita, mainit daw, bad trip daw, umuusok na sa hirap ang aircon unit ng opisina nila. “Ah, okey,” sabi ko kay Ariel sa kabilang linya ng Sun. “Naliligo kase ‘ko sa ulan ngayon,” dugtong ko. Nabuwisit siyempre. Malinaw naman kasi ang intensyon ko, ang inggitin ang mga kakilalang nagpapraktis na sa alinsangan ng Abril at El Niño, at ang iba ay sa impiyerno.




Habang kumukulo ang aspalto ng Maynila at iba pang bahagi ng bansa, inuulan naman ang Lucban. Sintanda na marahil ng Bundok Banahaw ang ganitong pag-ulan-ulan, noong mga panahong pterodactyl pa imbes na tagak at uwak ang residente ng bundok.




Maraming account sa bundok at sa mismong Lucban na halos buong taon kung ulanin. Ang nababasa (ambiguity intended) ko pa lang ay ang kay Guerra, tungkol sa kanyang biyahe noong 1800s mula Maynila patungong Tayabas na lalawigan pa noon imbes na bayan (o lungsod na yata, hindi mapakali ang bayang ito kasi, bayan-lungsod-bayan-lungsod, basta depende sa whim ng Supreme Court) ngayon. Nabasa ko rin ang isang librong inakda ng isang Heswita tungkol sa mistikal na bundok, rain mountain ang paglalarawan niya sa Banahaw. Kung hindi ako nagkakamali, maulan din kung ilarawan ni Edilberto N. Alegre ang Lucban. Pati yata Wikipedia Lucban is synonymous to ulan.





Pwede kayong bumisita para mapatunayan. Maliban sa ulan, masarap din ang pansit at longganisa dito. Kahit hindi panahon ng El Niño.

Si Dog X


Hindi babagay ang Tagpi kahit pa tagpi-tagping dumi ang kulay niya. Hindi babagay ang Bantay o Bogart dahil hindi naman siya mukhang matapang at lagi pang tulog. Hindi siya si Puti dahil hinding-hindi na siya puti ni brown. Dahil sa kawalan ng apt na pangalan, at baka may nauna nang nagbinyag sa kanya nang hindi ko pa nalalaman, tatawagin ko muna siyang Dog X.

Noong mga unang linggo ko pa lang sa College of Teacher Education dito sa Southern Luzon State University, napansin ko na ang malabasahang si Dog X. Sabi ni Prof. Yao, parang residente na, at pakainin dili si Dog X ng mga utility personnel sa kampus partikular sa gusali namin. Amoy aso si Dog X. Bagay na hindi ko dapat ipagtaka, dahil, dahil aso naman talaga siya sa isip, sa kahol, at sa gawa. Pero asong-gala din pala si Dog X. Nakita ko siya noong isang araw sa labas ng kampus, mga alas sais y medya ng umaga. Sinundan ko si Dog X sa kanyang morning walk papasok sa kampus. Mga dalawandaang metro ang layo ng main gate sa gusaling pinagtuturuan ko na tinatambayan ni Dog X.









Nakahalata yata si Dog X na sinusundan ko siya. Ako man ang lumagay sa katayuan niya, tiyak na maa-annoy din ako. Kumahol nang paingit si Dog X, parang may humampas, parang nasaktan, nang papanhik na siya sa 3rd floor. Wala naman akong ginawang masama maliban sa pitikan siya ng point and shoot ko.

Malay ba niyang nasa blog ko na siya.

Wednesday, March 17, 2010

Nagbabasa na si Bani




Poseur din siya minsan. Pero totoong nakakabasa na ang anak ko. We maintain a culture of reading sa bahay. Usapan na naming mag-asawa 'yun. Gusto ko naman talagang magbasa, kaya kung nasa bahay lang ako, ipinapakita ko kay Bani na masarap magbasa, na enjoy na enjoy ako, na mahalaga sa akin, sa amin ang libro.




Gusto ko 'yung pang-aasar niya sa akin, 'yung iistorbohin niya ako sa pagbabasa, aagawin ang binabasa ko at kunwa'y babasahin din niya, 'yung itatago ang binabasa ko tuwing maiiwan ko sa isang tabi, at pag hinahanap ko na, ngingiti siya ng ngiting may inililihim.





Mabilis siyang magbasa nang malakas. At sa edad niyang maglilima, mayroon na siyang mga paboritong libro, Pinoy man o foreign. Alam na niya kung alin ang mga libro ko, mga libro ng nanay niya, at libro niya. Minsan, sa pang-aasar niya sa akin, sinabi niyang kanya daw ang lahat ng libro ko. Napangiti ako. Huwag lang aangkinin ng anay o paliguan ng baha o kainin ng kung anong trahedya (katok sa kahoy), kanya nga lahat ang mga pinakaiingatan kong libro. Kanyang-kanya.

Tuesday, March 16, 2010

Sining ng Tugma at Sukat sa Lucban


Galing sa pangulo ng Lira ang press release na ito:


LIRA, NCCA to Teach Poetry for Free in the Provinces

The Filipino poetry group Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) and the National Commission for Culture and the Arts (NCCA) will launch the “Sining ng Tugma at Sukat (STS; Art of Rhyme and Meter) 2010” with the first leg in San Fabian, Pangasinan on March 6, 2010.

The STS is a series of free seminar-workshops on poetry in Filipino, to be held in nine towns across nine provinces of Luzon from March to December 2010. Teachers of Filipino from public high schools are the intended beneficiaries, with LIRA and the NCCA’s local partners determining the composition of each town’s delegates.

The STS is on its second year, with the first edition being held in 2008. In that year, LIRA and the NCCA taught poetry to around 430 delegates in ten towns across Luzon, namely General Trias, Cavite; Dagupan City, Pangasinan; City of Manila; Mauban, Quezon; Subic, Zambales; Taguig City; Quezon City; Pasig City; Angono, Rizal; and Sta. Cruz, Zambales.

This year’s first beneficiary is San Fabian, Pangasinan, with the local government unit and the San Fabian National High School serving as hosts. Prof. Michael M. Coroza of LIRA and Ateneo de Manila University will be the lecturer.

The other, tentative, beneficiaries of STS 2010 are Baguio City, Benguet; Sagada, Mountain Province; Vigan City, Ilocos Sur; Lucban, Quezon; Bataan province; the Bicol region; San Antonio, Zambales; and Tuguegarao City, Cagayan. Once confirmed, STS local partners will contact the public high school teachers in Filipino from these areas.

The STS 2010 is one of the fifteen projects for LIRA’s year-long 25th anniversary celebrations. Founded in 1985 by the National Artist for Literature Virgilio S. Almario (alias Rio Alma), LIRA is the premier institute of poets in Filipino. In pursuance of its mission of enriching and promoting Filipino poetry, the organization holds a yearly five-month-long poetry clinic held for the most part in UP Diliman. The STS 2010 is an effort to bring part of this clinic outside of Metro Manila.

The project directors are Phillip Kimpo Jr., president of LIRA, and Beverly W. Siy, immediate former president and creator of the STS. The overall project coordinators are Mariane A.R.T. Abuan and Deborah Rosalind D. Nieto. To contact the STS team, email them at pamunuan@liraonline.org.

Na-malware ka na ba?

Nagmagandang-loob ako sa mga mukhang gustong maka-attend ng libre at may allowance pang writers' workshop. Kaya nagpoposte ako ng link ng blog ko sa mga wall ng kakilala ko sa FB. Idinikit ko sa blog ko 'yung press release ni Joey Baquiran ng U.P. Diliman. Eto ang eksaktong sabi nung isa kong pinostehan, si Carlo, batang Manila Boy:

Warning: Visiting this site may harm your computer!
The website at superkabado.blogspot.com contains elements from the site www.osptp.org, which appears to host malware – software that can hurt your computer or otherwise operate without your consent. Just visiting a site that contains malware can infect your computer.

For detailed information about the problems with these elements, visit the Google Safe Browsing diagnostic page for www.osptp.org. --HAHAHA si Jowie naghohost ng malware!Fri at 6:05pm ·


Na sinang-ayunan naman ni Jay Cool, batang Manila boy ng Parañaque, ng isang "onga".

NYETAH NAGHO-HOST DAW AKO NG MALWARE! Ako magho-host ng malware?! Ako na isang titser na tapat sa tungkulin magho-host ng malware! Ako pah!??!??

Hindi ko naman talaga alam kung ano ang malware kaya tinanong ko ang barkada cum resident techie consultant ko. Heto ang eksaktong text ko kay Percy: Pare gud am. Nagka-malware daw 'yung blog ko. Pano gagawin ko dun?

Sagot ni Percy: Palit agad ang pasword. Then burahin lahat malicious entries. Dnt download anything yet.
(Ito nga ang ginawa ko, pinalitan ko ang password ng blog ko. Sa sobrang hirap tandaan ng password, kailangan ko pang kumuha ng account sa bangko para maideposito ang password, at saka kailangan kong isulat sa pader ng boys cr sa buong kampus. Binura ko ang malicious entries--pero teka, lahat ng isinulat ko bang malisyoso? andami nun--kaya ang ginawa ko na lang, binura ko yung mga gadgets na nagbubuga ng mga painting ng mga sikat na pintor. Saka 'yung quotation ni Homer Simpson at Einstein)

Sagot ko naman: Nag-install kase ko ng mga gadgets e. Last wk. Dun ko nakuha yun. Pag ba binura ko gadgets mawawala rin malware?

Sagot uli ni Percy: Mukhang nakadownload ka ng trojan (bad program posing as good programs). Remove mo muna yung mga widgets na ininstol mo then get an anti virus. Avast or avg wil do. Then install ad aware. Run a thorough scan.

(Nyetah, oo nga, trojan, trojan ano daw? Mukhang masama dahil based on archetypes--literary or otherwise--trojans "is non-self-replicating malware that appears to perform a desirable function for the user but instead facilitates unauthorized access to the user's computer system. The term is derived from the Trojan Horse story in Greek mythology." galing sa wiki. Pero ito ang kagandahan kay Percy, kaya niyang ipaliwanag ang techie talk at gawing lumpen talk para maintindihan ko, o mistulang maiintindihan ko. E di tinanggal ko na nga 'yung widgets--na akala ko, sana, ay pareho ng gadget sa blog. Alam ko pa yung avast at avg, ang hindi ko na nakuha ay yung ad aware, techie talk na uli si Percy)

Sagot ko uli: Hindi pc ko naapektuhan. Hindi ako nag-iinternet sa laptop ko dahil may libre na sa iskul he he. Inaalala ko yung blog. Binura ko na widgets/gadgets ko. Napuntahan mo ba? An0 lumalabas?

Blog lang ang problema ko. Naliligo sa reformat ang pc na ginagamit ko.

Sagot uli ni Percy: Diko pa na check e, nagbabayad ako ng kuryente e.

Pinabili lang pala ng suka.

Sagot ko uli: He he. Sge pare. Binura ko na yung mga gadgets na ininstall ko. pakitingnan nga kung mer0n pa. Salamat.

Meron pang ano? malware? nakikita ba 'yun? Ang hirap magmarunong.

Nga pala, si Percy, 'yung techie na kayang mag-translate ng techie talk patungong lumpen talk, ay siya ring photographer ng retrato ko na dinikitan ng pamagat ng blog. Ganda ng kuha niya sa insekto 'no? Note: hindi ako 'yung insekto.

Monday, March 15, 2010

Welcome po Tita Glo

Dahil foundation week namin, darating ngayon si Tita Glo. Nire-route ang pasukan namin. Imbes na 'yung dating gate, kailangan pa naming umikot dahil sandamakmak na PSG ang umaali-aligid sa kampus. Noon pang nakaraang linggo nakatimbre sa amin ang pagdating ni Tita Glo. Isusuot daw ang pang-Martes na uniporme. Noong hapon ng Biyernes, isusuot naman daw ang pan-Lunes. Balik sa dati. ganyan talaga 'pag bigatin ang bisita. Lahat tentative.

Hindi ko nakursunadahan ang laban ni Clottey. Takot na takot makipagbasagan ng mukha sa pambansang kamao natin. Hindi ko nagustuhan ang laban kaya hayun, ininom ko na lang ang inis ko. Samboteng kabayo at apat na San Mig Light.

At ngayon, Lunes na nga. Late ako ng diyes minutos. Limang minuto lang sana kung hindi nagre-route ang pasukan/labasan namin. Umuulan dito sa Lucban. Palagay ko makakasama ng balita ng Malacañang Press Corps na umuulan sa bahaging ito ng Pinas. At binasbasan ng masaganang ulan si Tita Glo. Positive news.

Tigil ang klase. Tuwang-tuwa ang estudyante.

Friday, March 12, 2010

Libreng Writers' Workshop sa Baler, Aurora, sali na!

Galing ang press release na ito kay Prof. Joey Baquiran ng U.P. Sali na kayo, libre na, may allowance pa. Makakabungguang mukha nyo pa ang pinakamalulupet na writers ng UP Diliman.

THIRD Rogelio Sicat WORKSHOP:
DFPP 2010 national CREATIVE WRITING workshop

The UP Department of Filipino now accepts application to the Third Rogelio Sicat Workshop: DFPP 2010 National Creative Writing Workshop to be held in Baler, Aurora from April 28 to May 2, 2010.

It is open to beginning writers in Filipino, especially college students, who write poems, fiction, and children’s stories.

Applicants must submit the following: manuscripts (12 points, double-spaced, 8x11 inches) of any of the following: five (5) poems, two (2) short stories (10 pages), and two (2) children’s stories (5-7 pages); short bio-note; photo (2x2, colored); and Application Form (find attachment or can be requested via email).

All expenses from UP Diliman to the workshop site are free for the chosen writing fellows. A modest stipend will also be provided.

Send manuscripts to palihangrogeliosicat@yahoo.com.ph not later than April 9, 2010. For further details, please send inquiries to said email address.

Wednesday, March 10, 2010

Parang kandila

Hindi ko alam kung kaninong powerpoint ko nabasa na ang mga titser daw ay parang kandila. Ginoogle ko siyempre kung ano ang eksaktong paglalarawan kung bakit naging kandila ang mga titser. Heto ang na-google ko: "A good teacher is like a candle - it consumes itself to light the way for others." galing dito: http://www.quotegarden.com/teacher-apprec.html. Hindi daw alam kung sino ang may-akda ng kasabihang iyan.

Ayoko ng pang-"Maalaala Mo Kaya" na kuwento. Malungkutin ako. Pero siyempre, hindi maiiwasang kapag usaping titser na, tumatagos sa dibdib ko ang kuwento kahit ayokong pakinggan.

Hindi natupad ng nanay ko ang pangarap niyang maging titser. Natupad ito sa Mamang Binong, ang kapatid na bunso ni Nanay. Maestrong Binong o Maestrong Danal ang tawag kay Mamang Binong sa Obando. Tawag na hindi ko ma-reconcile sa hitsura niya kapag nalalasing. Laging lasing ang Mamang Binong. Ngayon retirado na siyang guro pero aktibo pa rin sa pagtoma. Ang Mamang Binong ang kaisa-isang nakatapos sa magkakapatid.

Titser ang ate at ditse ko. Ang ate, dating titser sa public school sa Obando. Ngayon, titser sa isang iskuwelahan sa UAE. Ayaw ng ate kong maging titser. Gusto niyang maging journalist dati. Ang ditse, titser hanggang ngayon ng mga mag-eelementaraya sa isang paaralang pamparokya sa Valenzuela. Titser ang mga kamag-anak ko sa ama. Siya ang nagmana ng pangarap ni Nanay. Ang ditse, titser na kahit noong titser-titseran ang laro namin.

Titser ang aking asawa. Pangarap na niya ito mula nang maging titser sa hayskul ang paborito niyang titser of all time. Kaiskwela ko siya dati sa Normal. Sa Normal din nagtapos ang Mamang Binong, ang ate at ditse ko, at mga pinsan ko sa ama. Dapat bigyan na kami ng medalya ng Normal.

Natural na marami akong kaibigang titser. Ito marahil ang dahilan kaya emo ako kapag usaping titser na. Kaya ayokong manood ng mga tearjerker na tungkol sa titser.

Hindi ako masyadong nahirapang magdesisyon nang alukin akong magturo sa mga magiging titser dito sa Quezon. Kahit pa ang katumbas nito ay pagliit ng suweldo at pagdami ng preparasyon ng lesson. Iba ang pasok sa akin ng ideyang titser ako ng magiging titser. Ang saya siguro ng nanay ko kung nabubuhay pa.

***

Upos na kandila ang maraming titser pag-uwi sa bahay. Gulpi sa mahabang talakan. Malabo ang mata sa pagre-record at pagtsetsek ng papel. Mabigat ang ulo sa pamomroblema ng hindi naman talaga niya problema kundi problema ng kaniyang mga estudyante. Nauupos na kandila ang titser.

Nang maging titser ako dalawang taon na ang nakararaan, ipinangako ko sa sariling ayokong dalhin sa bahay ang problemang pantitser. Hanggang ngayon, parang estudyanteng dapat turuan ang asawa kong titser kung paano niya hindi dapat madala hanggang sa bahay ang kaniyang problema sa iskuwelahan.

***

Mag-iisang semestre pa lang ako dito sa College of Teacher Education ng Southern Luzon State University. Ni hindi ko masabing nalungkot ako nang mamatay ang isang kasamahan. May ilang kaswal na kuwentuhan lang ang namagitan sa aming mesa. Kinuwentuhan niya ako ng buhay niya bilang titser. Kinuwentuhan niya ako ng mga nangyayarai sa accreditation ng mga unibersidad. Pinahiram niya ako ng format kung paano gumawa ng table of specification sa kolehiyo. Kinuwentuhan niya ako tungkol sa inani nilang lettuce noong Enero. Maliban dun, wala na akong malinaw na naaalala kay Prof. Veloso. Nang mabalitaan kong pumanaw siya, saka ko naman naalala ang kandila. Ang nauupos na kandila.

Kinuhanan ko ng retrato ang nabakante niyang puwesto sa faculty room. Kinuhanan ko rin ang tinipon niyang gamit sa iskuwelahan. Hindi ko naman talaga siya mami-miss kasi hindi ko naman talaga siya nakasama nang matagal. Pero ang totoo, baka mekanismo ko lamang ito para hindi malungkot nang husto.




Bisita ko sa SLSU

Dahil bago lang ako sa Lucban, natural na mas marami akong kaibigan na taga-Maynila. Mga kaibigan buhat sa maraming saray (nyetah bigat ng term no, saray) ng lipunan. May espiritwal, may PBA player, may techie pipol, may corporate junkie, may kritik-kritik, lider-obrero, lider-titser, tibak at nagtitibak-tibakan, makata at nagmamakata-makataan, manunulat at manunulot, at marami pang iba.

Mahilig akong mag-imbita ng mga kaibigan para tumulong sa mga social responsibilities (nyetah, social responsibilities) ko. Kahit noong nasa Valenzuela pa 'ko, hatak-hatak ko na ang mga kaibigan ko para mag-lecture, maging photographer, tumula, magsayaw, gumitara, atbp.

Ngayong nasa Lucban na ko, kasama pa rin siyempre na maghatak ako ng mga kaibigan para sa iba't ibang gawain. Sa loob ng halos dalawang taon, heto silang tumuntong sa SLSU para magbahagi ng kung ano-ano. Nota: hindi kasama ang bisita ko sa mismong Lucban. Marami ito. Bisita ko pa lamang sa mismong iskuwelahan sa pigi ng bundok Banahaw ang tutukuyin ko.

Si Ringgo, akademik. Produkto ng mga Dominikano (nagtapos nang magna) at La Salle Brothers. Naglektyur tungkol sa Understanding by Design sa mga magiging titser balang araw. Babalik next sem sa paaralang humubog sa kaniya para maging titser. Sa paaralang hindi masyadong kursunada ni Pepe Rizal.





Si Rowie. Akademik cum tibak. Produkto ng mga Heswita at La Salle Brothers. Bente otso anyos sa isang taon kung kailan bibigyan siya ng diploma sa Ph. D. Philippine Studies. Naglektyur sa mga magiging titser kung paano magiging alyado ang popular media sa pagtuturo. Kung paanong magiging kakampi imbes na kalaban ng mga titser ang DOTA at Wowoweeeee sa atensiyon ng kanilang mga estudyante. Parang ganun. Note sa retrato: yung pangalawa at pangatlong pic, 'kaibigan' niya yung kasama niya, yung pang-apat, mga kasama ko sa SLSU, si Donn at J-Lo.







Si Eros at Jerry. Si Eros, manunulat, akademik, mangingibig, barako. Produkto ng Normal. nagtuturo ngayon sa paaralan ng mga Dominikano. Sa paaralang hindi masyadong kursunada ni Pepe Rizal. Si Jerry, besfren ko, makata, manunulat ng iskrip na may hubo at kangkangan, manunulat ng tv iskrip sa mga palabas pambatang may lutang na lutang na moral lesson. Walang diploma sa UP kasi hindi nagsauli sa main lib ng libro tungkol sa pako. Naglektyur sila kung paano magsulat.




Si Lourd. Rakista, makata, mananaysay, intelektwal, malapit nang maging pop and rakrakan icon. Sa maniwala kayo o hindi, produkto ng Dominikano. Fellow sa UST Writers' workshop kasama si Eros. Editor ng magasing pansosyal dahil mahal. Rumakrak sa SLSU noong 2009. Kasama sa larawan ang mga kasama kong titser sa isip, sa puso, sa gawa, at higit sa lahat, sa hitsura. Salamat sa blinutooth na retrato galing kay Donn, J-Lo, at Ronero aka Rak en Rol.







Abangan ang mga darating pang kaibigan ko sa SLSU para maghasik ng...